Ang Bagong Magandang Balita Biblia

Ang Banal na Kasulatan

Mga Bilang 36

Ang pamana ng babaeng may-asawa

 

  1 At dumating ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga anak ni Galaad na anak ni Makir na anak ni Manases mula sa mga angkan ni Jose, at sinabi nila sa harap ni Moises at ng mga pinuno ng mga sambahayan ng Israel:

 

2 “Iniutos ni Yawe sa aking panginoon na ipamana mo ang lupain sa mga Israelita sa pagpapalabunutan; at iniutos din sa iyo, aking panginoon, na ibigay ang pamana ng aking kapatid na si Selophad sa mga anak niyang babae. At kung may pakakasalan silang taga-ibang tribu ng Israel, maaalis ang kanilang mana sa tribu ng aming mga ninuno at madadagdag sa mana ng tribu ng kanilang asawa; kaya mababawasan ang pamanang natapat sa amin. Sa taon ng Magandang Pahayag sa Israel, ang kanilang mana ay mapapasatribung kanilang pinakasalan at aalisin sa tribu ng aming mga ninuno.”

 

Kaya ito ang iniutos ni Moises sa mga anak ng Israel ayon sa utos ni Yawe: “Tama ang sinabi ng mga taga-Jose. Ito ang iniuutos ni Yawe tungkol sa mga anak na babae ni Selophad: Pipiliin nila ang gusto nilang pakasalan, pero sa loob lamang ng tribu ng kanilang ama. Kaya hindi masa­salin ang mana ng isang tribu ng Israel sa iba pang tribu; nakatali ang bawat isa sa Israel sa pamana ng tribu ng kanilang mga ninuno.

 

Kaya sa tribu ng kanyang ama dapat pakasal ang anak na babaeng may pamana sa alin­mang tribu ng Israel, upang ariin ng bawat Israelita ang pamana ng kanyang mga magu­lang. Walang pamanang magpapa­salin-salin sa iba’t ibang tribu. Nakatali ang bawat tribu ng Israel sa pamana nito.”

 

10 Kaya ginawa ng mga anak na babae ni Selophad ang iniutos ni Yawe kay Moises. 11 Napakasal sina Mahla, Tirsa, Hogla, Milca at Noa na mga anak na babae ni Selophad sa mga pinsan nila sa kanilang ama. 12 Magiging mga maybahay sila sa angkan ng Manases na anak ni Jose; kaya napasatribu ng kani­lang ama ang kanilang mana.

 

13 Ito ang mga utos at mga pagpapasyang iniutos ni Yawe sa pamamagitan ni Moises sa mga Israelita sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa tapat ng Jerico.

 

 

June 11, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Numbers, Old Testament | | No Comments Yet

Mga Bilang 35

Ang parte ng mga Levita

 

  1 Nagsalita si Yawe kay Moises sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa tapat ng Jerico: 2 “Ito ang iutos mo sa mga Israelita na bigyan nila ang mga Levita ng mga bayang matitirhan at mga pastulan sa palibot mula sa kanilang pamana. 3 Mani­nirahan sila sa mga bayan, at ipapastol ang kanilang mga baka, mga kawan at lahat ng iba pang mga hayop sa mga pastulan. 4 San­libo limandaang talampakan mula sa mga pader ng bayan ang mga pastulang ibibigay sa mga Levita sa pa­libot ng lunsod.

 

5 Susukat kayo sa labas ng bayan ng isang lupaing may tatlunlibong talampakan sa sila­ngan, sa timog, sa kanluran at sa hilaga; at nasa gitna ang bayan. Ito ang magiging pastulan ng kanilang mga bayan.

 

6 Ito naman ang mga bayang ibibigay ninyo sa mga Levita: ang anim na bayang kanlungan na mapagtataguan ng isang nakapatay ng tao, pati na ang apatnapu’t dalawa pang bayan. 7 Apatnapu’t walong bayang lahat ang ibibigay n’yo sa mga Levita, pati ang mga pastulan ng mga ito. 8 Kukunin mula sa lupang pag-aari ng mga Israelita ang mga bayang ibibigay ninyo sa mga Levita ayon sa pamana ng bawat tribu: marami ang kukunin sa may mas marami at kaunti naman sa may kaunti.”

 

Mga lunsod na mapagtataguan

 

• 9 At sinabi ni Yawe kay Moises: 10 “Sabi­hin mo sa mga Israelita. Pagkatawid ninyo sa Jordan pa-Kanaan, 11 magtatalaga kayo ng mga ba­yang magiging lunsod na mata­ta­kasan. Doon makatatakas ang sinumang di sinasadyang nakapatay. 12 Sa mga lunsod na ito maka­ka­takas ang nakapatay at doon siya maliligtas sa taga­paghiganti ng dugo; hindi na siya mamamatay bago litisin sa harap ng pamayanan. 13 Kaya ibibigay ninyo ang anim na lunsod bilang takasang-lunsod: 14 tatlo sa kabilang ibayo ng Jordan at tatlo sa lupain ng Kanaan. 15 Sa anim na lunsod na ito makatatakbo ang mga Israelitang di sina­sadyang nakapatay pati ang dayuhan at sinumang naninirahan sa piling ninyo.

 

16 Kung mamatay ang isang taong nasak­tan dahil sa kagamitang bakal, mamamatay-tao ang nakasakit at dapat patayin. 17 Kung mamatay ang isang taong nasaktan dahil sa bato, mamamatay-tao ang nakasakit at dapat pata­yin. 18 Kung ma­matay ang isang taong nasaktan dahil sa bagay na kahoy, mamamatay-tao ang nakasakit at dapat patayin. 19 Mapapatay ng tagapaghiganti ng dugo ang mamamatay-tao; mapapatay niya ito pagkakita niya rito.

 

20 Kung may nanulak ng kapwa dahil sa galit o sadyang nambato sa kanya, at pagkatapos ay namatay iyon 21 o kung may nakasakit ng kapwa sa suntok at mamatay iyon, mamamatay-tao siya na dapat patayin. At papatayin siya ng tagapaghiganti ng dugo pagkakita sa kanya.

 

22 Pero kung may di sinasadyang naka­pag­tulak sa kapwa at hindi dahil sa poot, 23 o naka­pag­hulog ng batong puwe­deng makamatay ng kapwang hindi naman niya nakita, at mamatay iyon na hindi naman niya kaaway ni sinasad­yang saktan: 24 haha­tulan ng pamamayan ang nakamatay at ang tagapaghiganti ng dugo ayon sa mga tun­tuning ito.

 

25 Ililigtas nila ang nakamatay sa kamay ng tagapaghiganti ng dugo, at pababalikin sa takasang-lunsod na kanyang pinagtaguan. Doon siya mananatili hanggang mamatay ang punong-paring pinahiran ng banal na langis. 26 Kung lalabas ang nakamatay sa hang­­­ganan ng takasang-lunsod na pinag­taguan niya, 27 at matagpuan siya ng taga­paghiganti ng dugo at patayin, walang pana­nagutan ang tagapaghiganti sa pag­patay sa kanya. 28 Dapat manatili sa takasang-lunsod ang nakamatay hanggang ma­matay ang punong-pari. Pagkamatay ng punong-pari makauuwi na sa sariling lupain ang naka­matay.

 

29 Iiral ang mga kautusang ito sa lahat ng inyong salinlahi saanman kayo manirahan.

 

30 Sinumang pumatay ng tao ay papatayin pagkapatotoo ng mga saksi. Walang-bisa ang patotoo ng isang saksi lamang para maha­tulan ng kamatayan ang sinuman.

 

31 Huwag kayong tatanggap ng pantubos sa buhay ng isang mamamatay-taong maha­ha­tulan ng kamatayan: papatayin siya. 32 Huwag kayong tatanggap ng pantubos para sa nagtatago sa takasang-lunsod para maka­balik siya sa sariling lupain bago mama­tay ang punong-pari. 33 Huwag ninyong salaulain ang lupang kinaroroonan ninyo. Sinalaula ng dugo ang lupa at hindi mapatawad ang lupang may dugong dumanak liban sa dugo ng nag­pa­danak nito. 34 Huwag ninyong dungisan ang lupang kinaroroonan ninyo, na kinaroroonan ko rin; ako nga si Yaweng nananahan sa piling ng mga anak ng Israel.”

June 11, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Numbers, Old Testament | | No Comments Yet

Mga Bilang 34

Ang mga hangganan ng Kanaan

 

Sinabi ni Yawe kay Moises: “Iutos mo ito sa mga Israelita. Pagpasok ninyo sa Kanaan, na lupang aariin ninyo, ang lupain ng Kanaan sa mga hangganan nito.

 

3 Magiging hangganan ninyo sa timog ang disyerto ng Sin sa tabi ng Edom; mula sa dulo ng Dagat Asin sa silangan. Pa-timog ang hang­ganan, paahon sa Akrabim, dadaan sa Sin at magtatapos sa timog ng Kades-Barnea. Magpapatuloy sa Hasar Adar hang­gang Asemon. 5 Li­liko mula Asemon pa­punta sa batis ng Ehipto hanggang magtapos sa Dagat.

 

6 Magiging hangganan ninyo sa kanluran ang Malaking Dagat. Ito ang hangganan ninyo sa kanluran. 7 Ito naman ang magiging hangganan ninyo sa hilaga: deretso mula Malaking Dagat hanggang Bundok Hor; deretso mula Bundok Hor hanggang pagpasok sa Hamat, at abot hanggang Sedad. 9 Magpapatuloy hanggang sa Zifron at magtatapos sa Hasar Enan. Ito ang hangganan ninyo sa hilaga.

 

10 Para naman sa hangganan ninyo sa sila­ngan, deretso mula Hasar Enan hang­gang Sefam. 11 Mula Sefam pababa hang­gang Ribla, sa gawing silangan ng Ain, at tuluy-tuloy pababa hanggang sa silangang baybayin ng Dagat Kineret. 12 Babaybayin ang Jordan at magta­tapos sa Dagat na Asin. Ito ang magiging lupain ninyo, at mga hang­ganan nito.”

 

13 Ito ang iniutos ni Moises sa mga Israelita: “Ito ang lupaing iniutos ni Yaweng ibigay sa siyam at kalahating tribu. Ipa­ma­mana ninyo ito sa pagpapalabunutan. 14 Natang­gap na nga ng tribu ng Ruben at ng tribu ng Gad at ng kalaha-ting tribu ng Manases ang kanilang mana ayon sa mga angkan ng kani-kanilang mga ama. 15 Natang­­­gap na ng dalawa’t kala­hating tribung ito ang kanilang pamana sa kabilang ibayo ng Jordan sa gawing silangan sa tapat ng Jerico.”

 

16 Sinabi ni Yawe kay Moises: 17 “Ito ang mga pangalan ng mga taong magpaparte ng lupain para sa inyo: ang paring si Eleazar at si Josueng anak ni Nun. 18 Magtalaga rin kayo ng isang pinuno mula sa bawat tribu para sa paghahati. 19 Ito ang kanilang mga pangalan: si Kaleb na anak ni Yefone mula sa tribu ng Juda; 20 si Semuel na anak ni Amihud mula sa tribu ng Simeon; 21 si Elidad na anak ni Kislon mula sa tribu ng Benjamin; 22 ang pinunong si Buki na anak ni Yogli mula sa tribu ng Dan; 23 ang pi­nu­nong si Haniel na anak ni Efod mula sa tribu ng Manases na anak ni Jose; 24 ang pinunong si Kemuel na anak ni Siftan mula sa tribu ng Efraim na anak ni Jose; 25 ang pinunong si Elisafan na anak ni Parnak mula sa tribu ng Zabulon; 26 ang pinunong si Paltiel na anak ni Azan mula sa tribu ng Isacar; 27 ang pinunong si Ahihud na anak ni Selomi mula sa tribu ng Aser; 28 ang pinunong si Pedahel na anak ni Amihud mula sa tribu ng Neftali.”

 

29 Ito ang mga inutusan ni Yawe na ipamana sa mga Israelita ang lupain ng Kanaan.

June 11, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Numbers, Old Testament | | No Comments Yet

Mga Bilang 33

Mga yugto ng Exodo

 

1 Ito ang mga yugto sa paglalakbay ng mga Israelita nang umalis silang pang­kat-pangkat sa lupain ng Ehipto sa pamumuno nina Moises at Aaron. 2 Sa utos ni Yawe, sinulat ni Moises ang mga simula ng bawat yugto ng kanilang paglalakbay. 3 Narito ang mga yugto ayon sa kanilang mga simula:

 

Umalis sila sa Ramses sa ikalabinlimang araw ng unang buwan. Nang sumunod na araw ng Paskuwa, matagumpay na nagsilabas ang mga anak ng Israel sa paningin ng buong Ehipto habang inililibing naman ng mga Ehipsiyo ang kanilang mga panganay na sinaktan ni Yawe. At pinarusahan din ni Yawe ang kanilang mga diyos.

 

5 Umalis ang mga Israelita sa Ramses at nagkampo sa Sukot. 6 Umalis sila sa Sukot at nagkampo sa Etam na nasa dulo ng disyerto. Umalis sila sa Etam, ngunit nagbalik pa-Pihahirot sa tapat ng Baal-Sefon, at nagkampo sa tapat ng Migdol. 8 Umalis sila sa Pihahirot, tumawid sa dagat pa-disyerto, at pagkalakad nang tatlong araw sa disyerto ng Etam, nag­kampo sila sa Mara. 9 Umalis sila sa Mara at dumating sa Elim kung saan may labindalawang bukal at pitumpung palmera, at doon sila nagkampo.

 

10 Umalis sila sa Elim at nagkampo malapit sa Dagat ng Mga Tambo. 11 Umalis sila sa may Dagat ng Mga Tambo at nagkampo sa disyerto ng Sin. 12 Umalis sila sa disyerto ng Sin at nagkampo sa Dopka. 13 Umalis sila sa Dopka at nagkampo sa Alus. 14 Umalis sila sa Alus at nagkampo sa Rafidim pero walang mainom na tubig doon ang bayan. 15 Umalis sila sa Rafidim at nagkampo sa disyerto ng Sinai.

 

16 Umalis sila sa disyerto ng Sinai at nag­kampo sa Kibrot-hat-Taava. 17 Umalis sila sa Kibrot-hat-Taava at nagkampo sa Haserot. 18 Umalis sila sa Haserot at nagkampo sa Ritma. 19 Umalis sila sa Ritma at nagkampo sa Rimon Peres. 20 Umalis sila sa Rimon Peres at nag­kampo sa Libna. 21 Umalis sila sa Libna at nag­­kam­po sa Risa. 22 Umalis sila sa Risa at nag­kampo sa Kehalata. 23 Umalis sila sa Ke­halata at nag­kampo sa Bundok Sefer. 24 Umalis sila sa Bundok Sefer at nagkampo sa Harada. 25 Umalis sila sa Harada at nag­kampo sa Makelot. 26 Uma­lis sila sa Makelot at nagkam­po sa Tahat. 27 Uma­lis sila sa Tahat at nagkampo sa Terah. 28 Umalis sila sa Terah at nagkam­po sa Mitka. 29 Umalis sila sa Mitka at nagkampo sa Has­mona. 30 Umalis sila sa Hasmona at nag­kampo sa Moserot. 31 Umalis sila sa Moserot at nag­kampo sa Bene Yaakan. 32 Umalis sila sa Bene Yaakan at nagkampo sa Hor Haggidgad. 33 Uma­­lis sila sa Hor Haggidgad at nagkampo sa Yotbata. 34 Umalis sila sa Yotbata at nag­kampo sa Abrona. 35 Umalis sila sa Abrona at nag­kampo sa Ezion-Geber.

 

36 Umalis sila sa Ezion-Geber at nag­kampo sa Kades sa disyerto ng Sin. 37 Umalis sila sa Kades at nagkampo sa Bundok Hor sa hangganan ng Edom.

 

38 (Umahon ang paring si Aaron sa Bundok Hor sa utos ni Yawe, at doon siya namatay sa unang araw ng ikalimang buwan sa ikapatnapung taon pagkalabas ng mga Israelita mula sa Ehipto. 39 Sandaa’t dalawampu’t tatlong taon si Aaron nang mamatay sa Bundok Hor.

 

40 Noon naman nabalitaan ng Kananeong hari ng Arad na taga-Negeb ng Kanaan na parating ang mga Israelita.)

 

41 Umalis sila sa Bundok Hor at nagkampo sa Salmona. 42 Umalis sila sa Salmona at nag­kampo sa Punon. 43 Umalis sila sa Punon at nagkampo sa Obot. 44 Umalis sila sa Obot at nagkampo sa Guho-Abarim sa hang­ganan ng Moab. 45 Umalis sila sa Guho-Abarim at nag­kampo sa Dibon Gad. 46 Umalis sila sa Dibon Gad at nagkampo sa Almon Diblataim. 47 Umalis sila sa Almon Diblataim at nagkampo sa kabundukan ng Abarim sa tapat ng Nebo. 48 Umalis sila sa kabundukan ng Abarim at nagkampo sa kapatagan ng Moab malapit sa Jordan sa tapat ng Jerico. 49 Nagkampo sila sa tabi ng Jordan mula Bet Yesimot hanggang Abel-Sitim, sa kapatagan ng Moab.

 

Paano hahatiin ang lupain ng Kanaan

 

50 Nagsalita si Yawe kay Moises sa kapa­ta­gan ng Moab sa tabi ng Jordan sa tapat ng Jerico: 51 “Sabihin mo sa mga Israelita: Mala­pit na kayong tumawid ng Jordan papunta sa lupain ng Kanaan. 52 Palayasin ninyo ang lahat ng naninirahan sa lupaing nasa harap ninyo, wasa­kin ninyo ang kanilang mga imahen, ba­sagin ang mga minoldeng rebulto at durugin ang lahat nilang altar sa burol. 53 Sakupin ninyo ang lupain at doon mani­rahan, sapagkat ibinigay ko ang lupain para maging inyo. 54 Hatiin ninyo ang lupain sa inyong mga angkan sa pagpa­pa­labunutan. Sa mas malaking angkan, mas ma­laking pamana; sa mas maliit, mas maliit na pamana. Magiging kanila ang anumang ma­patapat sa kanila. Hatiin ang pamana ayon sa tribu ng inyu-inyong mga ama.

 

55 Isa pa: kung hindi ninyo palalayasin ang mga naninirahan sa lupain, magiging mga tinik sa inyong mga mata at mga pantusok sa inyong mga tagiliran ang mga natira, at lulusubin kayo sa lupaing inyong titirhan, 56 at sa inyo ko gagawin ang binabalak ko sa kanila.”

June 11, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Numbers, Old Testament | | No Comments Yet

Mga Bilang 32

Ang mga Israelita sa kabilang-ibayo ng Jordan

 

1 Napakarami ang hayop ng mga Rubenita at mga Gadita, at nakita nila na mainam na pastulan ang lupa ng Yazer at Galaad. 2 Kaya kinausap nila si Moises, ang paring si Eleazar at ang mga pinuno ng pamayanan; sinabi nila: 3 “Mai­nam na pastulan ang lupa ng Atarot, Dibon, Yazer, Nimra, Hes­bon, Eleale, Sebam, Nebo at Beon, 4 na ipina­sakop ni Yawe sa pamayanan ng Israel, at may mga kawan ang iyong mga lingkod.” Idinug­tong pa nila: “Paki­bigay naman sana ang lu­paing iyon sa iyong mga lingkod. Huwag mo sana kaming patawirin pa sa Jordan.”

 

6 Ngunit sumagot si Moises sa mga Gadita at mga Rubenita: “At makikipaglaban ba ang in­yong mga kapatid samantalang kayo’y mana­natili rito? 7 Kaya manghihina ang loob ng mga Israelita at hindi na sila papasok sa lupaing ibinigay ni Yawe sa kanila. 8 Ito ang ginawa ng inyong mga ama nang papuntahin ko sila sa Kades-Barnea para magmasid sa lupain. 9 Uma­hon sila hanggang sa Lambak ng Eskol at pag­kakita nila sa lupai’y pina­panghina nila ang loob ng mga Israelita sa pagpasok sa lupaing bigay ni Yawe. 10 Nag-apoy noon ang galit ni Yawe, at isinumpa niyang 11 “Hindi papasok sa lupain ang mga umahon mula Ehipto na may dala­wam­pung taong gulang pataas. Hindi nila makikita ang lupaing ipinangako kong ibibigay kina Abra­ham, Isaac, Jacob, sapagkat hindi sila ga­nap na sumunod sa akin. 12 Si Kaleb na anak ni Yefoneng Kenecita lamang at si Josueng anak ni Nun ang makapapasok dahil ganap silang su­munod kay Yawe.”

 

13 Kaya nag-apoy ang galit ni Yawe laban sa Israel; apatnapung taon niya silang pinagala sa disyerto, hanggang di nauubos ang salinlahing gumawa ng masama sa harap ni Yawe. 14 At ngayong naririto na kayo, sumuway rin kayong gaya ng inyong mga ama, lahi ng mga makasa­lanan! At gusto n’yong gatungan pa ang nag-aapoy na galit ni Yawe sa Israel. 15 Kung tatanggi pa kayong sumunod sa kanya, muli niya kayong dadalhin sa disyerto, kaya ipahahamak ninyo ang buong bayang ito.”

 

16 Kayat lumapit sila sa kanya at sinabi: “Gusto lamang naming magtayo ng mga baku­ran para sa aming mga kawan at ng mga bayan para sa aming mga anak. 17 Ngunit nakahanda kami sa digmaan at lalakad sa unahan ng mga Israelita, hang­gang maihatid sila sa lugar na nakatakda sa kanila. Mga anak lamang namin ang mai­iwan sa mga napapade­rang bayang ito na ligtas sa mga tagarito. 18 Hindi kami uuwi hanggang di nakukuha ng mga anak ng Israel ang kanya-kanyang pamana. 19 Hindi naman kami magmamanang kasama nila sa kabilang ibayo ng Jordan, sapagkat nasa gawing sila­ngan ng Jordan ang toka naming pamana.”

 

20 At sinabi ni Moises: “Kung tutuparin ninyo ito, kung handa kayo sa digmaan sa harap ni Yawe, 21 at tatawid ang bawat isa sa Jordan sa harap ni Yawe upang makipag­digma hanggang hindi niya naitataboy ang kanyang mga kaaway sa harap niya 22 at nasasakop ang lupain sa harap ni Yawe, magiging malaya na kayo sa inyong obli­gasyon kay Yawe at sa Israel. At saka kayo makababalik dito, magiging inyo ang lupang ito sa harap ni Yawe. 23 Pero kung hindi ninyo ito gagawin, magkakasala kayo kay Yawe at makatitiyak kayong susundan kayo ng in­yong kasalanan. 24 Itayo ninyo ang mga bayan para sa inyong mga anak, at ang mga kural para sa inyong mga kawan, pero tuparin ninyo ang inyong sinabi.”

 

25 Sumagot kay Moises ang mga Gadita at mga Rubenita: “Tutuparin ng iyong mga lingkod ang iniuutos ng aking panginoon. 26 Mana­natili sa mga bayan ng Galaad ang aming mga asawa, mga anak, mga kawan at mga hayop, 27 ngunit maghahanda sa dig­maan ang lahat ng iyong mga lingkod, at tatawid para lumaban sa harap ni Yawe, gaya ng sinabi ng aking panginoon.”

 

28 Nag-utos si Moises tungkol sa kanila sa paring si Eleazar, kay Josueng anak ni Nun, at sa mga pinuno ng mga angkan ng mga tribu ng Israel, 29 at sinabi niya: “Kung mag­ha­handa sa digmaan ang lahat ng Gadita at Rubenita, at tatawid sila sa Jordan kasama ninyo para luma­ban sa harap ni Yawe, ibibigay n’yo sa kanila ang lupain ng Galaad bilang kanilang pag-aari pagka­sakop sa lupain. 30 Ngunit kung hindi sila tatawid kasama ninyo, mananatili silang kasama ninyo sa lupain ng Kanaan.”

 

31 Sumagot ang mga Gadita at mga Rubenita: “Gagawin ng iyong mga lingkod ang iniutos ni Yawe. 32 Tatawid kaming sandatahan sa lupain ng Kanaan sa harap ni Yawe, at magiging mana naman namin ang gawing silangan ng Jordan.” 33 Kaya ibinigay ni Moises sa mga Gadita at mga Rubenita at sa kalahating tribu ng Manases na anak ni Jose ang kaharian ni Sihong hari ng mga Amorreo at ang kaharian ni Og na hari ng Basan, ang lupain at ang mga bayan nito at mga nayong nasa hangganan nito.

 

34 Itinayo ng mga Gadita ang mga napapa­derang bayan ng Dibon, Atarot, Aroer, 35 Atrot-Sofan, Yazer, Yogbeha, 36 Bet-Nimra at Be-Haran, na may mga kural para sa mga kawan.

 

37 Itinayo ng mga Rubenita ang Hesbon, Eleale, Kiryataim, 38 Nebo at Baal Meon (pinalitan ang mga pangalan nito), at Sibma, at pina­ngalanan naman nila ang mga bayang kanilang itinayo.

 

39 Sinalakay ng mga anak ni Makir na anak ng Manases ang Galaad. Nilupig nila iyon at itina­boy ang mga Amorreong naroon. 40 Kaya ibi­nigay ni Moises ang Galaad kay Makir na anak ng Manases, at doon siya nanirahan. 41 Sina­lakay rin ni Yair na anak ng Manases ang mga nayon ng mga iyon at pinangalanang Nayon ni Yair ang mga iyon. 42 Nilusob din ni Nobah ang Kenat at ang mga nayon nito, at tinawag ito sa pangalan niyang Nobah.

June 11, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Numbers, Old Testament | | No Comments Yet

Mga Bilang 31

Digmaan sa mga Madianita

 

 1 Nagsalita si Yawe kay Moises: 2 “Ipaghiganti mo ang mga Israelita sa mga Madianita, at saka ka makakapiling ng iyong mga ninu­no.”

 

3 Kaya sinabi ni Moises sa bayan: “Humandang makipagdigma ang ilan sa inyo para lusubin ang mga Madianita at isagawa ang pag­hihiganti ni Yawe sa kanila. 4 Sanlibo lamang mula sa bawat tribu ng Israel ang ipadadala ninyo sa labanan.”

 

5 Kaya tinipon ang tigsasanlibo mula sa mga angkan ng bawat tribu ng Israel ­ labin­dalawang libong handa sa labanan. Pina­punta ni Moises sa digmaan ang sanlibo ng bawat tribu, kasama si Pinhas na anak ng paring si Eleazar, may dalang mga sag­radong bagay at matunog na trumpeta. Nilabanan nila ang mga Madianita, gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises, at pinatay ang lahat ng lalaki. 8 Bukod sa mga napatay sa labanan, pinatay rin nila ang limang haring Madianita: sina Evi, Rekem, Sur, Hur at Reba; pinatay rin nila sa tabak si Balaam na anak ni Beor. 9 At binihag ng mga Israelita ang mga babaeng Madianita at ang mga anak ng mga ito; sinamsam din nila ang lahat nilang hayop at kawan at ari-arian. 10 Sinunog nila ang lahat ng bayan, tirahan at bakuran, 11 at dinala nila pag­katapos ang lahat ng nasam­sam, pati ang mga tao at mga hayop. 12 At iniharap nila ang mga bihag at mga nasam­sam kay Moises, sa paring si Eleazar at sa pamayanan ng Israel sa mga kapatagan ng Moab na malapit sa Jordan, sa tapat ng Jerico.

 

Mga batas tungkol sa digmaang banal

 

13 Sinalubong sila ni Moises at ng paring si Eleazar at ng lahat ng pinuno ng pamayanan sa labas ng kampo. 14 Nagalit si Moises sa mga pinuno ng hukbo na mga pinuno ng tigsa­sanlibo at tigsasandaan na nakabalik mula sa laba­nan. 15 Sinabi ni Moises: “Bakit ninyo pinabayaang mabuhay ang lahat ng babae?

 

16 Hindi ba ninyo alam ang salaysay ni Balaam? Sila ang dahilan kung bakit naligaw ang mga Israelita at nagtaksil kay Yawe noon sa Peor. At pagkatapos ay hinampas ng salot ang pamamayan ni Yawe. 17 Kaya patayin ninyo ngayon ang lahat ng batang lalaki at lahat ng babaeng nagkaroon na ng relasyon sa lalaki. 18 Ngunit pabayaan ninyong ma­buhay ang ba­ba­eng di pa nagkakaroon ng relasyon sa lalaki, at kunin sila.

 

19 At pitong araw naman kayong manatili sa labas ng kampo. Sa ikatlo at ikapitong araw, maglilinis ang lahat ng nakapatay o nakahipo kaya sa namatay sa labanan. Kasama rin nin­yong maglilinis ang inyong mga bihag. 20 Lilinisin ninyo lahat ng damit, lahat ng yari sa katad o balahibo ng kambing at lahat ng kagamitang kahoy.”

 

21 Pagkatapos ay sinabi ng paring si Eleazar sa mga mandirigma: “Isang kau­tusan ito ng Batas na itinakda ni Yawe kay Moises: 22 Padadaanin ninyo sa apoy ang lahat ng pupuwede: ginto, pilak, tanso, bakal, lata at tingga. 23 Ngu­nit kailangang linisin ng tubig na panlinis ang lahat. Sa tubig ninyo padadaanin ang di pu­puwe­de sa apoy. 24 Kapag nalabhan na ninyo ang inyong mga damit sa ikapitong araw, lilinis na kayong muli at makapapasok na sa kampo.”

 

25 Nagsalita si Yawe kay Moises at sinabi: 26 “Bilangin mo ang nabihag tao man o hayop; tutulungan ka ng paring si Eleazar at ng mga ulo ng mga angkan ng pamayanan. 27 At hatiin mo ito sa dalawa: para sa mandirigmang luma­ban at para sa naiwan sa pamayanan. 28 Kuku­nan mo ng abuloy kay Yawe ang mga mandi­rigmang lumaban: tig-isa sa bawat limandaang tao, baka, asno o tupa. 29 Kukunin mo iyon sa kala­hating napasakanila at ibibigay sa paring si Eleazar bilang abuloy kay Yawe. 30 Sa kalaha­ting napasa-mga-Israelita naman ay kukuha ka ng tig-isa sa bawat limampung tao, baka, asno o tupa, at ibibigay sa mga Levitang nag­lilingkod sa Tirahan ni Yawe.”

 

31 Kaya ginawa nina Moises at ng paring si Eleazar ang iniutos ni Yawe kay Moises. 32 Ito ang natira sa nasamsam ng mga mandi­rigma: 675,000 tupa, 33 72,000 baka, 34 61,000 asno, 35 at 32,000 mga babaeng di pa nagkakaroon ng relasyon sa lalaki.

 

36 Napasa-mga-mandirigma ang kala­hati: 337,500 tupa 37 at ang buwis na ibinigay kay Yawe: 675; 38 36,000 baka at ang buwis na ibinigay kay Yawe: 72; 39 30,500 asno at ang buwis na ibinigay kay Yawe: 61; 40 at 16,000 tao at ang buwis na ibinigay kay Yawe: 32. 41 Ibinigay ni Moises sa paring si Eleazar ang buwis na abuloy kay Yawe, gaya ng iniutos ni Yawe sa kanya.

 

42 Napasa-mga-Israelita ang isa pang ka­la­hati na ibinukod ni Moises sa bahagi ng man­dirigma. 43 Ito ang kalahating para sa pama­yanan: 337,500 tupa, 44 36,000 baka, 45 30,500 asno, 46 at 16,000 tao. 47 Sa kalaha­ting ito na parte ng mga Israelita, kumuha si Moises ng tig-isa sa bawat limampung tao o hayop, at ibinigay sa mga Levitang naglilingkod sa Tirahan ni Yawe, gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises.

 

48 At nilapitan si Moises ng mga pinuno ng hukbo na mga pinuno ng tigsasanlibo at tigsa­sandaan. 49 Sinabi nila kay Moises: “Nabilang na ng mga lingkod mo ang mga mandirigmang nasa ilalim namin at wala isa mang kulang. 50 Kaya iaalay namin kay Yawe bilang mga han­dog ang mga bagay na yari sa ginto na nakuha ng bawat isa: mga panlagay sa braso, mga pul­seras, mga singsing, mga hikaw at mga ku­wintas upang ipanghingi ng tawad kay Yawe para sa amin.” 51 At tinang­gap nga sa kanila ni Moises at ng paring si Eleazar ang iba’t ibang bagay na ginto. 52 Umabot sa 16,750 shekel ang gintong ibinigay kay Yawe ng mga pinuno ng tigsa­sanlibo at tigsasandaan bilang buwis.

 

53 (Kinuha nga ng bawat isa sa hukbo ang sarili niyang nasamsam.) 54 Tinanggap ni Moi­ses at ng paring si Eleazar sa pinuno ng tigsasanlibo at tigsasandaan ang ginto, at inilagay sa Toldang Tagpuan para maalaala ni Yawe ang mga Israelita.

June 11, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Numbers, Old Testament | | No Comments Yet

Mga Bilang 30

    1 Sinabi ni Moises sa mga anak ng Israel  ang lahat ng ito gaya ng iniutos sa kanya ni Yawe.

 

Mga batas tungkol sa mga panata

 

Sinabi rin ni Moises sa mga pinuno ng mga tribu ng Israel:  “Isang kautusan ito ni Yawe 3 Kung may lalaking gumawa ng isang panata kay Yawe o may sinumpaang pangako, huwag niyang sirain ang kanyang salita, kundi tupa­ring lahat ang sinabi niya.

 

Para naman sa babae, kung gumawa siya ng panata kay Yawe o may sinumpaang pa­ngako noong kabataan niya habang nasa bahay pa ng kanyang ama 5 at kung wala namang sinasabi sa kanya ang kanyang ama sa pagka­kaalam nito sa nasabing panata o sinum­paaang pangako, magkakabisa ang panata o pangako niya. 6 Ngunit kung tumanggi ang ama sa oras na malaman iyon, mawawalan ng bisa ang panata o pangako niya; patatawarin siya ni Yawe dahil sa pagtanggi ng kanyang ama.

 

Kung may ginawang panata o sinum­paang pangako ang isang babae bago mag-asawa 8 at wala namang sinasabi sa kanya ang kanyang napangasawa matapos itong malaman, magka­kabisa ang panata o pa­ngako niya. 9 Ngunit kung tutulan iyon ng kanyang asawa sa oras na malaman iyon, mawawalang-bisa ang panata o ang panga­ko niya, at patatawarin siya ni Yawe.

 

10 Para naman sa balo o sa babaeng hini­wa­layan ng kanyang asawa, magka­kabisa ano man ang kanyang panata o pangako.

 

11 Kung sa bahay ng kanyang asawa niya ginawa ang panata o sinumpaan ang pangako na mag-abstinensya, 12 at walang sinabi sa kan­ya ang kanyang asawa sa pagka­alam niyon, magkakabisa ang anu­mang panata o pangako niya. 13 Ngunit kung tutulan iyon ng kanyang asawa sa oras na malaman iyon, mawawalan ng bisa kahit na anuman ang kanyang panata o pangako; patatawarin siya ni Yawe sapagkat pina­walang-bisa iyon ng kanyang asawa.

 

14 Anumang panata o sinumpaang panga­ko na mag-abstinensya ay pagtitibayin o pawawa­lang-bisa ng kanyang asawa. 15 Ngunit kung walang sinasabi sa kanya ang kanyang asawa hanggang kinabukasan, binibigyang-bisa niya ang panata o pangako ng babae. Binibigyang-bisa niya ang mga iyon sa di niya pagsasabi ng anuman sa pagkaalam niya sa mga iyon. 16 Pero kung malaman niya ang panata o pangako ng babae at saka lamang niya pinawawalang-bisa ang mga iyon, siya ang mananagot sa pagkakasala ng babae.”

 

17 Ito ang mga tuntuning iniutos ni Yawe kay Moises tungkol sa lalaki at sa kanyang asawa, tungkol sa ama at sa kanyang anak na babae, habang nasa bahay pa siya ng kanyang ama sa kanyang kabataan.

June 11, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Numbers, Old Testament | | No Comments Yet

Mga Bilang 29

Piyesta ng Bagong Taon

 

    1 Sa unang araw ng ikapitong buwan, magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon, at huwag gagawa ng anumang trabaho ng manggagawa: magiging araw ito ng matunog na pag-ihip para sa inyo. 2 Mag-aalay kayo ng susunuging handog na kalugud-lugod ang amoy kay Yawe: isang toro, isang barakong tupa, at pitong batang tupang iisang taon na walang kapansanang. 3 Isasama rito ang pagkaing handog na harinang hinaluan ng langis: tatlong ikapu para sa bawat toro, dalawang ikapu para sa barakong tupa, 4 at isang ikapu para sa bawat isa sa pitong batang tupa. 5Iaalay rin ang isang barakong kambing para sa kasa­lanan bilang paghingi ng tawad.

 

Iaalay ang mga ito at ang inuming handog ng mga ito bilang haing pinadaan sa apoy at kalugud-lugod na amoy kay Yawe, bukod pa sa susunuging handog ng bagong buwan na may sariling pagkaing handog, at sa pang-araw-araw na susunuging handog na may sarili ring pagkaing handog.

 

Piyesta ng Pagpapatawad

 

7 Magkakaroon kayo ng banal na pagti­tipon sa ikasampung araw ng ikapitong buwan. Mag-aayuno kayo at hindi gagawa ng anumang trabaho ng manggagawa. 8 Mag-aalay kayo ng susunuging handog na kalugud-lugod ang amoy kay Yawe: isang toro, isang barakong tupa, at pitong walang kapintasang batang tupang iisahing taon. 9 Isasama sa mga ito ang katumbas na pag­kaing handog na pinong harinang hinaluan ng langis: tatlong ikapung takal para sa bawat toro, dalawang ikapung takal para sa barakong tupa, 10 at tig-isang ikapu sa pitong batang tupa. 11 Mag-aalay rin ng isang barakong kambing para sa kasalanan bukod pa sa hain para sa kasalanan ng Piyesta ng Pagpapatawad at sa pang-araw-araw na susunuging handog na may handog na pagkain at inumin.

 

 

 

Piyesta ng Mga Kubol

 

12 May banal na pagtitipon kayo sa ika­­labin­limang araw ng ikapitong buwan: huwag gagawa ng anumang trabaho ng manggagawa. Pitong araw ninyong ipagdiriwang ang Piyesta kay Yawe. 13 Mag-aalay kayo ng susunuging handog na kalugud-lugod ang amoy kay Yawe: labintatlong toro, dalawang barakong tupa at labing-apat na walang kapansanang batang tupang iisahing taon. 14 Isasama rito ang pagkaing handog na pinong harinang hinaluan ng langis: tigatlong ikapung takal para sa labintatlong toro, dalawang ikapung takal para sa ba­rakong tupa 15 at tig-isang ikapu para sa labing-apat na batang tupa. 16 Mag-aalay rin ng isang barakong kambing para sa kasalanan bukod pa sa pang-araw-araw na susunuging handog na may handog na pagkain at inumin.

 

17 Sa ikalawang araw: labindalawang toro, dalawang barakong tupa at labing-apat na wa­lang kapansanang batang tupang iisahing taon. 18 Isasama rito ang pagkain at inuming handog ayon sa bilang ng mga toro, bara­kong tupa at mga batang tupa. 19 At isa ring barakong kambing para sa kasalanan, bukod pa sa pang-araw-araw na susunuging handog na may kasama ring handog na pagkain at inumin.

 

20 Sa ikatlong araw: labing-isang toro, dalawang barakong tupa, at labing-apat na walang kapansanang batang tupang iisahing taon. 21 Isasama rito ang pagkain at inuming handog ayon sa bilang ng mga toro, mga barakong tupa at mga batang tupa alinsunod sa kaugalian 22 Mag-aalay rin ng isang barakong kambing para sa kasalanan, bukod pa sa pang-araw-araw na susunuging handog na may handog na pagkain at inumin.

 

23 Sa ikapat na araw: sampung toro, dalawang barakong tupa at labing-apat na walang kapansanang batang tupang iisahing taon. 24 Isasama rito ang pagkain at inuming handog ayon sa bilang ng mga toro, mga barakong tupa at mga batang tupa alinsunod sa kaugalian. 25 Mag-aalay rin ng isang barakong kambing para sa kasalanan, bukod pa sa pang-araw-araw na susunuging handog na may pagkain at inuming handog.

 

26 Sa ikalimang araw: siyam na toro, dalawang barakong tupa at labing-apat na walang kapansanang batang tupang iisahing taon. 27 Isasama rito ang pagkain at inuming handog ayon sa bilang ng mga toro, mga barakong tupa at mga batang tupa alinsunod sa kaugalian. 28 Mag-aalay rin ng isang barakong kambing para sa kasalanan, bukod pa sa pang-araw-araw na susunuging handog na may pagkain at inuming handog.

 

29 Sa ikanim na araw: walong toro, dalawang barakong tupa at labing-apat na walang kapansanang batang tupang iisahing taon. 30 Isasama rito ang pagkain at inuming handog ayon sa bilang ng mga toro, mga barakong tupa at mga batang tupa alinsunod sa kaugalian. 31 Mag-aalay rin ng isang barakong kambing para sa kasalanan, bukod pa sa pang-araw-araw na susunuging handog na may pagkain at inuming handog.

 

32 Sa ikapitong araw: pitong toro, dalawang barakong tupa at labing-apat na walang kapansanang batang tupang iisahing taon. 33 Isasama rito ang pagkain at inuming handog ayon sa bilang ng mga toro, mga lalaking tupa at mga batang tupa alinsunod sa kaugalian. 34 Mag-aalay rin ng isang bara­kong kambing para sa kasalanan, bukod pa sa pang-araw-araw na susunuging handog na may pagkain at inuming handog.

 

35 May banal na pagtitipon din kayo sa ika­walong araw: huwag kayong gagawa ng anu­mang trabaho ng manggagawa. 36 Mag-aalay kayo ng isang susunuging handog na kalugud-lugod ang amoy kay Yawe: isang toro, isang barakong tupa, at pitong walang kapansanang batang tupang iisahing taon. 37 Isasama rito ang pagkain at inuming handog ayon sa bilang ng mga toro, mga barakong tupa at mga batang tupang alinsunod sa kaugalian. 38 Mag-aalay rin ng isang barakong kambing para sa kasa­lanan, bukod pa sa pang-araw-araw na susunu­ging handog na may pagkain at inuming handog.

 

39 Ito ang mga gagawin ninyo para kay Yawe sa inyong mga pagdiriwang: mga susunuging handog, mga pagkain at inu­ming handog at mga hain sa mabuting pagsa­samahan, bukod pa sa inyong mga panata o mga kusang-loob na alay.”

June 11, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Numbers, Old Testament | | 1 Comment

Mga Bilang 28

Ang kalendaryo ng mga pag-aalay

 

   1 Nagsalita si Yawe kay Moises: 2 “Ituro mo sa mga Israelita ang kautusang ito. Pag-ingatan ninyong mag-alay sa akin ng han­dog na pagkain na haing pinadaan sa apoy bilang kalugud-lugod ang amoy sa akin sa tak­dang panahon.”

 

Kaya sabihin mo sa kanila: “Ito ang haing pinadaan sa apoy na ihahandog ninyo kay Yawe.

 

Mga pang-araw-araw na pag-aalay

 

Araw-araw: dalawang walang kapansa­nang batang tupang iisahing taon bilang pang-araw-araw na susunuging handog.

 

Iaalay ang isa sa umaga at ang isa pa sa dapithapon 5 na may pagkaing handog na ikapung takal ng pinong harinang hinaluan ng ikapat na hin ng langis ng olibo.

 

6 Ito ang pang-araw-araw na susunuging handog na inialay sa Bundok Sinai bilang haing pinadaan sa apoy na kalugud-lugod ang amoy kay Yawe. 7 Ikapat na hin ng alak ang inuming handog sa unang tupa; ibu­buhos ang alak na ito kay Yawe sa santuwaryo. 8 Sa dapithapon na­man iaalay ang isa pang tupa na may handog na pagkain at inumin gaya ng sa umaga. Haing pinadaan sa apoy ito na kalugud-lugod ang amoy kay Yawe.

 

Mga pag-aalay sa Araw ng Pahinga

 

Sa Araw ng Pahinga: dalawang walang ka­pansanang tupang iisahing taon. Sasamahan ito ng pagkaing handog: dalawang ikapung takal ng pinong harinang hinaluan ng langis at inu­ming handog. 10 Ito ang susunu­ging handog sa Araw ng Pahinga bukod pa sa pang-araw-araw na susunuging handog at sa inuming handog na kasama nito.

 

Pag-aalay sa bagong buwan

 

11 Mag-aalay kayo kay Yawe sa araw ng bagong buwan ng susunuging handog: dalawang toro, isang barakong tupa, at pitong walang kapansanang batang tupang iisahing taon. 12 May kasamang tatlong ikapung takal ng pinong harinang hinaluan ng langis bilang pagkaing handog ang bawat toro, dalawang ikapung takal naman ng pinong harinang hina­luan ng langis bilang pagkaing handog ang barakong tupa, 13 at tig-isang ikapung takal ng pinong harinang hinaluan ng langis bilang pag­kaing handog ang bawat batang tupa – bilang haing pinadaan sa apoy na kalugud-lugod ang amoy kay Yawe.

 

14 Sasamahan ng inuming handog ang mga ito: isang kalahating hin ng alak para sa bawat toro, sangkatlong hin para sa barakong tupa, at sangkapat na hin para sa bawat batang tupa. Ito ang buwanang susunuging handog tuwing bagong buwan. 15 Bukod dito, isang kambing ang ihahain kay Yawe para sa kasalanan. Iaalay ito kasama ang inuming handog nito bukod pa sa pang-araw-araw na susunuging handog.

 

Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura

 

16 Paskuwa kay Yawe ang ikalabing-apat na araw ng unang buwan at sa ikalabin­limang araw ng buwang ito ang Piyesta. 17 Pitong araw na tinapay na walang lebadura ang kakanin ninyo. 18 May banal na pagti­tipon sa unang araw; hu­wag kayong gagawa ng anumang trabaho ng mang­gagawa. 19 Mag-aalay kayo kay Yawe ng susunuging handog: dalawang toro, isang bara­kong tupa, at pitong walang kapansanang ba­tang tupang iisahing taon.

 

20 Isasama rito ang pagkaing handog: tatlong ikapung takal ng pinong harinang hina­luan ng langis sa bawat toro at dalawang ikapung takal naman para sa barakong tupa, 21 at tig-isang ikapu para sa pitong batang tupa. 22 At isang barakong kambing para sa kasalanan bilang paghingi ng tawad para sa inyo 23 bukod pa sa pang-araw-araw na susu­nuging handog sa umaga. 24 Ito ang iaalay ninyo araw-araw sa loob ng pitong araw bilang pagkaing handog at haing pinadaan sa apoy na kalugud-lugod ang amoy kay Yawe.

 

Iaalay ito nang may inuming handog, bukod pa sa pang-araw-araw na susunuging handog. 25 Magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon sa ikapitong araw, at huwag gagawa ng anumang trabaho ng mangga­gawa.

 

Piyesta ng Sanlinggo

 

26 Sa araw ng mga unang bunga, sa pag-aalay ninyo ng mga bagong bunga sa Piyesta ng Mga Sanlinggo, magkakaroon kayo ng banal na pagtitipon, at huwag kayong gagawa ng anu­mang trabaho ng mang­gagawa. 27 Mag-aalay kayo ng susunuging handog na kalugud-lugod ang amoy kay Yawe: dalawang toro, isang bara­kong tupa, pitong batang tupang iisahing taon.

 

28 Isasama rito ang katumbas na pagkaing handog na pinong harinang hinaluan ng langis: tatlong ikapung takal para sa bawat toro, dalawang ikapu para sa barakong tupa, 29 at tig-isang ikapu para sa pitong batang tupa; 30 at isang barakong kambing na hain para sa kasa­lanan bilang paghingi ng tawad para sa inyo. 31 Ihahandog ninyo ang mga ito at ang kasamang mga inuming handog, bukod pa ang pang-araw-araw na susunu­ging handog na may kasamang pagkaing handog.

June 11, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Numbers, Old Testament | | No Comments Yet

Mga Bilang 27

  Lumapit naman sina Mahla, Noaa, Hogla, Milca at Tirsa na mga anak na babae ni Selophad na anak ni Hefer na anak ni Galaad na anak ni Makir na anak ni Manases na anak naman ni Jose. Tumayo sila sa harap ni Moises, ng paring si Eleazar, ng mga pinuno at ng buong pamayanan sa may pintuan ng Tol­dang Tagpuan at sinabi: 3 “Namatay sa disyerto ang aming ama. Hindi siya sumama sa mga nagsab­watan laban kay Yawe, sa pangkat ni Kora; sa sariling pagkakasala lamang siya na­matay nang walang anak na lalaki. At mapapawi ba ang pangalan ng aming ama sa kanyang angkan dahil wala siyang anak na lalaki? Kaya pama­nahan n’yo kami kasama ng mga kapatid ng aming ama.”

 

5 Iniharap ni Moises kay Yawe ang kanilang usapin, 6 at sinabi ni Yawe: 7 “Tama ang sinabi ng mga anak na babae ni Selophad. Pama­nahan mo sila sa piling ng mga kapatid ng kanilang ama; isalin mo sa kanila ang mana ng kanilang ama. Kaya sasabihin mo sa mga Israelita: Kung may mamatay na walang anak na lalaki, isasalin ang kanyang mana sa anak na babae; at kung wala siyang anak na babae, ibibigay ang pamana niya sa kanyang mga kapatid; 10 kung wala siyang mga kapatid, ibibigay ang pamana niya sa mga kapatid ng kanyang ama; 11 kung walang kapatid ang kan­yang ama, ibi­bigay ang pamana sa pina­ka­malapit na kamag-anak sa angkan, at ma­gi­ging pag-aari niya iyon. Magiging isang kau­tusan o karapa­tan ito sa Israel, gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises.”

 

Humalili si Josue kay Moises

 

12 Sinabi ni Yawe kay Moises: “Umahon ka sa kabundukang ito ng Abarim para makita ang lupaing ibibigay ko sa mga Israelita. 13 Pag­ka­tanaw mo niyon, makakapiling mo rin ang iyong mga ninuno gaya ng kapatid mong si Aaron. 14 Sumuway nga kayo sa dis­yerto ng Sin, sa pag­rereklamo ng pama­mayan sa akin, nang iutos ko sa inyong ipa­kita sa kanila ang aking kabanalan hinggil sa tubig.” (Ito ang tubig ng Meriba ng Kades sa disyerto ng Sin.)

 

15 Kaya sinabi ni Moises kay Yawe: 16 “Humirang nawa ng isang tao sa pamayanan si Ya­weng Diyos ng mga espiritu ng lahat ng kina­pal. 17 Siya ang mangunguna sa kanila sa pag-alis at pagbalik; palalakarin niya sila at pababalikin; huwag sanang maging kawang walang pastol ang pamamayan ni Yawe.”

 

18 At sinabi ni Yawe kay Moises: “Tawagin mo si Josueng anak ni Nun, nasa kanya ang espiritu at ipatong mo sa kanya ang iyong kamay. 19 At saka mo siya iharap sa paring si Eleazar at sa buong pamayanan para tagu­bilinan siya sa paningin nila. 20 Bahagi­nan mo siya ng iyong kaluwalhatian upang paking­gan siya ng buong pamayanan ng Israel.

 

21 Makahaharap siya sa paring si Eleazar at sasangguni ito kay Yawe sa pamamagitan ng Urim para sa kanya. Kaya uutusan niya ang mga Israelita; kasama niyang lalakad at babalik ang buong pamayanan.”

 

22 Ginawa ni Moises ang iniutos sa kanya ni Yawe. Isinama niya si Josue at pinatayo sa harap ng paring si Eleazar at ng buong pama­yanan. 23 Ipinatong niya ang kanyang kamay at tinagubilinan siya, gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises.

June 11, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Numbers, Old Testament | | No Comments Yet