Ang Bagong Magandang Balita Biblia

Ang Banal na Kasulatan

Esdras: komentaryo

Mga Kaalamang Pangkasaysayan

Isinalaysay sa atin ng mga libro ni Samuel at ng Mga Hari ang limang dantaong walang lagot na kasaysayan ng Israel, mula kay David hanggang sa Pagkatapon sa Babilonia.

At pagkatapos ay dumating naman ang pitumpung taon ng “Pagkabihag” o Pagkatapon. Hindi naman idineport ang buong bayan. Mas malaking bahagi ng sambayanan na binubuo ng maliliit na magsasaka ang naiwan sa kanilang lupain. Pero wala silang mga pinuno o mga lider espirituwal, wala silang ginawa para ibangon ang kanilang bansa. Nabuhay lamang muli ang bansa dahil sa mga itinapon na umuwing kasama ni Zorobabel pabalik sa kanilang lupain. At pagkaraan ng mahirap na pagsisimula, nareorganisa sila sa ilalim ng pamumuno nina Esdras at Nehemias.

Ang Reporma ng Esdras

Hindi lahat ng Judio ay bumalik sa kanilang lupain. Marami sa kanila ang nangibang-bayan na bago pa ang Pagkatapon at nanatili sila sa mga bayang kanilang tinitirhan: sa Ehipto, Asiria, Persia. Ang iba naman sa mga idineport ay hindi umuwi mula sa Babilonia kung saan nila napagtagumpayan ang miserable nilang kalagayan, at sa pagtutulung-tulong ay nagkaroon sila ng magagandang posisyon. Pero ang mga nagsibalik ay pami-pamilyang dumating at bilang mga grupong organisado. Sila ang lubos na nakapagsaloob sa mensahe ng mga propeta na nag-aanyaya sa kanilang itayong muli ang isang Israel na dinalisay at banal.
Para sa kanila, ito ang unang panganib na makakaharap nila sa pagtira sa sariling bayan sa piling ng mga dayuhan at mga Judiong di gaanong mulat sa kanilang misyon: baka mawalan sila ng sigasig. Kaya mahalaga ang gawa nina Esdras at Nehemias sa pagpapanatili sa pagkakabuklod ng mga Judio sa isa’t isa at hiwalay sa lahat ng iba pa. Tingnan lalo na ang problema ng pag-aasawa ng mga may magkaibang relihiyon (Esdras 9-10; Nehemias 9:2 at 13:10-30).
At naging mahalaga ang gawang pambiblia ni Esdras na siyang nagtipon sa mga libro ng Biblia sa unang pagkakataon, at pagkatapos ay ginawang base ng kanilang relihiyon ang Banal na Aklat. Hanggang sa mga sandaling iyon, ang mga libro ng Biblia na meron na noon ay nasa palasyo lamang o sa mga kamay ng mga pari at sapat na para sa bayan ang dumalo sa tradisyunal na mga seremonya sa Templo. Si Esdras ang nagsimula ng isang bagong paraan ng pagsamba kung saan ang pangkomunidad na pagbasa sa Biblia ang magiging base ng buhay relihiyoso ng mga sambayanan. Ito ang maghahatid sa kanila sa isang pananampalatayang mas matatag at mas responsable. Tingnan ang Nehemias 8. Inaalala sa 2 Mac 2:13-14 ang papel ni Esdras sa pagbubuo ng Biblia.
Ang repormang ito ni Esdras ang nagbigay ng mga sariling katangian sa pamayanang Judio pagkatapos ng Pagkatapon sa Babilonia. Ang bayan ng Diyos ay naging isang bayang banal, o bayang nakatalaga sa Diyos at inihiwalay sa iba pa ng maraming harang ng kanilang Batas. Sila ay nabubuhay lamang para ipagpatuloy ang pagsamba sa Kaisa-isahang Diyos, at dahil wala silang pambansang kalayaan, hawak ng mga pari sa ngalan ng Diyos ang kapwa kapangyarihang sibil at panrelihiyon.

Ang Libro Nina Esdras at Nehemias

Sa simula’y iisa lamang ang dalawang librong ito. Binibigyan tayo ng mga ito ng ilang impormasyon tungkol sa ginawa ng dalawang lalaking iyon. Mapapansin ang sumusunod na mga hakbang sa muling pagtatayo sa pamayanang Judio:
– Nagsimula sa dekreto ni Ciro sa taong 538 ang pagbabalik sa Jerusalem ng maraming grupo ng mga itinapon, at doon muling itinatayo ni Zorobabel ANG TEMPLO. (Tingnan ang Esdras 1:1 hanggang 4:5 at 4:24 hanggang 6:2).
– At sinikap namang hadlangan ng mga kaaway ng mga Judio ang muling pagtatayo sa LUNSOD. (Tingnan ang Esdras 4:7-23).
– Mga taong 458 siguro nang dumating si Esdras para buuin ang pamayanan, sa pagta-tadhana sa Batas ni Moises bilang isang panuntunan. (Tingnan ang Esdras 7 hanggang 10).
– Taong 445, dumating naman si Nehemias galing Persia, at sinimulan niya ang muling pagtatayo ng MGA PADER. At pagkatapos ay labindalawang taon niyang pinamahalaan ang Jerusalem. (Tingnan ang Nehemias 1 hanggang 7).
– At sa katapusan, may pangalawang misyon si Nehemias sa taong 425. (Tingnan ang Nehemias 13).

1.1 Kusang-loob na pinauuwi ni Cirong emperador ng Persia ang mga Judiong ipinatapon sa Babilonia.
Kahit na hindi sumasamba si Ciro sa tunay na Diyos, isa siyang magandang halimbawa ng pagpapahintulot sa ibang relihiyon. At ibinibigay siya ng Biblia bilang isang tagapagpalaya ng mga bayang inapi ng mga nauna sa kanya.
Pansinin natin na ang mga tumatanggap lamang na “maging malaya” ang pauuwiin. Walang anumang pagpapalaya o panlabas na tulong para sa walang pakialam. Ang mga may espiritung pinukaw ng Diyos ang magbabalik.
Para maintindihan ang libro ni Esdras, makabubuti ring malaman na sa kabila ng dekreto ni Ciro, ang Jerusalem ay nasa ilalim pa rin ng pamamahala ng Samaria pagdating sa administrasyon. Kaya magkakaroon ng mga problema, dahil ayaw ng mga nasa mataas na lipunan ng Samaria na sila’y mahigitan ng mga kilalang tao ng Juda na bumabalik sa kanilang bayan pagkatapos ng limampung taon ng pagkatapon.

• 3.1 Ang muling pagtatayo ng Templo ay isang pagkakataon sa mga Judio para muling madiskubre ang kanilang kaibahan at pagkabukod-tangi sa lahat ng bansa, sa pagiging mga lingkod ng Kaisa-isahang Diyos. Nagbigay-daan ito para pagtibayin ang kanilang pagka-Judio sa piling ng mga nasa lupain, dahil tungo sa pagkakaisa ang pagtatrabaho nang sama-sama.
Mapapansin din natin na pagkarating na pagkarating ng mga nagsiuwi, bukas-palad silang naghandog ng mga kailangan para sa pagtatayo ng Templo (2:68). Ngunit dalawampung taon pa ang lilipas at kakailanganin ang pakikialam ng mga Propeta Ageo at Zacarias para maisagawa ang napagkasunduang proyekto sa sigasig ng kanilang pagbabalik.

• 4.1 Sa pagtataguyod ni Propeta Ageo (tingnan ang Ageo 2:10), tinanggihan ng mga Judio ang pagtulong ng mga Samaritano para sa pagtatayo ng Templo. Ayaw nilang haluan ng di-malinis ang relihiyosong gawaing ito. Sa ibang salita’y disidido silang magtayo ng isang pamayanang nasasalig sa pagsasabuhay sa Batas, at hindi nila matatanggap na magkaroon ng karapatan sa Templo ang mga taong wala sa daan ng pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob.
Ganito rin sa ngayon. Kahit na gustung-gusto nating tanggapin ang lahat, ang mga bagay na banal ni ang pamumuno sa mga komunidad ay hindi natin maipauubaya sa mga taong di pa nagbabagong-buhay at nagbabalik-loob. At hindi rin natin matatanggap para sa Iglesya ang mga suportang pampulitika na maglalagay sa panganib sa kalayaan nito.
Ang kasaysayang sinimulan sa 4:1-5 ay ipinagpapatuloy sa mga kabanata 5 at 6. Nanatiling matatag ang mga Judio at tinulungan sila ng Diyos. Nagmagandang-loob sa kanila si Tatenai na Persianong gobernador ng probinsyang Kanluran na nasa ibayo ng Eufrates na sumasakop sa buong Palestina, na nasa Samaria ang kapitolyo.

• 6. Ang sulat na matutunghayan sa 4:6-23 ay tungkol sa sumunod na pakikialam ng mga kinikilalang tao sa Samaria, nang sikaping itayo ng mga Judio ang mga pader ng Jerusalem pagkaraan ng ilang taon.

• 7.1 Halos animnapung taon na ang lumipas mula sa isinasalaysay sa kabanata 6 na Paskuwa ng taong 515 hanggang sa misyon ni Esdras. Maaaring dumating si Esdras sa taong 458. Pero puwede rin namang 427 nang siya’y dumating, pagkatapos ng unang misyon ni Nehemias. Kaya dapat basahin ang mga kabanata 7-10 pagkatapos ng kabanata 6 ni Nehemias.
Nasa Persianong probinsya ng Babilonia si Esdras bilang tagapamahala sa mga usaping panrelihiyon ng mga Judio. Pari siya at kabilang sa mga grupong lubos na nagninilay sa Batas ni Moises, sa ilalim ng impluwensya ni Ezekiel. Tinipon nila ang iba’t ibang teksto, at malamang na sila mismo ang nag-edit sa mga libro ng Biblia na bumubuo sa “Batas” na ibig sabihi’y mula Genesis hanggang Deuteronomio sa bersiyon nito sa kasalukuyan. Naintindihan ng mga paring ito na sinisimulan ng Israel ang isang bagong yugto sa kasaysayan nito. Ang Batas ng Diyos ang dapat na pumatnubay sa mga Judiong bumalik mula sa Pagkatapon. Ang batas na ito, na naghihiwalay sa mga Judio mula sa mga di-Judio, at nagsisilbing batayan ng lahat ng detalye ng buhay ang magiging pundasyon ng isang relihiyosong pamayanan – at pulitikal din pagkatapos – na magbubuklod sa kanila bilang bayang nagkakaisa.
Pagdating ni Esdras sa Jerusalem na may opisyal na misyon, balak niyang itadhana ang Batas ni Moises na inedit sa pinakahuling anyo nito: at muling isinilang ang bayang Judio bilang bayan ng Batas.
Gagawin ng Batas ang bayang Judio bilang bayang mas tumutupad at responsable, lingkod ng Diyos sa lahat ng bagay. Pero narito rin ang panganib na maipagkamali ang tunay na pananampalataya sa mga panlabas na gawain. Ang bayang ang tingin lamang sa paglilingkod sa Diyos ay pagsamba sa Templo at mga gawaing relihiyoso ay maaaring maging walang pakialam sa pinakaimportante sa buhay.

• 8.21 Pansinin ang pahinang ito kung saan inilalahad ang pagkatao at kabaitan ni Esdras na napakaistriktong guro ng Batas.

• 9.1 Isinama ang mga Judio sa mga di nila kapanalig, at nanganganib na mawala ang sarili nilang katangian. Ipinapalagay ni Esdras na magagawa ng pamayanang Judio na maging mas malakas at mas mulat sa naiba nilang katangian kung lalayuan nila ang anumang pakikipamuhay sa iba. Kaya para maiwasan ang impluwensya ng ibang relihiyon, bawal ang pag-aasawa sa mga di-Hebreo.
Bale-wala ito kay Esdras, pero itinataguyod niya rito ang rasismo sa kabila ng mga aral ng mga propeta na noong nakalipas na dantaon ay nagpahayag ng pagpasok ng lahat ng bansa sa bayan ng Diyos. Ang istriktong pagtupad sa mga batas ay isang sanggalang laban sa mga pagano sa simula, pero sa paglipas ng panahon, naging pader ito na maghihiwalay sa mga Judio sa lahat ng iba pang mga bayan.
Naging napakabisa nga ang mga harang na itinayo ni Esdras, at makikita natin ang kalooban ng Diyos dito. Matinding pag-uusig ang tiniis ng sambayanang Judio (tingnan ang Mga Macabeo). At matapos dumating si Kristo, nagkawatak-watak sila at kinailangang mabuhay sa halos dalawampung dantaon sa mga bansang Kristiyano na kadalasa’y umuusig sa kanila o sinisikap na palipatin sila sa pananampalatayang Kristiyano sa anumang paraan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, ang bayang Judio ay nanatiling bukod-tangi sa kasaysayan, salamat, sa isang banda, sa kanilang katapatan sa Batas.
Dapat nating malaman na may makukuha ring aral mula sa lahat ng ito ang mga Kristiyano nga-yon. Kung tayo ang tinatawag na maging pampaalsa sa masa, sa pakikipamuhay na di minamasama ang sinumang may ibang pananampalataya, kailangan din tayong magkaroon ng mga hinihingi ng pagkakataon at mga panlabas na kaugalian na tanggap ng lahat ng sumasali sa pamayanang ito.
Tingnan pa rin ang sinasabi tungkol dito sa Nehemias 13.

May 31, 2007 - Posted by | Commentary, Ezra, Old Testament

No comments yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: