Ang Bagong Magandang Balita Biblia

Ang Banal na Kasulatan

Nehemiah 9

Inamin ng mga Israelita ang kanilang mga kasalanan

• 1 Nagtipun-tipon ang mga Israelita sa ikadalawampu’t apat na araw ng buwan ding iyon upang mag-ayuno. Nagsuot sila ng sako at nagbudbod ng abo sa kanilang ulo. 2 Humiwalay ang lahi ng Israel sa lahat ng banyaga; tumindig sila at inamin ang kanilang mga kasalanan at ang kasalanan ng kanilang mga ninuno.

3 Nanatili silang nakatayo sa kanilang kinaroroonan nang tatlong oras at nagbasa mula sa Aklat ng Batas ni Yaweng kanilang Diyos. Tatlong oras din nilang inamin ang kanilang mga kasalanan at nagpatirapa kay Yaweng kanilang Diyos.

4 Nakatindig sa entablado ng mga Levita sina Jesua, Bani, Kadmiel, Sebanias, Buni, Serebias, Bani at Kenani, at malakas na tumawag kay Yaweng kanilang Diyos. 5 At sinabi ng mga Levitang sina Jesua, Bani, Kadmiel, Hasabnias, Serebias, Hodias, Sebanias at Petalias: “Tumindig tayo at magpuri kay Yawe, ang inyong Diyos, magpakailanman: Purihin ang iyong maluwalhating Pangalan na hindi mahihigitan ng anumang pagpapala at papuri.”

Panalangin ni Esdras

6 Sinabi ni Esdras: “Ikaw lamang, Yawe, ikaw lamang ang lumikha sa langit, sa langit ng mga langit, sa lahat ng bituin, sa lupa at lahat ng naroon, sa dagat at lahat ng naroon. Ikaw ang nagbigay ng buhay sa lahat, at sumasamba sa iyo ang lahat ng nasa langit.

7 Ikaw, Yawe, ang Diyos na humirang kay Abram; Ikaw ang nagpalabas sa kanya sa Ur ng Babilonia, at ibinigay sa kanya ang pangalang Abraham.

8 Natagpuan mong tapat ang kanyang puso at gumawa ka ng Tipan sa kanya upang ibigay sa kanyang mga inapo ang lupain ng mga Kananeo, Heteo, Amorreo, Perezeo, Yebuseo at Gergeseo. At tinupad mo ang iyong salita, sapagkat ikaw ay makatarungan.

9 Nakita mo ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Ehipto at dininig mo ang kanilang panawagan sa Dagat na Pula.

10 Gumawa ka ng mga babala at kababalaghan laban sa Paraon, sa kanyang mga pinuno at sa bayan ng kanyang lupain, sapagkat batid mong naging marahas sila sa amin, at tanyag ka pa rin hanggang sa panahong ito.

11 Hinati mo ang dagat sa harapan ng aming mga ninuno, pinatawid mo sila sa dagat nang hindi nabasa ang kanilang mga paa, at nilunod mo sa kalaliman ang mga humabol sa kanila, tulad ng bato sa malakas na agos.

12 Pinatnubayan mo sila sa pamamagitan ng haliging ulap kung araw, at ng haliging apoy kung gabi upang tanglawan ang landas na dapat nilang tahakin.

13 Bumaba ka sa Bundok Sinai at nakipag-usap sa kanila mula sa langit; pinagkalooban mo sila ng makatarungang tuntunin, mapagkakatiwalaang batas, pinakamabubuting alituntunin at utos.

14 Tinuruan mo silang tupdin ang banal na Araw ng Pamamahinga; pinagkalooban mo sila ng mga atas, alituntunin at ang Batas, sa pamamagitan ni Moises, ang iyong lingkod.

15 Pinadalhan mo sila ng tinapay mula sa langit nang magutom sila; pinabulwak mo ang tubig mula sa bato nang mauhaw sila, at inatasan mo silang pasukin at angkinin ang lupaing ipinangako mong ibibigay sa kanila.

16 Ngunit naging mapagmalaki at matigas ang ulo ng aming mga ninuno at hindi nila pinakinggan ang iyong mga utos.

17 Hindi nila pinakinggan o ginunita ang mga himalang ginawa mo para sa kanila. Pinatigas nila ang kanilang mga puso at ginusto nilang magbalik sa pagkaalipin sa Ehipto. Ngunit ikaw ang Diyos na mapagpatawad, maawain at mapagbigay, hindi madaling magalit at mayaman sa kagandahang-loob, kayat hindi mo sila pinabayaan,

18 maging nang gumawa sila ng binubong guya, at sinabi: ‘Ito ang iyong diyos, Israel, na naglabas sa iyo sa Ehipto.’ At hinamak at nilapastangan kanila.

19 Hindi mo sila tinalikuran sa disyerto, sa gitna ng iyong kabutihan; hindi mo inalis ang haliging ulap kung araw o ang haliging apoy kung gabi, upang tanglawan ang landas na dapat nilang tahakin.

20 Binigyan mo sila ng iyong mabuting espiritu upang maturuan sila; binigyan mo sila ng manna upang may makain, at tubig upang mapawi ang kanilang uhaw.

21 Apatnapung taon mo silang inalagaan sa disyerto at hindi sila kinapos sa anuman; hindi nasira ang kanilang kasuotan o namaga ang kanilang mga paa.

22 Binigyan mo sila ng mga kaharian at bansa; inilaan mo sa kanila ang karatig na lupain. Kinuha nila ang lupain ni Sehon, hari ng Hesbon, at ang lupain ni Og, na hari ng Basan.

23 Pinarami mo ang kanilang lahi, tulad sa mga bituin, at dinala mo sila sa lupaing ipinangako mo sa kanilang mga ninuno.

24 Pinasok at sinakop ng kanilang mga inapo ang lupain, at nilupig ang mga naninirahan sa Kanaan na pinasuko mo sa kanila, kasama ang mga hari at mga labi ng lupain, at pinabayaang gawin nila sa mga iyon ang nais nila.

25 Pinasuko nila ang mga napapaderang lunsod at ang lupaing mataba, sinakop ang mga bahay na puno ng yaman, mga balong bagong-hukay, mga ubasan at taniman ng olibo at mga punungkahoy na hitik sa lahat ng klase ng bunga. Kumain sila, nasiyahan at nagsitaba at namuhay silang maginhawa dahil sa iyong kagandahang loob.

26 Ngunit naging matigas ang kanilang ulo at naghimagsik sila laban sa iyo. Tinalikuran nila ang iyong Batas, pinatay ang mga propeta na isinugo mo upang himukin silang magbalik-loob sa iyo, at labis silang nagkasala laban sa iyo.

27 Ipinaubaya mo sila sa kanilang mga kaaway at nilupig sila. Nanawagan sila sa iyo sa gitna ng kanilang paghihirap, at pinakinggan mo sila mula sa langit, at dahil sa iyong matinding habag, nagsugo ka ng mga tagapaglitas upang palayain sila sa mga nagpapahirap sa kanila.

28 Ngunit nang natatahimik na sila, nagkasala silang muli laban sa iyo, at inihulog mo sila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway na nagpahirap sa kanila. Minsan pa silang tumawag sa iyo at pinakinggan mo sila mula sa langit, at dahil sa iyong kabutihan, paulit-ulit mo silang iniligtas.

29 Pinagsabihan mo silang magbalik sa iyong Batas, ngunit labis ang kanilang kapalaluan, at hindi sila nakinig sa iyong mga utos at alituntunin. Hindi nila ginawa kung ano ang nararapat na gawin ng tao upang mabuhay. Tumalikod sila sa iyo at hindi ka nila pinakinggan dahil sa katigasan ng kanilang ulo.

30 Maraming taon mo silang pinagtiyagaan. Pinagsabihan sila ng iyong espiritu sa pamamagitan ng iyong mga propeta; ngunit hindi sila nakinig.

At saka ipinagkaloob mo sila sa kapangyarihan ng ibang bansa. 31 Ngunit dahil sa iyong kabutihan, hindi mo rin pinahintulutang malipol sila; hindi mo sila pinabayaan, sapagkat ikaw ay Diyos ng kabutihan at awa.

32 At ngayon, aming Diyos na dakila, makapangyarihan at nakatatakot naming Diyos na tapat sa iyong tipan at pag-ibig, isaalang-alang mo ang paghihirap na lumukob sa amin, sa aming mga hari at pinuno, mga pari at propeta, sa aming mga ninuno at sa buong bayan mo sapul pa sa kapanahunan ng mga hari ng Asiria hanggang sa mga araw na ito.

33 Naging makatarungan ka sa lahat ng sumapit sa amin, sapagkat gumawa ka nang buong-tapat, ngunit nagkasala kami.

34 Hindi isinagawa ang iyong Batas ng aming mga hari at pinuno, ng aming mga pari at mga ninuno; hindi nila pinakinggan ang iyong mga utos at ang mga pahayag na ginawa mo sa kanila.

35 Nang nasa kanilang kaharian sila na taglay ang kasaganaang nagmula sa iyo sa mataba at malawak na lupaing inihanda mo para sa kanila, hindi sila naglingkod sa iyo o nagsisi sa kanilang mga kasalanan.

36 At ngayon, mga alipin kami, mga alipin sa lupaing ibinigay mo sa aming mga ninuno para tamasahin ang mga bunga at yaman nito.

37 Ang mga masaganang bunga ng lupain ay nauuwi sa mga haring pinalupig mo sa amin dahil sa aming mga pagkakasala. Ginagawa nila sa amin at sa aming mga hayop ang anumang maibigan nila, at dahil dito’y nabubuhay kami sa gitna ng matinding paghihirap.”

May 30, 2007 - Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Nehemiah

No comments yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: