Ang Bagong Magandang Balita Biblia

Ang Banal na Kasulatan

2 Mga Hari: Komentaryo

Patuloy na tinitingnan ng ikalawang Aklat ng Mga Hari ang palalang pagkabulok ng dalawang kaharian sa hilaga at sa timog, ang Israel at ang Juda.

Ngunit magiging pagkakamali kung iisiping sumagana ang bansa sa simula dahil nagkaroon sila ng mga haring mabuti at matuwid na sina David at Solomon. At pagkatapos ay mga masamang hari naman ang sumira ng lahat. O kaya’y mas makasalanan ang bayang Judio na winasak ng mga Kaldeo sa mga kapanahon ni David.

Kung babasahin natin ito nang mabuti, maiintindihan nating hindi parehong mahigpit ang paghuhusga ng sumulat ng libro sa mga nagtatag ng kaharian at sa mga kahalili nila. Mas mahina nga kaya kay Solomon si Yeroboam II na muling nagtayo ng isang masagana at malayang Israel at naghatid ng apatnapung taong kapayapaan? Mas mahina nga kaya ang kanyang pananampalataya? Gayunpama’y nasisiyahan ang unang Aklat ng Mga Hari sa paglalarawan sa luho at kadakilaan ni Solomon, na pawang mga materyal na bagay lamang. Samantalang iisang talata lamang ang inilalaan ng ikalawang Aklat ng Mga Hari para kay Yeroboam II na para bang ang pagkakaroon ng templong iba kaysa nasa Jerusalem ang mula sa simula’y isa nang paghatol sa lahat niyang mga gawa.

Kailangang makita natin dito ang paraan ng pagtuturo ng Diyos. Sa simula’y pinasisigla niya ang kanyang bayan na puwedeng makamit ang kasaganaan at kalayaan. At dahil ang mga taong ito ay nasa sandali ng kanilang kasaysayan na kailangang isagawa ang pagkakamit na ito, hindi ipinakikita sa kanila ng Diyos ang lahat ng negatibong aspekto ng kanilang ginagawa. Hindi niya binibigyang-diin ang mga depekto ni Solomon o ang kawalang-saysay ng kanyang luho. Ngunit pagkatapos ay inaanyayahan naman ng Diyos ang kanyang bayan na magmasid nang may mapanuring diwa. At sa paglalaho ng mataas na pangarap ng kaharian ni Solomon, tinuturuan sila ng Diyos na hangarin nilang kamtin ang mas tumatagal at mas mahalaga – ang Paghahari ng Katarungan.

• 2.1 Ang wakas ni Elias ay huling patotoo sa Diyos na buhay na nagbibigay-buhay sa tao.
Para bang nabubuhay sa kaitaasan si Elias na propetang nag-iisa, at malayo sa kabulukan ng tao. Kaya hindi siya hinahayaang mamatay ng Diyos gaya ng iba. Tulad ni Moises, na ang kinalalagyan ng kanyang libingan ay hindi malaman (Dt 34:6), si Elias din, sa isang partikular na paraan, ay waring nakatatakas sa kamatayan. Ang dalawang haliging ito ng Matandang Tipan, sina Moises at Elias, ay makakasama ni Jesus sa kanyang pagbabagong-anyo. Walang anuman, kahit na kamatayan, ang makalulupig sa nag-alab sa selosong pag-ibig kay Yaweng kanyang Diyos at nakipaglaban nang para lamang sa kanya.
Umakyat si Elias sa langit sa isang ipuipo. Sa pagsasabi ng libro na dinala sa langit si Elias, hindi rito iginigiit ang larawan ng “pag-akyat” (gayundin naman para sa Pag-akyat ni Jesus). Naniniwala ang mga tao nang panahong iyon na nasa kaitaasan ang Diyos. At dahil nakikipag-usap ang Diyos sa mga tao ng bawat dantaon ayon sa kanilang mga kaisipan, gusto niyang maglaho sa paningin ng tao si Elias, na para bang dinadala sa langit.
Ama ko! Ang karwahe ng Israel at mga mangangabayo nito. Ipinapaliwanag ng nakaraan ng Israel ang sigaw na ito ni Eliseo. Sa harap ng kanilang mga kalabang Kananeo na may mga karwaheng pandigma at mga kabayo, kay Yawe nanalig ang mga Israelita na mahinang nasasandatahan. Siya ang tanging lakas ng kanyang bayan at siya ang naging mga karwahe at mangangabayo para sa kanila. Nakikita ni Eliseo na naglalaho ang naging buhay na sagisag ng presensiya at lakas ng Diyos sa piling ng Israel.
Ang mahiwagang paglalaho ni Elias ang magpapasigla sa mga Judio na asahan ang matagumpay na pagdating ni Yawe para simulan ang ganap at panghabampanahong kaharian. Nabuo sa mga Judio ang matibay na paniwalang babalik si Elias sa panahon ding iyon at ihahanda ang pagdating ni Yawe (tingnan Sir 48:1 at Mal 3:32). Tingnan naman ang tungkol sa salita ni Jesus (Mc 9:12).
Iniiwan tayo ng Biblia na nangangapa tungkol sa sinapit ni Elias. Sa ganitong paraan, inihahanda nito ang pagpapahayag sa Muling Pagkabuhay ni Jesus at sa pananampalataya ng Iglesya sa Pag-aakyat kay Mariang kanyang ina.

• 19. Sa lahat ng tauhan sa Biblia, si Eliseo ang lumilitaw na taong binigyan ng kaloob na gumawa ng mga milagro. Ngunit hindi dahil dito kaya siya itinuturing na mas dakila kaysa iba. Nabuhay siya sa piling ng “mga anak ng mga propeta,” na ibig sabihi’y samahan ng mga propeta. Sila’y mga lalaking dukha at medyo panatiko ang pananampalataya. Nabubuhay sila sa mga relihiyosong komunidad kasama ang kani-kanilang mga asawa’t mga anak. Tutulungan nila si Eliseo sa misyon nito (tingnan 1 S 19:18).
Tinatanggap ni Eliseo ang espiritu ni Elias at ipinagpapatuloy ang kanyang misyon. Isinasalaysay sa sumusunod na mga kabanata ang marami niyang himala. Maaaring pinahaba na ang ilan o kaya’y binago ng tradisyon para magbigay ng aral (halimbawa’y ang tungkol sa apatnapu’t dalawang bata).

• 4.1 Sinisimulan dito ang isang serye ng mga milagro ni Eliseo.
Sa lahat ng propeta ng Israel, si Eliseo ang siyang pinakamalapit sa mga dukha at isinasaisantabi ng kanyang panahon. Sa kanilang piling at alang-alang sa kanila ginagawa niya ang karamihan sa kanyang mga himala. Tiyak na ito ang dahilan kung bakit sa pagsasalin sa atin ng mga salaysay na ito ay nananatili pa rin ang linamnam at kulay ng pagkakalahad nito ng mga unang saksi – ang mga dukha at isinasaisantabi. Bagamat mas kabilang sa mga alamat kaysa kasaysayan ang mga tekstong ito, ipinahihiwatig pa rin ng mga ito kung paanong nakikilala ng mga simpleng tao ang kapangyarihang ibinigay ng Diyos sa kanyang propeta para tulungan sila at konsuweluhin.

• 8. Pinag-iisa rito ang lahat ng elemento sa trahedya ng tao: pag-asa, masayang buhay, kamatayan, namimighating puso ng ina na hindi matanggap ang pagkamatay ng anak ng kanyang sinapupunan, ang walang-pag-asang pagtawag niya sa tao ng Diyos.
Kailangang pagnilayang mabuti ang napakamadamdaming pagbuhay na ginagawa ni Eliseo: bibig sa bibig, mata sa mata, kamay sa kamay para ibahagi ang kanyang init at panumbalikin ang buhay. Isa itong natatangi at naiibang konkretong larawan ng isinasagawa ni Kristo sa atin nang “muli niya tayong buhayin” at puspusin niya tayo ng buhay sa madiing hipo niya. Tulad ng sinasabi ni San Patricio na puspos ng sigasig sa kanyang mga pagmimisyon: “Si Kristo sa harap ko, si Kristo sa likod ko; si Kristo sa aking kaliwa, si Kristo sa aking kanan; si Kristo sa akin, si Kristo sa itaas ko.”

• 42. Kailangang ikumpara ang pagpaparaming ito ng tinapay sa dalawang pagpaparaming ginawa ni Jesus. Maraming pagkakahawig ang mga ito sa isa’t isa pero may magkaibang mga kahulugan (ting-nan lalo na ang Jn 6).

• 5.1 May espesyal na lugar sa mga himala ni Eliseo ang pagpapagaling kay Naaman. Madali nating nadidiskubre rito ang isang pagpapaunang paglalarawan ng binyag na lumilinis sa atin mula sa kasalanan.
Tanyag na heneral nga si Naaman pero wala siyang magawa laban sa ketong. Gusto niyang mabago, at iwan ang may sakit niyang balat. At isang pag-asa ang inihahandog sa kanya: sa Israel nagaganap ang gayong mga himala.
Sinabi ng dalagita sa kanyang senyora. Nagsisimula ang lahat sa salita ng isang dalagitang utusan ni Naaman. Gayundin naman, maraming pagkakataon ang sinumang mananampalataya sa kasalukuyang panahon para magsalita o gumawa ng maliit na bagay na magbubunga ng malaking kabutihan at para paharapin sa “Israel” na Iglesya ang naghahanap ng lunas. Hindi sa gawa lamang ng mga dakilang apostol naipahahayag at napalalaganap ang Mabuting Balita.
Tutukuyin ni Jesus sa Ebanghelyo (Lc 4:27) ang pagpapagaling ng dayuhang ito kaysa lahat ng ketongin sa Israel bilang patunay na may malasakit ang Diyos para sa lahat at hindi lamang para sa kanyang mga mananampalataya ayon sa opisyal na tawag sa mga ito.
Nagsugo naman si Eliseo. Sa harap ng propeta, ang heneral ay walang ipinag-iba sa sinumang tao. Walang anumang pribilehiyo para sa kanya, ni espesyal na pakikiharap sa personal na pagkonsulta. Dahil hindi siya bumaba mula sa kanyang karwahe, hindi rin mangunguna si Eliseo sa pagsalubong sa kanya.
Magpunta ka at maligo. Kung anong “madyik” ang inaasahan ni Naaman: mga kilos o mga salitang puno ng makalangit na kapangyarihan. Subalit ang paggaling niya ay magmumula sa simpleng pagdampi ng tubig na umaagos sa lupa ng Diyos. Isang napakaliit na bansa ang Israel pero may mga natatagong yaman ito ng Panginoon.
Kung mahirap na bagay ang ipinagawa sa inyo ng propeta, di ba’t gagawin ninyo ‘yon? Mga kababalaghan ang hinihintay ng mga tao. Simpleng pagsunod naman sa isang salita ang kanyang hinihingi. Ganito rin ang gagawin ni Jesus (Jn 4:46). Hindi ang paggawa ng mahihirap na bagay ang importante, kundi kung ano ang hinihingi ng Diyos. Kadalasa’y dumadaplis lamang tayo sa kanyang Kaharian sapagkat gusto nating gumawa ng mga matinding pagsisikap sa halip na gawin ang mga simpleng bagay na kanyang hinihingi.
Libre ang pagpapagaling. Walang silbi ang di-kapani-paniwalang kayamanang dala ni Naaman. Si Yawe ang siyang nagbibigay, at hindi siya naniningil, at ni hindi niya gustong bayaran natin siya. Lamang ay kapag nadiskubre natin ang kanyang awa, kailangan nating suklian ng kapwa pag-ibig ang pag-ibig.
Sa pagpunta ng aking hari sa templo ng kanyang diyos na Rimmon, kasama niya ako. Alam na ngayon ni Naaman na walang ibang Diyos kundi ang Diyos ng Israel. Pero hindi siya makaaalis sa mundong kanyang kinalalagyan kung saan ibang mga diyos ang pinararangalan. Ipinapakita ng sagot ni Eliseo ang pag-unawa ng Diyos sa harap ng sitwasyong ito.
Ang ganito ring pag-unawa sa mga taong may mabuting kalooban na may ibang mga relihiyon ang ipinahahayag sa ilang teksto ng Genesis at Exodo. Ang mga ito ay mismong sinulat ng mga propeta ng mga grupo ring iyon na nakapaligid kay Eliseo: tingnan Gen 20:1-7 at Ex 18:1-20.
Nalalarawan kay Naaman ang taong may mabuting kalooban na nahawahan ng sakit na walang lunas na walang iba kundi ang kasalanan. At lumalapit siya sa Iglesya para hilingin ang kanyang paggaling. Siya ang taong galing sa malayo at lumalapit sa Iglesya sapagkat nadidiskubre niyang may natatagong bukal ng buhay pala rito. Hindi gumagawa sa ganang sarili ang tubig ng binyag. Galing ang bisa nito sa pagiging pinakadaan nito para makapasok tayo sa bayan ni Kristo, ang Iglesya.

• 6.8 Binibigyang-diin natin ang salaysay na ito na parang pinagaganda ng mga alamat at naglalahad ng pakikisangkot ni Eliseo sa buhay ng bansa. Tinanggap ni Eliseo ang misyong palitan ang hari ng Israel na siyang may kagagawan sa kataksilang panrelihiyon ng kanyang bayan pati na ang hari ng Aram. Di magtatagal at papatayin sina Yoram at Benhadad na binabanggit dito.
Ang mga propeta ng Israel ay mga mensahero at enkargado ng Diyos para sa kaligtasan ng Israel. At ang kaligtasang ito ay hindi lamang pagpunta ng ating mga kaluluwa sa langit gaya ng paniwala ng marami sa atin. Nangangahulugan ito na kailangang maghatid sa pagiging mas mulat at responsable ang buong buhay ng isang sambayanan. Hindi lalago at mamumunga ang bayang Israel (at gayon din ang ating mga sambayanan) nang walang mahabang karanasan ng karahasan, kawalang-katarungan at kasinungalingan, at ng mga lunas para malampasan ang mga ito.
Bigyan sila ng tinapay at tubig (b. 22). Aksyon ng isang propeta: daigin ang masama sa pamamagitan ng kabutihan.
Buksan mo ang kanyang mga mata… Bulagin mo sila… (16, 18, 20) Inilalahad ng mga salitang ito ang pagkakaiba ng mga nakakakita sa sitwasyon ayon sa pagkakita ng Diyos at ng mga nawawala sa sarili nilang karunungan. Gaanong panahon ang inaaksaya natin at ilang beses tayong nagiging paralisado sa sariling mga takot natin sa halip na magpasyang makipagsapalaran at magpatuloy taglay ang pananalig na hindi mabibigo ang Diyos!
Parusahan nawa ako ng Diyos kung nasa mga balikat pa rin ni Eliseo ang kanyang ulo (31). Ipinaliliwanag ng mga salitang ito ng hari na pinapag-alab ni Eliseo ang pakikipaglaban sa mga Arameo gayong hindi ito pangahasang gawin ng mga pinuno. Kung ang mga propeta sa kanilang panahon ay nagpatotoo sa katarungan ng Diyos at hindi natakot na akuin ang responsibilidad sa mga pambansang suliranin, bakit mawawala sa buhay-pulitikal ang mga Kristiyano na siyang mga propeta ng Diyos sa kasalukuyan?

• 9.1 Habang patuloy na naghahari sa Juda 0ang mga inapo ni David, sunud-sunod naman ang mga kudeta sa Israel. Si Eliseo ang nag-utos na pahiran ng langis o italaga si Yehu.

• 30. Hanggang magaling na militar lamang si Yehu. At parang hindi siya nagtagumpay sa kanyang mga pakikipagdigma at nawala sa kanya ang probinsya sa silangan ng Jordan na lupain ng Galaad.
Pero tapat siya sa pananampalataya (tingnan 10:22) at sa paglilingkod kay Yawe. At siya ang inaasahang susugpo sa lahat ng impluwensya ng mga relihiyong banyagang pinapasok ni Izebel. At ito nga ang kanyang ginawa.
Namatay si Izebel na siyang magiging pinakahalimbawa ng babaeng di-makadiyos at pumapatay sa mga lingkod ng Diyos (tingnan Pag 2:20).

• 11.1 Anak nina Ahab at Izebel si Atalia. Nang ma-matay ang kanyang anak na si Ocozias na hari ng Juda, binalak niyang agawin ang kapangyarihan sa pagpatay sa lahat ng kanyang apo. Kung magkakagayo’y mangangahulugan ng katapusan ng lahi ni David ang tagumpay ni Atalia, at bigo ang mga pangako ni Yawe. Subalit mahimalang nakatakas si Yoas sa kamatayan. Makalipas ang anim na taon, bumuo ng isang pakana ang pinuno ng mga pari sa tulong ng “sambayanan sa lupain” o ng mga taong malaya na may lahat ng karapatan bilang mamamayan (14, 18, 19…). Ang mga ito ang nanatiling tapat sa angkan ni David.

Maraming beses na ipinakikita ng kasaysayan kung paanong ang sambayanan ang siyang nagliligtas sa pananampalataya sakaling bigo ang mga nasa kapangyarihan. Kaya sa ikaapat na dantaon pagkarating ni Kristo, tinanggap ng maraming obispong naimpluwensiyahan ng emperador Romano ang mga pagkakamali ni Arius na tumatangging Diyos si Kristo. Sa isang iglesyang ang awtoridad ay galing sa itaas ngunit sa katunaya’y ang emperador ang pumili ng mga obispo, waring walang pag-asa ang sitwasyon sa kabila ng ilang dakilang obispo gaya nina San Hilario at San Atanacio. Ang pagtutol naman ng sambayanang Kristiyano ang nagbigay-katiyakan sa tagumpay ng pananampalataya.
Ibinalik din naman ng pinuno ng mga pari ang batang hari sa trono at sinikap na bigyan ng tamang direksyon. Isang kasunduan ang pinagtibay na nangangako ang sambayanan at ang hari na magiging tapat sa Tipan ni Yawe.

• 12.1 Isinasalaysay ng sumusunod na anim na kabanata ang buhay ng mga kaharian ng Israel at Juda mula kay Yoas hanggang sa pagkawasak ng kaharian ng Israel (na kaharian sa hilaga) noong 721 bago dumating si Kristo. Tumagal ito nang mahigit sa sandaang taon.
Nagkaroon ng apat na hari lamang ang Jerusalem na kabisera ng Juda. Naghari ng tig-apatnapung taon ang unang dalawa.
Maraming pagkatalo naman sa simula ang naranasan ng mga anak ni Yehu sa Israel. Ang kanyang apo sa tuhod, si Yeroboam II, ang magkakamit ng panahon ng kasaganaan sa kanyang mga tagumpay. Samantala’y patuloy sa pananakop ang makapangyarihang mga hari ng Asur sa lahat ng dako. Di magtatagal at manganganib ang Israel sa kanilang mga hukbo at kapangyarihan.

• 14.23 Ang talatang ito lamang ang inilalaan ng Biblia para sa paghahari ni Yeroboam II na hari ng Israel (783-743) gayong siya ang nagpanumbalik ng kadakilaan at kasaganaan ng kaharian.
Pinakahuling pagmamagandang-loob lamang ng Diyos para sa hinamak na sambayanan niya ang nakikita ng awtor sa mga tagumpay ni Yeroboam II.
Ang kasaganaan namang iyon ang nagbigay-daan sa pagsasamantala sa sambayanan. Ito ang panahon ng pamamahayag nina Propeta Oseas at Amos sa kawalang-paniwala ng lahat na magiging maikli ang naturang kasaganaan sapagkat hindi ito nasasalig sa katarungan. Pagkamatay ni Yeroboam, palapit na sa wakas nito ang kaharian ng Samaria.
Sa kabilang dako nama’y patuloy ang pagkakahiwa-hiwalay sa relihiyon. Malayo ang mga Israelitang nasa hilaga mula sa sentro ng relihiyon sa Jerusalem, at hindi magagawang mapanatili ang kanilang pananampalataya sa harap ng mga kaugaliang pagano.

• 15.8 Inilalarawan dito ang pagbagsak ng kaharian sa hilaga. Nabihag ang Samaria sa taong 721 bago kay Kristo. Idineport sa kabilang hangganan ng imperyo ng mga Asirio ang mga tagaroon, at ipinalit naman sa kabilang lugar ang mga taga-malayong probinsyang iyon para ihalo sa mga tagabukid. Ganito ang kaugalian ng mga mananakop na Asirio: alisan ng lugar at paghalu-haluin ang mga tao para mahadlangan ang pag-aalsa.
Mula sa sandaling ito, ang mga Samaritano o mga Israelitang tagahilaga ay magiging isang bayan na ng mga mestiso sa lahi at sa relihiyon. Kayat hinding-hindi sila ituturing ng mga Israelitang taga-Juda bilang mga kapantay nila. Pagkaraan ng pitong dantaon, sa panahon ni Jesus, ang mga Samaritano ang magiging mga karatig-bayang dapat iwasan sapagkat mas maraming pagdududa sa isa’t isa kaysa mga ala-ala.
Kaya naglalaho ang pinakaimportante sa mga kahariang nagmula kina David at Solomon dalawang dantaon mula nang mamatay si Solomon. Isang pag-asa ang maiiwan sa mga Judio: sa pagdating ng Mesiyas, muli niyang pag-iisahin ang Juda at Israel at tatawagin niya ang lahat ng nagkalat sa mga bansa (tingnan Ez 37:15).

• 17.7 Naglaho ang kaharian ng Israel nang malupig ng mga Asirio ang Samaria. Napakaliit at nakabukod ito para labanan ang makapangyarihang karatig-bansa. Gayunpaman, ipinadidiskubre sa atin ng Biblia ang mas malalim na sanhi ng kapahamakang ito: nagtaksil sila kay Yaweng kanilang Diyos.
Pinaglingkuran nila ang kasuklam-suklam nilang mga diyus-diyusan.
Gayong imahen ang unang kahulugan ng diyus-diyusan, ang mga imahen ni Kristo at ng kanyang mga lingkod ay hindi diyus-diyusan gaya ng akala ng mga may makitid na pag-iisip. Ang diyus-diyusan ay anumang iniidolo natin at ipinapalit sa iisang Diyos sa ating puso at buhay. Siya ang Diyos na buhay na nagbibigay-buhay sa lahat ng naglilingkod sa kanya.
Naghahatid naman ng pagkakasakit at kalituhan ang mga diyus-diyusan sa lipunang naglilingkod sa mga ito. Maging ang mga ito’y mga kasangkapan, mga sangkap ng maluhong buhay, mga diyus-diyusang laman at dugo, tuwing pipiliin natin sila, lagi nating nadaramang malungkot tayo at di-malinis.
Subalit may iba pang kahulugan ang pagsasadiyus-diyusan ng Israel. Ang mga diyus-diyusan ang sagisag at instrumento ng banyagang kulturang walang kinalaman sa kanila. Kasama ng mga diyus-diyusan ang mga Kananeo at mga Asirio, inimporta rin nila ang pagsamba sa sex, kasakiman at karahasan. Kinalimutan nila ang mga problema ng kanilang lipunan at nawala ang pagkauhaw sa katarungan na kanilang mana.
Ganito rin ngayon ang pagkaalipin ng mga tao sa mga diyus-diyusan ng konsumerismo… Buong mga pamilya ang nangangayupapa sa harap ng TV, mga “deboto” sa panonood ng mga komersiyal ng kasakiman, mga kung anu-anong palabas at ng kung anumang plano para sa kanila ng isang konsumeristang lipunan. Kayat nawawalang-kakayahan sila na paunlarin ang kanilang buhay sa tunay nilang kalagayan. At nagiging magandang pangarap na lamang ang pagtatayo ng bansa sa katarungan.
Sumunod sila sa mga diyus-diyusang walang-saysay at sila mismo’y nawalang-kabuluhan din (15). Sasabihin din ni Jeremias: “Naglingkod sila sa mga banyagang diyos kayat ipadadala ko silang alipin sa mga lupaing banyaga” (Jer 16:13). Tingnan din ang Mga Hukom 3:7 at Rom 1:24. Kaya sa pagwawalang-halaga sa Diyos nagmumula ang pagkabulok ng tao. At isang mapang-aliping lipunan ang inihahanda ng sinumang naglilingkod sa sarili niyang mga pagnanasa at hangarin.

• 24. Dumaranas ng mga paghihirap ang mga dayuhang dinala sa Samaria. Nagbubunga ito ng kabalisahan sa relihiyon sa kanila: “Galit kaya sa atin ang diyos ng lupaing ito dahil hindi tayo nag-aalay sa kanya ng mga handog?”
Sa harap ng reaksyong ito ng mga taong relihiyoso pero sinauna ang kultura, binibigyang-diin ng sumulat ang mga hinihingi ng pananampalataya:
– hindi sapat ang parangalan si Yawe kasama ng ibang mga diyos. Siya lamang ang kaisa-isahan, at hinihingi niyang wasakin ng tao ang lahat ng diyos na inimbento nito;
– hindi sapat ang mag-alay ng mga handog kay Yawe: ang pagtupad sa kanyang kalooban ang kailangan.

• 18.1 Nagsisimula ang huling bahagi ng mga aklat ng Mga Hari: ang kasaysayan ng nag-iisang kaharian ng Juda. Pinasisigla ng pagbagsak ng Samaria at paglalaho ng kaharian sa hilaga ang pagpapanibago sa relihiyon sa timog.
Ginawa ni Ezekias ang tama sa paningin ni Yawe. Ito ang panahong kakampi ni Haring Ezekias (716-687 bago kay Kristo) si Propeta Isaias. Kung hindi man siya nagkaroon ng kahit na kaunti ng pananampalataya ni David, itinalaga niya ang sarili sa pagtataguyod sa katapatan kay Yawe.
Siya ang nag-alis ng mga altar sa burol. Mapapansin natin dito ang pagsisikap ng mga hari ng Juda para di magkaroon ng iba pang lugar ng pagsamba liban sa Templo ng Jerusalem. Nagpupunta ang mga tao sa maraming santuwaryo sa mga probi-probinsya para mag-alay ng kanilang mga handog kay Yawe na karaniwa’y nahahaluan ng maraming kaugaliang pagano. Sa pagtatampok sa monopolyo ng Templo ng Jerusalem kung saan pinangangalagaan ng mga pari at mga Levitang may pinag-aralan ang kadalisayan ng pananampalataya, pinapaboran ni Ezekias ang reporma sa relihiyon.
Tungkol naman sa tansong ahas na sinira ni Ezekias, tingnan ang Blg 21:4.
Totoo rin na maraming pari at Levitang tumakas sa hilaga ang dumating sa timog sa mga huling araw ng Samaria. Nagawa ng ilan sa kanila na panatilihin ang pananampalataya kay Yawe at ang pagkakaisa ng relihiyon. Dala nila ang mga sagradong libro at maraming matatandang tradisyon tungkol kay Moises at sa nakaraan ng Israel. Magiging napakahalaga ng pangyayaring ito para sa pagsulat sa Biblia at sa reporma ni Yosias sa susunod na dantaon (2 H 22).
Sa taong 701 bago kay Kristo, kinubkob ni Senakerib ang Jerusalem at kinailangang magbayad nang malaki si Ezekias para palayuin ito.
Mula sa 18:17 hanggang sa wakas ng kabanata 19, matutunghayan natin ang mahimalang pagpapalaya sa Jerusalem. Sa totoo’y may dalawang salaysay na maaaring nagsasaad ng dalawang magkasunod na pagpapalaya sa dalawang pagsalakay ng mga Asirio.

• 13. Taong 701, pinapunta ng hari ng Asur ang kanyang mga heneral mula sa Lakis para pasukuin si Ezekias. Pero kailangang bumalik siya sa kanyang lupain at hindi niya natupad ang kanyang mga banta. Isinasalaysay ito sa 18:17-19 at nagtatapos naman sa 19:36-37.
Taong 690, bagong pakikisangkot na isinasalaysay sa 19:10-35. Sa pagkakataong iyon, “lumabas ang Anghel ni Yawe at pinatay ang sandaa’t walumpu’t limang libong sundalo sa kampo ng mga Asirio”. Isinasalaysay ni Herodoto na kilalang paganong manunulat ng kasaysayan ang biglang pagkalipol ng hukbong ito dahil sa isang epidemya. Isang napakanatural na pangyayari! Subalit sa mismong panahong pabagsak na ang Banal na Siyudad at parang mabibigo ang mga pangako ng Diyos, may ilang mga dagang nagkakalat ng nakamamatay na virus. Hindi nagkakamali ang awtor ng Biblia sa pagkakita niya rito ng isang pagpapahayag ng Diyos. Lumaya ang Jerusalem gaya ng ibinalita ni Isaias.
Halos inuulit lamang sa aklat ni Isaias kab. 36 at 37 ang dalawang kabanatang ito. Kaya naman ang salaysay ng unang pagpapalaya ang binibigyang-pansin natin dito. At sa Isaias 37 naman binibigyang-diin ang ikalawang pagpapalaya.
Makipagkasundo kayo sa akin at sumuko (b. 31). Nagmumungkahi ng kapayapaan ang hari ng Asiria sa kundisyong ipadedeport ang mga taga-Jerusalem. Nangangahulugan ito para sa mga Judio ng pagkawala ng kanilang pambansa at panrelihiyong buhay sa pangangalat nila sa ibang mga bayan. Nangangahulugan din ito na wala nang kapangyarihan ang mga inapo ni David at ayon sa kaisipan ng panahong iyon, nalupig na rin si Yawe ng mga diyos ng mga mananakop. At dahil sa mga dahilang ito kaya kikilos si Yawe.
Inaanyayahan tayo ng mga pangyayaring ito na maniwala sa pagsaklolo ng Diyos. Kapag nangako siyang kikilos, hindi siya magkukulang sa kanyang pangako kung hindi tayo magsasawang umasa sa kanya. Laban sa lahat ng inaasahan ng tao, hindi pa rin nagagalaw ang Jerusalem. Ito ang larawan ng pinunong gustong ibagsak ng mga tao dahil sa kanyang katapatan at nananatili naman siyang matatag. Ito ang estudyanteng may isang salita kahit na pagtawanan ng kanyang mga kabarkada ang kanyang pananampalataya. Ito ang mga kabataang nananatiling malinis sa isang kulturang walang moralidad. Ito ang Iglesya na nangaunti na sa iilang mananampalataya at parang nalupig na ng mga puwersang pulitikal subalit lagi pa ring nagtatagumpay.

• 21.1 Patuloy ang malungkot na karanasan ng bayan ng Diyos. Pagkatapos ni Ezekias at ng kanyang mga reporma, kabaligtaran naman ang naging saloobin ng kanyang anak na si Manases. Isa siyang haring walang pananampalataya na bukod sa lantarang pagtataguyod sa pagsamba sa mga diyus-diyusan ay pinag-uusig pa ang mga tapat kay Yawe gaya ng ginawa ni Izebel sa Israel isang dantaon na ang nakalilipas. Sa tulong ng kanyang gobyernong di-makadiyos at puno ng mga krimen, nagtagumpay si Manases na sirain ang pag-asang iniatang ng mga reporma ni Ezekias sa mga inapo ni David.
Mas masahol pa ang ginawa nila kaysa mga bansa. Mas madaling nalilihis ng landas ang mananampalatayang hindi nananatiling tapat kaysa isa nang masama.
Apatnapu’t limang taon ng pagtahimik o pagtatago ng mga tapat at mga propeta ang kanyang paghahari. Labis-labis ang pagtataksil sa Tipan ni Yawe kayat pagkamatay ni Manases, siya ang pinapanagot ng mga propeta sa pagbagsak ng Jerusalem.

• 22.1 Sinundan ni Yosias ang mga yapak ng kanyang amang si David. Sa mga huling araw ng kaharian ng Juda, isang haring “tulad ni David” ang magtatalaga ng kanyang sarili sa pagpapanibagong-sigla sa pananampalataya at pakikipagtipan ni Yawe at sa muling pananakop sa lupain ng mga ninuno.
Pagkamatay ng mga haring umusig sa kanila, dahan-dahang nagigising ang mga tapat. Sa taong 622 bago dumating si Kristo, niyanig ang kaharian ng di-sinasadyang pagkadiskubre sa “Batas”.
Natagpuan ko ang Aklat ng Batas sa Bahay ni Yawe. Sa panahon ng mga naunang kaharian, nalimutan na o itinago ang mga sagradong aklat. Siguradong ang nadiskubre ay ang importanteng bahagi ng Genesis, Exodo at Deuteronomio. Ang huling aklat na ito ay dala ng mga Levita at mga paring dumating mula sa hilaga nang bumagsak ang Samaria. Binibigyang-diin nito ang katapatan sa Tipan ni Yawe, inihahayag nang walang pag-aatubili na buhay o kamatayan ito para sa bayan ng Diyos.
Mapapansin ang bigat ng banal na salita.Mula noo’y pag-uukulang-pansin ni Yosias (na dalawampu’t anim na taon lamang) nang higit sa lahat ang paghubog ng kanyang buhay at ng kanyang bayan ayon sa mga hinihingi ng Batas. Maliwanag para sa kanya na ang proteksyon lamang ni Yawe ang tanging makapagliligtas sa kanyang bayan sa harap ng malalaking bansa. Binibigyang-idea tayo ng paglalarawan sa lahat ng dapat wasakin tungkol sa alon ng paganismo na lumunod sa lahat sa panahon ni Manases.

• 23.15 Sinasamantala ni Yosias ang pagkabulok ng imperyo ng Asiria. Katatapos pa lamang niyang sakupin ang isang bahagi ng lupain ng Israel sa hilaga na sandantaon nang probinsya ng Asiria. Doon ma’y wawasakin din niya ang lahat ng santuwaryo; diyus-diyusan at mga kaugaliang labag sa mga hinihingi ni Yawe.
Ilang taong naniwala ang mga propeta na hindi na magkakatotoo ang malimit na pagbabanta ni Yawe na naghahayag ng ganap na pagkawasak ng Israel. May nakita pa nga sila sa ginagawang pagbawi na balita ng maliligayang araw kung kailan muling pag-iisahin ng Mesiyas ang Juda at Israel bilang iisang bayang may iisang tipan (Jer 31:31).

• 28. Namatay si Yosias na haring repormador na biktima ng isang pagkakamaling pampulitika. Ilang dantaon nang naiipit ang Israel ng Ehipto at Asiria o Asur. Ang Asiria ang pinakabrutal at pinakamalupit na bansa noon. Nang simulang wasakin ng Babilonia sa mga taong iyon ang kapangyarihan ng Asiria, nabahala ang Paraon sa paglakas ng bagong “malaking kapangyarihang” ito. Kaya gusto niyang tulungan ang Asiria na nanghihina na at kalimutan na ang matagal na nilang paglalaban.
Hindi ito pinayagan ni Yosias: inaasam ng kamalayang Judio ang pagkawasak ng “malupit na bansa” (tingnan ang mga propesiya ni Nahum). Paano mapahihintulutan ng Diyos ang pagkamatay ni Yosias na haring banal at repormador? Malaking eskandalo ito sa kamalayang Judio kaya minabuti ng sumulat ng librong ito na tumahimik na lamang. Pagkaraan ng mahabampanahon, sisikaping ipaliwanag ang malungkot na wakas ni Yosias sa pamamagitan ng isang pagkakamaling nagawa niya (2 Kro 35:21). Medyo binibigyang-inspirasyon din ng kanyang pagkamatay ang dakilang propesiya ni Zacarias (12:10) at ang pangalan ng Megiddo na naging sagisag na ng isang sumpa sa Biblia (Pag 16:16).

• 24.8 Nagaganap sa dalawang yugto ang pagkawasak sa kaharian ng Juda:
– 598 bago kay Kristo. Kamamatay pa lamang ni Yoakim. Sa siyudad na nakukubkob, sumuko ang kanyang anak na si Yoakin. Unang pagkatapon sa Babilonia ng mga elite ng lupain. Pinilit ng mga Kaldeo (ang mga taga-Babilonia) si Sedekias na maging hari.
– 587. Naghimagsik si Sedekias laban sa mga Kaldeo. Dumating naman ang mga ito para wasakin ang Jerusalem pati na ang Templo nito. Ikalawang pagkatapon sa Babilonia.
Sinasabi ng Biblia na hindi sana nangyari ang pagkawasak na ito pati na ang nangyari sa Samaria, dahil matapat ang Diyos sa kanyang pakikipagtipan, kung hindi naipon nang naipon ang mga pagkakasala at mga paghihimagsik. Hanggang sa pinakahuling sandali, maililigtas pa sana ang lahat kung nakinig lamang si Haring Sedekias sa mga babala ni Propeta Jeremias (Jer 38).
Subalit salungat sa anumang inaasahan ninuman, muling isisilang ang bansang Judio mula sa mga abo nito, animnapung taon pagkawasak nito. Ipinapakita sa atin ng kasaysayan ang mga malalaking imperyong mga Heteo, Asirio at Kaldeo; ganap na naglaho ang mga ito. Tanging mga estatwa na lamang nila ang makikita sa mga museo, at saka lamang nahukay ang kanilang mga talaan pagkaraan ng tatlumpung dantaon ng ganap na pagkalimot. Subalit babalik sa kanilang lupain ang bayan ng Juda. Matapos dalisayin ng pagsubok at pasiglahin ng mga propeta, magbabalik sila sa paghanap ng isang Bagong Pakikipagtipang mas tapat at mas panloob sa kanilang Diyos. Babalik sila mula sa pagkatapon sa paggabay ni Zorobabel na inapo ni Haring Yoakin at ninuno ni Jesus.

May 30, 2007 - Posted by | 2 Mga Hari, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan

No comments yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: