Ang Bagong Magandang Balita Biblia

Ang Banal na Kasulatan

Nehemiah 5

Kailangang makibahagi ang mayaman sa sakripisyo ng karaniwang tao

1 Nagharap noon ng mga malubhang reklamo ang mga karaniwang tao at ang kanilang mga maybahay laban sa kanilang kapwa Judio.

2 May nagsabi: “Malaki ang aming sambahayan at kailangan namin ang trigo na makakain upang mabuhay.” 3 Sinabi ng iba: “Kailangan naming isangla ang aming mga bukirin, ubasan at bahay kapalit ng butil dahil sa taggutom na ito.” 4 Sinabi pa ng iba: “Nakapangutang na kami ng salapi para sa buwis sa hari. 5 Iisa ang aming lahi, tulad sa aming mga kapatid; tulad ng kanilang mga anak ang aming mga anak. Ngunit kailangan naming ipaalipin ang aming mga anak at pinagsamantalahan na ang ilan sa aming mga dalaga. At wala kaming ibang kalutasan, sapagkat napapunta na sa iba ang aming mga bukirin at ubasan.”

6 Pinasiklab ang aking galit ng mga sumbong at paratang. 7 Kaya nagpasiya akong pagsabihan ang mga maharlika at mga tagapayo, 8 sa pagsasabing: “Bakit wala kayong habag sa inyong mga kapatid?” At tumawag ako ng kapulungan at sinabi ko sa kanila: “Tinubos natin ng salapi ang ating kapwa Judiong mga alipin, ayon sa ating kakayahan. Ngunit ngayo’y kayo ang nagbibili sa inyong kapatid?”

Nanatili silang tahimik. Hindi sila makasagot. 9 At nagpatuloy ako: “Hindi mabuti ang inyong ginagawa. Hindi ba kayo sumusunod sa ating Diyos, at baka kutyain tayo ng ating mga kaaway? 10 Ang aking mga kapatid at lingkod, at maging ako, ay nagpahiram ng salapi at trigo. Ngunit kalimutan na natin ang lahat ng utang nila sa atin, 11 at ibalik agad ninyo sa kanila ang kanilang mga bukirin, ubasan, taniman ng mga olibo, at kalimutan ang kanilang mga utang na salapi, trigo, alak at langis.” 12 Sinagot nila ako: “Ibabalik namin ang mga ito at hindi kami hihingi ng anuman sa kanila. Gagawin namin ang iyong sinabi.”

Sa gayon tinawag ko ang mga pari, at sa harapan ng mga ito, pinasumpa ko sila na tutuparin nila ang kanilang pangako. 13 Pagkatapos, ipinagpag ko ang aking balabal at sinabi ko: “Palayasin nawa ng Diyos sa sariling bahay at mana ang sinumang hindi tutupad sa pangako, at ipagpag nang ganito at maiwan nang walang anuman.” Sumagot ang buong kapulungan: “Amen,” at nagpuri kay Yawe. At tinupad ng mga mamamayan ang kanilang pangako.

14 Itinalaga ako ni Haring Artaherhes na gobernador ng lupain ng Judea sa ikadalawampung taon ng kanyang paghahari. Hanggang sa ikatatlumpu’t dalawang taon, o sa loob ng labindalawang taon, ako at ang aking sambahayan ay hindi humingi ng buwis sa gobernador. 15 Ngunit pinatawan naman ng mga naunang gobernador ang bayan ng apatnapung pirasong pilak araw-araw. Pinatawan din ng kanilang mga lingkod ang bayan. Ngunit hindi ko sila tinularan dahil sa aking paggalang sa Diyos.

16 Tumulong din ako sa paggawa ng pader at hindi ako nakabili ng mga bukirin; at nagtrabaho rin doon ang aking mga tauhan. 17 Sandaa’t limampung lalaki ang nakaupo sa aking hapag, mga Judio at tagapayo, pati ang mga dumating mula sa mga karatig-bansa. 18 Araw-araw inihahanda ang isang toro, anim na piniling tupa at mga manok, at tuwing sampung araw dinadala ang maraming sisidlang alak. Binayaran ko ang lahat ng ito, ngunit kailanman hindi ako sumingil sa bayan sapagkat mabigat na sa kanila ang trabahong iyon.

19 Alalahanin mo ako, O Diyos, at ang lahat ng nagawa ko para sa bayang ito!

May 30, 2007 - Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Nehemiah

No comments yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: