Ang Bagong Magandang Balita Biblia

Ang Banal na Kasulatan

1 Samuel: Komentaryo

Ang Aklat ni Samuel na ngayo’y nahahati sa dalawa ang simula ng ikatlong bahagi ng banal na kasaysayan pagkatapos ng Genesis at Exodo. Dito inilalahad sa atin ANG GAWA NG DIYOS SA PUSO NG MGA TAO at ang paraan ng pakikipagtulungan nila sa paghahari ng Diyos.

Dito buong kasimplehang isinasalaysay sa atin ang mga halimbawa at mga pagkakamali ni DAVID: ang buhay niya, na kasingkaraniwan ng sa sinuman sa atin, ay waring may taglay na hiwaga. Pero sa dakong huli’y makikita nating ang Diyos pala ay nasa lahat ng nangyari sa kanya at sa kanya’y nagtayo ang Diyos sa mga Israelita ng isang bagay na di mapapawi.

Mahalaga ang librong ito hindi dahil sa mahahalagang pangyayari ng kasaysayang nakapaloob dito. Mas binibigyang-pansin ng Biblia ang PERSONAL NA KASAYSAYAN ni David kaysa kanyang mga tagumpay. Ang unang haring ito ng Israel ang modelo ng isang sumasampalataya dahil sa kabila ng kanyang malakas na personalidad at di pangkaraniwang talino, nagpapatnubay pa rin siya at NAGPAINSPIRASYON SA DIYOS, at pinakaimportante sa kanya ang maglingkod sa Diyos sa lahat ng bagay.

Sa librong ito’y para bang NAGTATAGO ANG DIYOS. Walang anumang pagbubunyag o mariringal na pagpapakita ng Diyos. Isang salita lamang kay Propeta Natan na magbibigay-direksyon sa hinaharap: ang paghahari ni David sa Jerusalem at sa Palestina ay mauuwi sa Kaharian ng Diyos sa sanlibutan. Si Kristo Jesus ang magiging ANAK NI DAVID.

Dalawang tao ang nauuna kay David:

– si SAMUEL, ang pinakahuli sa mga Hukom at isa ring propeta. Ito ang panahon na watak-watak ang mga Israelita at nadarama nilang kailangan nila ng isang permanenteng pamunuan: “Gusto naming magka-hari gaya ng meron ang ibang mga bansa,” sa halip na umasa lamang sa mga inspirado ng Espiritu, sa mga “hukom” na laging naroon kapag kinakailangan sila ng bayan.

– si SAUL, ang pinakaunang hari na pinili ng Diyos, pero tinanggihan naman pagkatapos.

– Sa simula ng libro, hindi pa ang Israel ang may-ari sa lupain ng Kanaan, pero naging magbubukid na sa permanenteng lugar ang mga tribu mula sa dati nilang pagpapagala-gala bilang mga pastol. Namayan sila sa kabundukan, at kadalasa’y wala silang magawa sa pagsalakay ng mga Pilisteong nakatira sa matabang kapatagan ng dalampasigan sa mga siyudad ng Gat, Gaza, Asdod, Askalon at Ekron.

• 1.1 Nagsisimula ang lahat sa isang simpleng mag-asawa na isinasabuhay ang dula ng kanilang buhay-mag-anak sa isang nayon sa kabundukan.

Mas mababa ang katayuan ng babae, at palaging magiging ganito sa Israel. Kasinghalaga lamang siya ng mga anak na isisilang niya. Ang bilang ng asawa ng isang lalaki ay batay sa kanyang kakayahang magtustos. Mahal ni Elkana si Ana, pero gaya ng pagmamahal niya sa kanyang mga anak.

Sa mga pamilya mismong ito na wala nang pag-asang magkaanak gusto ng Diyos na pumili ng kanyang mga lingkod. Ang Diyos ang nagbibigay-buhay sa mga patay at ng pag-asa sa mga walang pag-asa. Tingnan ang mga katulad na pangyayari sa kapanganakan ni Isaac at ni Juan Bautista (Lucas 1:5). Mababasa natin sa libro ni Isaias ang tula na nagsisimula sa ganitong mga salita: “Sumigaw sa galak, ikaw na dating baog.” (Is 54:1).
Ipinapakita sa atin ng salaysay na ito ang buhay-relihiyoso nang panahong iyon. Nasa Silo ang toldang kinalalagyan ng Kaban. Wala pang templo noon, kaya dinadala ng mga namamanata ang mga hayop na kanilang ihahandog. Ang ama ng tahanan ang namumuno bilang pari ng pamilya sa pag-aalay ng mga hayop na handog. Mula lamang sa panahon ni David saka magiging tanging karapatan ng mga pari ng tribu ng Levi ang maging mga tagapamagitan ni Yawe at ng kanyang bayan.
Lumilitaw rin dito ang mas mababang kalagayan ng mga babae. Mahal ni Elkana si Ana gaya ng pagmamahal niya sa kanyang mga anak; pero hangga’t ang mga lalaki ay puwedeng magkaroon ng maraming asawa, hindi magkakaroon ng mag-asawa ayon sa niloloob ng Diyos (tingnan ang Gen 2:24).

• 2.1 Sa kanyang awit ng pasasalamat, inaako ni Ana ang pagiging tagapagsalita ng lahat ng hamak sa kanyang bayan at sa daigdig.
Si Yawe ang Diyos na nagliligtas sa mga pinabayaan. Tinatanggihan niya ang mga nananalig sa kanilang bisig, sa kanilang pana, sa pagkaing tiyak na nakalaan para sa kanilang tahanan, ibig sabihi’y sa kanilang sarili at sa meron sila. Ipinamamalas niya ang kanyang luwalhati sa pagbaligtad sa pagkakaiba ng mga tao (tulad sa talinhaga ng mayaman at ni Lazaro, Lucas 16:25). Si Yawe ang nagdadala sa libingan at bumubuhay.
Maihahambing din ang awit na ito sa Awit ni Maria (Lucas 1:45). May propetikong pananaw ang awit ni Ana. At tulad ni Ana, kailangan din nating ipagmalaki ang ating Diyos, higit pa sa mga materyal na pag-unlad ng ating lipunan na naghahatid ng ligaya sa mayayaman at malalakas.
Sinasabi ng tekstong ito na mali ang mga naghahangad ng pag-unlad ng lipunan at sariling kapakanan, na ang tanging layunin lamang ay matiyak ang kinabukasan ng kanilang mga pamilya. Ang nasa panig ng mahihina ang siyang maliligtas. Samantalang ikinahihiya ng iba ang kanilang pagkahamak, pagiging trabahador o magbubukid, o ang paurong na kalagayan ng kanilang bayan, alam naman ng sumasampalataya na ang mga dukha at mga nagugutom ay tumutulong sa pagliligtas sa daigdig. Sapagkat kung saan salat sa lahat ng bagay, doon mas madaling madiskubre ang tunay na halaga ng tao, at maunawaan na wala nang daigdig na karapat-dapat sa tao liban sa daigdig na may pagkain at dangal para sa lahat.

• 3.1 Deretsahan at personal na tinatawag ng Diyos si Samuel. Ang pagtugon ng batang Samuel ang siyang naghahanda sa kanya para sa mas dakilang mga bagay.
Sa kabila ng edad at tungkulin nito, mapapansin ang pagpapahalaga ni Eli kay Samuel. Alam niya na wala sa edad ang kahustuhan sa buhay-espirituwal. Tinatanggap niya ang mga paninising pinararating ng Diyos sa pamamagitan ng batang ito.
Binibigyang-diin din ng Biblia ang pananagutan ng mga hindi dumidisiplina sa kanilang mga anak. Itinuturo sa Israel na tungkulin ng mga ama ang turuan at disiplinahin, kahit na parusahan, ang kanilang mga anak, sa halip na kun-sintihin ang mga ito. Hindi dapat magkulang ang mga magulang sa kanilang responsabilidad na maging mga tagapagturo nang dahil lamang sa maling dahilan na kapag naging mahigpit sila sa kanilang mga anak ay mawawala ang pagmamahal ng mga ito sa kanila. Habang di pa ganap na mulat ang konsiyensya ng bata, ang hinaharap na kalayaan ng isang kabataan at ng may husto nang gulang ay naihahanda sa pamamagitan ng disiplina ng isang “Batas”: tingnan ang Sir 30 at Gal 4, at ang paliwanag sa Mga Hukom 8:22.
Ang pagtawag kay Samuel ay tulong sa atin para alalahanin na bawat isa sa atin ay may bokasyon, na ibig sabihi’y tinatawag ng Diyos ang bawat isa at inilalaan sa pagganap ng isang gawaing para lamang sa kanya at di mapapalitan. Sa kasalukuyang panahon, napakarami sa atin ang bale mga tagagawa lamang at di gaanong pinahahalagahan. At dahil wala silang anumang tungkulin o responsabilidad na kanilang naipagmamalaki, tama lamang na makadama sila ng kabiguan. Hindi nila nararamdamang “tinatawag” o kinakailangan para sa kung anong dakilang gawain. Kaya wala sa kanila ang isa sa pinakaimportanteng puwersa na magbubunsod sa kanila na itayo ang kanilang kinabukasan. Para magkaroon ng direksyon ang buhay, kailangang itanong ng bawat isa sa kanyang sarili: Ano ba ang gusto ng Diyos sa akin?

• 4.1 Sa pakikipagdigma nila sa mga Pilisteo, hangad ng mga Israelita ang proteksyon ni Yawe. Hinanap nila ang Kaban, sa pag-aakalang sa pamamagitan nito’y obligado si Yawe na papagtagumpayin sila. At sapagkat kalimita’y pinagdududahan ng tao ang kanyang Diyos, nagtitiwala siya sa kanyang mga anting-anting.
Pero hindi mahalaga sa Diyos ang Kaban, at wala rin siya sa paninilbihan sa isang bayang iresponsable. Sa halip ay gusto niya silang turuan: pagbabayarin niya sila sa kanilang kataksilan. Kaya hindi sila tinutugon ng Diyos, at nawala ang Kaban.

• 7.2 Nauulit dito ang parehong karanasan ng Mga Hukom. Kinukumbinsi ni Samuel ang Israel na magbalik kay Yawe. At pinapagtagumpay naman sila ni Yawe na tapat sa kanyang Pakikipagtipan.

• 8.1 Nagkaroon ng malalim na pagbabago sa pamumuhay ng mga sinaunang lagalag na nakatira ngayon sa mga nayon at bayan gaya ng iba. Hindi na akma ang mga dating istrukturang panlipunan na bagay lamang sa pamumuhay sa disyerto; malimit itong masaksihan sa mga kasaysayan ng mga bansa, gayundin sa iglesya. Palaging nagbabago ang sangkatauhan na ibinubunsod ng mga pangyayari at ebolusyong teknikal; lumilitaw ang mga pagkakaiba ng mga kaisipan, at nabubunyag kung gaano kaalangan ang mga sinaunang istruktura sa mga bagong kalagayan.
Bukod dito, kinakailangan ang mga institusyon sa buhay ng mga komunidad para bigyan ng direksyon at kaayusan ang laging magulong buhay na ito; kung walang permanenteng institusyon, babaling ang lipunan sa anarkiya. Kung may palagiang tensiyon sa pagitan ng buhay at ng institusyon, mas nakikita ito kapag may krisis ang lipunan. Samantalang iniisip ng mga konserbatibo na ang muling pagtatatag ng kaayusan ay isang pagbabalik sa nakaraan, naghahanap naman ang mga nagtataguyod ng pagbabago, ng mga sariwang istruktura para tugunan ang pangkasalukuyang kalagayan, at madali nilang kinalilimutan ang aral ng kahapon.
Sa Mga Kabanata 8-12 ng 1 Samuel, ipinakikita sa atin ang ganitong krisis at ang mga salungatang ibinubunga nito. Nakikita ng mga tao na nagmumula ang kanilang kahinaan sa hidwaan at anarkiya. Hindi sapat ang panandaliang awtoridad ng “Mga Hukom”; kinakailangang magkaisa ang labindalawang tribu sa ilalim ng isang hari.
Si Samuel ay tagapagtanggol ng nakaraan, at ang kanyang mga babala ay ibinubunsod ng personal na kawalang-tiwala. Hindi siya naniniwalang mas mabuti ang mas makapangyarihan at mas sentralisadong gobyerno. Sa halip, naging makatotohanan siya at tinutuligsa niya ang walang-takdang kapangyarihan.
Pinagsasabihan ni Samuel ang bayan dahil sa kanilang kawalang-tiwala kay Yawe. Nahaharap sila sa panganib ng mga Pilisteo, at mas mapapanatag ang kanilang kalooban kung maipapasa sa iba, sa isang makapangyarihang lider, ang pag-iisip, ang pagkasi ng Diyos, ang pagpapasya para sa kanila: takot silang gumawa ng sariling pagkilos. Pero kung iaasa na lamang ng isang tao ang lahat sa mga namumuno sa bansa o sa iglesya, mauuwi ito sa pagbagsak o pagdanas ng paniniil na pulitikal.
Para kay Samuel, ang hari ang pinakakinatawan ng Diyos at lingkod ng bayan. Pero ang nangyayari’y sariling mga ambisyon nito ang kanyang paglilingkuran at siya pa ang mang-aapi sa bansa. Noon pa mang panahong iyon, may sapat nang kaalaman ang mga diktador sa pagpopropaganda para kumbinsihin ang bayan na kailangang-kailangan sila (Lc 22:25).

• 9.1 Nasa 10:17 ang karugtong ng kabanata 8. Dito nagsisimula ang salaysay sa bokasyon ni Saul.
Lumabas si Saul para hanapin ang mga asno ng kanyang ama, at may nakasalubong siya sa daan na hindi niya inaasahan.

• 11. Tulad ng iba pang mga Israelita, pinuntahan ni Saul si Samuel. Para sa kanila, si propeta Samuel ay isang manghuhula, at pumupunta sila sa kanya para ihanap ng solusyon ang kanilang mga problemang pangkabuhayan. Hindi ito kaiba sa atin ngayon. Sa loob ng mga dantaon, ang mga nagpaunlad man sa siyensiya ng mga bituin ay tumanggap din ng mga pagsangguni tungkol sa hinaharap. At ang mga horoskop ang pinakahanapbuhay nila. At pagkatapos ay iniwan naman ng siyensiya ang pamahiing ito. Gayundin sa matandang kasaysayan ng Israel, halos walang pagkakaiba ang propeta sa manghuhula, sa astrologo at sa iba pang nagsasabing nalalaman nila ang hindi maaaring malaman ng ordinaryong tao; kinokonsulta sila ng mga tao tungkol sa kanilang mga problema tulad ng ginawa ni Saul. Pero malapit nang makita ng propetismo sa Israel ang tamang daan: ang propeta ang tatawag sa mga tao sa pagbaling sa Diyos. Nang sulatin ang kabanatang ito, yari na ang teksto at nililiwanag ng talata 9 na “propeta” na ang tawag ngayon sa dating tinatawag ng mga tao na “manghuhula.”

Itinalaga ni Samuel si Saul sa pagpapahid sa kanya ng langis (tingnan ang paliwanag sa Lev 8).

• 10.17 Ito ang tamang karugtong ng kabanata 8; ito ang isa pang salaysay ng paghirang kay Saul. Hindi sinasalungat ng kabanatang ito ang nauna, dahil lihim na itinalaga ni Samuel si Saul.
Inilalahad sa atin ng Biblia ang parehong pangyayaring ikinukuwento ng dalawang taong may magkasalungat na paniwala. Nakikita ng una na mabuti at ayon sa plano ng Diyos ang magkaroon ng mga hari (kab. 9-10). Nakikita naman dito ng ikalawa (1 S 8 at 10:17-19) ang isang mapanganib na pagbabago na hinahayaan lamang ng Diyos.
Nagtatago siya sa mga kagamitan. Dito nagsisimula ang kasamaampalad ni Saul na hari kahit na labag sa kanyang kalooban. Humingi ang mga Israelita ng isang hari dahil sa panlabas na panganib (ang mga Pilisteo), pero sa mismong kaloob-looban nila’y isinusuka naman nila ang anumang pamumuno. At naramdaman mismo ni Saul na hindi siya para mamuno. Sa kabila ng kanyang kagitingan gaya ng ipinakikita sa kabanata 11, hindi niya isusuong sa panganib ang kanyang sarili. Makulit siyang tao, nakatali sa mga idea ng kanyang panahon (tingnan ang kab. 25). Bagamat simpleng tao si Saul, wala sa kanya ang kababaang-loob na gusto ng Diyos, na nagbubunsod ng pagsisimula ng mga bago at dakilang bagay na hindi natatakot na baka siya mabigo.
Sumigaw ang buong bayan: Mabuhay ang Hari! Marami na tayong nasaksihang pagtitipong kasinsigla nito at wala rin namang magandang ibinubunga. Tulad ng nangyayari sa maraming pinuno, kinabukasa’y natagpuan ni Saul na nag-iisa siya sa gitna ng isang bayang nag-aakalang nalutas na nila ang lahat dahil nakapag-eleksyon na sila.

• 11.1 Ipinagpapatuloy dito ang salaysay na naputol sa 10:16. Handa nang tumanggap ng kapayapaan ang mga taga-Yabes. Umiiyak ang Israel at tumataghoy, pero si Saul ang siyang nagpapasya na hindi mahahayaan ang sitwasyong ito. Inoobliga ng kanyang kagitingan na kumilos ang Diyos.
Sino ang nagsabing hindi maghahari sa amin si Saul? Walang pulitikang walang mga partido. Mula pa sa simula’y may mga kakampi at mga kalaban si Saul. Ngunit mas kailangan niyang isaalang-alang ang pagkakakanya-kanya ng mga tribu ng Israel lalo na ang kompitensya ng mga tribu ng Efraim at Benjamin sa hilaga at ng tribu ng Juda sa timog. Para naman sa mga taga-Yabes, tatanawin nila itong malaking utang na loob sa kanilang tagapagligtas at magiging tapat sila sa kanya kahit na patay na siya (tingnan 1 S 31:11).
Mabuting tao si Saul at mapagbigay, at ayaw niyang paghigantihan ang kanyang mga kaaway. Ngunit sa oras na maging pinakamakapangyarihan ang isang pinuno, napakadali niyang inilalayo ang sarili sa iba, at nagiging mayabang o pesimista. Hindi makikinig si Saul sa Diyos at sa kanyang mga kamag-anak, at mabubulagan siya sa kanyang pagseselos kay David.

• 12.1 Mahirap para kay Samuel ang tumabi para bigyan ng lugar si Saul, gaya ng para sa maraming tagapagtatag o may katungkulan, na hindi maibigay-bigay sa ibang mga nakababata o mas mahusay, ang pagpapatuloy at pagpapaunlad ng gawaing kanilang nilikha.

Sa pagkakataong ito ipinaaalala ni Samuel sa mga Israelita na walang awtoridad na di nasasaklaw ng batas ng Diyos, lalo na kung tungkulin nitong igawad ang batas. “At sumunod sana kayo at ang inyong haring namumuno sa inyo kay Yawe…” Para kay Samuel, kailangang tuparin ng hari, gayundin ng mga sakop niya, ang mga kundisyon ng Tipan, nang buong-katapatan; sa kasamaang-palad, di magtatagal at iisipin ng mga hari ng Israel na hindi na sila saklaw ng pagiging tapat. Pagkaupong-pagkaupo ni Solomon sa trono, agad niyang iniwan ang palasyong ipinatayo ng kanyang amang si David sa mababang lugar ng lunsod sa piling ng mga bahay ng mga tao para ilagay ang kanyang sarili sa tabi ng Templo ni Yawe. Mula noon, nasa ibaba na ang mga ordinaryong tao, at ang Diyos at ang hari nama’y nasa banal na bundok. Masagisag! Pagdating ni Jesus, papaksain niya ang aral ni Samuel at ng mga propeta: “Dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay…” Maging sa iglesya, ang bagong Israel, kikilos ang ilang may katungkulan na parang mga panginoon ng iglesya sa maling akala na pareho ang katungkulan at pag-abuso sa kapangyarihan.

• 13.1 Wala sa isip ni Saul na iwan ang Gibea na kanyang bayan at magtayo ng isang kapitolyo ng bagong estado ng Israel. Pero dahan-dahan siyang bumuo ng isang permanenteng hukbo (tingnan 14:52) sa halip na umasa lamang sa mga nagboboluntaryong lalaban sa tuwing nasa panganib ang bayan. Maraming taon siyang walang humpay na nakipaglaban para maitaboy ang sumasalakay na mga Pilisteo.

• 5. Hindi lamang minsan kundi maraming beses (tingnan din ang kab. 15) na nagdadalawang-isip si Saul sa katapatan sa Diyos at kay Samuel, o kung gagawin niya ang mas makatuwiran sa palagay niya. At sa katapusa’y mas ginusto niyang kumilos ayon sa sarili niyang paniwala.
Itatatag sana ni Yawe ang iyong paghahari sa buong Israel. Mas mabigat ang hinihingi ni Yawe sa magiging unang hari ng kanyang bayan at sa gusto niyang pangakuan ng walang hanggang pakikipagtipan. Para matanggap kay Yawe ang mga pangakong higit pa sa pangkaraniwang takbo at kahihinatnan ng buhay, kailangang magpakita si Saul ng ganap na katapatan, kahit na parang naaantala o nagkakamali ang Diyos. Sa ganito sinubok si Abraham. Ang mamuno sa ibang tao at lalo na ang magbigay-direksyon sa patutunguhan ng bansa ay pakikibahagi na rin sa kapangyarihan ng Diyos. Walang makaaabot sa ganitong mga responsabilidad kung hindi niya kayang sumunod sa Diyos nang higit kaysa iba at makinig sa kanya.
Gayunpaman, punahin natin na ang mga talata 7-15 ay idinagdag sa naunang teksto. Malamang na gawa ang mga ito ng mga pari na nag-edit sa mas matatandang teksto pagbalik nila mula sa pagkabihag. Pinalalabas nila na si Samuel ang mabuti, ang tagapagsalita ng Diyos. Maaari nating basahin ang pangyayaring ito ayon sa kanilang panukala, pero maaari rin nating pagtakhan ang paraan ni Samuel ng pag-angkin sa mga karapatan ng Diyos. Anong karapatan niya para hindi tuparin ang kanyang salita at dumating sa takdang panahon? At paano niya mahuhusgahan si Saul kung kumikilos ito ayon sa kanyang konsiyensiya? Pinaniniwalaan ng Kristiyanong tradisyon na dapat nating sundin palagi ang ating konsiyensiya kung nagawa na natin ang lahat na maaaring gawin para magkaroon ng maliwanag na konsiyensiya, kahit na lumabag tayo sa mataas na awtoridad o mga sagradong batas sa paggawa nito. Masasabi nating si Samuel ang sumira kay Saul nang hindi natin itinatatwa ang mga dakila at mabubuting katangian ni Samuel.

• 14.1 Tinutulungan tayo ng kabanata 14 para maunawaan ang sitwasyon ng mga Israelita. Sinakop nila ang kabundukan, pero ang kapatagan naman ay nasa kamay ng mga Pilisteong mas organisado at mas armado.
Ipinapakita ng panunumpa ni Saul ang napakaprimitibong antas ng kaalamang panrelihiyon sa panahong iyon, tulad sa kaso ni Yefte (Mga Hukom 11:30):
– panunumpang may banta ng kamatayan;
– pagpapahalaga sa krimen ng sinumang “kumakain ng karne sa ibabaw ng dugo” (tingnan ang bersikulo 33; hindi ito kapareho ng “pagkain ng karne na may dugo” na nasa Lev 17:8);
– ang kaugalian ng pagpapalabunutan para makuha ang “sagot ni Yawe.”

• 16.1 Hanggang kailan mo ipagluluksa si Saul? Kung minsa’y nananatili na lamang tayo sa iisang lugar, walang pagbabago, inaasam-asam ang kahapon, gayong itinutulak tayong pasulong ng mga pangyayari sa buhay para magbago ang mga plano at inaasahan.
Nagpa-Betlehem si Samuel para makaharap ang hinirang ng Diyos. Ang Betlehem o Belen ang siyudad ng angkan ni David. Doon ipanganganak si Jesus, makalipas ang sampung dantaon.
Pinapastol ni David na anak ni Jese ang kawan nang ipahanap siya. Pastol siya ng mga tupa bago siya naging hari. Sa Biblia, ang pastol at hindi ang mahalagang tao ang larawan ng ganap at tunay na hari. Inaasikaso niya ang mga tao at pinagsisilbihan sila gaya ng pastol sa kanyang mga tupa. Magpapakilala si Jesus na Hari at Tagapagligtas bilang Mabuting Pastol, na siyang pinapangarap ng mga propeta (tingnan ang Ez 34 at Jn 10).
Nakakakita ang tao sa kanyang mata pero ang puso ang nakikita ni Yawe. Hindi pa makikita sa nagbibinatang si David ang pagkakaroon ng sariling pagpapasya, talino at kagitingan na ipapamalas niya bilang militar na pinuno at pulitiko. Ngunit kilala ng Diyos ang kanyang hinirang. Para ihatid sa kaganapan ang kanyang gawa, hindi pinipili ng Diyos ang mga magaling sa pagpapakitang-tao. (Tingnan ang 1 Cor 1:28.)
Sa anumang grupo, kailangang madiskubre ang tunay na halaga ng bawat isa at huwag magpaimpluwensya sa mga panlabas na anyo. Napakahalaga para sa mga pamayanang Kristiyano na ang mga responsable ay marunong “tumingin sa puso” ng kanilang mga kapatid, ang mga tahimik man at ang mga nagpapakita ng lubos na sigasig. Kayat hindi sila matatagalan sa paghanap ng mga taong kinakailangan para magbigay-buhay sa komunidad at bale-walain ang mga ambisyoso.

• 14. Sa kabanatang ito at sa kab. 17, pinagsama ang magkaibang tradisyon tungkol sa promosyon ni David: 16:1-13, 14-23; 17:17-58. Ano ang tunay na nangyari at ano naman ang alamat lamang sa bawat teksto?
Ipinadala ni Yawe ang isang masamang espiritu (14). Isa itong matandang paraan para sabihing pinahintulutan ng Diyos na medyo masiraan ng ulo si Saul.

• 17.4 Sa loob ng mga dantaon naging paborito na ng mga Israelita ang pakikipaglaban ni David at hanggang ngayo’y gustung-gusto pa rin natin ito. Kaya hindi tayo dapat magtaka na binuo ng mga editor sa paglalagay ng maraming detalye ang pakikipaglaban ni David sa “Pilisteo” na pagtagal-tagal ay tatawaging “Goliat”.
Inspirado ng Diyos ang mga bumuo at nag-edit ng mga librong ito. Naintindihan nila na ang laban ni David kay Goliat ay sumasagisag sa laban ng mabuti sa masama.
Tabak, sibat at tulos ang dala mo, pero hinaharap kita sa ngalan ni Yawe. Sa daigdig ang tagumpay ay hindi mapapasakamay ng malakas o ng lubos na nasasandatahan. Iniinsulto nila ang Diyos, higit sa lahat, sa kanilang kayabangan at pagtitiwala sa sarili. At hindi sila magtatagal kung iinsultuhin nila ang bayan ng Diyos at ang mga hamak.
Ang tagumpay ay mapapasamahihinang nananalig sa tulong ng Diyos. Ang panalo ay isang kabataang kumakatawan para sa mga nananatiling bata sa puso at may malinis na konsiyensya.
May ilang nakikiusap kay David na ipagsanggalang ang sarili sa paggamit ng kalasag at sandata ni Saul. Nauunawaan ni David na kung gagamit siya ng mga sandatang gaya ng sa Pilisteo na hindi naman niya alam gamitin, siya ang matatalo nito.
Sa dakong huli’y ang Pilisteo ang namatay na biktima ng kanyang mga sandata.
Madaling maihahambing ang laban ni David sa laban ng Iglesya. Iniiwan nito ang kalasag ni Saul sa paghahanap ng mas kaunting organisasyon, mas kaunting pag-aalala sa pananalapi para sa kanyang mga gawa at mga gusali, kapag pinalalaya niya ang kanyang sarili sa tulong mula sa pulitika. Sa oras na talikuran ng Iglesya ang lahat ng proteksyong ito, siya ay nagiging mas malaya at mas bata. At gaya ni David, makikipaglaban siyang nananalig “sa ngalan ni Yaweng Diyos ng mga hukbo ng Israel.”

• 18.1 Minahal ni Yonatan si David. Inilalarawan sa atin ng Biblia ang matalik at matapat na pagiging magkaibigan ng dalawa bilang regalo ng Diyos, higit pa sa pakikipagtunggali kay Saul. Ibinigay niya kay David ang kanyang suot na kapa, tabak, pana at sinturon… pagkanatural, prangka at pagmamahal na di makasarili.
Kahit na hindi na bata sina David at Yonatan kundi mga binata na, magagamit pa rin natin ang mga salitang ito ng isang makata: “Alalahanin mong ang kakila-kilabot na daigdig na ito ay nagpapatuloy lamang dahil sa matamis na pagsasabwatan, laging naglalaban, laging sumisibol na muli, ng mga makata at mga bata. Huwag na huwag maging mahalagang tao! May pakana ang mga kilalang tao laban sa kamusmusan, at sapat na ang basahin ang Ebanghelyo para malaman ito. Sinabi ng Diyos: Maging tulad ng mga bata. At inuulit-ulit naman ng mga naging mahalaga para pagtaksilan ang kamusmusan: Tularan ninyo kami.
Pagkatapos ng kanyang tagumpay, tumanyag si David sa kaharian. Pero agad naman siyang kinainggitan ni Saul.
Kinatakutan ni Saul si David. Inilalahad sa atin ng sumusunod na mga kabanata na habang tumatanyag si David sa mga tao, sinisira naman ng selos at inggit ang isip ni Saul. Sinasabi sa atin ng libro na si Saul ang maysala dahil lumayo siya sa daan ng pagsunod sa Diyos. Pero ang kasalanan niya ay kapareho ng kasalanan ng nakaraming pinuno at gayon din ang parusa sa kanya: naging bilanggo siya ng kanyang tungkulin na hindi niya kaya ni alam kung paano iiwan. May kutob siyang tao ng Diyos si David, pero hindi niya maibabahagi ang kapangyarihan sa binatang ito at walang ibang paraan kundi ang “ipaligpit” ito.

• 19.1 Ikinukuwento sa atin ng mga kabanata 19-25 ang buhay ni David na takas. Magiging lider siya ng isang grupo ng mga taong di kanais-nais at mabubuhay na kasama nila sa mga liblib na lugar ng bansa.
Hindi isang “santo” si David ayon sa maaari nating isipin ngayon. Kaibigan siya ng Diyos gaya ng pagiging kaibigan ng iba sa isang lipunang di gaanong sibilisado. Sa kabila ng kanyang mga kapintasan, siya pa rin ang nagsisilbing halimbawa ng maaaring gawin ng Diyos sa isang taong nagpapagabay sa kanya.
Binibigyang-diin ng Biblia ang kahanga-hangang kaluluwa ni David at ang kanyang kabutihang-loob sa pamumuhay kasama ng mga tulisan at sa lahat ng ipinakakahulugan nito. Nabuhay si David na mulat sa kanyang misyon, hinaharap niya ang mga panganib nang walang pagkabahala at pinatutunayan niyang siya ang guro ng kanyang mga mandirigma at isa siyang taong may pananaw at kutob gaya ng mga propeta.
Kung may gustong pagkatiwalaan ng isang dakilang misyon ang Diyos, pansamantala niya itong inilalayo sa karaniwan nitong kapaligiran. Kayat tulad ni Moises pumupunta rin si David sa disyerto.

• 18. Isinasabuhay ng Israel ang kanyang pananampalataya sa pag-awit, pagsasayaw at pagdiriwang ng alaala ng mga kahanga-hangang gawa ni Yawe. Kaya kailangan nila ang mga pangkat na ito ng mga propeta. Nababanggit sila rito sa kauna-unahang pagkakataon sa Biblia: sa sariling gawa ay nawawala sa sarili ang mga lalaking ito. At nang panahong iyon, itinuturing itong gawa ng Espiritu ni Yawe na siyang sanhi ng pagkawala sa sarili ng tao. Sa kanilang simula, walang gaanong kaibahan ang mga propeta ng Israel sa “mga propeta” ng iba pang mga karatig-bayang pagano. Sa bandang huli, gagamitin sa Biblia ang tawag na propeta para sa ibang mga taong katangi-tangi, mga tinawag ng Diyos para sa isang natatanging misyon. At tilamsik na lamang ng relihiyosong pagkawala sa sarili ang maiiwan sa kanila.
Magandang ihambing ang mga kilos na ito ng mga propeta sa iba pang makikita sa simula ng Iglesya (tingnan Mga Gawa 21) at basahin ang sinasabi ni Pablo tungkol sa mga pagpapahayag ng Espiritu sa 1 Cor 12-14. Hinding-hindi lamang gawa ng Espiritu ng Diyos ang pagpapahayag ng Espiritu kundi depende rin ito nang malaki sa kakayahan ng taong ginagamit ng Espiritu para kumilos, gaya ng kung paanong nagkakakulay ang liwanag ng araw ayon sa kulay ng kristal na pinaglalagusan nito. Sa mga grupo ng mga taong simple at walang gaanong pinag-aralan, kumilos (at kumikilos pa rin) ang Espiritu ng Diyos sa pagpukaw sa mga katangiang pang-ekstasi na mapapansin din sa ibang relihiyon na hindi naman Kristiyano. Pero para sa kanila ang mga bagay na ito ang nagpapalakas sa kanila sa kanilang pananampalataya.

• 20.12 Narito ang salaysay tungkol sa pagiging magkaibigan nina David at Yonatan. Ipinapakita ng Biblia (2 S 20:7) na kailanma’y hindi nilimot ni David ang kanilang kasunduan ni Yonatan.

• 21.1 Kumakatawan sa labindalawang tribu ng Israel ang Mga Tinapay ng Presensya. Iniaalay ang mga ito tuwing Araw ng Pahinga at nananatili sa ibabaw ng altar sa loob ng sanlinggo. Nalalarawan dito ang katapatan ng bayan kay Yawe. Para sa mga pari ang mga ito, at sila lamang ang makakakain nito (Lev 24:5-9).
Ginagamit ni Jesus ang tekstong ito bilang halimbawa nang manguha ng makakain ang kanyang mga alagad sa paraang di ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga (tingnan Marco 2:13). Gusto tayong palayain ni Jesus mula sa pagkaalipin sa “sagrado” sapagkat ang tao ang siyang pinakasagrado sa lahat.
Higit pa kaysa mga tinapay lamang ang pangyayaring ito. Para sa Diyos, hindi kasinghalaga ng bawat taong tumutupad nang mabuti sa kanyang misyon ang paggalang sa sagradong tinapay. Kailangang makita ng mga sumasampalataya na sagrado na ang kanilang mga gawain sa araw-araw nang dahil lamang sa sila’y mga anak ng Diyos at tahanan ng Espiritu Santo. Ang paglalaba ng ina sa kanyang tahanan, ang trabaho sa pabrika, ang pangangatawang pabutihin ang lagay ng komunidad – pinauunlad ng mga ito at ng lahat nating gawa ang gawa ng Maykapal tulad ng ipinaaalaala ng Konsilyo Vaticano. (Tingnan 1 P 2:9.)

• 11. Kailangang magkunwaring loko si David. Ipinapakita ng Biblia na hiniya muna ang hinirang na ito ni Yawe bago siya lumuklok sa kanyang trono. Sa ganito’y mahiwagang ipinagpapauna ang mga kahihiyang sinapit ni Kristo. Minahal niya tayo hanggang sa pagkabaliw, nang magpakababa siya sa pagiging lingkod hanggang sa nakahihiya at masakit na kamatayan sa krus (tingnan Fil 2:7-9).

• 22.1 Hindi itinatago ng kabanata 22:2 na nagigipit o may mga utang o mga hinanakit ang mga sumama kay David. Hindi gawa ng taong pawang mga santo ang mga digmaang naging daan para mabuhay at umunlad ang bayan ng Diyos. Ganito rin ang nangyayari sa mga pakikibakang nagaganap saan mang lugar sa daigdig alang-alang sa katarungan. Makasisiguro tayo na hindi mawawalan ng mga nakadududang mga bagay o mga katiwalian kahit na sa pinakamagagandang simulain. Mapalad kayo kung may napakalalim na pagkaunawa sa kanilang misyon ang inyong mga lider gaya ni David, at tunay na nakadarama ng pagkakabuklod sa kanilang bayan.
Tinatalakay rito ang mga pagkonsulta kay Yawe sa paggamit ng efod na isang bagay na ginagamit sa pagpapalabunutan. Isa itong matandang kaugalian, at karaniwan na sa mga pari ng Israel. Ngunit naglaho ang kaugaliang ito nang tumigil sa panghuhula ang mga propeta (tingnan kab. 9).

• 24.1 Ekspresyon ng pananampalataya ni David ang respeto niya sa “pinahiran” o hinirang ng Panginoon (dahil pinahiran ni Samuel si Saul).
Alam ng taong tinuruan ng Biblia na nakikibahagi sa Diyos ang mga pinuno ng bayan pagdating sa mga obligasyon at kapangyarihang lampas sa kakayahan at karapatan ng tao. Ang tungkulin nating magbigay-puna o palitan ang masama o mahinang mga pinuno kailanma’y di dapat maging sagabal sa paggalang sa kanilang pagkatao at sa mabigat na responsabilidad na ipinagkatiwala ng Diyos sa kanilang mga kamay. (Rom 13:1)

Ipagtanggol nawa ni Yawe ang aking usapin. Hindi ito reklamong may sama ng loob ng isang di makapangahas ipagtanggol ang sarili kundi katiyakan ng isang nakikipaglaban para sa inaakala niyang matuwid. Ngunit kinikilala rin niya na ang Diyos lamang ang panginoon ng kasaysayan. Sa ilang mga pangyayari, mas ginugusto niyang huwag ipaglaban ang kanyang mga karapatan bilang paraan ng pagpapakita ng ganap niyang tiwala sa Diyos. Ito ang sinasabi ni Jesus sa Mateo 5:38-42.

• 25.1 Pinaghahambing ng pangyayaring nababasa natin dito ang dalawang tao at dalawang takbo ng isip: walang ikinalamang sa iba ang taong may mga ari-arian. Gusto nitong sabihin na kailangang ibahagi ang kayamanan.
Binibigyang-diin ang papel ng babae. Naitataboy ng kanyang karunungan ang kapahamakang gawa ng mga lalaki. Sa kababaang-loob ni David, nakita niya na napapasubo siya sa karahasan at kawalang-katarungan dahil sa pagiging mapusok niya.

• 26.1 Malamang na ang pangyayaring isinalaysay na sa kabanata 24 ang siya ring tinatalakay rito. Dalawang magkaibang salaysay ang mga ito na nagsasaad ng iisang saloobin ni David sa harap ni Saul.

• 28.1 Saanma’y hindi lumilitaw si Saul na napakalapit sa atin at taung-tao. Habang nakikipaglaro si David sa mga panganib nang hindi nawawalan ng kapanatagan, taglay ang pananalig kay Yawe at mahal ng lahat, mag-isa namang pinapasan ni Saul ang bigat ng kanyang kabalisahan. Wala na si Samuel na kaaway niya na puwede sana niyang kausapin at di sang-ayunan. Hindi na rin nagsasalita ang Diyos para kay Saul. Kaya naiwang nag-iisa ang tao sa harap ng isang mundong laban sa kanya at pinahihirapan ng kanyang mga pag-aalinlangan at kabalisahan.
Gustong pilitin ni Saul na magbigay ng magandang sagot ang Diyos. Ngunit sentensya ng kamatayan ang ibinibigay sa kanya ni Samuel. At payapa siyang umalis dahil hindi naman takot sa kamatayan ang nagpapabigat ng kanyang kalooban kundi ang pangungulila na bahagi na niya habang nasa poder siya. Naging pangkaraniwang tao na lamang gaya ng iba ang lalaking “matangkad mula balikat hanggang ulo sa lahat ng tao.” At sa tulong ng isang babaeng pobre siya umaasa, isang makasalanan sa harap ng batas ng Diyos pero puno ng pang-unawa.

• 30.1 Isa ito sa mga pangyayaring iyon na parang lubos na napuksa na si David.
Ngunit nakatagpo ng lakas si David kay Yaweng kanyang Diyos. Hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa kahit na nasa kailalim-ilaliman siya.
Patas lamang ang kaparte ng nakipaglaban at ng naiwan sa mga gamit. Itinataguyod ni David ang pagkakabuklod ng mga mandirigma: babahaginan ang lahat, sa halip na bayaran ang bawat isa ayon sa bunga ng kanyang mga pagsisikap. Hindi niya tinatanggap ang pagkakabukod na madalas nating ginagawa sa mga naglilingkod at “sa mga di naglilingkod.” Ang konseptong ito ng panlipunang pagkakabuklod ang siya ring nagbibigay-buhay sa lahat ng batas sa Deuteronomio.
Si David ang nagiging kaluluwa at tagapagbigay-buhay ng grupo. Makikita rito kung paano siya mamumuno kapag naging hari na siya at tagapagturo ng kanyang bayan.

May 30, 2007 - Posted by | 1 Samuel, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Leviticus

1 Comment »

  1. […] 1Samuel […]

    Pingback by Komentaryo « Ang Bagong Magandang Balita Biblia | May 30, 2007


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: