Ang Bagong Magandang Balita Biblia

Ang Banal na Kasulatan

1 Samuel: Komentaryo

Ang Aklat ni Samuel na ngayo’y nahahati sa dalawa ang simula ng ikatlong bahagi ng banal na kasaysayan pagkatapos ng Genesis at Exodo. Dito inilalahad sa atin ANG GAWA NG DIYOS SA PUSO NG MGA TAO at ang paraan ng pakikipagtulungan nila sa paghahari ng Diyos.

Dito buong kasimplehang isinasalaysay sa atin ang mga halimbawa at mga pagkakamali ni DAVID: ang buhay niya, na kasingkaraniwan ng sa sinuman sa atin, ay waring may taglay na hiwaga. Pero sa dakong huli’y makikita nating ang Diyos pala ay nasa lahat ng nangyari sa kanya at sa kanya’y nagtayo ang Diyos sa mga Israelita ng isang bagay na di mapapawi.

Mahalaga ang librong ito hindi dahil sa mahahalagang pangyayari ng kasaysayang nakapaloob dito. Mas binibigyang-pansin ng Biblia ang PERSONAL NA KASAYSAYAN ni David kaysa kanyang mga tagumpay. Ang unang haring ito ng Israel ang modelo ng isang sumasampalataya dahil sa kabila ng kanyang malakas na personalidad at di pangkaraniwang talino, nagpapatnubay pa rin siya at NAGPAINSPIRASYON SA DIYOS, at pinakaimportante sa kanya ang maglingkod sa Diyos sa lahat ng bagay.

Sa librong ito’y para bang NAGTATAGO ANG DIYOS. Walang anumang pagbubunyag o mariringal na pagpapakita ng Diyos. Isang salita lamang kay Propeta Natan na magbibigay-direksyon sa hinaharap: ang paghahari ni David sa Jerusalem at sa Palestina ay mauuwi sa Kaharian ng Diyos sa sanlibutan. Si Kristo Jesus ang magiging ANAK NI DAVID.

Dalawang tao ang nauuna kay David:

- si SAMUEL, ang pinakahuli sa mga Hukom at isa ring propeta. Ito ang panahon na watak-watak ang mga Israelita at nadarama nilang kailangan nila ng isang permanenteng pamunuan: “Gusto naming magka-hari gaya ng meron ang ibang mga bansa,” sa halip na umasa lamang sa mga inspirado ng Espiritu, sa mga “hukom” na laging naroon kapag kinakailangan sila ng bayan.

- si SAUL, ang pinakaunang hari na pinili ng Diyos, pero tinanggihan naman pagkatapos.

- Sa simula ng libro, hindi pa ang Israel ang may-ari sa lupain ng Kanaan, pero naging magbubukid na sa permanenteng lugar ang mga tribu mula sa dati nilang pagpapagala-gala bilang mga pastol. Namayan sila sa kabundukan, at kadalasa’y wala silang magawa sa pagsalakay ng mga Pilisteong nakatira sa matabang kapatagan ng dalampasigan sa mga siyudad ng Gat, Gaza, Asdod, Askalon at Ekron.

• 1.1 Nagsisimula ang lahat sa isang simpleng mag-asawa na isinasabuhay ang dula ng kanilang buhay-mag-anak sa isang nayon sa kabundukan.

Mas mababa ang katayuan ng babae, at palaging magiging ganito sa Israel. Kasinghalaga lamang siya ng mga anak na isisilang niya. Ang bilang ng asawa ng isang lalaki ay batay sa kanyang kakayahang magtustos. Mahal ni Elkana si Ana, pero gaya ng pagmamahal niya sa kanyang mga anak.

Sa mga pamilya mismong ito na wala nang pag-asang magkaanak gusto ng Diyos na pumili ng kanyang mga lingkod. Ang Diyos ang nagbibigay-buhay sa mga patay at ng pag-asa sa mga walang pag-asa. Tingnan ang mga katulad na pangyayari sa kapanganakan ni Isaac at ni Juan Bautista (Lucas 1:5). Mababasa natin sa libro ni Isaias ang tula na nagsisimula sa ganitong mga salita: “Sumigaw sa galak, ikaw na dating baog.” (Is 54:1).
Ipinapakita sa atin ng salaysay na ito ang buhay-relihiyoso nang panahong iyon. Nasa Silo ang toldang kinalalagyan ng Kaban. Wala pang templo noon, kaya dinadala ng mga namamanata ang mga hayop na kanilang ihahandog. Ang ama ng tahanan ang namumuno bilang pari ng pamilya sa pag-aalay ng mga hayop na handog. Mula lamang sa panahon ni David saka magiging tanging karapatan ng mga pari ng tribu ng Levi ang maging mga tagapamagitan ni Yawe at ng kanyang bayan.
Lumilitaw rin dito ang mas mababang kalagayan ng mga babae. Mahal ni Elkana si Ana gaya ng pagmamahal niya sa kanyang mga anak; pero hangga’t ang mga lalaki ay puwedeng magkaroon ng maraming asawa, hindi magkakaroon ng mag-asawa ayon sa niloloob ng Diyos (tingnan ang Gen 2:24).

• 2.1 Sa kanyang awit ng pasasalamat, inaako ni Ana ang pagiging tagapagsalita ng lahat ng hamak sa kanyang bayan at sa daigdig.
Si Yawe ang Diyos na nagliligtas sa mga pinabayaan. Tinatanggihan niya ang mga nananalig sa kanilang bisig, sa kanilang pana, sa pagkaing tiyak na nakalaan para sa kanilang tahanan, ibig sabihi’y sa kanilang sarili at sa meron sila. Ipinamamalas niya ang kanyang luwalhati sa pagbaligtad sa pagkakaiba ng mga tao (tulad sa talinhaga ng mayaman at ni Lazaro, Lucas 16:25). Si Yawe ang nagdadala sa libingan at bumubuhay.
Maihahambing din ang awit na ito sa Awit ni Maria (Lucas 1:45). May propetikong pananaw ang awit ni Ana. At tulad ni Ana, kailangan din nating ipagmalaki ang ating Diyos, higit pa sa mga materyal na pag-unlad ng ating lipunan na naghahatid ng ligaya sa mayayaman at malalakas.
Sinasabi ng tekstong ito na mali ang mga naghahangad ng pag-unlad ng lipunan at sariling kapakanan, na ang tanging layunin lamang ay matiyak ang kinabukasan ng kanilang mga pamilya. Ang nasa panig ng mahihina ang siyang maliligtas. Samantalang ikinahihiya ng iba ang kanilang pagkahamak, pagiging trabahador o magbubukid, o ang paurong na kalagayan ng kanilang bayan, alam naman ng sumasampalataya na ang mga dukha at mga nagugutom ay tumutulong sa pagliligtas sa daigdig. Sapagkat kung saan salat sa lahat ng bagay, doon mas madaling madiskubre ang tunay na halaga ng tao, at maunawaan na wala nang daigdig na karapat-dapat sa tao liban sa daigdig na may pagkain at dangal para sa lahat.

• 3.1 Deretsahan at personal na tinatawag ng Diyos si Samuel. Ang pagtugon ng batang Samuel ang siyang naghahanda sa kanya para sa mas dakilang mga bagay.
Sa kabila ng edad at tungkulin nito, mapapansin ang pagpapahalaga ni Eli kay Samuel. Alam niya na wala sa edad ang kahustuhan sa buhay-espirituwal. Tinatanggap niya ang mga paninising pinararating ng Diyos sa pamamagitan ng batang ito.
Binibigyang-diin din ng Biblia ang pananagutan ng mga hindi dumidisiplina sa kanilang mga anak. Itinuturo sa Israel na tungkulin ng mga ama ang turuan at disiplinahin, kahit na parusahan, ang kanilang mga anak, sa halip na kun-sintihin ang mga ito. Hindi dapat magkulang ang mga magulang sa kanilang responsabilidad na maging mga tagapagturo nang dahil lamang sa maling dahilan na kapag naging mahigpit sila sa kanilang mga anak ay mawawala ang pagmamahal ng mga ito sa kanila. Habang di pa ganap na mulat ang konsiyensya ng bata, ang hinaharap na kalayaan ng isang kabataan at ng may husto nang gulang ay naihahanda sa pamamagitan ng disiplina ng isang “Batas”: tingnan ang Sir 30 at Gal 4, at ang paliwanag sa Mga Hukom 8:22.
Ang pagtawag kay Samuel ay tulong sa atin para alalahanin na bawat isa sa atin ay may bokasyon, na ibig sabihi’y tinatawag ng Diyos ang bawat isa at inilalaan sa pagganap ng isang gawaing para lamang sa kanya at di mapapalitan. Sa kasalukuyang panahon, napakarami sa atin ang bale mga tagagawa lamang at di gaanong pinahahalagahan. At dahil wala silang anumang tungkulin o responsabilidad na kanilang naipagmamalaki, tama lamang na makadama sila ng kabiguan. Hindi nila nararamdamang “tinatawag” o kinakailangan para sa kung anong dakilang gawain. Kaya wala sa kanila ang isa sa pinakaimportanteng puwersa na magbubunsod sa kanila na itayo ang kanilang kinabukasan. Para magkaroon ng direksyon ang buhay, kailangang itanong ng bawat isa sa kanyang sarili: Ano ba ang gusto ng Diyos sa akin?

• 4.1 Sa pakikipagdigma nila sa mga Pilisteo, hangad ng mga Israelita ang proteksyon ni Yawe. Hinanap nila ang Kaban, sa pag-aakalang sa pamamagitan nito’y obligado si Yawe na papagtagumpayin sila. At sapagkat kalimita’y pinagdududahan ng tao ang kanyang Diyos, nagtitiwala siya sa kanyang mga anting-anting.
Pero hindi mahalaga sa Diyos ang Kaban, at wala rin siya sa paninilbihan sa isang bayang iresponsable. Sa halip ay gusto niya silang turuan: pagbabayarin niya sila sa kanilang kataksilan. Kaya hindi sila tinutugon ng Diyos, at nawala ang Kaban.

• 7.2 Nauulit dito ang parehong karanasan ng Mga Hukom. Kinukumbinsi ni Samuel ang Israel na magbalik kay Yawe. At pinapagtagumpay naman sila ni Yawe na tapat sa kanyang Pakikipagtipan.

• 8.1 Nagkaroon ng malalim na pagbabago sa pamumuhay ng mga sinaunang lagalag na nakatira ngayon sa mga nayon at bayan gaya ng iba. Hindi na akma ang mga dating istrukturang panlipunan na bagay lamang sa pamumuhay sa disyerto; malimit itong masaksihan sa mga kasaysayan ng mga bansa, gayundin sa iglesya. Palaging nagbabago ang sangkatauhan na ibinubunsod ng mga pangyayari at ebolusyong teknikal; lumilitaw ang mga pagkakaiba ng mga kaisipan, at nabubunyag kung gaano kaalangan ang mga sinaunang istruktura sa mga bagong kalagayan.
Bukod dito, kinakailangan ang mga institusyon sa buhay ng mga komunidad para bigyan ng direksyon at kaayusan ang laging magulong buhay na ito; kung walang permanenteng institusyon, babaling ang lipunan sa anarkiya. Kung may palagiang tensiyon sa pagitan ng buhay at ng institusyon, mas nakikita ito kapag may krisis ang lipunan. Samantalang iniisip ng mga konserbatibo na ang muling pagtatatag ng kaayusan ay isang pagbabalik sa nakaraan, naghahanap naman ang mga nagtataguyod ng pagbabago, ng mga sariwang istruktura para tugunan ang pangkasalukuyang kalagayan, at madali nilang kinalilimutan ang aral ng kahapon.
Sa Mga Kabanata 8-12 ng 1 Samuel, ipinakikita sa atin ang ganitong krisis at ang mga salungatang ibinubunga nito. Nakikita ng mga tao na nagmumula ang kanilang kahinaan sa hidwaan at anarkiya. Hindi sapat ang panandaliang awtoridad ng “Mga Hukom”; kinakailangang magkaisa ang labindalawang tribu sa ilalim ng isang hari.
Si Samuel ay tagapagtanggol ng nakaraan, at ang kanyang mga babala ay ibinubunsod ng personal na kawalang-tiwala. Hindi siya naniniwalang mas mabuti ang mas makapangyarihan at mas sentralisadong gobyerno. Sa halip, naging makatotohanan siya at tinutuligsa niya ang walang-takdang kapangyarihan.
Pinagsasabihan ni Samuel ang bayan dahil sa kanilang kawalang-tiwala kay Yawe. Nahaharap sila sa panganib ng mga Pilisteo, at mas mapapanatag ang kanilang kalooban kung maipapasa sa iba, sa isang makapangyarihang lider, ang pag-iisip, ang pagkasi ng Diyos, ang pagpapasya para sa kanila: takot silang gumawa ng sariling pagkilos. Pero kung iaasa na lamang ng isang tao ang lahat sa mga namumuno sa bansa o sa iglesya, mauuwi ito sa pagbagsak o pagdanas ng paniniil na pulitikal.
Para kay Samuel, ang hari ang pinakakinatawan ng Diyos at lingkod ng bayan. Pero ang nangyayari’y sariling mga ambisyon nito ang kanyang paglilingkuran at siya pa ang mang-aapi sa bansa. Noon pa mang panahong iyon, may sapat nang kaalaman ang mga diktador sa pagpopropaganda para kumbinsihin ang bayan na kailangang-kailangan sila (Lc 22:25).

• 9.1 Nasa 10:17 ang karugtong ng kabanata 8. Dito nagsisimula ang salaysay sa bokasyon ni Saul.
Lumabas si Saul para hanapin ang mga asno ng kanyang ama, at may nakasalubong siya sa daan na hindi niya inaasahan.

• 11. Tulad ng iba pang mga Israelita, pinuntahan ni Saul si Samuel. Para sa kanila, si propeta Samuel ay isang manghuhula, at pumupunta sila sa kanya para ihanap ng solusyon ang kanilang mga problemang pangkabuhayan. Hindi ito kaiba sa atin ngayon. Sa loob ng mga dantaon, ang mga nagpaunlad man sa siyensiya ng mga bituin ay tumanggap din ng mga pagsangguni tungkol sa hinaharap. At ang mga horoskop ang pinakahanapbuhay nila. At pagkatapos ay iniwan naman ng siyensiya ang pamahiing ito. Gayundin sa matandang kasaysayan ng Israel, halos walang pagkakaiba ang propeta sa manghuhula, sa astrologo at sa iba pang nagsasabing nalalaman nila ang hindi maaaring malaman ng ordinaryong tao; kinokonsulta sila ng mga tao tungkol sa kanilang mga problema tulad ng ginawa ni Saul. Pero malapit nang makita ng propetismo sa Israel ang tamang daan: ang propeta ang tatawag sa mga tao sa pagbaling sa Diyos. Nang sulatin ang kabanatang ito, yari na ang teksto at nililiwanag ng talata 9 na “propeta” na ang tawag ngayon sa dating tinatawag ng mga tao na “manghuhula.”

Itinalaga ni Samuel si Saul sa pagpapahid sa kanya ng langis (tingnan ang paliwanag sa Lev 8).

• 10.17 Ito ang tamang karugtong ng kabanata 8; ito ang isa pang salaysay ng paghirang kay Saul. Hindi sinasalungat ng kabanatang ito ang nauna, dahil lihim na itinalaga ni Samuel si Saul.
Inilalahad sa atin ng Biblia ang parehong pangyayaring ikinukuwento ng dalawang taong may magkasalungat na paniwala. Nakikita ng una na mabuti at ayon sa plano ng Diyos ang magkaroon ng mga hari (kab. 9-10). Nakikita naman dito ng ikalawa (1 S 8 at 10:17-19) ang isang mapanganib na pagbabago na hinahayaan lamang ng Diyos.
Nagtatago siya sa mga kagamitan. Dito nagsisimula ang kasamaampalad ni Saul na hari kahit na labag sa kanyang kalooban. Humingi ang mga Israelita ng isang hari dahil sa panlabas na panganib (ang mga Pilisteo), pero sa mismong kaloob-looban nila’y isinusuka naman nila ang anumang pamumuno. At naramdaman mismo ni Saul na hindi siya para mamuno. Sa kabila ng kanyang kagitingan gaya ng ipinakikita sa kabanata 11, hindi niya isusuong sa panganib ang kanyang sarili. Makulit siyang tao, nakatali sa mga idea ng kanyang panahon (tingnan ang kab. 25). Bagamat simpleng tao si Saul, wala sa kanya ang kababaang-loob na gusto ng Diyos, na nagbubunsod ng pagsisimula ng mga bago at dakilang bagay na hindi natatakot na baka siya mabigo.
Sumigaw ang buong bayan: Mabuhay ang Hari! Marami na tayong nasaksihang pagtitipong kasinsigla nito at wala rin namang magandang ibinubunga. Tulad ng nangyayari sa maraming pinuno, kinabukasa’y natagpuan ni Saul na nag-iisa siya sa gitna ng isang bayang nag-aakalang nalutas na nila ang lahat dahil nakapag-eleksyon na sila.

• 11.1 Ipinagpapatuloy dito ang salaysay na naputol sa 10:16. Handa nang tumanggap ng kapayapaan ang mga taga-Yabes. Umiiyak ang Israel at tumataghoy, pero si Saul ang siyang nagpapasya na hindi mahahayaan ang sitwasyong ito. Inoobliga ng kanyang kagitingan na kumilos ang Diyos.
Sino ang nagsabing hindi maghahari sa amin si Saul? Walang pulitikang walang mga partido. Mula pa sa simula’y may mga kakampi at mga kalaban si Saul. Ngunit mas kailangan niyang isaalang-alang ang pagkakakanya-kanya ng mga tribu ng Israel lalo na ang kompitensya ng mga tribu ng Efraim at Benjamin sa hilaga at ng tribu ng Juda sa timog. Para naman sa mga taga-Yabes, tatanawin nila itong malaking utang na loob sa kanilang tagapagligtas at magiging tapat sila sa kanya kahit na patay na siya (tingnan 1 S 31:11).
Mabuting tao si Saul at mapagbigay, at ayaw niyang paghigantihan ang kanyang mga kaaway. Ngunit sa oras na maging pinakamakapangyarihan ang isang pinuno, napakadali niyang inilalayo ang sarili sa iba, at nagiging mayabang o pesimista. Hindi makikinig si Saul sa Diyos at sa kanyang mga kamag-anak, at mabubulagan siya sa kanyang pagseselos kay David.

• 12.1 Mahirap para kay Samuel ang tumabi para bigyan ng lugar si Saul, gaya ng para sa maraming tagapagtatag o may katungkulan, na hindi maibigay-bigay sa ibang mga nakababata o mas mahusay, ang pagpapatuloy at pagpapaunlad ng gawaing kanilang nilikha.

Sa pagkakataong ito ipinaaalala ni Samuel sa mga Israelita na walang awtoridad na di nasasaklaw ng batas ng Diyos, lalo na kung tungkulin nitong igawad ang batas. “At sumunod sana kayo at ang inyong haring namumuno sa inyo kay Yawe…” Para kay Samuel, kailangang tuparin ng hari, gayundin ng mga sakop niya, ang mga kundisyon ng Tipan, nang buong-katapatan; sa kasamaang-palad, di magtatagal at iisipin ng mga hari ng Israel na hindi na sila saklaw ng pagiging tapat. Pagkaupong-pagkaupo ni Solomon sa trono, agad niyang iniwan ang palasyong ipinatayo ng kanyang amang si David sa mababang lugar ng lunsod sa piling ng mga bahay ng mga tao para ilagay ang kanyang sarili sa tabi ng Templo ni Yawe. Mula noon, nasa ibaba na ang mga ordinaryong tao, at ang Diyos at ang hari nama’y nasa banal na bundok. Masagisag! Pagdating ni Jesus, papaksain niya ang aral ni Samuel at ng mga propeta: “Dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay…” Maging sa iglesya, ang bagong Israel, kikilos ang ilang may katungkulan na parang mga panginoon ng iglesya sa maling akala na pareho ang katungkulan at pag-abuso sa kapangyarihan.

• 13.1 Wala sa isip ni Saul na iwan ang Gibea na kanyang bayan at magtayo ng isang kapitolyo ng bagong estado ng Israel. Pero dahan-dahan siyang bumuo ng isang permanenteng hukbo (tingnan 14:52) sa halip na umasa lamang sa mga nagboboluntaryong lalaban sa tuwing nasa panganib ang bayan. Maraming taon siyang walang humpay na nakipaglaban para maitaboy ang sumasalakay na mga Pilisteo.

• 5. Hindi lamang minsan kundi maraming beses (tingnan din ang kab. 15) na nagdadalawang-isip si Saul sa katapatan sa Diyos at kay Samuel, o kung gagawin niya ang mas makatuwiran sa palagay niya. At sa katapusa’y mas ginusto niyang kumilos ayon sa sarili niyang paniwala.
Itatatag sana ni Yawe ang iyong paghahari sa buong Israel. Mas mabigat ang hinihingi ni Yawe sa magiging unang hari ng kanyang bayan at sa gusto niyang pangakuan ng walang hanggang pakikipagtipan. Para matanggap kay Yawe ang mga pangakong higit pa sa pangkaraniwang takbo at kahihinatnan ng buhay, kailangang magpakita si Saul ng ganap na katapatan, kahit na parang naaantala o nagkakamali ang Diyos. Sa ganito sinubok si Abraham. Ang mamuno sa ibang tao at lalo na ang magbigay-direksyon sa patutunguhan ng bansa ay pakikibahagi na rin sa kapangyarihan ng Diyos. Walang makaaabot sa ganitong mga responsabilidad kung hindi niya kayang sumunod sa Diyos nang higit kaysa iba at makinig sa kanya.
Gayunpaman, punahin natin na ang mga talata 7-15 ay idinagdag sa naunang teksto. Malamang na gawa ang mga ito ng mga pari na nag-edit sa mas matatandang teksto pagbalik nila mula sa pagkabihag. Pinalalabas nila na si Samuel ang mabuti, ang tagapagsalita ng Diyos. Maaari nating basahin ang pangyayaring ito ayon sa kanilang panukala, pero maaari rin nating pagtakhan ang paraan ni Samuel ng pag-angkin sa mga karapatan ng Diyos. Anong karapatan niya para hindi tuparin ang kanyang salita at dumating sa takdang panahon? At paano niya mahuhusgahan si Saul kung kumikilos ito ayon sa kanyang konsiyensiya? Pinaniniwalaan ng Kristiyanong tradisyon na dapat nating sundin palagi ang ating konsiyensiya kung nagawa na natin ang lahat na maaaring gawin para magkaroon ng maliwanag na konsiyensiya, kahit na lumabag tayo sa mataas na awtoridad o mga sagradong batas sa paggawa nito. Masasabi nating si Samuel ang sumira kay Saul nang hindi natin itinatatwa ang mga dakila at mabubuting katangian ni Samuel.

• 14.1 Tinutulungan tayo ng kabanata 14 para maunawaan ang sitwasyon ng mga Israelita. Sinakop nila ang kabundukan, pero ang kapatagan naman ay nasa kamay ng mga Pilisteong mas organisado at mas armado.
Ipinapakita ng panunumpa ni Saul ang napakaprimitibong antas ng kaalamang panrelihiyon sa panahong iyon, tulad sa kaso ni Yefte (Mga Hukom 11:30):
– panunumpang may banta ng kamatayan;
– pagpapahalaga sa krimen ng sinumang “kumakain ng karne sa ibabaw ng dugo” (tingnan ang bersikulo 33; hindi ito kapareho ng “pagkain ng karne na may dugo” na nasa Lev 17:8);
– ang kaugalian ng pagpapalabunutan para makuha ang “sagot ni Yawe.”

• 16.1 Hanggang kailan mo ipagluluksa si Saul? Kung minsa’y nananatili na lamang tayo sa iisang lugar, walang pagbabago, inaasam-asam ang kahapon, gayong itinutulak tayong pasulong ng mga pangyayari sa buhay para magbago ang mga plano at inaasahan.
Nagpa-Betlehem si Samuel para makaharap ang hinirang ng Diyos. Ang Betlehem o Belen ang siyudad ng angkan ni David. Doon ipanganganak si Jesus, makalipas ang sampung dantaon.
Pinapastol ni David na anak ni Jese ang kawan nang ipahanap siya. Pastol siya ng mga tupa bago siya naging hari. Sa Biblia, ang pastol at hindi ang mahalagang tao ang larawan ng ganap at tunay na hari. Inaasikaso niya ang mga tao at pinagsisilbihan sila gaya ng pastol sa kanyang mga tupa. Magpapakilala si Jesus na Hari at Tagapagligtas bilang Mabuting Pastol, na siyang pinapangarap ng mga propeta (tingnan ang Ez 34 at Jn 10).
Nakakakita ang tao sa kanyang mata pero ang puso ang nakikita ni Yawe. Hindi pa makikita sa nagbibinatang si David ang pagkakaroon ng sariling pagpapasya, talino at kagitingan na ipapamalas niya bilang militar na pinuno at pulitiko. Ngunit kilala ng Diyos ang kanyang hinirang. Para ihatid sa kaganapan ang kanyang gawa, hindi pinipili ng Diyos ang mga magaling sa pagpapakitang-tao. (Tingnan ang 1 Cor 1:28.)
Sa anumang grupo, kailangang madiskubre ang tunay na halaga ng bawat isa at huwag magpaimpluwensya sa mga panlabas na anyo. Napakahalaga para sa mga pamayanang Kristiyano na ang mga responsable ay marunong “tumingin sa puso” ng kanilang mga kapatid, ang mga tahimik man at ang mga nagpapakita ng lubos na sigasig. Kayat hindi sila matatagalan sa paghanap ng mga taong kinakailangan para magbigay-buhay sa komunidad at bale-walain ang mga ambisyoso.

• 14. Sa kabanatang ito at sa kab. 17, pinagsama ang magkaibang tradisyon tungkol sa promosyon ni David: 16:1-13, 14-23; 17:17-58. Ano ang tunay na nangyari at ano naman ang alamat lamang sa bawat teksto?
Ipinadala ni Yawe ang isang masamang espiritu (14). Isa itong matandang paraan para sabihing pinahintulutan ng Diyos na medyo masiraan ng ulo si Saul.

• 17.4 Sa loob ng mga dantaon naging paborito na ng mga Israelita ang pakikipaglaban ni David at hanggang ngayo’y gustung-gusto pa rin natin ito. Kaya hindi tayo dapat magtaka na binuo ng mga editor sa paglalagay ng maraming detalye ang pakikipaglaban ni David sa “Pilisteo” na pagtagal-tagal ay tatawaging “Goliat”.
Inspirado ng Diyos ang mga bumuo at nag-edit ng mga librong ito. Naintindihan nila na ang laban ni David kay Goliat ay sumasagisag sa laban ng mabuti sa masama.
Tabak, sibat at tulos ang dala mo, pero hinaharap kita sa ngalan ni Yawe. Sa daigdig ang tagumpay ay hindi mapapasakamay ng malakas o ng lubos na nasasandatahan. Iniinsulto nila ang Diyos, higit sa lahat, sa kanilang kayabangan at pagtitiwala sa sarili. At hindi sila magtatagal kung iinsultuhin nila ang bayan ng Diyos at ang mga hamak.
Ang tagumpay ay mapapasamahihinang nananalig sa tulong ng Diyos. Ang panalo ay isang kabataang kumakatawan para sa mga nananatiling bata sa puso at may malinis na konsiyensya.
May ilang nakikiusap kay David na ipagsanggalang ang sarili sa paggamit ng kalasag at sandata ni Saul. Nauunawaan ni David na kung gagamit siya ng mga sandatang gaya ng sa Pilisteo na hindi naman niya alam gamitin, siya ang matatalo nito.
Sa dakong huli’y ang Pilisteo ang namatay na biktima ng kanyang mga sandata.
Madaling maihahambing ang laban ni David sa laban ng Iglesya. Iniiwan nito ang kalasag ni Saul sa paghahanap ng mas kaunting organisasyon, mas kaunting pag-aalala sa pananalapi para sa kanyang mga gawa at mga gusali, kapag pinalalaya niya ang kanyang sarili sa tulong mula sa pulitika. Sa oras na talikuran ng Iglesya ang lahat ng proteksyong ito, siya ay nagiging mas malaya at mas bata. At gaya ni David, makikipaglaban siyang nananalig “sa ngalan ni Yaweng Diyos ng mga hukbo ng Israel.”

• 18.1 Minahal ni Yonatan si David. Inilalarawan sa atin ng Biblia ang matalik at matapat na pagiging magkaibigan ng dalawa bilang regalo ng Diyos, higit pa sa pakikipagtunggali kay Saul. Ibinigay niya kay David ang kanyang suot na kapa, tabak, pana at sinturon… pagkanatural, prangka at pagmamahal na di makasarili.
Kahit na hindi na bata sina David at Yonatan kundi mga binata na, magagamit pa rin natin ang mga salitang ito ng isang makata: “Alalahanin mong ang kakila-kilabot na daigdig na ito ay nagpapatuloy lamang dahil sa matamis na pagsasabwatan, laging naglalaban, laging sumisibol na muli, ng mga makata at mga bata. Huwag na huwag maging mahalagang tao! May pakana ang mga kilalang tao laban sa kamusmusan, at sapat na ang basahin ang Ebanghelyo para malaman ito. Sinabi ng Diyos: Maging tulad ng mga bata. At inuulit-ulit naman ng mga naging mahalaga para pagtaksilan ang kamusmusan: Tularan ninyo kami.
Pagkatapos ng kanyang tagumpay, tumanyag si David sa kaharian. Pero agad naman siyang kinainggitan ni Saul.
Kinatakutan ni Saul si David. Inilalahad sa atin ng sumusunod na mga kabanata na habang tumatanyag si David sa mga tao, sinisira naman ng selos at inggit ang isip ni Saul. Sinasabi sa atin ng libro na si Saul ang maysala dahil lumayo siya sa daan ng pagsunod sa Diyos. Pero ang kasalanan niya ay kapareho ng kasalanan ng nakaraming pinuno at gayon din ang parusa sa kanya: naging bilanggo siya ng kanyang tungkulin na hindi niya kaya ni alam kung paano iiwan. May kutob siyang tao ng Diyos si David, pero hindi niya maibabahagi ang kapangyarihan sa binatang ito at walang ibang paraan kundi ang “ipaligpit” ito.

• 19.1 Ikinukuwento sa atin ng mga kabanata 19-25 ang buhay ni David na takas. Magiging lider siya ng isang grupo ng mga taong di kanais-nais at mabubuhay na kasama nila sa mga liblib na lugar ng bansa.
Hindi isang “santo” si David ayon sa maaari nating isipin ngayon. Kaibigan siya ng Diyos gaya ng pagiging kaibigan ng iba sa isang lipunang di gaanong sibilisado. Sa kabila ng kanyang mga kapintasan, siya pa rin ang nagsisilbing halimbawa ng maaaring gawin ng Diyos sa isang taong nagpapagabay sa kanya.
Binibigyang-diin ng Biblia ang kahanga-hangang kaluluwa ni David at ang kanyang kabutihang-loob sa pamumuhay kasama ng mga tulisan at sa lahat ng ipinakakahulugan nito. Nabuhay si David na mulat sa kanyang misyon, hinaharap niya ang mga panganib nang walang pagkabahala at pinatutunayan niyang siya ang guro ng kanyang mga mandirigma at isa siyang taong may pananaw at kutob gaya ng mga propeta.
Kung may gustong pagkatiwalaan ng isang dakilang misyon ang Diyos, pansamantala niya itong inilalayo sa karaniwan nitong kapaligiran. Kayat tulad ni Moises pumupunta rin si David sa disyerto.

• 18. Isinasabuhay ng Israel ang kanyang pananampalataya sa pag-awit, pagsasayaw at pagdiriwang ng alaala ng mga kahanga-hangang gawa ni Yawe. Kaya kailangan nila ang mga pangkat na ito ng mga propeta. Nababanggit sila rito sa kauna-unahang pagkakataon sa Biblia: sa sariling gawa ay nawawala sa sarili ang mga lalaking ito. At nang panahong iyon, itinuturing itong gawa ng Espiritu ni Yawe na siyang sanhi ng pagkawala sa sarili ng tao. Sa kanilang simula, walang gaanong kaibahan ang mga propeta ng Israel sa “mga propeta” ng iba pang mga karatig-bayang pagano. Sa bandang huli, gagamitin sa Biblia ang tawag na propeta para sa ibang mga taong katangi-tangi, mga tinawag ng Diyos para sa isang natatanging misyon. At tilamsik na lamang ng relihiyosong pagkawala sa sarili ang maiiwan sa kanila.
Magandang ihambing ang mga kilos na ito ng mga propeta sa iba pang makikita sa simula ng Iglesya (tingnan Mga Gawa 21) at basahin ang sinasabi ni Pablo tungkol sa mga pagpapahayag ng Espiritu sa 1 Cor 12-14. Hinding-hindi lamang gawa ng Espiritu ng Diyos ang pagpapahayag ng Espiritu kundi depende rin ito nang malaki sa kakayahan ng taong ginagamit ng Espiritu para kumilos, gaya ng kung paanong nagkakakulay ang liwanag ng araw ayon sa kulay ng kristal na pinaglalagusan nito. Sa mga grupo ng mga taong simple at walang gaanong pinag-aralan, kumilos (at kumikilos pa rin) ang Espiritu ng Diyos sa pagpukaw sa mga katangiang pang-ekstasi na mapapansin din sa ibang relihiyon na hindi naman Kristiyano. Pero para sa kanila ang mga bagay na ito ang nagpapalakas sa kanila sa kanilang pananampalataya.

• 20.12 Narito ang salaysay tungkol sa pagiging magkaibigan nina David at Yonatan. Ipinapakita ng Biblia (2 S 20:7) na kailanma’y hindi nilimot ni David ang kanilang kasunduan ni Yonatan.

• 21.1 Kumakatawan sa labindalawang tribu ng Israel ang Mga Tinapay ng Presensya. Iniaalay ang mga ito tuwing Araw ng Pahinga at nananatili sa ibabaw ng altar sa loob ng sanlinggo. Nalalarawan dito ang katapatan ng bayan kay Yawe. Para sa mga pari ang mga ito, at sila lamang ang makakakain nito (Lev 24:5-9).
Ginagamit ni Jesus ang tekstong ito bilang halimbawa nang manguha ng makakain ang kanyang mga alagad sa paraang di ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga (tingnan Marco 2:13). Gusto tayong palayain ni Jesus mula sa pagkaalipin sa “sagrado” sapagkat ang tao ang siyang pinakasagrado sa lahat.
Higit pa kaysa mga tinapay lamang ang pangyayaring ito. Para sa Diyos, hindi kasinghalaga ng bawat taong tumutupad nang mabuti sa kanyang misyon ang paggalang sa sagradong tinapay. Kailangang makita ng mga sumasampalataya na sagrado na ang kanilang mga gawain sa araw-araw nang dahil lamang sa sila’y mga anak ng Diyos at tahanan ng Espiritu Santo. Ang paglalaba ng ina sa kanyang tahanan, ang trabaho sa pabrika, ang pangangatawang pabutihin ang lagay ng komunidad – pinauunlad ng mga ito at ng lahat nating gawa ang gawa ng Maykapal tulad ng ipinaaalaala ng Konsilyo Vaticano. (Tingnan 1 P 2:9.)

• 11. Kailangang magkunwaring loko si David. Ipinapakita ng Biblia na hiniya muna ang hinirang na ito ni Yawe bago siya lumuklok sa kanyang trono. Sa ganito’y mahiwagang ipinagpapauna ang mga kahihiyang sinapit ni Kristo. Minahal niya tayo hanggang sa pagkabaliw, nang magpakababa siya sa pagiging lingkod hanggang sa nakahihiya at masakit na kamatayan sa krus (tingnan Fil 2:7-9).

• 22.1 Hindi itinatago ng kabanata 22:2 na nagigipit o may mga utang o mga hinanakit ang mga sumama kay David. Hindi gawa ng taong pawang mga santo ang mga digmaang naging daan para mabuhay at umunlad ang bayan ng Diyos. Ganito rin ang nangyayari sa mga pakikibakang nagaganap saan mang lugar sa daigdig alang-alang sa katarungan. Makasisiguro tayo na hindi mawawalan ng mga nakadududang mga bagay o mga katiwalian kahit na sa pinakamagagandang simulain. Mapalad kayo kung may napakalalim na pagkaunawa sa kanilang misyon ang inyong mga lider gaya ni David, at tunay na nakadarama ng pagkakabuklod sa kanilang bayan.
Tinatalakay rito ang mga pagkonsulta kay Yawe sa paggamit ng efod na isang bagay na ginagamit sa pagpapalabunutan. Isa itong matandang kaugalian, at karaniwan na sa mga pari ng Israel. Ngunit naglaho ang kaugaliang ito nang tumigil sa panghuhula ang mga propeta (tingnan kab. 9).

• 24.1 Ekspresyon ng pananampalataya ni David ang respeto niya sa “pinahiran” o hinirang ng Panginoon (dahil pinahiran ni Samuel si Saul).
Alam ng taong tinuruan ng Biblia na nakikibahagi sa Diyos ang mga pinuno ng bayan pagdating sa mga obligasyon at kapangyarihang lampas sa kakayahan at karapatan ng tao. Ang tungkulin nating magbigay-puna o palitan ang masama o mahinang mga pinuno kailanma’y di dapat maging sagabal sa paggalang sa kanilang pagkatao at sa mabigat na responsabilidad na ipinagkatiwala ng Diyos sa kanilang mga kamay. (Rom 13:1)

Ipagtanggol nawa ni Yawe ang aking usapin. Hindi ito reklamong may sama ng loob ng isang di makapangahas ipagtanggol ang sarili kundi katiyakan ng isang nakikipaglaban para sa inaakala niyang matuwid. Ngunit kinikilala rin niya na ang Diyos lamang ang panginoon ng kasaysayan. Sa ilang mga pangyayari, mas ginugusto niyang huwag ipaglaban ang kanyang mga karapatan bilang paraan ng pagpapakita ng ganap niyang tiwala sa Diyos. Ito ang sinasabi ni Jesus sa Mateo 5:38-42.

• 25.1 Pinaghahambing ng pangyayaring nababasa natin dito ang dalawang tao at dalawang takbo ng isip: walang ikinalamang sa iba ang taong may mga ari-arian. Gusto nitong sabihin na kailangang ibahagi ang kayamanan.
Binibigyang-diin ang papel ng babae. Naitataboy ng kanyang karunungan ang kapahamakang gawa ng mga lalaki. Sa kababaang-loob ni David, nakita niya na napapasubo siya sa karahasan at kawalang-katarungan dahil sa pagiging mapusok niya.

• 26.1 Malamang na ang pangyayaring isinalaysay na sa kabanata 24 ang siya ring tinatalakay rito. Dalawang magkaibang salaysay ang mga ito na nagsasaad ng iisang saloobin ni David sa harap ni Saul.

• 28.1 Saanma’y hindi lumilitaw si Saul na napakalapit sa atin at taung-tao. Habang nakikipaglaro si David sa mga panganib nang hindi nawawalan ng kapanatagan, taglay ang pananalig kay Yawe at mahal ng lahat, mag-isa namang pinapasan ni Saul ang bigat ng kanyang kabalisahan. Wala na si Samuel na kaaway niya na puwede sana niyang kausapin at di sang-ayunan. Hindi na rin nagsasalita ang Diyos para kay Saul. Kaya naiwang nag-iisa ang tao sa harap ng isang mundong laban sa kanya at pinahihirapan ng kanyang mga pag-aalinlangan at kabalisahan.
Gustong pilitin ni Saul na magbigay ng magandang sagot ang Diyos. Ngunit sentensya ng kamatayan ang ibinibigay sa kanya ni Samuel. At payapa siyang umalis dahil hindi naman takot sa kamatayan ang nagpapabigat ng kanyang kalooban kundi ang pangungulila na bahagi na niya habang nasa poder siya. Naging pangkaraniwang tao na lamang gaya ng iba ang lalaking “matangkad mula balikat hanggang ulo sa lahat ng tao.” At sa tulong ng isang babaeng pobre siya umaasa, isang makasalanan sa harap ng batas ng Diyos pero puno ng pang-unawa.

• 30.1 Isa ito sa mga pangyayaring iyon na parang lubos na napuksa na si David.
Ngunit nakatagpo ng lakas si David kay Yaweng kanyang Diyos. Hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa kahit na nasa kailalim-ilaliman siya.
Patas lamang ang kaparte ng nakipaglaban at ng naiwan sa mga gamit. Itinataguyod ni David ang pagkakabuklod ng mga mandirigma: babahaginan ang lahat, sa halip na bayaran ang bawat isa ayon sa bunga ng kanyang mga pagsisikap. Hindi niya tinatanggap ang pagkakabukod na madalas nating ginagawa sa mga naglilingkod at “sa mga di naglilingkod.” Ang konseptong ito ng panlipunang pagkakabuklod ang siya ring nagbibigay-buhay sa lahat ng batas sa Deuteronomio.
Si David ang nagiging kaluluwa at tagapagbigay-buhay ng grupo. Makikita rito kung paano siya mamumuno kapag naging hari na siya at tagapagturo ng kanyang bayan.

May 30, 2007 Posted by | 1 Samuel, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Leviticus | 1 Comment

Mga Hukom: komentaryo

Isang aklat ng magagandang kuwento ang Mga Hukom para sa atin: sina Debora, Gideon, Samson, Delila, si Yefte at ang kanyang anak na babae, at huwag nating kalimutan sa huling bahagi ang babaeng pinagputol-putol, ang paring bumawi sa pamamagitan ng mga diyus-diyusan ng kanyang tagapagtaguyod. Ang mga salaysay na ito na ipinasa bilang mga popular na kuwento ay nagsisilbing isinalarawang kasaysayan ng isang panahon na bagamat mahalaga ay hindi tanyag. Paano nanirahan bilang mga simpleng magsasaka ang mga lagalag na Hebreong pumasok sa Palestina pagkamatay ni Moises? At paano nila naingatan ang kanilang pagkakakilanlan bilang bayang hinirang ng Diyos?

Talagang kaakit-akit ang mayayamang kapatagan ng lupain ng Kanaan; gayundin ang relihiyon nito – malapit sa kalikasan at panatag na tinatanggap ang kalayaang sekswal. Madaling nakibagay ang mga dayuhan sa kanilang bagong kapaligiran sa lupain. Anong nangyayari sa di-nakikipagkompromisong relihiyon ng di-nakikitang Diyos? Panahon ito ng kadiliman kahit paano tingnan, na maipapalagay na ang apoy ng Bundok Sinai ay tuluyang namatay.

Ang mga Tagapagpalaya
Ang nagliligtas sa kinabukasan ng mga tribu ng Israel, una sa lahat, ay ang pananalakay ng marami sa kanila (nasa isip natin ang tribu ng Efraim na ang mga kabayanihan nito ay isinasalaysay sa aklat ni Josue); ang isa pang dahilan ay ang panganib na malimit nilang hinaharap sa kamay ng mga mandarambong at iba pang mga lagalag mula sa disyerto na gustong umagaw sa kanilang puwesto. Nananatili silang tapat kay Yawe, sa pagdanas nila sa maraming pagkakataon ng kanyang pagliligtas.
Sa kanilang mga kahirapan, ang mga Israelitang di-organisado at nahahati sa magkakaribal na kampo, ay nagkakasama-sama sa pamumuno ng mga hukom ng mga tribu o ng mga lumilitaw na mga pinunong-likas ng bayan, mga simpleng magbubukid kung minsan pero may kakayahang umani ng malalaking tagumpay (tingnan ang mga kabanata 4 at 5).
Tinawag nilang Sofetim ang mga taong ito, salitang nangangahulugan ng pinuno at hukom. Kaya nakagawian nang tawaging Mga Hukom ang mga pinunong ito na kailanma’y hindi naupo sa hukuman. Pero dapat sigurong intindihin ang salitang “hukom” sa ibang kahulugan: ang mga taong ito ang naging mga instrumento ng katarungan ng Diyos.
Hindi mga santo ang mga Hukom sa kahulugang ibinibigay natin sa salitang santo. Pero kinilala sila ng Israel bilang mga tagapagligtas na bigay sa kanila ni Yawe sa kanyang awa. Hindi nga napakarelihiyosong gawain ang patayin ang pinuno ng mga kaaway o ang ilang Pilisteo. Ngunit kung isasaalang-alang natin ang kapanahunang ginagalawan ng mga taong ito, nagpamalas sila ng tapang at pananampalataya sa gitna ng kaduwagan ng lahat. Sa pagtatagumpay nila sa pagwawalang-bahala ng kanilang mga kapatid, naihanda nila ang isang bagong yugto sa kanilang kasaysayan.

Mga baga sa ilalim ng abo
Sa pagbasa sa aklat na ito, hindi tayo magkakaroon ng mataas na idea ng antas na moral at panrelihiyon ng Israel sa panahong ito na ang mga tradisyunal na balangkas ng pamilya at tribung lagalag ay nawawalan ng halaga. Gayunpaman, nagsimula na ang isang malalim na pagbabago. Dalawang salita ang pumapasok sa bokabularyong panrelihiyon: pamana at santuwaryo.
Pamana: may lupa na ngayon ang lagalag. Kailangan niyang makita ito bilang regalo ng Diyos, sakahin ito, at ipasa sa kanyang mga anak. Ang buong relihiyon niya’y nakakawing sa lupang ibinigay ng Diyos sa kanya at iingatan niya ito sa sukat ng kanyang katapatan.
Santuwaryo: Nadidiskubre ng mga Israelitang hindi nagkaroon ng Templo sa disyerto, ang mga lugar ng pagsamba ng mga Kananeo. Sila rin ay unti-unting nagsama-sama sa pagsamba at papapanatilihing buhay naman ng mga Levita at pari ang mga sagradong tradisyon at aral ni Moises. Para sa atin na nabubuhay sa panahon na gumuguho ang lahat ng balangkas ng moralidad at relihiyon na isinabuhay ng ating mga magulang, talagang kaakit-akit ang halimbawang ito ng panahon na lahat ay muling madidiskubre. Posibleng sa likod ng nananagumpay na materyalismo, maraming bagay ang sumusuloy, naghahanda ng panibagong pagsilang ng kristiyanismo na mas may kamalayan sa sarili sa isang lipunang edukado, pandaigdig, napagdaanan na ang industriya.

• 1.1 Ang unang kabanata ay nagbibigay ng kaunting liwanag tungkol sa pananakop. Hindi ito matagumpay gaya ng lumilitaw sa libro ni Josue, kundi dahan-dahan at mahirap. Hindi sinunod ng mga Israelita ang utos na puksain ang mga pagano, at sa ganito’y naingatan sana nila ang kanilang pananampalataya sa kaisa-isahang Diyos. Ukol dito, kalimutan na natin ang ating makabagong pananaw tungkol sa pagrespeto sa ibang bansa. Sa daigdig ng Israel, kailangan ng karahasan para mabuhay, at bukod dito, ang buong kinabukasan ng pagbubunyag ng Diyos sa mundo ay nasa mga kamay ng mga sinaunang lagalag na patuloy na binabantaan ng pagkawasak sa isang paganong kapaligiran.
Paghambingin ang mga bersikulo 8 at 21: hindi talaga tiyak ang mga ito.

• 2.1 Umahon pa-Betel ang “Anghel ni Yawe” mula sa Gilgal na unang santuwaryo ng mga Israelita sa Palestina, sa tabi ng Jordan. Alam natin na ang ekspresyong “Anghel ni Yawe” ay isang paraan ng pagtukoy kay Yawe mismo, dahil alam ng sumulat na hindi makikita ang Diyos kundi isang paglalarawan lamang sa kanya.
Nasa hindi pagwasak sa kultura at relihiyon ng mga Kananeo ang kasalanan. Isipin natin ang mga simulang ito: ang tunay na pananampalataya ay nasa iilang tribu lamang na walang pinuno ni organisasyon, at napapaligiran ng mas mayaman pero paganong kabihasnan. Itinuturo sa atin ng kasaysayan na sa sandaling magbago ng pamumuhay ang isang bayan, nagbabago rin ang relihiyon nito.
Sapat nang makita ang nangyayari ngayon sa malaking bahagi ng sangkatauhan na nagiging pansiyudad at industriyalisado ang dati nilang pambukid at tradisyunal na kabihasnan. Naroon ang tukso ng pagsamba sa mga diyus-diyusan. Kaakit-akit ang relihiyon ng mga magsasakang Kananeo sa pagdaraos nito ng mga puwersa ng buhay at pagkapalaanak. Nagtipon-tipon sila para sa mga pista sa bukid sa mga sagradong gubat at doon nagsagawa ng sagradong prostitusyon para makahingi ng ulan at masaganang ani sa kanilang mga diyos na mga Baal. Nahirapan ang mga Israelitang hindi sanay sa gayong mga kalayaan na huwag sumali sa mga pagdiriwang na ito ng mga paganong kasalamuha nila.
Ito ang dahilan ng paninindigan ng sumulat: dapat wasakin ang lahat ng paganong kulturang ito: tingnan ang tungkol sa paksang ito na nakasisindak sa atin ngayon, sa paliwanag ng Josue 6.

• 11. Nagsisimula ang isa pang introduksyon sa Aklat ng Mga Hukom, kung saan matapos alalahanin ang kamatayan ni Josue ay ibinibigay naman ang mga tunay na sanhi ng mga magaganap na pangyayari. (Tingnan ang Jos 24:31.)
Ang unang sanhi ng kapahamakan ng Israel nang hindi nila magawang alisin ang mga Kananeo ay ang kataksilan nila kay Yawe. Sasabihin ng buong Biblia na para sa atin din, ang unang sanhi ng kapahamakan ng ating lipunan ay ang kataksilan natin sa Diyos, bagamat hindi ito masasabi nang hindi pinagtatawanan maging ng mga mananampalataya.
Ang manunulat na nagsama-sama ng mga kuwentong ito sa iisang aklat ay nakakita ng humahabing sangkap na nagbibigay-liwanag sa mga pagkaantala ng pananakop at sa mga yugto ng paglaya. Pinansin niya itong pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari:
– tinalikdan ng mga Israelita si Yawe at sumamba sila sa mga diyus-diyusan;
– dahil dito, ipinaubaya sila ni Yawe sa kamay ng kanilang mga kaaway;
– inamin ng mga Israelita ang kanilang mga pagkakamali at tinawag si Yawe;
– at saka nagpalitaw si Yawe ng isang tagapagligtas.
Pero sa oras na makamit ang tagumpay at magkaroon ng kapayapaan, muling tatalikdan ng bayan ang kanilang misyon. Sa mundong ito ngayon, walang pangwakas na paglaya.
Inilalahad sa atin ng tekstong ito ang aral mula sa buong libro at ang natunghayan na natin sa Dt 4:1-31.
Laging kumikilos ang Diyos bilang tagapagturo. Dahil napakaprimitibo pang bayan ang Israel at walang naiintindihan liban sa kanilang nakikita at nadarama, inakay ng Diyos ang kanyang bayan sa pamamagitan ng mga materyal na gantimpala at parusa.
Tinalikuran nila si Yawe para maglingkod kay Baal. Baal (o Panginoon) ang anumang diyos na Kananeo, lalo na ang nagpapaulan. Mga diyosa naman ang mga Astarte, na mga diyosa ng lupa at ng pagiging palaanak.
Kaya nagpalitaw si Yawe ng mga tagapagpalaya. Tinawag na “mga hukom” ang mga pinuno o lider na pansamantalang nasa kapangyarihan. Dahil nang panahong iyon, pareho ang ibig sabihin ng maghukom sa bayan at mamuno rito (tingnan ang Introduksyon). Sa pagsasaling ito, malimit nating gagamitin ang salitang pinuno dahil sa mas eksakto ang sinasabi nito tungkol sa kung ano talaga ang “mga hukom” na iyon.
Inilalahad naman sa kabanata 3 ang tatlo sa Mga Hukom na ito.

• 3.7 Nilimot nila si Yawe at pinaglingkuran ang mga Baal… at ipinaubaya sila ni Yawe sa mga kamay ng hari ng Aram. Laging pinaglalaruan ng Biblia ang salitang ito: ang naglilingkod sa huwad na diyos sa sarili niyang kalooban ay magiging alipin laban sa sarili niyang kalooban. Ihambing sa 1 S 7:3.
Nakay Otoniel ang espiritu ni Yawe. Tingnan ang paliwanag sa 11:1.
Habang nakikipaglaban sina Otoniel at Ehud sa mga Edomita, Moabita at Amorita, mga mandarambong mula sa kabilang ibayo ng Jordan, hinarap ni Samgar ang mga Pilisteo. Dumating mula sa dagat ang mga ito sa dalampasigan ng Palestina kasabay ng mga Israelita na galing naman sa disyerto. Bayang may mas magaling na kabihasnan, mas nasasandatahan at organisado, sinakop ng mga Pilisteo ang “Limang Departamento” na ibig sabihi’y ang limang siyudad ng Gat, Asdod, Askalon, Ekron at Gaza kasama ang kanilang mga karatig na teritoryo.
Sila ang nakapangyayari sa mayamang kapatagang nasa hangganan ng Dagat Mediterraneo, at paulit-ulit na nililigalig ng kanilang mga sundalo ang mga Israelitang namamayan sa kabundukan. Si Haring David lamang ang ganap na makalulupig sa kanila, at tanging pangalan lamang nila ang natitira sa kanila: Palestina, na siyang pangalan ng lupain ng Israel na galing sa Pilisteo o Palesteo.

• 4.1 Si Yabin na hari ng Kanaan, sa totoo’y hari ng kapatagan sa hilagang Kanaan, na tinatawag na Jezrael. Doon nagkaroon ng malaking tagumpay sa panahon ng Mga Hukom.
Si Debora na isang babae ang Hukom ng Israel, na ibig sabihi’y naggagawad ng katarungan sa ngalan ni Yawe. Isang natatanging kaso ito sa isang bayang nasa kalalakihan ang lahat ng responsabilidad sa lipunan at relihiyon. Ipinatawag niya si Barak mula sa hilaga. Pero ayaw nitong umalis na mag-isa; nais niya ang kooperasyon ng mga tribu ng Efraim at Benjamin kung saan nakatira si Debora.

Si Barak ay magiging “teknisyan” lamang ng tagumpay at wala nang iba, dahil hindi sapat ang salita ng Diyos para ilaan niya nang lubos ang kanyang sarili. At mas pinahalagahan ng Biblia si Debora na nagbigay-inspirasyon sa pag-aalsa.

• 5.1 Ang “Awit ni Debora” ay isa sa mga pinakamatandang bahagi ng panitikang Hebreo. Ginawa ito pagkatapos ng mga pangyayari: isa itong awit ng parangal kay Yaweng manlulupig. Binibigyang-pansin ng tulang ito ang pagkakanya-kanya ng mga tribu: tatatlo lamang sa kanila ang nagkaisa para harapin ang mga Kananeo.

• 6.11 Tungkol naman kay Gideon at sa kanyang anak na si Abimelek ang mga kabanata 6-9. Ang una ay tinawag ni Yawe at kumilos bilang “Hukom.”
Sa dalawa niyang pakikipaglaban, pinagtibay niya ang kalayaan ng kanyang bayan. Sumunod naman sa kanya si Abimelek na ginamit ang pangalan ng kanyang ama para sa hangarin niyang maging hari.
Napakita kay Gideon sa anyong tao ang Anghel ni Yawe. Ipinaaalaala sa atin ng Ebanghelyo ni Lucas ang talatang ito: Lucas 1:26-38.
Dumarating si Yawe para magpalitaw ng isang tagapagligtas kung saan at kung kailan wala nang pag-asa. Naniniwala si Gideon kay Yawe pero kulang siya ng pananalig: tiyak ngang kaya ng Diyos ang lahat noong araw, pero hindi siya nakikita ni Gideon na kumikilos sa kasalukuyan.
6:15. Matatagpuan natin ang saloobing ito ni Gideon na malimit na inuulit sa Biblia. Ang misyong ipinagkakatiwala sa atin ng Diyos ay laging lampas sa ating kakayahan bilang mga tao (Ex 3:11; Jer 1:6).
Nagbibigay-pag-asa si Yawe sa pagbibigay niya ng tungkuling dapat gampanan. Hindi niya ipinangangakong siya ang gagawa para sa atin, kundi inaanyayahan niya tayong kumilos: Sa iyong kagitingan, ililigtas mo ang Israel sa mga Madianita. Kaya umaasa si Yawe sa taong kanyang pinipili. At saka nadidiskubre ng talubatang magsasakang si Gideon ang kanyang sarili sa pagtawag na ito at alam na niyang isasakatuparan niya nito.
Ganap na pinagsasama ng talata 25-31 ang misyon ng pagpapalaya na ipinagkatiwala kay Gideon at ang pampublikong pagpapahayag niya ng kanyang pananampalataya kay Yawe: sa ganito’y naging marapat siyang pangakuan ng Diyos.
Payag si Gideon na italaga ang kanyang sarili, pero gusto niyang matiyak kung si Yawe nga ang nagsasalita. Kaya humingi siya ng isang tanda na ibinigay naman sa kanya ni Yawe. Hindi katulad si Gideon ng iba na humihingi ng mga tanda para lamang magkaroon ng panahon dahil nagdududa sila o ayaw nilang makumbinsi (tingnan ang Mc 8:11 at Lc 1:18).

• 7.4 Napakarami ng kasama mo. Tulong sa atin ang salitang ito ni Yawe para pag-isipan at paniwalaan na ang maliit na minorya ng mga taong mulat at nakikibaka ang naghahanda at nagsasagawa ng mga tunay na rebolusyon.

• 8.22 Kailangang bumuo ng isang bansa ang mga Israelita, at maghahatid ang yugtong ito ng malaking pag-unlad pagkatapos ng kaguluhan ng mga tribung watak-watak at kanya-kanya. Sa kauna-unahang pagkakataon sa Biblia, mahihiwatigan natin sa 8:22-31 ang pagnanais na magkaroon ng hari.
Sobra sigurong panloloko ang ginawa ng mga pinuno sa mga nag-edit ng librong ito sa huling dantaon ng mga hari ng Jerusalem kayat pinangarap nila ang lumipas na panahon nang wala pa silang mga hari ni tagapamahala. Naisip nila na bilang bayan ng Diyos, hindi kailangan ng Israel na magkaroon ng mga permanenteng pinuno gaya ng ibang mga bayan. At mas naging mabuti siguro kung nabuhay na lamang sila sa araw-araw, sa pananalig kay Yawe na magpapalitaw ng isang tagapagpalaya kung kailan kinakailangan.
Kaya binibigyang-pansin ng Aklat ng Mga Hukom ang pagtanggi ni Gideon na maging hari: Si Yawe ang dapat na maging hari ninyo. Sa kasamaampalad, humingi naman si Gideon ng ginto sa halip na kapangyarihan, at sa ganito sinira ng bayani ang lahat ng ginawa niya para sa kanyang bayan.
Malaking kabiguan ang lahat ng tagapagligtas na ito: sina Gideon, Barak, Yefte, Samson… at dito’y wala silang gaanong ipinag-iba sa marami sa mga kasalukuyang naghahangad palayain ang mga inaapi. Anong aral ngayon ang mapupulot natin sa mapapait na mga karanasang ito na inilalahad ng Banal na Aklat? Na walang silbi ang pagkilos sa pulitika kaya mabuti pang panalangin at katesismo na lamang ang pag-ukulan natin ng pansin? Ipauubaya na lang ba natin sa iba ang pakikibaka para sa katarungan? Pero nakasulat ang katarungan sa bawat pahina ng Biblia.
Sa katunayan, pag pinag-uusapan ang pulitika, kapangyarihan ang pinag-uusapan. At pinasasama ng kapangyarihan ang mga tao na ang konsiyensya ay hindi matatag ang pagkahubog. Maliit ang maaasahan sa pulitika kung hindi maagang nahubog ang konsiyensya sa malusog na pamilya kung saan nadidiskubre ng bata ang pag-ibig at katapatan ng kanyang mga magulang (dalawang katangiang hindi kailanman pinaghihiwalay sa Biblia), at hindi nahubog ang mga magulang na handang gamitin ang kanilang awtoridad para pigilan ang kanyang mga kapritso.
Kaya nga darating ang panahon na bibigyan ng Diyos ng pangunahing kahalagahan ang paghubog ng pagkatao sa pamilya para sa mga mananampalataya: ang panahon ng mga aklat ng Karunungan at ng pagtupad sa Batas.

• 9.8 Isang matandang pabula ang isiningit sa 9:8-15 at inilagay sa bibig ni Yotam sa mahigpit na pagpuna sa kapangyarihan ng mga hari. Maliwanag ang aral: ang mga pinakawalang silbi ang pumapayag maghari.

• 10.1 May kanya-kanyang mga problema ang bawat tribu. Nagkaroon ng mga tagapagligtas sa iba’t ibang lugar, na pagkatapos ng isang tagumpay ay pinarangalan bilang mga “Hukom” sa buong buhay nila: si Gideong taga-Manases, si Tolang taga-Isacar; si Yair na taga-Galaad.

Isinasalaysay mula 10:6 hanggang 12:7 ang istorya ni Yefte. Binibigyang-diin sa introduksyon, 10:6-18, ang kahalagahan ng mga pangyayaring ito.
Mapapansin ang walang-sawang pag-ibig ni Yawe na laging nagpapatawad. Sa pagdami ng mga kasalanan, sinasabi ni Yawe: “Hindi ko na kayo ililigtas uli”; ngunit katulad ng dati, hindi matitiis ng Diyos ang paghihirap ng Israel. Kung inirereklamo natin ang pagsasawalang-kibo ng Diyos sa harap ng kasalukuyang pang-aapi at kawalang-katarungan, ito’y sapagkat hindi natin makita na kapwa nakikibahagi sa responsabilidad at sa kasalanan ang mang-aapi at ang inaapi.

• 11.1 Isa sa mga mas kontrobersyal na tagapagligtas sa Biblia si Yefte. Puno siya ng sama ng loob sa kanyang mga kapatid na humamak sa kanya. Walang buting dulot sa bayan ng Israel ang pakikidigma niya sa tribu ng Efraim. At sa dakong huli, ang kanyang panatang isakripisyo ang sinuman sa kanyang pamilya ay naaayon sa kaugalian ng mga paganong Kananeo na bale-wala kung isakripisyo ang kanilang mga anak. Ngunit mababasa pa rin natin: Nakay Yefte ang Espiritu ni Yawe.
Nang panahong iyon, ang lakas ni Yawe na higit sa lakas ng tao ang ibig sabihin ng Espiritu na siyang nagbubunsod sa tao sa paggawa ng kabayanihan. Hindi lamang sa mga relihiyosong seremonya o sa mga taong relihiyoso, sa mga propeta o mga pari kumikilos ang Espiritu ni Yawe. Kumikilos ito sa “pagbabago sa mukha ng sangkalupaan” (Salmo 104) sa pamamagitan ng mga taong biniyayaan ng lakas at kapangyarihan para sa mga makasaysayang gawain na magsusulong sa Kaharian ng Diyos. Kung minsa’y itinuturing natin kahit mali na parang mga santo ang mga tagapagpalaya sa ating panahon, gayong hindi naman nila laging isinasabuhay ang pananampalataya o kinikilala si Kristo. Mas magiging wasto sana kung sa mga “hukom” natin sila ikukumpara, na sa kabila ng kanilang mga limitasyon ay pinaglingkuran pa rin ang mga plano ng Diyos, “sa pagbubunsod ng Espiritu ni Yawe.”

• 29. Isinasalaysay ng Biblia nang walang anumang paliwanag ang panata ni Yefte. Nakikita natin dito ang pagkakamaling pagsisisihan ng isang bayani.

• 13.1 Narito ang apat na kabanata sa mga “istorya” tungkol kay Samson. Isa lamang siyang tagabukid na may medyo ekstraordinaryong lakas na nakipaglaban sa mga Pilisteo para sa sariling kapakanan. Alamat na lamang ang marami niyang kabayanihan.
Sinasabing himala ang pagsilang ni Samson. Ipinanganak siya ng mag-asawang baog, ayon sa gawi ng Diyos na nakita na natin sa anak ni Abraham (Gen 18) at siya ring ilalahad pagdating kay Samuel (1 S 1), at pati kay Juan Bautista (Lc 1:5).

Kailangang maging Nazireo ang bata, ibig sabihi’y nakatalaga sa Diyos ayon sa napakatandang seremonya sa Biblia (Blg 6:1). Ang pagtatalagang ito sa Diyos ang magiging bukal ng kanyang lakas.

• 16.4 Matapos ipakilala si Samson bilang “superman” na laging nananalo sa mga Pilisteo, ipinapakita naman ngayon ng istorya na natalo siya ng isang babae.
Sinabi ni Samson kay Delila ang kanyang pagkakatalaga sa Diyos bilang Nazireo. Sa kanya’y may parteng nakareserba kay Yawe na siyang bukal ng kanyang di-pangkaraniwang lakas.
Kahinaan ng mga bayani. Ipinagkatiwala ni Samson ang kanyang sarili, kaluluwa’t katawan sa isang babaeng hindi naman nagmamahal sa kanya.
Mababasa natin sa iba pang lugar sa Biblia: “Mabuting sarilinin na lamang ang lihim ng Hari” at “Huwag mong ihagis ang iyong mga perlas sa mga baboy kung hindi’y tatapakan lamang nila ang mga iyon at hihigan.”

• 17.1 Nagtatapos ang Aklat ng Mga Hukom sa dalawang karaniwang istorya tungkol sa buhay ng Israel nang panahong iyon. Matapos purihin ng sumulat ang nagdaang panahon na hindi kinakailangan ang mga hari (tingnan ang 8:22), kinikilala naman niya ang mga kasamaang hatid ng pagkakagulo.

Sa mga kabanata 17-18, dahil sa kawalan ng namumuno sa relihiyon, ginagawa ng mga pari ang kanilang maibigan. Alalahanin natin na nang panahong iyon, ang mga lalaki ng tribu ng Levi ang nakatalaga sa paglilingkod kay Yawe (tingnan ang Blg 3).
Isa sa mga lugar sa Biblia ang 18:27 na nagbibigay-pansin sa ipinapakitang kawalang-pakialam sa harap ng matinding masaker. Hindi pa alam ng mga Israelita noon ang pagpapahalaga sa buhay ng tao, maging kaaway man nila o kasamahan. Bale-wala ang sinuman, ang kabuuan lamang bilang bayan ang mahalaga. Para lamang pagsunog ng isang gubat ang pagpuksa sa isang bayang banyaga.

• 19.1 Katulad na katulad ang krimeng ito sa nasa Gen 19. Mahalaga rin para dito ang sinasabi sa paliwanag doon tungkol sa sagot ng may-ari ng bahay. Ang mga bersikulo 24-25 at 27-28 ay kakila-kilabot na patotoo sa daan-daang dantaon nang pagtingin ng mga lalaki sa mga babae: ganap na iresponsabilidad at paghamak.
Hangga’t walang namumuno sa lahat o isang haring “maghuhukom,” nadarama ng bawat pamilya at bawat tribu na obligado silang ipagtanggol at ipaghiganti ang kanilang mga kalahi. Wala nang iba pang paraan para ipagtanggol ang sinuman sa isang bayang walang namumuno. Sa ganitong sitwasyon, ang isang krimen ay maaaring mauwi sa pagdidigmaan ng mga tribu, gaya ng nangyari sa halimbawang isinasalaysay rito. Lubos na binibigyang-diin ng salaysay ang digmaan at pagkawasak ng Benjamin (hindi natin kailangang paniwalaan talaga ang mga bilang).
Isang aral lamang ang gustong ibigay sa atin dito: sa kabila ng lahat ng kasalanan at pagkakamali ng Benjamin, hindi ito maglalaho ni isa man sa labindalawang tribu na pamana ni Yawe. Sa kabila ng mga pagsubok na sila rin ang may gawa, lagi pa ring may ililigtas na malalabi.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, judges, Lumang Tipan | Leave a comment

Josue: Komentaryo

Natapos sa Bundok Nebo ang misyon ni Moises. Tulad ng nakita natin sa Aklat ng Deuteronomio, tinawag ng Diyos si Moises para “hanguin ang bayan” mula sa pang-aalipin ng Ehipto patungo sa pintuan ng Lupang Pangako. Naroon na ang bayan sa harapan ng lupaing ito at si Josue na ngayon, ang unang Jesus – pareho ang Josue at Jesus sa Hebreo – ang siyang mamumuno sa bayan pagpasok sa lupa ng mga pangako.

Bayang Dayo
Masasabi ba nating isang bayan sila? Sa katunayan, hindi sila hihigit pa sa ilang angkan na pinamumunuan ni Moises patawid sa disyerto, na tiyak na nadagdagan ng mga bagong grupo na nakatagpo nila sa Kades-Barnea na isang banal na lugar. Bagamat kakaunti, dala naman ng mga lagalag na ito ang gayong kahalagang karanasang relihiyoso na magiging pamanang espiritwal nilang lahat, pati na ng mga tribung hindi umalis sa Palestina na makakatagpo nila. Sa harap ng mga Kananeong nakatira sa mga bayan at nagsasaka sa nakapaligid na lupain, unti-unting nakita ng mga lagalag na ito kung ano sila. Sila ang mga takas sa Ehipto na ginawan ng Yawe-Diyos ng mga kahanga-hangang bagay. Sila ang bayang lagalag na pinagbunyagan niya ng kanyang sarili sa Bundok Sinai. Sa kanila siya gumawa ng tipan kasabay ng kanyang mga pangako. Mula sa panahong iyon, sila ang kanyang bayang hinirang; at siya ang kanilang Diyos. Sa panahong ito ni Josue at ng Mga Hukom talagang mabubuo ang bayang Israel.
Bagamat sagana sila sa mga biyaya ni Yawe, hindi maaaring hindi hangaan ng mga lagalag na ito ang mga Kananeong pinakikipamayanan nila. Hindi mapag-aalinlanganan na ang panahong ito ng ikalawang sanlibong taon bago dumating si Jesukristo, ang pinakatanyag na bahagi ng kasaysayan ng Palestina kung kultura ang pag-uusapan. Mukhang kawawa ang mga lagalag kung ihahambing sa mga Kananeong may mga bayan na may muog, mga templo at palasyo na may mga dingding na mamahaling kahoy at nadedekorasyonan ng garing. Gayundin ang kaibhan kung relihiyon ang pag-uusapan: maraming pagdiriwang, kapistahan at seremonya ang mga Kananeo sa mga bayan, na nakikita ng mga tribu na wala ni isang templo man lang.
Ipinakikita sa atin ng mga aklat ni Josue at ng Mga Hukom, pati na ni Samuel at ng Mga Hari, kung paano pinabayaan ng mga Israelita na maimpluwensyahan sila nang gayon na lamang. Naakit sila ng maringal na sibilisasyong ito kaya tinalikdan nila ang kanilang mga kaugalian at pananampalataya at ginaya ang mga seremonya ng pagsamba ng lupain.
Ang Katunayan ng Pananakop
Isang bayang naaakit ng kultura ng mga Kananeo, mga pinunong nagpupunyagi at nananawagang manatili sa katapatan – ganito ang palagiang pagtatalo na inilalahad ng mga teksto ng Biblia ng panahong ito. Waring ipinakikita ng Aklat ni Josue ang isang masistemang pananakop ng lupain, na pinamumunuan ni Josue bilang ulo ng mga angkan; pero hindi talaga ganito ang pangyayari.
Magkaibang-magkaiba ang mga taga-bayan at ang mga lagalag, at dahil kapwa nila kailangang tumira sa iisang lupain, hindi naiwasan ang mga labanan: kung minsan, ang mga Kananeo ang mas malakas, at kung minsan nama’y ang mga lagalag. Pero unti-unting naipasailalim ng mga tribu sa kanilang batas ang mga dati nang naninirahan sa lupain, at sa panahon ni Saul, ang mga dating lagalag na mga mamamayan na ng lupain ngayon, ang siyang maghahari. Patatatagin ang sitwasyong ito ni David at, pagkatapos, ni Solomon.
Ang aktibong minorya ang siyang gumagawa ng kasaysayan; pag binabanggit natin ang Iglesya at ang epekto nito sa mundo, kalimita’y isang minorya ng mga mananampalataya ang tinutukoy natin. Maraming dantaon pagkatapos ni Josue, pinagsama-sama ng mga propeta ang mga tradisyon at kasulatan tungkol sa “pananakop”, at hindi sila nagkunwaring ang ibinibigay nila sa atin ay isang eksaktong salaysay at kumpletong kasaysayan. Huwag tayong palinlang sa matagumpay na tono ng mga salaysay na ito na nagsasaad na nagkamit si Josue at ang buong Israel ng di-kapani-paniwalang mga tagumpay. Ang isinasalaysay ng Aklat ni Josue ay maliliit na pangyayari na bumubuo ng isang dakilang kasaysayan.

• 1.1 Si Josueng anak ni Nun ang tinutukoy rito. Siya ang kahalili ni Moises (Dt 34:9). Isinasalaysay rito ang pagsakop sa Lupang Pangako na parang si Josue mismo ang namuno sa lahat. Sa ganito’y iginuguhit ang larawan ng isang Tagapagligtas (Yaweng-nagliligtas ang ibig sabihin ng “Josue” gaya ng “Jesus”) na maghahatid sa Bayan ng Diyos sa kanilang Lupa at Pahinga. Lumilitaw si Josue sa Biblia bilang pagpapaunang larawan ni Jesus, tulad ng ipinapaliwanag sa atin sa Sulat sa mga Hebreo (4:8).
Sa tuwing mababasa nating “Sinabi ni Yawe kay Josue,” hindi natin ito dapat intindihin nang literal. Gusto lamang nitong sabihin na sa gayong pangunguna, isinakatuparan ni Josue ang plano ni Yawe. Tulad ng lahat ng propetang makikita pagkatapos sa Israel, nakikita si Josue rito bilang “lingkod ni Yawe” na araw at gabing nagninilay sa kanyang salita (Slm 1:2). At ang unang larawang biblikal na papasok sa isip ng unang Kristiyanong pamayanan pag pinag-uusapan si Jesus ay ‘yung sa “banal na lingkod ng Diyos” (Gawa 3:13; 3:26; 4:27; 4:30).
Ibibigay ko sa inyo ang buong teritoryong masasakop ninyo. Sa ganito itinuturo sa atin kung paano tayo dapat maghintay sa mga biyaya ng Diyos. Hindi siya ang gumagawa para sa atin, kundi tinitiyak niyang gagawin natin ang kinakailangan. Ang Lupang ibinibigay ni Yawe sa mga Israelita ay mapapasakanila sa oras na masakop nila ito.
Kung minsa’y mga relihiyosong tao pa ang kilala sa kawalan ng pakialam sa kasalukuyang mga problema ng tao at hindi nagtatalaga ng sarili sa gawang pagtataguyod ng pambalanang kabutihan. Totoo nga na walang sinasabi ang Ebanghelyo tungkol sa mga pananakop dito sa lupa, pero ipinapakita ng Biblia na maiintindihan lamang ang Biblia ng isang bayang nakipaglaban para masakop ang kanilang lupain at ang sarili nilang kaibahan at katangian upang pagkatapos ay makalikha ng sarili nilang kultura. Alam ng Iglesya mula sa karanasan na hindi maihihiwalay ang ebanghelisasyon sa pag-unlad ng tao.

• 2.1 Isang babaeng bayaran ang tumanggap sa mga espiya ni Josue, at pinangakuan naman siya ng mga ito na ililigtas siya at ang buo niyang sambahayan. Wasak na ang malalaking pader ng Jerico, sandantaon na ang nakalilipas, at hindi na ito inayos pa ng mga bagong tumira roon. Mailalarawan natin sa isip na sama-sama ang lahat ng taong iyon sa iisang bahay na itinayo mula sa mga guho mismo ng dating pader.
Matalinhaga ang maliit na pangyayaring ito. Pinapamutawi ng awtor sa bibig ni Rahab ang pahayag ng pananampalataya kay Yaweng Diyos na buhay at siyang magbibigay sa bayang Hebreo ng lupain. Dahil sa pananampalatayang ito, maliligtas si Rahab.
Kinikilala siya ng tradisyong Judio bilang ninuno ni Haring David, at binabanggit siya ng Ebanghelyo sa talaangkanan ni Jesus (Mateo 1:5).

• 3.1 Ang Jordan ay hindi permanenteng hangganan ng Israel: depende sa mga tagumpay o pagkatalo nito, sinakop ng Israel ang lupain sa silangan ng Jordan o nawala sa kanya ‘yung nasa kanluran. Gayunpaman, laging kinikilala ang Jordan bilang hangganan ng Lupang Pangako ng bayan ng Diyos. Kaya ang mga tribu ng Ruben at Gad, na naninirahan na sa silangan ng ilog, ay pinilit ni Moises, at ni Josue pagkatapos, na tumawid sa ilog kasama ng kanilang mga kapatid: sa ganitong kundisyon lamang sila kikilalaning mga tunay na tagapagmana ng Lupang Pangako. Ito ang dahilan kung bakit naging napakahalaga ang pagtawid sa Jordan sa pamumuno ni Josue sa mga tradisyong Judio at Kristiyano.
Sa pagtawid na ito, tulad ng sa Dagat ng Mga Tambo, tanging Diyos lamang ang may pangunahing papel. Sabay sa paglusong sa ilog ng mga tagapagdala ng Kaban na pinagpapahingahan ng Luwalhati ni Yawe, tumigil ang pagdaloy ng tubig. At pagkaahon nila sa ilog, muling dumaloy ang tubig.
Ang Diyos na nagpapahinga sa Kaban, ang nagbubukas at nagsasara ng pinto ng Lupang Pangako (Pag 3:7). Gayundin lulusong sa tubig ng Jordan si Jesus – ang bagong Kaban ng Tipan, na pinananahanan ng kapunuan ng pagka-Diyos (Col 2:9) – para buksan ang pinto ng Lupang Pangako. Ang pagtawid na ito, kasama ng sa Dagat ng Mga Tambo, ay ang binyag ng bayan ng Diyos. Sa pagbasa sa salaysay na ito, nauunawaan natin na hindi kasaysayang militar ng paglupig ni Josue ang aklat na ito; pangliturhiyang aklat ito, nakikita nating gumagawa ang Diyos: nagbibigay siya o bumabawi ng kanyang mga biyaya ayon sa katapatan o kataksilan ng kanyang bayan. Sa katapusan ng aklat, inaanyayahan ang kanyang bayan na gumawa ng maseremonyang pagpapahayag ng pananampalataya (Jos 24). Tuwing aanyayahan tayo ng iglesya, tulad ni Josue, sa panibagong pagpapahayag ng pananampalataya, sa binyag man o sa bisperas ng paskuwa, nakikisali tayo sa isang matagal nang naitatag na tradisyong Kristiyano.
Hindi gumalaw ang tubig, at naging parang pader, malayo sa lugar na iyon. Noong 1267, nagkaroon ng ganitong pagguho ng lupa sa lambak ng Jordan, sa lugar na mas mataas kaysa sa Jerico na nag-iwang tuyo sa ilog sa loob ng ilang oras hanggang matangay ng agos ng ilog ang harang. Maaaring isang katulad na pangyayari ang naging sanhi para makapasok sa Lupang Pangako si Josue at ang kanyang bayan nang tuyo ang paa pagkatawid sa ilog. Ang milagro ay nasa mismong oras ng pangyayari; na nang mga sandaling iyon ay umaasa naman si Josue at ang bayan na bigyan sila ni Yawe ng daan. Para matupad ang isang di kapani-paniwalang pangako, mga natural na pangyayari ang ginamit ng Diyos.
Ano ang ibig sabihin ng mga batong ito para sa inyo? Ano ang ibig sabihin ng ganitong monumento, ng ganitong piyesta? Sa tuwina’y sinasagot ito sa pagsasalaysay ng kung anong pangyayari na sinaklolohan ni Yawe ang kanyang bayan. Sa ganito ring mga tanong itinuro ang pananampalataya sa Israel; walang gaanong alam sa relihiyon ang Israel pero ipinaaalaala sa kanila ng bawat lugar sa kanilang lupain na ang Diyos ang tagapagligtas ng kanyang bayan.
Nagkampo si Josue sa Gilgal. Mula roon inorganisa niya ang kanyang mga pagsalakay at makikita natin na bumabalik siya sa Gilgal pagkatapos ng bawat panalo, bago makapagsama-samang muli ang mga puwersang Kananeo.
Madaling makita na pinagsama-sama rito ang iba’t ibang salaysay na hindi naman magkakatugma. Sa kampo ba nila inilagay ang labindalawang bato (4:3) o sa ilalim ng Jordan nila inilagay ang mga ito (4:9)? Hindi ito dapat problemahin. Pinakamalamang na naroon na ang mga batong iyon bago pa man dumating si Josue at ang mga Israelita. Ito ang santuwaryo sa isang lugar para sa pagsamba ng mga pagano, na napakalapit sa Gilgal. Pero pagkatapos ng pananakop, gusto ng mga pari na bigyan ng kahulugang relihiyoso ang mga ito ayon sa kanilang pananampalataya, tulad ng nakita na natin sa Ex 12:15.

• 5.1 Sa una nilang pinagkampuhan ipinagdiwang ng mga tauhan ni Josue ang una nilang selebrasyong relihiyoso. Kasunod nito ang pagtutuli (tingnan ang Gen 17:10). Sa Israel, ito ang tanda ng pagpasok sa relihiyosong pamayanan. Para igiit ang obligasyong ito, sinasabi sa libro na tinuli ang lahat ng lalaki sa pagpasok nila sa Lupang Banal.

Mula sa araw na iyon, bunga na ng lupa ang kanilang kinain (11). Tingnan sa Ex 16 ang mga paliwanag hinggil sa manna at sa mga alamat nito.
Sa pangyayaring ito nagsisimula ang isang bagong panahon. Hanggang sa panahong iyon, para sa isang bayang pagala-gala ang relihiyon ng mga Israelita. Nag-uumpisa ngayon ang matinding krisis na tatagal hanggang sa panahon ni Haring David, habang patuloy na nagsisikap ang mga Israelita na bumagay sa bago nilang sitwasyon bilang mga magsasaka at mga tagasiyudad at dahan-dahang bumubuo ng isang klase ng relihiyong bagay sa bagong sitwasyong ito. Pero meron pang ipinahihiwatig ang teksto: tapos na ang panahon ng paglalakbay, ng pagmamartsa patungo sa Lupang Pangako; pumasok na sa lupain ang bayan. Hindi na pumapatak ang manna na pagkain sa paglalakbay at nabubusog ang bayan sa bunga ng lupain. Gayundin sa katapusan ng panahon pag nakarating na ang buong sangkatauhan sa Ama at sa kanyang kaharian, hindi na bibigyan ng Iglesya ng tinapay para sa paglalakbay ang mga tao; ang mapapasakanila ay ang walang-hanggang presensiya ng Diyos.

• 6.1 Sa pagkaagaw sa Jerico nagsimula ang pananakop. Ginawang anatema ang Jerico, ibig sabihi’y ibinukod para sa Diyos. Walang anumang kinuha ang bayan, kundi ibinigay sa kabang-yaman ni Yawe ang mga bagay at pinagpapatay ang lahat ng may buhay sa halip na angkinin ang mga hayop at gawing alipin ang mga tao. Ang salitang anatema ay mangangahulugan din ng sinumang nagtataglay sa sumpa ng Diyos (tingnan ang Rom 9:3). Ganito ang ginagawa sa ilang bayan: sa pagkakataong ito, sa pagpuksa sa anumang bagay na Kananeo, naililigtas ng Israel ang sarili na makibagay sa kultura at materyalistang relihiyon ng mga Kananeo.
Kung minsa’y naiiskandalo ang nakababasa nito ngayon: Paano maiuutos ng Diyos ang gayong digmaan? At paano kaya naisip ni Josue na bigyang-lugod ang Diyos sa pag-uutos na patayin ang lahat, pati na ang mga sanggol?
Kailangang alalahanin natin kung kailan nangyari ang nasabing pananakop at kung kailan nasulat ang aklat.
Naganap ang pananakop sa ika-13 dantaon bago kay Kristo. Mahirap para sa atin na talagang maunawaan ang pag-iisip nila nang panahong iyon. Sa Kanaan, sinusunog nila ang mga sanggol bilang mga hain sa mga diyos ng mga pagano, sa Asiria nama’y binabalatan nang buhay ang mga bihag. Sinakop ng Israel sa dahas ang Palestina tulad ng alinmang pagala-galang bayan sa daigdig. Sinisimulan ng Diyos ang pagtuturo sa kanyang bayan; bilang simula, hindi niya maaaring asahan na sila ay naturuan na. Isang hakbang lamang ang mga madugong pagkapanalo tungo sa pambansang kamalayan. Sa ganitong diwa, hindi natin mababale-wala sa ngalan ng kapayapaan ang mga bayani ng lumipas na mga digmaan.
Sa kabilang dako naman, ang librong ito ay isinulat sa ika-7 dantaon bago kay Kristo, sa maliit na kaharian ng Juda, na napaliligiran ng malalakas na karatig-bayan, at pinagsisikapan nitong mabuhay nang mapayapa sa gitna nila. Kaya pinalawak ang salaysay tungkol sa mga nagdaang panalo at mga masaker (paghambingin ang 2 S 12:31 na sinulat ng mga buhay na nang maganap ang mga pangyayari at ang 1 Kro 20:3 na isinulat pagkalipas ng apat na dantaon). Gusto ng sumulat nito na ipakita sa kanyang mga kasamahan na hindi sila dapat matakot dahil sumasakanila ang Diyos. Sa pag-iisip at pagpapalaki sa pagmasaker sa mga Kananeo ng lumipas na panahon, gusto niyang sabihin sa kanyang mga kababayan na huwag tanggapin ang anumang kaugalian ng mga pagano, ingatan ang banal na binhi ng pananampalataya ng Israel. Sa madugong mga halimbawang ito, isang aral ang ibinibigay sa atin ng Kasulatan: ang Bayan ng Diyos ang may pag-asang bukod-tangi sa mundo. Walang anumang sakripisyo na magiging napakalaki para pangalagaan itong buo. Pero hindi natin dapat tularan ang pagkapanatiko ng sinaunang mga panahong iyon.
Kaya kapag sinasabing: Iniutos ni Yawe kay Josue ang anatema, hindi natin dapat isipin na isa itong espesyal na pamamagitan ng Diyos (tingnan ang paliwanag sa Gen 16). Ibig lamang sabihin ng mga salitang ito na sa pagpapasya ng anatema ayon sa pag-iisip ng panahong iyon, naingatan ni Josue ang pananampalataya ng Israel mula sa pagkakaroon ng ibang diyos na mas taliwas sa plano ng Diyos. Pero ginawa nila ito bilang mga taong hindi pa alam ang halaga ng buhay ng tao.
Mahirap malaman kung ano ang totoo sa istoryang ito: tingnan ang paliwanag sa Josue 2:1.

• 7.1 Ginawang “anatema” ang lahat ng masasamsam, na ibig sabihi’y itinalaga sa Diyos. Ke sinunog o itinabi sa kabang-yaman ng Santuwaryo, inialay ang mga ito kay Yawe. Ang Diyos ang pinagnakawan ni Akan, at ayon sa pagsasalita at pag-iisip ng panahong iyon, ang ninakaw ay nagiging sumpa na kumakapit sa kanya at sa kanyang pamilya. Pinapagninilay siguro tayo ng pangyayaring ito sa kabigatan ng ating mga pangako kapag ipinasya nating italaga sa Diyos ang ating panahon o pagkatao.

• 8.30 Ano ang ibig sabihin ng pakikipagtipang ito na ipinagdiwang sa Sikem? Maaaring inilalahad ng Biblia ang matandang kasaysayan ng Israel na parang kathang-isip sa pagsasabi nito na magkakasama sa Ehipto ang labindalawang tribu, na sama-sama rin silang umalis doon kasama ni Moises at kasama niyang nakarating sa Lupang Pangako. Malamang na ang buong Exodo ay kasaysayan ng isang mas maliit na grupo na nakalaya dahil kay Moises at sila mismo sa buhay nila ang nagkaroon ng napakahalagang karanasan sa Diyos na Tagapagligtas.

At saka nila nakita sa oasis ng Kades ang iba pang grupong Hebreo (tingnan ang paliwanag sa mapa ng Exodo) na galing din sa Ehipto at tumanggap sa kanilang pananampalataya.
Pagkaraan nito, nang mamayan sila sa Palestina, bumuo sila ng alyansa sa iba pang tribung kalahi nila na nasa gitna na ng mga Kananeo. Noon nagsimula ang pagiging bayan ng Labindalawang Tribu ng Israel. Sa mga ito’y nakapangyayari ang mga tribu ng Efraim at Manases, pero sa paglipas ng panahon ay umunlad sa timog ang tribu ni Juda na nabuo mula sa iba’t ibang grupo lalo na ng mga Kalebita (Hkm 1:12 at Blg 13:30) at mga Kenita (Hkm 1:16).
Sa Pakikipagtipan sa Sikem marahil inako ng lahat ang pananampalataya at mga utos na tinanggap nila kay Moises.

• 10.1 Sapat nang problema ang inihatid ng araw ng Gibeon sa mga umiintindi nang literal sa lahat ng mabasa nila sa Biblia.

Iniisip ng ilan na huminto ngang talaga ang araw sa langit. Pero nang sumunod na mga panahon, nang malaman ng mga tao na ang lupa pala ang umiinog sa palibot ng araw, inisip naman nilang ang lupa ay huminto sa pag-ikot nito. Pero hindi rin natin matatanggap ang paliwanag na ito: sapagkat sa sandaling huminto ang mundo sa pag-inog, mawawasak ang lahat dahil dito. Kaya nga kailangang bigyang-diin natin na ginagamit dito ng Biblia ang isang aklat ng tula, ang “Aklat ng Matuwid”, at nagsasalita ang mga makata sa kanilang imahinasyon at hindi bilang mga manunulat ng kasaysayan o mga siyentipiko. Kaya maaaring gusto nilang sabihin na mahalaga ang maghapong iyon.

• 11.1 Sa kabanata 11, inilalarawan ang pananakop ni Josue sa hilagang Palestina. Nabihag niya roon ang Hasor na matatawag na malaking siyudad sa 40,000 mamamayan nito. Lumilitaw na parang nasakop niya ang buong lupain. Ngunit inilalahad sa kabanata 13-19 na kailangang sakupin ng bawat tribu ang bahagi nito sa lupain sa isang serye ng kanya-kanyang operasyon.

• 13.1 Binabahagi ni Josue ang Lupang Pangako sa labindalawang tribu.
Iba’t ibang grupo ang sama-samang umalis, gaya ng nabasa natin sa Ex 12:38. At sumama naman sa kanila ang iba sa Palestina (tingnan ang Josue 8:33). Hindi sila magkakalahi ni isang grupong buung-buo; at tiyak na hindi pa organisadong bansa ang Israel. Pero binubuo na sila ng labindalawang tribung hindi magkakasinlakas. Dalawa ang nakapangyari: ang Efraim sa hilaga at ang Juda sa timog.
Sa mga nomad na ito, sinasabi ng mga lalaki sa bawat tribu na lahat sila’y inapo ng nagtatag ng tribu, na isang tanyag na lalaki noong araw, na pangalan nito ang kanilang taglay. Dahil itinuturing ng mga Israelita na mga inapo sila ni Jacob-Israel, ipinalagay ng bawat isa sa labindalawang tribu na galing sila sa isa sa mga anak ng kanilang ninunong si Jacob, kung kanino nila tinanggap ang kanilang pangalan.
Sa katunaya’y labintatlo talaga ang labindalawang tribu. Sapat nang paghambingin ang lista ng mga anak ni Jacob sa Gen 35:23 at ang labindalawang tribung nakalista sa librong ito. Nagkakatugma ang listahan sa mga sumusunod: Ruben, Simeon, Juda, Isacar, Zabulon, Dan, Neftali, Gad, Aser at Benjamin. Pero bumubuo ng dalawang tribu ang “mga anak ni Jose”: Efraim at Manases (Josue 16:4). Kaya kasama ang tribu ng Levi, umaabot ng labintatlo ang lahat. Pero ang huling tribung ito ay binubuo ng mga pamilyang nakatalaga sa mga gawaing panrelihiyon ayon sa tradisyon. Wala silang sariling teritoryo (Josue 21:10), nang sa gayo’y maging labindalawa uli ang bilang ng mga tribu sa paghahati ni Josue sa lupain.
Ginawa ang paghahati sa pagpapalabunutan: sa ganito’y naituturo na regalo ng Diyos ang Lupang Pangako (parehong paglalarawan ang ginagamit ng Salmo 16). Tinanggap ng bawat tribu ang kaparteng hindi nila pinili at ngayo’y dapat nilang sakupin para mapasakanila. Para sa atin din ang halimbawang ito. Tinanggap ng bawat isa sa atin mula sa Diyos ang kanyang kaparte sa buhay. Kailangan nating tanggapin kung anuman ito, tulad ng pagtanggap ng mga tribu sa kanilang “parte sa mana”. Pero pagkatapos nito’y kailangan naman nating sakupin o marating ang ating kapalaran nang may lakas ng loob at pananalig sa Diyos tulad nila.
• 22.1 May kalabuan ang kalagayan ng mga tribung naninirahan sa silangan ng Jordan: nasa labas sila ng Lupang Pangako na ang Jordan ang hangganan (tingnan ang paliwanag sa Jos 3). Pinatutunayan ng Kabanata 22 ang makatwirang pahayag ng mga tribung nasa kabilang ibayo ng Jordan, na kabilang sila sa bayang Israel at pinatutunayan sa atin ang katwiran ng pagkakaroon ng mga altar sa lalawigan nang mga panahong iyon. Nang panahon na lamang ni Josias, sa katapusan ng ikapitong dantaon bago kay Kristo, itinakdang gawin ang lahat ng seremonyang panrelihiyon sa altar ng Jerusalem.

• 24.1 Sa pagkakataong mawawala na si Josue, matatag na ang presensya ng Israel sa kabundukan at kapatagan ng Palestina. Naipasok nila ang kanilang sarili sa mapayapang paraan o pananakop. Isa pa’y alam nila ang kanilang kahihinatnan bilang isang bayan.
Nagsama-sama ang labindalawang tribu sa Sikem sa Gitnang Palestina, na kinaroroonan ng mga tribu ni Josue, mas malakas at mas maingat na iniingatan ang alaala ni Moises. Dito inuulit ang Pagtitipang ipinagdiwang ni Moises (tingnan ang Ex 24 at mga huling kabanata ng Deuteronomio).
Matapos alalahanin ang mga pagkilos ni Yawe para sa Israel, inaanyayahan ni Josue ang pagtitipon na piliin si Yawe at tanggihan ang mga banyagang diyos. Isinusulat ngayon ang Batas ng Pakikipagtipan.
Ang alaala ng Pakikipagtipan sa Sikem ang magpapanatiling-buhay sa mithiin ng pagkakaisa at katapatan kay Yawe sa sumunod na panahon ng karimlan pagkamatay ni Josue, o sa panahon ng mga Hukom.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Joshua, Lumang Tipan | 1 Comment

Deteronomio: Komentaryo

Pangalawang Batas ang ibig sabihin ng Deuteronomio. Ganito ang itinawag dito dahil sa pagkakalagay nito sa ating Biblia pagkatapos ng kabuuan ng mga batas na nasa mga aklat ng Levitico at Mga Bilang. Subalit unang isinulat ang Deuteronomio kaysa mga ito. Para pag-isahin ang mga utos at mga kaugalian ang unang layunin nito at para ibigay sa Israel ang Batas na katatagpuan nito ng buhay.
At nang inedit ang Deuteronomio, sa ika-7 dantaon bago dumating si Kristo, higit sa limandaang taon na ang lumipas mula nang makipagtagpo si Moises sa Diyos. Nasakop na ang lupain ng Kanaan, naitatag na ang Kaharian nina David at Solomon at pagkatapos ay nahati. Bumagsak na ang mas malaki at mas masaganang probinsya sa hilaga na tinatawag na Kaharian ng Israel. At gayon ding kapalaran ang nagbabanta nang mga taong iyon sa Kaharian ng Juda na probinsya sa timog.
Noon ipinagbigay-alam ang Batas na ito ni Yawe. Inilantad nito sa kanyang bayan ang dahilan ng kanilang mga pagkatalo at iniaalok ang isang pagkakataon para maligtas. Matagal na itong nalimutan sa Templo sa panahon ng pag-uusig ni Manases. Ngunit ang pagkatuklas dito sa taong 622 (2 H 22) ang siyang pinakaugat ng reporma ni Yosias.Si Moises at ang Deuteronomio
Tinanggap ng bayan ng Israel at ng kanilang mga pastol ang Deuteronomio bilang salita ng Diyos at aral ni Moises, pero ang mga pari at ang mga propeta naman ang sumulat nito. Binuod nila sa mga pahinang ito ang kanilang karanasan sa kabuuan ng kanilang kasaysayan.
Tulad sa iba pang mga libro sa Biblia, inilagay sa bibig ni Moises ng mga sumulat ng Deuteronomio ang mga diskursong gusto nila mismong sabihin sa kanilang bayan. Gawa-gawa lamang ang pagsasalaysay nila na bago mamatay ay nakinikinita na ni Moises ang masaklap na kapalarang naghihintay sa kanyang bayan. Sinasabi nilang sa kanya galing ang mga babala at mga batas na pupuwede pang magligtas sa Israel. Sa totoo’y ginagamit ng Deuteronomio ang pangangaral ng mga propeta tungkol sa katarungan at pag-ibig: ito ang kauna-unahang pagsisikap na ginawa sa daigdig para bumuo ng isang lipunang may pagkakaisa’t pagkakapatiran.

 

 

Ang Pag-ibig ng Diyos at ang Lupang Pangako
Iniutos ni Moises na sakupin ang lupain ng Kanaan. Sinasabi ng Deuteronomio na dahil regalo ng Diyos ang lupang ito, kailangang sundin ng Israel ang Batas para manatili ito sa kanilang pag-aari.
Tanging paglilingkod lamang kay Yawe ang mga salita ni Moises. Inilalahad naman ngayon ng Deuteronomio ang mga dakilang batas ng pag-ibig ng Diyos.
Ang Diyos ang unang nagmamahal. Hindi basta-basta na lamang ibinibigay ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa lahat, kundi minamahal niya sa natatanging paraan ang mga pinili niyang maglingkod sa kanya (Dt 7:6-8). At nasa mga ekstraordinaryong pagkilos ng Diyos para sa Israel nang ilabas niya ito mula sa Ehipto (Dt 4:32-40) ang magpapatunay sa pagkapili sa Israel.
Kailangang tumugon ang Israel sa Diyos nang may pag-ibig sa puso (na siyang wala sa sampung utos). Tingnan Dt 6:1-9.
Kailangang manatiling nagkakaisa ang mga Israelita, marunong magmahal at magpatawad sa isa’t isa (Dt 15). At kailangan silang magkaisa na ang iisang Templo ng Jerusalem ang pinakasentro (Dt 12).
Ang pagmamahal sa Diyos ay pagmamahal sa kanya sa katapatan (Dt 13).
• 1.6 May kanyang mga batas ang bawat bansa. Bunga ito ng mahabang karanasan ng bayan at ng pagninilay ng mga pinuno nito. Sa ganito ring paraan nabuo ang mga batas ng Israel. Ngunit kaiba sa ano pa mang bansa ang karanasan ng Israel.
Kaya isang mahabang diskurso ang inilalagay sa bibig ni Moises ng mga sumulat ng Deuteronomio bilang introduksyon sa mga batas ng Israel. Dito ipinaaalaala sa Israel ang panimulang karanasang iyon. Hindi inuulit ng mga unang kabanatang ito ang tungkol sa mismong pag-alis sa Ehipto kundi ang tungkol sa mga pangyayari sa disyerto lalo na ang nangyari sa Kades na oasis sa timog ng Palestina kung saan “apatnapung taong” tumigil ang mga Israelita.
Inaalaala ng unang kabanata ang pagkakaroon ng mga hukom. Dahil si Moises ang unang mambabatas ng kanyang bayan, lagi nang ang kanyang awtoridad ang siyang tutukuyin ng mga dumating na kasunod niya. Ginugunita rin nito ang paghihimagsik sa Kades: mula pa sa simula ng kanilang kasaysaya’y napatunayan na ng Israel kung gaano kabigat ang kabayaran ng pagsalungat sa magaling na tagubilin ng kanyang Diyos.
Isinasalaysay naman ng ikalawa’t ikatlong kabanata ang pagdating sa Lupang Pangako. Si Yawe ang siyang naghatid sa kanila sa kanilang lupa at kailangan nila siyang pakinggan kung gusto nilang patuloy na mabuhay nang malaya sa kanilang lupain.

 

 

• 4.1 Isang aral ang inilalahad ni Moises mula sa mga lumipas na karanasan, at para hikayatin tayong sumunod sa Batas ng Diyos, inaanyayahan niya tayong imulat ang ating mga mata: Kayong naging matapat kay Yaweng inyong Diyos ay buhay pa ring lahat ngayon, samantalang nangamatay na ang iba. Sa piling ng maraming “patay” na nababalisa at naglalaban-laban sa ating daigdig, buhay pa rin ang may pananampalataya. At isa pa’y Anong bansa ang may napakadakila at makatarungang mga tuntunin at mga batas tulad ng Batas na ito?
Subalit may mga pagkakataon sa ating buhay na abut-abot ang mga tukso, at pakiwari nati’y makakatagpo tayo ng kaligayahan kung iiwan natin ang utos ng Diyos. Ngunit nasa batas ng Diyos ang kaligayahan at hindi ito nangangailangan ng ating pagsang-ayon: huwag mong dagdagan ni bawasan.
Anong bansa ang napakadakila at may mga diyos na napakalapit sa kanila tulad ni Yawe? Mga huwad na kaibigan at bunga ng ating imahinasyon ang mga diyos. Nilalaro natin ang mga ito at sinisikap na mahulog sa atin ang kanilang loob para magkatotoo ang ating mga plano. Subalit sumasaatin ang Diyos sa kabuuan ng kanyang misteryo, lubos na sumasaatin ngunit hindi natin abot. Gayong hindi natin siya nakikita, nakikilala natin siya nang buong katiyakan. At sa tuwing lumalapit siya sa atin, iniiwan niya tayong may kapanatagan.
Iginigiit ng Biblia na totoo at talagang nangyari ang mga naturang pakikisangkot ng Diyos sa kasaysayan ng tao: Huwag mong kalilimutan ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata (9). Totoo ngang pagkalipas pa ng mga dantaon saka isinulat ang istorya ni Moises at marami nang pangyayari sa paglalakbay ng mga Israelita sa disyerto ang naging mga alamat. Subalit hindi mabubuo ang mga alamat tungkol sa manna, sa ulap at sa pagtawid sa dagat kung hindi naranasan ng pamayanan ng Israel ang Kalinga ng Diyos at ang malakas niyang kamay sa mga pagkakataong iyon. Sa bawat araw na lumipas, nakita ng Israel ang Diyos bilang isang ama na umaakay sa kanyang anak (Dt 1:31).
RELIHIYON AT PANANAMPALATAYA
Laging lumilitaw ang dalawang salitang ito pag pinag-uusapan ang ating relasyon sa Diyos. Kaya kailangan nating malaman ang ibig sabihin ng “relihiyon” at “pananampalataya”.
“Relihiyoso” ang mga tao noong unang panahon tulad ng marami ngayon: naniniwala sila na likha ng Diyos-na-Maykapal ang daigdig na tinitirahan nila. Kaya nakakatagpo tayo sa lahat ng matatandang relihiyon, gayundin sa mga unang pahina ng Biblia, ng mga salaysay ng paglikha, na nagbibigay-liwanag sa simula ng daigdig at ng sangkatauhan. Yamang ang Maykapal ang may-akda ng paglikha, siya lamang ang makapagbibigay ng mga tuntunin para sa maayos na pag-andar nito: mangyari pa, kasama sa mga salaysay ng bawat relihiyon ang mga utos tungkol sa moralidad. Ang Diyos ng relihiyon (o mga diyos sapagkat laganap ang politeismo) ay pinaglilingkuran ng kaparian na nagpapasalamat sa kanya sa ngalan ng mga tao para sa mga biyaya niya sa mga ito at sumasamo na muli niyang gawin ito sa papasok na taon. Kaya binubuo ang mga kapistahang panrelihiyon unang-una ng pasasalamat at mga unang bunga, tulad ng nakikita natin sa mga teksto tungkol sa mga ritwal na Matandang Tipan.
Likas na konserbatibo ang relihiyon, sapagkat tinitiyak nito ang mabuting kaayusan ng daigdig; wala itong “pag-asa”: wala tayong inaasahang bago, kundi maibigay ng bukas, tulad ngayon, ang ating kinakailangan sa mundong ito.
Sa pagbubukas ng Biblia, sa ating “pagpapahayag ng pananampalataya”, napapansin nating tayo man ay relihiyoso; di ba’t sinasabi natin: “sumasampalataya ako sa Diyos amang Makapangyarihan-sa-lahat, na Maylalang ng langit at lupa”? Pero ang relihiyong ito na ating ipinahahayag ay lubusan nang napalitan ang anyo bunga ng pananampalataya: Ang Diyos na Maykapal ang naghayag ng kanyang sarili sa bayang Israel na pinili mula sa kawalang-hanggan para maging kanyang “saksi sa piling ng mga bansa.” Sa loob ng mga dantaon, inihayag ng diyos ang kanyang sarili sa kasaysayan ng Israel: inaakay niya ang kanyang bayan tulad ng pag-akay ng ama sa kanyang anak (Dt 1:31), patungo sa isang kapunuang hindi kayang maisip ni malirip (Ef 1:15-23; 3:14-21; Col 1:9-14; 1:26-27).
Ipinakikilala ng Diyos kung sino talaga siya; pinapupunta niya tayo sa isang pakikipag-isa ng walang-hanggang pakikipagmahalan sa kanya (Jn 17:21). Kaya nga ang pag-asa, kahit sa kahulugan man lamang ni Pablo (Rom 8:24-25), ay nasa pinakapuso ng ating pananampalataya; at kung pumapailanlang palagi ang ating pasasalamat patungo sa Diyos para sa mga biyaya niya sa atin, lalo itong pumapailanlang, sa antas na di-mapapantayan, patungo sa Amang ito na naghanda sa atin upang matanggap natin ang ating bahagi sa mana ng mga banal na nasa kanyang kaharian ng kaliwanagan, patungo sa kanya “na nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng dilim, at inilipat sa kaharian ng kanyang pinakamamahal na Anak” (Col 1:12-13).

 

 

• 10. Ginugunita ni Moises ang karanasan sa Sinai (na tinatawag ding Bundok Horeb) sapagkat sa karanasan nakaugat ang pananampalataya. Sa pagsisikap ni Pablong patatagin sa kanilang pananampalataya ang mga Kristiyanong natutuksong lumihis ng landas, ipapaalaala niya sa kanila ang kahanga-hangang karanasan nila sa pagpasok sa Iglesya (Gal 3:1; Heb 12:18).
Walang nakitang anyo, boses lamang ang narinig ninyo (12). Pansinin ang pagkakaiba ng pagkakita at ng pagkarinig. Narito ang tamang pagkakaiba ng huwad na pagsamba at tunay na pananampalataya.
Sa mga huwad na relihiyon, ang tao ang lumilikha ng kanyang mga diyos (mga diyos na sinauna o makabago tulad halimbawa ng isang lider o isang ideolohiya) na ayon sa sarili niyang paraan ng pagkakita (o pagtingin) at pag-intindi sa kahulugan ng buhay. Ang tao ang siyang nagpipinta ng kanyang mga diyos at umiimbento ng kanyang katotohanan ayon sa sarili niyang pag-iisip na nakatuon lamang sa nakikita, may dagliang bisa at puwedeng pakinabangan at gamitin.
Subalit ang tunay na pananampalataya ay nakaugat sa narinig na salita: tingnan Rom 10:14-17. Mapapalad ang mga naniniwala gayong hindi nakakita! Naniniwala tayo sa katotohanang isinasalin sa atin ng Iglesyang bayan ng Diyos. Para sa Kristiyano, walang kuwenta ang anumang “pagbubunyag” o “mensahe mula sa Diyos” na tinatanggap ninuman, kung hindi ito lubos na katugma at nakasalalay, unang-una, sa Salita ng Diyos, pati na rin sa iglesya na siyang pinili ng Diyos para maging saksi at tagapanagot ng kanyang salita (Gawa 10:41).
Huwag kayong gagawa ng diyus-diyusan o rebultong korteng lalaki o babae (16). Naritong muli ang pagbabawal na gumawa ng anumang larawan ng Diyos. Tingnan ang paliwanag sa Ex 20:4. Maging larawan pa man ito ng anumang nilikhang puwersa (gaya ng araw) o litrato ng kung sinong lider o sagisag ng anumang grupo (ng inang-bayan, partido…), walang anumang bagay na nilikha na maituturing na Diyos. Hindi rin ipinahihintulot na ilarawan ang Diyos dahil siya ay Banal, na ibig sabihi’y hindi siya katulad ng anumang puwedeng isipin o ilarawan ng tao sa kanyang imahinasyon.
Huwag kang paengganyong yukuan ang mga ito para sambahin. Wala siyempreng nagsasalita ngayon tungkol sa pagsamba sa isang tao o bagay. Subalit ang pagsamba ay kapareho rin ng pagsusuko ng sarili sa anuman o kaninuman. Marami ang naglilingkod sa mga pulitikal na diyos o sa diyos ng konsumerismo.

 

 

• 25. Ipinapaalaala sa atin ng mga linyang ito ang talinhaga ng waldas na anak (Lc 15).
Dahil ang Israel ang bayang pinili ng Diyos, may mas mabigat itong responsabilidad. Regalo ni Yawe ang kanilang lupa at mawawala ito sa kanila sa paglayo nila sa kanya. Kayat nabuhay ang Israel alinsunod sa panuntunan ng Unang Tipan sa Sinai. Mga materyal na regalo, kasaganaan, mga lupa at kapanatagan ang kanilang inaasahan sa Diyos. At walang ibang parusang ipinakita sa kanila si Yawe kundi ang pagkatapon sa bandang huli: ang pag-alis nila sa magandang lupaing iyon.
Ngunit naroon din naman ang pangako: Ngunit hahanapin mo roon si Yaweng iyong Diyos.

 

 

• 32. Kailanma’y walang kakila-kilabot na ginawa (34). Tingnan ang paliwanag sa 4:9.
Marami ang nag-aakala na “paniniwala sa Diyos” ang siyang importante sa Biblia. Malaking pagkalito ang hatid ng pananalitang ito. Ang pananampalataya sa Biblia ay hindi paniniwalang buhay at may Diyos, o makapangyarihan ang Diyos o puwede tayong tulungan ng Diyos. Sa halip, ang importante sa Biblia ay ang pagkapili ng Diyos sa Israel para sa isang natatanging misyon sa mundo at ang Diyos ang kaisa-isahang Diyos at kaiba sa lahat ng bayan ang Israel.

 

 

• 41. Dito nagsisimula ang pangalawang “Diskurso ni Moises.”
Muling inilalahad ng talata 5:1-22 ang Sampung Utos sa paraang katulad na katulad sa Exodo 20:2.
Binibigyang-diin naman sa talata 5:23-31 ang kalooban ng Diyos na makatagpo ng isang taong pupuwedeng humarap sa kanya sa ngalan ng lahat. Nasa pagiging tagapamagitan o kinatawan ng Israel ang karangalan ni Moises.
5:29. Layunin ng Batas ng Diyos na paligayahin tayo. Dito nahahayag ang pag-ibig ng Diyos bilang ama.

 

 

• 6.1 Makinig ka, Israel! Si Yaweng Diyos natin ay Isang-Yawe. Ang mga bersikulong ito ang Kredo ng mga Judio, na kinaugalian na nilang dasalin araw-araw. Ang tekstong ito ang tinutukoy ni Jesus nang tanungin nila siya tungkol sa pinakaimportanteng utos. Tingnan ang Marco 12:28 at ang paliwanag tungkol dito.
Mahalin mo si Yawe nang buo mong puso. Nang mga unang panahong iyon, hindi ganap na di-makasarili ang pag-ibig kay Yawe. Alam ng Israel na sa pagsagot nito sa pag-ibig ng Diyos na pumili sa kanya ay nasa tamang landas sila at gagantimpalaan siya ng Diyos ng kapayapaan at materyal na kasaganaan.
Isapuso mo ang mga salitang ito: ituon sa mga ito ang iyong isip para maging maayos ang iyong pag-iisip at mahusgahan ang lahat alinsunod sa mga pamantayang ito.
Ulit-ulitin mo ang mga ito sa iyong mga anak: dahil alam mong pananagutan mo ang kanilang pananampalataya.
Itatak mo ang mga ito sa iyong kamay, o ang mga ito ang umakay sa iyong mga kilos.
Maging paalalang lagi sa pagitan ng iyong mga mata, para hindi mo maalala ang mga ito kung kailan huli na at wala nang ibang magagawa kundi taghuyan ang iyong mga pagkakamali.
Iukit mo ang mga ito sa mga pintuan ng iyong siyudad, o ang mga ito ang pamahalain sa buhay pang-ekonomiya at panlipunan.
Si Yawe ay Diyos na seloso: tingnan Ex 20:5. Maraming nabibigla sa pananalitang ito. Pero meron ba namang tunay na pag-ibig na walang partikular na klase ng pagseselos, hindi ‘yung laging takot sa kataksilan ng minamahal? Ipinahihiwatig nitong pananalitang “Diyos na seloso” sa dahop at sinaunang wika, ang pangunahing katangian ng Diyos – napakahiwaga. Hindi lamang siya Pag-ibig, gaya ng gustong sabihin ng marami, Mangingibig pa siya. Hindi sapat na sabihing mahal tayong lahat ng Diyos sa pananaw ng kabutihang panlahat: pinipili niya kung sinong mamahalin niya at ang bawat isa ang lahat sa kanya.
Sinasabi na sa atin ng pananalitang ito kung ano ang sanhi ng pagkamangha ni Pablo pag nagsalita siya ng tungkol sa predestinasyon, o ang pag-ibig ng Diyos na pumili sa atin bago pa man nalikha ang mundo (Rom 8:31-39; Ef 1:1). Pag sinabing seloso ang Diyos, ang ibig sabihin nito’y hindi niya matatalikuran ang pakikipagmahalan at katapatan na inaasahan niya sa kanyang mga minamahal. Ipakikita ng Israel ang selos na ito ng Diyos sa mga katakot-takot na pagsubok na ipinadadala niya sa kanyang bayan: ang pinakamapait na pagsubok na titiisin natin sa buhay na ito ay bale-wala kung ihahambing sa nililikha ng Diyos sa atin.
Kapag nakakain ka na, huwag mong kalilimutan si Yawe. Waring nalimutan na ito ng buong modernong sibilisasyon. Pakiramdam ng tao’y siya ang panginoon ng siyensiya, ng teknolohiya at ng mundo. At mas grabe pa kaysa rito ang pagpapatangay niya sa hangaring kontrolin ang sanlibutan at sarili naman niya mismo ang mawala.

 

 

• 20. Ipinagdiriwang taun-taon ng mga Israelita ang Paskuwa. Kaya isinagawa ng bawat pamilya ang mga seremonya ng piyestang ito sa isang salu-salong panrelihiyon. Kapag nagkakatipon na sila sa hapag, isa sa mga bata ang magtatanong sa ama: “Itay, ano po ba itong gagawin natin?” At isinasagot naman ng ama: “Dating nasa Ehipto ang ating mga ninuno bilang mga alipin ni Paraon…” Matutunghayan natin sa sumusunod na mga linya ang kredong ito, ang pagpapahayag na ito ng pananampalataya ng Israel. Hindi sapat para sa Israelita ang basta “maniwalang may Diyos”, kundi kailangan niyang alalahanin ang mga pagpapala ng Diyos sa lumipas na panahon para magpasalamat sa kanya.
Gayundin naman laging nililingon ng Kristiyano ang nakaraan para kilalanin ang mga kagandahang-loob sa kanya ng Ama, at pati na sa buong sangkatauhan. Ang misa ang pinakapuso ng panalangin sa Iglesya. At dito tayo nagpapasalamat sa Diyos para sa kaligtasang hatid sa daigdig ng kamatayan at pagkabuhay ni Kristo.
Ang mga materyal na pangako sa Israel ay larawan ng mga pangako ng Diyos sa kanyang Iglesya. Hindi na mga ani at mga tupa ang kanyang inaasam kundi ang pagdami ng mga sumasampalataya at ang paglago ng mga katangian ni Kristo sa kanila.
Inilalahad ng talata 8:1-6 ang kahulugan ng paglalakbay sa disyerto. Panahon iyon ng pagsubok. Naging dukha ang Israel subalit hindi nagkulang ang tulong ng Diyos.
Pinakain ka niya ng manna upang ipakita sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa lahat ng namumutawi sa bibig ni Yawe mabubuhay ang tao. Ang mannang tinanggap nila ay sagisag lamang ng isa pang pagkaing kailangan ng tao at nagmumula sa bibig ng Diyos: ang kanyang salita (tingnan ang paliwanag sa Ex 16:16).

 

 

• 9.6 Ang Israel ay isang bayang matigas ang ulo. Ganito natin isinasalin ang pananalitang “bayang matigas ang batok”, o mahirap akayin. Panunumbat lang kaya ito? Mula sa simula’y isa nang bayang may kasarinlan ang Israel at lubhang ipinaglalaban ang kanyang kalayaan. Hindi nila kailanman sinamba ang kanilang mga pinuno kundi lagi nang nakikipagtalo at nakikipag-away sa lahat, kahit na sa Diyos. Ang talinhaga ng waldas na anak ay tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit mahal na mahal ng Diyos ang bayang ito at kung bakit hanggang ngayo’y ito pa rin ang “panganay na anak” ng Diyos sa lahat ng bansa sa lupa.

 

 

• 10.12 Inilalahad dito ang dalawang utos na pinag-isa naman ni Jesus.
Mahalin mo ang Diyos at paglingkuran siya nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa. Pag-ibig na sagot sa pag-ibig ng Diyos: “Sapagkat ibinuklod ni Yawe ang kanyang sarili sa iyong mga magulang. Minahal niya sila, at pagkatapos ay kayo naman ang minahal niya.” Pansinin ang pagkakasunud-sunod na ito: ang Diyos ang unang nagmamahal at pumipili, at saka natin sinasagot ang kanyang pag-ibig at sinisikap itong ipahayag sa ating pagsunod. Una ang awa ng Diyos, at gaya ng ipaaalaala sa atin ni Pablo, walang sinumang makapagmamagaling ng kanyang mga kabutihan at karapatan sa harap ng Diyos (Rom 3:20).
Dalisayin ang inyong mga puso. Mas tumpak na sinasabi ng tekstong ito: isagawa ang “pagtutuli” ng puso (tingnan Genesis 17).
Ang biyuda, ang ulila, ang dayuhan. Pagmamahal sa mga nangangailangan ang sagot sa pag-ibig ng Diyos. Nang panahong iyon, sila mismo ang mga taong naghihikahos sa isang lipunang wala pang malinaw na panlipunang hanay ng mga tao. Subalit sa daigdig natin ngayo’y may buong mga hanay at mga bayan ang nasa sitwasyon ng biyuda, ulila at dayuhan ng mga panahong iyon.
Sa kasalukuyang panahon, ang pagmamahal na ito sa mga nangangailangan ay madalas na nangangahulugan ng pagtatalaga ng sarili sa mga mas mababang hanay sa lipunan. Ang Diyos ang maggagawad sa kanila ng katarungan. Kung hindi natin alam kung paano kusang makakamit ang katarungang ito sa pamamagitan ng mga paraang itinuturo ng Ebanghelyo, ang Diyos ang siyang maggagawad ng katarungan sa mas radikal na paraan.

 

 

• 11.1 “Sinasabi ko sa inyo na nakasaksi sa mga himala: tandaan ninyo.” Inuulit ang parehong mga aral. Patuloy na magiging panatag ang Israel sa lupain nito kung hindi kalilimutan ng mga darating na salinlahi ang ginawa ni Yawe para sa kanilang mga ninuno. Kaya ang mga nakasaksi sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ay may obligasyong ituro ang mga iyon sa kanilang mga anak.
Hindi isang doktrina ang pananampalataya kundi ang pagdiskubre sa Diyos na kumikilos, sa Diyos na tagapagpalaya. Nakikita natin siya sa ating buhay, sa buhay ng pamayanang Kristiyano na bumabago sa mga nakikipag-ugnayan dito.
Sa anumang dantaon, ang paraan ng mga magulang para hubugin at turuan sa pananampalataya ang kanilang mga anak ay ang pagbabahagi sa mga ito ng mga personal na karanasan nila sa relihiyon at pagpapakita kung paano nila natagpuan ang Diyos na buhay. Isinasalin o ipinapasa ang pananampalataya sa isa’t isa.

 

 

• 26. Ang Pakikipagtipang ipinagdiwang ni Josue (Josue 8:30) ang ipinahihiwatig dito.

 

 

• 12.1 Nagsisimula sa kabanata 12 ang mga batas na dapat umiral sa Israel para maging tunay na bayan ito ng Diyos.
Ang una ay ang pagwasak sa mga sagradong lugar ng mga pagano. Sa gitna ng mga puno sa tuktok ng mga burol itinayo ang mga lugar na ito. Isang poste ang nakalagay roon sa gitna ng nakatayong mga bato.
Ang pangalawang kautusan ay ang di pagkakaroon ng ibang templo liban sa nasa Jerusalem. Dahil sa mga abusong bunga ng pagdami ng mga lugar ng pagsamba, nagawa ng mga paring Judio na magkaroon ng pagkakaisa sa relihiyon sa paligid ng Templo sa Jerusalem. Ang pag-isa ng kulto ay bahagi ng malaking proyekto ni Haring Yosias: ang muling pag-isahin ang matandang kaharian sa hilaga ng kaharian ng Juda (1 K 23:8-9).
Bakit iisang Templo lamang ang gusto ng Diyos? Waring dahil din sa parehong mga dahilan kung bakit sa isang angkan lamang ng mga hari na pamilya ni David niya gustong gawin ang kanyang mga pangako. Dahil ito sa kailangang maging tanda ng pagkakaisa sa mundo, una, ang Israel, at pagkatapos ay ang Iglesya. Kung totoo mang puwedeng kausapin ng tao ang Diyos sa bawat sandali at sa anumang paraang iniaatas ng kanyang pananampalataya, kailangan naman niyang igalang ang kalooban ng Diyos na iisang bayan lamang ang maglilingkod sa kanya sa Iisang Bahay niya na kanyang Iglesya.

 

 

• 13. Pinagtitibay ng talata 12:13-19 ang pagkakaiba ng pagkatay sa mga hayop para ialay ang mga ito bilang handog na sa Templo sa Jerusalem lamang ipinahihintulot, at ng pagkatay sa mga ito para karnihin na magagawa saan mang lugar.
Mula 12:29 hanggang 13:19. Panibagong babala laban sa panganib ng pagsamba sa mga diyus-diyusan. Kayat mapapawi mo ang kasamaan sa iyong piling (13:6). Aalalahanin ni Pablo ang mga salitang ito sa 1 Cor 5:13 sa pagsasabi niya sa pamayanang Kristiyano na palayasin ang nagbibigay ng masasamang halimbawa at ayaw magbagong-buhay. Tulad ng sinasabi tungkol sa Josue 6, ang utos na itong patayin ang mga pasimuno ng pagsamba sa mga diyus-diyusan ay mula sa katiyakang pinakamahalaga sa buong mundo ang pananampalataya ng Israel. Hindi mapapayagan ng bayang pinili ng Diyos na mahawahan ng pagkakamali ng sangkatauhan ang kanilang pananampalataya para sa anumang halaga o dahilan.

 

 

• 13.1 May ilang propetang makagagawa ng mga tanda at kababalaghan: kung ito ay para lumayo kay Yawe, isa siyang manloloko. Gusto ba ng Diyos na magpalit tayo ng relihiyon para pumunta sa inaakala nating may mga milagro?
Binibigyang-diin ng teksto na ang Salita ng Diyos at ang kanyang mga utos ang siya lamang batayan ng ating pananampalataya: sumasampalatay tayo hindi dahil nakakita tayo ng mga tanda at kababalaghan (Jn 4:46) kundi dahil nagsalita ang Diyos.

 

 

• 14.3 Isa pang listahan ng mga hayop na “malinis” at “di-malinis” (tingnan Lev 11).

 

 

• 22. Tinatalakay sa 14:22-29 ang tungkol sa mga ikapu o ikasampung bahagi ng mga aning iniaalay sa Diyos. Ginagawa ng Deuteronomio ang pag-aalay bilang isang pundasyon ng buhay ng mananampalataya. Binibigyang-diin naman sa ibang bahagi ng Biblia na “mahabag ang matuwid, magbigay at magpahiram; at sa dakong huli’y mapapasakanya ang lupa” samantalang “nanghihiram naman ang di-makadiyos at di nagbabayad, at sa dakong huli’y pinalalayas sa lupa” (Slm 37). Hindi waldas ang marunong magbigay: kuntento siya sa kung anong meron siya at hindi kinukulang samantalang walang anumang makasasapat kailanman sa ayaw magbigay at hinding-hindi siya nasisiyahan (Kas 11:24). Tingnan din ang 2 Cor 9:6.
Pareho rin ang diwang nilalaman ng kabanata 15 tungkol sa taon ng pahinga o sabbat (tingnan Lev 25:1).

 

 

• 15.7 Nahihirapan ang sumulat ng libro sa pagkakitang may mga dukha sa lupang iniregalo ng Diyos sa kanyang mga anak. Di ba’t ibinigay ng Diyos sa lahat ang kanilang kinakailangan? Pero may mga pobre pa rin kayat hinihingi niya sa sumasampalataya na tulungan ang mga itong makalaya sa di-makataong kalagayan. Hindi ito nangangahulugan ng pagbibigay sa kanila ng isang platong kanin at ulam para sa araw na ito kundi pagpapahiram sa kanila ng kinakailangan nila para makapagsimulang muli, para linangin ang lupa ng kanilang mga ninuno at makapaghanapbuhay nang may dangal. Alam ng mga Israelita na kinakansela tuwing ikapitong taon ang lahat ng utang. Gayunpama’y nagpapahiram pa rin sila.

 

 

• 16.1 Katulad ng nasasaad sa Lev 23 ang sinasabi rito tungkol sa mga piyesta. Pansinin ang pagbibigay-diin sa obligasyong ipagdiwang ang piyestang ito “sa lugar na pinili ni Yawe”, ibig sabihi’y sa Jerusalem. Kaya naman nagpupunta sa Jerusalem ang mga Judio, kahit man lang para sa pagdiriwang ng Paskuwa. Susundin mismo ni Jesus ang Batas na ito na umoobliga sa lahat ng lalaki mula dose anyos pataas (tingnan Lucas 2:41). Mababasa natin sa iba’t ibang bahagi ng Ebanghelyo: “Umahon si Jesus sa Jerusalem para sa Piyesta” (Juan 2:13; 5:1).

 

 

• 17.14 Tinatalakay dito ang tatlong kinikilalang awtoridad ng mga Judio: mga hari, mga pari at mga propeta.
17:14-20. Nakikipagnegosyo sa Ehipto ang mga hari. Bilang kapalit ng mga kabayong gusto nilang kunin, nagpadala sila ng mga kabataang Israelita para maglingkod sa hukbo ni Paraon.
Walang kaparte o mana ang Levita sa piling ng kanyang mga kapatid. Tungkol sa mga pari sa tribu ng Levi, tingnan ang paliwanag sa Blg 3 at 4.

 

 

• 18.9 Itinatakwil ng tekstong ito ang mga salamangkero at mga manghuhula, at saka pinupuri ang mga tunay na propeta.
Sa salita ng Diyos nabubuhay ang bayan ng Diyos, ngunit hindi lamang sa matatagpuang nakasulat sa isang libro, kundi sa sinasabi ngayon ng Diyos sa pamamagitan ng mga taong tinatawag nating mga propeta. May mga taong tumatanggap ng espesyal na kaloob ng Espiritu para maging gabay sa mga tao at mga bansa tungo sa mga tunay na mithiing ipinapanukala sa atin ng Diyos.
Hindi dapat magkaroon sa piling mo ng mga manghuhula. Laging natutukso ang mga tao na talusin ang hiwaga ng kanilang hinaharap: maraming manghuhula at huwad na propeta na tumugon, gayundin ang mga awtor ng mga horoskopyo ngayon, sa pagnanasang ito na agawin ang mga sikreto mula sa isang Diyos na hindi natin pinagkakatiwalaan. Pero hindi ito ang papel na ginagampanan ng mga propeta ng Israel: ang kanilang misyon ay ang ipahayag nang buong-tapang ang hinihingi ng Diyos ngayon.
Isang propeta ang palilitawin ko mula sa kanila. Tinutukoy ng “propetang” ito ang buong serye ng mga propetang patuloy na mangungusap sa Israel, gaya ng inilalahad sa katapusan ng talata (20-22). Subalit isang propetang higit pa sa lahat ang hinihintay ng Israel para sa darating na panahon, ang propetang ito ang mamumuno sa buong bayan tulad ng ginawa ni Moises. Nang lumitaw si Juan Bautista, may ilang nagtanong: “Ikaw ba ang Propeta?” (Juan 1:21), at naunawaan na ng mga Kristiyano na si Kristo “ang Propeta” (tingnan Mga Gawa 3:22).

 

 

• 19.1 Napakalakas ang diwa ng pagkakaisa ng pamilya at paghihiganti ng mga Israelita. Kapag nakamatay ang sinuman, kahit na di sinasadya, kailangang patayin din ng pamilya ng napatay ang pumatay.
Makikita natin dito kung paano kumikilos ang Diyos para turuan at hubugin ang kanyang bayan. Hindi niya maaatake nang harapan ang isang mentalidad na malalim ang pagkakaugat. Sa pagtatalaga ng mga siyudad na matatakbuhan para sa nakapatay nang di sinasadya, unang nalilimitahan ang karapatang ilagay sa sariling mga kamay ang batas, na mawawala naman sa paglipas ng panahon.
15: “Hindi sapat ang isang saksi laban kaninuman.” Inaalaala ang prinsipyong ito sa iba’t ibang bahagi ng Bagong Tipan, halimbawa’y sa paghahatol kay Jesus.

 

 

• 24.5 Matutunghayan natin dito ang isang serye ng mga batas na nagtataguyod ng mas makataong relasyon. Ito ang layunin ng pangangaral ng mga propeta: na sa piling ng mga tao sa lahat ng aspekto ng buhay sa lipunan ay makalikha ng diwa ng pagtutulungan at kabutihang-loob na katulad ng mahabaging kalooban mismo ng Diyos.
Binuo ang lahat ng ito para sa isang bayan ng mga magsasaka na may sinaunang ekonomiya kayat kakailanganing iakma ito sa ating lipunang mas organisado. May katapat na iba pang mga aspekto ng tunay na makataong lehislasyon ang bawat isa sa mga kautusang ito, sa gayon ding kaayusan:
– Tulungan ang mga bagong kasal.
– Seguridad sa trabaho.
– Pakikipaglaban sa prostitusyon at sa pagsasamantala sa mga nangingibang-bayan.
– ang pagtatadhana ng pinakamababang bayad para sa mga inalis sa trabaho at sa mga pamilya ng mga welgista.
– Makatarungang pagpapasuweldo.
– Pagsugpo sa mga parusa at sa mga hakbang ng kolektibong paniniil.
Agad namang isinusunod ang pagkalinga sa mga nangangailangan. Hindi makakanya ninuman nang buung-buo ang lahat niyang kinikita. May tungkulin tayong sumunod sa mga batas ng pagkakaisang panlipunan at matapat na bayaran ang itinatadhana ng mga ito. At ngayon, hindi na natin maaaring ikulong sa isang planong pambansa ang ating pagkakaisa: dapat makibahagi ang mas mayayamang bansa sa iba na malimit wasakin ng kanilang sariling pag-unlad at ng malayang palitan na kanilang ipiniliit sa mga ito.

 

 

• 26.1 Isang Arameo ang aking ama. Parang pagpapahayag ng pananampalataya ng Israelita ang talatang ito. Alam niya na pinili siya sa mga paganong Arameo at matapos siyang palayain ni Yawe ay binigyan siya nito ng kasaganaang tinatamasa niya. Gayundin naman ang iba’t ibang balangkas ng “sumasampalataya” na ginagamit ngayon ng Iglesya. Inilalagay ng mga ito sa pinakasentro ang mapagpalayang gawa ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo, na isinasakatuparan nila para sa ating kabutihan.

 

 

• 27.1 Nasa mga kabanata 27-28 ang wakas ng “diskurso ni Moises”, na nasa mga kabanata 5-11.
Pansinin ang seremonya ng pagpapanibago ng Tipan sa 27:4-36. Naganap ito sa Sikem sa panahon ni Josue (Josue 8:32). Nangako ang buong bayan na susundin nila ang sampung utos na nalalahad naman dito bilang labindalawang sumpa.
Alam natin na sa totoo’y sa mga huling panahon ng kaharian ng Juda isinulat ang “diskursong ito ni Moises”. Noo’y sapat nang paggunita sa kasaysayan ang makita ang maraming kasawiampalad na nangyari dahil sa hindi pamumuhay ayon sa hinihingi ni Yawe. Hindi marami ang mga pagpapala at hindi rin naman nanatili nang matagal. Sa halip ay nagkakatotoo ang napakalupit na mga sitwasyong inilalarawan sa kabanatang ito.
Kung pakikinggan mo si Yawe, itatampok ka niya sa lahat ng bansa. Marami ang mga paanyayang sumunod sa Diyos sa aklat na ito. Kumbinsido ang awtor na masusunod ng mga tao ang lahat ng ito at magkakaroong-kaligayahan. Subalit negatibo ang kongklusyon. Sa katunaya’y hindi nakinig ang Israel at susuway hanggang mapahamak. Nang sulatin ang mga pahinang ito, mas pesimista pa si Propeta Jeremias sa pagsasabing wala nang bisa ang unang Tipan pati ang mga pangako nito ng materyal na kaligayahan. Sinabi niyang singhirap ng pagpapalit ng kulay ng kanyang balat para sa tao ang makalaya siya mula sa kasalanan (Jer 13:23).

 

 

Kaya napakabuti ng batas na ito pero hindi ito masusunod ng Israel hangga’t hindi binibigyan ng Diyos ng bagong puso at espiritu ang mga sumasampalataya (tingnan Jer 31:31).

 

 

• 28.1 Malimit nating ipinapakiusap na basbasan o “binyagan” ng pari ang ating bahay, opisina, bangka, sasakyan o anumang bagong makinarya. Iba’t ibang kahulugan ang nakapaloob sa salitang “basbasan” o bendisyon, na ibig sabihi’y magsabi ng mabuti:
– magsabi ng pasasalamat sa Diyos na siyang pinagmumulan ng lahat;
– sabihin ang mabuting palagay ng Diyos sa pagkakaroon ng ganito o gayon, o anumang pag-unlad; sabihin ang lahat ng bungang maaaring matamo sa gayong bahay, o sa makinang ito, atbp… para sa makatao at espiritwal na pag-unlad ng isang tao o grupo;
– hilingin sa Panginoon na magamit sana natin ang mga bagay ayon sa kanyang kalooban, dahil iyon lamang ang tanging paraan para matamo natin ang tanang kabutihang maaasahan sa mga ito.
Itatampok ka ni Yawe… Pasasaganain ka ni Yawe… Bubuksan sa iyo ni Yawe… Magkakatotoo siyempre ang lahat ng ito sa wastong paggamit natin sa mga bagay: hindi tayo naghihintay ng mga milagro. Pero alam nga natin na maaaring magmula ang mga kahanga-hangang bagay sa pinakamahina mang mga instrumento.

 

 

• 29.1 Ang bagong diskursong ito ay sinulat pagkabalik mula sa Pagkatapon, nang simulan ng mga Judio ang muling pagtatayo ng kanilang bansa taglay ang determinasyong mula noo’y magiging tapat na sila sa batas ni Yawe.

 

 

• 30.6 Hindi napakahirap para sa iyo ang utos na ito (11): ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang pinakanatural na daan para sa taong tapat at walang pagkukunwari. Napakalapit ng salitang ito sa iyo para maisabuhay mo (30:14); subalit hindi pa rin ito maisasabuhay ng tao hangga’t hindi niya natatanggap ang “pagtutuli ng puso”. Dadalisayin ni Yawe ang iyong puso (6), o “tutuliin” sa wikang Hebreo na ibig sabihi’y gagawin niyang wagas at banal. Tingnan Ez 36:26-27.
Kakaunting pahina ng Biblia ang lubos na nagbibigay-diin at sa napakamapanghikayat na paraan sa pag-ibig ni Yawe, pag-ibig na seloso na bunga ng kanyang hangaring paligayahin ang tao. Dadalisayin ni Yaweng iyong Diyos ang iyong puso para mahalin mo si Yawe at nang mabuhay ka. Muling malulugod si Yawe na magmagandang-loob sa iyo.

 

 

• 15. Tanyag na tanyag ang talatang ito tungkol sa dalawang landas. Ipinaaalaala nito sa atin ang kahalagahan ng malaya nating mga pasya at ang pagrespeto ng Diyos sa kalayaan ng tao (tingnan din Sir 15:11).
Sa kabuuan ng Deuteronomio, katapatan sa Diyos ang siyang ipinahahayag kasama ang pag-alaala sa kanyang mga pangako at mga gantimpala dito sa lupa. Hindi tayo dapat magulat. Nang mga unang panahong iyon, hindi pa naiintindihan ng bayan ng Diyos ang kabilang-buhay ni ang tunay na gantimpalang para sa bawat isa sa atin na mabuhay at magkaroong-kasiyahan na makita ang Diyos sa kabila pa ng kamatayan. Sa buhay na ito at sa patutunguhan ng kanilang bansa lamang sila nakatuon. Mas mahalaga ito sa kanilang paningin kaysa buhay na patutunguhan ng bawat tao. Para sa kanila, sa lupa at sa panahong ito dapat mapatunayan ang katarungan ng Diyos.
At walang bukid o bahay namang ipangangako ang Ebanghelyo, liban sa patalinhagang paraan nito (Mc 10:28). Hindi na mababanggit ang kasaganaan liban sa pinakahuling araw kung kailan muling lilikhain ng Diyos ang mundo (Gawa 3:21 at Pag 21:3).

 

 

• 31.1 Iba’t ibang alaala tungkol kay Moises ang nilalaman ng mga huling kabanata.
Ang awit sa kabanata 32 ay awit ng walang maliw na pag-ibig ni Yawe na gumagabay sa buong kasaysayan ng Israel.
– Pinipili ni Yawe ang Israel (7-9).
– Pinapatnubayan niya ito sa disyerto tungo sa Lupang Pangako (10-14).
– Nasisiyahan nang lubos, itinatakwil ng Israel ang Diyos at ibinibigay ang sarili sa mga diyus-diyusan (15-18).
– Naging kalaban ng Israel si Yawe (22-30).
– Sa habag ni Yawe kailangang umasa ang bayang napahiya at itinapon, sapagkat sa bandang huli’y siya ang magpapalaya sa kanya at papagtatagumpayin sila sa masasama (31-43).
Nilagyan niya ng mga hangganan ang mga bayan ayon sa bilang ng mga anak ng Diyos. Ang mga anghel ang tinutukoy na mga anak ng Diyos dito. Sila ang namamahala sa mga bansa, pero tanging kay Yawe lamang ang Israel.
Tulad ng agila, larawan ng Diyos na tinitingnan ang kanyang bayan: walang makaaagaw sa kanila mula sa kanyang proteksyon.
Binubuod ng bersikulo 15 ang mapaghimagsik na saloobin ng Israel.
Tumaba si Jeshurun at sumikad. Matapos tanggapin ang lahat mula sa kanyang ama, iniisip ng wal-das na anak na sa paghihimagsik siya mas magiging malaya.

 

 

• 33.1 Katulad ng mga pagbabasbas ni Jacob sa Gen 49 ang mga bendisyon ni Moises. Patulang pagpapahayag ito sa hinaharap na kapalaran ng labindalawang tribu, pero mas huli itong sinulat, maaaring sa maikling panahon bago ang nagkabi- hag.

 

 

• 34.1 Nagtatapos ang libro sa pagkamatay ni Moises. May magandang sinasabi ang wakas na ito ng pinuno at tagapagtatag ng Israel sa kanyang pag-iisa. Nang ipagkatiwala ng Diyos kay Moises ang kanyang mga lihim at nang ibigay niya rito ang mismong kapangyarihan niya, waring ibinukod na siya ng Diyos sa kanyang mga kapatid. Kailangang pasaning mag-isa ni Moises sa harap ng Diyos ang responsabilidad at pananagutan sa Israel hanggang sa siya mismo ang ituring na Israel.
Wala nang lumitaw pang propetang tulad ni Moises (10). Sa pagbubunyag ng kaisa-isahang Diyos kay Moises at sa paghirang sa Israel sa ilalim ng kanyang pangangalaga nakasalalay tanang pananampalataya natin. Pero hindi ito nangangahulugang tapos na ang pagbubunyag ng Diyos o tumigas nang parang semento ang relihiyon pagkatapos ng panahon ni Moises. Wala na ngang lumitaw pa, pero isang propetang tulad niya (18:18) ang patuloy na hinihintay. Nangangahulugan ito na ang pananampalataya ay hindi hanggang katapatan na lamang sa isang libro, kahit na ang Matandang Tipan pa ang librong ito. Nagpatuloy ang bayan ng Diyos sa pagdiskubre sa mga daan ng Diyos, at kinailangang makita kay Jesus ng kanyang mga kapanahon ang hinihintay na Propeta. Tayo naman, nakaugat din ang ating pananampalataya sa pananampalataya ng Iglesya at kaisa ng Iglesya’y lagi nating nadidiskubre ang aral ng Espiritu.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Deuteronomy, Lumang Tipan | 1 Comment

Mga Bilang

Tinatawag na “Mga Bilang” ang librong ito dahil nagsisimula ito sa mga bilang ng isang senso ng bayang Hebreo. Para rin dito ang sinasabi sa introduksyon sa Levitico: ang mga senso, mga pangyayari at mga deklarasyon ni Yawe kay Moises ay isang paraan lamang ng paglalahad sa mga batas na tinipon o inedit ng mga pari ng Israel pagkatapos ng panahon ni Moises.

Pero hindi gawa-gawa lamang ang lahat ng nasa kasaysayang ito: batay ito sa matatandang tradisyong may kinalaman sa panahon ng pananatili sa disyerto. Makikita ang mga ito partikular sa mga Kabanata 11-14 at 20-25 na umuulit nang ilang beses sa mga pangyayari sa Exodo sa ibang kaanyuan. Pagkatapos ng paglabas sa Ehipto, inilalahad ang aklat ng Mga Bilang bilang isang martsa ng bayan ng Diyos patawid sa disyerto. Sa pagmamartsang ito, nag-iipon ang bayan ng mga karanasang kikintal sa buong hinaharap nito.

• 1.1 Ano ang ibig sabihin ng sensong ito ng Israel na may maraming pag-uulit at ng mahusay na ayos ng mga kampo ng labindalawang tribu? Medyo katulad ito ng isang magandang esksena sa drama: makikita ang Israel bilang isang bayang may kaayusan, papunta ang mga hukbo ni Yawe para saku­pin ang lupang pangako. Nangunguna ang kalala­kihan ng tribu ng Levi o mga Levitang responsable sa pagsamba. Kaya naiintin­dihan nating bayang “banal” ang bayang ito na naka­talaga sa Diyos.

 

 

• 3.1 Tungkol sa mga pari at mga Levita ang mga kabanata 3, 4 at 8.

Noong panahon ni Abraham, ang bawat pinuno ng angkan ang pinakapari ng kanyang grupo: siya mismo ang nag-aalay ng mga handog (Gen 15:10), nagsasagawa sa mga sagra­dong seremonya (Gen 28:18) at nagbabasbas sa ngalan ng Diyos (Gen 27:27).

Malamang na humirang si Moises ng mga lalaking mamamahala sa pagtuturo ng mga batas ni Yawe sa Israel. Nakalaan ang misyong ito para sa grupong tinatawag na tribu ng Levi na siguro’y isang tribu ng mga mandirigma sa simula. Sa pangyayari tungkol sa Gintong Guya, sila ang pumanig kay Moises sa pag­papa­num­balik sa kaayusan.

Subalit patuloy pa rin sa pagdiriwang ang mga pinuno ng mga angkan at ang mga pari nang walang batas o kontrol (tingnan Mga Hukom 17).

 

Nilikha nina David at Solomon ang kaparian ng mga Judio: mula noo’y ang mga lalaking mula sa tribu ng Levi lamang ang magiging mga pari. Sa reporma marahil ni Yosias ginawa ang pagkakaroon m­ismo ng mga antas sa mga Levita. Tinawag na mga pari ang mga nasa mas mataas na ranggo, at mga Levita naman ang mga nasa mas mababa (tingnan 2 Mga Hari 22:8). Malamang na ang mga bumalik sa Jerusalem sa utos ni Yosias at pinagbawalang mag­diwang sa Templo ang mga unang “Levita” na mas mababa ang ranggo, samantalang nakita naman ng kaparian ng Jerusalem na pinagtibay ang kanilang mga pribilehiyo. Silang mga “pari” sa Templo ang mula noo’y bumuo ng isang mas mataas na hanay. At para maiba sila sa mis­mong tribu ng Levi, sinabi nilang mga inapo sila ni Aarong kapatid ni Moises.

 

Ipinalalagay ng Aklat ng Mga Bilang, sa kathang-isip, na si Moises ang nag-organisa ng lahat ng ito.

Ang mga Levita ang kumakatawan sa mga panganay na anak ng Israel na iniligtas ni Yawe sa unang Paskuwa nang mamatay ang mga panganay na anak ng Ehipto. Dahil iniligtas sila ni Yawe kaya sa kanya sila mula noon.

 

• 4.1 Sa Israel, bawat lalaking ipinanganak sa tribu ng Levi ay pari. Bukod pa rito’y nakatalaga sa kung anong paglilingkod ang bawat pamilya ng nasabing tribu. Ito ang itinu­turo ng sensong ito sa tribu ng Levi. Pang­habam­panahon at panghabambuhay na nakata­laga sa paglilingkod sa Diyos ang mga Levita (at ang kanilang mga anak). Sa pama­magitan lamang ng kanilang presensya’y ipinaaalaala nila sa Israel na ito’y isang bayang nakalaan para sa paglilingkod sa Diyos.

 

Hawak pa rin ng kaparian ng Israel ang kanilang puwesto sa Templo nang panahon ni Kristo. Pero mula pa sa simula nito, hindi na ipinalagay ng iglesya na sakop siya ng kaparian. Para sa kanya, wala nang “Bahay ng Diyos’ sa piling ng mga bahay ng mga tao (Jn 2:19; Pag 21:22): si Jesus ang Bagong Templo “na pinananahanan ng buong kabuuan ng pagka-Diyos (Col 2:9). Mula noon, hindi na kinailangan ng iglesya ang isang “kapariang” mag-aasikaso sa paglilingkod sa Templo, hindi na nito kailangan ang mga “Levita”. Mga “ministro” ang kailangan ngayon ng iglesya, at sa iba’t ibang paglilingkod nila matitiyak ang paglaki ng buong Katawan (Ef 4:11-12).

 

Pero lumago ang iglesya sa pagdaan ng mga dan­taon; bansa-bansang nagpabinyag ang mga tao at sumapi sa bagong relihiyon sa pagsunod sa kanilang hari o prinsipe. Nadarama ng kara­mihan ang panga­ngailangan sa isang relihiyon kahit hindi pa naririnig ang tawag sa pananam­palataya. Naging kristiyano ang karamihan dahil lamang inalis ng Kristiyanismo sa trono ang matatandang paniniwala. Sa kristiyanong paraan, ang Iglesya ay naging kung ano noon ang matandang Israel: isang relihiyosong bayang pinasigla ng isang di-nakikitang pagka­kasama-sama ng mga mananampalataya. Lumaganap ang mga pamaya­nang Kristiyano, at napalitan ng pagsimba sa sim­bahan ang mga pagtitipon sa mga bahay-bahay. Sa ganitong paraan naihanda ang daan sa mas mahirap pang mga ministeryo: hiningi ng bagong sitwasyon ang pagbabalik sa pananaw ng Matandang Tipan. Kailangan na ang “mga pari” at “klero” para mag­ling­kod sa mga “mananampalataya”, ang mga “bininya­gan lamang”.

 

Sa pagsapit lamang ng ika-20 dantaon muling pinagaralan ang binyag. Saka lamang naging mas malinaw na, bagamat kailangan ang mga minis­teryo, hindi kinakailangang ipagkatiwala lahat ito sa mga paring hindi mag-aasawa, na isinapi at hinubog sa mga seminaryo sa kanilang kabataan, sa halip na piliin sa loob ng pama­yanang Kristiyano dahil sa mga katutubong kakayahang napatunayan na sa kanila.

 

Palayasin sa kampo (5:1). Alalahanin nating sinulat ang lahat ng ito sa matalinhagang paraan. Ang kampo ang sumasagisag para sa Banal na Lugar, ang Templo. Isang paraan ito ng pagsasabi kung sino ang hindi puwedeng pumasok sa Templo.

 

 

• 6.1 Ang mga Nasireo ay mga lalaking nagta­laga ng kanilang sarili sa Diyos, pan­­samantala man o panghabambuhay. Isang nasireo si Samson (Mga Hukom 13:5) at mala­mang na gayon din si Juan Bautista (tingnan Lucas 1:15). May mga nasireo rin sa mga unang Kristiyanong lahing-Judio (Mga Gawa 21:23). Tingnan din ang panata ni Pablo (Mga Gawa 18:18).

 

Wala tayong alam na mga konggregasyong relihi­yoso sa Israel gaya ng meron tayo ngayon sa Iglesya. Kayat ang batas tungkol sa mga nasireo ay nagpapa­hintulot sa sinumang mana­nampalataya na personal na italaga ang sarili sa Diyos.

 

 

• 22. Ang pagbabasbas ni Moises na laging gina­gamit ni San Francisco ng Assisi.

 

 

• 10.29 Dito nagsisimula ang isang serye ng mga matatandang tradisyon na bubuo sa pinaka­diwa ng mga kabanata 11-14. Sa bahaging ito, normal na letra ang ginagamit natin para sa matatandang salaysay na ito at pahilig na letra naman para sa mga parteng galing sa mga paring nag-edit sa aklat ng Mga Bilang.

 

 

• 11.1 Dalawang alaala ang pinagsasama sa kabanatang ito:

 

– tungkol sa mga pugo at sa manna ang isa, at kahawig ng nasa Exodo 16.

 

– ang isa nama’y tungkol sa kaloob na “Espiritu ni Yawe” sa matatanda o mga pinuno ng Israel.

 

 

• 24. Mula sa mga kilos at gawa ng mga propeta unang nalaman ng mga Israelita ang tungkol sa Espiritu ng Diyos. Ang mga propeta ang mga taong may alam sa mga lihim ng Diyos, mga taong bina­baha­ginan ng Diyos ng kanyang karunungan, mga taong nagkaroon ng walang-katapat na lakas sa ilang mga pagkakataon. Sa kanilang mga pagkilos naunawaan ng mga Israelita na ibinibigay ng Diyos ang kanyang espiritu gaya ng isang marahas na hanging di inaasa­han (kapwa nangangahulugan ng espiritu at hangin sa wikang Hebreo ang salitang ruah).

 

Para maintindihan ang salaysay na ito, maka­bu­bu­ting ikumpara ito sa 1 Sam 10:1-13 at 19:18-24.

 

Itinuturo sa atin ng istoryang ito na kumikilos ang Espiritu sa maraming iba’t ibang paraan (tingnan 1 Cor 12 at 14). Isang bagay ang mag­sabi at gumawa ng kakaibang mga bagay, o magsalita sa iba’t ibang wika, atbp. Ibang bagay naman at siyang mas impor­tante ang maka­tanggap ng pa­nanagutang pamunuan at turuan ang bayan ng Diyos. Ang espiritu ni Moises (na hindi naman nagsalita sa iba’t ibang wika o nagpro­pesiya habang wala sa sarili) na kina­tawan ng Diyos, ang gagawa ng mga kakatwa at propetikong pagha­hayag sa pitumpung mata­tanda.

 

Ipinakikita rin ng nangyari kina Eldad at Medad na hindi laging sa mga opisyal na pamamaraan ibinibigay ng Diyos ang kanyang espiritu. Totoo ngang nasa lista­han sina Eldad at Medad pero wala naman sila sa tabi ni Moises. Kaya hindi dapat magulat ang mga awtoridad ng bayan ng Diyos na may mga pagka­ka­taong kung saan sila wala ay saka ibinibigay ang Espiritu nang hindi humihingi sa kanila ng permiso: ganito ang mangyayari kay Cornelio (Gawa 10) at kay Pablo (Gawa 9).

 

Propeta nga sana ang buong bayan ni Yawe at ibigay sa kanila ang kanyang espiritu (tingnan Joel 3:1 at Mga Gawa 2:17).

 

 

• 12.1 Titiyakin ni Jesus sa Ebanghelyo na walang sinumang propeta ang kinikilala ng sarili niyang angkan (tingnan Mc 6:4). Tinutuligsa nina Miriam at Aaron na mga kapatid ni Moises ang mga gina­gawa nito, at maaaring may kat­wiran sila. Ngunit isang paraan ito nila para ipantay ang sarili kay Moises, at kumilos ang Diyos para ipagtanggol ang kanyang propeta.

 

Dalawang bagay ang nililiwanag ng sagot ng Diyos:

 

– May natatanging lugar si Moises sa pagbu­bunyag ng Diyos: siya ang magtatayo sa mga pundasyon ng pananampalataya sa Diyos na Tagapagpalaya, Ma­katarungan, Banal at Mahabagin, na hinding-hindi mababago ng sino pa mang propeta. Isa pa’y kakailanganin ng mga propetang kilalanin sila ng mga awtoridad ng bayan ng Diyos, na mga kahalili ni Moises.

 

– Kinausap ko siya nang harap-harapan. Ang mga pangitain at mga panaginip ay pu­puwe­deng maging paraan ng pakikipag-usap ng Diyos sa mga propeta. Ngunit mas mababang klaseng pamamaraan ang mga ito. Maraming klase ng espiritu ang gumagawa nang ganito at maaari din namang maging mga ilusyong ga­ling sa demonyo ang mga ito. Kayat kay Moises at sa mga dakilang propeta, espiritu sa espiritu ang pakikipag-usap ng Diyos sa kanila. At sa pag-angkin niya sa kanilang kalayaan, binago niya sila at pinabanal.

 

Si Moises ay taong tunay na mababang-loob: ang maliwanag na tanda na nakatagpo niya ang Diyos.

 

 

• 13.16 Nang panahong iyo’y Kanaan ang tawag sa lupang ipinangako sa mga Hebreo, at mga Kananeo ang mga nakatira roon. Paglipas lamang ng mga panahon saka iyon tatawaging Israel dahil ang mga Israelita na ang nagmay-ari niyon. Tatawagin din iyong Palestina. Sa kani­lang mga pangarap, paraiso ang tingin nila sa lupang ito. Pumutol sila ng isang sa­ngang may buwig na ubas na pinasan ng dalawa sa kanila sa isang pingga. Inilalarawan ng kagila-gilalas na detalyeng ito ang magandang lupaing “dina­daluyan ng gatas at pulot-pukyutan”. Ginagamit pa rin ng mga Israelita sa kasalukuyan ang lara­w­ang ito bilang sagisag ng kanilang bansa.

 

Isa sa mabibigat na kasalanan ng Israel ang inilalarawan sa atin ng Biblia sa bahaging ito, gaya ng nasa Ex 32. Hindi sana naging napakahirap para sa Israel ang maniwala kay Yawe kung hindi nito hiningi sa kanila na sakupin ang lupain, bagay na ikinatakot naman nila. Gayun­din naman, napakara­ming Kristiyano ngayon ang nakadarama ng lubos na pag-aalab ng espiritu pero natatakot naman sa oras na hingin sa kanila ng Iglesya na makisangkot sa gawa ng katarungan at pagkakasundo sa lahat ng larangan ng kasalukuyang daigdig.

 

 

• 14.1 May mga karanasan tayong magu­gunita na katulad na katulad ng paghi­himagsik na ito.

 

Masamang tagapayo ang takot at ginagawa nitong marahas ang mga duwag.

 

Pinapatay ng mga taong may mapurol na diwa ang mga propeta para panatiliin ang kanilang kapa­natagan o kaya’y para bumalik “sa pagka­ali­pin sa Ehipto”.

 

Ngunit ang Diyos ang sumasaklolo sa taong nakikipagharap sa pulutong nang dahil sa kanya.

 

Hanggang kailan sila tatangging maniwala sa akin? Insulto sa Diyos ang pagiging takot kumilos. Iniuukol din ang mga salitang ito sa mga tao ngayon na, sa harap ng mga sugat ng lipunan, ay nagsasabing: wala nang magagawa pa.

 

Patawarin mo sana ang pagkakasala ng ba­yang ito. Minsan pang lumilitaw si Moises sa kanyang papel bilang tagapamagitan. Sa personal na paki­kipagniig niya kay Yawe, natu­tuhan ni Moises na sagana pala sa kagandahang-loob at puno ng awa ang Diyos.

 

Nagpapatawad nga ang Diyos. Subalit hindi nito hinahadlangan na pagbayaran ng mga tao ang bigat ng kanilang mga pagkakamali. Ang paghi­himagsik sa Kades at ang sumunod na pagkalupig ang dahilan ng matagal na pananatili ng mga Hebreo sa disyerto. Sa katunayan, may katagalan nga, apatnapung taon, ang itinigil nila sa may malapit sa Kades, na waring naha­hadlangan sa pagpasok sa lupain ng Kanaan. Malupit ang salita: mamamatay sa pintuan ng Lupang Pangako ang lahat ng tumangging maki­lahok sa paglupig.

 

 

• 15.1 Mga batas at mga kaugalian ng Israel ang muli nating matutunghayan sa mga kabanata 15-19.

 

– 15:17. Ang paanyayang ialay ang mga unang aning tinapay, o mga unang tinapay na gawa sa harina ng inaning trigo. Ang bayan ng Diyos ang magiging bayang may magandang pinag-aralan at may kagandahang asal na hindi ku­makain nang hindi nagpapasalamat o sinisilbihan muna ang sarili kundi iaalay nila sa Levita o sa dukha ang pinakaunang parte na nanga­ngahulugan ng pag-aalay nito sa Diyos.

 

– 15:37. Ang sinulid na kulay-murado ay maihahambing sa mga insigniya na isinusuot ngayon ng maraming tao. May halaga lamang ang pan­labas na tandang ito kung tunay na nasa kalooban ang isina­sagisag nito. Sinang-ayunan ni Jesus ang kautusang ito (Mt 9:20) ngunit tinuligsa niya ang mga nagsusuot ng mga pa­­lawit na ito na pakitang-tao lamang (Mt 23:5).

 

 

• 16.1 Banal ang buong pamayanan at suma­sa­ka­nila si Yawe. Totoo nga, pero may herarkiyang galing sa Diyos. Ito ang itinuturo ng kabanatang ito at pagkatapos ay aalalahanin naman ni Pablo: “Walang maaaring umangkin sa tungkulin ng pag­kapari kundi ang tinawag ng Diyos tulad ni Aaron” (Hebreo 5:4).

 

Dalawang magkaibang salaysay ang pinag­sama sa pagsulat ng pahinang ito:

 

– sa una’y inaangkin ni Kora ang mga pribilehiyo ng mga paring anak ni Aaron; at nilamon siya ng apoy na galing sa langit kasama ng dalawandaan niyang kakampi;

 

 

– sa ikalawan nama’y nagrebelde sina Datan at Abiram mula sa tribu ng Ruben laban kay Moi­ses hanggang lamunin ng lupa ang mga ito.

 

 

• 28. Ikumpara ang Mga Bilang 16:28 sa Juan 5:19 at 5:36.

 

 

• 17.1 Iba’t ibang kababalaghan ang nag­papa­kita ng awtoridad ni Aaron at ng bisa ng kanyang panalangin sapagkat isa siyang paring pinili ng Diyos. Ang tungkod ni Aaron (17:23) ang larawan ng pagiging mabunga na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng aksyong isinasagawa dahil sa utos niya at sa lahat ng buhay na itinatalaga sa kanya (Jer 17:8; Slm 92:15).

 

 

• 19.1 Partikular na tinutukoy ng Sulat sa Mga Hebreo ang kabanatang ito sa pagtalakay nito tung­kol sa mga pag-aalay sa Matandang Tipan na hindi naman talaga makapagbibigay ng kali­nisan ng ka­loo­ban sa tao at pagpa­pauna lamang sa ganap na pag-aalay ni Kristo (tingnan Hebreo 9:13 at 13:11).

 

Tungkol sa tubig para sa paglilinis ang mga ber­sikulo 17-21. Maraming bayan ang guma­gamit ng tubig para sa kanilang mga seremon­yang panrelihiyon. Makikita natin dito kung paano ito ginamit ng mga Judio.

 

Matapos tayong hugasan sa binyag, guma­gamit din ang Iglesya ng benditadong tubig. Hindi kung anong madyik o kapangyari­han ang nakikita rito ng Iglesya kundi mga nakikitang tanda na tumutulong sa ating maila­gay tayo sa tamang disposisyon. Ang pagkukrus sa pag­gamit ng benditadong tubig, kung buong-kalooban at pananampalataya itong gina­gawa, ay tulong para maiwan natin sa pinto ng sim­bahan ang alikabok ng mga kaabalahan ng buhay sa araw-araw.

 

 

• 20.1 Ang salaysay na ito ay bahagi ng mga tekstong sinulat ng mga pari pagkabalik nila mula sa pagkabihag. Tinatalakay nito ang pang­yayaring isinasalaysay sa Ex 17:1-7 pero may idinagdag na “kasalanan ni Moises”! Bakit? Sa pagrepaso sa kasay­sayan ng kanilang mga ninuno, bumungad sa mga pari ang isang kata­nungan: paanong nangyari na si Moises, ang propetang “harap-harapang kinausap ni Yawe” (Ex 33:11), ay hindi nakapasok sa Lupang Pangako? Namatay si Moises sa mahiwagang paraan sa Bundok Nebo. Pero nanatili ang isang katiyakan: Maka­tarungan ang Diyos! Kung hindi nakapasok si Moises sa Lupang Pangako, ito’y sapagkat siya’y nagka­sala. Kaya sinulat nilang muli ang salaysay nang may dagdag na sakdal na nagkasala si Moises: nag-alinlangan siya sa Diyos!

 

Meron tayong kapareho nitong kaso sa dalawang salaysay ng pagkamatay ni Yosias, ang maka­tarungang hari (2 H 22:2 at 23:29 kahambing ng 2 Kro 35:19-25).

 

Ang katuparan ng Kasulatan kay Jesus ang tanging makapagbibigay-liwanag nang lubos sa atin tungkol sa misyon ni Moises. Ang misyon niya ay akayin ang bayan ng Diyos hanggang sa pintuan ng Lupang Pa­ngako. Pag naroon na, makatatabi na siya at masasabi kasama ni Juan Bautista, ang huling propeta ng Matandang Tipan: “Dapat siyang humigit at ako nama’y lumiit.” Nagsisimula na ang ministeryo ni Josue: ang pagbuksan ng mga pinto ng Lupang Pa­ngako ang bayan ng Diyos at ipaangkin ito sa kanila. Ang magkakambal na bokasyon nina Moises at Josue ay naglalarawan at nagbibigay-liwanag sa misyon ng Matandang Tipan at ni Jesus (sa Hebreo, pareho ang mga pangalang Josue at Jesus).

 

 

• 21.4 Tungkol naman sa ahas na apuy-apuyang ito, dalawang magkaibang tanong ang lumalantad. Ang una: Ano ang pangkasay­sayang simula ng salaysay na ito? Ang madaling sagot: malapit sa mga mina ng Sinai, ang nagpa­pagaling na Diyos ay pinarangalan at pina­salamatan sa pag-aalay ng maliliit na ahas na apuy-apuyan. Malamang na binigyang-buhay ng mga kuwento ng mga manlalakbay ang salaysay na ito. Pero ang mahalagang tanong ay ang ikalawa: Anong gustong sabihin nitong pahina ng banal na aklat?

 

Nagreklamo ang sambayanan. Muling nag­reklamo ang mga Israelita: ito ang paghihi­magsik ng kalooban ng mga ayaw magsakri­pisyo at mag­sikap para maging mas mabuti, at sa halip ay sinisisi ang iba.

 

Gumawa ka ng isang ahas na “apuy-apuyan”. Ka­­kaibang utos sa mga Israelita. Ngunit isa itong tandang propetiko: gustong pagalingin ng Diyos ang kasalanan sa pama­magitan na rin ng pinakainstrumento ng kasa­lanan.

 

Mabubuhay ang sinumang tumingin dito. Isa pang tandang propetiko. Hindi mahihigpit na atas ang kailangang sundin ng mga makasalanan: patingnin lamang sila nang may pananampalataya sa tandang ipinadadala ng Diyos para sa kanilang paggaling. Sasabihin naman ni Jesus: “Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa disyerto, gayundin naman kaila­ngang itaas (sa krus) ang Anak ng Tao upang magka­roon ng buhay magpakailanman ang bawat naniniwala sa kanya” (Jn 3:14-15).

 

Ang salaysay tungkol sa ahas ay isa sa mga larawan sa Biblia na may natatagong kahulugan na naghihintay sa araw na ipahahayag ni Kristo ang kahulugan ng mga ito. Ganito rin sa istorya tungkol kay Melkisedek (Gen 14) o sa kuwento tungkol kay Jose.

 

Gayundin naman pag dating sa ating buhay, may ilang pangyayari sa ating kahapon na hindi natin maipaliwanag noon o hindi natin kaagad maunawaan. Bakit ito nangyari sa akin? Dara­ting din balang araw ang liwanag ni Kristo para ipahayag ang kahulugan ng mga ito.

 

 

• 21. Pagkatapos ng mga taon ng pananatili nila sa Kades, muling sinimulan ng mga Israelita ang kanilang paglakad kasama ni Moises papunta sa lupain ng Kanaan.

 

Pinaligiran nila ang lupain sa timog at sa sila­ngan, at pansamantala silang tumigil sa mga lugar na nasa silangan ng Ilog Jordan. Dalawang mala­king tagum­pay ang naganap dito at muling napatunayan ng mga Israelita na inililigtas nga ng Diyos ang kanyang bayan. Sa Salmo 136, pagkatapos magpuri sa Diyos “na nagtawid sa kanila sa Dagat ng Mga Tambo dahil walang hanggan ang kanyang pag-ibig”, inaalaala naman nila na “hinampas niya ng kamatayan ang malalakas na hari, si Sihong hari ng mga Amorreo at si Og na hari ng Basan”.

 

 

• 22.2 Narito ang simula ng makahulu­gang istorya ni Balaam, na pinalawak at ginawang isang alamat. Tungkol kay Balaam, tingnan ang komentaryo sa Gen 32:22.

 

Sa pagtahak nila sa daan ng kalayaan, naha­rap ang bayan ng Diyos sa iba’t ibang kala­ban pati na sa sarili nilang kaduwagan sa harap ng mga sakri­pisyong hinihingi sa kanila. Ngunit mas malaki pang panganib ang nagbabanta ngayon sa kanila nang hindi nila namamalayan: dumarating si Balaam galing Babilonia na lupain ng mga mangkukulam para maghatid ng mga sumpa sa kanila, na hindi natin masasabing mula sa Diyos kundi mula sa demonyo. Alam ng lahat, kahit na pinakamodernong pananalita pa ang gamitin para sabihin ang sumpang ito, na sarili nating mga demonyo ang makapaghahatid sa atin sa kapa­hamakan: pag­pa­patindi ng labanan, pagtangging magsa­panganib at iba pang mga kasalanang laban sa buhay.

 

Sa pagpapatuloy ng Biblia, ipinaaalaala ng Diyos sa Israel kung paano niya sila ipinag­sanggalang sa pangyayari tungkol kay Balaam. Hindi lamang sila ipinagsasanggalang ng Diyos laban sa mga kaaway na nakikita na may laman at dugo, kundi maging sa mga di-nakikita na di makikinikita ni mahahadla­ngan ng ordinaryong tao o ng mga namumuno kaya (tingnan Josue 24:9 at Mikeas 6:5).

 

Nagkasala ako. Hindi ko sukat akalain na naka­tayo ka sa daan (22:34). Napakabuting mang­kukulam naman ni Balaam! Buhos na buhos siya sa baluktot niyang mga plano hanggang madiskubre niyang ang Diyos mismo ang nakaharang sa daan!

 

 

• 24.15 Waring gustong ipahayag ng Diyos sa buong mundo ang kahanga-hangang patutunguhan ng kanyang bayan, kahit na sa pamamagitan ng bibig ni Balaam. Binibigyang-pansin natin ang pi­nakatanyag sa mga tula o propesiya ni Balaam (24:15-19) na nagpapahayag sa bituin ni Jacob. Si Haring David na hinirang ng Diyos at siyang nagsimula sa Paghahari ng Diyos sa Israel ang tinutukoy ng bituing ito. Ngunit makikilala natin sa kanyang katauhan ang isa pa at tunay na hinirang ng Diyos na walang iba kundi si Kristo.

 

 

• 25.1 Hindi bagay na walang kinalaman sa buhay ng sambayanan ang kaluwagan sa sex. Hindi lamang ito tungkol sa personal na mora­lidad kundi mabigat na hadlang pa rin ito sa pag-unlad ng lipunan sapagkat kaugnay ito sa antas ng responsabilidad at kakayahang magsakri­pisyo. Laging magkaakibat sa Biblia ang paki­kipaglaban sa imoralidad at ang kata­patan sa Diyos.

 

 

Nang angkinin ng mga Israelita ang lupain ng Kanaan, naging isang patuloy na tukso sa kanila ang mga paganong pagsamba ng lupaing iyon. Isa sa pinakakaraniwang kaugalian sa mga pagsambang iyon ang pagkakaroon ng relasyon sa mga babaeng bayarang nakatalaga sa diyos na Baal. Ang paganong kaugalian ng sagradong prostitusyon, na mahigpit na ipinagbabawal ng Biblia, ay laganap pa rin sa problema ni Pablo, partikular sa Corinto (1 Co 16:16). Ikinu­kuwento nito sa atin bilang isang aral na sa panahon pa man ni Moises ay gumawa na ng ganitong kasalanan ang bayan, at sinasabi rin nito sa atin kung ano ang naging parusa. Ang pakikipagtalik sa babaeng bayaran ay paki­kipagtalik sa diyos na Baal, at hindi mapala­lampas ng kaisa-isang Diyos ang ganitong katak­silan. Dobleng prostitus-yon: ang sa katawan at ang sa kawalang-katapatan ng taong nagtataksil sa kanyang Tagapagligtas.

 

Ipinagtanggol niya ang karapatan ng kanyang Diyos. Hindi siya natakot matawag na napakakonserbatibo at may mga sinaunang paniwala at may makitid na isipan. Hindi siya maaaring magsawa­lang-kibo at ngumiti na lamang at kumuha ng mga litrato.

 

 

• 14. Dito nagtatapos ang matatandang tradisyon tungkol sa panahon ni Moises. Subalit sa Deute­ro­nomio 34 matutunghayan ang paggunita sa pagka­matay ni Moises.

 

 

• 26.1 Hindi batay sa tunay na nangyari sa kasaysayan ang mga bilang sa sensong ito sa paglabas nila mula sa disyerto, gaya ng mga nasa unang kabanata. Ngunit hindi rin naman ito pawang kathang-isip lamang. May matalin­hagang gustong ipa­ka­hulugan ang mga bilang na ito, kung titingnan ang mga ito nang isa-isa at maging sa kabuuan nito. At nagbi­bigay-daan ang mga ito para sa mga aral pan­relihiyon.

 

 

• 31.1 Tungkol sa “digmaang banal” ang kabanatang ito. Mahalagang alalahanin na isinulat ang lahat ng ito nang wala nang kaka­yahan ang Israel para salakayin ang alinmang bayan (basahin ang paliwanag sa Josue 6 tungkol dito). Hindi inilalarawan sa gawa-gawang pangyayaring ito ang pagpatay sa mga babae… Gusto lamang bigyang-diin ng sumulat ng salaysay na ito kung gaano kapeligroso para sa mga Israelita ang mag-asawa o lumapit sa mga babaeng pagano.

 

 

• 32.1 Hindi sama-samang umalis sa Kades ang lahat ng Israelita. Sa oasis na ito sila tumigil nang “apat­napung taon” sa disyerto bilang isang bayan. Mas matulain kaysa ma­kasaysayan ang tradisyunal na larawan tungkol sa bayang Israelita na sama-samang umaalis na pa­rang isang tao lamang para sakupin ang lupain ng Kanaan. Kanya-kanya ang mga taong ito at mala­yang nakagagala ang bawat grupo kasama ng ka­nilang mga kawan maliban sa mga panahon ng ka­gipitan kung kailan sila nagkaisa, gaya ng nangyari sa panahon ni Moises. May ilang umalis sa Kades bago o pagkatapos ni Moises: pinakaimportanteng grupo ang gru­pong pumunta sa Galaad sa kabilang-ibayo ng Jordan. Doon sila mapayapang namayan sa piling ng iba pang mga bayan.

 

 

Binibigyang-diin ng 32:20-22 ang pagkakaisa at pagkakabuklod ng mga Israelita.

 

 

• 35.9 Makakatulad sa mga ipinapaliwanag sa Deuteronomio 19:1 ang mga batas na ito tungkol sa mga taguang-lunsod.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Lumang Tipan, Numbers | 1 Comment

Leviticus – Komentaryo

Sa mabilis na pagbasa ng ilang pahina ng Levitico, waring narito ang kay Moises. Pero pakiwari lamang ito. Hindi nabago ang pananampalataya ng Israel kay Yawe, pero pumukaw ito o naghatid ng palagiang ebolusyon ng mga sistemang panrelihiyon. relihiyon ng Israel na binubuo ng sanlibong utos na idinikta ng Diyos

Mga kaugalian lamang at mga paniniwala ng kanilang mga ninuno ang tanging pinanghahawakan ng mga Hebreo: walang pari ni mga santuwaryo ni mga banal na aklat. Si Moises ba ang nagtakda ng ilang utos na panrelihiyon? Malamang, pero tiyak na ipinalagay na siya ang nagtakda sa lahat ng utos na nasa aklat na ito.

Pagdating ng mga tribo sa Kanaan, nagkaroon sila ng kulto, sa paggaya nila, humigit-kumulang, sa mga ginagawa ng mga Kananeo sa kanilang mga templo. Sumunod ang panahon ng mga hari. Inorganisa ng mga inapo ni David ang mga pari sa paligid ng Templo ng Jerusalem. Ilan sa kanila ang nag-ingat sa kadalisayan ng kulto, o nagtakda ng liturhiya. Malapit ang pagkakaugnay ng relihiyon sa kaayusang panlipunan at kultura; kaya na nga ipinaubaya sa mga pari, halimbawa, ang pagsusuri sa ketong.

Isang katunayan ang impluwensiya ng mga propeta. Humihingi sila ng mas aktibong pananampalataya, kamalayan sa mahirap na hinihingi ng katarungan na nakaukit sa Tipan, pakikibaka sa mapangwatak na impluwensiya ng dayuhan. Nagsasalita sila tungkol sa paghahanda para sa hinaharap.

Ang pari at ang propeta ang nagpasigla sa pag-asa ng Israel. Walang dudang ito ang dahilan kung bakit ang mga batas pambayan at panrelihiyon nito ay nakaranas ng mas malaking ebolusyon kaysa mga batas ng ibang bansa. Pero pagkatapos ng pagkabihag sa Babilonia, kinailangan ng Israel na panindigan ang kanyang pagkakakilanlan para harapin ang kapakanang pambansa. Dahil dito, nagkaroon sa Israel ng konserbatibong kalakaran na palakas nang palakas sa paglipas ng mga dantaon. Kumakapit sa nakaraan ang mga tao at nakakalimutan nila ang kasalukuyan. Pinipili ng maraming Judio na sumandig sa konserbatismong panrelihiyon na binubuo ng mga ritwal at tradisyon, at ito ang mahigpit na tutuligsain ni Jesus (Mt 23).

Bahagi ng Kasulatan ang mga batas na ito at, samakatwid, Salita ng Diyos. Oo, pero mga salita ng Diyos na sinasabi sa isang bayang hindi pa nakikilala ang Kristo at hindi pa nararating ang panahon ng malago at mabungang pananampalataya. Kaya hindi natin maaaring tanggapin ang mga batas na ito at isagawa tulad ng sa panahong iyon, sapagkat lampas na tayo sa unang yugto ng paghubog na pantao at panrelihiyon – ang Matandang Tipan. Sa mga sulat ni Pablo, hinaharap niya ang mga gustong manangan sa mga kaugalian at kapistahang Judio (Col 2:16), pati ang mga tumitingin muna sa mga batas na dapat tupdin bago sa anupaman sa Salita ng Diyos. Pero inaanyayahan tayo ni Jesus na huwag iwala ang anuman sa espiritu na nagbibigay-buhay sa Batas na ito (Mt 5:17-19).
• 1.1 “Sinabi ni Yawe kay Moises.” Bawat batas ay nagsisimula sa ganitong pananalita na para bang si Moises ang nagpasulat sa lahat ng mga batas na ito na pagkatapos pa ng maraming dantaon saka lamang itinakda. Ngunit isa itong anyong pam­pani­tikan na ginamit ng mga sumulat ng Levitico para sabihing tag­lay ng Batas ang diwa ng itinuro ng Diyos kay Moi­ses sa Sinai kahit na sa mga sumunod na panahon lamang ito sinulat.

Isinasagawa ng mga Hebreo ang mga seremonya at ka­ugalian ng kanilang mga ninu­n­o. Mga pastol sila kaya mga hayop nila ang kanilang inialay bilang handog. Pagka­tapos, sa Kanaan, may mata­tag­pu­ang iba pang mga pag-aalay at mga kaugalian ang mga Israelita sa piling ng mga paganong Kananeo. At gagayahin nila ang ilan sa mga ito. Subalit ang pag­bubunyag na ibinigay kay Moises sa Sinai ang mag­bibigay sa kanila ng kriterya sa pagsusuri sa mga bago o lumang paraan ng pagsamba:

– Ang Diyos lamang ang Diyos, ang Di-nakikita na di nangangailangan ng anuman ngunit hinihinging paglingkuran siya ng mga tapat sa kanya.

– Si Yawe ang Diyos na Banal, ganap na kaiba sa lahat ng nilalang, at kailangan din namang mana­tiling “banal” ang Israel na naka­talaga sa Diyos: naka­hiwalay siya sa iba pang mga bayan.

– Katarungan ang hinihingi ng Diyos; kaila-ngang masalamin sa panlabas na “kadalisayan” ang panloob na kabanalan.

Nang panahong isinusulat ang aklat na ito, iisang santuwaryo lamang meron ang bayang Judio, ang Templo ng Jerusalem. Doon nagpu­punta ang galing sa lahat ng lugar para mag-alay ng kani­lang mga handog. Ang Templong itinayo ni Haring Solomon (tingnan 1 Mga Hari 6) ay hindi naman napakalaki (mga 25 metro ang haba at 15 ang lu­wang) at mga pari lamang ang pumapasok. Sa mga kongkretong patyo sa paligid nagtitipon ang sambayanan. Nasa pinaka­pangunahing patyo ang isang malaking altar na yari sa matigas na mga bato, ang Altar ngMga Susunuging Handog o ng mga han­dog na hayop na sinunog na lahat. May mga pag­kakataong ibinubuhos ang bahagi ng dugo sa isa pang altar na mas maliit na nasa loob ng Templo.

May iba’t ibang klase ng mga alay. Sa kara­mihan sa mga ito, isang bahagi ng alay na hayop ang tina­tanggap ng mga pari bilang pinaka­suweldo. Kakainin naman ng mga nag-alay ang iba pang bahagi sa isang salu-salo ng mabuting pagsasamahan. Ngunit walang anumang kina­kain sa susunu­ging handog kundi inia­alay na lahat sa Diyos tanda ng ganap na pagpa­pa­ilalim sa kanya.

Tulad ng iba pang mga bayan noong unang pana­hon, itinuring ng mga Israelita na nasa dugo ang buhay ng bawat maybuhay (tingnan Gen 9:5). Kayat sa Diyos ang dugo at walang maka­kakain o maka­kainom nito. Kinakatawan ng buhay at dugo ng inialay na hayop ang nag-aalay: naalis na ang lahat sa kanya na di-kalugud-lugod sa Diyos at maghahatid ng kan­yang kamatayan (Lev 17:11). Hindi walang dahi­lan ang kagustuhan ni Jesus na mamatay sa pagbuhos ng kanyang dugo para ipahayag na ibinigay niya ang kanyang buhay para linisin ang kanyang bayan sa kanilang kasalanan. Mula sa mga pag­ha­handog ng mga Judio, nakukuha ng Sulat sa Mga Hebreo ang sumusunod na aral na natupad sa pasyon ni Jesus: “walang pagba­bayad-sala na walang pag­bu­buhos ng dugo” (Hebreo 9:22).

Kailangang pagtuunang-pansin ang malimit na paggamit ng pananalitang “walang kapin­tasan”. Pag­sasabihan ng mga propeta ang sambayanan sa di nila pagtupad sa utos na ito (Mal 1:8-13). Kung anu-ano na lamang ang ibinibigay natin sa Diyos, kung ano ang sumobra sa atin, at hindi ang pinakamainam na meron tayo.

• 4.1 Narito naman ngayon ang mga alay para sa kasalanan. Hindi ito tungkol sa tunay na kasala­nan, na kasalanang nasa kalooban (Mt 5:22) na nagmumula sa tao (Mt 7:20) kundi sa mga pagkakamali laban sa mga batas ng pag­samba. Mababasa pa nga natin sa mga bersikulo 22 at 27: kung may magkasala nang di sina­sadya. Ibang klase ito ng pagkakamali o pagi­ging di-maingat (5:1-13).

Subalit ibang mga pagkakamali naman ang inilalahad sa 5:20-26 na nangangailangan ng pag-aalay bilang pagbabayad-sala at mga tunay na kasalanan ang mga ito.

Ayon kay San Pablo (Rom 7:7; 4:15), ang la­yu­nin ng batas ay ilantad sa liwanag ang kasa­lanan, pinalilitaw ng mga utos kung ano ang kasalanan. Totoo ngang bihirang ituro ng matatandang teksto ang tunay na kasalanan: pagwawalang-bahala sa Diyos, o pagre­re­belde sa kanyang itinatatag na ka­a­yusan, o mga kama­lian o kamangmangan. May katagalan ang pag­hi­hin­tay sa kaliwanagan, pero ipinagugunita sa atin ng pag­katakot na ito sa kasalanan na gumagawa sa atin ang puwersang ito ng kasa­maan kahit na hindi natin ito namamalayan. Sa araw na madiskubre natin kung ano ang pag-ibig ng Diyos at kung paano niya tayo laging hi­nihintay, mababatid natin na tayo pala’y tala­gang makasalanan.

• 6.1 Mapapansin ang ilang detalye sa napaka­raming panuntunan tungkol sa pagluluto:

6:5. Hindi kailanman dapat patayin ang apoy. Isang korderong susunuging handog ang iniaalay araw-araw sa umaga at sa hapon.

6:20. Sa Diyos na ang inialay sa kanya, at para itong ganap na tinatagos at napupuno ng Kabanalan ng Diyos.

6:22-23. Para maging mabisa ang pag-aalay, kailangang kainin ang karneng dahilan kung kayat nagiging banal ang alay. Sa ganito nama’y nagagarantiya ang kabuhayan ng pari.

• 8.1 Sa detalyadong paglalarawan sa pagtatalaga kay Aaron ng kanyang kapatid na si Moises, itinuturo sa atin ng Levitico kung paano isasagawa ang pagta­talaga sa Punong-pari.

Ipinapahayag ng mga damit, palamuti, paglilinis ang sagradong katangian ng taong “kinuha mula sa mga tao upang kumatawan para sa kanila sa harap ng Diyos at mag-alay ng mga handog para sa kanila” (Hebreo 5:1).

Hindi bumagsak mula sa langit ang mga sere­monyang ito kundi ang mga ito ang pinaka­salamin ng mentalidad pag dating sa relihiyon nang mga panahong iyon. Para sa mga tao noon, may dalawang klase ng tao at mga bagay sa mundo: ang sa Diyos o mga sagrado, at ang hindi sa kanya o karaniwan. Malinis ang ilan, ang iba nama’y di-malinis; “banal” ang ilan, ang iba nama’y “nagdadala ng kasalanan”, na ang ibig lamang sabihi’y hindi puwedeng magamit sa pagsamba.

Isinasaalang-alang ng Diyos ang sinaunang men­talidad na ito ng mga tao noong panahong iyon upang unti-unti silang maturuan. Sa paglipas ng panahon, madidiskubre nila na hindi pala mantsang panlabas o kung anong depekto ang kasalanan kundi isang pagkakasala ng tao. Ipahahayag, una ng mga propeta at pagkatapos ay ng Ebanghelyo, nanagmumula sa tao ang kasa­lanan.

Itinalaga ang mga pari sa pamamagitan ng pagpapahid ng langis. At itatalaga rin ang mga hari sa pamamagitan ng pagpapahid. Kayat magiging mga pinahiran ng Diyos ang mga pari at mga hari, na siyang kahulugan ng Mesiyas sa wikang Hebreo at ng Kristo sa wikang Griyego. Tinatawag na Kristo ng Diyos ang Punong-pari; siya ang larawan ni Jesus na pari ng Bagong Tipan na ipaliliwanag ng Sulat sa mga Hebreo (5-8).

• 10.1 Ang istoryang nasa kabanatang ito (ang pagkamatay ng mga anak ni Aaron) ay mas buhay na paglalahad sa ilang batas tungkol sa mga tungkulin ng mga pari ng Israel.

• 11.1 May misyon ang isang Israelita na ipag­diwang ang pagsamba sa iisang Diyos. Subalit para maka­dulog sa Templo upang makilahok sa anu­mang pagtitipong relihiyoso, kailangan niyang tuparin ang iba’t ibang seremonya na magpapaging “ma­linis” sa kanya, gaya ng binigyang-pansin natin sa kabanata 8. Hindi nangangahulugan ng pagkakaroon ng sala o hindi ang pagiging malinis o di-malinis: ang pagiging handa lamang o hindi pa para dumulog sa altar ang siyang tinutukoy ng mga salitang ito.

Ang mga batas na ito ang tumulong sa Israel para madiskubre ang daan ng tunay na kabanalan:

– Idineklarang di-malinis ang ilang mga hayop na dinarangal ng mga pagano. Kailangang layuan ang mga ito.

– Maraming batas at sistema ng pagbabawal (na sagrado ang simula) tungkol sa sexualidad ang tumu­tu­long sa pagrespeto sa sagradong kata­ngian ng buhay. Kusang nagkakaroon ng iba’t ibang panun­tunan tung­kol sa sex at panga­nganak sa anumang bayan nang unang pana­hon. Ganito rin sa mga Judio. Ting­nan ang 12:1-8 at kabanata 15.

– May ilang batas tungkol sa pamantayan ng kali­nisan at kalusugan, kahit na ibang mga dahilan ang ibinibigay. Halimbawa’y ang pagba­bawal sa pagkain ng karne ng baboy (11:7) na nagdadala ng mga sakit sa mga lugar na kulang sa kali­nisan. Gayundin ang tungkol sa ketong (kab. 13).

Walang buhay-relihiyoso o Kristiyano na walang edukasyon sa pagpapakatao at kata­tagang pampa­milya. Hindi sapat ang pag-ibig lamang para magtatag ng sambahayan kung walang tatag ng pagkatao o kung nagpapakasal nang hindi pa natututunan ang pag­tupad sa mga tungkulin: kaya napakahalaga ang edu­kasyon sa pamilya. Maraming iniaatas ang Batas, at marami sa mga ito’y pagtawag lamang sa kaunti pang karangalan at pagpapakatao. Pero bagamat nananatili sa antas ng “laman” (Fil 3:3) ang pagtuturo at “pan­labas” na ritwal (Rom 2:28) nito, gayunpaman, iniha­handa nito ang mga tao sa paglilingkod sa Diyos sa kato­to­hanan.

Hindi na natin malalaman pa ang dahilan ng marami sa mga batas na ito, pero higit sa lahat ay nagsisilbi ang mga ito para gawing iba ang bayan ng Diyos sa iba pang mga bayan pag sapit sa kanilang mga pagkain, mga piyesta at mga ka­ugalian.

Hindi maaaring makihalubilo sa kanyang mga paganong kapitbahay ang Israelita, na kada­lasan nama’y nakatira sa gitna ng mga taga-ibang bayan. Isinasaayos ng Batas ang lahat ng detalye ng kan­yang buhay at pinagbabawalan siyang unti-unting gayahin ang mga kaugalian ng iba at tuloy ay mag-isip gaya nila. Gayong ang saloobin mismo ang dapat magpaging-iba sa mananampalataya, tinutulungan naman siya ng panlabas na disiplina na maging mulat sa sarili niyang espiritu. Tinuturuan ng mga batas sa Matandang Tipan ang isang bayang hindi pa sumasapit sa paglago at pamu­munga sa reli­hiyon kaya itinatadhana rito ang isang kaibang pamumuhay.

Nagsimula sa panahon ni Esdras ang napaka­istriktong pagsunod sa mga batas na ito. Ang mga ito ang nagbigay-direksyon sa pamayanang Judio sa mga huling dantaon bago dumating si Kristo. Matutunghayan natin sa Nehemias 13 ang panganib na nakapaloob sa pananatili nilang hiwalay sa ibang mga tao.

Sa panahon ni Jesus, masyado ang kapit ng mga Judio sa mga kautusang ito na sa simula’y mga pan­labas na kundisyon lamang para makilahok sa mga gawaing panrelihiyon. Tinu­ligsa ni Jesus ang pagka­litong ito sa legal nakalinisan sa kalinisan ng konsi­yensya: Mc 7:15.

11:46. Ang Biblia ay hindi isang libro ng mga ka­alamang pang-agham.

• 12.1 Malimit na pinaghahambing ng mga bayan nang unang panahon ang “malinis” at dakilang dugo na ibinuhos ng isang lalaki sa digmaan at ang “di-malinis” na dugong lumalabas sa babae. Kayat hindi pinatatahimik ng panganganak at ng mga regla ang mga lalaki (at sila ang mga nagtatadhana ng mga patakaran at gumagawa ng mga batas) at nangangailangan ang mga ito ng mga seremonya ng paglilinis.

Makikita natin dito na kahit na salita ng Diyos ang mga batas sa Biblia, iniaakma pa rin ang mga ito sa panahon ng Matandang Tipan at sa sariling mga kri­terya ng bayan ng Israel. Alam ito ng bayang suma­sam­palataya at ipinahayag nila ito sa sarili nilang paraan sa pagsasabing mga anghel ang nag-ayos ng Batas: Gawa 7:38; Gal 3:19; Heb 2:2.

Napasailalim sa mga seremonyang ito si Jesus at ang kanyang ina: Lc 2:21.

• 13.1 Malubha at nakahahawang sakit ang ketong at kinakailangang ihiwalay sa pama­yanan ang may­sakit. Ang ketongin ay “di-malinis”, ibig sabihi’y hindi siya puwedeng makilahok sa buhay-publiko at panrelihiyon (tingnan ang sinasabi sa 8:1 at 11:1).

Ipinalalagay na parusa ng Diyos ang mga kasawiampalad nang panahong iyon, at ang ketong ay itinuring na tanda ng sumpa ng Diyos. Madaling pinaniwalaan ng lahat na talaga ngang di-malinis sa mata ng Diyos ang ketonging inihiwalay mula sa pamayanan.

Kabilang sa mga obligasyon ng mga pari ang pagsusuri sa ketong at “pagrereseta” na bumu­kod at mapag-isa ang mga mayketong. Kaila­ngan din nilang tiyakin kung gumaling na nga ang ketongin at payagan siyang makauwi sa kanyang pamilya. Aalalahanin ito ni Jesus sa pagpapagaling niya sa mga ketongin (Mc 1:43).

Ayon sa matandang popular na kultura ang mga alay para sa paglilinis ng ketongin. Ang mahiwagang “kasalanan” na ayon sa kanila’y sanhi ng ketong ay nalilipat sa dalawang ibon (14:5). Pinapatay ang isa sa mga ito upang kasama nitong mawala ang kasa­lanan. At para talagang makatiyak, pinaka­kawalan ang isa pang ibon para dalhin sa malayo ang kasa­lanan ding iyon na ngayo’y tunaw na sa dugo ng patay na ibon (14:6-7).

• 15.1 Sa lahat ng bayan nang unang panahon, may sagradong katangian sa kanila ang lahat ng tungkol sa sex at panganganak. Parang ito ang dahilan ng mga kautusan tungkol sa sexual nakadalisayan at kahalayan . Isang pagkakamali kung iintindihin na­tin ang mga ito na para bang mahalay na sa ganang sarili ang mga sexual na relasyon. Sapagkat nagi­ging mahalay lamang ito kapag hindi inirerespeto ang mga hinihingi ng tunay na pagmamahal.

Namayan ang mga Israelita sa piling ng mga Kananeong napailalim sa mga puwersa ng kalikasan na itinuring nilang gawa ng Diyos at sa mga pagwa­wala sa sex sa lahat nilang piyestang panrelihiyon. Para naman sa mga Israelita, ang mara­ming pagli­linis tungkol sa sex ang nagpapaalaala sa kanila na bahagi ito ng isang kalikasang nilikha ng Diyos kayat kailangang pailalim ang mga udyok nito sa Batas na idineklara ng Diyos. Iba pang mga pagsa­saalang-alang ang pumapatnubay sa binyagan: 1 Cor 6 at 7.

• 16.1 Makahulugan ang piyesta ng Pagpa­patawad: isa sa mga barakong kambing ang nagdadala sa parusa ng kasalanan kayat kailangan itong mamatay. Ang isa nama’y itinataboy pa-Azazel. Isinasagisag nito na pinapasan ngbarakong kambing ang mga kasa­lanan ng bayan. At si Kristo na­man ang tunay na mag-aalis ng mga ito (Jn 1:29).

Inaalaala ng Sulat sa Mga Hebreo, kab. 9 at 10, ang mga seremonyang ito ng mga Judio sa paglalahad nito sa Pagpapatawad sa mga kasalanan na nakamit ni Kristo para sa atin sa kanyang kamatayan at pagka­buhay.

Inuulit sa 16:29-34 na magiging batas na pang­habampanahon ang mga utos na ito. Paano natin mai­paliliwanag ngayon ang pagpapawa­lang-bisa ng Iglesya sa mga ito sa pagdating ni Kristo? Ipina­lili­wanag ito ni Pablo sa Galasya 3-5.

• 17.1 Sa kabanatang ito nagsisimula ang tina­ta­wag na Batas ng Kabanalan, o batas ng isang bayang nakatalaga sa Diyos.

Ang batas tungkol sa dugo ay paraan ng pagtuturo at pagkikintal sa diwa ng sagradong katangian ng buhay. Nasa 17:11 ang buod nito.

Gaya ng marami sa mga bayan nang unang pana­hon, naniniwala ang mga Hebreo na nasa dugo ang buhay. Kaya sagrado ang dugo kahit na ang dugo ng hayop, at sa Diyos lamang ito maiaalay (tingnan Gen 9:5). Kung hindi ito iniaalay sa altar, dapat itong ibuhos sa lupa pero hindi ito makakain.

Maging sa panahon ni Kristo, karimarimarim pa rin ang dugo para sa mga Judio. Kaya naman ilang taon ding ipinag-utos sa mga Kristiyanong taga-ibang bansa na igalang ang batas na ito para hindi maes­kandalo ang kanilang mga kapatid na Judio (Mga Gawa 15).

Ipinaliliwanag mismo sa atin ng bersikulo 11 kung bakit pinili ni Kristo ang kamatayan sa pagbubuhos ng kanyang dugo. Sa tuwing maba­basa nating “Iniligtas tayo ni Kristo sa pama­magitan ng kanyang dugo”, dapat natin itong intindihin: “sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay”.

• 18.1 Ipinagpapatuloy ng Batas ng Kaba­nalan ang higit pang mga pagbabawal tungkol sa sex. Sa ngayo’y lipas nang mga paniwala ang tingin ng napakaraming tao sa pagbabawal na ito. Ngunit sa totoo’y pinagtitibay ng mga ito ang dignidad ng tao sa pagpapasailalim nila ng kanilang mga kapritso sa isang batas. Ang mga ito rin ang pinakaugat ng katapatan ng mag-asawa at ng pagrespeto sa isa’t isa ng mga mi­yem­bro ng isang pamilya.

Gaya ng sinabi natin sa kabanata 15, hindi alam ng mga Kananeo ang mga saligang ito ng isang makataong kultura (huwag n’yong gagawin ang ginagawa sa lupain ng Kanaan). Ngunit nakita ng mga Israelita sa mga ito ang isang moral na obligasyon na lubhang kaugnay sa Tipan ni Yawe na gu­mawa sa kanila na maging isang bayang banal na kaiba sa lahat.

Sa paghahambing ng mga Israelita sa kasay­sayan nila at ng mga Kananeo, nauunawaan na nila ang sasabihin nang malinaw ni Pablo sa mga susunod na panahon: “Kung may nagtatanim sa sariling laman, sa laman din siya mag-aani ng kabulukan” (Gal 6:8). Nakaaakit ang kalayaang sekswal hangga’t hindi pa napapansin ng tao ang pagtanda ng kanyang puso at ang kasi­nungalingan ng kanyang pananalita. Sa antas ng lipunan, nangangahulugan ang kalayaang sekswal ng mag-asawang baog, mga taong hindi kayang maglaan ng sarili, at sa katagala’y ang kamatayan ng bayan.

Huwag ibigay ang iyong anak para sunugin (b. 21). Laganap din ito sa Kanaan. Kung saan mga likas na gawi ng tao ang naghahari, hindi igina­galang ang buhay. Ngunit ang bayan din naman ng Diyos ang siyang nakadiskubre sa halaga ng tao. Sapagkat maging sa pinaka­magaling na mga grupo sa China noon ay nag­­ka­roon ng kanibalismo. Sa karamihan sa mga bayan noong unang panahon, may kara­patan ang ama na patayin ang bagong silang niyang anak. Hindi pa kasama rito ang pag-aalay ng mga tao bilang handog.

Isusuka rin kayo ng lupain (b. 28). Sa lupain ng Mga Pangako, kailangang mabuhay ang mga Israelita ayon sa mga batas ni Yawe. At kung hindi nila susundin ang mga ito’y mapapatapon sila. Isang tanda sa Biblia ang pananatiling ito sa lupang pangako. Tingnan lalo na ang Dt 8. Aalalahanin ito ni Pablo sa Gal 5:21.

• 19.9 Sa napakaraming batas na nagpa­pakita sa napakasinauna pang kalagayan ng bayan ng Diyos, namamangha tayo sa pagkakita natin dito ng mga ka­utusang nagtuturo ng mga saloobing tungo sa pag­papakatao na kadalasa’y kulang sa atin.

Kailangang bigyang-interpretasyon ang mga ka­utu­sang ito na ibinibigay sa isang bayan ng maliliit na magbubukid para maiakma sa kasalukuyang kalaga­yan ng ating buhay.

Itinuturo sa atin ng mga ito na hindi lubusan at walang hangganan ang “karapatan sa pag-aari”. At hinding-hindi ito maikakatwiran sa pang-aapi sa mga dukha o maidadahilan kaya para hindi sila tu­lungan. Iniaatas ang pagbibigay-atensyon sa ating mga kapatid para siguraduhing meron ang bawat isa ng kanyang kinakailangan para mabuhay.

Huwag kang maghiganti ngunit mahalin mo ang iyong kapwa tulad sa iyong sarili. Kalahi ang tinutukoy rito ng kapwa. Kailangan siyang mahalin at makipag-isa sa kanya sapagkat niya­yakap ng Diyos sa iisang pag-ibig ang lahat ng miyembro ng kanyang bayan.

Nasa lahat ng relihiyon ang ganitong pakikipag-isa sa kababayan pero meron pa ring pagkama­balasik o pagkagalit sa dayuhan. Kapag nagsasalita si Jesus sa atin tungkol sa pagmamahal na hindi humihinto sa mga hangganan ng isang bayan (Lc 10:25; Mt 5:43), hindi ito simpleng pagpapalawak ng salitang “kapwa”: ito’y pagdiskubre ng isa pang relasyon na lampas sa pakikipag-isa na likas na ginagawa ng mga tao gayun­din ng ilang hayop.

• 19. Ipinagbabawal din ang iba’t ibang kaugaliang katutubo sa mga paganong relihiyon. Bawal din ang mga espiritista at mga mang­huhula, gaya ng nasa Dt 18:10.

Ituring ninyo ang dayuhan na isa sa mga katu­tubong kasama ninyo. Mapapansing kasama ng pag­ba­bawal na makipamuhay sa mga paga­nong dayuhan, laging iniuutos ng Biblia ang pag­res­peto sa dayuhang nakatira sa Israel. Gaya ng biyuda, ng ulila at ng dukha, pinakamahina rin ang dayuhan at kailangan siyang ipagsanggalang.

• 20.1 Iniisa-isa ng kabanatang ito ang mga parusa para sa naunang mga pagkakamali. May ilang kasong katarungan ng tao ang nagpa­parusa. Sa iba nama’y may banta ng sumpa ng Diyos.

Tungkol sa mga tungkulin at pribilehiyo ng mga pari ang mga kabanata 21 at 22. Maaaring waring pawang panlabas lamang para sa atin ang lahat ng detalyeng ito at walang kinalaman sa tunay na kabanalang hinihingi ng tungkulin ng pari. Ngunit nagsisilbing aral nang panahong iyon ang mga kautusang ito at itinuturo pa rin ng mga ito sa atin kung gaano kabanal ang pag­lilingkod sa Panginoon.

• 23.1 Tinatalakay dito ang mga piyesta o “mga araw” ni Yawe. Nagtitipon ang bayan ng Diyos hindi lamang para ipagdiwang ang kanilang mga tuwa at lungkot: ang Diyos ang siyang tumatawag sa kanila para sakanyang mga piyesta sa pamamagitan ng mga respon­sable sa kanyang Iglesya (alalahanin nating ipinatawag na Pagtitipon ang ibig sabihin ng Iglesya).

Ang araw ng lingguhang pahinga (pahinga ang ibig sabihin ng sabbat o sabado sa Hebreo) ang pinaka­una sa mga sagradong pakikipag­tagpong ito sa Diyos (b. 3).

At pagkatapos nama’y ang tatlong malalaking piyesta ng Israel:

– Ang Sanlinggo ng Mga Tinapay na Walang Lebadura na nagsisimula sa Paskuwa at gumu­gunita sa Paglabas mula sa Ehipto (9-14).

– Ang Piyesta ng Pitong Sanlinggo o ng Pente­kostes (na Ikalimampung Araw ang kahulugan) na kaugnay ng pag-alaala sa Batas na ibinigay sa Sinai (15-21).

– Ang Piyesta ng Mga Kubol o mga tolda bilang pag-alaala sa mga taon sa disyerto (33-44).

Ang taunang Araw ng Pagbabayad-sala para humingi ng tawad para sa mga kasalanan ng bayan (26-32) ay ipinagdiriwang kasabay ng Bagong Taon sa loob ng ilang panahon, o kaya’y sa Piyesta ng Mga Kubol bago ito itinakda sa isang espesyal na araw.

• 9. Binibigyang-pansin natin ang pag-aalay ng unang uhay na ginagawa sa Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura na siyang simula ng panahon ng anihan.

Hindi nangangailangan ng anuman ang Diyos. Kung may hinihingi man siya sa atin, ito ay dahilan sa kailangan nating magbigay mula sa ating sarili para maging mga tunay na tao. Walang piyesta ni pinag­sasaluhang ligaya ni pusong napagiginhawa kung walang anumang iniaalay.

Ang ikapu o ikapung bahagi ng mga bungang inialay sa Diyos at pagkain ng mga Levita at ng mga dukha ay kayamanang espirituwal para sa bayan ng Biblia.

Sa maraming iglesya o mga grupong Kristiyano, ibinibigay ng mga miyembro ng pamayanan ang ikapu ng kanilang kita: walang sinuman, maging sa mahihirap na bansa, ang naging mas mahirap.

Ang unang uhay na iniaalay sa Diyos ay nanga­­ngahulugan din ng unang minuto ng maghapong trabaho na ibinibigay sa kanya, ng unang bawas sa sambuwan na ginagawa para tulungan ang kasamahang nangangailangan, ng unang sandali ng pahinga na magkasamang ibinibigay ng mag-asawa sa Pangi­noon, ng pakikipagtulungan ng bawat mananam­palataya sa kanyang Iglesya para maging malaya ito sa harap ng mga makapangyarihan.

• 24.17 Mata sa mata. Inilalahad sa 24:19 ang tinatawag na “Batas ng Talion” o Pagganti. Parang ma­lupit ang batas na ito. Waring tinatanggap nito na normal lamang ang paghihiganti. Ngunit sa totoo’y hangad nitong limitahan ang isang napakarahas na simbuyo ng damdamin gaya ng galit at ng pagnanais na gumanti. Kaya itina­takda ng batas na ito na puwede lamang saktan ang kalaban katumbas ng perwisyong nagawa nito:mata sa mata, ngipin sa ngipin . Isa itong paraan ng pagsi­sibilisa sa mga taong napakalayo pa sa pagiging Kristiyano. Isang bagay na bagung-bago ang pagpapatawad ayon sa ipinangaral ni Kristo.

• 25.1 Kailangan ding magpahinga ang lupa. Alam natin kung paanong maraming lupa sa kasalukuyan ang “pagod na pagod” na’t said na ang yaman sa di-wastong pagsasaka. Gusto ng taong umani nang umani nang mas marami. Pinipilit nitong mamunga ang lupa nang higit pa sa kaya nitong ibigay. At ngayo’y pinipilit niya pati na ang makinarya, ang kan­yang mga traba­hador, at maging sarili niyang kalu­sugan: minamaltrato niya ang lahat pati na ang kanyang sarili dahil kulang siya ng tiwala sa Diyos.

Iniuutos ng Diyos na papagpahingahin ang lupa. Sumasapit tuwing pitong taon ang taon ng sabbat (o ng pahinga) gaya ng sabbat o araw ng pahinga na su­ma­sapit tuwing pitong araw. Bukod sa pagi­ging kapaki-pakinabang ng taong ito ng sabbat para sa kasaganaan ng bukid, binibigyan pa rin nito ng pana­hon ang mga Israelita para maitalaga ang sarili sa mga gawaing panrelihiyon, pangkultura o pampama­yanan. Nirerendahan nito ang nag-aapoy na determinasyong ilaan ang sarili sa pagtatrabaho na nauuwi sa ganap na pagiging asiwa ng tao sa sarili.

Kung natatapat sa panahon ng pagdarahop ang taong ito, o pagkatapos kaya ng isang pananalakay, mauunawaan nating isang napa­kalaking sakripisyo ang pagsunod sa atas na ito (tingnan 1 Mac 6:49). Subalit ang Diyos mismo ang nangangakong tutulong sa mga tutupad nito nang may pananampalataya (23:30), na isang pagpapauna sa sinasabi ng Ebang­helyo sa Mateo 6:23.

Ipinagdiriwang naman ang Taon ng Magandang Pahayag tuwing limampung taon: mas sag­rado pa ang halaga nito. Taon ng Magan­dang Pahayag dahil hini­hipan ang sungay (o yobel sa wikang Hebreo) para ipahayag ang banal na taong naturan. Sa taong ito kinakaila­ngang palayain ang lahat ng alipin at isauli ang mga nakasanlang bukirin at bahay sa mga may-ari ng mga ito nang di pinagbabayad.

Ang garantiyang ito ng di-naisasaling pamana na ibinibigay sa mga dukha at sawimpalad, ay nag­papa­tibay sa paggalang sa pagkatao. Ipina­ha­hayag ito sa balangkas ng lipunang nasa pangkabukirang yugto pa lamang, pero ang diwang nagpapasigla rito ang lagi nating dapat itaguyod. Ang pagbagsak ng sistemang sosya­lista ay nagbigay lamang ng monopolyo sa walang-habas na liberalismo. At ang liberali­sasyon ng palitan, na dogma ng ilang nakapang­yayaring bansa, ay nagbunga lamang ng pag­paparami pa sa milyun-milyon nang dukha na inalisan ng hanapbuhay at yaman ng bansa – sa pamamagitan ng mga pangako, siyempre, ng magandang kinabukasan para sa kani­lang mga apo sa tuhod.

Ang lupa ay akin (23). Subukan mo ngang sabihin ito sa mga hasendero o kahit na sa isang maliit na may-ari ng lupa! Hindi nanganga­hulugan na hindi gaanong nakakaeskandalo ang pahayag na ito noong pana­hong isulat ito. Pero ano ngayon ang sasabihin ng mga may gustong iakma ang pananampalatayang Kristiyano sa isang sekularisadong daigdig?

Kayo’y mga dayuhan at panauhin ko lamang dito. Ipinagmamalaki ng mga bayang nasa paligid ng Israel ang pagkakatira nila sa iisang lupain at pagma­may-ari nila nito mula pa nang likhain ang mundo. Subalit para sa Israelita, ang lupa ay isang pamanang tinanggap niya kay Yawe. Sa mahahabang kabanata ng Deuteronomio at Josue na nagsasalaysay sa pag­sakop at paghahati sa Lupang Banal, lagi itong tinu­tukoy bilangpamana . Ito ang pamanang ibinibigay ni Yawe sa mga tribu ng kan­yang bayan. Kayat sa mga tribung iyon ang lupa. At bukod sa personal na pagmamay-ari sa lupa, may mga lupa pa ring pag-aari ng pama­ya­nan na pana-panahong hinahati at ipinamamahagi.

• 35. Mga paring Judio na may dakilang ha­ngarin ang sumulat sa mga talatang ito ngunit sa loob ng isang sinaunang ekonomiya na wala na sa ngayon. Nagdulot ito ng maraming pag-aalinlangan at pagtanggi mula sa ika-12 hang­gang ika-15 dan­taon pagkarating ni Kristo, nang mangailangan ng kapital ang paglawak ng kalakalan. Maraming Kris­tiyano ang tumang­ging makilahok sa sistema dahil sa mga pagba­bawal na ito; ang mga Judio naman, nang ma­kita nilang pinahihintulutan sila ng mga pahi­nang ito na mag­pautang nang may patubo sa mga pagano (para sa kanila: mga Kristiyano), naging mga bangkero sila ng mundong Kristi­yano. “Huwag magpautang nang may patubo.” Ganito ang batas ng pakikipag-isa at pag-ibig pang­kapatiran. Pero nag­bigay ng isa pang usapin ang pagdating ng dambuhalang negosyo at industriya: kailangang magka-“interes” ang mga mamu­mu­hu­nan at hika­yatin silang mag­pautang ng kinakai­langang pondo. Nakikita natin dito, tulad sa marami pang ibang katu­nayang pantao, na nakaugnay ang bawat batas sa isang partikular na panahon at pa­mu­muhay. Kaila­ngang imbentuhin ng bawat salin­lahi ang pamu­mu­hay nito, ang katapatan nito sa Sa­lita ng Diyos. Kaya nga, sa Biblia, sa pag-aaral nating ng mga batas na may kinalaman sa isang partikular na problema, may nakikita tayong ebolusyon ng isang teksto tungo sa isa pang teksto, sa katunaya’y, ng isang epoka tungo sa isa pa (tingnan Ex 21:2-11; Lev 25:39-43; Dt 15:12-18).
• 26.3 Isang batas ng buhay ang Batas ng Diyos. Sa pagbale-wala rito ng tao, sarili niya mismo ang kan­yang sinisira. Katarungan, kabutihan, pagrespeto sa buhay ang hinihingi rito ng Diyos sa kanyang bayan. Nakapagta­takda ng ganito ang Diyos sapagkat bibigyang-matwid ng mga pangyayari ang kanyang salita: walang-mintis ang kanyang mga pangako sa paghahatid ng mga pagpapala o kapahamakan.

Sinulat sa panahon ng Pagkatapon ang wakas ng kabanatang ito, Inilalarawan nito ang patuloy na pagkabulok ng bayang Judio bago sila ipinatapon. Parang “parusa ng Diyos” ang pag­ka­wasak na ito, pero bunga rin ito ng kanilang mga pagkakamali. Sapagkat sariling libingan ang hinuhukay ng anu­mang lipunang bumabale-wala sa mga pundasyon ng isang moral na pamumuhay.

Pinaghahambing ng kabanatang ito ang kapaya­paan at pagiging mabunga at ang kawa­lang-seguridad, at pagkakahati-hati ng mga ayaw makinig sa Diyos:

– nanganganak ng karahasan ang kawalang-katarungan,

- pinanghihina ng kaluwagan sa sex ang diwa ng pagsasakripisyo,

– sinasayang ang yaman ng bansa sa luho at mga puwersa ng paniniil,

Hanggang sa kainin ng bayang ito ang laman ng kanilang mga anak.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Leviticus, Lumang Tipan | 1 Comment

Exodo: komentaryo

Ang Exodo ang paglabas mula sa Ehipto. Sa Biblia, ito ang dakilang gawa ng Diyos: ang paglabas mula sa bayan ng pagkaalipin tungo sa lupang pangako. Pinalalaya ng Diyos ang kanyang bayan “nang may malakas na kamay at nakaunat na bisig” sa pagbubukas ng daan sa dagat.

Ang Exodo ang pinakapuso ng Matandang Tipan, at ang paglalahad nito sa atin ng isang Diyos na nagpapalaya sa mga tao ang siyang nagbibigay-kabuluhan dito. Paano ngayon maipaliliwanag ang sinasabi ng napakaraming di-sumasampalataya: “Likha ng takot ang mga diyos”? At idinagdag pa ni Lenin sa kanyang librong “Sosyalismo at Relihiyon”: “Nagtu­turo ng pasensya at ng maluwag na pagtanggap ang relihiyon na nagpapatulog sa panga­ngako ng makalangit na gantimpala sa mga buong buhay na nagpapagal sa pag­hihirap.”

Pero hindi gayon. Sa Exodo, hindi dumarating ang Diyos para maghasik ng takot kundi pinakikinggan niya ang daing ng bayang api, binibigyan ito ng pagtitiwala, ginigising ang pag-asa sa tunay at ganap na pagpapalaya, at nagpapalitaw ng isang butihing lider. Ang Exodo ang pinakamodelo ng lahat ng tunay na pagpapalaya sa tao.

Para maintindihan ang paglayang ito ng bayan ng Diyos, kailangang alalahanin natin ang pangkasaysayang kalagayan ng panahong iyon.

Mga Bagay-bagay tungkol sa Kasaysayan

Limang dantaon na ang lumipas mula sa panahon ni Abraham. Nagapi minsan ang mga Ehipsiyo ng mga sumalakay rito galing Asia at kasama ng mga itong pumasok ang maraming nomad ng disyerto (tingnan ang istorya ni Jose). Nang maibalik nila sa trono ang kanilang mga hari, minata nila ang mga nomad na ito kaya marami sa mga ito ang tumakas para makaiwas sa mga buwis at sapilitang patrabaho. Ilan sa kanila ang pinalayas (Ex 12:31), at ang iba nama’y tumakas sa dilim ng gabi (Ex 12:38).

Isa sa mga grupong ito na hinabol ng isang pulutong ng mga karwahe ng mga Ehipsiyo ang pinangalagaan ng isang ekstraordinaryong pagkilos ng Diyos:nakita ng mga Israelita ang mga Ehipsiyong patay sa dalampasiganpagtawid sa Dagat sapagkat si Moises na propeta ng Diyos ang siyang namumuno sa mga takas. Wala sanang mababago sa kasaysayan itong pagpapahayag ng Kalinga ng Diyos kung walang propeta roon – si Moises – para ipaliwanag ang pangyayari: pinili ng kaisa-isahang Diyos na si Yawe ang Israel para maging bayan niya at inilabas ito mula sa pagkaalipin sa Ehipto para gawing bayang banal sa gitna ng iba pang mga bayan. (14:30). Nagkakaroon ng tunay na kahulugan ang milagrong ito ng

Ang Exodo o Paglabas mula sa Ehipto ang simula ng kasaysayan ng Bayan ng Diyos.

Matagal-tagal ding nanatili sa mga oasis ng Sinai si Moises at ang kanyang mga kasama. Doon itinadhana ni Moises ang Batas ni Yawe at ang mga saligang kautusan nito:

- Hindi ipinahihintulot ni Yaweng Diyos na Seloso na panatiliin ng Israel ang alinman sa mga diyos nito ayon sa tradisyon kundi siya lamang ang dapat nilang paglingkuran at wala nang iba.

- Sobra-sobra ang kahigtan ni Yawe sa mga ideang gawa ng tao tungkol sa kanya, kaya hindi ipinahihintulot na ilarawan siya sa anumang bagay:huwag kang gagawa ng mga larawan ng Diyos.

- Ipinagkakatiwala ni Yawe sa Israel ang misyong sakupin ang lupain ng Kanaan.

Sa Exodo lamang magsisimula ang mahabang kasaysayan ng Bayan ng Diyos. Binubuksan ng panimulang karanasang ito ang daan para sa iba pang mga karanasan na sasapit sa pinakasukdulan nito balang araw sa pagdating ng Tagapagligtas.

Ang Libro ng Exodo

Gaya rin ng Genesis, ang aklat na ito ay hindi gawa ng “isang” awtor. Sikapin nating unawain kung anong nangyari sa pagitan ng paglaya mula sa Ehipto at sa huling pagsulat tungkol sa mga pangyayari gaya ng nababasa natin sa ating mga biblia sa ilalim ng pamagat na Exodo.

Mga nomad ang mga saksi ng pakikisangkot ng Diyos. Mananatili sila sa ganitong pamumuhay sa loob ng dalawang dantaon pa. Hindi sila marunong bumasa ni sumulat. Sa pamamagitan ng pagbigkas nila isinalin sa sali’t salinlahi ang alaala ng kanilang paglaya.

Pagkatapos ng mahabang pandarayuhan, muli silang sumasama sa ibang mga tribung hindi umalis sa Palestina, at isinasalaysay nila sa kanilang sariling paraan ang mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos para sa kanila. May kanya-kanyang paraan ang bawat angkan sa pagbibigay-diin sa isa o iba pang alaala at sa pagdadagdag dito tulad ng ginagawa ng mga nagkukuwento; ganito ang tuntunin ng tradisyong sinasalita. Pagkatapos, maninirahan sila sa mga bayan at lungsod, at sisimulan ng mga manunulat na gawing permanente ang mga salaysay kung saan nakikita ng bawat isa ang pagma­magandang-loob ng Diyos.

Ang mga unang pagsulat na ito ang magiging “mga pinagmumulan” na pagkukunan ng mga huling manunulat pagkabalik nila mula sa pagkaalipin sa Babilonia.

Ngunit sa mahabang pagsulong na ito, ang natatampok sa lahat ay ang pagmamahal ng isang buong bayan sa alaala ng kanilang unang pakikipagtagpo sa “Diyos na nagliligtas”.

Exodo Komentaryo

• 1.1 Daan-daang taon nang nabubuhay ang malaking bahagi ng sangkatauhan sa ilalim ng kaapihan. At kakaunti ang sinasabi ng mga manunulat ng kasaysayan tungkol sa kanilang buhay ng pagdurusa. Bihira ang mga paghi­himagsik sapagkat sunud-sunu­ran ang napaka­laki at mas nakararaming baha­ging ito ng sangkatauhan, at pakiramdam nila’y normal na sitwasyon lamang para sa kanila ang pagka­alipin. Pero niloob ng Diyos na hayagang maki­sangkot, kahit minsan man lang, para palayain ang aping bayang Hebreo. Ito ang unang hakbang sa kasaysayan ng Bayan ng Diyos.

Binabalangkas ng Biblia ang di-makataong kalagayan ng mga Hebreo sa Ehipto:

- natatakot ang mga panginoong Ehipsiyo sa isang grupo ng mga ordinaryong tao na ayon sa kanila’y dumarami sa paraang iresponsable (10 at 12);

- pinatawan nila ng mabibigat na trabaho ang mga Israelita para magtayo at magtanggol ng isang lipu­nang hindi naman nagtataguyod sa kanilang ka­pakanan o kumikilala sa kanilang mga karapatan (11 at 13);

- magkasamang pagsasamantala at pang-aapi, di-makataong mga trabaho at pulitikal na pani­niil, sa pamamagitan ng mga kapatas na Ehipsiyo (5:6);

- at sa huli’y ipinataw sa mga Hebreo ng isang banyagang nasa kapangyarihan ang marahas na pagkontrol sa bilang ng ipinapanganak (16).

Mga sitwasyon ng pang-aapi: 1 Mac 1; 2 Mac 4; 2 Mac 6; Is 5:8; Am 5:10; Ez 34; Mik 2:1; Job 24:1; Pan 2.

E sino naman sina Sifra at Pua? Mga panga­lang Ehipsiyo ang kanilang pangalan. Binale-wala ng mga babaeng ito ang utos ng hari dahil sa paki­kiramay nila sa bayang api at hindi sila sumang-ayong isagawa ang laban sa kanilang konsiyensya.

• 2.1 Nagsisimula sa isang simple at nag-iisang aksyon ang pagpapalaya sa bayang Hebreo – ipi­na­kikipagsapalaran ng isang ina ang kanyang buhay para mailigtas ang kanyang anak.

Patunay ito ng pag-ibig ng isang ina. Paghihi­magsik ito ng konsiyensyang tumatangging sumunod sa isang di-makataong batas. Pahayag ito ng pananampalataya ng inang nakikinikinita ang ­ka­hanga-hangang hina­harap na binubuksan ng Diyos sa isang bagong-silang na sanggol, at alam din niya na ang mga anak ang pag-asa ng kanyang bayan (Hebreo 11:23).

Di ba’t ganito rin tinatanggihan ng mga ina ngayon ang aborsyon, alang-alang sa kanilang kon­siyensiyang naliliwanagan ng pananam­pa­lataya?

Ipinaliliwanag ng mga dalubhasa sa kasay­sayan na ang mga detalye ng salaysay na ito ay batay sa alamat ni Haring Sargon na sinagip sa tubig noong bata pa ito. Siguro. Ngunit alam ng Israel na pina­laya si Moises sa iisang kapalaran ng lahat ng mga Hebreo.

Pinahahaba ng Diyos ang unang aktong ito ng pagpapalaya. Binibigyan niya ng pagkakataon ang bata na magkaroon ng edukasyon sa palasyo ng Paraon na hinding-hindi niya mata­tanggap sa kan­yang pamilya. Kailangang mala­man ng magpapa­laya sa mga alipin kung ano ang kalayaan matapos mara­nasan ito. Sapagkat walang anumang alam ang mga aliping Hebreo kung ano ang ibig sabihin ng maging malaya.

• 11. Lumaking buhay-prinsipe si Moises. Subalit lumabas siya para makaharap ang kanyang mga kapatid na nasa mas mababang kalagayan.

Nasaksihan niya kung gaano kabigat ang trabaho ng mga ito, at nakita niyang… Iba ang na­ging tugon niya kaysa maraming may pinag-aralan na walang nakikita ni nadaramang pakikiisa’t paki­kiramay sa kanilang bayan: sa pag-eeksport ng mga kapital, pag-aabrod ng mga may pinag-aralan. Hindi niya kusang ipinipikit ang mga mata gaya ng mga nagkakaila sa hamak nilang pamilya o nagtatakwil sa paki­kiisa sa kanilang mga kasamahan para mapa­bilang sa mas mataas na kalagayan o para mag­palapad ng papel sa kanilang mga pinu­no.

Pinapanigan kaagad ni Moises ang kanyang mga kapatid. Pero nadidiskubre niya kinabukasan ang isa pang mukha ng kasamaan: hindi mga walang-malay na biktima ang kanyang mga kapatid. May kinalaman sa umiiral na kara­hasan, kasamaan at iresponsabilidad sa kanila ang kaapihang kanilang dinaranas. Hindi na nga sila iginagalang ng mga Ehipsiyo, at hindi rin nila pinoproblema kung paano maging karapat-dapat sa paggalang na ito. Hindi na malaman ni Moises ang gagawin kayat minabuti niyang tumakas.

Ito ang unang hakbang ni Moises sa landas na mag­­hahatid sa pagpapalaya sa kanyang bayan. Ga­yun­din naman, ayon sa nasusulat sa Hebreo 11:24-26, siya na kabahagi sa kapalaran ng mga maykaya at nakaaangat ngunit mas gustong maglaan ng sarili sa paglilingkod sa mga hamak ay nagiging tagasunod ni Kristo, kahit na hindi niya ito alam: “Sa pana­nam­palataya rin, paglaki ni Moises, tinanggihan niya na ituring siyang anak ng babaeng anak ni Paraon. At mas ginusto niyang maghirap kasama ng bayan ng Diyos kaysa pansamantalang aliw na dulot ng kasa­lanan. Mas mahalagang yaman para sa kanya ang hamaking kasama ni Kristo kaysa mga yaman ng Ehipto.”

Ganito pinahahalagahan ng Biblia ang lahat ng pagpupunyaging ginagawa alang-alang sa dangal ng tao, sa pakikibaka ng mga bayang nasa daan ng pag-unlad para makamit ang kani­lang kalayaan, sa pag­si­sikap ng mga kaba­taan at mga manggagawa para mag­karoon ng mas aktibong partisipasyon sa pagbuo ng kanilang kinabukasan.

Ngunit unawain din natin na kapwa magiging pag­papalaya mula sa mapang-aping mga istruktura at pagkamulat ng tao tungkol sa kanyang kasa­lanan ang gawang pagpapalaya ng Diyos.

• 16. Bilang isang pastol sa disyerto, natututuhan ni Moises ang mahirap na buhay, pobre at malaya, gaya ni Abraham. Namuhay siya sa piling ng mga Madianita na halos mga inapo na rin ng ama ng mga sumasampalataya (Genesis 25:2). Kaya tinatanggap din ni Moises sa kanyang biyenang si Reuel na tinatawag ding Yetro (3:1) ang mga tra­dis­yon tungkol kay Abraham at sa pananampalataya nito sa iisang Diyos.

• 23. Sumigaw sila… at pumaitaas sa Diyos ang kanilang sigaw. May pagkakataong ni walang lakas ng loob ang mga tao kahit umasa man lamang sa Diyos. Pero kahit na maka­limutan man ng mga tao ang mga pangako, hindi kinalilimutan ng Diyos ang mga ito.Tinitingnan ng Diyos ang kanyang mga anak at nananatiling buhay ang kanyang pag-ibig.

Sinasabi sa atin ng Biblia na may panahon ang Diyos. At hindi maipipilit ng mga tao na makamit ang anumang bagay sa anumang sandali. Kahit na puwede nating apurahin ang panahon ng Diyos sa ating mga panalangin at sa kabutihang-loob ng pagpapaubaya ng sarili sa kanya, sa kanya pa rinang mga panahon at mga sandali (Gawa 1:7).

Ang pagkabalam ng Diyos: 2 Mac 6:12; Hb 1:2; Sir 35:19; Slm 44; Mc 4:26; Lc 18:1; Pag 6:11.

• 3.1 Maraming taong naghintay ang Diyos (may edad na si Moises noon) bago niya tinawag si Moises. Ginagawa niya ang pagtawag na ito nang si Moises ay nasa daan na ng kanyang buhay bilang ama ng pamilya at pastol ng mga tupa. Ginagawa niya ito sa disyerto kung saan waring inilayo ni Moises ang sarili sa mga kasa­wiampalad ng kanyang mga kapatid, at araw-araw ay lalong nawa­walan ng pag-asang makatulong sa kanyang bayan. Kaya madalas ay hinihintay ng Diyos ang mga tao sa ganito o gayong disyerto ng kanilang buhay. Sa mga panahong iyon na parang basyo inihahanda ng Diyos ang kanyang mga lingkod habang nana­natili namang di-natitinag ang puso at kaganda­hang-loob.

Napakita sa kanya ang Anghel ni Yawe sa pamamagitan ng lagablab ng apoy. Ang Anghel ni Yawe (alam natin na isang paraan lamang ito ng pagtukoy mismo kay Yaweng-Diyos: tingnan ang Mga Pangitain at Mga Anghel, Gen 16:1) ay napakikita bilang apoy na kaakit-akit sa paningin ngunit sumu­sunog sa nagtatangkang lumapit nang napakalapit. Maraming dantaon nang sagradong lugar ang bundok na ito at ginagawa ni Moises ang dapat gawin sa pagpasok sa isang sagradong lugar:hinuhubad niya ang kanyang mga sandalyas para hindi madala sa harap ng Diyos ang ali­kabok ng karaniwang takbo ng buhay. Ang pagbubunyag lamang ng Bagong Tipan ang magbi­bigay-kakayahan sa ating maranasan nang sabay ang pitagan sa walang-hanggang kabanalan ng Diyos at ang pagtitiwala sa Isa na napakalapit (Jn 1:14).

Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob. Ang tumatawag kay Moises ang siya rin mismong sinamba ng kanyang mga ninuno sa iba’t ibang pangalan at siya ring tumawag sa mga ito na pumasok sa kanyang plano ng pagliligtas.

Sasaiyo ako. Tuwing may tatawagin ang Diyos para sa isang misyon, pinalalakas muna niya ang loob nito at binibigyan ito ng katiyakan na magiging maayos ang lahat: Jos 1:5; Hkm 6:12; Mt 28:20; Lc 1:28.

Sino ako para humarap kay Paraon? Si Moises ay hindi na ang masigasig na binatang sumunggab sa kapatas na Ehipsiyo. Nauuna­waan ng taong husto na sa gulang na higit pa sa kanyang lakas ang misyong ito at natatakot siyang lubos na ipaubaya ang sarili sa kamay ng Diyos. Ngunit ang pagtawag ng Diyos ay hindi isang boses na naririnig sa isang tainga at lumalabas naman sa kabila: ang Diyos ang may-ari’t panginoon ng puso ni Moises.

Lumakad ka ngayon! Sinusugo kita kay Para­on. Ganito nagsisimula ang misyon ni Moises. Matapos iligtas ng Diyos ang Israel mula sa Ehipto, halos sapilitang itatalaga ng Diyos sa kanila ang kanilang kapalaran, at ito’y ang maging bayang hinirang ng Diyos.

Sinasabi ng Diyos na dadalhin ang Israel sa lupang dinadaluyan ng gatas at pulot-puk­yutan, ang Lupang ipinangako kay Abraham. Hindi niya tinitiyak ang panahon ni sinasabi ang mga detalye, pero ipinagpapauna naman niya ang isang pangya­yari na magpapatunay na totoo ang misyon. Darating balang araw saBundok Horeb (o Bundok Sinai) ang pobre ngunit malayang Israel kasama ni Moises para makipagtagpo sa Diyos at tanggapin ang kanyang mga salitang nagbibigay-buhay.

ANG PANGALAN NG DIYOS

• 14. Sa piling ng ibang mga bayang may kanilang mga idea tungkol sa Diyos at nangangapa sa dilim tungkol sa kahulugan ng kanilang kapalaran, ang Israel ang magiging bayang nakakikilala sa Diyos ayon sa katotohanan. At dahil dito’y alam din ng Israel kung saan naroon ang tunay na kadakilaan ng tao. Ang pagbubunyag ng kaisa-isang Diyos ay nakakawing sa isang misyong mapagpalaya, at ito ang makabuluhang katangian ng pagbu­bunyag ng Biblia. Sa naunang ilang dantaon, ninais ni Paraon Akinaaton na kilalanin ang kaisa-isang Diyos: nauwi ito sa problema sa pagsamba at hindi ito nakabatay sa kasaysayan. Ang Diyos ni Moises ang Isa, Banal at Makatarungang Diyos, na nagnanais mapag­ling­kuran ng mga malayang tao.

‘Siyang umiiral: Ako Siyang Umiiral’ (14). Dalawa ang paraan ng pagsasalin sa mga salitang ito. Ito ang una: Ang Diyos ang Siyang umiiral, nang mag-isa at walang hangganan. Tugma ang kahulugang ito sa katapusan ng talata 14 at nagbibigay-kahulugan din sa ‘Yawe’. Pero puwede rin itong intindihin bilang: Siyang Umiiral ang Si­yang Umiiral. Sa gayon, hindi naman talaga tu­ma­tanggi ang Diyos na magpakilala kay Moises, sapagkat ibibigay niya rito ang kanyang pangalan. Ipinauunawa lamang niya na walang anumang maaaring maki­bahagi sa sikreto ng kanyang persona.

Sa pangalang ito sila tatawag sa akin (15). Maliwanag na bawat pangalan ay ayon sa wikang kinapapalooban nito kung saan ito may kahulugan. Isang pangalan ang sinasabi ng Diyos sa mga Hebreo:Yawe na Siyang umiiral ang interpretasyon sa kanilang wika. Kung sa ibang bayan siya nakipag-usap, tiyak na ibang pangalan ang sasabihin ng Diyos, na magkakaroon ng gayon ding kahulugan para sa bayang iyon.

Kapwa nangangahulugan ng Siyang umiiral at Siyang nagpapairal ang Yawe. Intindihin natin na ang Diyos ay umiiral at siya ring nagpa­pairal sa kanyang alam. Ito ang sinabi ng Diyos sa b. 14.

Ako Siyang umiiral. Ito ang Diyos na Buhay at Nakakakita (Gen 16:13). Kung may gusto siyang ipahayag sa kanyang misteryo, pina­ngungunahan ito ng nagliliyab na apoy (Ez 1:4; Hb 3:4), ng bagyo at mga kulog (Ex 19:16; 1 Hari 19:11; Slm 18:9-17) at ng mga alon ng dagat; at ng kagila-gilalas na mga hayop na tumitipon sa lahat ng puwersa ng kalikasan (Ez 1). Ngunit mga larawan lamang ang mga ito na parang isang ulap (1 Hari 8:10) na tumatabing sa misteryo ng Diyos na walang kasin­la­lim. Lampas-lampas at hindi ito kailanman maa­abot hindi lamang ng mata ng tao kundi maging ng isipan ng alinmang nilalang, tao man o anghel.

Tinatanggap ng mga nilalang ang pag-iral mula sa Diyos. Ngunit nasa Diyos mismo ang bukal ng sariling pag-iral at wala siyang kaila­ngang anuman kani­numan. Ang Diyos ang Isa, at walang sinuman sa mga tumatanggap ng pag-iral mula sa kanya ang makatatapat o makapag­daragdag sa Kaisa-isahan.

Ang Diyos ang Siyang Umiiral, at pinaiiral niya ang kanyang alam. Ang pagbubunyag na ito ang pinakasusi sa buong Biblia. At kailangang alala­hanin ito kapag basta na lamang sinasabi ng mga ma­nanampalatayang “Ang Diyos ay Pag-ibig, ang Diyos ay Kabutihang-loob”, at naka­kalimutan namang magiging kabulaanan ito kung hindi muna ipahahayag na ang Diyos ang Siyang Umiiral. Kung ang Pinakama­ka­pangyarihan lamang ang Diyos, wala tayong anumang iisipin kundi maglu­luhod sa harap niya, maglulunsad tayo ng giyera laban sa mga diyus-diyusan, at bibigyan natin ng pangunahing impor­tansiya ang mga tuntunin tungkol sa pananalangin, pag-aayuno at mga kawang­gawang hinihingi niya. Kung Kabaitan lamang siya, hindi natin mauunawaan kung bakit niya tayo inila­lagay sa pagsubok. Kung Kabutihan lamang siya, oobligahin nating gumawa ng mabuti ang lahat nang hindi na iginagalang ang kani­lang kalayaan.

Pero hindi, sinabi niyang Ako Siyang Umi­iral. Ang Diyos ay Maykalooban na aktibung-aktibo at malayang-malayang umiiral, at tinatawag niya tayong umiral sa katotohanan. Kaya lumikha ang Diyos ng daigdig na puwede nating galawan nang responsable. Hindi ipinipilit sa atin ng Diyos ang mabuti. Mas gusto niya na sa pamamagitan ng ating mga karanasan at mga pagkakamali ay madis­kubre natin kung nasaan ang tunay na mabuti.

Ang pagsamba sa Diyos ay hindi nangangahu­lugan ng pagpapatirapa sa harap niya gaya ng pani­wala ng ilan, kundi ng paglapit natin sa kanya nangharap-harapan. Gusto ng Diyos na siya’y paglingkuran ng mga taong nagpapalaya naman sa iba.

Sa pagpapakilala bilang Maykalooban, nasabi na ng Kaisa-isahang Diyos ang pinakamahalaga. Sa mga panimulang ito’y hindi na niya mali­liwanag pa o maipauunawa na ang misteryo ng Tatlong Persona (Loob) ng Diyos ay ang Diyos mismo. Ito ang magiging gawa ni Jesus (Mt 28:19; Jn 1:18-19). Kaya mga dantaong ini­ngatan ng mga Israelita ang larawan ng isang Diyos na Pinuno na ang sinasalita ay ang leng­guwahe ng pagsunod.

Yawe o Jehova? Mga apat na dantaon bago du­ma­ting si Jesus, hindi na binibigkas ng mga Israelita ang pangalang Yawe dala ng kanilang respeto. Kaya binago rin ang pagkakasulat ng Yawe sa Biblia, at pinalitan ng Yehovah na wala namang kahulugan ni hindi rin siyang binibigkas. Ngunit sa pagkakita nito, alam na ng bumabasa na hindi niya dapat sabihing Yawe kundiEdonah o Panginoon. (Isinama nila sa mga sagra­dong katinig na YHWH ng Yawe ang tatlong patinig na e, o, a ng Edonah.)

Si Yawe ang nakipagtagpo sa amin. Hindi mai­kakaila ng pagdadahilang panrelihiyon (upang mag­handog ng hain) ang tanging layunin ng mga aliping Hebreo na lumaya mula sa kaapihang ka­nilang tinitiis. Nangyari ang lahat ng ito nang pa­nahong iyon na walang problemang panlipunan o pampulitika na di kayang ipahayag sa paggamit ng mga salitang pan­relihiyon (Ex 17:16; Blg 25:16).

Pero may ilang nagtatanong ngayon: Pagpapalaya ba sa tao o pampulitika ang sinasabi sa atin ng Biblia o hindi kaya espirituwal na pagpapalaya ang ipina­panukala nito sa atin? Sa totoo’y artipisyal lamang ang pagiging salungat ng dalawang ito. Tinuturuan tayo ng karanasan na hindi sapat ang materyal na tulong o mga pagpapabagong pampulitika ni mga panalangin para iligtas ang kapwa. Ang mahalaga’y magkaroon ng bagong buhay ang mga tao. At upang mangyari ito, sila mismo ang kailangang humarap at lumutas sa mga tunay na problema ng kanilang pang-araw-araw na buhay-pang­materyal man o pang-edukasyon o pampulitika – mula sa mas malinaw na pananaw sa kato­tohanan ng buhay ayon sa paningin ng Diyos at taglay ang mas tunay na pag-ibig na espirituwal na pagmamahal.

Iaahon ko kayo mula sa lahat ng kaapihang ito. Pinagmamalasakitan ng Diyos na Siyang Umiiral ang mga di pa umiiral sa katotohanan. Sinasabi nating inililigtas ng Diyos ang mga tao; kaya ipinalalagay nating ang mga ito’y mga tunay na tao at hindi tau-tauhang walang kala­yaan o res­ponsabilidad o kinikilalang dangal. Hindi paghuhu­gas ng mga kaluluwa ang kalig­tasan kundi pagpa­panumbalik sa dating kabu­uan ng tao sa iba’t ibang dimensyon nito: sa sarili, sa pamilya at sa lipunan.

Sa pangungusap tungkol sa pagpapalaya, lagi nang isang ganap na pagpapalaya sa tao ang tinutukoy ng Biblia. Sa pagpapalaya at pagliligtas sa kapwa na­li­ligtas at lumalaya ang mga tao. Puwede nating pag-aralan ang Exodo bilangTalambuhay ni Moises at makita ang “pagliligtas” sa kanya o ang paglago niya bilang tao at bilang ma­na­nampalataya habang pina­ngangatawanan niya ang kanyang mga gawaing mater­yal at espirituwal at ang pagiging pinuno at tagapagpalaya ng kanyang mga kapatid.

• 4.1 Paano kung hindi sila maniwala sa akin? Mahirap sa mga naghihikahos ang magkaisa at manalig sa mga puwedeng maka­pag-angat sa kanila. Pero magiging mas mahi­rap pa sa Israel ang ma­sundan ang isang napa­kahabang daan ng pagpapalaya at lubhang salungat sa karunungan ng tao.

Maraming beses na hindi na iniisip ni Moises kung ano ang iisipin ng tao, kundi kumikilos siyang may ka­pang­yarihan ng Diyos. Kaya tinatanggap niya ang kapangyarihang gumawa ng mga himalang magpapatunay sa kanyang awtoridad.

Iniakma ang lahat ng ito sa mundong ginagalawan ni Moises. Matutunghayan natin dito ang tipo ng mga kababalaghang sina­sabing gawa ng mga sala­mangkerong Ehipsiyo.

• 10. Magsasalita si Aaron para sa iyo. Gusto sigurong takbuhan ni Moises ang tawag ng Diyos. Naramdaman niya siguro na hindi siya marapat sa­pagkat wala sa kanya ang mga kata­ngiang wa­ring kailangang-kailangan para maging lider. Pag Diyos ang tumawag, ibibigay niya ang lahat ng kakai­la­nganin.

Para maintindihang mabuti ang papel ni Aaron sa mga pangyayaring ito, alalahanin natin na ang mga paring Judio ay tinawag na “mga anak ni Aaron”; itinuring silang kanyang mga inapo. Kaya si Aaron, na kapatid ni Moises sa di malinaw na paraan, tulad ng pagiging “kapatid ni Miriam kay Aaron”, ay naging kapatid niya sa dugo sa paglipas ng pana­hon. Nakikita natin siyang nakikibahagi sa ka­pangyarihan ni Moises, at nagpapaliwanag sa mga salita nito; sa katunayan, ang mahalaga lamang sa mga pari ng Israel ay mapatunayan ang kanilang awtoridad.

• 19. Malabo ang pangyayaring ito. Lumilitaw na may malubhang sakit si Moises. Sa pagka­ka­intindi ng kanyang asawa’y dahil ito sa hindi pa siya tuli. Kaya, ayon sa pag-iisip nang panahong iyon, tinuli nito ang kanyang anak alang-alang sa kanya.

Mapapansin na ang 4:19 ang pinaghanguan ng Mt. 2:20: layunin ng ebanghelista na ipakita na si Jesus ang bagong Moises.

• 5.1 Hindi madaling marinig ang salita ng Diyos sa mga opisina sa kapitolyo, hindi tulad sa disyerto. Ang mga sagot at mga desisyon ng Paraon ang mo­de­long parang ginagaya ng maraming direktor at administrador. Hinindian ng Paraon sina Moises at Aaron at nawalan naman ng tiwala sa kanila ang kanilang mga kasamahan.

Matutunghayan natin sa kabuuan ng kasay­sayan ang parehong oposisyon ng mga ayaw gumalaw para lumaya, walang tiwalang magtatagumpay ito o ng mga bumabale-wala at hindi sumusuporta sa mga lider na nagtatrabaho para sa kanilang kapakanan. Malungkot na sinabi ni Martin Luther King bago siya mamatay na nagugulat siya sa kawalang-pakialam ng mga Negro: pakiramdam niya’y nag-iisa siya sa pakikibaka para sa kanyang mga kalahi. Sa ika-16 na dantaon naman, matitinding puna ang dinanas ni Fray Bartolome de las Casas mula sa iba pang misyonero dahil sa pagpo­protesta niya para sa mga Indio ng Latin America.

Hindi nagkukulang ng mga paraan ang Diyos para isulong ang kanyang gawa ng pagpapalaya hangga’t may pananampalataya si Moises at mag­papakatatag.

Pansinin ang pagkakalagay sa gipit ng mga sekre­taryong Israelita na nag-uutos sa bayan sa ngalan ng mga awtoridad na Ehipsiyo.

• 6.2 Sinabi natin sa simula ng librong ito na pinag­­sama-sama rito ang iba’t ibang salaysay ng pare-parehong mga pangyayari. Dito nagsi­simula ang isang mas huli at mas binuod na istorya ng pagtawag kay Moises. Ibinibigay rito ang listahan ng kan­yang mga ninuno. At sina­sabi rin ng mga paring sumulat nito na nabuhay si Moises nang sandaa’t dalawampung taon, ibig sa­bihi’y tatlong salinlahi, bilang na may sina­sagi­sag, buo at ganap:

- apatnapung taong gulang siya nang umalis sa Ehipto,

- walumpung taon nang makipagtagpo sa Diyos,

- sandaa’t dalawampung taon nang mama­tay.

-

• 7.14 Narito ang mga salot ng Ehipto. Pipitong sa­lot ang isinasalaysay ng mga talatang galing sa pi­nakamatandang istorya. Siyam naman ang sinasabi ng iba pang salaysay, ang sa Eloista. At i­di­­na­dagdag ng ikatlong istorya ang tungkol samga pigsa.

Alam ng mga manunulat ng Biblia na guma­gawa rin ng mga himala ang puwersa ng kasa­maan para itago ang mga pagkilos ng Diyos. Pansinin ang mga detalyeng ito: 7:11-12; 8:3; 8:14-15; 9:10.

Inilalarawan din naman sa kabanata 10 ang mga reaksyon ng mga taong nakakakilala sa mga tanda ng Diyos ngunit hindi naman sumasapit sa tunay na pagbabalik-loob.

Sa pagbasa sa mga salot o kasawiampalad ng Ehipto, tatlong bagay ang itatanong ng modernong mambabasa:

- Talaga nga bang nagkaroon ng mga kagila-gilalas na milagro para pinsalain ang mga Ehip­siyo?

- Kung mga natural na pangyayari ang mga ito, kailangan ba nating ituring na parusa ng Diyos ang anumang kapahamakan?

- Ang Ehipsiyong magbubukid ba o mamamayan ang may pananagutan sa pulitika ng Pa­raon at dapat siyang parusahan?

Tungkol sa unang tanong, alam nating isinalaysay at pinalawak ng mga Israelita sa loob ng mga dan­taon ang mga istoryang ito. Gusto lamang sabi­hin ng mga ito na ipinakita ng Diyos ang kanyang ka­looban sa Paraon sa pama­magitan ng mga kapa­ha­makang pang­kalikasan na laganap sa Ehipto: ang balang, “ang pulang Nilo”, mga palaka.

Tungkol naman sa pangalawa, tingnan ang pali­wanag sa Lc 13:1. Binababalaan tayo ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda. Kung bubuksan ng mga pinuno ng isang bansa ang kanilang mga mata sa kasamaang nagpapahirap sa kanilang bayan, makikita mismo nila na pag­ba­bayaran nang malaki ang kawalang-kata­rungan.

Pag dating naman sa ikatlong tanong, alala­hanin nating ayon sa kanilang panahon at kala­gayan ang takbo ng utak ng mga sagradong manunulat. Hindi nila pinoproblemang mala­man kung ang mga Ehip­siyo o ang Paraon mismo ang nagkasala sa pagsalungat kay Moises. Tanging nakita lamang nila na plano ng Diyos ang sinasalungat nila kayat kaila­ngan silang magapi: ito ang ibig nilang sabihin sa salitangpinarusahan . Hindi nila itinatanong kung ano na ang nangyari sa mga magbubukid na Ehip­siyo. Para sa kanila, ang Ehipto ang kumakatawan sa di-makatarungang Kapang­yarihan, at ang Pa­raon sa Kaaway ng Diyos.

• 10.1 Pinatigas ko ang puso niya. Sa katu­na­yan, ang sinasabi ng teksto ay: “Pina­pag­matigas ko siya”, o “Hinayaan kong tumigas ang puso niya.” Pero ang puso para sa mga Hebreo ang lugar na pinang­gagalingan ng mga disisyon (ulo naman para sa atin); hindi ibig sabihi’y nilason ng Diyos ang puso ni Paraon. Nagma­matigas si Paraon: iyon ang gusto ng Diyos, at nagiging bahagi iyon ng kanyang plano na nag­sasamantala sa mga humahadlang dito. Tiyak na hindi gusto ng awtor na harapin ang problema ng kalayaang pantao sa Diyos na maka­pangyarihan sa lahat.

• 11.1 Mamamatay ang lahat ng panga­nay na anak sa Ehipto. Malapit na ang pansampung salot: papa­tayin ng “Anghel ni Yawe” ang mga anak ng mga Ehipsiyo. Mala­mang na ito ay tungkol sa kung anong epidemya o peste, gaya ng nasa 2 Mga Hari 19:35. At sa mismong pagkakataong ito ipinag­diriwang ang pagsasalu-salo sa tupang pampas­kuwa.

• 12.1 Kukuha ng isang kordero para sa bawat sambahayan. Sa paggala ng mga ninuno ng mga Hebreo kasama ng kanilang mga kawan bago sila lumusong sa Ehipto, ipinagdiriwang nila taun-taon angPaskuwa ng Kordero, na tradisyunal na piyes­ta ng mga pastol. Iniaalay nila ito sa unang buwan ng tagsibol (12:2), na panahong napakaselan para sa mga inahing tupang bagong panganak. Inaalagaan nang ilang araw sa mismong tirahan ng mga tao (12:6) ang tupang napili para sa piyesta. Kayat mas nakakaisa ito sa pamilya at dinadala nito ang mga pagkakasala ng lahat ng kabilang sa pamil­yang iyon. At pagkatapos ay winiwisikan naman ng dugo nito ang mga tolda para itaboy ang mgaMamumuksang espiritu na maaaring puminsala sa mga tao at mga hayop.

Makikita ko ang dugo at ito ang dahilan ng paglampas ko. Nabago ang kahulugan ng matan­dang kapistahan. Gusto ng Diyos ang Paskuwa sa himig ng paglabas sa Ehipto: mananatili ito palagi para ipagunita sa Israel ang kanyang paglaya.

Sa pagliligtas niya sa mga panganay ng Israel, muling ipinahahayag ng Diyos ang kanyang pormal na pagbabawal sa pagsunog sa tao bilang handog (Gen 22). Kanya siyempre ang mga panganay ng kanyang bayan (13:1) gayundin ang mga panganay ng mga hayop at mga unang bunga ng lupa (Dt 26:2); pero dahil ang Diyos mismo ang nagligtas, tutubusin ang mga panganay sa Israel sa halip na susunugin bilang handog (Ex 13:13).

Mula noo’y ituturing na ng mga pamilyang Israelita na kay Yawe ang mga panganay nilang lalaki (Ex 13:1), dahil iniligtas sila sa salot. Ayon sa batas na ito, si Jesus na panganay ni Maria at panganay ng Diyos ay ihahain sa Templo (Lc 2:22).

Ito ang Paskuwa kay Yawe (12:27). Magka­karoon ng bagong kahulugan ang piyestang ito na galing sa mga pagano: pinagtitibay ng dugo ng Kordero ang pakikipagtipan ni Yawe sa bayang pinili niya mula sa lahat ng iba pang mga bayan. Mula noo’y magiging piyesta ng kasa­rinlan ng Israel ang Paskuwa, at sa mga araw ng Paskuwa loloobin ng Diyos na mamatay at mabuhay si Jesus. Pinagtitibay ng kamatayan ni Jesus angBagong Pakikipagtipan ng Diyos sa mga tao (Lc 22:20).

Bawat misa ay pagsasangayon sa pagka­matay at pagkabuhay ng Kordero ng Diyos, si Kristo. Tinu­tu­lu­ngan ba tayo nito na makapasok nang mas malalim sa ating bokasyon para maka­paglingkod sa daigdig na patuloy na pinalalaya ng Diyos? Malayong-malayo ito sa kaisipang isang tungkuling panrelihiyon ang dapat tuparin.

• 15. Makalipas ang mga dantaon, nang maging bayan ng mga magsasaka ang Israel, naging kaugalian nila na ipagdiwang taun-taon sa pa­nahon ng tagsibol ang isang ling­gong piyesta kung ka­ilan sila kumakain ng tinapay na walang leba­dura. Galing din sa mga pagano ang piyestang ito. Ngunit sa halip na kalabanin ng mga paring Judio ang pag­diriwang nito, mas ginusto nilang pagsamahin ang sanlinggong ito at ang piyesta ng Paskuwa, at bigyan ito ng bagong kahulugan sa pag-uugnay nito sa Paglabas mula sa Ehipto. Ipapaalaala ng di-pinaalsang tinapay ang madaliang pag-alis ng mga Israelita kayat wala na silang panahon para magpaalsa pa ng tinapay.

Isang halimbawa ang ibinibigay sa atin dito ng Biblia: anong pagpapakahulugang Kristiyano meron ang mga piyestang sa simula ay wala na­man, gaya ng Bagong Taon, Araw ng Paggawa?

• 21. Matutunghayan natin dito ang iba pang mga tagubilin tungkol sa pagdiriwang ng Paskuwa.

• 37. Isang makapal na pulutong ng lahat ng uri ng tao (38). Walang pagkakahawig sa bayang banal ang mga pagala-galang Israelita. Naroon ang mga taong dahil sa kung anu-anong mga dahilan ay nagpasyang umalis kasama ni Moises. Hinuhuli ng Tagapagligtas ang lahat sa kanyang lambat, at sa paglipas lamang ng pa­nahon, sa pagharap ng mga ito sa mga pag­subok sa disyerto ay saka niya pagbubukud-bukurin ang mabubuti at masasama.

Animnaraang libong lalaki. Gusto lamang sabihin ng di-kapani-paniwalang bilang na ito ang pan­relihiyong kahalagahan ng pag-alis na ito. Sa totoo’y hindi lalampas nang mga dalawandaan ang mga lalaki pati na ang kanilang mga asawa’t anak na kasamang umalis ni Moises. Alalahanin nating sila’y mga pastol, at hindi sila mabubuhay nang may bababa sa tig­sasampung hayop. Ang isang grupo ng dala­wandaang katao ay mangangahulugan ng mga dalawanlibong tupa at asno. Hindi kayang sustinihan ng mga balon ng Sinai at ng mga oasis nito ang mas maraming kawan. Magkakamali siguro tayo kung, dito at sa iba pang mga aklat ng kasaysayan, ay isasalin natin ang salitang nangangahulugan ng grupo ng sampung tao bilang sanlibong tao. Hindi gaanong mahalaga ang mga pagpapalabis sa katotohanan na likas sa popular na bersiyon ng isang salaysay: hindi pinipigilan ng mga ito ang Diyos na masabi ang gusto niyang sabihin. Totoo muli ang mensahe rito. Ang pag-alis na ito ng bayan ni Moises ay simula ng isang napakalaki at pambihirang karanasan.

• 13.4 Magiging pinakatanda para sa iyo sa iyong kamay (tingnan 9 at 16). Gumagamit ng mga tato at mga bagay na panrelihiyon ang ibang mga bayan para ipakita ang kanilang kaibahan pag dating sa relihiyon. Ngunit maki­kilala naman ang mga Israelita sa pag­diriwang ng araw ng pagliligtas sa kanila ng Diyos nilang Tagapagligtas.

• 14.5 Sa pinakagabi ng pag-aalay sa Korderong Pampaskuwa, lumakad ang mga Hebreo. Hinabol sila ng mga Ehipsiyo at inabutan naman sila nang nasa may latian na sila sa baybayin ng Dagat ng Tambo (13:17). Binu­buksan ng Diyos ang daan para sa kan­yang bayan upang iligtas ito, samantalang nalulunod naman ang kanilang mga kaaway.

Huwag kayong matakot! Hindi pababayaan ng Diyos ang mga umaalis patungo sa daan ng paglaya. Sumasagot si Moises na parang nakikita ang di-nakikita (Heb 11:27), at ang kanyang pana­nam­palataya ang nagpapasi­mula sa paki­ki­sangkot ng Diyos.

Pinaihip ni Yawe ang hanging-silangan. Sa totoo’y hindi gaanong malinaw ang pinakama­­tandang salay­say tungkol dito. Hindi nito sina­sabing tumawid sa dagat ang mga Israelita kundinakita nilang patay sa dalampasigan (14:30) ang mga humahabol sa kanila.

Ganoon nga kaya kabanayad ang pakikisang­kot at pagkilos ng Diyos: nagkaroon kaya ng pagguho ng lupa o biglang pagtaas ng tubig? Sapat na iyon para iligtas ang mga hinahabol. Ngunit ang paki­kisangkot ng Talaga ng Diyos – napakarami nito sa daigdig – ay walang maba­bago sa kasaysayan kung wala roon si Moises na propeta ng Diyos para magbigay-kahulugan sa pangyayaring iyon: pina­lalaya ni Yawe ang Israel upang maging bayan niya.

Ito ang itinuturo sa atin ng sumunod na salay­say na nasusulat sa mas maliit na letra. Ikinu­kuwento nito ang pagtawid na ito sa dagat sa paraang ma­pag­tagumpay at bidang-bida. Dito’y maayos na nakapilang lu­ma­la­kad ang mga tao ni Moisessa magkabilang pader ng tubig! Isang tropa ng mga takas? Talaga nga! Mga hukbo sila ni Yawe (12:41). Sa kanila sinisimulan ng Diyos ng mga dukha ang muling paggawa sa daigdig.

Kaya nagsisilbi pa ring isang huwaran ng kasay­sayang Kristiyano ang paglaya ng Israel. May iba pang mga tagum­pay tayong makikita, maliliit at malalaki, na nagpa­unlad sa Kaharian ng Diyos at kanyang Kataru­ngan. Dito ma’y may mga grupo ring nakatalaga sa gawang pagpa­palaya na nakipagharap nang wa­lang sandata laban sa Paraon at sa kanyang mga karwahe, mga opisyal at mga burukrata.

Ang mga tumawid sa kabilang dalampasigan ay hindi na kapareho ng dati: nagsimula na nga ang Bayan ng Diyos. Isusulat naman ni Pablo tungkol dito: “Nabinyagan sa Ulap at sa Dagat ang ating mga ninuno” (1 Cor 10:2), na ibig sabi­hi’y nakatawid sila sa tubig na nagdudulot ng kamatayan, salamat sa Diyos na nasa Ulap. Nangangahulugan angUlap na kasama ng kan­yang bayan si Yawe, at sa mahiwagang paraa’y kapiling siya ng bayang “bininyagan” na kan­yang inaakay.

Kailangan din tayong tumawid sa dagat: mga pa­ma­yanang Kristiyano, mga bagong mana­nam­pa­lataya, iwan na natin ang buhay na naka­hiwalay, at diskubrihin natin ang bagong kahulugan ng buhay. Pero hindi natin ito magagawang nag-iisa kundi sama-sama, habang patu­loy na lumalago at namumunga ang pama­yanan.

Pagtawid sa dagat: binyag at paglaya: tingnan Heb 11:23-40; 1 P 1:13-15; Pag 7:13-17 at 12:10-12.

• 15.1 Sigaw ng masayang pasasalamat ang unang awit ni Moises. Isa rin itong pahayag ng pa­nanampalataya. Sinasabi sa isang salmo: “Masaya ang bayang marunong magpuri.”

Walang maipagmamalaki ang bayang pinalaya sa tagumpay na ito ng Diyos at ni Moises na tao ng pa­nanampalataya. Wala silang ibang marapat gawin kundi magpasalamat sa Diyos.

Aalalahanin ng Pagbubunyag ang awit na ito (Pag 15:3) sa paglalahad sa awit ng mga hinirang at mga martir ni Kristo, sa pagkakitang iniligtas sila mula sa kanilang kahinaan at pinutungan ng luwalhati.

Ang mga matatandang relihiyon (pati na ang mga tao sa ngayon) ay may mga piyestang ayon sa takbo ng kalikasan: piyesta ng buwan, ng tag-init, ng tag-ulan, ng pagsilang. Sa kabilang dako nama’y ang mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos para iligtas tayo ang ipinagdiriwang ng lahat ng piyesta sa Biblia. Kung pinupuri natin ang Diyos dahil sa mga kahanga-hangang bagay ng kalikasan, mas dapat natin siyang makilala sa mga pangyayari sa kasaysayan. Pasa­lamatan natin ang Panginoon, bago ang lahat, para sa maliliit at malalaking pang­yayari na nagpapakita ng pagdating ng kanyang Kaharian sa atin.

• 22. Lubusan nang iniwan ng mga Israelita ang pinakamaningning at pinaka­ayaayang sibilisasyon ng mundo sa kanilang panahon, pati na ang mga gulayan nito, ang mga bukiring may irigasyon at ang kilalang kultura nito. Naglaho sana sila bilang isang bayan kung nanatili sila roon. Ngunit ipinatatahak ngayon sa kanila ni Moises ang daan ng paglaya. Tulad ng alinmang bansa o uring panlipunan na nagka­kamit ng kasarinlan nito, kaila­ngang sila ang maging responsable sa sarili nilang patutu­ngu­han. Alam ni Moises na hindi walang-lagot na pagpa­pakasaya ang kalayaan: ito ang simula ng isang mahirap na landas at puno ng mga sakripisyo. Subalit sa daang ito nahahayag ang Kalinga ng Diyos na nagbibigay sa atin ng tiwala sa paglakad. May nagaganap na mga kahanga-ha­ngang bagay na di-inaasahan, ngunit hindi pino­problema ng Diyos na paalwanin ang kanyang bayan sa pagpaparami ng mga himala.

May dahilan para mangamba ang mga takas na nangahas na “pumalaot” sa disyertong sakop ng Sinai. Nasusuong sila sa gutom, uhaw, at sa mga tagaroon sa disyerto. Sa sumusunod na mga pa­hina, malinaw na inilalarawan sa atin ng awtor ang mga panganib na ito at ginugunita niya ang ilang pakikisangkot ng Diyos. Pero malu­wag niyang isinasalaysay ang mga ito, iniaakma ang mga aral para sa kanyang mga kasamahang laging natutukso sa maalwang pamu­mu­hay, gahaman sa mga ari-arian at nada­dala ng mga pangako ng mga banyagang bansa na umagaw sana sa kanilang pagka­kakilanlan at misyon.

Ako si Yawe na nagpapagaling sa iyo. Bawat diyos ay may kanya-kanyang espesyalidad, pero si Yaweng Diyos ng ating mga ninuno ay hindi tagapagpalaya lamang. Alam din niya ang ating kahinaan at mabisa ang kanyang salita sa pagpapagaling at pagpapalusog sa atin.

• 16.1 Nagreklamo ang buong pama­yanan laban kina Moises at Aaron. Sa patuloy nating pagbasa, muli nating maka­katagpo ang mga reklamador pero takot namang mag­rek­lamo nang lantaran. Hindi sila nasisiyahan pero wala namang iminumungkahi. Pinupulaan nila ang mga nana­nam­palataya pero sa katu­nayan, ayaw lamang nila ng mga problema.

Bibigyan kayo ni Yawe sa dapithapon ng karne… Ang Diyos ang nagbigay ng pagkain sa kanyang bayan sa mismong sandaling salat sila sa lahat. Maraming langkay ng mga ibong pagod sa matagal na paglipad ang bumagsak sa may kampo. May isa pa rin silang natagpuang pagkain na di nila inaasahan,ang manna . Mala­mang na ito ang dagtang masaganang lumalabas mula sa mga dawag ng disyerto. Sa sandali ng kawalang-pag-asa, ang tulong na ito ang naging patunay sa Israel na hindi sila pinababayaan ng Diyos. Isinasalaysay rin sa Blg 11:4 ang pangyayaring ito.

Naiintindihan natin sa pamamagitan nito na isang regalo ng Diyos ang ating pagkain sa araw-araw. Sa pag-aanyaya niya sa ating tahakin ang isang mahirap na daan, ipinangangako niyang tutulungan tayo at para makapagsimula ay ibi­bigay sa atin ang pagkaing kailangan natin.

Sa paglipas ng panahon, pinalawak ang salay­say ng pangyayaring ito na parang ipinahi­hiwatig na nagpadala ng manna ang Diyos araw-araw sa loob ng apatnapung taon: Ex 16:35; Jos 5:12; Slm 78:24; Kar 16:20. Sa katagalan, na­wa­lan ng interes ang mga tao sa pangyayaring ito pero noon, gusto nilang puri­hin ang Diyos.

Ang regalong ito ng tinapay ng langit ang naging batayan ng dalawang magkaibang paliwanag sa mga kasunod na pahina ng Biblia. Nasa Deutero­nomio 8:3, “Pinakain ka niya ng manna na hindi mo alam ni ng iyong mga ninuno upang ipakita sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa lahat ng na­­­mu­­mutawi sa bibig ni Yawe mabubuhay ang tao.” Tingnan ang paliwanag sa Mc 6:35. At pag dating sa Ebanghelyo, ang manna ang larawan ng tunay na tinapay galing sa langit, si Kristo, na siyang ibinibigay na pinakapagkain ng buhay sa eukaristiya: tingnan ang paliwanag sa Juan 6.

Nakakapukaw-interes gunitain na merong dala­wang pangunahing daan mula Ehipto patungong Sinai. Ang Daan ng Mga Kuta na bumabaybay sa dagat ay madaling daanan pero binabantayan ng mga sundalo; ang landas namang mas malayo sa aplaya, na ginagamit ng mga takas na alipin, ay mas ma­panganib. Maka­bababa lamang ang mga pugo sa tabing-dagat; ang manna nama’y makukuha sa landas na malayo sa tabing-dagat. Nasabi na natin sa Intro­duksyon na binibigyan tayo ng Exodo ng mga salay­say ng maraming grupo, na ang ilan ay hinahabol, ang iba nama’y mga takas. Ang unang grupo’y malamang na dumaan sa daan sa tabing-dagat kung saan inililista ang mga manlalakbay at malamang na doon sila nakakita ng mga pugo; ang iba nama’y nakatagpo ng manna sa pagdaan nila sa landas na malayo sa dagat.

• 17.1 Inilalagay ng Diyos sa pagsubok ang Israel sa disyerto: Hanggang kailan papayag na sumunod sa isang patutunguhang labas sa karaniwan ang mga karaniwang taong ito? Hanggang saan aabot ang kani­l­ang pana­nam­palataya?Tinutukso rin ng Israel ang Diyos , o humihingi sila ng mga patunay sapag­kat hindi buo ang paniwala nila sa kanya. Humi­hingi sila ng mga milagro: “Kung kasama ka na­min, ipakita mo ngayon din.”

Ginugunita ng Biblia ang paghaharap na ito sa pagbukal ng tubig mula sa bato. Nalagay rin sa pag­subok si Moises sa lugar na iyon; tingnan sa Blg 20 ang salaysay sa iisang pangyayari.

Nang sumunod na mga panahon, nakita ng tra­disyong Judio sa batong ito ang isang larawan ng Diyos na bukal ng buhay sa piling ng kanyang bayan, ang milagrosang Bato na kasa-kasama nila sa kanilang mga paglalakbay (tingnan 1 Cor 10:4). Ang Diyos ang Batong di-malalagusan na nag-iingat sa kanyang lihim hanggang sa siya’y masugatan at mula mismo sa kanyang sugat ay dumadaloy ang buhay. Unawain natin na naiwala ng taong makasalanan ang tunay na kaalaman sa Diyos ka­yat hindi niya siya matagpuan. Ngunit nagiging mahina ang Diyos sa katauhan ni Jesus na sa pag­ka­matay ay ibinubunyag ang lihim ng Diyos: ito ang kanyang pag-ibig at malasakit sa atin. Bini­bigyang-diin ng Ebanghelyo na mula sa puso ni Jesus na sinugatan ng sibat ay umagos ang dugo at tubig na naglalarawan sa Espiritu Santo (Jn 7:37 at 19:34).

• 8. Kinukumpleto ng tagumpay laban sa Amalec ang mga karanasang ito tungkol sa Kalinga ng Diyos. Si Josue ang namumuno sa pakikipaglaban, pero si Moises ang gumagawa ng kahanga-ha­ngang mga bagay sa nakaunat niyang tungkod. Sa Diyos galing ang tagumpay.

Isang larawan ng panalanging nagkakamit ng ta­gumpay mula sa Diyos ang laging nakikita ng tradis­yong Kristiyano sa istoryang ito.

Hindi lamang para magsalita ang misyon ng mga propeta, kundi para mamagitan sa harap ng Diyos: 1 S 7:7; Jer 7:16; Ex 32:30.

• 18.13 Kailangang iorganisa ng mga Hebreo at ng iba pang takas na kasamang lumabas ni Moises mula sa Ehipto ang kanilang sarili. Hindi idinikta ng Diyos sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin. May mga institusyon silang kailangan na kanilang inim­bento. Ang iba nama’y ginaya nila sa ibang mga bayan. Sa pagkakataong ito’y tinutularan nila ang mga Ma­dianita (paring Madianita ang biyenan ni Moises).

Tulad ng ibang di-mapag-aalinlanganang mga pinuno, kailangan ni Moises ng panahon para malamang mas magiging mabuti ang lahat kung ibabahagi niya sa iba ang kanyang mga responsabilidad. Mabuti’t sanay siyang makinig sa Diyos kayat marunong din siyang makinig sa kanyang mga kamag-anak.

Pumupunta ang mga tao kay Moises bilang kani­lang propeta at hukom. Hindi lamang niya kaila­ngang lutasin ang mga sigalot kundi nagpupunta sa kanya ang bawat isa para ikonsulta kung ano ang dapat niyang gawin o hindi, o para pagpalain ng Diyos ang kanilang mga balak at lumabas na ma­ayos. Ang mga hukom na kanyang hinihirang ang modelo ng mga pari at “matatanda” na siyang mamumuno sa bayang Israel.

• 19.1 Nakilala ng mga Israelita ang Diyos sa mga pangyayaring nakapaloob sa kanilang paglaya at sa mga pagsubok sa disyerto. Saka sila makahaharap sa tagpuang itinakda ng Diyos nang tawagin niya si Moises sa mismong lugar na iyon na tinatawag naHoreb o Sinai (Ex 3:12). Sumapit na ang sandali para matanggap nang malaya ang pangako ng Diyos na gagawin niya silang bayan niya magpa­kailanman.

Akin ang buong daigdig. Ang Diyos ang Diyos ng lahat ng tao at tagapagligtas ng lahat, maging Katoliko man o hindi. Subalit ipinasya niyang big­yan ng panibagong direksyon ang kasaysayan, at palaguin at pabungahin ito mula sa loob sa pamamagitan ng kan­yang bayan na papagdaranasin niya ng mga mahahalagang karanasan.

Banal na bansa na ibig sabihi’y nakatalaga sa akin. Ang Israel ang magiging kahariang si Yawe lamang ang tanging hari. Kayat tanging kataru­ngan lamang niya ang kailangang makamit ng mga taong na­mu­muno sa Israel. Ang mga Israelita ay mga taong malaya na para sa Diyos lamang. Kayat hindi sila dapat ma­ha­wahan ng mga diyus-diyusan, mga kaugaliang di-malinis at mga huwad na pagpapahalaga ng ibang mga bayan.

Kayo ang magiging kaharian ng mga pari para sa akin. Sa anumang relihiyon, ang pari ang siyang lu­malapit sa Diyos at tumatanggap sa kanyang mga Komunikasyon. Ang Israel sa kabu­uan nito ang may ganitong pribilehiyong makilala ang Diyos at lumapit sa kanya sa paraang hindi magagawa ng iba. Ang Israel ang tumatanggap sa mga pangako ng Diyos para sa lahat ng tao.

Isinasakatuparan ang pagtitipang ito sa paanan ng Sinai, sa isa sa pinakakahanga-hangang mga lugar na maaaring isipin. Si Moises at ang mata­tanda o ang mga kinatawan ng bayan ay umaahon sa bundok sa gitna ng nagngangalit na mga kidlat habang duma­dagundong naman ang mga kulog sa mga bangin. Ang kalinisan ng kanilang damit, ang pagbabawal na lumapit at ang mga abstinensya ang naghanda sa kanilang mga espiritu para ma­dama ang “bigat ng Diyos”: ito ang kahulugan ng salitang “kaluwalhatian” sa Hebreo.

Tulong sa atin ang lahat ng ito para main­tindihan ang gustong sabihin sa atin ni Jesus sa Huling Hapu­nan niya kasalo ang kanyang mga apostol nang mangusap siya tungkol sabagong tipan (Mc 14:24). Sa sumunod na panalangin, hiningi niyang ang mga sumasampalataya ang maging Bagong Bayang nakatalaga sa Diyos, mga pari ng Diyos sa gitna ng mundo: Jn 17; 1 P 2:9; Pag 1:6 at 5:10.

Ginagamit sa Biblia ang salitang Ang Batas para tukuyin ang kabuuan ng mga batas na nagmula sa Pagtitipang pinagtibay ni Yawe at ng Israel sa Bundok Sinai.

Ang Batas ay nagpapahiwatig, sa ganang sarili nito, ng bagay na mabigat. Nakalaya na ang mga Hebreo sa pamatok ng pagkaalipin, pero hindi sila lalago nang walang Batas. Dinidisiplina ang isang bata ng mga tagaturo nito para hubugin ang kanyang kalooban, ren­dahan ang kanyang mga kapritso at sanayin sa kagan­dahang-loob. Gayundin naman, kailangang pa­ilalim sa Batas ang Israel bago sila lubos na lumago at mamunga para matanggap ang Espiritu. Sa pagpa­pailalim sa Batas, madi­dis­kubre nila ang pasang ka­rahasan at paghi­himag­sik na dala ng bawat isa sa kan­yang sarili, at kung gaano kadalas nilang nilalabag ang Diyos.

Huwag sanang kalimutan na tungkol sa pag­ha­handa sa Pagtitipan ang tinutukoy rito. Magtatapos ito sa kab. 24 matapos isingit ang tungkol sa mga batas sa mga kab. 20-23.

• 20.1 Umahon si Moises sa Bundok Sinai para tanggapin ang mga batas ng Diyos… at isinusunod naman ng Biblia ang dalawang kabuuan ng mga batas. Mas maikli ang una at siyang naglalaman ng sampung utos. Ang ikalawa naman na siyang mas mahaba ang sinulat makalipas ang panahon ni Moises nang nasa Kanaan na ang mga Israelita; tinatawag itong Mga Batas ng Tipan (20:22-23:33).

Ako si Yaweng iyong Diyos. Mahalaga nga ang sampung utos na ito, ngunit lalo pang mahalaga ang paraan ng paglalahad sa mga ito. Itinuturo sa anumang sibilisadong lipunan ang dalawang ka­utusang ito: huwag papatay at huwag magnanakaw. Pero nag­sasalita rito si Yaweng kaisa-isahang Diyos na buhay taglay ang kapangyarihan ng nagpalaya sa Israel mula sa pagkaalipin at ngayo’y gusto itong italaga sa paglilingkod sa kanya. At dahil gusto niya silang maging mga taong malaya sa isang mala­yang bayan, itinatadhana niya sa kanila ang mga saligang-batas na kung wala ang mga ito’y muli silang magiging mga alipin.

Bilang simula, kailangang kilalanin ang Diyos bilang Iisa, Banal at Seloso: b. 3-11.

Huwag kang magkakaroon ng ibang diyos sa harap ko. Si Yawe ang Diyos na Seloso na kaiba sa mga diyos ng ibang mga bayan na pinapayagan ang karibal nilang mga diyos na magbukas ng mga kubol sa kanilang tabi at bigyang-kasiyahan ang mga kahilingan na hindi nila mismo maharap. Tulad nga ng sinasabi ng ilan: “Kung hindi ako pinakikinggan ng Diyos sa simbahang ito, pupunta ako sa iba.” Kayat nagkaka­roon tayo ng diyos para sa digmaan, at isa pa para sa ulan, at iba pa para sa mga buntis. Mga diyos ang mga ito para sa mga taong ang tingin sa relihiyon ay paraan para mag­ka­roon ng kagalingan at kapakinabangan. Makikita natin dito ang pagkakaroon ng pananam­palataya para makuha sa Diyos ang lahat ng puwe­deng makuha sa kanya. Subalit hindi naninilbihan sa Israel o sa atin si Yawe; tayo ang kailangang mag­lingkod sa Diyos.

Pinarurusahan ko ang… ikatlo at ikapat na salin­lahi. Ang paghahambing sa “mga anak at apo” at “ikasanlibong salinlahi” ay makulay na paraan ng pag­sasabing hindi, siyempre, pinababayaan ng Diyos na di maparusahan ang kasalanan, na itinutuwid niya ang makasalanan, pero gayunpaman, walang-hang­ga­nan ang kanyang awa. Ipinaliliwanag ng mga salitang ito ang kahulugan ngselosong Diyos , na ma­limit gamitin sa Biblia. Ang kahulugan nito’y hindi ipinipikit ng Diyos ang kanyang mga mata, lagi niyang ibabangon ang katarungan, at hindi niya matatanggap na ang mga kanya ay tatalikod sa kanilang bokasyon.

Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nasa lupa. Ipinagbabawal dito ang anumang imahen ng mga nilalang na magiging mga karibal ng Diyos na Kaisa-isahan at mangangailangan ng pagsamba (na ipinaha­hayag sa paggawa at pagsasabuhay) na ipinag­babawal ng Batas ng Diyos. Nang pana­hong iyo’y sa pamamagitan ng sagradong pagbibili ng sarili pinara­rangalan ng mga Kananeo ang kanilang mga diyos. Laging magkasama ang mga diyus-diyusan at ang imoralidad. Pinagtitibay ng pagbabawal na ito tungkol sa mga imahen ang naunang utos:Huwag kang magkakaroon ng ibang diyos.

Sa kabila ng gayong pagbabawal, itinatakda pa rin mismo ng Biblia na ilalagay ang Kaban ng Diyos sa gitna ng mga imahen: dalawang keru­bim o anghel na kanilang mga pakpak ang nakatakip dito (1 H 6:23-28). Paano maipali­liwanag ang kontradiksyong ito? Napakasimple lamang ng sagot: Hin­di itinuturing na mga diyos ang mga kerubim at hin­di nangangailangan ang mga ito ng bukod na pag­samba, kundi mga espiritung tagapag­lingkod ng Diyos ang mga ito. Gayundin naman, inaaprubahan ngayon ng Iglesya ang mga estatwa ni Maria at ng mga santo: sapagkat hindi sila mga diyos kundi mga lingkod ng Kaisa-isahan at hindi natin hinihi­ngi sa kanila ang ayaw ibigay ng Diyos. Ang Diyos lamang ang Mabuti (Lc 18:19) at sa kanya nag­­mumula ang tanang kabutihan (Jaime 1:17). Bilang isang halimbawa, pinaglilingkuran natin si Maria sa pamamagitan lamang ng pamu­muhay na tulad ng kay Kristo. Wala tayong ina­­asahan sa kanya kundi ang ipinasyang ibigay sa atin ng Ama sa pama­magitan niya.

Pero ipinagbabawal ding isalarawan si Yawe. At ang dahilan nito’y lampas ang Diyos sa lahat ng puwede nating isipin o ilarawan sa ima­hinasyon tungkol sa kanya. Napakahirap ilarawan ang Diyos nang hindi siya pinabababa. At sa pag-iisip natin sa kanya, napaka­daling mailarawan sa ating imahinasyon ang gusto natin tungkol sa kanya. Kaya ipinagbabawal din sa atin ng Biblia ang paghubog sa Diyos ayon sa ating pag-iisip. Dahil ayon sa sarili nilang mga pala-palagay ang tingin nila sa Diyos kaya nanghihina ang pa­na­nampalataya ng marami sa oras na hindi pamahalaan ng Diyos ang mga pangyayari sa paraang inaakala nilang mabuti.

Bakit naman natin isinasalarawan si Jesus? Narito ang simpleng dahilan: pagkalipas ng mga dantaon kasunod ng mga unang aral ng Diyos kay Moises, dumating ang Diyos sa atin sa katauhan ng kanyang Anak na hindi lamang nagsalita tungkol sa Diyos kundi sa kanya mismo natin nakita ang Diyos na naging tao. At kung iniingatan natin ang mga litrato ng ating mga mahal sa buhay, ba’t di natin gugustuhing alalahanin si Jesus gaya ng pagkakita sa kanya ng mga apostol? Ngunit hindi ito nakinikinita ni Moises kaya wala siyang nasabi tungkol dito.

MGA DIYUS-DIYUSAN AT PAGSAMBA SA MGA ITO: Tingnan ang paliwanag sa 1 Mga Hari 18:17; Isaias 30:22; Ezekiel 23:5.

Tinatawag na Sabbat o Pahinga ng mga Hebreo ang pinakahuling araw ng sanlinggo, dito galing ang tawag natin sa araw ng Sabado. Pinababanal nila iyon nang higit sa lahat sa paghinto sa lahat ng gawain.

Nagpahinga si Yawe sa ikapitong araw. Medyo kaibang dahilan ang ibinibigay sa Dt 5:15. Tingnan din ang Gen 2:2-3 at ang paliwa­nag dito.

Alam natin na nabuhay si Jesus sa araw na ka­sunod ng Araw ng Pahinga. Alam ng mga apostol na isang bagong panahon sa daigdig ang pinasinayaan ng Pagkabuhay na iyon, kaya naman itinakda nila saAraw ng Panginoon (o Linggo) ang pahinga (o sabbat ) ng mga Kristiyano (tingnan Gawa 20:7; 1 Cor 16:2; Pag 1:10). Nalilimutan ng mga Sabadistang gustong balikan ngayon ang araw ng Judio na may ka­pangyarihan si Jesus at ang kanyang mga apostol na bigyang-interpretasyon at baguhin ang mga batas ni Moises na galing nga sa Diyos pero hindi deretsahan (Gawa 7:38; Gal 3:19; Heb 2:2). Tingnan din ang Mt 5:27-28; 31-32… Kayat bumabagsak sa kanila ang mga babala mismo ng Biblia sa Gal 2:5; 5:5-6; Col 2:16.

Sa makabagong panahon, kinailangan pang ma­ki­paglaban ng mga trabahador para kilalaning pi­yes­ta-opisyal ang Linggo. Hindi siguro nakikita ng mga karaniwang nagta­trabaho kahit na araw ng Ling­go ang kahalagahan ng pahinga para sa buhay ng tao at sa buhay-Kristiyano. Sa kabila ng reaksyon ni Jesus sa Ebanghelyo laban sa napakahigpit na pag­sunod sa Araw ng Pahinga (Mt 12; Jn 5), kalo­oban pa rin ng Diyos ang lingguhang pahinga. Ka­ya walang maika­katwiran para sa mga traba­hong di nagbibigay ng panahon para sa buhay-panreli­hiyon o para sa buhay-pam­pamilya o para sa kultura.

Huwag mong gamitin nang walang katuturan ang pangalan ni Yawe. May apat na paraan ng walang-katuturang paggamit sa pangalan ni Yawe:

- ang paggamit nito gaya ng ginagawa noong araw para sa mga bulong na pangmadyik sa hangaring puwersahang makuha ang kapang­yarihan ng Diyos. May mga tao pa ring guma­gamit ng Biblia at mga panalanging Kristiyano para gumawa ng mga milagro.

- ang manumpa sa kanyang pangalan at hindi naman pagtupad nito (Sir 23:9 at Mt 5:53).

- ang paglapastangan o pag-insulto sa panga­lan ni Yawe, na kamatayan ang hatid na parusa (Lev 24:10).

- ang pagbigkas o pagtawag sa pangalan ni Yawe nang walang importanteng dahilan. Dahil dito kaya nakaugalian na ng mga Judio sa mga huling dantaon ng Matandang Tipan na huwag bigkasin ang pangalan ni Yawe sa pagpapalit nila rito ngAng Panginoon o Ang Pangalan o Mga Langit.

Isaalang-alang mo ang iyong ama at ina: tingnan Sir 3:2.

Huwag kang magnanakaw. Para magkaroon ng pagtitiwala at pagkakaisa sa loob ng isang pa­mayanan, kailangang magkaroon ng lubos na res­peto ang bawat isa sa mga pag-aari ng kanyang kapwa. Dapat niyang bayaran ang kanyang mga utang at huwag kanyahin ang anumang mahawakan niya. Subalit hindi dapat gamitin ang utos na ito para bigyang-katwiran ang anumang tipo ng pansariling pag-aari. Para sa Biblia, ang lupa ay sa Diyos at tagapamahala lamang nito ang sinumang umuukupa nito. Kailangang ipamahagi sa lahat ang mga bagay sa daigdig na ito. At kung may ka­ilangang magbenta ng kanyang mana, kaila­ngang isauli iyon ng nakabili pagkatapos ng apat­napu’t siyam na taon. Nangangahulugan ito na hindi sang-ayon ang Biblia na mapasakamay ng iilan ang yaman ng bansa at iwang naghihikahos ang masa (tingnan Lev 25:13).

Binibigyang-paliwanag ng Bagong Tipan ang sampung utos: Mt 5:22; 5:33; 5:27; Mc 7:10; Lc 18:20; Rom 7:7; 13:9; Jaime 2:11.

• 22. Ang Sampung Utos ay kailangang iugnay sa kasalukuyang panahon para maging gabay sa buhay ng tao. Nang nasa Palestina na ang mga Israelita, nagbago ang kanilang buhay bilang mga pagala-galang pastol at naging mga magsa­sakang may pirmihang tirahan. Bumuo rin sila ng isang kalipunan ng mga batas na matutunghayan natin sa 20:22-23:19. Tinawag itong “Mga Batas ng Tipan”, at malamang na pormal na pinagtibay ang mga ito ng labindalawang tribu nang muli silang pagbuk­lurin sa tawag ni Josue para papanibaguhin ang Pakiki­pagtipan kay Yawe (tingnan Jos 8:30).

Huwag nating isipin na idinikta ng Diyos sa kanyang bayan ang lahat ng nasa Biblia. Isang katibayan nito ang nilalaman ng kalipunang ito ng mga batas. Isang bahagi nito ang binubuo ng mga batas ng mga bayan ng Kanaan na inangkin ng mga Israelita dahil mabuti at makatarungan ang tingin nila sa mga ito. Mga sariling batas naman ng Israel ang isa pang bahagi, na idinikta ni Moises o mga bunga kaya ng kanyang aral. Madaling makikilala ang mga ito sapagkat sinasabi rito “ka” o “mo” o “ninyo” o kaya’y nagsi­simula sa “ang sinumang”.

Pansinin na pinabigat ng Israel ang mga parusa sa sinumang pumatay sa kanyang kapwa (Gen 4:15 at 9:15). Kayat ang pananam­palataya sa Diyos ang nagsisilbing saligan at nagpapatibay sa pagrespeto sa tao. Mapapansin na pinabigat ng Israel ang mga parusa sa pagpatay ng kapwa (Gen 4:15 at 9:15): ang pananampalataya sa Diyos ay naghahatid sa pagga­lang at pagsasanggalang sa buhay ng tao. Hinahatulan nito nang magaan ang lipunang konsumerista, na tinatawag na liberal, na halos hindi iginagalang ang buhay sa mga lugar na mahirap ang pera: huwag nang banggitin pa ang aborsyon.

Sa paghahayag ng batas na ito na iniangkop sa isang lipunang sinauna, inaanyayahan tayo ng Biblia na itaguyod ang paggawa ng batas na angkop sa ating lipunang pang-industriya pero binigyang-sigla ng kaparehong diwa ng pagkakaisa ng mga tao. Hindi para sa Iglesya ang paglutas ng masasalimuot na problema ng ating panahon, pero maitatakda nito ang mga simulain ng isang pamumuhay na ayon sa kalooban ng Diyos at maiaangkop ito sa lipunan ng kasalukuyan. Nagagawa nito ang ganito sapagkat meron itong buong pananaw tungkol sa sang­ka­tauhan.

• 23.20 Tingnan mo, nagsusugo ako ng Anghel na mauuna sa iyo. Napakahirap mangusap nang lubusan tungkol sa Kalinga ng Diyos para sa atin. Sa­­­sa­bihin ko ba sa bawat sandali: “Gawa ito ng Diyos”? Ang “anghel” na ipinadala ng Diyos para ma­una sa Israel ang tinutukoy dito ng Biblia. Isa itong paraan ng pag­sa­sabing ipinagsasanggalang at pinapat­nubayan ng Diyos ang kanyang bayan sa pag­gamit sa di-mabilang na mga tagapama­gitan, nakikita man o di-nakikita.

Durugin ang kanilang mga sagradong bato. Sa mga nakalipas na dantaon, ang “pagwasak ng mga diyus-diyusan” ay binigyang-kahulugan, kalimitan, sa panatikong paraan, na nagbunga ng pagkawala ng mga masining na gawa ng mga pagano. Tiyak na imposibleng hindi mangyari ang ganito dahil sa ka­isipan ng panahong iyon. Ang pagkaunawa natin ngayon sa mga salitang ito ay ang pagsamba at kulto ng mga huwad na diyus-diyusan ng ating panahon. Sa halip, kung anong sinasabi ni Pablo tungkol sa karneng inialay sa diyus-diyusan, gayundin ang masasabi natin tungkol sa mga gawa ng sining na kumakatawan sa mga paganong diyus-diyusan (1 Cor 8).

• 24.3 Ang pinakaimportanteng mga pangyayari sa Biblia ang kadalasa’y isina­salaysay nang napakaikli. Sa paanan ng Bundok Sinai pinagtitibay ang Tipang mamamahala sa buhay ng Israel.

Dalawang eksena ang pinagsasama sa pag­diri­wang ng Tipan. Una, nasasaksihan ni Moises at ng mata­tanda ng Israel ang Luwalhati ni Yawe na nasa Bundok Sinai. At sa pagbalik naman ni Moises, pinagtitibay ng sambayanan ang Tipan sa pamamagitan ng solem­neng pag-aalay.

Umakyat si Moises kasama ang pitumpung ma­tatanda. Napakaekstraordinaryo at napakadakila ng Tipan kayat hindi marapat na sa kara­­­nasang espiri­tuwal lamang ni Moises masa­lalay ang pananagutan at pag-ako ng sam­bayanan. Pitumpung saksi ang maka­pagsasabi ng kanilang nakita. Ang pag-ahon sa bun­dok na kagila-gilalas sa pag-iisa nito, ang maaliwalas na asul ng langit sa tuktok, ang sinag ng araw – ang lahat ng ito ang naghanda sa kanila para makita ang Luwal­hati ng Diyos. Naroon si Yawe at “nakita” nila siya sa isang mahi­­wagang kara­nasan batay sa kakaya­hang makipagtagpo ng mga tao sa Diyos na buhay “na kai­lanma’y hindi nakita ninuman” (Jn 1:18).

Narito ang dugo ng pakikipagtipan… Ayon sa kaugalian nang panahong iyon, kapwa winiwisikan ng dugo ng mga hayop na isinak­ripisyo ang dalawang partidong nagpipirmahan ng kontrata. Dahil ang altar ang kumakatawan kay Yawe, tinatanggap nito ang pagwiwisik sa ngalan niya. Kailangang alalahanin ang mga detalyeng ito sa pagsasabi ni Jesus sa Huling Hapunan: “Ito ang dugo ng Tipan na ibubuhos para sa marami” (Mc 14:24).

Sa mga tapyas ng bato iingatan ng sam­bayanan ang alaala ng pagtatagpo sa Sinai. Kasama ng iba pang mga alaala ng panahon sa disyerto, itatabi ang mga ito sa isang lalagyang yari sa mamahaling kahoy na tina­tawag naKaban ng Tipan.

Sa paglipas ng panahon, malilimot ng mga anak ng Israel ang pananagutan at pangakong pinagmulan ng mga Tapyas ng Batas. Ituturing nilang pa­rang milag­rosa ang Kaban na mag­hahatid sa kanila ng pro­teksyon ng Diyos (1 S 4:4). Kaya maglalaho ang tunay na kabuluhan nito at hahayaan naman ng Diyos na ma­wala ito sa gitna ng mga kapahamakan ng bansa.

Ayon sa pinakamatandang salaysay, nagsulat si Moises sa mga Tapyas habang nagdidikta naman ang Diyos (Ex 34:28). Dinagdagan na ng mga su­munod na salaysay ang pangyayaring ito ayon sa nakagawian, at sinabing:ang Diyos ang sumulat sa mga sulat (31:18; 32:16).

Hindi tayo dapat mabigla sa pagsasalungatang ito: sa halip, tinutulungan tayo nito para mau­nawaan ang pagkasi ng Diyos sa Biblia. Alam nating Salita ng Diyos ang Biblia, pero ito’y kasintotoong gawa ng mga sumulat nito, bawat isa sa kanyang sariling estilo, ayon sa kanyang kultura at pag-uugali. Ma­rami na tayong naki­tang kakatwang detalye, sinaunang kuru-kuro, na likas sa isang partikular na dantaon at kultura. Ang mga pagpapahayag sa isang lugar ay dapat balansihin ng mga nasa iba pang mga aklat nito.

Ang aral na tama para sa isang panahon ay itutuwid kapag umunlad pa ang mga tao. Pina­nanagutan ng Diyos ang aklat sa kabuuan nito, pero hindi ang mga detalyeng kinuha at inihiwalay.

• 31.18 Waring may kahulugan ang paglalahad ng Aklat ng Exodo, pero dahil lamang ito sa layuning pagsama-samahin ang mga bahagi ng iba’t ibang pa­nahon. Sa matatandang tradisyon malinaw na inihahayag ang mga utos ng Tipan (kab 20 at 34:10): katarungan at paglilingkod sa iisang Diyos. Pero pagkalipas ng maha­bang panahon, pagkabalik ng mga Judio mula sa pag­­­ka­katapon, ituturing na panguna­hing tung­kulin ng bansa ang pagsambang idinaraos sa Templo ng Jeru­salem. Noon isiningit ang maha­ha­bang kabanata 25-31 at 35-40 para ipakitang ang pag­sambang ito ay nasa puso na ng mga pagbubunyag ng Diyos kay Moises.

Ginugunita ng bayang Hebreo kung paano ininga­tan ang Kaban ng Diyos sa isang tolda sa disyerto. Ang Kaban ay isang kahong yari sa mamahaling kahoy na naglalaman ng mga tapyas ng bato na pinag-ukitan ng Kautusan kasama ng kaunting manna at iba pang ala­ala ng mga kababalaghang ginawa ng Diyos sa disyerto.

Nang isulat ng mga pari ng Israel ang mga ka­ba­na­tang ito, ang bayan ng Diyos ay meron nang kahanga-hangang Templo sa Jerusalem kung saan iniingatan ang kaban. Ikinalugod nilang isiping may pagka­ka­hawig sa Templo ang Tolda sa disyerto; at inisip nilang si Moises ang nagtayo ng toldang iyon, sa pagsunod sa mga detalyadong tagubilin ng Diyos.

• 32.1 Kung paanong sumuway si Adan sa simula, gayundin ang Israel matapos tanggapin ang Batas. Nagsimula na ang mahirap na pagsasama ng Israel at ng kanyang Diyos na nagbabanta, nagpaparusa at pag­katapos ay nagpapatawad.

Natatakot si Moises sa unang pagkakataong ito: iniisip niyang sa paggamit ng mararahas na paraa’y mapababalik niya ang Israel sa tuwid na landas at ma­giging mas responsable ang sambayanan. Pero lumipas ang mga taon at wala pa ring tigil sa pagka­kasala ang bayan. Kaya naman magiging kumbinsido ang mga propeta na hindi sapat sa taong nasa lupa ang isang Batas kundi isang bagong puso ang kanyang kinakailangan: tingnan ang bagong tipan sa Jer 31:31.

Igawa mo kami ng mga diyos. Hindi talaga tina­tanggap ng mga Israelita si Yaweng Diyos na mara­ming hinihingi at nakikipaglaban, at nag-uutos sa kanilang sakupin ang lupang pangako. Gusto nilang bumalik sa dati nilang relihiyon na mga piyesta lamang at mga seremonya ang hinihingi. Ang ginawa nilangguyang yari sa kahoy na binalutan ng ginto (kaya iyon masu­sunog ni Moises) ang tradisyunal na larawan ni El na diyos ng mga Kananeo, diyos na karaniwa’y may mabuting-loob at “makalangit”. Isa siyang diyos na na­kapagpapagaan sa damdamin ng mga mananam­palatayang takot.

Kayat hindi lamang sa paggawa ng isang imahen ng Diyos ang kanilang kasalanan kundi mas lalo na sa paggawa ng isang diyos na bagay sa kanilang gusto. Ito rin ang kasalanang gina­gawa ngayon ng maraming mananam­palataya na naghahanap ng isang nagpa­pa­gin­hawang relihiyon o espiritwalidad na walang pagsa­salungatang natatagpuan ng isang taong nagta­trabaho para sa Diyos sa mundo.

Payagan mo ngayong… ubusin ng aking poot. Ngunit mula sa iyo, gagawa ako ng isang mala­king bansa. Nang magkulang sa katapatan ang bayan, isang natatanging katibayan ng kanyang katapatan ang hiningi ni Yawe kay Moises. Iminumungkahi niya na madaling makabubuo ng isang bagong bayan ng Diyos mula sa mga inapo nito bilang kapalit sa mga iresponsable. Ngunit naunawaan ni Moises na hindi ito maaari at hindi dapat: hinding-hindi babawiin ng Diyos ang mga pangako niya sa Israel. Kaya pag­sasakripisyo ng sarili ang nakalaan kay Moises hanggang sa wakas para iligtas ang mga makasalanang ito. Hindi siya magha­hangad ng anuman para sa kanyang mga inapo, kaligtasan man o mga ka­loob na espirituwal, kung ma­papahamak naman ang bayang tumanggap ng Tipan.

Lumalabas na nagtagumpay si Moises sa pag­subok na ito at nakakamit niya ang kapatawaran para sa Israel. Pinahihintulutan siya ng Diyos natumayo sa harap ni Yawe para pigilan ang kan­yang galit (Slm 106:23). Makikita sa maraming bahagi ng Biblia ang pagiging tagapamagitan ni Moises, na may awtoridad na humingi sa ngalan ng kanyang bayan. At makikita rin sa kanya ang paunang larawan ni Jesus na kaisa-isahang Taga­pamagitan.

Paglusong ni Moises, narinig niya ang iresponsa­bleng sagot ni Aaron na sa bayan ibinubunton ang sisi. Naging gaya ng isang paring oportunista si Aaron na gustong magpalapad ng papel sa bayan pero madali namang kina­lilimutan ang mis­yong tinanggap niya sa Diyos at hindi sa bayan. Alalahanin nating si Aaron ang patron at modelo ng mga paring Judio. Ang mga paring sumulat ng mga pahinang ito ang tagapag-ingat sa mga aral ni Moises, at sila rin ang naghahawak sa ka­pangyarihan ni Moises. May kaba­baang-loob sila para ilahad ang kanilang ninunong si Aaron bilang isang pang­karaniwan at makasa­lanang tao na ang mga gawa ay hindi bagay sa mataas at marangal niyang posis­- yon.

Para naman sa sambayanan, hindi nila madaling mabubura ang kanilang mga pagka­kasala. Hindi nag­­kakaisa ang mga salaysay na pinagsasama-sama sa kabanatang ito. Isang parusang parang salot ang ipina­hi­hiwatig sa atin ng bersikulo 35. Sinasabi naman sa talata 25-29 na hindi lahat ay sangkot sa paghihimagsik. Mas matapat ang mga Levitang ang­kan ng mga pari, at tinulungan nila si Moises na muling maitatag ang kanyang kapang­yarihan: sini­mulan nilang patayin ang mga may kasalanan.

Dahil dito, pinagpapala kayo sa araw na ito. Pero huwag nating isiping pinagpapala ng Diyos ang karahasan: tingnan kung paano pinupuri ng ma­tandang tekstong ito ang mga pumipili sa Diyos nang buong katapatan; ipinakita nila kung paano magagawa at paano dapat gawin ito sa sinaunang pa­nahong ito. Kung kumilos sila noon tulad ng da­pat na pagkilos sa ika-20 dantaon, namatay na sana sa duyan pa lamang ang kasaysayan ng pag­li­ligtas. Tingnan ang komen­taryo sa Esther 10.

Maraming detalye sa istoryang ito ang galing sa mga sumulat ng pahinang ito pagkaraan ng mga dantaon. Malaki ang impluwensiya sa ka­nila ng nangyari sa mga santuwaryo sa Betel at Dan kung saan nagpalagay si Haring Yeroboam ng mga guya bilang larawan ni Yawe (1 H 12:26).

• 33.7 Ang toldang tinatawag na “Toldang Tagpuan” ang unang templo ng Diyos sa piling ng kanyang bayan. Pansinin na nasa labas ito ng kampo at medyo may kalayuan, at saka lamang ito binabanggit matapos na magkasala ang bayan. Hindi na deretsahang pinakikitunguhan ng Diyos ang Israel kundi sa pamamagitan ng kanyangAnghel (32:34 at 23:23). At parang nagkukulong siya sa templong ito sapagkat hindi na siya matatanggap ng mga puso.

Kung nananatili mang malayo sa mga tao ang Diyos at hindi ipinahahayag nang malinaw ang kan­yang presensya, hindi ito sa pinarurusahan tayo kundi para ibagay niya ang sarili sa ating kaka­yahan: magiging kakila-kilabot ang mada­ma ang presensya ng Diyos kung hindi pa handa na isuko sa kanya ang lahat.

• 11. Bumaba ang Diyos sa Sinai para makipag-usap sa kanyang bayan. Subalit hindi siya nakikipag-usap nang personal sa mga makasalanang iyon na hindi pa nakapagsisimula sa unang yugto ng buhay sa pananampalataya kung saan pagsunod sa Batas ang nangingi­babaw. Kay Moises lamang siya nakiki­pag-usap nangharap-harapan (33:11), o espiritu sa espi­ritu. Kaiba ito sa mas mababang uri ng komu­­nikasyon tulad ng mga panaginip, mga pangitain at mga apa­ris­yon: Blg 12:6.

Payag ang sambayanan na samahan ng Anghel ni Yawe, o umasa sa tulong at kalinga nito. Na­uuhaw naman si Moises sa ibang klase ng presensya dahil ibinukod siya sa kanyang mga kapatid ng kanyang papel bilang pinuno at propeta, at ini­lagay sa napaka­tinding pangu­ngu­lila. Gusto niyang angMukha ng Diyos ang makasama niya, o isang personal na pre­sensya sa paraan ng pagbibigay-alam ng Diyos ng kan­­yang mga balak.

At igigiit ni Moises: samahan nawa kami ng iyong Mukha. Ibig sabihi’y magpakilala nawa ang Diyos pati sa kanyang bayan, para hindi lamang sila maging isang bayang ipinagsa­sanggalang ng Diyos kundi isang bayang banal at nakakakilala sa Diyos. Sumasang-ayon ang Diyos, pero sa paglipas lamang ng panahon higit na magpapakilala ang Diyos. Hihingin ni Jesus ang kaalamang ito para sa lahat ng bubuo sa kanyang Iglesya (Jn 17).

• 18. Ang talatang ito ay isa sa mga pinaka­malalim ang nilalaman sa Biblia. Matalinhagang inilalahad nito sa atin ang pagsang-ayon ng Diyos na personal at deretsa­hang magpakilala.

Ipakita mo sa akin ang iyong Luwalhati. Sa totoo’y hindi napakikita ang Diyos, kundi siya mis­mo ang bibigkas sa kanyang Pangalan, o ipadarama niya ang kanyang Kapangyarihan at Luwalhati sa may gustong makita siya.

Tatayo ka sa ibabaw ng bato. Ibig sabihi’y “Hin­tayin mo ako rito sa pangungulila at pag-iisa, di nakatali sa anuman, gising at nakalaan para sa sandaling gusto ko, dahilpinagpapala ko ang gusto kong pagpalain.”

Tatakpan kita ng aking kamay. Kung gusto ng Diyos na pagpalain ang sinuman sa lubos na pakiki­pagniig sa kanya, halos inaangkin niya ang isipan nito sa mahaba-habang panahon. At ina­alis niya rito ang lahat ng salita, lahat ng idea at lahat ng alaala. At puwersahan niya itong pina­nanatili sa kawalan, na tanging sa kanyang pre­sensya lamang nakabitin, parang patay sa lahat ng panlabas:ilalagay kita sa siwang ng bato. At doon nga siya nanatili hanggang makaraan ang Panginoon. At saka ko aalisin ang aking kamay: at mauunawaan mo at masa­sabi sa iyong sarili na nasa loob ka mismo ng Diyos.

Kaya binigkas ni Yawe ang kanyang Panga­lan, iniwan itong nakatatak sa kaibuturan ng espiritu, at ang Pangalang ito ay walang iba kundi ang kaalaman at karanasan sa kanyang walang hanggangawa . Sa pag­tatapos ng pana­hong ito ng lubos na pakikipag­niig sa Pangi­noon, wala nang anumang personal na ambis­yon o hangarin si Moises: ang tanging ma­ha­laga na lamang ay maisakatuparan ang plano ng Diyos na maipagkatiwala sa mga taoang pamana ng Diyos.

• 34.10 Narito ang isa pang napakatandang teksto na itinuturing ng Israel na isa sa mga higit na nakapagpapahayag sa mga hinihingi ng Diyos sa pag­diriwang ng Tipan.

Sa mga unang salinlahing sumunod kay Moises, hindi lamang “iisa” ang sampung utos kundi may iba’t ibang kalipunan ng mga utos na isinulat sa iba’t ibang lugar at panahon. Layon ng mga ito na ipahayag ang mga hinihingi ng Pakikipagtipan sa Diyos at ang mga batas ni Moises. Nasa kabanata 20 ang pinakakilala, ngunit matutunghayan naman dito ang mas matanda pa.

Samantalang katarungan ang pinagtutu­unang-pansin ng unang pangkat ng mga utos na “ating” sampung utos, mga obligasyon, piyesta at sere­monya naman ang ipinagdidiinan sa Sampung Utos na ito sa kabanata 34, na naka­tulong sa Israel na panatiliin ang kanilang kaiba­han at katangiang panrelihiyon sa gitna ng pagano at banyagang mga bayan.

Hindi naman bababa sa dalawa ang mga salaysay tungkol sa pag-ahon ni Moises sa Bundok Sinai. At malamang na ito ang maka­pagpapaliwanag kung bakit sa kasa­lukuyang teksto ng Biblia ay muling umaahon sa bundok si Moises matapos niyang sirain ang mga tapyas ng bato pagkababa niya. Ang pampanitikang “paghihinang” na ito ang nag­bigay-daan para mapanatili ang dalawang salaysay ng pag-ahon ni Moises at mailagay sa dalawang pag­­tatagpong iyon ang dalawang pinakaimportan­teng sampung utos.

• 29. Nagniningning ang kanyang mukha mata­pos makipag-usap kay Yawe. Inilalantad ng panlabas na tandang ito ang malalim na pag­baba­gong-anyong gawa ng Diyos sa mga huma­harap sa kanya nang walang takip ang mukha. Liliwanagin ang misteryong ito sa Mc 9:2 at 2 Cor 3:12-18.

• 34. Nasa mga kabanata 11-16 at 20-24 ng Aklat ng Mga Bilang ang pagpapatuloy ng mga alaala tungkol sa buhay ng mga Israelita sa dis­yerto.

• 40.34 Ang ulap ang tanda ng presensya ng Diyos. Pagkalipas ng mga dantaon, sa pagpa­pa­si­naya sa Templo, mapupuno rin ito ng ulap (1 Mga Hari 8:10). Tatakpan si Jesus ng ulap sa kanyang Pag­­­baba­gong-anyo at itatago siya nito sa kanyang Pag-akyat sa langit.

Sinasamahan ng ulap ang Bayan sa disyerto. Su­ma­sakanila ang Diyos sa tunay ngunit hindi ha­ya­gang paraan.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, exodo, Lumang Tipan | Leave a comment

Genesis 1:1

Nang simulang likhain ng Diyos ang langit at lupa,

May 30, 2007 Posted by | Biblia, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Genesis, Lumang Tipan | 1 Comment

Komentaryo

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Lumang Tipan | Leave a comment

Genesis: Komentaryo

 

 

1.1 Saligang aral ang itinuturo ng mga tanyag na talatang ito. Ngunit hindi ito dapat basahin bilang “ang” pangwakas na salita sa pag-unawa sa sanlibutan. May kanya-kanyang kuwento ng simula ng mundo ang matatandang relihiyon at gayundin naman ang Biblia. Pero may sasabihin pa ang Biblia, at ito’y sinasabi sa hindi tinitingnan ng marami: sa Bagong Tipan.

 

Para mahayag ang misteryo ng Diyos na Maylalang, kailangang hintayin ang pagdating ni Kristo: tingnan ang Jn 1 at Ef 1.

 

Ilang Malinaw na SAGOT tungkol sa saligan ng Pananampalataya

 

Nang simulang… Hindi tahasang sinasagot ng salaysay ang katanungan ng kasalukuyan: May Diyos bang lumikha sa daigdig? Ipinala­lagay na nito na meron nga. Pero gusto muna nitong ituro na binigyan ng Diyos ng kaayusan ang kanyang nilikha.

 

Mahalaga ito sa atin. Sandaang taong mahigit nang ninais paniwalaan ng marami – pati na ng mga may kaalaman sa siyensiya – na nalikha ang daigdig sa “tsamba” o di-sinasadyang pagka­kataon. (Walang ka­tuturan ito.) O nalikha ito ng mga batas ng kalikasan, na parang mga diwa­tang nahulog mula sa langit para ipaliwanag ang di-maipaliwanag: ang katuturan, kaa­yu­san at kagandahan sa sanlibutan. Ngunit nakita ng mga tao ang sarili nila na kaharap ang isang san­­li­butang walang-saysay, at doon ang tao ay isa lamang tsonggong nagkadiperensiya. Tatarukin ng buong Bib­lia ang kahulugan ng sanlibutan at ng kasaysayan. Minasdan iyon ng Diyos at iyon nga ay mabuti. Kung sa mundo’y may masama man sa tingin natin, bunga marahil ito ng hindi natin pag­kaintindi rito. At kung talaga nga itong masama, ang dahila’y may ibang na­kialam – ang tao o ang demonyo kaya (Kar 1:14, 11:20; Sir 13:1; Jaime 1:17).

 

Sinabi ng Diyos: ‘Magkaroon ng liwanag.’ Isina­sa­ayos ng Diyos ang daigdig at ang ating buhay. Pagmas­dan kung paano inilagay ang araw at buwan hindi lamang para magbigay ng liwanag: nagsisilbi ring pa­nu­kat ng panahon ang mga ito at nagiging batayan ng kalendaryo. Walang buhay ng tao o pamilya na walang mga kapistahan, disiplina at takdang oras ng pagbangon at pagtulog, paggawa at pagkain. Hinati ng mga Hebreo ang daigdig sa tatlong rehiyon: langit, lupa at mga tubig. Nadidiskubre natin ang ganitong kaayusan: mga araw 1 at 4, 2 at 5, 3 at 6. May kanya-kanyang takdang oras ang lahat: sinusundan ng mas mataas na uring mga nilalang ang mga mas mababa, at ang tao ang pinakahuli.

 

Lalangin natin ang tao na ating larawan. Sa piling ng mga hayop na nakatungo sa lupa, ang tao’y lumalakad nang tuwid at nakatunghay sa langit. Tanging siya lamang ang nag-aaral, naka­aalam at nagmamahal. Siya lamang ang may kama­layan: ting­nan ang magandang paliwanag sa Sir 17:1-13. Igini­giit ng Biblia na ginawa ng Diyos ang tao na ating larawan at kahawig. Gusto niya ng isang makikipag­mahalan at makikipag-usap sa kanya. At sinasabi ng Biblia kung paano inilaan ng Diyos ang kanyang sarili sa sangkatauhan.

 

Nilikha niya silang lalaki at babae. Kapag sinasabi ng Biblia na nilikha ng Diyos ang tao, hindi nito sinasabing ang lalaki o ang babae, mag-isa, kundi ang mag-asawa.

 

Dito natin kailangang iwasang muli ang mga pinasimpleng larawan ng mga materyalistang haka-haka: ang pagkakaiba ng kasarian ay hindi na hihigit pa sa resulta ng “tsamba” o di-sinasad­yang pagkakataon sa pagbabago ng chromosomes, at nagkataon din lamang na nagkaroon ng pag-ibig pagkatapos ng pagka­kaiba ng kasarian. Ngunit nasa unang lugar ang pag-ibig ayon sa plano ng Diyos, at paghahanda para rito ang mahabang ebolusyon ng sekswalidad.

 

Bilang larawan ng Diyos, ang tao ay kanyang lingkod at katiwala sa pamamahala sa mundo: Sila ang makapangyari (Sir 17:4).

 

Magparami at punuin ang lupa. Ibinibigay sa kanila ng Diyos ang kanyang pagpapala. Parang parehong mga salita ang kanyang ginagamit pero magiging iba ang kaso nila. Bagamat pag­papala ng Diyos ang pagkakaroon ng maraming inapo, hindi ibig sabihi’y paramihin ang lahi sa iresponsableng paraan: tingnan ang Sir 4:11, kung saan pinupuri ang mga pamilyang may mga anak na edukado, kapaki-pakinabang at mabuti sa mata ng Diyos.

 

Siyempre, hindi dapat magsilang ng mga anak ang mga magulang nang hindi pinag-iisipan kung paano ang mga ito tatanggapin at papa­pag-aralin at nang sa gayon ay madiskubre nila, sa pama­magitan ng kani­lang mga magulang, ang pagma­mahal ng Ama. San­libong beses na ipagugunita sa atin ng Biblia na ang bansang wala nang mga anak ay naligaw ng landas ng pagpapala ng Diyos.

 

Ang maniwala naman na ang kailangan munang isipin ay ang pagbabadyet ay di pagsa­alang-alang sa ebanghelyo.

 

Sa ikapitong Araw, nagpahinga ang Diyos. Tina­tawag ng mga Israelita ang araw na ito na “Sabbat” na ibig sabihi’y “pahinga”. Ang pag­tupad nito ay isa sa mga haligi ng kanilang relihiyon. Ang pahingang ito ng Diyos ay hindi nangangahulugang mula sa araw na iyon, titingnan na lamang ng Diyos ang kanyang likha mula sa malayo (Jn 5:17). Kundi, ang sang­nilikha ng Diyos pati ang gawa ng tao ay patungo sa walang-katapusang araw ng ating pahinga sa Diyos at paki­kibahagi sa kanyang kaligayahan. Tingnan ang Heb 4:1-10 at ang paliwanag sa Ex 20:8.

 

Hindi lamang pinagpapala ang Sabbat kundi gina­gawang banal din ito. Ang ugat ng salitang Hebreo na ito ay: putulin, ibukod. Ang ikapitong araw ang araw na nakabukod sa iba, itinabi, iba. Iba para sa mga tao na hindi obligadong mag­trabaho: May panahon sila para makita, maka­tagpo ang iba at ang kanilang sarili. Ang sinu­mang magsasaalang-alang sa Sabbat ng Di­yos ay makikinabang nito ayon sa mga pangako ng Diyos (Is 56:4; 58:13).

 

HUWAG GAWING literal ANG pakahulugan

 

May mga taong naniniwala na idinikta ng Diyos ang mga linyang ito at walang ginawa ang banal na awtor kundi isulat lamang ito nang walang binabago ni isang letra man sa sinabi ng Diyos. Ngunit hindi ganito ang pagkasulat sa Biblia. Tinulungan siyempre ng Diyos ang manunulat para mabuo ang tula ayon sa gusto ng Diyos at makapagturo sa mga tao sa lahat ng panahon. Ngunit hindi nito hinahadlangan ang pagsulat ng awtor para sa mga tao ng kanyang panahon at ang pakikipag-usap niya sa kanila sa paggamit ng mga larawan at ekspresyong ayon sa kanilang kultura. Para naman sa atin na nagbabasa ngayon ng Biblia, kaila­ngang pumasok tayo nang kaunti sa kulturang iyon at mga ekspres­yong iyon, kung gusto nating maintin­dihang mabuti ang mensahe ng awtor.

 

Unang Araw, Ikalawang Araw… Dapat ba nating isipin na katulad ng mga araw ngayon ang anim na araw na ito – samantalang hindi pa nililikha ang araw?

 

Sa totoo’y isang dula ang gustong ipakita ng awtor tungkol sa paglikha kung saan ilang ulit na bumababa ang telon at nagpapalit ng mga tauhan. Itinatayo ng Diyos ang sanlibutan na magiging Templo niya at solemne ang ginagawa niyang pagtatayo nito, isa-isa, gaya ng isang maayos na seremonya. Binibigyan ng kanyang papel ang bawat bagay at bawat nilalang.

 

Inayos ng may-akda ang seremonyang ito sa loob ng anim na araw para mapatapat ang Sabado na ika­pitong araw sa Araw ng Pahi­ngang nakatalaga sa Diyos para sa mga Judio. Kayat makapagpapa­hinga ang Diyos na pinupuri ng kanyang nilikha. Ito ang layunin ng sanli­bu­tan at ng sangkatauhan. Tinawag na Sabado o Pa­hinga ng mga Israelita ang araw na iyon at itinuring na pinakahaligi ng kanilang relihiyon ang pagsunod dito.

 

Magkaroon ng matibay na sahig sa pagitan ng mga tubig (6). Noong panahong iyon, hindi pa alam ng mga tao na ang mundo ay isang planetang umiikot sa araw. Akala nila’y lapad ang mundo, gaya ng isang plaka, na nakapatong sa mga haligi. At nakatayo naman ang mga haliging ito sa mga tubig sa ibaba na naka­palibot din sa mundo at bumubuo sa mga dagat (tingnan Job 38:4-10). Sa itaas nama’y may malawak na sahig o kisameng asul, ang langit, kung saan nakabitin ang araw at mga bituin. At ayon sa paniwala nila, nasa ibabaw ng sahig na ito ang mga tubig sa itaas na pinag­mumulan ng ulan.

 

Sa katunayan ang langit na ito’y palapag lamang para sa kanila ng isa pang mundo na tirahan ng Diyos at ng mga anghel. Ang lahat ng umiiral ang ibig sabihin ng langit at lupa sa Biblia: ang daigdig ng mga bagay na nakikita at ang mas mainam na daigdig, na siyang pinag­mumulan ng mga pangunguna: “Sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit.”

 

Minasdan iyon ng Diyos at iyon nga ay mabuti. Hindi ikinakaila ng awtor ang pag-iral ng kasamaan sa mundo. Para sa mga Israelita, ang dagat at ka­diliman ang simbolo ng masasamang puwersa sa mundo. Su­balit may kaayusan at hangganan ang mga puwer­sang ito: may hangganan ang dagat, at nagbibigay-daan ang gabi sa liwanag sa paglipas ng bawat araw.

 

Sinabi ng Diyos: Purong espiritu ang Diyos, wala siyang bibig at di nangungusap sa pama­ma­gitan ng tunog. Ang ekspresyong ito na Sinabi ng Diyos ay nagpapaalaala sa atin na ang Maykapal ang siya ring nagbigay sa atin ng kanyang Salita at Batas.

 

Ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng halaman at punong namumunga. Sa mga salitang ito ipinahahayag ng sumulat ang huwaran ng isang mundong di marahas, na ni mga hayop man ay di papatayin. Ayaw ng Diyos na mamatay ang kanyang mga nilikha. Ngunit hahayaan din ito (Gen 9:3) sa pag­­­sa­saalang-alang ng Diyos sa tunay na kalagayan ng taong ma­kasalanan.

 

ANG PAGLIKHA AT ANG TAO SA KASALUKUYAN

 

Marami ang nagsasabing may “kontra­diksyon” ang sinasabi ng Biblia sa natutuklasan ng siyensiya. Sa katunayan nga’y parami nang parami ang sinasabi ng modernong siyensiya tungkol sa simula ng sanlibutan (tingnan Ang Panahon ng Paglikha, p. 7) ngunit hindi niyon ito maipaliwanag. Pero hindi na nito isina­sa­isantabi ang paglikha.

 

Nasabi na natin ang kahulugan ng anim na araw: hindi ito“kontradiksyon”sa palagay na ang sanlibutan ay nabuo sa loob ng milyung-milyong dantaon. Sa nakalipas na siglo, inakala ng mga tao na kakatwa ang pagtukoy ng Biblia sa liwanag gayong hindi pa naba­bang­git ang araw at mga bituin, – ngayon, nama­mangha tayo na umaayon ito sa modernong teoriya ng sanlibutan. Pero bakit tayo magtatagal sa gani­tong mga diskusyon? At kung may magtataka at ang istorya ay hindi siyentipikong pagpapaliwanag, masasabi nating ang Biblia ay Salita ng Diyos para ituro ang ating pananam­­pa­lataya at hindi para ipalit sa siyentipikong pag­sisiyasat.

 

Kadalasa’y may isa pang pagsalungat na ibini­bigay: sa paglalahad sa Diyos bilang siyang lumikha sa mundo at sa tao bilang isang nilalang, kinukundisyon tayo ng relihiyon na mabuhay na sunud-sunuran at nasa ilalim ng tadhana. Ngunit naiiba ang katotohanan: sa pag­sasabi ng Biblia na ang Diyos ang Maykapal sa lahat at una sa lahat, di­na­­dakila nito ang tao na hindi nat­sam­bahan la­mang kundi galing mismo sa Diyos.

 

Pinalalaya ng Biblia ang espiritu ng tao. Nani­niwala ang mga tao noong unang panahon na depende sa mga kapristo ng kanilang mga diyos ang kapalaran ng tao. Maging ang mga Griyego na labis ang pagma­malaki sa kanilang kalayaan ay yumuko sa talaga ng tadhana na di mata­takasan ninuman. Sa mga pama­ya­nang iyon, ang mga pagsisikap ng tao para paunlarin ang kanyang kapangyarihan ay napara­lisa ng takot na baka masaktan nila ang mga diyos na iyon na may hawak sa mga puwersa ng kalikasan. Alam ng marami ang alamat ni Prometeo: pina­rusahan siya sa pagkaka­diskubre o “pagna­nakaw” niya sa apoy na pag-aari ng mga diyos at sa pagkakabigay niya nito sa mga tao na mga kapatid niya.

 

Ngunit isang taong hindi nanginginig sa nata­tagong lakas ng mga bituin (ang mga ilawang nag­lilingkod sa Diyos!) ang hinuhubog ng Biblia, at wala siyang takot sa anumang sumpa ng kapala­-ran sa pagsisiyasat niya sa mga hiwaga ng sanlibu­tan. Di ba’t Kristiyano ang unang taong lumakad sa buwan?

 

Sinasabi ng Biblia na galing sa Diyos ang tao. Hindi lamang ang unang tao kundi lahat ng taong isinilang sa mundong ito: hindi tayo tsambang pro­dukto ng mga pawang batas ng kalikasan. Inayos ng Diyos ang mga pangyayari at mga pagtatagpo na huhubog sa ating pagkatao: kumilos ang Diyos sa pamamagitan ng lahat ng taong gumising sa ating espiritu.

 

Lumilitaw ang tao sa Ikanim na Araw. Mula sa sandaling iyon, para bang ibinibigay na ng Diyos ang papel sa paborito niyang nilikha, ang tao. Patuloy na nililikha ng Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng mga kamay, utak at puso ng tao. At habang gumagawa at lumilikha ang tao, nalilikha rin naman mismo ang kanyang sarili. Itinatayo ang sangkatauhan sapagkat – huwag nating ka­limutan – ang “tao” ay nanga­nga­hulugan sa Biblia ng hindi lamang mga indi­bidwal, na bawat isa’y kilala ng Diyos, kundi pati ng buong sang­katauhan na tinawag para maging iisang ka­ta­wan.

 

ISANG MENSAHENG PROPETIKO

 

Bigyang-pansin ang pagkakatulad ng unang pahina ng Biblia sa ebanghelyo ni Juan. Dalawang dantaon ang naghihiwalay sa dalawang tekstong ito, pero parehong salita ng Diyos at nagbibigay-liwanag sa isa’t-isa. Sinasabi ng Genesis: Sa simula sa pagtukoy sa paglikha na wari’y nasa panahon at bukod sa Diyos, pero gayundin ang sasabihin ni Juan: Sa simula sa pagtukoy sa buhay na nasa kaloob-looban ng Diyos na di saklaw ng panahon kundi nabubuhay sa kapus­pusang walang pag­babago na tinatawag nating kawalang-hanggan niya. Doon ay walang bago pa man o pagkatapos, walang panahong itinatagal, walang pagkapagod o pagkabagot.

 

Sa simula isinilang mula sa Diyos ang Anak ng Diyos, at nagmumula naman ang Espiritu sa Ama at sa Anak. Ngunit alam natin na patuloy pa ang simulang ito at hindi lumilipas; sa pagbabalik ng Anak at Espiritu sa kaisahan sa Diyos-Ama para magkasamang tama­sahin ang kataas-taasang pag­pa­pala, walang paglipas ng pana­hon.

 

Sa simula ay isinalamin ng Diyos ang kanyang sarili sa kanyang Anak na kanyang Larawan at Ningning (Col 1:15 at Heb 1:3); sa simula rin ipinamamahagi sa sanlibutan ang mga yaman na nakita ng Ama sa kanyang Anak. Kaya isang pagpapahayag ng malalim na misteryo ng Diyos itong sanlibutang ang sukat at edad ay hindi mailarawan ng ating isip. Doon ga­ga­napin ang buong kasaysayan ng sangkatauhan ang sagra­dong kasaysayan kung saan tutuparin ng Diyos ang isang walang-hanggang pagnanais: ang kanyang kalooban na mahalin tayo, akayin sa kaganapan at pag-isahin kay Kristo.

 

Sasabihan tayo ng Ebanghelyo tungkol sa isang bagong pagsilang ‘sa tubig at sa Espiritu’, ngunit nga­yon pa ma’y nagtatrabaho na ang Espiritu. Sinabi natin sa talata 2 na maaaring sabihing hangin sa halip na Espiritu. Puwedeng isinasaalaala ng salaysay na ito ang isang matandang tradisyon kung saan ang hininga ng Diyos ay lumilibot sa ibabaw ng nagngangalit na dagat, at mula rito lilitaw ang daigdig. Sa katu­nayan, isinulat ito ng mga paring Judio, matapos magpahayag sa loob ng maraming taon ang mga propetang kina­sihan ng Diyos: kaya alam na noon pa na ang hininga ng Diyos ay ang kanyang Espiritu. Naroon na sa simula pa ang Espiritu at ang Salita, at sinasabi na ang mang­­yayari pa; pag dumating na ang anak ng Diyos, na kanyang Salita, ibibigay ang Espiritu upang tayo’y lik­hain o likhain nang panibago sa larawan ng Diyos (Ef 2:15; 4:24).

 

Kaya nilikha ng Diyos ang tao na kanyang la­rawan at kahawig. Ito ang taong nabubuhay sa grasya ng Diyos (Ef 2:15, 4:24). Ngunit binubura ng ating mga kasalanan ang larawan ng Diyos sa bawat tao at sa lipunang ating itinatayo, isang lipu­nang kasakiman at karahasan ang naka­pangyayari. Kaya dumating ang Anak sa sarili niyang ta­hanan (Jn 1:11) para ibalik ang pagkakahawig na ito.

 

Kanyang larawan at kahawig. Isa ito sa mga pangunahing pahayag ng Biblia. Walang makakaisip maghanap ng isang personal na relasyon sa Diyos kung ang kanyang kadakilaan lamang o lahat ng pagkakaiba niya sa atin ang tanging pag-uukulan natin ng pansin. Bakit nga ba pagkakaabalahan ng Walang Hanggan ang mga langgam na gaya natin sa na­paka­lawak na sanlibutan? Subalit pagkakahawig ang sina­sabi ng Biblia. Nangangahulugan ito na inaakay tayo ng mga landas ng Katotohanan, Kagan­dahan, Kata­patan tungo sa Diyos na Walang-Hanggan. Ibinibigay ng Diyos ang kanyang Salita at nakakaunawa tayo nang kaunti.

 

Sa gayon, natatakasan natin ang mga walang pag-asang kongklusyon ng modernong piloso­piya: nawa­lan ito ng Diyos kaya wala nang katotohanang masa­sandigan. Samantalang marami sa mga kapana­hon natin ay nag-aaka­lang sila’y malaya sapagkat nawalan na sila ng dahilan para mabuhay at umasa, ang Biblia naman ay nagbibigay ng kabuluhan sa buhay.

 

Tinutulungan tayong makibahagi sa misteryo ng Diyos sa dulo ng landas kung saan tayo’y nagiging “katulad niya”: sinasabi ng Bagong Tipan na ang landas na ito ay ang pag-ibig.

 

Kayo ang makapangyari. Sa kabila ng kahinaan ng tao, pinili ito ng Diyos para maging tagapag-ugnay sa kanya at sa sanlibutan. Sa unang sandali pa lamang ng paglikha, plano na ng Diyos na maging tao ang kanyang Anak (Ef 1:1-14). Siya ang tinutukoy ng mga salita sa Salmo 8: Sino ang tao na sukat mong ala­­lahanin? Pinutungan mo siya ng luwalhati at ka­rangalan at ibinigay sa kanya ang gawa ng iyong mga kamay. (Tingnan 1 Cor 15:24.)

 

Nagpahinga ang Diyos sa Ikapitong Araw at pinabanal iyon. Hindi nagtatapos ang paglikha sa paglitaw ng taong nagtatrabaho kundi sa Pahi­ngang inihanda ng Diyos para sa kanya (Heb 4:3). Pina­sinayaan ni Jesus ang Pahingang ito sa pagkabuhay niya sa araw na kasunod ng Araw ng Pa­hinga. Ito ang dahilan kung bakit pinili ng mga apostol ang Linggo para sa lingguhang pagtitipon ng mga Kristiyano, at iniwan ang Araw ng Pahinga sa mga Judiong hindi naniwala kay Kristo.

 

 

• 2.4 Pagkatapos ng solemneng awit tung­kol sa paglikha sa sanlibutan na nasa unang kabanata ng Genesis, isa namang mas matanda pang salaysay ang ibinibigay sa atin ngayon ng Biblia: si Lalaki at si Babae sa hardin ng Eden.

 

Maihahambing ang kuwentong ito sa mga talinhaga ni Jesus, lalo na sa talinhaga ng amang nag­hihintay sa pagbabalik ng waldas na anak at sa talinhaga ng haring nangumbida sa kanyang handaan. Inilalarawan si Yaweng Diyos na Banal, bilang may-ari ng isang napakagandang halamanan (Lugod ang ibig sabihin ng Eden) kung saan niya gustong maglakad-lakad paglamig ng init ng araw (3:8). Hindi na kailangang mag-isip pa ng napa­kalaking entablado: dalawang puno lamang ang naroon, si Lalaki at ang kanyang kasamang babae. Pinadaraan lamang ang mga hayop para mapasailalim kay Tao (ito ang kahulugan ng pagbibigay niya ng pangalan sa kanila sa 2:20). At hindi naman nangangailangan ng masyadong lugar ang ahas-Demonyo sapagkat sa puso ni Tao ito na­ka­kanlong. Pero napakaliit man ang Eden ng mag-asawa, ang nangyayari roon ang sa dakong huli’y magtatakda sa kapalaran ng sangka­lupaan. Kaya sa simula pa’y sinasabi nang ang maliit na bukal ng Eden ang nagbibigay ng tubig sa malalaking ilog ng daigdig, lalo na sa Eufrates at Gihon na libu-libong kilo­metro ang agwat sa isa’t isa.

 

Adan ba o Tao ang dapat nating sabihin? Sa Hebreo, ang sinumang tao ang ibig sabihin ng Adan. Kapag ginagamit ang salita bilang pang­ngalang pantangi at walang pantukoy (halim­bawa’y sa 5:1 at 5:3), sinasabi nating Adan. Subalit “ang” Adan ang sinasabi rito ng Biblia, na ibig sabihi’y ang Tao. Ala­­lahanin natin tungkol dito ang salita ng magaling na biblistang si Origenes na nabuhay sa ikatlong dantaon. Isinulat niya: “Tungkol naman kay Adan at sa kanyang kasalanan, ang mga naka­aalam lamang na ang tao ang kahulugan ng Adan sa wikang Hebreo ang siya lamang maka­uunawa sa malalim na kahulugan ng istoryang ito! Sa mga talatang ito na inilalahad bilang istorya ng isang nagngangalang Adan, ibinibigay ni Moises ang kanyang aral tungkol sa kalikasan ng tao.” Kaya si Adan ang kumakatawan para sa buong sang­ka­tauhan: ikaw rin si Adan.

 

Ang simple at walang pasikut-sikot na kuwentong ito ay puno ng malalalim na salita at maka­­­diyos na aral. Bigyang-pansin ang pag­hubog ni Yawe sa putik sa sarili niyang mga kamay. Magaling siyang manlililok at mahusay sa sining. Minamasdan ang hindi pa naka­kikilala sa kanya at inihahanda ito para matang­gap mula sa kanyang pag-ihip ang hininga at buhay. Tung­kol sa hininga ng buhay o kaluluwa ng tao, ting­nan ang talata 83 sa Index: Ang Aral ng Biblia.

 

Putik na pula, “adama” sa Hebreo, ang ipina­gu­gu­nita ng pangalang Adan: alabok ang tao, ngunit kai­langang tumugon siya sa Diyos gaya ng putik sa kamay ng magpapalayok.

 

Ang pagkakatugma ng tao sa sanlibutan ay ipina­hihiwatig din ng makalupang paraiso. Para siyang nasa isang oasis doon, sa gitna ng disyerto, at dapat mamu­hay nang walang takot sa kamatayan. Sina­sagisag naman ng pagka­kaisa ng mag-asawa ang pagkakaisa ng buong sangkatauhan.

 

Buhay ang tao ngunit kung kaugnay ng Diyos lamang. Ang hininga ng Diyos ang laging gumigi­sing sa tao upang hindi ito makatulog o mabuwal sa kan­yang pinagmulan. At siya ang naging pina­ka­matalino, pinakamalupit at lubhang di mapalagay sa lahat ng hayop. Iisang salita lamang sa wi­kang Hebreo ang hininga at kaluluwa: ang Espi­ritu ng Diyos na nag­pa­panatiling nakatayo sa tao. Sa oras na iwan ng Espiritu ang tao, mga ilang minuto lamang o ilang salinlahi’t babalik ang Tao sa ala­bok. Ang Tao, ibig sabihi’y ikaw at ako, o ang pamilya o lipunan. Kaya binibigyang-pansin ng mga pilosopo na pagkatapos ng ika-19 na dantaon na saksi sa matitinding pahayag na patay na ang Diyos, ang ika-20 dantaon naman ang sa kamatayan ng tao, pati na ang kaguluhan at kawalang-pag-asa, ang mga digmaan at pandaigdigang gutom.

 

Kailangang ibalik ng tao sa Diyos ang lahat ng tinanggap niya mula sa Diyos, lalo na ang kanyang hininga. Nanganga­hulugan din ito ng kamatayan at pagsa-Diyos ng Tao: tingnan ang halimbawa sa Mt 27:50. Nang likhain tayo ng Diyos, ang ginusto niya ay hindi ang kamatayang nalalaman at nauunawaan natin kundi ang pinto lamang ng kanyang hardin na doon ay siya ang lahat.

 

Inilagay ang Tao sa hardin para bungkalin iyon: Uunlad ang sangkatauhan sa pagtatrabaho nito sa mundo. At kinailangan siyang magtrabaho nang daan-daang dantaon para lumago at mamunga, at malaman kung ano ito at ano ang puwede rito. Umalis muna si Yawe at naiwan ang Tao sa pagitan ng dalawang puno. Nasa isang tabi ang puno ng Buhay na puwedeng tikman ng Tao habang nasa hardin siya. At habang nararanasan niya ang buhay, alam niyang nasa ka­to­tohanan siya. Ngunit naroon din ang puno ng Kaa­laman tungkol sa Mabuti at Masama; binu­buk­san ng Diyos ang landas ng karunungan para sa tao, ngunit malaya ang tao; tatanggapin ba niya na huwag maging panginoon na nakakaalam at nagpa­pasya kung ano ang “mabuti para sa kanya” sa paglupig sa mundo at sa kanyang sarili?

 

Hindi mabuti na mag-isa ang Tao (2:18). Hindi alam ng Diyos ang pangungulila, at lumi­likha siya ng babae at lalaki hindi dahil ito lamang ang paraang mapipili niya para sa pagsa­salin ng buhay kundi upang itaguyod ang pagmamahalan, ang pagsusuko ng sarili sa isa’t isa at ang pagsasalo sa kasiyahan.

 

Ngunit ang Tao’y walang natagpuang katulong na katulad niya sa mga iyon (2:20). Inihahanda tayo ng pagdaraan ng mga hayop para madiskubre ang walang-katumbas na kaha­lagahan ng Babae. Dapat maunawaan ng lalaki, na akala’y siya ang sentro ng lahat, na ang babae ay kasama at hindi alila.

 

Pinatulog ang Tao (2:21) para magawa sa kanya ng Diyos ang ikalawang yugto ng kanyang paglikha. Isang bagay ang mabuhay bilang isang tao pero isang klase ng muling pagsilang ng mag-asawa ang hinihingi ng pamumuhay bilang mag-asawa.

 

Pareho ang unang pantig ng mga salitang lalaki at babae sa Hebreo. Kinukuha ng Diyos ang babae mula sa tagaliran ni Adan; magiging katabi siya (sa tagiliran) ng lalaki, iba pero kapantay. Ngunit tulad natin, na­limutan ng mga Israelita ang aral na ibinigay sa kanila ng Diyos. Tingnan ang tungkol sa paksang ito; Mt 2:15; Lk 8:11; 1 Cor 7:4; 7:10; Ef 5:31.

 

‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina.’ Sa ugaling Judio, iniiwan ng asa­wang babae ang kanyang pamilya para sumama sa pamilya ng kanyang asawa. Dito nama’y nais ng sumulat ng Biblia na ang babae at lalaki ay kapwa humiwalay sa kanya-kanyang pamilya para magtatag ng isang bagong panlipunang pagkakaisa.

 

At sila’y magiging isang laman: nanganga­hulugan ang ekspresyong ito sa Hebreo na magi­ging isa sila. Para sa Biblia, ang pinag-uusapan ay isang maka-Diyos na misyon. Hindi magsisimula ang mag-asawa sa pagpapasarap sa buhay, ligtas at matiwasay, o bi­lang dalawang makasariling tao: ang kanilang pag­kakaisa ay sa pamilya na kinatatagpuan ng pag­ba­bahaginan at paglilingkod, ang pamilya na pundasyon ng bawat lipunan: kung wala ito, mamamatay na lamang nang walang silbi ang mga tao at mga bansa.

 

Gayunpaman, gunitain natin na, noong unang panahon, kabaligtaran iyon: ang lalaki ang suma­sama sa pamilya ng kanyang asawa. Sa katu­nayan, kapwa nila iniiwan ang bahay ng kani­­lang mga magulang.

 

Para sa nakararami, ang kasal ang siyang balangkas ng pinagpalang buhay na itinaas ni Kristo sa kara­ngalan ng isang sakramento na tumutulong sa kanilang maghanda para sa pangwakas na pagharap sa Diyos. Isa itong daan na puno ng mga patibong, kinukulong at inililigaw ng sanlibong maling kuru-kuro ng mga kulturang lubhang magkakaiba, maging noong pana­hon ng mga barbaro na kalimita’y inaalipin ang babae, o sa mas sibilisadong mga panahon, na puma­pa­nga­lawa siya sa lalaki, mahal pero mas mababa, pinag­pipitaganang ina pero asawang pinababayaan. Ang mga salita ni Jesus tungkol sa kasal ay kabilang sa mga pinaka-di-maintindihan (Mt 19:10).

 

Gayunpaman, maliwanag ang kalooban ng Diyos sa matandang tekstong iyon: ang mga taon ng pagsa­sama sa buhay, ang mga pagsi­sikap na makinig sa isa’t-isa, magka­samang umunawa at magpasya, ang ka­ka­ya­hang mag­pa­tawad at manatiling tapat, ang pagba­ba­­haginan ng panganib sa panganganak at pag­pa­pa­aral sa pamilya: ito ang mga paraan na unti-unting nagbabago sa lalaki at sa babae, at nagbibigay-kaka­ya­han sa kanilang magkaroon ng kaganapan at respon­sabilidad. At ito mismo ang nais ng Diyos na makita sa kanila sa katapusan ng kanilang buhay kung kailan magiging lahat siya para sa lahat.

 

Hubad sila ngunit hindi sila nahihiya, ibig sabihi’y kasundo nila ang kalikasan at ang kanilang katawan. Hindi nila nadarama ang pagrerebelde ng likas na hilig ng katawan at hindi sila asiwa sa harap ng Diyos. Ti­nanggap ng lalaki at babae kung ano sila nang hindi pinagsasamantalahan ang mga kahinaan ng isa’t isa.

 

ANG BIBLIA AT ANG EBOLUSYON

 

Paano natin mapagkakasundo ang paglik­hang ito sa tao mula sa putik ng lupa sa sinasabi ng siyensiya tungkol sa ebolusyon ng lahat ng nabu­buhay sa mundo at sa pani­walang sa hayop nag­mula ang tao?

 

Nasagot na natin ito sa paliwanag sa nagdaang ka­banata. Idagdag natin ang mga sumusunod.

 

Pag inaakala ng mga Kristiyano na may naki­kita silang di-pagkakatugma sa pana­nam­pala­taya at sa pa­nanaw tungkol sa ebolusyon ng mundo, ito’y dahil napapag­kamalan nila ang tatlong magka­kaibang katanungan:

 

1. May ebolusyon ba ng buong sanlibutan at, sa partikular, ng mga may buhay na nilalang? Masasabi ba natin na ang lahat ng narito pa at naglaho nang mga uri ay bahagi ng iisang pamil­ya at nagsimula sa isa’t-isa? Sa ngayon, oo ang sagot ng lahat ng sumuri sa mga katunayan.

 

2. Ano ang mga sanhi ng gayong ebolusyon? Alam na ang mga sanhi ng ilang maliliit na ebolusyon, pero hanggang ngayon, talagang im­po­sibleng ipaliwanag ang pinakaimportante: ang ebolusyon ng mga buhay na nilalang. At mula roo’y hininuha ang sagot sa ikatlong kata­nungan.

 

3. Salungat ba sa pananampalataya ang mga teoriya ng ebolusyon? Hindi siyensiya ang mga haka-hakang ito kundi pilosopiya o ima­hinas­yon, kahit na mga kilalang siyentipiko ang bumabalangkas nito. Ang mananam­palataya o materyalista ay magiging malaya sa paniniwala sa magkasalungat na pananaw.

 

Ngunit itanong natin ngayon: Sino ba ang sumulat sa pahinang ito ng Biblia tungkol sa unang mag-asawa? Isa sa mga pantas ni Haring Solomon ang sumulat nito. Panahon noon na babagong tatag pa lamang ang bansang Israel. Ang mga manunulat ng Israel na ti­ni­pon ni Solomon ang sumulat sa unang mga sag­ra­dong aklat; naimpluwensiyahan sila ng ka­nilang pana­hon at kapaligiran.

 

Liwanagin natin: sila ang sumulat sa mga unang aklat ng bayang Israel. Labinlima o dalawam­pung dantaon nang may sariling literatura ang Ehipto at Babilonia na malalaking kalapit-bansa nila: mga alamat, mga tulang panrelihiyon at mga kasabihan. Hindi nagsimula sa wala ang mga pantas ng Israel, kundi ginamit ang matatandang panitikang ito.

 

Dito isinasalaysay kung paano nilikha ng mga diyos ang mundo, kung paanong nainggit ang mga diyos sa kaligayahan ng mga tao at kung paano nilang pinadalhan ng baha ang mga ito at kung paanong ninakaw sa tao ng isang tusong ahas ang halaman ng kawalang-kamatayan. Gina­mit ng mga pantas ni Solomon ang mga kuwentong ito bilang halimbawa. Ngunit binago nila ang mga alamat na ito upang makapag­pahayag nang tama tungkol sa Diyos at sa tao. Pero kung itatanong natin ngayon gaya ng ginagawa ng siyensiya: paano ba nabuo ang sang­katauhan at ano naman ang kaugnayan nito sa mga hayop? Walang sinasabi ang Salita ng Diyos tungkol dito. Ipinauubaya ng Diyos sa ating talino ang pag­sisiyasat sa mga ito at ito nga ang ginagawa ng mga siyentipiko.

 

Isang panghuling obserbasyon. Ito ang kahanga-hanga para sa atin: tinatanggap ng bawat isa mula sa Diyos ang espiritung ginagawa ang ating pagka-Ako sa larawan ng Diyos. Hindi na mahalaga kung utang man natin sa ating mga magulang ang ating katawan sa­mantalang minana naman ng mga unang tao ang kanila sa mga hayop na ninuno nila. Ang Diyos ang nagtutulak at nagbi­bigay-direksyon sa lahat ng ebolusyon ng mga maybuhay upang lumitaw ang Tao sa huli. Ang Tao na sa totoo’y una sa plano ng Diyos.

 

MENSAHE NG PROPESIYA

 

Hinding-hindi tayo matatapos sa pagpapaliwanag sa mga talatang ito. Gayunma’y hindi natin mauunawaan nang mabuti ang mga ito hanggang hindi natin nakikita na parang mga propesiya pala ang mga ito na naghahanda sa pagpapahayag ni Kristo.

 

Kung si Adan ang kumakatawan sa buong sang­ka­tauhan na iisa ang pinagmulan at iisa rin ang han­tu­ngan, si Kristo kung gayon ang tunay na Adan. Mula sa simula ng paglikha, nasa isip na ng Diyos si Kristo.

 

“Kay Kristo” pinagpala ng Diyos ang sangka­tau­hang ito kung saan lumilitaw na walang kamukha ang bawat isa sa atin ngunit hindi naman maihi­hiwalay sa kabuuan (Ef 1:1). “Kay Kristo” at mula sa simula, ini­ligtas na ng Diyos ang ating buong kasaysayan. Marapat nga lamang na alalahanin natin ang una nating ninuno sa laman, pero iba ang siyang mahalaga, ang “Tao”, ang nagbibigay sa atin ng Espiritu at nag­tatayo sa atin sa harap ng Diyos (tingnan 1 Cor 15:45-49).

 

Ibinibigay sa atin ang mag-asawa bilang tunay na larawan ng Diyos na siya mismong walang-hanggang pakikipagkaisa. Ipinahihiwatig din ng paglikha ng Diyos sa mag-asawa ang misteryo ni Kristo at ang kanyang pagdating sa mga tao bilang asawa ng sangkatauhan (Mc 2:19). Mula sa tagiliran ng na­tu­tulog na Adan isinilang si Eva; mula naman sa tagiliran ng Kristong namatay sa krus umagos ang dugo at tubig (Jn 19:34) na nangangahulugan ng pagsilang ng Iglesyang nilinis sa tubig ng binyag at sa dugo ni Kristo (Ef 5:26 at 31).

 

• 3.1 Ipinakikita ng ikalawang bahagi ng ku­wen­tong Eden ang ikalawang mukha ng tadhana ng tao. Pagkatapos ng Kabanata 2 na nagpahayag ng plano ng Diyos, ang nais niya para sa atin, ibinibigay naman ng Kabanata 3 ang tunay at aktuwal na kalagayan ng tao, at itinatanong dito: Kaninong kasalanan?

 

Pinakatuso ang ahas… Hindi sa Diyos galing ang kasamaan, ni sa iba pang diyos na karibal niya, kundi sa isang naiinggit, kaibigan ng kamatayan (Kar 2:24; Jn 8:44). At gagamitin ng kaaway ang mismong regalo ng Diyos, ang Puno ng Kaalaman tungkol sa Mabuti at Masama.

 

Magugunita natin na ang salitang “kain” ang gina­gamit ng mga Hebreo para tukuyin ang pagsasaulo ng mga salita ng mga pantas sa pamamagitan ng pag­sasabi nang paulit-ulit: “kinakain ang bunga ng karunungan” (Kas 9:5; Sir 24:26). Ang puno ng kaalaman ay parehong “karunungan” at kalayaan: karunungan na sa Hebreo ay masining na sistema ng pamumuhay at pagtatagumpay (tingnan ang 1 H 3:11), at kalayaan ng tao na nagbubukas sa kanya ng kabutihan at kasamaan, ng buhay at kamatayan (Dt 30:15).

 

Inilagay ng Diyos ang tao sa isang sitwasyong may salungatan. Iniaalok sa kanya ang karu­nungan samantalang sinasabi sa kanya: Huwag mong kanin. Hindi makakamtan ng tao ang karunungan maliban kung magpipigil siyang agawin ito. Maraming magsasabi: gustong hamakin ng Diyos ang kanyang nilalang, at ipinamamalay niya na ito’y asang-asa sa kanya. Sa isang banda, tama sila. Ang salaysay na ito ay bahagi ng Matandang Tipan kung saan dala-dala ng mga mananampalataya ang bigat ng isang relihiyong mahigpit at sumasakalaw sa lahat: hindi maiaalis sa kanila na makaramdam kahit paminsan-minsan na sila’y pinipilit. Ngunit kung talagang susuriin mo ang mga bagay-bagay, ang pinakamataas na karunungan, na dumadaig sa lahat pang iba, ay ang kaalaman sa mahiwagang pag-ibig ng Diyos (Ef 3:19): walang makaaagaw nito, ito’y purong grasya, kaloob ng Diyos.

 

Tatlong iba’t ibang yugto ang inilalahad ng sa­laysay: ang tukso, ang kasalanan at ang hatol. Tukso. Inuulit ng ahas sa tao kung ano ang totoo at ang nararam­daman niya sa kanyang kalooban: walang napaka­dakila para sa kanya. Pero pinapag-aalinlangan din niya ang tao sa Diyos.

 

At dumarating ang kasalanan. Kakatwa itong usapan ng tatlo! Ang babae ang humingi, at ang lalaki ang talagang nagkasala. Ang babaeng manunukso, di ba’t ito nga ang katotohanan, lalo na sa isang daigdig kung saan nakapako siya sa mas mababang kala­ga­yan? Posibleng nasak­sihan ng may-akda sa malayong panahong ito ang pagsasamantala sa kababaihan at ang masining na paraan ng mga taong pinag­sasaman­talahan na kontrolin ang kanilang mga panginoon. Nakita niya na hindi pantay ang paghahati sa kahira­pan kaya inisip niyang ang babae ang unang naging di-tapat. Hindi tatang­gapin ng Diyos ang pagdadahilan ng lalaki pero inaakala ng lalaki na pinag­pa­pa­umanhinan siya dahil may nasisisi siya: hindi naman niya ginusto ang nangyari!

 

Laging nalilinlang ang makasalanan. Dala­wang detalye ang nagsasaad sa kabaligtaran ng kasinunga­lingan ng demonyo:

 

– Mamumulat ang inyong mga mata: akala ng tao’y masasakop niya ang Katotohanan; nagi­gising siya at nakikitang hindi siya naging Diyos kundi nadaramang siya pala’y hubad.

 

– Alam ang mabuti at masama, ibig sabihi’y sila lamang ang magpapasya kung ano ang bagay sa kanila. Sa totoo’y ang mapait na kara­nasan lamang ng pagkakasala ang tangi nilang mapapala.

 

Nalaman nilang sila’y hubad. Hindi palagay ang pakiramdam ng taong makasalanan sa kanyang sarili. Ang tapi o ano pa mang damit na gagamitin nila para bigyang-dangal ang sarili ay hindi sapat upang maipag­kasundo siya sa sarili. Hindi niya kayang tagalan ang tingin ng Diyos.

 

Nagtago upang hindi sila makita ni Yawe-Diyos. Bunga ng kasalanan ang takot sa Diyos. Umiimbento ng huwad na larawan ng Diyos ang taong maka­sa­lanan, at ipinapalagay na naiinggit ito sa kanyang kalayaan.

 

Maraming may gustong ituring ang bunga (ang tanyag na “mansanas”) na sagisag ng isang kasalanang sekswal. Hindi ito ang kaisipan ng Biblia. Ang kasalanan ni Adan ay ang kanyang kagustuhang pagpasyahan sa kanyang sarili ang kanyang tadhana. Ang pinakamabigat na uri ng kasalanan (posibleng iniisip ito ng sagradong manunulat) ay ang mahikang gustong humawak ng kapangyarihan ng Diyos. Ito ang layunin kalimitan ng mga pormulario ng mahika, na naglalaman ng lahat ng kanilang kasamaan: “Sundin ang loob ko!”

 

Nasabi na natin na si Adan ang kumakatawan sa buong sangkatauhan. Kasalanan din ng kasalukuyan nating sibilisasyon ang kasalanan ni Adan na gustong pagpasyahan nang mag-isa ang kanyang hantungan. Nitong mga huling dantaon, ang pag­sandig sa kakayahan ng tao sa paglutas sa lahat niyang problema ang nagpasulong sa Kanluraning sibilisasyon: ang di kapani-paniwalang pag­sulong ng siyensiya, tekno­lohiya at maunlad na industriyalisasyon. Hindi masama ang lahat ng ito ngunit pinasama ang kulturang ito dahil sa ilusyong wala nang anumang panganga­ila­ngan ang tao.

 

Hindi na kilala ng tao kung sino siya o kung ano ang kahulugan ng kanyang buhay. At wala siyang naitayo kundi isang mundong mapaniil. Ipinaaalaala sa atin ng kabiguang ito na ginawa tayo ng Diyos para maging mga anak niya at sa sandaling talikuran natin ang ating bokasyon, nagiging Adan tayo na patungo sa kamatayan.

 

Iba pang mga teksto sa Biblia tungkol sa mga paksang ito:

 

Ang matandang ahas: Kar 2:24; Jn 8:44; 2 Cor 11:3; Pag 12:9.

 

Ang maling akala na naiinggit ang Diyos: Mik 6:7; Job 10:13; Mt 25:24.

 

Paghihimagsik sa Diyos: Is 14:14; Ez 28:2; Dan 11:36; Lk 15:11; 2 Tes 2:4.

 

Ang tukso: Mt 4; 6:25; Sir 15:11; Rom 7:8; 1 Cor 10:13; Jaime 1:13.

 

SI ADAN AT ANG WALDAS NA ANAK

 

Dapat basahin ang Biblia bilang isang buong teksto. Ang kasalanang ito ni Adan sa simula ng kasaysayan ng pagliligtas, na mapait sa ating panlasa, ay kaila­ngang muling bigyang-kahulugan sa liwanag ng Ebang­helyo, kaya dumidiretso tayo sa talinhaga ng “waldas na anak” (Lc 15:11). Ang parabulang ito ay higit pa sa isang alaala ng walang-hanggang awa ng Diyos sa makasalanang bumabaling sa kanya: sinasabi nito sa atin kung ano ang pambihirang karanasan ng tao sa mata ng Diyos, ang pambihirang karanasan ng isang waldas na anak. Ngunit kung sa Genesis ay nadidiskubre ni Adan ang kanyang kasalanan, sa parabula nama’y nadidiskubre niyang siya’y anak.

 

Hindi alam ni Adan kung ano siya para sa Diyos: kaya iniisip niyang makipagpagalingan sa Diyos. Ngu­nit tinuturuan tayo ni Jesus na maging mga anak at tinutularan ng mga anak ang Ama (Jn 15:19). Si Jesus ang Anak at ginagawa niya tayong mga anak: ito ang pagpapalaya niya sa atin.

 

 

• 14. Ang hatol ng Diyos ay isang paraan ng pagsasabi kung ano ang ating kalagayan…. Namu­muhay si Adan na di kasama ang Diyos, sa dusa at sa­lu­ngatan. Ang tao ang nilalang na meron ng lahat para mapaligaya ang sarili at inaaksaya ang kanyang mga posibilidad. Madudungisan ng kanyang kahihiyan ang mas maiging bahagi ng kanyang buhay:

 

– ang panganganak at pagpapalaki sa mga anak;

 

– ang relasyon ng mag-asawa, ang mas malakas sa dalawa ang siyang nakapang­yayari. Dito nag­mu­mula ang pagsasamantala sa kababaihan na mula pa sa simula’y siya nang “pinakamalaki sa ina­abusong hanay ng mga manggagawa”;

 

– ang trabaho bilang sanhi ng kawalang-kasiya­han. Kayamanan ang hatid nito sa ilan pero hindi ang tunay na kaganapan ng kanilang pag­ka­tao. Para sa iba, ang trabaho ay isang pasanin.

 

‘Pagkakagalitin ko kayo, ikaw at ang babae.’ Isi­­numpa ng Diyos ang ahas pero hindi ang tao. Hindi maaaring pumalya ang plano: nasa katapusan ang kaligayahan at kapayapaan, pero makakamtan lamang ito ng tao sa nakalilito at malimit ay parang bigong kasaysayan (1 Cor 1:21): ito’y magiging pagliligtas kasama at sa pamamagitan ni Jesus.

 

‘Dudurugin nito ang ulo mo.’ Iniisip ng sumulat ng Biblia ang mabagal na tagumpay ng bayan ng Diyos laban sa kasamaan: Laging sugatan ang mga inapo ng babae pero inaakay ng Diyos tungo sa bagong pag-asa. Ang pag-asa sa tiyakang pananagumpay sa kasamaan ang nagbibigay-buhay sa buong kasaysayan ng Biblia at pinananatili nito tayong listo sa mundo ngayon kung saan inihanda ang lahat para lasi­ngin tayo ng sanlibong ilusyon ng lipunang konsumerista hanggang sa araw na pumunta tayong walang kamalay-malay sa bahay-katayan.

 

Pinangangalanan ni Adan ang kanyang asawa – pangako ng bagong pagsisimula. Inaakay naman siya ng Diyos. Ipinagugunita sa atin ng pagkilos ng Diyos sa “pagdadamit kay Adan at Eva” na sinasamahan niya sa kanyang awa ang sangkatauhan sa mga kasawimpalad na dinala nito sa kanyang sarili bunga ng kasalanan.

 

‘Hindi niya dapat abutin’…. Minsan pang ka­ila­ngang baligtarin ang waring pagkakasunud-sunod ng salaysay. Unang ipinakita si Adan na di sakop ng kamatayan, pero ito ang mithiin, ang wakas na darat­nan natin. Pagkatapos ipinakikita ang Adan na may kamatayan, pero ito ang tunay na kalagayan, ang ating pinagsisimulan. Ang ka­hi­naan at kamatayan ni Adan ay bahagi ng planong pagliligtas ng Diyos. Ang kabu­luhan ng ating buhay ang patuloy na paglago mula sa ating kali­kasang makahayop at may kamatayan – ganito si Adan – tungo sa kabanalan at kawalang-kabulukan ng isa pang Adan, si Kristo (1 Cor 15:45).

 

HUWAG INTINDIHIN NANG LITERAL

 

Nabanggit na natin na kinuha ng sumulat ng mga pahinang ito ang ilan sa mga tauhan ng salaysay mula sa matatandang kuwento, tulad halimbawa ng ahas. Pinanatili rin niya ang ilang kakaibang ekspresyon gaya nito: Naging tulad na ng isa sa atin ang tao… na para bang nata­takot ang Diyos sa pakikipagkompetensiya ng tao. Sa palagay ng sumulat ay hindi na kailangang pawiin ang mga may kalabuang ekspres­yong ito na galing sa isang paganong alamat. Gayun­din naman, ang mga kerubim at sumisiklab na tabak na nag-aapoy ay tumu­tukoy sa ilang rebultong nasa may bukana ng mga siyudad para itaboy ang masasa­mang espi­ritu. Ipinahahayag ng mga paghahambing na ito na ang makasalanang sangkatauhan ay nasa ilalim ng galit ng Diyos (Ef 2:3). Nanga­nga­hulugan ito na hindi makakatagpo ng kaligayahan ang mga tao o matatagpuan ang Diyos hanggang hindi nila buong kababaang-loob na tinatanggap ang nagpa­laya sa atin at siyang daan tungo sa buhay, si Jesucristo.

 

KASALANANG ORIHINAL

 

Maaaring magkaroon tayo ng mga pag-aalin­langan kung naituro sa atin na dahilan sa pagkakasala ni Adan kaya tayo isinumpang mabuhay nang malayo sa Diyos at mamatay. Kinokontra kaya ng Diyos ang kanyang sarili, siya na nagsasabi sa atin na huwag parusahan ang sinuman dahil sa mga kasalanan ng kanyang mga magulang (Dt 24:16)? Kung inilahad ang pahinang ito bilang tunay na pangyayaring pangkasaysayan o bilang kasaysayan ng pagkakasala ng unang tao, maaari pa tayong malito dahil sa ipinahahayag ngayon ng siyensiya tungkol sa pinagmulan ng tao. Paano natin maipalalagay na gawa ng unang taong babago pa lamang nakalalampas sa pagkahayop ang isang kasala­nang may napakabigat na kinahinatnan?

 

Ngunit nasabi na natin na si Adan ay kuma­katawan sa Sangkatauhan. Kayat pag pinag-uusapan natin ang kasalanang orihinal, hindi ito kasalanan na idinadag­dag sa mga nagawa na natin: Ito’y isa pang paraan ng pagtingin sa kasalanang nasa sangkatauhan. Nanga­nga­hulugan ito na:

 

1) hindi pagkakasala ng hiwa-hiwalay na mga tao ang ating mga kasalanan: ang pagkakasala ng ating mga ninuno at ng ating kultura ang kumukundisyon at lumilimita sa ating kalayaan mula pa sa simula;

 

2) mas malakas ang paghingi ng ating katawan at damdamin kaysa ating budhi at nauuna itong kumilos, kaya karaniwan nang ipinakikita ng tao ang kanyang pagkatao sa pagtanggi at pagre­rebelde sa harap ng Batas ng Diyos;

 

3) kalakip sa kalayaan ng tao ang isang hiwagang nakapagpapagulo sa ating isipan.

 

Sa simula’y naranasan natin na may kapang­yarihan at nakapangyayari sa atin ang Diyos, kaya ikinukubli ng ating pagsamba ang mga damdaming mapang­hi­magsik. Ang Diyos na ito (ang Diyos na pinakikitu­nguhan ni Adan) ay hindi ang tunay na mapagmahal at maawaing Ama.

 

Pinagtitibay ng Ebanghelyo, lalo na ng kay Juan, na inaalis ni Jesus kay Satanas ang kamkam nitong kapangyarihan sa buong sangkatauhan. Ang kapang­yarihang ito ay hindi niya nakuha nang walang pakikipagsabwatan sa parte natin, at naroon, tiyak, ang isang sangkap ng misteryo ng tinatawag na “pagkadapang orihinal”; hindi natin masabi kung ang kasa­lanang ito ay bukod sa lahat ng iba pa o isa pa itong mukha ng kasalanan ng sang­katauhan na ginawa sa kahabaan ng panahon, na lumalaking parang bolang niyebe mula sa simulang nali­lingid sa kasaysayan ng sangkatauhan.

 

Kaya bago pa man lumitaw ang mga unang pagaalinlangan tungkol sa ating kapalaran, binigyang-katwiran na ang mga ito ng ating mga unang kara­nasan: ang pagkabata ay sinugatan na ng karahasan at mga pagkakanulo sa paligid nito at ng pagpapaulan ng mga maling pagpa­pahalaga.

 

(Tingnan tungkol sa paksang ito ang aklat ni Job, at bigyang-pakahulugan ito gaya ng ginawa ng tradisyon sa kabuuan, hindi bilang aklat tungkol sa pagdurusa kundi bilang pahayag ng pagkasiphayo ng naka­ka­kilala sa Diyos pero hindi siya makatagpo.

 

SI KRISTO AT ANG KASALANAN NG MUNDO

 

Para marating ang tunay na pananampalataya at pagpapaubaya sa Ama, kailangang maihanda tayo ng Diyos na personal na dumarating sa atin sa pama­ma­gitan ng kanyang bugtong na Anak, si Kristo. Hinding-hindi tayo ang unang nag­mahal sa Diyos (1 Jn 4:10).

 

Ang misteryong ito ang sinisikap ipaliwanag ni Pablo sa mga kabanata 1-8 ng sulat sa taga-Roma. Doon niya tinatalakay nang buong lakas ang kasa­lanan ni Adan, hindi paraipaliwanag ang pang­kalahatan ng kasalanan sa kasalukuyan dahil sa kasalanan ng unang tao, kundi para bigyang-diin ang pagliligtas ni Kristo. Si Jesus lamang ang tunay na ulo ng sangkatauhan at siyang makapagbubuklod dito. Sa pagsasalita tungkol kay Adan, gusto ni Pablo na bigyang-katauhan kay Adan ang buong makasalanang sangkatauhan sa harap ng kanyang Taga­pagligtas.

 

Si Jesus ang “nagbabayad sa kasalanan ni Adan”. Ibig sabihi’y naparito siya hindi lamang para pagbayaran ang kalahatan ng mga kasalanan ng bawat isa, kundi sinisimulan ng kanyang krus at muling pagkabuhay ang daloy ng grasya sa mundo at ang pag­ka­kabuklod sa kabutihang maghahatid sa sang­ka­tauhan sa paglago at pamumungang dapat nitong mara­ting.

 

Sinasabi nating “binubura” ng binyag ang kasala­nang orihinal: nangangahulugan ito na ang relasyon natin sa Diyos bilang kanyang mga anak na nagsimula sa binyag ay ang pagtatakwil at pinaka­lunas sa maling pagsasarili na nagku­kulong sa tao sa kasalanan at kamatayan.

 

ANG BABAE – ANG IMAKULADA KONSEPSIYON

 

Sa pagsasalita tungkol sa supling ng Babae, iniisip ng sumulat ang pakikibaka ng sang­katauhan sa kasamaan, na laging sugatan ngunit matagumpay sa huli.

 

Ngunit sa paglipas ng panahon, ang mukha ng isang mananakop, ang Anak ng Tao na siyang bida sa pinaka­importanteng labanan ang lalong bini­bigyang-diin at tinutukoy rito ng mga sumu­sunod na manunulat sa Biblia.

 

Ang Babae ang sangkatauhan, na siyang nagsi­silang sa Tagapagligtas, sa Tagapagligtas nito na bunga ng kagandahang-loob ng Diyos (Is 45:8). Tung­kol sa Babae rin ang sasabihin sa Pagbubunyag 12. Si Maria at ang Iglesya ang tinutukoy ng larawang ito dahil kapwa pumasok sa pakikipag-isang-dibdib sa Diyos si Maria at ang Iglesya. Ipi­nanganak ni Maria si Jesus; ang Iglesya naman ang ina ng lahat ng ipina­nga­nganak sa tubig at Espiritu at nagiging pinaka­katawan ni Kristo, na unti-unting sumasakop sa lahat ng tao.

 

Inilalarawan natin si Maria na dumudurog sa ulo ng ahas para ipahayag na iningatan siya ng Diyos mula sa kasamaang umaapekto sa ating lahi. Higit pa rito, hindi nais ng Diyos na ang panahon ng bu­lag na ka­­layaan ng tao ay mapa­lagay sa pagitan ng unang sandali ng paglilihi kay Maria at sa unang pag­hahayag ng Diyos Ama. Kaya mula sa simula’y inihanda na siya ng Diyos na puspos ng grasya upang ang buong buhay niya ay matatag, lumago at mamunga ayon sa ka­ga­napan ng diwa ng pagi­ging anak ng Ama. Ang pribi­lehiyong ito ni Maria ang tinatawag nating Imakulada Konsepsiyon o ang paglilihi sa kanya nang walang anumang dungis.

 

Si Maria ang ganap na nilalang, na di maihi­hiwalay sa Anak ng Babae, si Jesucristo. Inilagay siya ng Diyos sa gitna ng maraming makasalanan na dapat naman niyang tulungan. Isang Babae (Jn 2:4, 19:26) ang modelo ng lahat ng maliligtas. Si Maria ang bagong Eva at Ina ng mga alagad ni Jesus (Jn 19:26).

 

 

• 4.1 Ang istorya ni Cain, tulad ng Paraiso sa lupa ay hindi pangyayaring pangkasaysayankuwentong panrelihiyon na itinuturo sa atin ang kaibuturan ng kundisyon ng tao sa paggamit ng paghahambing. Ipinakikita nito sa atin ang karahasan bilang mahalagang bahagi ng ating kasaysayan. Nasa puso ng tao ang mga ugat nito (4:7) at ang mga kalugud-lugod sa Diyos gaya ni Abel (4:4) ay ang unang biktima nito. Sumisigaw sa Diyos ang dumanak na dugo (4:10), at siya ang naggagawad ng katarungan ngunit hindi tulad natin na mapag­higanti at marahas (4:15). kundi isang

 

Sa simula’y walang kaugnayan ang istorya ni Cain sa kuwento nina Adan at Eba at ng kanilang mga anak. Ang manunulat ng Biblia ang kumuha nito at siya ring naglagay nito sa lugar na ito. Ini­ugnay niya ang istor­­yang ito sa naunang kuwento sa pagsasabing anak ni Adan si Cain. (Kayat walang lugar para sa walang-saysay na mga tanong tungkol sa kung sino nga ba ang napangasawa nina Cain at Abel: hindi layunin ng Biblia na isalaysay ang mga unang yugto ng lahi ng tao.)

 

Tulad ito ng pambansang kasaysayan ng tribu ng mga Cainita (o Kenita: Hkm 1:16; 4:17) na na­ging bahagi ng Israel. Ayon sa nasasaad sa mara­ming matandang alamat, si Cain ang nagtatag ng tribu. Pinatay niya ang kanyang kapatid na pu­wedeng maging karibal pa niya, dahil ito ang kun­disyon noon sa pagkakaroon ng kapangyarihan sa pulitika. At isini­lang ang isang lipunang may iba’t ibang tungkulin (4:19-22); at si Lamec naman ang naging tagapag­salita ng pagpapahalaga sa sarili ng bansa (4:23); matututuhan ng sambayanan ang pagganti sa mga umaapi sa kanila.

 

Sa paghiram ng manunulat sa Biblia sa alamat na ito, binigyan niya ito ng ibang kahulugan at inilagay ang pakikipag-usap ng Diyos kay Cain bilang hatol sa karahasang ito: “Sa akala mo’y makatarungan ka: Mali! Nakagawa ka ng krimen.” Tulad ito ng pag­sasabi nating: “Ka­y­ong mga nagkukunwaring naglilingkod sa mga sagradong interes ng bansa, hanggang kailan ninyo ililigpit at patatalsikin ang mga di ayon sa inyo?”

 

Sa Biblia, si Abel ang halimbawa at siya ring pina­kauna sa mga walang-salang pinatay. Ipinahihiwatig dito at sa iba pang talata sa Biblia na iniligpit sila dahil sa pagiging matuwid nila (Mt 23:35; Heb 11:4; Jn 8:44; 1 Jn 3:12).

 

 

• 17. Isinama ng mga banal na awtor sa pagitan ng simula ng mundo at ng simula ng kanilang kasay­sayan (ang pagtawag kay Abraham) ang kanilang nalalaman tungkol sa nakaraan ng sangkatauhan. Nalaman nila ang mga ito sa sarili nilang paraan sa pamamagitan ng mga tradisyon at mga alamat.

 

 

• 5.25 Nabuhay si Matusalem nang siyam­naraan anim­­napu’t siyam na taon! Kailangang-kailangang ipasok ang idea na napakahaba ng panahon mula sa simula ng mundo hanggang sa mga ninuno ng bayan ng Diyos, at hindi maparami ang mga pangalan. Gaya ng mga taga-Babilonia bago dumating ang baha, na naglagay ng labing-isang hari na hindi kapani-paniwala ang haba ng buhay, kina­ilangan din ng mga Israelita ang ilang Ma­tu­salem. Inisip ng mga nana­nam­pa­latayang Israelita na sumulat ng tekstong ito na mas magaling kaysa kanila ang kanilang mga ninuno. Inakala rin nila na dahil mas magaling nga ito kaya naman ginantimpalaan sila ng napakahabang bu­hay.

 

Sa maalamat na listahang ito ng mga ninuno ng sangkatauhan, lumilitaw ang pangalan ni Enoc, ang matuwid, na dinala ng Diyos sa langit tulad ng nangyari kay Elias (2 Mga Hari 2).

 

 

• 6.1 Matutunghayan natin sa 6:1 ang isang popular na paniwala ng mga Israelita. Ang mga “Anak ng Diyos” sa simula ay mga diyos, at naging mga ma­kalangit na lingkod ng Diyos. Sa mga unang pahinang ito ng Biblia, natatagpuan natin ang tradisyon ng isang pagsubok sa mga makalangit na nilalang sa simula ng mundo, at ang pagbagsak ng marami sa kanila (Mt 25:41; Pag 12:4; 12:7).

 

Huwag nating kalimutan na samantalang nani­ni­wala tayo sa pag-unlad ng sangkatauhan, inisip naman ng mga bayan noong unang panahon na mas malakas at mas maraming alam ang kanilang mga ninuno kaysa kanila. Sa pagsasalita nila tungkol sa pagmamataas ng taong nais makipagpaga­lingan sa Diyos, inisip nila na iyon ang kasalanan ng kanilang mga ninuno. Ngunit para sa atin, ang pag­mama­laking ito ay parang mas bagay sa mga kapa­nahon natin na naging palalo sa pag-unlad ng teknolohiya. Subalit maliwanag ang aral: hindi matatagpuan ng “superman”, maging siya man ang maghari sa langit, ang mga daan ng Diyos.

 

 

• 5. Balisa tayo lalo sa kasalukuyan pag nakikita natin ang paglaganap ng ilang kasamaan, maging ito’y ang mga bawal na gamot o ang lubos na kawalan ng paghubog na moral sa napakaraming kabataan na di tinuruan ng anuman ng mga nakatatanda sa kanila maliban sa magpasarap sa buhay. Nakikita sa kasay­sayan na nangyayari ang mga krisis kung minsan para maglinis sa pamamagitan ng pagwasak o pagliligpit. Huwag matakot. May nalalabi na laging tatakas sa bagyo at muling magtatayo. Lulubog naman nang buo ang mga bahagi ng ating kultura na madungis. Para magsimula uli, kailangang mawala ang pag-asa sa sarili lamang na nakatatak sa ating pagkatao: kailangan nating tanggapin ang panganga­ilangan sa isang tagapagligtas.

 

Ayon sa istorya ni Noe, ito ang balak ng Diyos sa Malaking Baha. Pero hindi niya winasak ang lahat kundi iniligtas ang Matuwid na si Noe upang umusbong mula sa kanya ang isang lahing banal. Sa banal na kasaysayan, ipapataw ng Diyos sa taksil na bayan niya ang pinakamabigat na kapahama­kan ngunit lagi siyang magtitira ng Malalabi (Is 4:2-6; 6:13).

 

Ganito pinili ng Diyos si Noe mula sa lahat ng inapo ni Adan; ganito rin pipiliin si Abraham mula sa lahat ng inapo ni Noe. At si David mula sa mga anak ni Abraham at sa dakong huli’y si Kristo, isa sa mga anak ni David na kinatawan at Tagapag­ligtas ng buong sangkatauhan. Ipina­kikita ng Biblia ang pagkakaibang ito: nag­karoon ng epekto sa buong sangkatauhan ang kasalanan ng isang taong si Adan, at winalang-saysay ang pag-unlad ng sibilisasyon. Kabalig­taran naman nito ang pagtutuon ng pansin ng Diyos sa isang bayan, isang angkan, isang tao na magliligtas sa lahat (Rom 5).

 

Tulad ni Noe ang may pananampalataya. Payag siyang pumasok sa mga plano ng Diyos at naki­kipag­tulungan sa kaligtasan ng mundo. Hindi sapat na sabihing “May pananampalataya ako.” Maihahatid ba ako ng pananam­palata­yang ito na ma­isakripisyo ang aking sarili para baguhin ang mun­do? Sa harap ng mga pabaya, ng mga tamad at mga bulok, ang taong may pana­nam­palatayang si Noe, ay nagsi­mulang gumawa. At hindi siya nag-alinla­ngan ni pinanghinaan ng loob habang itinatayo niya ang kakatwa at parang walang-silbing barko.

 

At sumapit ang oras na iniligpit ng Diyos ang mga hindi handa na mas ginustong agad na magpapasarap sa buhay kaysa gumawa para sa kinabukasang itinuro sa kanila ng Diyos (Mik 3:9-12; Sof 2:1-3; Mt 24:38).

 

Malaki ang impluwensiya ng matatandang ala­mat sa istorya ni Noe. Isinulat ito sa unang pagkaka­taon sa panahon ng Haring Solomon. Nang sumu­nod na mga panahon naman, idi­nagdag ng mga paring Judio ang mga talatang nasusulat sa mas maliit na mga pahilig na titik.

 

Maraming beses na binabanggit sa Bagong Tipan ang istorya ng Baha (tingnan 1 P 3:20 at 2 P 2:5). Itinuturo nito sa atin na gustong bagu­hin ng Diyos ang ating makasalanang daig­dig. Kaya kailangan ang isang paraan ng pagli­linis at pagsusuri hindi lamang sa masasamang kaugalian kundi maging sa pinakaugat ng ating kultura. Bilang pasimula, kaila­ngang iwaksi natin ang ating pagmamataas at ami­nin na nanga­ngailangan tayo ng isang Tagapagligtas.

 

Para bang ang Iglesya ang Barkong ito na pina­pasukan natin sa pamamagitan ng pana­nam­palataya at binyag, at tinatanggap tayo ni Kristo, ang bagong Noe. Tiyak na magiging isang pagkakamali kung magkukulong tayo sa loob ng Iglesya na kublihan ng ligtas na at mula rito’y kondenahin ang lahat ng nang­yayari sa daigdig at malimutan ang misyon nating iligtas ang mundo (Jn 3:17). Ngunit huwag nating kalimutan na ang Iglesya ang tanging pag-asa ng mundo at walang anumang gawa ng tao ang maka­papasok sa Kaharian nang hindi dumaraan sa mga tubig na dumadalisay at pumu­puksa.

 

 

• 8.20 Kailanma’y di ko na muling isu­sumpa ang lupa dahil sa tao. Sa mga salitang ito, tinitiyak sa atin ng Biblia na hindi madadala ng mga kamalian at krimen ng tao ang kasay­sayan sa ganap na kagu­luhan. Hindi lamang patuloy na magbibigay-init ang araw, ng tinapay ang lupa, kundi sa bawat dantao’y maka­ka­tagpo ng solusyon ang sangka­tauhan sa mga problema nito.

 

 

• 9.1 Ang bendisyon ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak (o sa buong sangkatauhan) ay nag­si­silbing paliwanag sa naunang pangako. Bigyang-pansin natin ang mga sumusunod:

 

Pinagtitibay ang tungkulin ng tao sa pagiging kati­wala ng sangnilikha (b. 2).

 

Makakain ng tao ang karne ng mga hayop (b. 3) pero hindi ang dugo (ihambing sa 1:29). Para sa kulturang Hebreo, nasa dugo ang kalu­luwa, o ang buhay mismo ng isang nilalang. Kaya ang kumain ng karne ng hayop nang hindi inalisan ng dugo ay parang paglapastangan na sa pagkasagrado ng buhay (tingnan Lev 17:10-14).

 

 

Nangangahulugan ang pakikipagtipan ng Diyos sa sangkatauhan (b. 8) at sa lahat ng galing sa Barko na may malasakit ang Diyos sa lahat ng ginagawa ng mga tao: ang kanilang kultura, mga imbensyon, at matuwid na mga ambisyon. Hindi lamang Diyos ng mga suma­­sampalataya ang Diyos kundi Diyos siya ng lahat. Hindi lamang ang kaligtasan ng mga kaluluwa ang hangad ng Diyos: sa pamamagitan ng mapanlikhang gawa ng sangkatauhan, binibigyang-kakayahan niya ang mga tao na umunlad sa kamalayan at respon­sabilidad at inihahanda sila sa paki­kiisa sa kanya sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

 

Hindi nagpakilala ang Diyos sa lahat ng grupo ng tao, di-tulad sa Israel at pagkatapos ay sa mga Kristiyano. Ngunit sa bawat tao sa bawat bansa, nag­bibigay siya ng mga tanda ng kanyang kalinga at kabutihang-loob sa mga pangyayari sa araw-araw. Ito ang ibig sabihin ng kanyang paanyaya sa kanilang tingnan ang bahaghari para ma­alaala ang kanyang pakikipagtipan (b. 12).

 

 

• 18. Sa mga primitibong kultura, sa pagha­hanap ng mga tao sa mga karanasang supernatural, gina­wa nilang sagradong seremonya ang paglalasing. Na­niniwala sila na nasa alak ang mga buhay na pu­wer­sang makapag­pa­patakas sa kanila sa paglipas ng pa­nahon. Isina­alang-alang ng Biblia ang mga kaba­lisahang ito at mas ginugustong paranga­lan si Noe kaysa sumpain.

 

 

• 10.1 Ang tatlong anak ni Noe ang mga sagisag na kumakatawan sa tatlong grupo ng tao na bumu­buo sa sangkatauhan ayon sa mga Israelita:

 

– Ang kanilang grupo, ang mga Semita (kabilang dito ang mga Arabo). Tinawag nilang Sem ang kani­lang ninuno na ibig sabihi’y “Ang Pangalan”, na siyang nakaka­kilala at nag-iingat sa Pangalan o ang Presen­siya ng Diyos.

 

– Ang isa pang grupo, si Jafet na binubuo ng mga bayang Europeo, sila ang bubuo sa imperyo ng mga Griyego at mga Romano.

 

– Ang isa pang grupo’y ang mga bayan ng Africa, lalo na ang Misraim o Ehipto, at ang Kus o Etiopia. Gayundin ang mga Kananeo na nasa Lupang Banal bago iyon sinakop ng mga Israelita. At dahil laganap noon sa mga Kananeo ang imoralidad sa sex, pina­lalabas sa salaysay na kulang sa pagiging disente si Kam na ninuno ng mga ito.

 

Sa listahang ito ng mga ninuno, magkakahalo ang mga pangalan ng mga bayani sa mga alamat sa listahan ng mga bayan at mga lunsod bilang “mga anak” ng ganito o gayong lahi. Halim­bawa: lahat ng nabanggit sa mga bersikulo 2-6 ay mga bayan at tribu, at hindi mga tao.

 

 

• 11.1 Madaling maipakikita na inuulit lamang ng salaysay na ito tungkol sa Tore ng Babel ang ilang bahagi ng mga alamat tungkol sa Babel o Babi­lonia na pinakatanyag na kabisera nang pana­hong iyon, na may mga tisang gusali at kakaibang mga tore na parang di tapos. Sa 11:7, pinanatili ng manunulat ng Biblia ang isang malabong ekspres­yon mula sa mga paganong alamat na ito: kung saan natakot ang mga diyos sa kapalaluan ng mga taong nagbabanta sa kanila hang­gang sa mga bahay nila sa langit.

 

Maliwanag na kinokondena ng istoryang ito ang mga tunay na krimeng ginagawa sa lahat ng panahon, ngunit tulad ng Baha, pagha­hambing lamang ito o isang talinhaga at hindi tunay na pangyayari.

 

Ibinigay ng Diyos sa mga tao ang misyong okupahin ang lupa at pabungahin ito. Ngunit mas ginusto ng mga tao ang kanilang seguridad kaysa maging malikhain. At paraan ng pagbi­bigay-kasiyahan sa kanilang kaya­ba­ngan ang tingin nila sa pambansang kapangyarihan. Sa halip na lutasin ang mga problema ng kawalang-kata­rungan at di-pagkakaunawaan na nasa bawat lipu­nan, mas ginusto nilang iukol ang kanilang mga pagsisi­kap sa mga proyektong makapagpapatanyag sa kanila.

 

Basta na lamang isinakripisyo ang mga lehitimong karapatan ng milyun-milyong alipin para sa nag­lalaki­hang mga proyekto ngunit nananatili pa ring di tapos ang mga ito. Ang galit at pang-aapi ang nagbibigay-daan sa mga pagkakahating di malulunasan para sa salinlahing susunod o dantaong darating.

 

Diyos lamang ang makapagbubuklod sa atin: ang unang pangako kay Abraham ay ang gagawing pag­bu­buklod ng Diyos sa lahat ng bansa sa supling nito (Gen 12:3). Sa pagdating naman ng Espiritu Santo sa puso ng mga mana­nampalataya sa araw ng Pente­kostes (Mga Gawa 2), bibigyang-kakayahan silang mag­kain­tindihan sa iisang lengguwahe ng pag-ibig. Isinisilang ang Iglesya at binubuo ng mga taong mula sa iba’t ibang bansa at wika. Saman­talang mag-isang nag­ta­trabaho ang makasa­lanan at isang mapang-api at baog na kulturang lalaki ang pinahahalagahan, ang nananam­palataya nama’y payag na lumikhang ka­sama ng Diyos at nagmamalasakit na mapabuti ng tao ang sarili sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa isa’t isa at pagkakabuklod sa iisang Espiritu (Ef 2:14-22).

 

Nakapukaw ng interes noon ang pagkakaiba ng mga lengguwahe, pati ng mga kultura. Pina­niniwalaan nga­­yon na nagsimulang magsalita ang tao laksa-laksang taon na ang nakalilipas; pero patuloy ang ebolusyon ng lengguwahe, lalo na kung hindi ito isinu­sulat para gawing perma­nente ito. Sa panahong iyon na walang komu­nikasyon ang maliliit na grupo ng tao na naka­kalat sa mga kontinente, ilang henerasyon lamang ang kinakailangan para dumami nang husto ang mga lengguwahe.

 

 

• 26. Si Tera ang ama ni Abraham. Ano ang alam ng mga Israelita sa kanilang amang si Abraham?

 

Dapat nating maunawaan na ang istorya ni Abra­ham ay di tunay na nangyari sa kasaysayan sa lahat ng nasasaad dito. Para itong isang aklat ng pananam­palataya kung saan inilalahad sa atin ang mga yugto at mga karaniwang pag­subok na dinara­nas ng bawat mananam­palataya sa kanyang buhay. Makikita natin ito na ginagampanan ni Abraham.

 

Humigit-kumulang, may kung anong pina­ni­ni­wa­laan tayong lahat. Nagbibigay-kapana­tagan ito sa atin pero malimit ay hindi natin ito pinangangatawanan. Kaya naman sinasabi ng mga ateo na opyum ang relihiyon. Ngunit ang pananampalataya ayon sa Biblia ay nasa paniniwala sa Kanya na tumatawag sa atin para pumasok sa isang kasay­sayan, sa isang patuloy na pagsulong. At ang ganitong pananam­palataya mismo ang makikita kay Abraham.

 

 

• 12.1 Madaling makikita sa mapa ang arkong binubuo ng matatabang lambak ng Mesopotamia at ng mga kapatagan ng Kanaan. Sa loob ng arkong ito’y may mga talampas at mga disyerto na nilalakbay ng tribung nomad na salat sa pagkain at laging naghahanap ng pastulan para sa kanilang mga tupa at mga asno.

 

Kinainggitan ng mga nomad na ito ang natatanaw nilang mga tagabukid at mga tagasiyudad sa ka­patagan. Kung minsa’y tinatangka nilang agawin ang lupain ng mga ito ngunit karaniwa’y sa negos­yo sila naghaharap o kung kinakaila­ngan ang kani­lang ser­bisyo.

 

Kabilang ang mga nomad na ito sa lahi ng mga Amorreo, at isa sa kanila si Abraham. Lumipat sa Haran si Abraham at ang kanyang pamilya pati na ang kanyang mga kawan mula sa Ur (11:31), at doon sila nanirahan.

 

Matanda na si Abraham: Pitumpu’t limang ta­ong gulang si Abram (b. 4), at maraming grupo sa paligid niya ang nagpatimog sa paghanap ng mas matabang lupa. Pero bakit siya susunod sa ka­nila? Lipas na ang panahon niya, at ang masama pa nito’y wala siyang mga anak. Masisimulan bang muli ng taong ito ang kanyang buhay?

 

Ngunit tinatawag siya ng Diyos: “Lumakad ka, pati ikaw, pagkat may naghihintay sa iyo.” At umalis nga si Abraham, gaya ng maraming kaba­­bayan nating nangingibang-bayan ngayon, na napi­pilitang lisanin ang sariling bayan para maghanap­buhay, hindi alam kung saan pupunta at kung ano ang mangyayari sa kanilang buhay. Ang tanging alam ni Abraham ay ito ang hinihingi sa kanya ng Diyos para maibigay sa kanya ang matagal na niyang pinakamimithi sa buong buhay niya.

 

Magpunta ka sa lupang ituturo ko sa iyo. Pina­nga­kuan ng Diyos si Abraham ng lupa at mga anak, at tinanggap ni Abraham ang panga­kong ito. Kahit na matanda na siya, may pag-asa pa rin sa kanyang puso para sa impo­sible at ang pagiging bukas-loob niyang ito o ang kakaya­hang ito para mabago, ang nakalugod sa Diyos nang higit sa anumang mabuting gawa.

 

Sa pamamagitan mo’y pagpapalain ang lahat ng bayan sa daigdig. Sa isang mundong hati, isang taong walang sariling lupa ang pinili ng Diyos para umpi­sahan ang Kahariang titipon sa lahat. Mula noo’y mga dukha na at mga walang pinanghahawakan sa buhay ang pipiliin ng Diyos para iligtas ang mundo. Sa kanila, at kay Abraham, ipinanga­ko ng Diyos ang Siyudad na walang hanggan (Heb 11:8).

 

Gagawin kong dakila ang iyong pangalan. Sa totoo’y bale-wala si Abraham at maglalaho rin ang kanyang pangalan at di maaalaala ninuman. Ngu­nit ang pagtawag sa kanya ng Diyos ang magpapalitaw sa kanya mula sa wala. Magsisimula siyang magkaroon ng pangalan at mabuhay sa ilalim ng kalinga ng Diyos na buhay (Mc 12:26).

 

ANG PANANAMPALATAYA

 

Nagsisimula sa pag-alis ni Abraham ang tunay na pananampalataya, ang pananampalataya ng bayan ng Diyos.

 

1) Isinisilang ang pananampalataya mula sa pag­tawag ng Diyos. Hindi utang ninuman sa kanyang sarili ang kanyang pananampalataya at pagbabagong-loob. Hindi si Abraham ang nag­kusang umalis o kaya’y umimbento ng bagong paraan ng paglilingkod sa Diyos. Ni hindi rin siya inimbita ng Diyos na puwede niyang oohan o hindian. Pautos ang tawag sa kanya ng Diyos, at ganito rin ang nangyari sa mga dakilang propeta at mga santo. Ganito sila pinalaya ng Diyos. Sapagkat dahil sa kasalanan, isinisilang at nabu­buhay na parang nasa banyagang lupain ang lahat ng tao. Nakakaalpas sa kanila ang kato­tohanan ng kanilang buhay, hindi sila naka­ugat sa Diyos at nakabuklod sa kanya. Hindi sila pina­hihintulutan ng kanilang mga relihiyon at ideolo­hiyang produkto ng kanilang kultura na lampasan ang mga hangganan ng isang mundong ginawa para bumagay sa kanila. Para mamulat sila sa kani­lang bokasyon, kailangan silang tawagin ng Diyos at kailangan namang loobin nilang lumabas mula sa walang-saysay na takbo ng mga pangyayari.

 

2) Inilalagay tayo ng pananampalataya sa pagli­lingkod sa Gawa ng Diyos na iligtas ang sangka­tauhan. Sa pamamagitan mo’y pagpapalain ang lahat ng bayan sa daigdig. Maaaring sa umpisa’y inakit tayo ng Diyos sa pama­magitan ng kung anong personal na pagpapala. At saka naman niya ibinabahagi sa atin ang kanyang mga plano sa pagliligtas sa daigdig. Para makasunod kay Kristo at maging bahagi ng kanyang Bayan, kailangang maniwala tayo sa mga pangakong binitiwan ng Diyos sa bayang ito: itinalaga tayo ng Diyos na maging lebadura at liwanag ng mundo.

 

3) Isang pakikipagsira ang hinihingi ng pana­­nampalataya. Inoobliga tayo nitong tumingin sa hina­harap na hindi pinanghihinayangan ang anu­mang nawala sa init at ginhawa sa sina­pupunan ng ina. Lumalaki ang tao sa paglampas niya sa mga “krisis” ng buhay: pag-alis sa kanyang pamilya, pag­pasok sa trabaho, pag-aasawa… Sa pamama­gitan ng pananam­pala­taya, naga­gawa nating tingnan nang may pag-asa ang mga “pakikipagsirang” ito. At inihahatid din tayo na hara­pin ang mas ma­sakit pang mga “pakikipagsira” na higit na nag­ta­talaga sa atin sa paglilingkod sa Diyos. Ang pana­nam­palataya ang dakilang pamamaraan upang ma­rating ng tao ang paglago at pagiging ma­bunga.

 

4) Kaiba sa taong “makalupa” na nagtatayo ng kanyang buhay ayon sa panukat ng karu­nungan ng tao at naniniwalang alam niya kung saan siya papunta, ang mananampalataya nama’y naghahanap ng mga palatandaan ng Diyos para makita kung saan siya gustong dalhin ng Diyos. Magpapagala-gala siya hang­gang sa huling araw ng kanyang buhay sa paghahanap ng ibang katarungan at ibang kaganapang higit pa sa makatao (Mt 5:20; Lc 12:32; Heb 11:13).

 

Ang inapo ni Abraham: tingnan Mt 3:7; Jn 8:33; Mga Gawa 3:25; 13:26; Rom 4:13; Gal 3:8.

 

Abram at Abraham: Gen 17:5.

 

 

• 10. Sabihin mong magkapatid tayo para tratuhin nila akong mabuti… alang-alang sa iyo. Marami ang naeeskandalo sa mababang antas ng moralidad nang panahong iyon at maging kay Abraham man. Nang tawagin siya ng Diyos para maging kaibigan niya, hindi siya nagbagong bigla. Dahan-dahang mangyayari ang pagbabagong ito sa moralidad ng kanyang bayan sa loob ng mara­ming dantaon: matiyaga ang Diyos. May panahon ang bawat bagay. Kailangang pagnilayan natin ito dahil agad tayong naghuhusga nang wala naman sa panahon.

 

Hindi nagkataon lamang ang pagsasalaysay ng pangyayaring ito rito: mahahalagang bagay ang sinasabi ng mga kuwento. Pinangakuan ng Diyos si Abraham ng lupa. Hindi niya alam kung saan o paano ito ibibigay: hindi nagbibigay ng maraming paliwanag ang Diyos. Ang una niyang naisip ay pumunta at tumingin sa direk­siyon ng Ehipto, isang mayamang lupain na may mga tubigang lambak na ibang-iba sa mga tuyot na burol ng Palestina. Doon niya ibinigay pati ang kanyang asawa kay Paraon para iligtas ang kanyang buhay. Pero ang pagbibigay ng kan­yang asawa ay parang paggawa ng tipan sa Paraon, sa Ehipto – at sa mga susunod na pana­hon malalaman ng mga Israelita sa kanilang kapinsalaan na hindi maganda ang takbo ng mga pangyayari pag sa Ehipto sila umaasa sa halip na sa kanilang tipan sa Diyos. Bukod dito, si Sara ang kanyang asawang tunay, ang “malayang babae” na magsisilang sa tagapagmana ni Abraham ayon sa plano ng Diyos. Sa kagus­tuhan niyang kumilos sa sarili niyang pasya sa halip na maghintay sa oras ng Diyos, muntik nang mawala kay Abraham ang lahat. Hindi sa lupain ng mayayaman darating ang mga biyaya ng Diyos kay Abraham: para sa kanyang mga inapo, ang Ehipto ay lupain lamang ng pagka­alipin ng mga tao.

 

 

• 13.5 Nagkaroon ng alitan ang mga lingkod ni Abra­ham at ni Lot. Higit na pina­hahalagahan ni Abraham ang kapayapaan kaysa personal na kapakanan niya kaya si Lot ang pinapili niya ng lupa nito.

 

Kung sa kaliwa ka pupunta, pupunta naman ako sa kanan. May mga kutob na si Abraham sa pananam­palataya. Hindi pa niya alam na ang lupang pipiliin niya ay isa lamang larawan ng mahiwagang lupa na siyang kaharian ng Diyos sa atin. Subalit sa halip na siya ang pumili, si Lot ang una niyang pinapili. Hindi niya namamalayan ngunit ginagawa niya ito dahil sa pag-ibig. Hindi niya hinahangad ngunit natag­puan niya ang tunay na lupa, na walang iba kundi ang puso ng tao, kung saan nagkakatotoo ang Kaharian ng Diyos, Sa panlabas ay mas mainam ang napili ni Lot pero sa totoo’y siya ang nawalan nito.

 

Ibibigay ko sa iyo ang buong lupaing nakikita mo. Ito ang lupain ng Kanaan na ngayo’y tinatawag na Palestina. Ito ang “lupang dinadaluyan ng gatas at pulot-pukyutan” (Blg 13:27), o lupang pinagpala para maging mabu­nga. Pero wala pa sa pag-aari ni Abraham ang lupang iyon; ipinanga­ngako lamang sa kanya ng Diyos na magiging kanya ang lupain. Nang panahong iyon, mga Kananeo pa ang naroon.

 

Mahalagang makita kung bakit sa loob ng mga dantaon ay hinubog ng Diyos ang mga tao sa pa­ngako ng isang lupaing kailangan nilang saku­pin. Dahil hindi madidiskubre ng tao ang kanyang dignidad bilang anak ng Diyos kung wala siyang kongkretong inaasahan tulad ng lupa at bahay. Hindi mapauunlad ng tao ang kanyang pagkatao kung wala siyang pagma­mala­sakitan at ipagtatanggol, at kanyang ipagla­laban.

 

 

• 14.14 Saan naman galing ang alamat na nababasa natin sa kabanatang ito at saka na lamang isiningit sa kasaysayan ni Abraham? Mula kaya ito sa kagus­tuhang dagdagan ang kanyang kadakilaan sa pagsa­sabing magaling din siya sa pakikipagdigma?

 

Gayunman, gusto ng Diyos na may-akda ng Biblia na maglaman ng dalawang aral ang salay­say na ito na parang walang halaga:

 

Pari ng Kataas-taasang Diyos si Melkisedek. Hindi niya tinanggap ang salita ng Diyos tulad ni Abraham. Subalit sa kanyang karanasa’y kilala niya ang tumawag kay Abraham at nakilala rin niya si Abraham. Hinding-hindi nananatiling magka­kahiwalay ang mga taong tinatawag ng Diyos kundi lagi nilang nakakakilala ang iba pang kaibigan ng Diyos. Binayaran ni Abraham ang ikapu, ngunit umalis siyang mas mayaman sa tuwa dahil narinig niya mula sa bibig ng dayu­hang ito ang mga salitang nagpapatotoo sa pag­papala ng Diyos (tingnan Lc 1:39).

 

‘Hindi ako kukuha ng anumang sa iyo.’ Walang kukunin si Abraham sa mga nakatira sa Kanaan kundi ang pagpapala lamang na ibinibigay ni Melkisedek sa kanya na, ayon sa kuwento, ay hari ng Salem, ang Jerusalem ng hinaharap, ang banal na lungsod.

 

Nagdala ng tinapay at alak si Melkisedek. Na­kapag­tatakang tao si Melkisedek! Sa bayang Israel, ang mga hari ay hindi pari, at hindi rin nag-a­a­lay ng tinapay at alak bilang handog. Ngunit nakikita ng Salmo 110 at ng Sulat sa mga Hebreo (5:6 at kab. 7) sa taong ito ang larawan ni Kristong Tanging Pari. Sa kabila ng kadakilaan ni Abraham, ang pagdating lamang ng magkakamit ng pagpapalang ipinangako ng Diyos sa lahat ng bansa ang kanyang pinag­handaan. Ipina­hihiwatig lamang dito ang pagkapari at pagkahari ni Kristo na nagkokonsagra sa tinapay at alak.

 

 

• 15.1 Yaweng Panginoon ko… Mama­matay akong walang anak. Pagsapit sa kung a­nong edad, nag-aalala ang tao kung ano ang maiiwan sa kanyang buhay: sa kanyang pag-aasawa, mga anak, mga ta­on ng trabaho. Sa mis­mong sandaling ito pinatutunayan ni Abraham ang kanyang pananampalataya sa pa­niniwala sa mga pangakong parang ma­la­yong mang­yari. Ang pakikipagtipan ng Diyos ang simula ng ka­ni­lang pakikipagkaibigan sa isa’t isa.

 

Kinilala siya ni Yawe na matuwid. Hindi dahil napakabuti mong tao, o dahil marami kang naitulong sa iyong kapwa o dahil naglingkod ka sa akin nang maraming taon… kundi dahil sinabi ko sa iyo: “Huwag kang matakot” at inilagay mo sa aking mga kamay ang lahat mong pangamba.

 

Nang araw na iyon, nakipagtipan si Yawe kay Abram (18). Sa buong Biblia marami ang nasusulat tungkol sa Pagtitipan. Ngunit ano ang kahulugan ng pakikipagtipang ito ng Diyos sa mga tao?

 

Mahal ng Diyos ang lahat ng tao at gusto niyang iligtas ang lahat kahit na hindi nila siya kilala. Pero gusto rin niyang ihatid ang sang­katauhan sa paglago at pagiging mabunga nito. At para magkatotoo ito, kai­langang kahit na isang maliit na grupo ng mga tao sa mundo ang personal na makatagpo ang Diyos dahil ang pagtatagpong ito ang simula ng napaka­halagang mga karanasan.

 

Sa buong kasaysayan, ganito tinatawag ng Diyos ang mga taong kanyang pinili ayon sa kanyang plano at walang hanggang predes­tinasyon. Sa pakikipag­kasunduan o pakikipagtipan sa kanila, binibigyan niya sila ng pagka­kataong pumasok sa buhay ng katapatan. Maki­kilala nila ang Diyos bilang isang buhay na persona at pakikitunguhan siya bilang gayon nga.

 

Kaya sa simula ng kanyang gawang pagliligtas sa kasaysayan ng tao, gusto ng Diyos na ibahagi kahit sa isang tao man lamang ang kanyang lihim at maabot nito ang taas ng kanyang mga plano: Naniwala si Abram kay Yawe.

 

Sa pamamagitan ng gayong pananam­pala­taya, nananahan sa puso at isipan ng sumam­palataya ang walang-hanggang kalooban ng Diyos at mas mahalaga ito kaysa isang tambak na mabubuting gawa. Mula noo’y pag­bu­buklurin ng mahiwagang pagsososyo si Abraham at ang Diyos magpakailanman: ito ang Pagtitipan.

 

Nakipagtipan ang Diyos kay Abraham ayon sa mga kaugalian ng panahong iyon. Kapag pinagtitibay ng mga tao ang isang kasunduan, kapwa sila lumalakad sa pagitan ng magkabiyak na hating hayop na inihandog (tingnan Jer 34:18). Tinu­tupad ni Abraham ang sere­monyang ito at sa parte naman ng Diyos, isang apoy ang duma­raan, na kumatawan sa kanya. Ang Diyos ang siyang nagtatalaga ng sarili at nangangako.

 

Ginagawa tayong kaibigan ng Diyos ng pana­nampalataya: Hab 2:4; Rom 4:2; Gal 3:6; Heb 11:11.

 

 

• 16.1 Nababahala si Abraham at hindi pa natutupad ang pangako ng Diyos. Tungkol sa anak na ipina­ngako ng Diyos sa matandang lalaki, hindi kaya kay Agar na isa pa niyang asawa iyon magkakatotoo? At para naman maituring iyong anak ni Saray, di ba’t sapat nang ampunin iyon ayon sa kaugalian ng panahong iyon? Walang imik ang Diyos at si Abraham ang pinalulutas niya sa mga problemang ito ayon sa sinasabi ng napakaprimitibo pa niyang kon­sen­siya.

 

Pero “palpak” ang plano ni Abraham: ang taga­pagmanang ipinangako sa kanya ng Diyos ay hindi anak na ipinaglihi at ipinanganak “ayon sa laman”, o sa pamamaraan ng tao kundi anak ng himala. Mapapansin dito ang kalayaan ng Diyos na mas ginugustong isakatuparan ang kanyang mga pa­ngako sa panahong parang imposibleng mangyari ang mga iyon.

 

MGA PANGITAIN AT MGA ANGHEL

 

Ano ang masasabi natin tungkol sa pagpa­pakita ng mga anghel? Totoo kaya ang mga iyon o paraan lamang ng pagsasalita? Linawin natin ang mga sumu­sunod:

 

– Huwag nating ipagkamali ang mga anghel sa Anghel ni Yawe. Sa mga huling aklat lamang ng Matandang Tipan (at ng Bagong Tipan siyempre) bina­banggit ang mgaanghelAnghel ni Yawe naman ang sinasabi ng mga Israelita noong unang panahon, o Mensahero ni Yawe para ipahayag ang maraming bagay na hindi nila maipaliwanag ngunit naglalahad ng pakikisangkot ng Diyos. Nang wasakin ng isang epidemia ang hukbo ng Asiria, sinasabing gawa ito ng anghel ni Yawe: tingnan Is 37:36 at 2 Sam 24:16. Alam nila na walang ma­kakakita sa Diyos, kaya pag nagkakaroon ng pa­ngitain ang isang tao, ang Anghel ni Yawe ang sinasabi nila: tingnan Hkm 6:11. ayon sa pakahulugan natin ngayon: mga espirituwal na nilikha na may kanilang lugar sa pagkakaayos ng mundo at sa ka­ligtasan ng mga tao, tulad halimbawa sa Zac 1 at 2 at pati sa Dn 9:21 at 10:12-21. Ngunit ang

 

– Ipinakikita ng buong Biblia na nagpapakilala ang Diyos sa di-mabilang na mga pamamaraan sa mga naghahanap sa kanya. Nagsasa­lita siya sa mga pang­yayari; tinatanglawan niya ang puso ng nag­babasa ng Salita; na­ngu­ngu­sap siya sa ating mga kutob at mga panga­rap; nagsasalita sa mga pangitain o mga salita, at kung minsa’y mas deretsahan, sa matalik at espiri­tuwal na paraan, tulad sa mga propeta.

 

– Ngunit hindi natin matatanggap nang literal ang lahat ng sinasabi tungkol sa mga pangitain o mga salitang tinanggap mula sa Diyos dahil iba ang pa­mamaraan ng paghahayag ng mga tao noong unang panahon kaysa atin. Kapag kinakausap ng isa ang kanyang sarili o kaya’y tinutukso ng masama, may pagkakataong ipinahahayag nila ang panloob na pagninilay na ito bilang pag-uusap ng iba’t ibang tauhan o kaya’y sinasabing ang demonyo o ang Diyos ay nakikipag-usap sa taong iyon: tingnan Jos 7:10 at 1 Hari 3:4.

 

– Malamang na hindi pareho ang pagkilos ng Diyos sa mga naunang tao ng Biblia gaya ng pagkilos niya sa ating panahon. Sa ngayon, matapos dumating si Kristo, nasa atin na ang lahat sa kanya at sa kanyang Iglesya at hindi na natin kailangan pa ang mga pa­ngi­tain at mga aparisyon. Karaniwan ay inilalaan ng Diyos ang mga ito para sa mga inaakay niya sa isang espesyal na daan. Subalit sa mga unang dantaon ng Biblia, higit na nagpakilala ang Diyos sa ganitong mas nakikita ngunit mas mababang paraan.

 

 

• 7. Bumalik ka sa iyong amo. Ito ang salita ng Panginoon sa maraming taong dumaranas ng kaa­pihan, sa mga babae sa isang klasistang lipu­nan na kailangang tumanggap ng nakahi­hiyang mga trabaho upang di mamatay sa gutom kasama ng kanilang mga magulang, sa mga kabataan na matapos mag-aral sa kolehiyo ay saka nauunawaan na liban sa iilang piling tao, mga kaminero lamang pala at mga piyon ang kai­langan.

 

Sumunod ka sa kanya. Hindi dahil makataru­ngan ang kanyang pagmamalabis kundi dahil kaila­ngang lumaya ka rin sa iyong pagma­mataas. May katwiran kang isipin na mas mahalaga ka kaysa iniaalok sa iyo ng lipunan, pero kung sa mga pangyayari’y hinihiya ka ng Panginoon, magtiwala ka sa kanya at isipin na inihahanda ka ng kahihiyang ito para sa isang misyong mas dakila pa kaysa iniisip mo. Kapag lagi mong isa­saisip na tinatawag ka ng Diyos na maging ma­la­yang tao at magpalaya sa iba, bibigyan ka niya ng pag­kakataon para magawa ito.

 

Lahay-Roi na puwedeng isalin bilang: Ang nabu­buhay at nakakakita. Siyempre, bukam­bibig ang pi­nang­gagalingan nito, pero gina­gamit ito ng teksto para bigyang-diin ang mahalagang karanasan ni Agar: Sa­pat nang makitang buhay ang Diyos at tinitingnan tayo para mabigyan tayo ng mga pakpak.

 

 

• 17.1 Abram na ibig sabihi’y Amang ipinag­pipitagan, at Abraham na ibig sabihi’y Ama ng napakaraming tao. Sa pagpapalit sa pangalan ng kan­yang lingkod, pinapagsisimula siya ng Diyos na mag­bagong buhay at maisa­buhay ang ibig sabihin ng kanyang bagong pangalan. Ganito rin ang gagawin ni Jesus sa unang responsable sa kanyang Iglesya: Jn 1:42.

 

 

• 9. Isang matandang kaugalian ng mga bayan sa silangan ang pagtutuli. Pag-oopera itong ginagawa sa ari ng lalaki, pinuputol ang balat na tinatawag na supot. Isa itong “sere­monya ng inisyasyon” sa ilang sambayanan para tang­gapin ang mga nagbibinata sa lipunan ng mga matatanda. Isa itong relihiyosong sere­monya para matiyak ang pagkakaroon ng anak.

 

Nagkaroon ng bagong kahulugan ang pagtu­tuli sa Israel: ito ang naging tanda ng pagiging kasapi nila sa bayang pinili. Sa pagtutuli lamang makapapasok ang isang dayuhan sa relihiyo­song pama­yanan ng Israel.

 

Tataglayin ninyong lahat sa inyong laman ang tatak ng aking Tipan. Suot ng babaeng may-asawa ang sinsing na isinuot ng kanyang asawa sa kanyang daliri. Gayundin naman sa mga pumapasok sa samahan: gusto nilang mag­ka­roon ng palatandaan. Kaya kailangang tagla­yin ng lahat ng lalaki sa lahi ni Abraham ang isang di-mapapawing tatak ng pagiging kabilang nila sa lahing pinili: ang pagtutuli ang tandang ito.

 

Subalit itinuturo ng mga propeta na bale-wala ang pagtutuli sa laman kung wala ang sa puso, na ibig sabihi’y pagputol sa mga bisyo. Walang kuwenta ang panlabas na seremonya kung hindi naman isinasa­buhay ang kahulugan ng tandang ito. Tingnan Jer 9:24; Dt 10:16; Gal 5:4; Fil 3:3; Rom 2:25.

 

Hindi importante para sa mga Kristiyano ke tuli man o hindi: Mga Gawa 11:3-15; 1 Cor 7:18; Gal 6:15. May bisa lamang ang obligas­yong ito pati na pag­diri­wang ng Araw ng Pahinga, ang di pagkain ng karneng baboy, ang mga pag-aalay at mga seremonya sa templo hanggang sa dumating si Kristo at para lamang sa bayang Judio: Col 2:11 at 2:16-22.

 

Ba’t kaya maraming tao na wala namang interes sa kanilang pananampalataya ang nagpapabinyag ng kanilang mga anak? Ba’t sila lumalapit at nagpapapahid ng abo?

 

 

• 18.1 Para sa mga inapo ni Abraham ang mga pangako ng Diyos: hinding-hindi nga niya makikita ang katuparan ng mga iyon. Ngunit binibigyan ng Diyos ang kanyang kaibigan ng patunay ng gagawin niya: mahimalang ipina­nganak si Isaac. Makatwiran ngang mangamba na baka akalain ng mga anak ni Abraham na mas magaling sila sa iba at isiping ligtas na dahil lamang kabilang sila sa kanyang lahi (Lc 3:8). Sa totoo’y ang mga talagang inapo lamang ni Isaac na anak ng himala na anak ni Sara ang kinilala ng Diyos na mga tagapagmana ni Abraham, at hindi ang iba pa niyang mga anak sa mga babaeng alipin. Itinuturo nito sa atin na walang sinumang may karapatan sa Diyos dahil lamang sa isinilang siya sa ganito o gayong pamil­ya. Magiging atin ang kanyang mga pangako kung tinutularan natin si Abraham sa kanyang pana­nampalataya (Gal 4:21-31; Rom 4:13-17).

 

Kahanga-hanga ang simpleng istoryang ito: du­ma­rating ang Diyos na anyong-tao para patuluyin ng kanyang kaibigan bago niya ito puspusin ng mga pag­papala. Hindi pangangahasang sabihin ng mga komentarista kung talaga ngang nangyari ito o paraan lamang ng pagsasalita, ngunit alam ng sumasam­pa­lataya na ganito kumikilos ang kanyang Diyos.

 

Hindi napakikitang mag-isa ang Diyos kundi may kasamang dalawang anghel para burahin ang larawan ng isang Diyos na nag-iisa na siyang iniisip ng mga hindi pa nakaaalam sa misteryo ng Tatlong Persona ng Diyos.

 

Bakit humalakhak si Sara? Ang halakhak ni Sara ay isa pa sa mga popular na paliwanag na ibinibigay ng Biblia tungkol sa mga pangalan ng mga lugar at mga tao: kaya tatawaging Isaac ang kanyang anak, isang pangalang kasintunog ng “humalakhak” sa wikang Hebreo.

 

May imposible ba kay Yawe? Tingnan Lc 1:37, 18:27; Mc 11:22.

 

 

• 16. Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gaga­­win? Sa oras na maging kaibigan tayo ng Diyos, ipinagkakatiwala niya sa atin ang isang responsabilidad sa mundo. Tulad ng paki­kipag­kaibigan ng mga tao, nanganga­hulugan din ng pagbabahaginan sa lahat ng bagay ang paki­kipag­kaibigan sa Diyos. Tinuturuan tayo ng Diyos na mag-isip tulad niya at kumilos na kasama niya at inaanyayahan tayong humingi sa kanya.

 

Huwag nating isipin na sa lubos na pagtitiyaga lamang sa panalangin ay makukuha natin ang anu­mang hinihingi natin. Kung hindi para sa ating kabu­tihan ang ating hinihingi, hindi iyon ibibigay ng Diyos. Ngunit gusto ng Diyos na matuto tayong makipag­laban at maging “makulit” para makuha ang gusto niya mismong ibigay sa atin ayon sa kanyang kagandahang-loob. Ayaw niya na basta na lamang ito ipag­pilitan kundi ibigay ito sa mga nakapag­hahangad nito tulad niya. Ayaw kong mamatay ang di-makadiyos kundi magbago siya sa kanyang kasa­maan at mabuhay (Ez 33:11).

 

Ngayo’y talagang nagiging pangahas ako sa pakikipag-usap sa aking panginoon. Patunay ng kanyang pananampalataya ang kapanga­hasang ito ni Abraham na nagsimulang maki­pagtawaran sa Diyos nang buong-ingat at kata­tagan. Nakipagtalo ang ma­tan­dang Abra­ham sa Diyos na parang nakikipag-usap sa isang kaibigan tungkol sa kung anong negosyo. Bigyang-pansin na nananatiling nakaupo si Abraham habang nakatayo naman sa harap niya ang Pangi­noon. At para sa mga susunod na babasa ng Biblia, para bang kulang ng respeto ang ganito kasimpleng pagtrato sa Diyos kaya pina­litan nila ang pangungu­sap: “Tumindig si Abra­ham para makipag-usap kay Yawe na naka­upo.” Ngunit sinabi ni Jesus na pagsi­sil­bihan niya ang kanyang mga tapat na lingkod tulad ng isang utusan sa kanyang mga amo (Lc 12:37).

 

 

• 19.1 Isang pagkakataon marahil para magnilay ang ibinibigay ng alat ng Dagat na Patay at ng guho ng dalawang lunsod na winasak ng lindol – ang Sodom at Gomorra. Alalahanin natin na noong panahong iyo’y parusa ng Diyos ang tingin ng mga tao sa matitinding kapa­hamakan at pagpapala naman niya ang kasa­ganaan. Ganito nagsimula ang salaysay na ito na isang paraan ng pagtuturo ng ilang kato­to­hanan:

 

– respeto sa mga bisita na kailangang laging pa­tu­luyin na parang mga anghel ng Diyos;

 

– pagkasuklam sa homosexualidad.

 

Mananatiling kalunus-lunos na mga pangalan ang Sodom at Gomorra sa banal na kasaysayan at mag­sisilbing patunay na di dapat pagtawanan o ipag­walang-bahala ang mga hatol ng Diyos. Aalalahanin ng mga propeta ang matinding kapahama­kang ito sa pagbababala nila sa mga ayaw magbalik-loob (tingnan Isaias 1:9; Ez 16:49) at gayon din si Jesus sa Ebang­helyo (Mt 10:15; Lc 17:29).

 

Hindi nagkukulang ang salaysay na ito na bigyang-diin sa pamamagitan ni Lot na hindi kailanman kina­lilimutan ng Diyos ni isa man sa kanyang mga anak kahit na nag-iisa ito sa piling ng mga masama.

 

Parang di kapani-paniwala ang sagot ni Lot (b. 8). Ngunit ganito ang pag-iisip noong mga panahong iyon. Hindi itinuturing na tao ang mga babae, kayat parang normal lamang na isakripisyo ang isang anak na babae para iligtas ang kaibigan. Tingnan ang medyo katulad nito sa Mga Hukom 19.

 

 

• 26. Alalahanin natin na mga tra­disyong-alamat ng mga Israelita ang mga ito upang maipaliwanag ang pinagmulan ng iba’t ibang bayan at ang kaugnayan nila sa mga ito. Dahil sa napakatanda nang galit na naghi­hiwalay sa mga Israelita sa mga Amonita at mga Moabita, ang paliwanag na ito ay hindi para dakilain sila.

 

 

• 20.1 Iningatan ng mga Israelita ang mga alaala ng mga alitang namagitan sa kanilang mga ninunong pagala-gala at sa mga bayang nakapaligid sa kanila. Matutunghayan natin sa tatlong lugar sa Genesis ang pangyayaring ito na pinangungunahan ng iba’t ibang mga tauhan sa iba’t ibang mga kalagayan (tingnan 12:24 at 26:7). Ngunit may mapapansing pag-unlad sa mga salaysay na ito kung sunud-sunod na baba­sahin: sa isang banda, ang higit na pagiging maingat sa pagsasalita tungkol sa ugali ng kanilang ninuno; at sa kabila nama’y ang mas malinaw na pagkaunawa sa kasalanan.

 

 

• 21.1 Nagmagandang-loob si Yawe kay Sara gaya ng kanyang sinabi. Kaya pagkatapos ng mara­ming taon, tinupad ng Diyos ang kanyang pangako kay Abraham. Si Isaac ang anak ng pangako dahil isinilang siya laban sa tanang pag-asa ng tao para matupad ang pangako ng Diyos (tingnan Gal 4:22 at Rom 9:7).

 

Nagkaanak siya ng isang lalaki kay Abra­ham sa katandaan nito. May ilang kapanganakan sa Biblia na di labas sa batas ng kali­kasan: sina Samuel, Samson, Juan Bautista… mga tagapagligtas silang lahat. Ipina­hihiwatig at ibinabalita ng mga pagsilang na ito ang pagsi­silang ng isang birhen kay Jesus na Taga­pag­ligtas. Ipinagpapauna rin ng mga ito ang ikalawang pagsilang ng mga ipina­nganganak ng Iglesya sa bin­yag.

 

Kaya ipinanganak ang anak ng pangako: tingnan ang kabanata 18.

 

Madaling mahulaang ibang bersiyon ang salaysay na ito kaysa ’yung nasa kabanata 16, kung saan tinatawag na Yawe ang Diyos, at binabanggit ang balon sa ka­timugang disyerto, na nagpapahiwatig na galing sa mga tribu ng timog (territoryo ng Juda) ang kuwento. ’Yung nasa kabanata 21 naman ay galing sa mga tribu ng Israel, sa hilaga.

 

May mga problema sa pamilya ni Abraham tulad din ng ibang mga pamilya, at ginagamit ng Diyos ang mga iyon para isakatuparan ang kanyang plano. Mabuti ang pag-alis ni Agar kasama ang kanyang anak na lalaki upang matanggap ni Isaac ang buong paglingap ng kanyang ama. Matatag na isina­sagawa ng Diyos ang kanyang mga plano, pero wala siyang sinasaga­saang sinuman: masdan kung gaano ang pagmama­lasakit niya kay Agar.

 

Maraming asawa si Abraham, na pang­karaniwan para sa mga importanteng lalaki sa kanyang komu­nidad. Itinuring na normal ng mga Israelita ang kauga­liang ito sa loob ng maraming taon. Unti-unti lamang ang pag-akay ng Diyos sa kanila para madiskubre ang mga pangangailangan ng kasal.

 

“Hindi magmamana ang anak ng aliping babae kasama ng anak na lalaki ng malayang babae.” (Gal 4:28; 2 Cor 6:14)

 

 

• 8. May mga problema sa pamilya ni Abraham tulad ng anumang pamilya, at ginagamit ng Diyos ang mga iyon para isakatuparan ang kanyang mga plano. Mabuti at umalis si Agar at ang kanyang anak para mapunta kay Isaac ang lahat ng aruga ng kanyang ama. Hindi materyal na bagay para sa kanyang sarili ang mamanahin ni Isaac, kundi ang mga pangako ng Diyos para sa kanyang mga inapo. Matatag na isina­sakatuparan ng Diyos ang kanyang mga plano nang walang tinatapakang sinuman: tingnan ang pagka­habag niya kay Agar.

 

Maraming asawa si Abraham, tulad ng iba pang mga importanteng lalaki sa kanyang bayan. Sa loob ng maraming taon, itinuring ng mga Israelita na normal ang kostumbreng ito. Sa paglipas lamang ng panahon ipinadiskubre sa kanila ng Diyos ang mga kina­kai­langan sa pag-aasawa.

 

Ang anak ng aliping babae ay hindi magmamana kasama ng anak ng malayang babae: Gal 4:28; 2 Cor 6:14.

 

 

• 22.1 Nasisindak tayo ng salaysay ng pag-aalay kay Isaac: paano nahingi ng Diyos kay Abraham na ialay ang anak nito? Para ma­unawaan ang tekstong ito, kailangang intindihin ito mula sa dalawang pa­nanaw. Una, ang teksto ay pormal na pagbabawal sa pag-aalay sa mga tao. Huwag nating kalimutang nang panahong binubuo ang salaysay na ito, ka­sa­lukuyang isinasagawa ng mga Kananeo ang pag-aalay ng mga anak: maraming Israelita ang sumunod sa halimbawa ng mga Kananeo sa pag-aakalang kalugud-lugod sa Diyos ang ganitong pag-aalay (tingnan ang Jer 19).

 

Noong una, ipinalagay ni Abraham na kalooban ng Diyos ang pagsunog sa kanyang anak na si Isaac bilang handog pero malinaw na ipinahahayag sa huling bahagi ng salaysay na pinigil siya ng Diyos na maisagawa ito. Sa unang pagbasa, binibigyang-katwiran ng teksto ang pagtubos sa mga panganay. Ang mga unang bunga naman ay sa Diyos; pero di-tulad ng mga panganay na hayop na sinusunog bilang han­dog, tinutubos ang mga anak (Ex 13:13).

 

Gayunpaman, inaanyayahan tayo ng teksto ng Ge­nesis na matutunan sa tekstong ito ang halimbawa ng walang-pagkasirang pananam­palataya ng patriyarka: sinusubok ng Diyos ang mga kaibigan niya para pa­lakihin ang kanilang pananampalataya. Inilalaan ng Diyos ang pinakamaganda niyang mga kaloob para sa mga nananatiling matatag sa oras na alisin niya sa kanila ang lahat ng pag-asa. Na­buhay si Abraham na nananalig sa mga pangako ng Diyos para sa kanyang anak. Handa kaya siya ngayong isakripisyo ang kanyang anak at ang mga panga­ko? Inilagay siya ng Diyos sa isang daan, ano kaya ang gagawin niya sa araw na maging waring sarado ang daan?

 

Pagkatapos ng pagsubok, malalaman ni Abraham na mahal niya ang kanyang anak tulad ng pagmamahal ng Diyos, dahil pinili niya ang Diyos kaysa kanyang anak. Alam natin nang may kati­yakan na sinasang-ayunan ng Diyos ang dedikasyon natin sa anumang gawain kung may pagka­kataong naipakita natin na handa nating iwan ma­ging ang gawaing iyon sapagkat ito ang gusto niya.

 

Gayundin naman kung parang gumuguho ang lahat ng pangakong binitiwan sa atin ng Diyos, tanging pag-ibig na tunay ang makapagpa­panatili sa ating tapat sa kanya.

 

Ngunit walang anumang paliwanag na makapag­papaginhawa sa ating pang-unawa’t damdaming nasu­gatan sa pagkakita sa pag-uutos ng Diyos kay Abra­ham ng napakabigat na sakripisyo para sa isang ama. Wala na bang ibang paraan para ma­­i­hatid tayo sa ganap na pag-ibig? Bagamat su­ma­sampalataya si Abraham at kaibigan ng Diyos, tao pa rin siyang ma­­kasalanan at isang operasyon lamang ang maka­pag­­papadalisay sa kanyang puso. Kayat si Abraham ang namamatay at hindi si Isaac; at sa sakripisyo niyang ito nakakamit ang Buhay (tingnan Lc 17:33; Rom 4:17; Heb 11:19).

 

Sa salaysay na ito ng pag-aalay ni Abraham ng kanyang anak, nakikita ng Kristiyanong tradis­yon ang paglalarawan ng Diyos Amang nagbibigay ng kan­yang sariling anak para iligtas ang mga makasalanan. Ba­gamat iba ang paka­hulugan ng Diyos sa mga sa­li­tang sakripisyo, pagdurusa, pag-ibig, kaysa paka­hulu­gan natin, huwag nating isiping walang-pakialam at walang-awa ang Diyos para hingan tayo ng mga sak­ripisyong wala siyang kinalaman (Rom 5; 8; 8:31).

 

 

• 23.1 Nilakbay ni Abraham ang buong Palestina nang wala man lamang matutun­tungan ng kanyang mga paa (Mga Gawa 7:5). Pangako lamang ang kanyang pinangha­hawakan kaya siya ang modelo nating mga sumasampalataya na hanggang kama­taya’y nabu­buhay na umaasa sa mga panga­ko ng Diyos. Subalit sa pagkamatay ni Sara, nagkaroon ng pagkakataon si Abraham para bumili man lang ng mapaglilibingan sa kanya.

 

 

• 24.1 Hindi mo ikukuha ng asawa ang aking anak sa mga dalaga ng Kanaan. Sapagkat si Isaac ang “anak ng Pangako” at ang katapatan sa panga­kong ito ang mabigat na pinoproblema ni Abraham. Ang pag-aasawa ng kanyang anak sa isang Kananea na nasanay na sa paganong pagsamba ay makapaglalagay sa pa­­nganib sa katapatang ito.

 

At para mapabilang sa pamilya ni Abraham at ma­ging ina ng hinirang na bayan, kailangan din li­sanin ni Rebeca ang kanyang sambahayan at lupain.

 

Siya ang ituturing kong pinili mo para sa iyong lingkod na si Isaac. Pinapatnubayan ng Diyos ang mga nag-aasawa na ang pinaka­ha­hangad ay maisagawa ang kanyang kalooban. Tutulungan niya si­lang matagpuan ang taong makatutulong sa kani­lang mas maisagawa ang hangaring ito. Ito rin ang magi­ging aral sa libro ni Tobias.

 

 

• 25.1 Madan, Madian, Seba, Dedan: mga panga­lan ito ng mga tribu at mga bayan sa Arabia. Itinuturing sila ng mga Israelita bilang mga kamag-anak nila sa lahi at wika kaya gusto rin nilang maging mga inapo sila ni Abraham.

 

 

• 21. Sa simula ng kabanata 12, nakita natin kung paano inilarawan ng mga sumulat ng Genesis ang kanilang ninunong si Abraham bilang ama at ha­limbawa ng mga sumasampalataya. Subalit mas gusto ng mga Israelita na matawag silang “mga anak ni Jacob”. Pinalitaw nilang may mas makatao at di ga­a­nong ulirang mga katangian si Jacob. Kayat kung itinuring nilang huwaran si Abraham, mas nakita naman nila ang kanilang sarili kay Jacob: matalino at medyo mapanlinlang, pero matatag sa kanyang pana­nampalataya.

 

Ipinangako ng Diyos ang kanyang sarili sa mga inapo ni Abraham, ngunit malaya siyang makapipili kung sino sa mga inapong iyon ang makikinabang sa kanyang mga pangako. Hindi ito ma­pupunta sa panga­nay na anak ni Isaac na siyang dapat magmana sa halos lahat ng meron ang kanyang ama ayon sa kaugalian.

 

Dalawang bansa ang nasa iyong sina­pupunan (23). Alalahanin natin na sa istoryang ito, bawat tauhan ay kumakatawan sa bayang may katulad na pangalan. Si Jacob-Israel ang itinuturing na ninuno ng bayang Israel, kaya si Esau o Edom (25:31) naman ang iti­nuturing na ninuno ng bayang Edom na kalapit-bansa at kaagaw ng mga Israelita.

 

Ipinakikita ng mga kabanatang ito ang kalayaan ng Diyos na pumipili sa bayang ito kaysa iba para maging instrumento ng kanyang kaligtasan. Ngu­nit sa mga Israelita ma’y pumipili ang Diyos ng gus­to niyang pagkatiwalaan ng medyo naiibang misyon.

 

Tatlong dahilan ang ibinibigay sa mga kabanatang ito kung bakit tinanggihan si Esau:

 

– Sa teksto (kab. 25), ipinapakitang may kasa­lanan si Esau: siya mismo ang bumale-wala sa kanyang sag­radong karapatan bilang panganay na anak.

 

– Sa ikalawa (26:34) nama’y binabanggit ang tung­kol sa pag-aasawa niya ng mga babaeng dayuhan.

 

– Sa ikatlo (kab. 27), inilalahad kung paano ginamit ng Diyos ang isang panlilinlang ni Jacob para makamit ang kanyang gusto. Hindi gaanong mahigpit ang mga Israelita tungkol sa pagsisinungaling. Para sa kanila, ipinakita lamang ng panlilinlang ni Jacob na desidido siyang kunin ang mga pangako ng Diyos sa anumang paraan, kaya naman siya ang naging karapat-dapat sa mga pangakong iyon.

 

Sa Hebreo 12:16, ilalahad si Esau bilang halimbawa ng isang di-makadiyos na ipinagbibili ang pag­­papala ng Diyos para sa isang platong pagkain. Madali nating mai­isip ang maraming tao na dahil lamang sa isang basong alak o ilang pribilehiyo ay ipinagbibili ang ka­ni­­lang karapatan o isinusuko, halimbawa, ang kara­patan ng kanilang unyon bilang mga mang­gagawa, o isina­sakripisyo ang kinabukasan ng kanilang mga anak.

 

 

• 26.1 Tungkol sa talata 7-11, tingnan ang 20:2.

 

Sa mga kabanata 12-33, natutunghayan natin ang dalawang karaniwang kalagayan sa buhay ng mga patriyarka: mga nomad sila na sa mga tolda nakatira; pagala-gala sila sa paghahanap ng tubig at naghu­hu­kay ng mga balon (tingnan 21:21-34).

 

Sa mga tolda sila nakatira, ibig sabihi’y pansamantala at walang pirmihang tirahan. Pina­hahalagahan ng Biblia ang paggawa ng tao para makapagtayo ng bagay na nananatili sa mundong ito. Pinupuri nito ang pagpupundar ng isang tirahan, pagtatanim ng ubasan, at pagta­tayo ng bahay (Dt 20:5-7) dahil kaugnay ang lahat ng ito sa mapanlikhang misyon ng tao. Ngunit inaalaala rin ng Biblia ang pagala-galang pamumuhay ng mga ninuno ng Israel bilang isang huwarang di dapat mawala (Jer 35). Hindi natatali sa anuman sa mundong ito ang suma­sampalataya maging sa pa­milya, sariling bayan o pamumuhay. Itinatayo niya ang kanyang tolda saan man puwedeng luma­wak ang kanyang karanasan ngunit hindi nananatili sa alinman. Sa pamumuhay bilang da­yuhan sa mundong ito, ma­giging mas madali para sa kanya na matag­puan ang Diyos na dumaraan ding isang dayuhan sa ating piling (sa Jn 1:14, ganito ang eksaktong salin: Itinayo ng Wika ang kanyang Tolda sa ating piling). Tingnan Ex 33:7, 40:34; 2 Sam 7:7; Sir 24:11; 2 Cor 5:1-4; 1 P 2:11.

 

Humukay ng mga balon ang mga patri­yarka. Wala silang natagpuang mga bukal ng tubig sa disyerto, kundi kailangang maghirap sa paghukay ng mga balon na magpapabunga sa disyerto at magbibigay ng ma­iinom sa kanilang mga kawan. May mga panahong natutuyo ang tubig; kung minsan nama’y tinatabunan ng mga Pilisteo ang mga iyon. Inilalarawan ng lahat ng ito ang pagsisikap ng tao para matagpuan ang karu­nungan.

 

Kadalasa’y nananatiling uhaw ang mga tao, at laging may kumakalawkaw sa mga bukal ng karu­­nu­­ngan. Kaya magpapalipat-lipat ang mga tao sa iba’t ibang balon hanggang ibigay sa kanila ni Jesus ang tubig na buhay na bumubukal sa Bato na siya mismo. Tingnan ang Ex 17:1; Jn 4:5-10, 7:38; 1 Cor 10:4; Jer 2:13.

 

 

• 28.10 Umalis si Jacob sa Berseba patungong Haran. Umalis si Jacob para mag­hanap ng trabaho at asawa sa lupain ng kanyang mga ninuno. Nagkaroon siya sa daan ng isang pangitain sa pag­papanibagong-tipan sa kanya ng Diyos.

 

Kaiba kay Abraham na tinawag ng Diyos nang siya’y matanda na’t alam na ang kahalagahan ng buhay, si Jacob ang taong unti-unting namu­mulat sa kanyang bokasyon. Una, binili niya kay Esau ang karapatan nito ng pagkapanganay sapagkat hinus­gahan niya ito at itinuring na iresponsable. Ngunit hindi pa rin niya alam ang presyo ng pagpapala ng Diyos sa kanyang mga ninuno. Pagkatapos ay kai­la­ngang palakasin ng kan­yang ina ang loob niya para makipag­sapalaran siyang nakawin ang ben­disyon. Nagpakumbinsi siya at sa huli na lamang niya naunawaan ang resulta ng kanyang ginawa: kailangang tumakas siya para mailigtas ang kanyang buhay.

 

Subalit kung kailan kailangang harapin ni Jacob ang mapanganib na buhay ng isang dayuhan at takas, saka niya nakatagpo ang Diyos at sa unang pagkakatao’y nagising siya sa kanyang responsabilidad: sa mundo’y siya ang nag-iisang tagapagdala ng mga pangako ng Diyos. Responsable ang taong alam na may pana­na­gutan siya at kayang panagutan ang kanyang mga kilos. Naiintindihan ni Jacob na dapat siyang managot sa Diyos na humirang sa kanya.

 

Talaga palang nasa lugar na ito si Yawe. Nag-iisa at walang kalaban-laban si Jacob sa pagtulog niya, malapit sa isang lunsod ng mga banyaga. Ngunit muling pinagtitibay ng Diyos sa kanya ang mga pangakong binitiwan nito sa kanyang mga ninuno at tinitiyak ang kanyang pangangalaga: mapapasaiyo balang araw ang lupang ito.

 

Ito ang Pinto ng Langit. Nakita ni Jacob na bukas ang langit at bumubuo ng buhay na tulay ang mga anghel ng Diyos sa gitna ng langit at lupa: ito ang larawan ng pakikipagniig sa Diyos na bigong hinahanap ng mga tao sa iba’t iba nilang relihiyon. Makapagbibigay sa atin ang mga ito ng ilang panlabas na kaalaman tungkol sa Diyos at mabibigyang-kasiyahan ang ating likas na damda­ming relihiyoso. Subalit gaano man isaloob ng ta­ong makasalanan ang pag­hahanap niya sa Diyos, hindi pa rin siya mata­tagpuan sa kaibuturan ng kan­yang sarili sa tuwiran at personal na pagta­tagpo.

 

Si Kristo ang tanging tulay sa pagitan ng Diyos at ng mga tao: ang Anak ng Diyos na naging tao, parehong Diyos at tao. At sa pagtukoy sa teks­tong ito (Jn 1:15), ipahahayag ni Jesus na siya mismo ang Pinto ng Langit, dahil sa kanya niyakap ng Diyos ang sang­ka­tauhan.

 

Pinangalanan niyang Betel ang lugar na iyon. Matutunghayan natin dito tulad sa naunang mga kabanata ang mga popular na alamat. Bahay ng Diyos ang ibig sabihin ng Betel at pinalalabas ng sumulat ng Biblia na si Jacob ang nagpangalan sa lugar na ito pati na ang kaugalian ng pagbabayad ng ikapu sa templo ng Betel.

 

MGA PANAGINIP

 

Nakatatawag-pansin sa ating lahat ang mga pana­ginip at sinisikap nating bigyang-kahu­lugan ang mga iyon. At mas madalas e wala namang ipinahahayag na anuman ang mga ito kundi nag­papahi­watig lamang ng nangyayari sa kalooban natin, sa ating “subconscious”, ng hindi natin na­lalaman nang malinaw tungkol sa ating espiritu. Magagamit ng sikolohiya ang mga panaginip para madiskubre ang mga bakas o mga sugat na hatid ng kahapon.

 

Maaari ring magpahiwatig o maghayag ng mga kutob at sapantaha ang mga panaginip. Ipinaki­kita sa atin ng Biblia na ginagamit ng Diyos (o ng kan­yang mga anghel) ang mga pa­na­ginip para makipag-usap sa atin. Dito tinatanggap ng Diyos ang tao kung ano siya at isinasaalang-alang ang kanyang pag-iisip. Sa resulta malalaman kung ang Diyos nga ang nakikipag-usap sa panaginip. Sinabi ni Jesus: “Sa bunga nakikilala ang puno.” Sa gayong mga pagkakataon, ang Diyos mismo ang nagbibigay ng paliwanag: hindi natin kailangang maghanap pa o pumunta kaninu­man at iniiwan niya tayong may ganap na kapanatagan.

 

Para sa mga taong may dinalisay at malalim na pananampalataya, hindi nila masyadong pina­ha­ha­la­gahan ang mga panaginip tulad ng pag­­pa­pa­halaga ng mga sambayanan noong unang pa­nahon sa Biblia. Alam din natin na ang Espi­ri­­tu ng Ka­di­liman ay makapag­papanggap bilang ang­hel (2 Cor 11:14). Kung ngayo’y mala­king bahagi ng sang­ka­tauhan ang parang umaasa sa mga panaginip para sa kanilang direksyon sa buhay, wala itong kinala­man sa pananampalataya. Sa Biblia, bukod sa mga pagtatakwil at pag­tu­l­­­igsa sa Dt 18:10, mababasa rin natin sa Jer 29:8 ang pagbatikos sa mga naka­pa­nana­ginip sa gusto nilang mapana­ginipan. Tingnan din sa Sir 34:1.

 

 

• 29.1 Inilalahad ng mga kabanata 29-31 si Jacob bilang masipag at tusong trabahador na nagtitiwala sa mga pangako ng Diyos. Nag­tagumpay siya sa wa­kas, hindi talaga dahil sa sariling pagsisikap kun­­di sa pag­papala ng Diyos ng kanyang mga ninuno.

 

• 32.1 Nasa tumatakas na Jacob ang mga pagpapala ng Diyos. Walang pagod siyang nagtrabaho, at pagkatapos ng labinlimang tao’y may dalawa na siyang asawa, maraming anak at di-mabilang na ari-arian. Sa panahong iyon siya buma­balik sa sariling bayan at naghahanda para harapin si Esau na kanyang kapatid at kalaban.

 

Lubhang natakot si Jacob at pinanghinaan ng loob. Sa kanyang kabalisahan, nanalangin si Jacob sa Diyos para ipaalaala sa kanya ang Pangako niya at ang kanyang “katapatan”, o ang lahat ng ginawa ng Diyos para sa kanya at sa kanyang mga ninuno. At su­masagot naman ang Diyos ayon sa pamamaraan nito, medyo mahiwagang paraan, sa isang pangitain sa gabi.

 

 

• 23. Isang lalaki ang nakipagbuno sa kanya hang­gang sa madaling-araw. Pagha­harap ito ng Diyos at ni Jacob. Tinatang­gap ng Diyos ang pag­katalo at ipinagkakaloob ang kan­yang pagbabasbas.

 

May mga pagkakataong mas nakikilala natin ang sarili sa pagtulog kaysa kung tayo’y gising. Ganito ang nangyari kay Jacob. Sa paki­kipag­buno niya sa Diyos nang gabing iyon, nauna­waan niya na ang kanyang mga pagpa­pagod at mga pagsubok ay higit pa pala sa pakikipag­harap sa lipunan at sa mga tao; isa itong paki­kipagbuno sa Diyos. Pina­ngakuan siya ng tagum­pay ng Diyos ngunit hindi niya ito ibibigay hanggang di nauubusan ng lakas si Jacob.

 

Sapagkat mas nauunawaan ni Jacob ang dahilan ng napakaraming pagsubok at pagka­balam, kina­kausap niya mismo ang humaharang sa kanya ngayon sa daan at siya lamang maka­pagpapabago sa kalooban ni Esau. Naging malakas si Jacob laban sa Diyos, hindi siya hu­­mi­­ngi ng pabor o kaunting tulong, kundi sina­­­­sabi niyang kailangan nitong tuparin ang kanyang mga pangako: Hindi kita bibitiwan hanggang hindi mo ako binabasbasan.

 

Ang panalangin ni Jacob ay hindi pagiging sunud-sunuran na ayon sa ilan ay katangian ng magaling na mananampalataya. Hindi lamang pagtanggap sa ka­looban ng Diyos ang pana­langin, na para bang ma­tagal na iyong nakasulat sa langit, o kaya’y paghingi ng lakas para ma­tang­­gap ito: pamimilit din sa Diyos ang pana­langin, taglay ang pananalig sa kanyang mga pangako at kaalamang pinaki­kinggan niya tayo. Kung hindi tayo magkakaroon ng bahagi sa mga pagpa­pasya ng Diyos na may kinalaman sa atin at sa pa­­mamahala sa mundo, magiging huwad ang Tipan.

 

Sa mga krus na daan ng buhay, sa gitna ng posi­bilidad na manatiling walang pagbabago o mahigtan ang sarili, alam ng sumasampalataya na ibibigay sa kanya ng Diyos itong huli kung hihingin niya iyon nang may pananampalataya.

 

Hinampas niya ito sa singit at nalinsad iyon. Matapos ang matagal na pagkatapon, naki­kipag­harap si Jacob sa Diyos nang gusto na niyang puwersahang pumasok sa Lupang Pangako. Sa katunaya’y walang iba kundi pagpapaloob sa misteryo ng Diyos ang pag­pasok sa Lupang ito. Gustong ibahagi sa atin ng Diyos ang kanyang buhay ngunit malayo itong mang­yari para sa taong malakas, at nakasisiguro sa kanyang sarili at sa kanyang mga daan. Kaya nga sa pagpasok natin, dumarating ang Diyos para subukin tayo. Anumang dagok o kasawiampalad o krisis ang danasin natin, naiiwan tayong sugatan at para nang mga da­­yu­­han sa daigdig na ito. Pumapasok si Jacob na pipilay-pilay sa Lupang Pangako dahil inilalaan din iyon ni Jesus sa mga umiiyak, sa mga nauuhaw sa kataru­ngan, sa mga di-marahas.

 

Mula ngayo’y tatawagin kang Israel. Hindi na­wa­wala ang pangalang Jacob o ang kahulugan nito: ang Aktibista, ang Manloloko. Ngunit magi­ging Israel din siya: Malakas-laban-sa-Diyos. Jacob-Israel ang pa­nga­lang tataglayin ng bayan ng Diyos. Sa buo nilang ka­saysaya’y walang-tigil sa pagkakasala ang Israel at maraming beses silang paluluhurin ng Diyos. Subalit lagi pa ring magpapatalo ang Diyos at magpapatawad sa kanyang bayan sa oras na ipaalala nila sa kanya ang kanyang mga panga­ko.

 

Pagkatapos ng pagwawagi ni Jacob kaila­ngang ma­­pasailalim ng mga plano ng Diyos ang mga pang­yayari. Hindi hinahadlangan ni Esau ang pagbabalik ni Jacob sa lupain ng kanyang mga ninuno.

 

• 35.1 Hindi maisasabuhay sa pag-iisa ang pa­na­nam­palataya. Kayat sinisimulan ni Jacob na bu­muo ng isang komunidad sa pag-uutos sa lahat ng kan­yang mga tao na alisin ang kanilang mga diyus-diyusan. Nang gawin nila ang kong­kreto at na­­ki­kitang hak­bang na ito na isang malaking sak­ripisyo para sa kanila, sila ang naging unang sam­bayanang may kaka­yahang magbigay-saksi sa mundo sa kanilang pana­nam­pala­taya sa isang Diyos.

 

• 22. MGA ANAK NI JACOB

 

Nabanggit na natin na iniingatan ng Biblia ang ilang alaala tungkol kina Abraham, Isaac, at Jacob sa mga alamat (tingnan sa 11:26). Liban sa tatlong ito, na­pa­tunayan na ang ibang panga­lan tulad ng Ruben, Simeon, Juda… ay hindi ta­la­gang tumutukoy sa mga tunay na tao. May sa­riling paraan ng pag-alaala sa mga lumipas na mga pangyayari ang mga tribung pagala-gala. Lumikha sila ng mga ku­wento na bawat tribu ay kinakatawan ng isang taong may gayon ding pangalan. Halimbawa, labin­dalawang tribu ang nagkabuklod sa iisang bayan: ipinahahayag nila ito sa pagsasabing may labin­dalawang ninuno na may gayong mga pangalan ang mga tribung iyon, at mga anak sila ng iisang ama, si Jacob-Israel. At dahil apat sa mga tribung ito, na mga tribu nina Ruben, Simeon, Levi at Juda ay bumu­buo ng ibang grupo sa simula kaysa kinabibila­ngan ng mga tribu nina Jose at Benjamin, ang mga nasa unang grupo ay itinuring na mga anak ng nag-iisang ina, si Lea na asawa ni Jacob at ang iba nama’y mga anak ng isa pang asawa ni Jacob, si Raquel.

 

Isang marahas na pangyayari ang tinutukoy ng salaysay sa kabanata 34. May alitan noon ang mga tribu ng Simeon at ng Levi sa sambayanan ng Sikem (isang lunsod ang Sikem at hindi isang tao). Ganito rin ang dapat maintindihan tungkol kay “Laban, ang Arameo” (kabanata 31) at kay Juda at sa kanyang mga anak (38), kay Esau na larawan ng bayan ng Edom, na karatig-bayan at kalaban ng Israel (26:30 at 36:1).

 

 

Ipinaliliwanag nito sa atin kung bakit mula pa noong una’y binigyang-interpretasyon na ng mga eksperto sa Biblia ang maraming bagay-bagay tungkol sa kasay­sayan ng mga Patriyarka ayon sa mga simbolo.

 

 

Labindalawang tribu ang bumubuo sa bayan ng Israel at lagi nilang gustong alalahanin ang bilang na ito na itinuturing nilang sagrado (tingnan kab. 48). Aalalahanin din ni Jesus ang matandang istrukturang ito ng bayan ng Diyos sa pagtatatag niya sa kanyang Iglesya bilang bagong bayan ng Diyos at sa pagpili niya ng labindalawang apostol para pamunuan ito.

 

 

• 37.2 Dito nagsisimula ang istorya ni Jose at nagpapatuloy hanggang sa wakas ng Genesis bilang tulay mula sa mga Patriyarka at sa mga susunod na pangyayari ng Exodo.

 

Ipinakikita na si Jose na pangalawa sa bun­­­s­ong anak ni Jacob ang pinakaimportante sa labindalawang mag­kakapatid. Sinasabi sa atin ng mga pana­ginip ng ba­tang si Jose na hindi nagkataon lamang ang lahat ng mangyayari sa kanya, kundi may silbi sa mga plano ng Diyos: sa pamamagitan niya ili­ligtas ng Diyos ang buo niyang pamilya sa pagka­gutom.

 

Ang mahaba at madamdaming istorya ni Jose na ipinagbili ng kanyang mga kapatid at naging taga­pag­ligtas nila.

 

Mas mahal ni Israel si Jose sapagkat isinilang si Jose sa kanyang katandaan. Siya ang pinakamamahal at siya rin ang pinakapino. Sa piling ng kanyang mga kapatid na may kagas­pangan at walang pa­kun­dangan, nagpa­pakita si Jose ng kadakilaan: mula pa sa kanyang pagkabata, ipinapakita na ng anak na ito ng mga pastol na may magandang kinabukasang naghi­hintay sa kanya.

 

Dalawa sa labindalawang tribu ang namu­mukod-tangi: ang tribu ng Juda at ng Jose. Tingnan ang paliwanag sa Josue 13 tungkol dito. Kaya laging binabanggit ng mga tradisyon tungkol sa “mga patriyarka” o mga ama ang dalawang anak na ito ni Jacob.

 

 

• 12. Umabot sa kabaliwan at krimen ang inggit sa magkakapatid. Hinayaan ng Diyos na magkakasalungat na mga daan ang tahakin ng magkakapatid, ang ilan tungo sa kabutihan, ang iba nama’y sa kasamaan. Ngunit hindi ito nangangahulugan na pinababayaan at kinali­limutan ng “mabubuti” ang “masasama”. Ililigtas ni Jose ang kanyang mga kapatid.

 

 

Inaanyayahan tayo ng istoryang ito na makitang ang mga pagsubok ay naghahatid sa atin sa mas espirituwal na buhay. At dinadala naman tayo ng mas malalim na buhay-espirituwal na ito sa mas mabungang buhay-pamilya at panlipunan.

 

• 38.1 Sa sumusunod na pangyayari, hindi lumi­litaw na marangal ang papel na ginagam­panan ng patriyarkang si Juda ayon sa mga palagay nating bilang mga Kristiyano. Ngunit sa panahong iyon ng napa­ka­primitibo pang mga kaugalian at moralidad, walang masyadong iginigiit ang Biblia tungkol sa moralidad sa sex, kundi ang tungkulin sa pagka­kaanak upang maging mabisa ang mga pangako ng Diyos sa kanilang mga ninuno.

 

Ang kasalanan ni Onan ay nasa pagtangging mag­karoon ng anak na hindi naman magiging kanya (tingnan ang Ruth 3:7 tungkol sa obligasyong ito na bigyan ng anak ang biyuda ng kapatid).

 

Ang kadakilaan naman ni Tamar ay nasa kanyang determinasyon na magkaanak sa anumang paraan na siyang magdadala sa pangalan ng una niyang asawang si Er, at magiging tagapagmana ni Juda. Bihirang nata­tampok ang mga babae sa Biblia. Ngunit sa pag­kakaroon nila ng papel, kada­lasa’y para turuan ng leks­yon sa pagpapakatao ang mga lalaki. Dito, pag­karaang pumasok si Tamar sa kanyang buhay, nagsi­mulang mag-isip si Juda, na ngayon lamang nag-isip ng ganito.

 

 

Kasama si Tamar sa listahan ng mga ninuno ni Jesus (Mt 1:3).

 

• 39.1 Pagkaraan ng kanyang kasawiam­palad, na­ging halimbawa naman ng karangalan, katapatan at tiyaga si Jose. Sa Biblia, siya ang una sa mga hinamak na sa Diyos umaasa para sa kanilang gantimpala.

 

Maraming tagapagpalaya at tagapagligtas sa Biblia bago dumating ang Tagapagligtas na Anak ng Diyos. Sinubok silang lahat bago nag­tagumpay at marami sa kanila ang hinamak ng kanilang mga kababayan.

 

Ang kuwento tungkol kay Jose at sa asawa ni Putifar ay isang aral sa tunay na pagkalalaki. Para sa Biblia, isa sa mga katangian ng tunay na lalaki ang katapatan at respeto sa pag-aasawa.

 

 

• 41.1 Buhay na larawan ng dramang dinaranas ng Ehipto sa gitna ng ulan, irigasyon at tagtuyot ang ibinibigay ng mga panaginip na ito at ng mga pang­yayaring kasama nito. Ayon sa tradisyong Hebreo, si Jose ang nag-organisa ng mga bodega ng mga sobrang ani sa Ehipto bilang paghahanda sa darating na tag­­tuyot. Binibigyang-diin ang ka­tapatan ni Jose at ang hindi pagpapabaya sa kanya ng Diyos kailan­man. Hindi pa alam ng mga mana­nampalataya nang panahong iyon ang ka­bilang-buhay. Kaya mahalagang maipakita nila kung paanong ginantimpalaan sa buhay na ito ang matuwid na si Jose para sa kanyang pagtitiyaga.

 

 

• 42.1 Ito ang simula ng mahabang salaysay tungkol sa pagkikita ni Jose at ng kanyang mga ka­patid.

 

Pansinin kung paanong inoobliga ni Joseng taga­pagligtas ang kanyang mga kapatid na pagbayaran ang krimeng kanilang ginawa. Isa sa kanila ang dapat mag-alay sa sarili para sa kanyang kapatid bago mag­pakilala si Jose. Hindi inaalis ng kapata­wa­ran ang pa­ngangailangang pagbayaran ang ginawang kasa­maan.

 

• 46.1 Naririto ang mahalagang resulta ng pakiki­pagsapalaran ni Jose. Pumunta si Jacob sa Ehipto kasama ang buo niyang pamilya. Nanirahan ang mga Hebreo sa Ehipto at parang na­limutan na nila ang lupain ng Kanaan na nilakbay nina Abraham at Jacob kasama ng kanilang mga kawan at ipinanga­ko ng Diyos sa kanila. Ilang dantaon silang mana­natili sa Ehipto hanggang pamunuan sila ni Moises pabalik sa lupain ng mga Pangako. Bahagi ng plano ng Diyos ang matagal na pagkaantalang ito.

 

• 47.13 Sa Ehipto, ang lupa ay pag-aari ng Pa­raon: dahil sa napakahigpit na pama­malakad, naitatakda niyang magkaroon ng kaparte sa ani ng lahat ng magsasaka. Sina­sabi sa kabanatang ito na si Jose ang namahala nito.

 

• 48.1 Sa totoo’y labintatlo ang labin­dalawang tribu ng Israel. Ngunit ang mga tribu nina Efraim at Manases ay tinatawag na mga tribu ni Jose. Kaya la­bindalawa lamang ang bilang. Ipinalili­wanag sa ka­banatang ito kung bakit nagkagayon. Ituturing na dalawang anak ni Jacob sina Efraim at Manases bilang kapalit kay Jose. At hindi sa panganay kundi sa mas nakababata sa magka­kapatid mapupunta ang pagbabasbas ni Jacob, tulad ng kay Isaac na kanyang ama. Pinagpapala ng Diyos ang sinumang gusto niya at hindi dahil sa kara­patan ng pagka­ka­sunud-sunod o dahil sa kagustuhan ng mga magu­lang.

 

 

• 49.1 Hindi sa kanyang mga anak ang mga pagbabasbas ni Jacob kundi sa labindalawang tribung nagtataglay ng kanilang mga pangalan. Magkakaroon ng magkakaibang kapalaran ang mga tribung ito. Parang sinasabi ng pagba­basbas ni Jacob na alam ng Diyos antemano ang mga kahihinatnang ito at bahagi ang mga ito ng kanyang plano ng kaligtasan sa ka­bu­tihan ng lahat ngunit hindi pare-pareho ang ibini­bi­gay niya sa lahat.

 

Namumukod-tangi ang mga tribu nina Juda at Jose. Para kay Juda, may propesiya na ang kanyang tribu ang mangingibabaw sa iba pa hang­­­gang sa pagdating ng Tagapagligtas na “siyang tunay na mamumuno”. Sa totoo’y sa tribu ng Juda magmu­mula ang mga hari ng bayan ng Diyos at si Jesus mismo pagkatapos nila. Kayat si Juda ang tumanggap ng mga pangakong binitiwan ng Diyos kina Abraham at Jacob.

 

Kadakilaan naman at materyal na kasaganaan ang propesiya tungkol kay Jose.

 

 

• 50.15 Bigyang-pansin ang pagkamatay nina Jacob at Jose: hindi pa alam ng mga sumasampalataya noong unang panahon ang Pagkabuhay ng Mga Patay. Isinabuhay nila nang lubos ang buhay na bigay sa kanila ng Diyos sa daigdig na ito. Pinat­nubayan sila ng matibay na paniwalang sa pagiging matapat nila sa kanilang misyon ay gumagawa sila para sa isang mas mabuting daigdig na makikita ng kanilang mga inapo. Sa mahaba at maligayang mga taon na ibinigay sa kanila ng Diyos pagkatapos ng kani­lang mga pag­subok, naunawaan nila na maka­tarungan at nagma­magandang-loob ang Diyos sa lahat.

 

Subalit napakalaki ang kulang nila upang malubos ang kasiyahan habang wala pa silang pag-asa sa kabilang-buhay. Inisip nila na pagkamatay ng tao, may kung anong bahagi niya ang pumu­punta para ma­buhay sa ilalim ng lupa sa piling ng kan­yang mga ninuno, isang lugar na wala ang Diyos pati na ang mga kabalisahan at ingay ng buhay. Akala nila’y paba­bayaan na silang maglaho magpa­kailanman ng Diyos na kanilang kaibigan at matapat na tagapag­tanggol. Tiyak na kinailangan nilang sansalain ang kanilang mga pag-asam at patahi­mikin ang kanilang mga pag­dududa para makumbinsi ang kanilang sarili na iyon ang mabuti at maka­tarungan.

 

 

 

Sa pagsisikap nilang tanggapin nang maluwag ang mga pangyayari, naging seryoso sila, masusi at nasa ilalim ng mahiwagang kalooban ng Diyos. Ngunit kapalit naman nito’y wala sa kanila ang kaligayahan, ang pagiging natural na bagay sa mga bata, at ang maalab na pagma­mahal sa kanilang Tagapagligtas. Sa bahaging ito, wala silang ga­anong ipinag-iba sa mabu­buting walang-Diyos o sa mga mananam­palatayang may mabu­ting kalooban pero walang gaanong alam, na nabubuhay ngayon nang walang pananam­palataya sa muling pagkabuhay.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Lumang Tipan | Leave a comment

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.