Ang Bagong Magandang Balita Biblia

Ang Banal na Kasulatan

Genesis 18

(Dinalaw ni Yawe si Abraham)
1 Napakita si Yawe kay Abraham malapit sa sagradong puno ng Mambre. Nakaupo si Abraham sa pasu­kan ng kanyang tolda sa kainitan ng araw.

2 Nang tumingin siya, nakita niya ang tatlong lalaking naka­tayong malapit sa kanya. Kaagad siyang tumakbo mula sa bungad ng tolda para salubungin sila. Yumuko siya sa lupa,

3 at sinabing “Aking Pangi­noon, kung mamarapatin ninyo, huwag ninyong lam­pasan ang aking tolda.

4 Hayaan ninyong dalhan ko kayo ng kaunting tubig upang mahugasan ang inyong mga paa at magpahinga kayo sa lilim ng mga punong ito.

5 At yamang narito na rin lamang kayo, ikukuha ko kayo ng kaunting tinapay para manum­balik ang inyong lakas, bago kayo mag­patuloy sa paglalakbay, sapagkat puma­rito kayo sa inyong lingkod.” Sinabi na­man nila: “Gawin mo ang iyong sinabi.”

6 Nagmamadaling pumasok si Abraham sa tolda at sinabi kay Sara: “Dali ka, kumuha ka ng tatlong takal ng harina, masahin iyon at gumawa ng tinapay.”

7 At tumakbo si Abraham sa kawan, kumuha ng isang piling guyang malambot ang laman, ibinigay iyon sa alipin na nag­mamadaling inihanda iyon.

8 At kumuha siya ng mantekilya at kinortang gatas, at inihaing kasama ng nilutong guya para sa mga pana­uhin. Nag­sikain ang mga iyon saman­talang nana­tili siyang naka­tayong malapit sa kanila sa lilim ng puno.

9 Ti­na­nong nila siya: “Na­saan ang asawa mong si Sara?” Suma­got siya: “Nasa loob siya ng tolda.”

10 At sinabi naman niya: “Ba­balik ako sa ganito ring panahon sa isang taon. Sa araw na iyon, may anak nang lalaki si Sara.”

Nakikinig noon si Sara sa may bu­ngad ng tolda sa likuran ng panauhin.

11 Ma­tanda na sina Abraham at Sara, at hindi na dinaratnan si Sara ng kanyang buwa­nang panahon.

12 Kaya napahalakhak si Sara sa kanyang sarili at na­isip: “Ngayong matanda na ako at lanta na, at hukluban na ang aking asawa, ngayon ko pa ba malalasap ang kaligayahang ito?”

13 Pero sinabi ni Yawe kay Abraham: “Bakit humalak­hak si Sara at sinabing – Totoo bang magka­kaanak pa ako ngayong matanda na ako? –

14 May imposible ba kay Yawe? Sa pagbabalik ko sa tak­dang pa­nahon, mayroon nang anak na lalaki si Sara.”

15 Natakot si Sara kaya ikinaila niya iyon at sinabing “Hindi ako humalak­hak.” Ngunit sinabi ni Yawe: “Totoo namang humalakhak ka, a.”

(Namagitan si Abraham para sa Sodom)

16Tumindig ang mga lalaki at nag­simulang maglakad pa-Sodom. Ini­hatid sila ni Abraham para ituro ang daan.

17 At sinabi ni Yawe: “Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin?

18 Kay Abraham nga magmumula ang isang malaki at makapangyarihang bansa. Sa kanya pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig.

19 Pinili ko siya at siya ang mag-uutos sa kanyang mga anak at sambahayang kasunod niya na tahakin ang daan ni Yawe sa paggawa ng matuwid at makatarungan. Sa gayon, tutu­parin ni Yawe ang pangako kay Abraham.”

20 Kaya sinabi ni Yawe: “Sobra na ang eskandalo ng Sodom at Gomorra! At grabe na ang kanilang kasalanan!

21 Pu­pun­tahan ko iyon para patunayan kung totoo nga ang mga sumbong na dumating sa akin. At malalaman kung hindi man gayon.”

22 Lumakad na ang mga lalaki patu­ngong Sodom, ngunit nanatiling naka­tayo si Yawe sa harap ni Abraham.

23 Lumapit si Abraham at sinabi: “Totoo bang lilipulin mo ang mga matuwid ka­sama ng masasama?

24 Paano kung may limam­pung taong matuwid sa lunsod? Totoo bang lilipulin mo ang lahat at hindi pa­tatawarin ang lugar na iyon alang-alang sa limampung matuwid?

25 Hin­di mo magagawa ang gayon na pa­ba­yaang mamatay ang matuwid ka­sama ng ma­sasama, at isa ang gawing trato sa ma­tuwid at masama. Hindi ba magiging ma­ka­tarungan ang Hukom ng buong san­li­butan?”

26 Sinabi ni Yawe: “Kung makata­tagpo ako ng limampung mabuting tao sa So­dom, patatawarin ko ang buong lugar dahil sa kanila.”

27 Muling nag­salita si Abraham: “Alam kong naging pangahas ako sa pakikipag-usap sa aking Panginoon, ako na alabok lamang at abo!

28 Ngunit kung sakaling maging kulang ng lima sa limampu ang bilang ng mga ma­tuwid, wawasa­kin mo ba ang lunsod dahil sa lima?”

Sumagot si Yawe: “Hindi ko wawa­sakin ang lunsod kung makatatagpo ako roon ng apatnapu’t limang matu­wid na tao.”

29 Muli na namang nagsa­lita si Abraham: “E kung apatnapu lamang?” Sumagot siya: “Hindi ko iyon gagawin alang-alang sa apatnapu.”

30 Nag­­patuloy si Abraham: “Huwag sanang magagalit ang aking Panginoon, ngunit pahintulutan mo akong maka­pag­salita. Paano kung tatlumpung ma­tuwid na tao lamang ang nasa lunsod?” Sumagot si Yawe: “Hindi ko iyon wawasakin kung makatatagpo ako roon ng tatlumpu.”

31 Sinabi ni Abraham: “Ngayo’y talagang nagiging pangahas ako sa pakikipag-usap sa aking Panginoon, pero kung dala­wampu na lamang ang matagpuan doon?” Sinabi niya: “Hindi ko wawasakin ang lunsod dahil sa dala­wampu.”

32 Ngunit iginiit ni Abraham: “Huwag naman sanang magagalit ang aking Pa­nginoon, ngunit pahintulutan mo akong magsalita minsan pa. Paano kung sampu na lamang ang matag­puan?” At sumagot si Yawe: “Alang-alang sa sam­pu, hindi ko wawasakin ang lunsod.”

33 Umalis si Yawe matapos makipag-usap kay Abraham, at umuwi naman si Abraham.

May 23, 2007 Posted by | Biblia, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Genesis, Lumang Tipan | 1 Comment

Genesis 17

(Naging Abraham si Abram)

1 Nang siyamnapu’t siyam na taon na si Abram, napakita sa kanya si Yawe at sinabi: Ako ang Diyos na Makapangyarihan. Sikapin mong ako’y bigyang-kasiyahan at pag­sikapang maging ganap.

2 Pagti­tibayin ko sa iyo ang aking pakikipagtipan, at higit pa kitang pararamihin.”

3 Nagpatirapa si Abram at sinabi sa kanya ng Diyos:

4 “Ito ang aking tipan sa iyo: magiging ama ka ng maraming bansa.

5 Hindi ka na tatawaging Abram kundi Abraham, sapagkat gagawin ki­tang ama ng maraming bansa.

6 Pabu­bungahin kita nang maraming-marami; gagawin kitang mga bansa; mga hari’y lilitaw mula sa iyo.

7 At pagtitibayin ko ang aking tipan sa ating dalawa at sa iyong inapo, isang tipang panghabang panahon, sa lahat ng salinlahing su­su­nod sa iyo: mula ngayon at mag­pa­­­kailanman, ako ang magiging Diyos mo at ng iyong mga inapong susunod sa iyo.

8 Ibibigay ko sa iyo at sa iyong ina­pong susunod sa iyo ang lupang iyong tinutuntungan. Magiging iyo ang buong lupain ng Kanaan habang panahon. At ako ang magiging Diyos nila.”

(Ang pagtutuli)

9Sinabi ng Diyos kay Abraham: “Sa panig mo naman, magiging tapat ka sa aking tipan, ikaw at ang iyong mga ina­pong kasunod mo sa sali’t salin­lahi.

10Ito ang aking pakikipagtipan sa iyo na dapat ninyong tuparin, ikaw at ang iyong mga inapong kasunod mo: tutuliin ang lahat ng lalaki sa inyo.

11Puputulin ninyo ang du­long balat ng inyong ari at ito ang ma­giging tatak ng aking paki­kipagtipan.

12Sa sali’t salinlahing darating, dapat ninyong tuliin ang lahat ng lalaki sa inyo na walong araw ang edad pati ang mga isisilang sa iyong sambahayan o ang mga dayu­hang binili ng salapi bilang mga alipin.

13Isinilang man sila sa iyong sambahayan o binili bilang mga alipin, dapat silang tuliin. Tatag­layin ninyong lahat sa inyong laman ang tatak ng aking Tipan, isang tipang panghabang pana­hon.

14Palalayasin mula sa kanyang angkan ang sinu­mang supot, ang lalaking hindi tinuli sa laman: sinira niya ang aking Tipan.”

15 Sinabi ng Diyos kay Abraham: “At hindi mo na tatawaging Saray ang iyong asawang si Saray kundi Sara.

16 Pagpa­palain ko siya at bibigyan kita ng anak na lalaki sa kanya. Pag­pa­palain ko siya at gagawin ko siyang mga bansa, mga hari’y lilitaw mula sa kanya.”

17 Nagpatirapa si Abraham, humalakhak at sinabi sa sarili: “Magkakaanak pa kaya ang isang taong isandaang taon na? At magka­kaanak pa ba si Sara e siyamnapung taon na siya?”

18 At sinabi ni Abraham sa Diyos: “Si Ismael na lang…”

19 Ngunit sinabi ng Diyos: “Hindi! Ang iyong asawang si Sara ang magbi­bigay sa iyo ng anak na lalaki at panganga­lanan mo siyang Isaac. Pag­­t­i­tibayin ko ang aking tipan sa kanya bilang isang walang hang­gang paki­kipagtipan sa kanya at sa kan­yang mga inapong kasunod niya.

20 Tungkol naman kay Ismael, narinig kita. Pinagpala ko siya at pabubungahin at pararamihin ko siya – mara­ming-marami. Magiging ama siya ng labin­dalawang prinsipe, at gagawin ko siyang isang mala­king bansa.

21 Ngunit kay Isaac na isisilang sa iyo ni Sara sa panahong ito sa isang taon ako makikipagtipan.”

22 At umalis ang Diyos matapos makipag-usap kay Abraham.

23 At tinuli ni Abraham si Ismael na kanyang anak at ang lahat ng isinilang sa kanyang sambahayan at lahat ng binili niya, ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan gaya ng sinabi sa kanya ng Diyos.

24 Siyamnapu’t siyam na taon si Abraham nang siya ay tuliin,

25 at labin­tatlong taon naman ang kanyang anak na si Ismael.

26 Tinuli si Abraham at ang kanyang anak na si Ismael sa iisang araw.

27 At tinuli ring kasama niya ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan, maging isini­lang sa kanyang sambahayan o mga aliping binili ng salapi sa mga dayuhan.

May 23, 2007 Posted by | Biblia, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Genesis, Lumang Tipan | Leave a comment

Genesis16

(Ang pagsilang ni Ismael)

1 Hindi pa nagkakaanak kay Abram si Saray na asawa niya, ngunit mayroon itong aliping taga-Ehipto na nagngangalang Agar.

2 Kayat sinabi ni Saray kay Abram: “Dahil ginawa akong baog ni Yawe, makipagtalik ka sa aking alipin at baka magkaroon ako ng anak sa pama­magitan niya.” Sumang-ayon si Abram sa sinabi ni Saray.

3 Sampung taon na sa Kanaan si Abram, at noon kinuha ni Saray ang kanyang aliping si Agar na taga-Ehipto at ibinigay sa kanyang asawang si Abram bilang maybahay nito.

4 Naki­pagtalik si Abram kay Agar at nabuntis ito.

Nang malaman ni Agar na buntis siya, sinimulan niyang hamakin si Saray.

5 Kaya sinabi ni Saray kay Abram: “Ikaw ang dahilan ng pag­­ha­mak na ito sa akin! Ibinigay ko sa iyo ang aking alipin at nayong nakita niyang buntis siya, hina­hamak na niya ako. Alam ni Yawe na ikaw ang may gawa nito.”

6 Sinabi naman ni Abram: “Nasa mga kamay mo ang iyong alipin; gawin mo sa kanya ang gusto mo.” At minaltrato ni Saray si Agar kaya lumayas iyon.

7Natagpuan si Agar ng Anghel ni Yawe, malapit sa isang bukal sa dis­yerto (ito ang bukal na nasa tabi ng daang papuntang Sur),

8at sinabi sa kanya: “Agar, alipin ni Saray, saan ka galing at saan ka pupunta?” Sumagot ito: “Luma­yas ako sa aking among si Saray.”

9Su­ma­got ang Anghel ni Yawe: “Bumalik ka sa iyong amo at sumunod ka sa kanya.”

10Sinabi pa ng Anghel ni Yawe sa kanya: “Pararamihin ko ang iyong mga inapo hanggang hindi na sila mabilang.”

11At sinabi pa rin ng Anghel ni Yawe sa kanya: “Nagdada­lantao ka ngayon, at magkaka­anak at pangangalanan mo siyang Ismael sapagkat dininig ni Yawe ang iyong da­lamhati.

12Matutulad siya sa mailap na asno. Siya laban sa lahat, at lahat laban sa kanya. Hahamunin niya ang lahat niyang kapwa.”

13 Si Yaweng nakipag-usap kay Agar ay tinawag niya sa pangalang ito: “Ikaw si El-roi,” na ibig sabihi’y “Nakita ko siya na nakakakita sa akin.”

14 Kaya tinawag na “Balon ni Lahay-Roi” ang balong iyon; nasa pagitan pa rin iyon ng Kades at Bered hanggang ngayon.

15 Nagsilang si Agar ng isang lalaki at pinangalanan ni Abram ang sanggol na kaloob sa kanya ni Agar ng Ismael.

16 Walumpu’t anim na taon si Abram nang ipanganak ni Agar si Ismael.

May 23, 2007 Posted by | Biblia, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Genesis, Lumang Tipan | Leave a comment

Genesis 15

1 Isang sali­ta ni Yawe ang duma­ting kay Abram sa pangi­tain: “Huwag kang matakot, Abram. Ako ang iyong kalasag; kay laki ng ma­giging gantimpala mo!”

2 Sinabi ni Abram: “Yaweng Panginoon ko, ano ang mai­bibigay mo sa akin? Mamamatay akong walang anak, kaya mapu­punta lamang kay Eliezer ng Damasco ang lahat ng aking ari-arian.

3 Hindi mo ako binigyan ng anak, kaya isa sa mga alipin ko ang aking ma­giging tagapag­mana.”

4 At sa mga sandaling iyon, isang salita ni Yawe ang muling dumating kay Abram: “Hindi si Eliezer ang magiging tagapagmana mo, kundi ang isang anak na lalaki na isisilang mula sa iyo.”

5 Kaya inilabas siya ni Yawe at sinabi sa kanya: “Tumi­ngala ka sa langit, at bilangin ang mga bituin kung kaya mo. Ganyan din ang magi­ging mga inapo mo.”

6 Naniwala si Abram kay Yawe at da­hil dito kinilala siya ni Yawe na matuwid.

7 At sinabi pa sa kanya: “Ako si Yawe na naglabas sa iyo mula sa Ur ng Kaldea upang ibigay sa iyo ang lupaing ito bilang ari-arian mo.”

8 Pagkatapos ay nagtanong si Abram: “Panginoon ko, paano ko ma­lalaman na ito nga ay magiging akin?”

9 Suma­got si Yawe: “Dalhan mo ako ng tig-­isang tatlong-taong-gulang na dumalagang baka at kambing at tupa, ng kalapati at batubato.”

10 Dinala ni Abram sa kanya ang lahat ng mga hayop at biniyak sa gitna ang mga iyon, at inilagay na mag­kaharap ang bawat magkabiyak na hiwa. Ngu­nit hindi niya hiniwa ang mga ibon.

11 Umali-aligid ang mga buwitre sa mga karne, ngunit binugaw ni Abram ang mga iyon.

12 Samantalang palubog ang araw, na­katulog nang mahimbing si Abram, at nilukuban siya ng isang nakatatakot na kadiliman.

13 Pagkatapos ay sinabi ni Yawe kay Abram: “Alamin mong mandarayuhan ang iyong mga inapo sa bayan ng mga aalipin at hahamak sa kanila sa loob ng apatnaraang taon.

14 Ngunit parurusa­han ko ang bansang aalipin sa kanila, at pagkatapos niyon ay aalis silang may dalang maraming kayamanan.

15 At ikaw naman, mapayapa mong ma­ka­kapiling ang iyong mga ninuno at ililibing na matanda na.

16 Ang iyong mga inapo sa ikapat na salinlahi ang ba­ba­lik dito, sapagkat hindi pa uma­abot sa sukdulan ang kasamaan ng mga Amorreo upang palayasin ko sila sa lupain.”

17 Pagkalubog ng araw at laganap na ang karimlan, may lumitaw na kalang umuusok at naglalagablab na sulo, at du­maan sa pagitan ng hinating mga ha­yop.

18 Nang araw na iyon, nakipagtipan si Yawe kay Abram at sinabi: “Ibi­bigay ko sa iyong lahi ang lupaing ito, mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa Malaking Ilog, ang Eufrates.

19 Ang lupain ng mga Sineo, Sineseo, Edu­meo,

20 Heteo, Perezeo, Rapaita,

21 Amor­reo, Kananeo, Gergeseo at Yebu­seo.”

May 23, 2007 Posted by | Biblia, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Genesis, Lumang Tipan | Leave a comment

Genesis 14

1 Nang panahong iyon, sina Haring Amrafel ng Senaar, Haring Ariok ng Ponto, Haring Codorlamor ng Elam, at Haring Tadal ng mga Bansa –

2 ay nakipag­digma laban kina Bara, ang hari ng Sodom; Bersa, hari ng Gomorra; Sineab, hari ng Adama; Semeber, hari ng Seboim; at sa hari ng Bela o Soar.

3 Pina­ganib ng lahat ng mga haring ito ang kanilang puwersa sa lambak ng Sidim, na ngayon ay Da­gat ng Asin.

4 Labindalawang taon silang nag­lingkod kay Codorlamor, ngunit nag­himagsik sila sa ikalabintatlong taon.

5 Sa ikalabing-apat na taon, dumating si Codorlamor at ang mga haring kakampi niya at nilupig ang mga Rapaita sa Astarot-Carnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa Save-Cariataim,

6 at ang mga Horeo sa kabundukan ng Seir hanggang sa El Paran, malapit sa disyerto.

7 Pagkatapos ay bumalik sila at nagtungo sa Bukal ng Paghuhukom, iyon ay ang Kades, at sinakop ang buong lupain ng Amalekita, at ng mga Amorreo na nani­nirahan sa Asasontamar.

8 Nagtipon ang mga hari ng Sodom, Go­morra, Adama, Seboim, at Bela o Soar, at pumusisyon sa lambak ng Sidim

9 laban kina Codorlamor, hari ng Elam; Tadal, hari ng mga Bansa; Amrafel, hari ng Sanaar; at Ariok, hari ng Ponto: apat na hari laban sa lima.

10 Noo’y maraming balon ng alkitran sa lam­bak ng Sidim, kaya sa pagtakas ng mga hari ng Sodom at Gomorra, nahulog sa balon ang ilan sa mga tauhan nila, at ang iba’y nagtago sa kabundukan.

11 Kinamkam ng apat na hari ang lahat ng ari-arian ng Sodom at Gomorra, pati ang lahat ng kanilang pagkain, at saka umalis.

12 Binihag din nila si Lot, ang pamangkin ni Abram, na naninirahan sa Sodom, at kinuha ang mga ari-arian nito.

13 May isang nakatakas na pumunta kay Abram na Hebreo, at ibinalita ang nangyari. Nakatira ito sa malapit sa mga malalaking puno ni Mambreng Amorreo na kapatid nina Eskol at Aner: mga kakampi ni Abram.

(Sina Abraham at Melkisedek)

14Nang mabalitaan ni Abram na na­bihag ang kanyang kamag-anak, pumili siya ng tatlundaa’t labingwalong tauhan niya, at hinabol nila ang mga ito hang­gang Dan.

15Hinati niya ang kanyang hukbo at sumalakay kinagabihan, tinalo niya at hinabol ang mga iyon hanggang Hoba, sa hilaga ng Damasco.

16Nabawi niya ang lahat ng ari-arian, ang kanyang kamag-anak na si Lot, at ang mga ari-arian nito, kasama ang mga kababaihan at iba pang mga tao.

17 Sa pagbalik ni Abram, pagkatapos magapi si Codorlamor at ang mga haring kakampi nito, lumabas ang hari ng Sodom upang salubungin siya sa lambak ng Save (na ngayo’y Lambak ng mga Hari).

18 Pagkatapos ay nagdala ng tinapay at alak si Melkisedek, ang hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos.

19 Pinag­pala niya si Abram sa pagsasa­bing, “Pagpalain si Abram ng Kataas-taasang Diyos, Maylalang ng langit at lupa!

20 At dakilain ang Kataas-taasang Diyos sa­pag­­kat inilagay niya sa iyong mga kamay ang mga kaaway mo.” At ibinigay sa kanya ni Abram ang ikasampung bahagi ng lahat.

21 Sinabi ng hari ng Sodom kay Abram: “Ibigay mo sa akin ang mga tao at iyo na ang lahat mong nasam­sam.”

22 Sinabi ni Abram sa hari ng Sodom: “Itinaas ko ang aking kamay kay Yawe, ang Kataas-taasang Diyos, Maylalang ng langit at lupa, at isinum­pa kong

23 hindi ako ku­kuha ni isang hibla man ng sinulid o tali ng sandalyas o anumang bagay sa iyo. Sa gayon ay hindi mo masasabing ‘Dahil sa akin kaya yumaman si Abram’.

24 Wala akong tatang­gapin kahit ano, liban sa kinain ng mga tauhan ko, at sa kaparte ng mga kasa­ma ko – sina Aner, Eskol at Mambre – ipaubaya mo sa kanila ang ka­parte nila.

May 23, 2007 Posted by | Biblia, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Genesis, Lumang Tipan | Leave a comment

Genesis 13

1 Umahon sa Negeb si Abram mula sa Ehipto, kasama ang kanyang asawa at lahat ng kanyang ari-arian. Sumama sa kanya si Lot.

2 Mayaman na si Abram sa mga hayop, pilak at ginto.

3 Naglakad siya mula sa Negeb hanggang Betel, sa lugar na una niyang pinagtayuan ng kanyang tolda, sa pagitan ng Betel at Hay,

4 sa pook na ginawan niya ng altar, at doon tinawag ang Pangalan ni Yawe.
Ang paghihiwalay nina Abram at Lot

5 Si Lot na kasama ni Abram ay mayroon ding mga tupa, mga baka at mga tolda.

6 Masikip na ang lupa sa kanila at sa napakalaki nilang kawan kaya hindi na sila makapagsasama-sama.

7 Sumiklab ang kagalitan sa mga pastol ng mga kawan ni Abram at ni Lot. Nang panahong iyon ay doon din nakatira ang mga Kananeo at Perezeo.

8 Sinabi ni Abram kay Lot: “Huwag tayong mag-away, ni ang ating mga pastol, sapagkat magkapatid tayo!

9 Hindi ba’t nasa harap mo ang buong lupain? Maghiwalay tayo. Kung sa kaliwa ka pupunta, pupunta naman ako sa kanan. At kung sa kanan ka pupunta, sa kaliwa naman ako.

10 Iginala ni Lot ang paningin at nakita niya ang buong kapatagan ng Jordan na sagana sa tubig, dahil bago ginunaw ni Yawe ang Sodom at Gomorra, katulad ito ng hardin ni Yawe, tulad ng lupain ng Ehipto hanggang Soar.

11 Pinili ni Lot para sa kanya ang buong kapatagan ng Jordan, at naglakad pasilangan.
Sa ganitong paraan, naghiwalay silang dalawa.

12 Nanirahan si Abram sa lupain ng Kanaan samantalang si Lot ay namuhay sa mga siyudad sa kapatagan at dinala ang kanyang tolda sa Sodom.

13 Nang mga panahong iyon, napakasama ng mga taga-Sodom at nagkakasala silang lubha kay Yawe.

14 Sinabi ni Yawe kay Abram pagkatapos humiwalay sa kanya si Lot: “Tumingala ka at mula sa iyong kinaroroona’y igala ang iyong tingin sa hilaga, sa timog, sa silangan at sa kanluran.

15 Ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga inapo magpakailanman ang buong lupaing nakikita mo.

16 Gagawin kong sindami ng alikabok sa daigdig ang iyong mga inapo; kayat kung mabibilang ang alikabok, mabibilang din ang iyong mga inapo.

17 Tumindig ka, at lakarin mo ang haba at luwang ng lupain sapagkat ibinibigay ko ito sa iyo.”

18 At inilipat ni Abram ang kanyang mga tolda at tumira sa tabi ng Puno ng Mambre sa Hebron. Doon siya nagtayo ng altat kay Yawe.

May 23, 2007 Posted by | Biblia, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Genesis, Lumang Tipan | Leave a comment

Genesis 12

(Tinawag ng Diyos si Abram)

1 Sinabi ni Yawe kay Abram: “Umalis ka sa iyong bayan, sa iyong lahi, sa sambahayan ng iyong ama, at magpunta ka sa lupang ituturo ko sa iyo.

2 Gagawin kitang isang malaking ba­yan. Pagpapalain kita at gagawin kong dakila ang iyong pangalan, at magiging pagpapala ka sa iba.

3 Pag­papalain ko ang magpapala sa iyo, at susumpain ko ang sinumang susumpa sa iyo. At sa pamamagitan mo’y pag­papalain ang lahat ng bayan sa daigdig.

4 Kaya umalis si Abram ayon sa sinabi ni Yawe, at sumama sa kanya si Lot.

Pitumpu’t limang taong gulang si Abram nang lisanin niya ang Haran.

5 Isi­nama ni Abram si Saray na kanyang asawa, ang pamangking si Lot, lahat ng ari-ariang naipon nila, at ang mga nakuha nilang alipin sa Haran. At umalis sila patungong Kanaan.

Pagdating nila sa Kanaan,

6 nilakbay ni Abram ang lupain hanggang Sikem, sa may Sagradong Puno ng More. Nang panahong iyon, naroon pa ang mga Kananeo.

7 Napakita si Yawe kay Abram at sinabi, “Ibibigay ko ang lu­paing ito sa iyong inapo.” Kaya gu­mawa roon si Abram ng altar kay Yawe na napakita sa kanya.

8 Mula roon ay nagtuloy siya sa kabundukan sa silangan ng Betel at nagtayo ng kanyang tolda, sa pagitan ng Betel sa da­kong kanluran at ng Hay sa dakong si­langan. Doon ay nagtayo rin siya ng al­tar kay Yawe, at tinawag ang kanyang Pangalan.

9 Pagkatapos ay nag­punta siya patungong Negeb.

10Nagkaroon ng taggutom sa lupa­in, kaya lumusong si Abram sa Ehipto para doon pansamantalang tumira, sa­pagkat malubha ang taggutom sa lupa­in.

11Nang papasok na sila sa Ehipto, sinabi ni Abram sa kanyang asawang si Saray: “Alam kong ikaw ay isang napakagandang babae.

12Kapag nakita ka ng mga taga-Ehipto, sasabihin nila: Ito ang kan­yang asawa. Pag­katapos ay papatayin nila ako, ngunit babayaan ka nilang ma­buhay.

13Kaya sabihin mong mag­kapatid tayo para tratuhin nila akong mabuti, at nang hindi nila ako patayin alang-alang sa iyo.”

14 Nang dumating nga si Abram sa Ehipto, nakita ng mga Ehipsiyo na ang babae’y napakaganda.

15 Nakita ng mga opisyal ni Paraon ang babae at pinuri ito sa harap ni Paraon. Kaya dinala ang babae sa palasyo ni Paraon,

16 at dahil sa kanya ay naging mabuti rin ang pakiki­tungo nila kay Abram: binigyan siya ng mga tupa, mga baka, mga asno, mga ali­pin, at mga kamelyo.

17 Ngunit nilapatan ni Yawe ng malu­lubhang karamdaman si Paraon at ang sambahayan niya dahil kay Saray na asawa ni Abram.

18 Kaya ipinatawag ni Paraon si Abram at sinabi: “Ano ang ginawa mo sa akin? Bakit mo ipinag­kaila na asawa mo pala siya?

19 Bakit mo si­nabing ‘Kapatid ko siya,’ kaya naman kinuha ko siya bilang asawa. Sige, ayan na ang asawa mo, kunin mo at umalis na kayo!”

20 At inutusan ni Paraon ang kan­yang mga tauhan na paalisin si Abram, kasama ang asawa nito at lahat ng kan­yang ari-arian.

May 23, 2007 Posted by | Biblia, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Genesis, Lumang Tipan | 1 Comment

Genesis 11

(Ang tore ng Babel)
1 Ang buong daigdig ay may isang wika at isang paraan ng pagsasalita.

2 Galing sa silangan ang mga tao at nakatagpo sila ng isang kapatagan sa lupain ng Sinear at doon nanirahan.
3 At sinabi nila sa isa’t isa: “Gumawa tayo ng mga tisa at lutuin sa apoy.” Tisa ang ginagamit nilang pinakabato at alkitran naman ang semento.

4 Sinabi rin nila: “Halikayo, magtayo tayo ng isang siyudad para sa atin, at ng isang toreng abot hanggang langit ang tuktok upang tumanyag tayo at hindi kakalat-kalat sa balat ng lupa!”
5 Bumaba si Yawe upang tingnan ang siyudad at ang toreng itinatayo ng mga tao.

6 At sinabi ni Yawe: “Iisang bayan lamang silang may iisang wika. Simula lamang ito, at ngayo’y nagagawa nila ang anumang planuhin nila.

7 Halikayo, manaog tayo at guluhin ang kanilang wika upang hindi sila magkaunawaan.”

8 Kaya ikinalat sila ni Yawe sa daigdig at itinigil nila ang pagtatayo sa siyudad.

9 Ito ang dahilan kung bakit tinawag iyong Babel sapagkat doon nabulol ang mga tao dahil kay Yawe at ikinalat niya ang mga tao sa buong daigdig.

10 Ito ang mga lipi ni Sem:
Isandaang taon si Sem nang maging ama siya ni Arfaxad, dalawang taon matapos ang baha.

11 Pagkapanganak kay Arfaxad, nabuhay si Sem nang limandaang taon at nagkaroon ng iba pang mga anak na lalaki at babae.

12 Tatlumpu’t limang taon si Arfaxad nang maging ama siya ni Shela.

13 Pagkapanganak kay Shela, nabuhay si Arfaxad nang apatnaraa’t tatlong taon at nagkaroon ng iba pang mga anak na lalaki at babae.

14 Tatlumpu’t tatlong taon si Shela nang maging ama siya ni Heber.

15 Pagkapanganak kay Heber, nabuhay si Shela nang apatnaraa’t tatlong taon at nagkaroon ng iba pang mga anak na lalaki at babae.
16 Tatlumpu’t apat na taon si Heber nang maging ama siya ni Peleg.

17 Pagkapanganak kay Peleg, nabuhay si Heber nang apatnaraa’t tatlumpung taon at nagkaroon ng iba pang mga anak na lalaki at babae.

18 Tatlumpung taon si Peleg nang maging ama siya ni Reu.

19 Pagkapanganak kay Reu, nabuhay si Peleg nang dalawandaa’t siyam na taon at nagkaroon ng iba pang mga anak na lalaki at babae.

20 Tatlumpu’t dalawang taon si Reu nang maging ama siya ni Serug.

21 Pagkapanganak kay Serug, nabuhay si Reu nang dalawandaa’t pitong taon at nagkaroon ng iba pang mga anak na lalaki at babae.

22 Tatlumpung taong gulang si Serug nang maging ama siya ni Nahor.

23 Pagkapanganak kay Nahor, nabuhay si Serug nang dalawandaang taon at nagkaroon ng iba pang mga anak na lalaki at babae.

24 Dalawampu’t siyam na taon si Nahor nang maging ama siya ni Tera.

25 Pagkapanganak kay Tera, nabuhay si Nahor nang isandaa’t labinsiyam na taon at nagkaroon ng iba pang mga anak na lalaki at babae.
26 Pitumpung taong gulang si Tera nang maging ama siya nina Abram, Nahor at Haran.

27 Ito naman ang lipi ni Tera, si Terang ama nina Abram, Nahor at Haran.
Si Haran ang ama ni Lot.

28 Unang namatay si Haran kaysa kanyang amang si Tera, sa sariling bayan ng Ur sa Kaldea.

29 Nag-asawa kapwa sina Abram at Nahor. Si Saray ang naging asawa ni Abram. Si Milca naman na anak ni Haran ang naging asawa ni Nahor. Si Haran ang ama nina Milca at Yisca.

30 Pero baog si Saray at hindi magkaanak.

31 Kasamang umalis ni Tera sa Ur ng Kaldea ang kanyang anak na si Abram, ang kanyang apong si Lot na anak ni Haran at ang manugang na maybahay ni Abram. At nagpunta sila sa lupain ng Kanaan. Ngunit sa Haran sila nanirahan pagdating nila roon.

32 Nabuhay si Tera nang dalawandaa’t limang taon, at sa Haran siya namatay.

May 23, 2007 Posted by | Biblia, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Genesis, Lumang Tipan | 1 Comment

Genesis 10

(Ang talaan ng mga bansa)

1 Ito ang naging lahi nina Sem, Kam at Yafet na mga anak ni Noe. Ito ang kani-kanilang naging mga anak pagkatapos ng baha:

2 Ang mga anak na lalaki ni Yafet: Gomer, Magog, Madai, Yavan, Tubal, Mosoc at Tiras.

3 Ang mga anak na lalaki ni Gomer: Askenez, Rifat at Togorma.

4 Ang mga anak na lalaki ni Yavan: Elisa, Tarsis, Kittim at Dodanim.

5 Kumalat sila’t dumami sa mga pulo ng mga bansa at sa iba’t ibang rehiyon, bawat isa ayon sa sariling wika, angkan at bansa.

6 Ang mga anak na lalaki ni Kam: Kus, Misraim, Put, Kanaan.

7 Ang mga anak na lalaki ni Kus: Saba, Evila, Sabata, Regma, Sabataca. Ang mga anak na lalaki ni Regma: Saba, Dedan.

8 Si Kus ang ama ni Nimrod na naging unang makapangyarihang pinuno sa daigdig.

9 Napa­kahusay niyang mangangaso sa paningin ni Yawe, at dito nagmula ang kasabihang “Ma­husay na mangangasong tulad ni Nimrod sa paningin ni Yawe.”

10 Nagsimula ang kanyang kaharian sa Babilonia, at sa Arac, Akad at Calane na pawang mga siyudad sa Senaar.

11 Mula sa bansang iyon, nagpunta siya sa Asur at itinayo niya roon ang Ninive, Rejobot-Ir, Calaj

12 at Rese na nasa pagitan ng Ninive at Calaj (ang Malaking Siyu­dad).

13 Si Misraim naman ang ama ng mga taga-Lud, Anam, Lehab, Naftu,

14 Patros, Casluj at Caftor na pinag­­mulan naman ng mga Pilisteo.

15 Si Kanaan ang ama ni Sidon, ang panga­nay, at ng mga Heteo,

16 Yebuseo, Amorreo, Ger­geseo,

17 Heveo, Araceo, Sineo,

18 Aradio, Sa­ma­reo, Amateo. At kumalat ang mga lipi ng mga Kananeo.

19 At umabot ang hang­ganan ng Kanaan mula Sidon hanggang Gaza papuntang Gerar, at patungong Sodom, Gomorra, Adma at Seboim hanggang Lesa.

20 Ito ang mga anak na lalaki ni Kam ayon sa kanilang lipi at wika sa kanilang mga lupain at bansa.

21 Nagkaroon din ng mga anak si Sem na kuya ni Yafet at ninuno ng lahat ng anak ni Heber at ng mga Hebreo.

22 Ang mga anak na lalaki ni Sem: Elam, Asur, Arfaxad, Lud at Aram.

23 Ang mga anak na lalaki ni Aram: Uz, Yul, Gueter at Mas.

24 Si Arfaxad ang ama ni Selaj, at si Selaj ang ama ni Heber.

25 Nagkaroon ng dalawang anak na lalaki si Heber: pinangalanang Peleg ang una sapagkat sa kanyang kapanahunan pinag­parte-parte ang lupa, at pinangalanan namang Yectan ang kanyang kapatid.

26 Si Yectan ang ama nina Elmodad, Salef, Asarmot, Yare,

27 Aduram, Uzal, Decla,

28 Ebal, Abimael, Saba,

29 Ofir, Evila at Hobob. Mga anak silang lahat ni Yectan.

30 Saklaw nila ang lupaing mula sa Mesa hanggang Sefar, ang kabundukan sa silangan.

31 Ito ang mga lipi at mga wika ng mga anak na lalaki ni Sem sa kanilang mga lupain at mga bansa.

32 Ito ang mga lahi ng mga angkan ng mga anak na lalaki ni Noe. Sa mga ito nagsimula ang pagkalat ng mga bansa sa daigdig, pagka­tapos ng baha.

May 23, 2007 Posted by | Biblia, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Genesis, Lumang Tipan | Leave a comment

Genesis 9

(Ang bagong kaayusan ng daigdig)

1 Pinagpala ng Diyos si Noe at ang kanyang mga anak at sinabi sa mga ito: “Maging mabunga kayo, magparami at punuin ang daigdig.

2 Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop sa lupa at lahat ng ibon sa langit, lahat ng gumagapang sa lupa at lahat ng isda sa dagat. Ibibigay ko sa inyo ang mga hayop sa lupa at ang mga isda sa dagat.

3 Magiging pagkain ninyo ang lahat ng gumagalaw at nabubuhay; kung paano kong ibinigay sa inyo ang mga luntiang halaman, ibinibigay ko naman sa inyo ngayon ang lahat-lahat.

4 Huwag lamang ninyong kainin ang karne kasama ang buhay nito na nasa dugo.

5 Isasaalang-alang ko ang buhay ninyo at sisingilin ko ang alinmang hayop at sinumang tao para sa inyong dugo. Papatayin ang sinumang papatay sa inyo, maging tao o hayop. Sisingilin ko mula sa sinumang tao ang buhay ng kanyang kapwa.
6 Sinumang magpadanak sa dugo ng tao, padadanakin din ng tao ang kanyang dugo; pagkat sa larawan ng Diyos nilikha ang tao.
7 Maging mabunga kayo at magparami, at kumalat sa daigdig, at makapangyari rito.”
8 Nagsalita ang Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak:

9 “Pinagtitibay ko nga ang aking pakikipagtipan sa inyo at sa inyong mga inapong kasunod ninyo

10 at sa bawat buhay na nilalang na kasama ninyo: sa mga ibon, sa mababangis na hayop at sa iba pang mga hayop at sa lahat ng kasama ninyong lumabas mula sa daong.

11 Nakikipagtipan ako sa inyo: kailanma’y hindi na lilipulin ng tubig ng baha ang buhay at hindi na magkakaroong muli ng baha na wawasak sa daigdig.”
12 Sinabi ng Diyos: “Ito ang palatandaan ng pakikipagtipan ko sa inyo at sa lahat ng buhay na hayop na kasama ninyo at sa lahat ng darating na salinlahi.

13 Isasaisantabi ko sa mga ulap ang aking pana bilang palatandaan ng aking pakikipagtipan sa buong sangkalupaan.

14 Kapag pinalitaw ko sa mga ulap sa ibabaw ng lupa ang bahaghari,

15 aalalahanin ko ang aking tipan sa inyo at sa lahat ng hayop upang hindi na gunawin ng tubig-baha ang lahat ng buhay.

16 Kapag may bahaghari sa ulap, titingnan ko iyon at aalalahanin ang walang hanggang tipanan ng Diyos at ng lahat ng uri ng buhay na nilalang na nasa ibabaw ng lupa.”

17 Sinabi ng Diyos kay Noe: “Ito ang palatandaan ng aking pakikipagtipan sa lahat ng maybuhay sa ibabaw ng lupa.”
Si Noe at ang kanyang mga anak

18 Sina Sem, Kam at Yafet ang mga anak na lalaki ni Noe na lumabas sa daong. Si Kam ang ninuno ni Kanaan.

19 Sila ang tatlong anak na lalaki ni Noe at sila ang pinagmulan ng lahat ng tao sa buong daigdig.

20 Sinimulan ni Noeng magsasaka ang pagtatanim ng ubasan.

21 Uminom siya ng alak at nalasing at nakatulog nang hubo’t hubad sa loob ng kanyang tolda. 22 Nang makita ni Kam na ninuno ni Kanaan na hubo’t hubad ang kanyang ama, ibinalita niya iyon sa dalawa niyang kapatid na nasa labas.

23 Ngunit kumuha sina Sem at Yafet ng kapa at ibinalabal sa balikat nilang dalawa, patalikod na pumasok at tinakpan ang hubo’t hubad na katawan ng kanilang ama. Humarap sila sa kabila upang hindi nila makita ang pagiging hubo’t hubad ng kanilang ama.

24 Nang mahimasmasan si Noe mula sa kanyang kalasingan, nalaman niya ang ginawa sa kanya ng kanyang bunsong anak.

25 At sinabi niya: “Sumpain ka, Kanaan, maging alipin siya ng mga alipin ng kanyang mga kapatid!”

26 At ipinagpatuloy niya: “Purihin si Yaweng Diyos ni Sem. Maging alipin niya si Kanaan!

27 Palawakin naman ng Diyos ang ari-arian ni Yafet, at tumira ang kanyang lahi sa mga tolda ni Sem! At maging alipin nila si Kanaan!”

28 Nabuhay si Noe nang tatlundaa’t limampung taon pagkatapos ng baha.

29 Sa kabuuan, nabuhay si Noe nang siyamnaraa’t limampung taon. At namatay siya.

May 23, 2007 Posted by | Biblia, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Genesis, Lumang Tipan | Leave a comment