Ang Bagong Magandang Balita Biblia

Ang Banal na Kasulatan

Nehemiah 13

1 Nang panahong iyon, binabasa ang Aklat ng Batas ni Moises sa harapan ng bayan at natagpuang nasusulat dito ang: “Kailanma’y hindi papasok sa kapulungan ng Diyos ang mga Amonita at Moabita 2 sapagkat hindi nila sinalubong ng tinapay at tubig ang mga Israelita. Binigyan nila ng salapi si Balaam upang sumpain ang mga Israelita, ngunit pinalitan ng aming Diyos ng pagpapala ang sumpa.” 3 Nang malaman nila ang batas na ito, pinaalis nila sa Israel ang lahat ng may lahing banyaga.

Ikalawang misyon ni Nehemias

4 Bago nangyari ito, may tagapag-alaga ng mga silid sa Bahay ng Diyos, ang paring si Elyasib. At kamag-anak niya si Tobias. 5 Kayat inilaan niya rito ang isang maluwang na silid na dating taguan ng mga handog, kamanyang, kasangkapan, ikasampu ng trigo, alak, langis at anumang iniuukol sa mga Levita, mang-aawit at bantay-pinto, at ang abuloy para sa mga pari.

6 Wala ako sa Jerusalem nang maganap ito, sapagkat sa ikatatlumpu’t dalawang taon ni Artaherhes, na hari ng Babilonia, nagbalik ako sa hari. Pagkatapos, pinayagan na ako ng hari 7 na bumalik sa Jerusalem at pinatalastasan ako ng kasamaang ginawa ni Elyasib sa pagbibigay niya kay Tobias ng isang silid sa loob ng patyo ng Bahay ng Diyos. 8 Nagalit ako dahil dito, at ipinatapon ko sa labas ng silid ang lahat ng kasangkapan ni Tobias 9 at iniutos kong linisin ang mga silid at ibalik ang mga kasangkapan ng Bahay ng Diyos, ang mga handog at ang kamangyang.

Tumutol si Nehemias sa ilang pang-aabuso

• 10 Napag-alaman ko rin na hindi ipinagkaloob sa mga Levita ang mga abuloy. At dahil dito, tumakas at bumalik sa kanilang mga bukirin ang mga Levita at ang mga mang-awit na naglilingkod. 11 Pinagsabihan ko ang mga tagapayo at sinabi ko sa kanila: “Bakit pinabayaan ang Bahay ng Diyos?” At tinipon ko ang mga Levita at ang mga mang-aawit, at pinabalik ko sila sa kanilang tungkulin. 12 Kayat inilipat ng bayan ng Juda sa mga silid-taguan ang ikasampu ng kanilang trigo, alak at langis. 13 Ipinagkatiwala ko ang pamamahala ng silid-taguan sa paring si Selemias, kay Zadok, na tagasulat, kay Pedaya na Levita at kay Hanan, na anak ni Zakur, bilang katulong; kinilala nga silang matapat at sila ang nagbaha-bahagi ng pagkain sa kanilang mga kapatid.

14 Diyos ko, alalahanin mo ako dahil dito! Huwag mong kalilimutan ang mabubuting gawaing naisakatuparan ko para sa Bahay ng aking Diyos at sa paglilingkod doon.

15 Nang panahong iyon, nakatagpo ako ng mga taga-Juda na nagsisigawa sa pisaan ng ubas sa Araw ng Pamamahinga. Ang iba ay kumuha ng mga aning trigo o isinakay sa kanilang mga asno ang alak, ubas, igos at iba pang pasaning gusto nilang dalhin sa Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga. Pinagsabihan ko sila habang ipinagbibili nila ang kanilang ani.

16 Naninirahan sa Jerusalem ang ilang taga-Tiro na nagdala ng isda at bawat uri ng paninda upang ipagbili sa mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. 17 Kaya pinagsabihan ko ang mga pinuno ng Juda at sinabi ko sa kanila: “Nakagawa kayo ng malaking kasalanan sa paglapastangan ninyo sa Araw ng Pamamahinga. 18 Ito ang ginawa ng aming mga ninuno at dahil dito, ibinagsak ng aming Diyos ang kaparusahan sa amin at sa lunsod na ito. Gusto ba ninyong dagdagan ang galit laban sa Israel sa paglapastangan sa kanyang Araw ng Pamamahinga?”

19 Kayat iniutos ko na sa Araw ng Pamamahinga, samantalang lumalatag pa lamang ang dilim ng gabi sa mga pintuan ng Jerusalem, kailangang ipinid ang mga ito at hindi bubuksan kung hindi pa natatapos ang Araw ng Pamamahinga. At inilagay ko ang ilan sa aking mga tauhan sa mga pintuan upang walang maipasok na anumang paninda sa Araw ng Pamamahinga.

20 Minsan o makalawa, ilang mangangalakal na nagbibili ng lahat ng uri ng paninda ang nagpapalipas ng gabi sa labas ng Jerusalem, 21 ngunit binalaan ko sila at sinabi: “Bakit kayo nagpapalipas ng gabi sa malapit sa pader? Gawin ninyong muli ito at ipahuhuli ko kayo.” Mula noon, hindi na sila nagbalik sa Araw ng Pamamahinga. 22 Iniutos ko rin sa mga Levita na linisin ang kanilang sarili at bantayan ang mga pintuan upang gawing banal ang Araw ng Pamamahinga. Dahil dito, alalahanin mo rin ako, aking Diyos, at kahabagan ayon sa iyong awa.

23 Nang panahong iyon, nakita ko rin ang ilang Judio na nag-asawa sa mga babaing Asdodita, Amonita at Moabita, 24 at kalahati ng kanilang mga anak ay nagsasalita ng wika ng Asdodita at hindi alam ang wikang Judio. 25 Pinagsabihan ko sila at isinumpa; pinaggugulpi ko ang ilan sa kanila at pinagsabunutan ko ang buhok ng iba, at pinilit ko silang mangako sa pangalan ng Diyos. Sinabi ko sa kanila: “Huwag ninyong ipakakasal ang inyong mga anak na dalaga sa mga anak na binata nila, o kukunin ang kanilang anak na dalaga para sa inyo o sa inyong mga anak. 26 Hindi ba ito ang pagkakasala ni Solomon, ang hari ng Israel? Walang haring katulad niya sa maraming bansa, inibig siya ng Diyos, at ginawa siya ng Diyos na hari ng buong Israel. Ngunit pinag-kasala rin siya ng mga babaeng banyaga. 27 Gusto ba ninyong masabi na kayo man ay nakagawa rin ng gayon kalubhang krimen at naghimagsik kayo laban sa ating Diyos sa pag-aasawa sa mga babaing banyaga?”

28 Pinalayas ko rin sa aking tabi ang isa sa mga anak ni Yehoyada, na anak ng punong-paring si Elyasib, na manugang ni Sanbalat, ang Horonita. 29 Alalahanin mo, O Diyos, ang mga ito na nilapastangan ang pagkapari at ang iyong tipan sa mga pari at mga Levita.

30 Nilinis ko sila sa lahat ng banyaga. Nag-lagda ako ng mga tuntunin para sa mga pari at mga Levita ayon sa kani-kanilang paglilingkod. 31 Nag-utos din ako tungkol sa pag-aalay ng handog na kahoy sa takdang panahon at ng mga unang bunga.

Alalahanin mo ako, O Diyos, para sa ikabubuti ko!

May 30, 2007 - Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Nehemiah

1 Comment »

  1. […] • 9.1 Isinama ang mga Judio sa mga di nila kapanalig, at nanganganib na mawala ang sarili nilang katangian. Ipinapalagay ni Esdras na magagawa ng pamayanang Judio na maging mas malakas at mas mulat sa naiba nilang katangian kung lalayuan nila ang anumang pakikipamuhay sa iba. Kaya para maiwasan ang impluwensya ng ibang relihiyon, bawal ang pag-aasawa sa mga di-Hebreo. Bale-wala ito kay Esdras, pero itinataguyod niya rito ang rasismo sa kabila ng mga aral ng mga propeta na noong nakalipas na dantaon ay nagpahayag ng pagpasok ng lahat ng bansa sa bayan ng Diyos. Ang istriktong pagtupad sa mga batas ay isang sanggalang laban sa mga pagano sa simula, pero sa paglipas ng panahon, naging pader ito na maghihiwalay sa mga Judio sa lahat ng iba pang mga bayan. Naging napakabisa nga ang mga harang na itinayo ni Esdras, at makikita natin ang kalooban ng Diyos dito. Matinding pag-uusig ang tiniis ng sambayanang Judio (tingnan ang Mga Macabeo). At matapos dumating si Kristo, nagkawatak-watak sila at kinailangang mabuhay sa halos dalawampung dantaon sa mga bansang Kristiyano na kadalasa’y umuusig sa kanila o sinisikap na palipatin sila sa pananampalatayang Kristiyano sa anumang paraan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, ang bayang Judio ay nanatiling bukod-tangi sa kasaysayan, salamat, sa isang banda, sa kanilang katapatan sa Batas. Dapat nating malaman na may makukuha ring aral mula sa lahat ng ito ang mga Kristiyano nga-yon. Kung tayo ang tinatawag na maging pampaalsa sa masa, sa pakikipamuhay na di minamasama ang sinumang may ibang pananampalataya, kailangan din tayong magkaroon ng mga hinihingi ng pagkakataon at mga panlabas na kaugalian na tanggap ng lahat ng sumasali sa pamayanang ito. Tingnan pa rin ang sinasabi tungkol dito sa Nehemias 13. […]

    Pingback by Esdras: komentaryo « Ang Bagong Magandang Balita Biblia | May 31, 2007


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: