Mga Bilang 16
Mga pagmamagaling ni Kora;
paghihimagsik nina Datan at Abiram
• 1 Naghimagsik laban kay Moises si Kora na anak ni Isar na anak naman ni Kehat mula sa tribu ng Levi, at sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab na anak naman ni Pelu mula sa tribu ng Ruben. 2 Sumama sa kanya ang dalawandaa’t limampung Israelita na mga kilalang pinuno sa pamayanan at mga miyembro ng sanggunian.
3 Nagtipon sila laban kina Moises at Aaron, at sinabi: “Sobra na! Banal ang buong pamayanan at sumasakanila si Yawe. Kaya bakit hangad ninyong makapangyari sa pamayanan ni Yawe?”
4 Nang marinig ito ni Moises, nagpatirapa siya. 5 At sinabi niya kay Kora at sa mga tagasunod nito: “Ipakikita ni Yawe bukas ng umaga kung sino ang kanya at kung sino ang banal at palalapitin niya sa kanya. Palalapitin niya mismo sa kanya ang kanyang pipiliin. 6 Ikaw, Kora, kasama ang lahat mong tagasunod – kunin ninyo ang inyong mga insensaryo. 7 Punuin ang mga iyon bukas ng nagbabagang uling at lagyan ng insenso sa harap ni Yawe, at pipiliin ni Yawe kung sino ang banal. Sumusobra na kayong mga anak ng Levi!”
8 Sinabi rin ni Moises kay Kora: “Makinig kayo ngayon sa akin, mga anak ng Levi. 9 Maliit na bagay pa ba para sa inyo na ibinukod kayo ng Diyos ng Israel mula sa pamayanan ng Israel para ilapit sa kanya upang maglingkod sa Banal na Tolda ni Yawe, at tumayo sa harap ng pamayanan para maglingkod sa ngalan nila? 10 Inilapit ka niya sa kanya, ikaw at lahat ng kapatid mong Levita, at ngayo’y inaambisyon n’yo ring magpari. 11 Ano ba ang pakialam dito ni Aaron at nagrereklamo kayo laban sa kanya? Si Yawe ang pinaghimagsikan mo at ng iyong mga tagasunod.”
12 Ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, ngunit sinabi ng mga ito: “Hindi kami pupunta. 13 Hindi pa ba sapat na ilabas mo kami mula sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot-pukyutan para patayin kami sa disyerto? At ngayo’y gusto mo pang panginoonin ka namin! 14 Hindi mo naman kami nadala sa lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot-pukyutan, o napamanahan ng mga bukirin at ubasan. Akala mo ba’y bulag ang mga taong ito? Hindi kami pupunta.”
15 Galit na galit si Moises at sinabi niya kay Yawe: “Huwag mong kalugdan ang kanilang handog. Hindi ako kumuha ni isa mang asno mula sa kanila, ni wala akong sinaktang sinuman sa kanila.”
16 Sinabi ni Moises kay Kora: “Ikaw at ang lahat mong kasamahan ay haharap kay Yawe bukas, ikaw at sila, kasama si Aaron. 17 Dalhin ng bawat isa sa inyo ang kanyang insensaryo, lagyan iyon ng insenso at ialay sa harap ni Yawe – dalawandaa’t limampung insensaryo – at gayundin ang gagawin ni Aaron.” 18 Kaya kinuha ng bawat isa ang kanyang insensaryo, at nilagyan iyon ng apoy at insenso, at tumayo sa bungad ng Toldang Tagpuan, kasama sina Moises at Aaron.
19 Tinipon ni Kora ang buong pamayanan laban sa kanila sa pintuan ng Toldang Tagpuan, at napakita sa buong pamayanan ang Luwalhati ni Yawe.
20 Sinabi ni Yawe kina Moises at Aaron: 21 “Lumayo kayo sa pamayanang ito at agad ko silang uubusin.” 22 Ngunit nagpatirapa sila at sinabi: “O Diyos, Diyos ng mga espiritu ng sangkatauhan, magagalit ka ba sa buong pamayanan dahil lamang sa kasalanan ng isang tao?”
23 Sumagot si Yawe kay Moises: 24 “Kausapin mo ang pamayanan at sabihin ito: Lumayo kayo sa mga tolda nina Kora, Datan at Abiram!”
25 Tumindig si Moises at pumunta kina Datan at Abiram, at sumunod naman sa kanya ang mga matatanda ng Israel. 26 Kinausap niya ang pamayanan at sinabi: “Lumayo kayo sa mga tolda ng mga masamang taong ito, at huwag hipuin ang alinman sa kanilang ari-arian, kung hindi’y mamamatay kayo dahil sa lahat nilang kasalanan.” 27 Nagsilayo nga sila sa mga tolda nina Kora, Datan at Abiram; at nagsilabas naman sina Datan at Abiram at tumayong kasama ng kani-kanilang asawa at mga anak at maliliit na bata sa pintuan ng kani-kanilang mga tolda.
• 28 At sinabi ni Moises: “Sa ganito ninyo malalaman na isinugo nga ako ni Yawe upang gawin ang lahat ng ito, at hindi ito galing sa akin. 29 Kung sila ay mamatay tulad ng sinuman, at singilin tulad ng sinumang tao, hindi ako sinugo ni Yawe kung gayon. 30 Ngunit kung gagawa ng himala si Yawe, at ngumanga ang lupa at nilulon sila, kasama ang lahat nilang ari-arian at mananaog silang buhay sa Lugar ng mga Patay, malalaman ninyo na kinasuklaman ng mga taong ito si Yawe.”
31 Pagkatapos masabi ni Moises ang lahat ng ito, nahati ang lupa, 32 ngumanga at nilulon ang mga iyon pati ang kanilang mga sambahayan, at lahat ng tauhan ni Kora at lahat nilang ari-arian.
33 Bumaba silang buhay sa Lugar ng mga Patay, pati ang lahat nilang ari-arian; tumikom ang lupa sa kanila at naglaho sila sa pamayanan. 34 Sa kanilang mga sigaw, nagtatakbo ang lahat ng Israelitang nasa kanilang paligid, habang sinasabi “Baka tayo malulon ng lupa!”
35 At biglang lumabas ang apoy mula kay Yawe at tinupok ang dalawandaa’t limampung lalaking nag-aalay ng insenso.
Mga Bilang 15
KARAGDAGAN pang mga batas
• 1 Sinabi ni Yawe kay Moises: 2 “Sabihin mo sa mga Israelita: Ito ang gagawin n’yo pagkapasok sa lupaing titirhan ninyo pagkabigay ko nito sa inyo upang maging kalugud-lugod kay Yawe ang amoy ng handog na baka o tupa. 3 Kung may handog na pinadaan sa apoy kay Yawe, o susunuging handog o hain sa pagtupad ng isang panata o kusang-loob na alay o dahil sa inyong mga pagdiriwang, 4 ang nag-aalay kay Yawe ay mag-aalay ng pagkaing handog na ikapung efang harina na hinaluan ng sangkapat na hing langis. 5 At daragdagan pa ng inuming handog na sangkapat na hing alak para sa bawat batang tupang susunuging handog o isasakripisyo. 6 Para naman sa barakong tupa, magdadala ka ng dalawang ikapung efa ng pinong harinang hinaluan ng sangkatlong hing langis bilang pagkaing handog, 7 at ng sangkatlong hing alak bilang inuming handog, para sa kalugud-lugod na amoy kay Yawe.
8 Kung mag-aalay ka ng isang toro bilang susunuging handog, o pagtupad sa isang panata o hain sa mabuting pagsasamahan kay Yawe, 9 magdadagdag ka ng tatlong ikasampung efa ng pinong harinang hinaluan ng kalahating hing langis bilang pagkaing handog, 10 at ng kalahating hing alak bilang inuming handog, para sa kalugud-lugod na amoy kay Yawe. 11 Ganito rin ang gagawin sa bawat toro, barakong tupa, batang tupa o kambing. 12 Kung marami ang inyong mga handog, gawin n’yo ito sa bawat isa.
13 Gagawin ito ng lahat ng katutubo para maging kalugud-lugod kay Yawe ang amoy ng kanilang handog na pinadaan sa apoy. 14 Susunod din sa batas na ito ang dayuhang nasa piling ninyo o sa piling ng inyong mga inapo sa pag-aalay ng haing pinadaan sa apoy bilang kalugud-lugod na amoy kay Yawe. 15 Sa pamamayan, iisang tuntunin lamang ang iiral sa inyo at sa dayuhan; panghabampanahong tuntunin ito sa inyong mga salinlahi: pareho lamang kayo ng dayuhan sa harap ni Yawe. 16 Iisang tuntunin at iisang kaugalian lamang para sa inyo at sa dayuhang nakikipamayan sa inyo.”
17 Nagsalita si Yawe kay Moises: 18 “Sabihin mo sa mga Israelita: Pagkapasok ninyo sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo, 19 makakakain kayo ng tinapay. Kaya mag-aabuloy kayo kay Yawe. 20 Maghahandog kayo ng isang bibingka na pinakauna sa inyong giikan bilang pinakauna sa inyong minasang harina. 21 Sa inyong mga salinlahi, mag-aalay kayo kay Yawe ng handog mula sa inyong pinakaunang minasang harina.
22 Kung magkamali kayo sa hindi ninyo pagtupad sa lahat ng kautusang ito na itinuro ni Yawe kay Moises – 23 ang lahat ng iniutos niya sa pamamagitan ni Moises mula sa una niyang pagsasalita hanggang sa mga sali’t salinlahi ninyo – 24 kung nagawa ito na di sinasadya ng pamayanan, maghahandog ang buong pamayanan ng isang batang toro bilang susunuging handog na kalugud-lugod ang amoy kay Yawe, kasama ang kinaugaliang handog na pagkain at inumin, at isang barakong kambing bilang hain para sa kasalanan. 25 Kaya hihingi ng tawad ang pari para sa buong pamayanan ng mga Israelita, at patatawarin sila sapagkat pagkakamali lamang ito, at dinala nila kay Yawe ang kanilang alay na isang handog na pinadaan sa apoy at ang hain para sa kasalanan dahil sa kanilang pagkakamali. 26 At patatawarin ang buong pamayanan ng mga Israelita pati ang dayuhang nasa piling nila sa di sinasadyang pagkakasala ng buong bayan.
27 Kung may tao namang nagkasala nang di sinasadya, mag-aalay siya ng isang taong gulang na babaeng kambing bilang hain para sa kasalanan. 28 Hihingi ng tawad ang pari sa harap ni Yawe para sa nagkasala nang di sinasadya, at patatawarin siya sa pamamagitan nito. 29 Iisa lamang ang inyong batas sa nagkasala nang di sinasadya: para sa katutubong Israelita at para sa dayuhang nasa piling ninyo.
30 Ngunit kung may kusang magkasala, maging katutubo o dayuhan, nilalait nito si Yawe: aalisin siya sa kanyang bayan. 31 Dahil hinamak niya ang salita ni Yawe at nilabag ang kanyang utos, hindi na siya mabubuhay at siya lamang ang mananagot sa kanyang kamatayan.”
Ang parusa sa nagtatrabaho sa Araw ng Pahinga
32 Habang nasa disyerto pa ang mga Israelita, may lalaking natagpuang nangangahoy sa Araw ng Pahinga. 33 Iniharap siya ng mga nakahuli sa kanya kina Moises at Aaron at sa buong pamayanan. 34 Ikinulong siya dahil wala pang ipinahahayag na dapat gawin sa kanya. 35 At sinabi ni Yawe kay Moises: “Mamamatay ang taong iyan; babatuhin siya ng buong pamayanan sa labas ng kampo.” 36 Kaya inilabas siya ng buong pamayanan sa kampo at binato hanggang mamatay, gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises.
37 Sinabi ni Yawe kay Moises: 38 “Sabihin mo sa mga Israelita na gumawa sila ng mga palawit sa dulo ng kanilang mga damit at lagyan ng sinulid na asul na mapula-pula sa bawat palawit. 39 Magkakaroon kayo ng mga palawit, at pag makikita ninyo ito’y maaalala ninyo ang lahat ng utos ni Yawe kaya tutuparin ninyo ang mga iyon at hindi na kayo magbibili ng inyong sarili sa pagliligaw sa inyo ng sariling puso at mga mata. 40 Kaya aalalahanin ninyo at isasabuhay ang lahat ng aking mga utos upang maitalaga kayo sa inyong Diyos. 41 Ako si Yaweng inyong Diyos ang naglabas sa inyo mula sa Ehipto upang akong si Yawe ang maging Diyos ninyo.”
Mga Bilang 14
Ang paghihimagsik ng bayan sa Kades
• 1 At humiyaw ang buong pamayanan, at magdamag na umiyak ang mga tao. 2 Nagreklamo ang lahat ng anak ng Israel laban kina Moises at Aaron, at sinabi ng buong pamayanan sa kanila: “Buti pang namatay na kami sa Ehipto o sa disyertong ito! 3 Ba’t ba kami dinadala ni Yawe sa lupaing ito para lamang mabuwal sa tabak, at masamsam sa amin ang aming mga asawa at maliliit na bata? Di ba mas mabuti pang bumalik sa Ehipto?” 4 At sinabi nila sa isa’t isa: “Pumili tayo ng pinuno at bumalik na tayo sa Ehipto.”
5 Nagpatirapa sina Moises at Aaron sa harap ng buong pagtitipon ng pamayanan ng mga anak ng Israel. 6 Winarak naman ni Josueng anak ni Nun, at ni Kaleb na anak ni Yefone, na kasama sa mga naniktik sa lupain, 7 at sinabi sa buong pamayanan ng mga anak ng Israel: “Napakaganda ang lupaing pinuntahan namin at ginalugad. 8 Kung kasiya-siya tayo kay Yawe, dadalhin niya tayo sa lupaing ito at ibibigay ito sa atin, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot-pukyutan. 9 Huwag lamang kayong maghihimagsik kay Yawe, at huwag matakot sa mga taong nasa lupain sapagkat sila ang uubusin natin! Wala na ang kanilang pananggalang at sumasaatin naman si Yawe. Huwag kayong matakot sa kanila!”
10 Binantaan silang babatuhin ng buong pamayanan nang biglang lumitaw ang Luwalhati ni Yawe sa Toldang Tagpuan sa harap ng lahat ng anak ng Israel.
11 Sinabi ni Yawe kay Moises: “Hanggang kailan ako hahamakin ng bayang ito? Hanggang kailan sila tatangging maniwala sa akin sa kabila ng mga tanda na ginawa ko sa piling nila? 12 Padadalhan ko sila ng salot at pupuksain, pero gagawin kitang isang bansang mas malaki at mas malakas kaysa kanila.”
13 Sinabi naman ni Moises kay Yawe: “Alam ng mga Ehipsiyo na inilabas mo sa iyong kapangyarihan ang bayang ito mula sa piling nila, 14 at sinabi nila ito sa mga naririto sa lupain. Nabalitaan na nila, Yawe, na kapiling ka ng bayang ito, at nakita ka nila nang harap-harapan, at ang iyong ulap ay namamalagi sa kanila, at nangunguna ka sa kanila sa isang haliging ulap kung araw at sa haliging apoy kung gabi. 15 At ngayo’y minsanan mong pupuksain ang bayang ito?
Kaya sasabihin ng mga bansang nakabalita tungkol sa iyo: 16 Hindi na kaya ni Yawe na dalhin ang bayang ito sa lupaing ipinangako niya sa kanila kaya niya sila pinagpapatay sa disyerto. 17 Panginoon ko, makita nawa ngayon ang iyong kapangyarihan pagkat ayon sa iyong mga salita, 18 hindi ka madaling magalit at mayaman sa kabutihang-loob. Pinapatawad mo ang kasalanan at paghihimagsik, ngunit naghihiganti ka at pinarurusahan ang mga anak hanggang sa ikatlo at ikapat na salinlahi dahil sa kasamaan ng kanilang mga magulang. 19 Patawarin mo na sana ang pagkakasala ng bayang ito, ayon sa masagana mong awa, tulad ng pagpapatawad mo sa bayang ito mula pa sa Ehipto hanggang ngayon.”
20 At sinabi ni Yawe: “Pinatawad ko na sila ayon sa iyong mga salita, 21 ngunit kung paanong buhay ako at pinupuspos ng Luwalhati ni Yawe ang daigdig, 22-23 isinusumpa kong hindi nila makikita ang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninuno. Sapagkat nakita nilang lahat ang aking Luwalhati at ang mga tanda na ginawa ko sa Ehipto at sa disyerto, ngunit sampung beses pa rin nila akong sinubok at hindi pinakinggan ang aking tinig. Wala isa man sa mga humamak sa akin ang makakakita niyon. 24 Ang lingkod kong si Kaleb lamang ang makapapasok doon sapagkat may naiiba siyang espiritu at dahil lubos siyang sumunod sa akin. Dadalhin ko siya sa lupaing pinuntahan niya at aariin iyon ng kanyang mga inapo, 25 samantalang nasa lambak ang mga Amalecita at mga Kananeo.
Kaya babalik kayo bukas at aalis papunta sa disyerto sa daang patungo sa Dagat ng Mga Tambo.”
26 Sinabi ni Yawe kina Moises at Aaron: 27 “Hanggang kailan magrereklamo sa akin ang masamang pamayanang ito? Narinig ko na ang mga reklamo ng mga reklamador na Israelitang ito. 28 Sabihin mo sa kanila – Buhay ako, wika ni Yawe, kaya gagawin ko sa inyo ang lahat ng narinig kong sinabi ninyo. 29 Lahat kayo, na dalawampung taong gulang o higit pa at kabilang sa senso, na nagrereklamo sa akin, mabubuwal sa disyertong ito ang inyong mga bangkay. 30 Hindi kayo papasok sa lupaing isinumpa kong paninirahan ninyo, maliban kay Kaleb na anak ni Yefone, at kay Josueng anak ni Nun. 31 Ngunit ang inyong mga anak na sinabi ninyong masasamsam sa inyo ang dadalhin ko roon at sila ang makaaalam sa lupaing tinanggihan ninyo. 32 Mabubuwal sa disyerto ang inyong mga bangkay, 33 at lalaboy rito sa loob ng apatnapung taon ang inyong mga anak, kasama ang kanilang mga kawan, pasan ang bigat ng inyong kataksilan hanggang bumagsak na patay sa disyerto ang kahuli-hulihan sa inyo.
34 Batay sa bilang ng mga araw na ginugol sa paniniktik sa lupain – isang taon para sa bawat araw, apatnapung araw – apatnapung taon ninyong papasanin ang bigat ng inyong mga pagkakasala at malalaman ninyo ang paglaban ko. 35 Akong si Yawe ang nagsalita. Tiyak na gagawin ko ito sa buong masamang pamayanan – pinagkaisahan nila ako. Mauubos sila sa disyertong ito, at dito sila mamamatay.”
36 Ang mga lalaking isinugo ni Moises upang maniktik sa lupain at nagbalik sa pamayanan ang silang nagpareklamo laban sa kanya sa pagkakalat ng masamang balita tungkol sa lupain. 37 Nangamatay sila dahil sa salot sa harap ni Yawe. 38 Tanging si Josueng anak ni Nun at si Kaleb na anak ni Yefone ang natirang buhay sa mga umalis para maniktik.
39 Nang isalaysay ito ni Moises sa mga Israelita, buong kapaitang nagluksa ang sambayanan. 40 Maaga silang gumising at umakyat sa bundok, at sinabi: “Narito kami! Nagkasala kami ngunit handa kaming pumunta sa lugar na ipinangako ni Yawe.” 41 Ngunit sinabi ni Moises: “Bakit ninyo sinusuway ang utos ni Yawe? Hindi ito magtatagumpay. 42 Huwag kayong aakyat, sapagkat wala sa inyo si Yawe, kung hindi’y malulupig kayo ng inyong mga kaaway. 43 Haharapin kayo roon ng mga Amalecita at mga Kananeo, at tiyak na mabubuwal kayo sa tabak, sapagkat tumalikod kayo sa pagsunod kay Yawe at wala siya sa inyo.”
44 Nagpilit pa rin silang umakyat sa tuktok ng bundok, ngunit hindi umalis mula sa loob ng kampo ang Kaban ng Pakikipagtipan ni Yawe o si Moises.
45 Kaya bumaba ang mga Amalecita at mga Kananeo na nakatira sa kaburulan, at nilupig sila at hinabol hanggang Horma.
Mga Bilang 13
Nagpadala si Moises ng mga espiya
para maniktik sa Lupang Pangako
1 At kinausap ni Yawe si Moises, at sinabi: 2 “Magsugo ka ng mga lalaki para magsiyasat sa lupain ng Kanaan na ibinibigay ko sa mga anak ng Israel; magsugo ka ng isang lalaki para sa bawat tribu ng mga ninuno, na mga pinuno ang lahat sa kanila.”
3 Kayat isinugo ni Moises ang mga lalaking ito mula sa Disyerto ng Paran ayon sa utos ni Yawe, mga pinuno ng mga Israelita silang lahat, 4 narito ang kanilang mga pangalan:
Si Sammua na anak ni Zacur mula sa tribu ng Ruben, 5 si Safat na anak ni Huri mula sa tribu ng Simeon, 6 si Kaleb na anak ni Yefone mula sa tribu ng Juda, 7 si Igal mula sa tribu ng Isacar, 8 si Oseas na anak ni Nun mula sa mga anak ni Jose sa tribu ng Efraim, 9 si Palti na anak ni Rafu mula sa tribu ng Benjamin, 10 si Gadiel na anak ni Sodi mula sa tribu ng Zabulon, 11 si Gaddi na anak ni Susi mula sa mga anak ni Jose sa tribu ng Manases, 12 si Ammiel na anak ni Gemali mula sa tribu ng Dan, 13 si Setur na anak ni Mikael mula sa tribu ng Aser, 14 si Nahabi na anak ni Vapsi mula sa tribu ng Neftali, 15 si Guel na anak ni Maki mula sa tribu ng Gad.
• 16 Ito ang mga pangalan ng mga lalaking isinugo ni Moises upang maniktik sa lupain. Ngunit tinawag na Josue ni Moises si Oseas na anak ni Nun.
17 Kaya pinapunta sila ni Moises para maniktik sa lupain ng Kanaan, at sinabi sa kanila: “Umahon kayo sa Negeb tungo sa kaburulan, at tingnan ang lagay ng lupa 18 at kung ang bayang naroo’y malakas o mahina, marami o kakaunti. 19 Tingnan din ninyo kung maganda o masama ang lupaing tinitirhan nila at kung anong klase ng mga siyudad mayroon sila – mga kampo lamang ba o napapaderan? 20 Tingnan ninyo kung mataba o hindi ang lupa, kung may mga puno o wala. Lakasan ninyo ang inyong loob at kumuha ng bunga ng lupain.” Panahon noon ng unang hinog na ubas.
21 Umakyat nga sila at ginalugad ang lupain mula sa disyerto ng Zin hanggang sa Rehob, malapit sa bungad ng Emat. 22 Umahon sila sa Negeb at dumating sa Hebron na isang matandang lunsod na itinayo pitong taon bago pa ang Soan sa Ehipto; doon nakatira sina Ahiman, Sesai at Tolmai na mga anak ni Enak.
23 At dumating sila sa Lambak ng Eskol kung saan sila pumutol ng isang sangang may buwig ng ubas. Pinasan ito ng dalawa sa kanila sa isang pingga. Nagdala rin sila ng igos at iba pang prutas. 24 Dahil sa buwig ng ubas na pinutol doon ng mga anak ng Israel, tinawag nilang Lambak ng Eskol (Buwig) ang lugar na iyon.
25 Bumalik sila pagkatapos ng apatnapung araw na paniniktik sa lupain. 26 Dumating sila at nakipagkita kay Moises, kay Aaron at sa buong pamayanan ng mga Israelita sa disyerto ng Paran sa Kades. Nag-ulat sila sa kanila at sa buong pamayanan, at ipinakita ang bunga ng lupain.
27 At iniulat nila kay Moises: “Pumasok kami sa lupaing pinapuntahan mo sa amin, at totoo ngang dinadaluyan ito ng gatas at pulot-pukyutan! Narito ang bunga niyon. 28 Pero napakalalakas ng bayang nakatira sa lupain; naglalakihan at napapaderan ang mga siyudad, at nakita pa namin doon ang mga inapo ng mga higante. 29 Nakatira ang mga Amalecita sa lupain ng Negeb, at nasa kaburulan naman ang mga Heteo, Hebuseo at Amorreo; at nasa baybay-dagat at sa pampang ng Jordan ang mga Kananeo.”
30 Pinatahimik ni Kaleb ang sambayanang laban kay Moises, at sinabi: “Kailangang umahon tayo at agawin ang lupain sapagkat tiyak na kaya natin ito.” 31 Ngunit sinabi ng mga lalaking kasama niyang umahon: “Hindi natin malulusob ang bayang iyon sapagkat mas malakas sila kaysa atin.”
32 At masama ang ipinamalita nila sa mga Israelita tungkol sa lupaing kanilang ginalugad: “Ang lupaing nilibot namin para tiktikan ay lupaing lumalamon sa lahat ng tagaroon, at napakalalaki ang lahat ng taong nakita namin. 33 Nakakita pa kami ng mga higante (sila ang mga anak ni Enac mula sa lahi ng mga higante). Sa tingin nami’y para kaming mga balang sa harap nila, at gayon nga siguro ang tingin nila sa amin.”
Mga Bilang 12
Hinamon nina Miriam at Aaron si Moises
• 1 Nagsalita laban kay Moises sina Miriam at Aaron dahil sa babaeng taga-Kus na pinakasalan nito, 2 at sinabi nila: “Sa pamamagitan lamang ba ni Moises nagsasalita si Yawe? Hindi ba nagsasalita rin siya sa pamamagitan namin?” At narinig iyon ni Yawe.
3 Ngunit si Moises ay taong tunay na mababang-loob, higit kaysa sinuman sa balat ng lupa. 4 At biglang sinabi ni Yawe kina Moises, Aaron at Miriam: “Halikayong tatlo sa Toldang Tagpuan.” At nagpunta naman ang tatlo.
5 Bumaba si Yawe na nasa haliging ulap, tumayo sa pintuan ng Tolda, at tinawag sina Aaron at Miriam. Kapwa lumabas ang dalawa, 6 at sinabi ni Yawe: “Makinig kayong mabuti sa aking mga salita –
Kung may propeta sa piling ninyo,
nagpapakilala ako sa kanya sa isang pangitain
at kinakausap siya sa isang panaginip.
7 Subalit hindi gayon para sa aking lingkod na si Moises,
ang aking katiwala sa buo kong sambahayan.
8 Kinakausap ko siya nang harap-harapan,
tuwiran at hindi sa talinhaga,
at nakikita niya ang anyo ni Yawe.
Bakit hindi kayo natakot magsalita laban sa aking lingkod, laban kay Moises?”
9 Naglagablab sa kanila ang galit ni Yawe, at umalis.
10 Lumayo ang ulap mula sa ibabaw ng Tolda, at hayan, si Miriam – simputi ng niyebe sa ketong. Humarap si Aaron kay Miriam, at nakita niyang ketongin na ito. 11 Kaya sinabi niya kay Moises: “Aking panginoon, huwag mo sana kaming parusahan sa pagkakasalang nagawa namin dahil sa aming kahangalan. 12 Huwag mo siyang pabayaang matulad sa sanggol na agas na halos ubos na ang laman paglabas sa sinapupunan ng kanyang ina.”
13 Kaya tumawag si Moises kay Yawe: “Pagalingin mo sana siya, O Diyos.” 14 Ngunit sinabi ni Yawe kay Moises: “Kung niluran siya sa mukha ng kanyang ama, hindi ba siya magtatago sa loob ng pitong araw dahil sa kahihiyan? Panatilihin mo siya sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw, pagkatapos ay saka lamang siya muling tatanggapin.”
15 Kaya nanatili si Miriam sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw, at hindi naglakbay ang sambayanan hanggang hindi siya pinapapasok na muli.
16 Pagkatapos niyon, umalis ang sambayanan mula sa Haserot at nagkampo sa Disyerto ng Paran.
Mga Bilang 11
11 • 1 Nangyari na naghahanap ng away ang bayan kay Yawe. Narinig sila ni Yawe at nag-apoy ang kanyang poot. Naglagablab sa kanila ang isang apoy mula kay Yawe at sinunog ang nasa labas ng kampo. 2 At sumigaw kay Moises ang sambayanan, at namagitan siya kay Yawe para sa kanila, at namatay ang apoy. 3 Tinawag nilang Tabera ang lugar na iyon, sapagkat doon naglagablab sa kanila ang apoy ni Yawe.
4 Napakatatakaw ang mga patapong kasama nila, at pati ang mga Israelita ay umiyak at nagsabi: “Sino ang magbibigay sa amin ng makakaing karne? 5 Naaalaala namin ang isdang kinakain namin nang libre sa Ehipto, ang mga pipino, mga milon, mga puero, mga sibuyas at mga bawang. 6 Wala na kami ngayong ganang kumain; wala na kaming makitang anuman, wala liban sa manna.”
7 Parang buto ng kulantro at mukhang bedelyo ang manna. 8 Naglilibot ang sambayanan sa pangunguha nito, at saka ginigiling sa gilingang-bato o binabayo sa lusong. Isinasaing nila iyon sa palayok o ginagawang tinapay na lasang tinapay na may langis. 9 Pagpatak ng hamog sa kampo kung gabi, kasama nitong bumababa ang manna.
10 Narinig ni Moises ang iyakan ng sambayanan, pami-pamilya, sa bungad ng kani-kanilang tolda, at lubhang nagalit si Yawe.
Hindi ito naging kasiya-siya kay Moises, 11 kaya sinabi ni Moises kay Yawe: “Ba’t naman napakasama ng trato mo sa iyong lingkod? Dahil ba hindi mo ako mahal at ipinapapasan mo sa akin ang buong sambayanang ito? 12 Bakit, ako ba ang naglihi sa buong sambayanang ito? Ako ba ang nagsilang sa kanila? At ngayo’y ipinakakarga mo pa sila sa aking kandungan tulad ng pagkarga ng isang yaya sa sanggol na pinasususo, patungo sa lupaing ipinangako mo sa kanilang mga ninuno? 13 Saan ako kukuha ng karne para sa buong bayang ito pag iyak nila sa akin sa pagsasabing – Bigyan mo kami ng karneng makakain! 14 Hindi ko makakargang mag-isa ang buong sambayanang ito; napakabigat na pasanin ito para sa akin. 15 Mabuti pang patayin mo na nga ako kung ganito rin lang ang trato mo sa akin, kung may nalalabi ka pang pagtingin sa akin, at nang hindi ko na makita pa ang iyong galit.”
16 Sinabi ni Yawe kay Moises: “Tipunin mo rito ang pitumpung lalaki mula sa matatanda ng Israel na kinikilala mong mga matatanda ng bayan at mga opisyal nila, at dalhin sila sa Toldang Tagpuan at patayuin sila roong kasama mo. 17 Bababa ako para makipag-usap sa iyo, at kukuha ako sa espiritung sumasaiyo at ilalagay ko sa kanila. Mula ngayon, kaisa mo silang magpapasan sa sambayanan kaya hindi mo na sila papasaning mag-isa.
18 Sabihin mo sa sambayanan: Mag-pakabanal kayo para bukas, at kakain kayo ng karne. Narinig kayo ni Yawe sa inyong pagtangis nang sabihin ninyong – Sino ang magbibigay sa amin ng makakaing karne? Mabuti pa nang nasa Ehipto kami! – Bibigyan kayo ni Yawe ng karne at kakain kayo, 19 hindi lamang isang araw o dalawa o lima o sampu o dalawampung araw 20 kundi isang buong buwan hanggang lumabas iyon sa inyong mga ilong at magsawa kayo. Sapagkat itinakwil ninyo si Yawe na inyong kapiling, at nanangis kayo sa harap niya at inyong sinabi – Bakit ba kami nakaalis-alis pa sa Ehipto?”
21 At sinabi ni Moises: “Animnaraang libong kawal ang kasama ko, at sinasabi mong – Bibigyan ko sila ng karne at kakanin nila iyon sa loob ng isang buwan! 22 Makakasapat ba sa kanila kung katayin man ang isang buong tupahan o bakahan? Makasasapat ba sa kanila kung hulihin man ang lahat ng isda sa dagat?”
23 At sinabi ni Yawe kay Moises: “Maikli ba ang bisig ni Yawe? Makikita mo ngayon kung totoo o hindi ang aking salita.”
Ibinigay ni Yawe ang kanyang espiritu sa mga pinuno
• 24 Lumabas si Moises at sinabi sa sambayanan ang mga salita ni Yawe. Tinipon niya ang pitumpung lalaki mula sa matatanda at pinatayo sila sa paligid ng Tolda.
25 Bumaba si Yawe na nasa ulap at kinausap si Moises. Kumuha siya sa espiritung sumasakanya at inilagay sa pitumpung matatanda. Nang sumakanila ang espiritu, nagpropesiya ang mga ito. Pero hindi na naulit pa iyon.
26 Dalawang lalaki ang naiwan sa kampo; Eldad ang pangalan ng isa at ang isa nama’y Medad. Gayunman, sumakanila rin ang espiritu sapagkat kabilang sila sa listahan bagamat hindi sila nagpunta sa Tolda.
Nang magpropesiya sila sa loob ng kampo, 27 isang kabataang lalaki ang tumakbo kay Moises at nagsabi: “Nagpopropesiya rin sina Eldad at Medad sa kampo.” 28 Sinabi naman ni Josueng anak ni Nun na sapul pagkabata’y naglilingkod na kay Moises: “Panginoon kong Moises, sawayin mo sila!”
29 Ngunit sinabi ni Moises: “Nangangamba ka bang baka ako madaig? Propeta nga sana ang buong bayan ni Yawe at ibigay ni Yawe sa kanila ang kanyang espiritu.”
30 At bumalik sa kampo sina Moises at ang matatanda ng Israel.
31 Umihip ang hangin galing kay Yawe, na nagtaboy sa mga pugo mula sa dagat, at ibinagsak ang mga ito sa paligid ng kampo, na singhaba ng maghapong paglakad sa isang tabi, at halos gayundin sa kabila; at halos tatlong talampakan mula sa lupa ang bunton ng mga ito.
32 Maghapon at magdamag na nanguha ng mga pugo ang sambayanan, pati na ng sumunod na araw. Ang may pinakakaunting nakuha ay nakakuha ng sampung homer, at ibinilad nila ang mga iyon para sa kanila sa paligid ng kampo. 33 Kinakagat pa lamang nila ang karne nang maglagablab ang poot ni Yawe laban sa bayan, at hinampas niya sila ng napakalubhang salot.
34 Tinawag na Kibrot-hat-Taava ang lugar na iyon sapagkat doon nila inilibing ang mga matatakaw na iyon. 35 Mula sa Kibrot-hat-Taava, naglakbay ang sambayanan patungong Haserot, at doon sila nanatili
Mga Bilang 10
1 Sinabi ni Yawe kay Moises: 2 “Gumawa ka ng dalawang trumpetang pinukpok na pilak na gagamitin mo sa pagtitipon sa pamayanan at sa pagtatayo ng kampo.
3 Pag-ihip sa mga ito, magtitipong kasama mo sa may pintuan ng Toldang Tagpuan ang buong pamayanan. 4 Kung isa lamang ang pinatunog, ang mga pinuno, mga ulo ng mga angkan ng Israel ang magtitipong kasama mo.
5 Kung may matunog na pag-ihip naman, aalis ang kampong nasa silanganan at lalakad. 6 Pag muling umiihip nang matunog, aalis naman ang kampong nasa timog at lalakad. Sa ikatlong pag-ihip, ang kampong nasa kanluran ang lalakad; at sa ikapat na pag-ihip, ang kampong nasa hilaga ang lalakad. Hihipan ninyo nang matunog para sa paglakad. 7 Ngunit hindi matunog ang pag-ihip para tipunin ang pamayanan.
8 Ang mga paring anak ni Aaron ang iihip sa mga trumpeta; magiging palagiang kaugalian ang paggamit nito para sa inyong mga inapo.
9 Kapag nasa sariling lupain na ninyo kayo at makikipagdigma sa kaaway na sumasalakay sa inyo, hihipan ninyo nang matunog ang mga trumpeta, at aalalahanin kayo ni Yaweng inyong Diyos at ililigtas sa inyong mga kaaway.
10 Sa inyong mga piyesta, mga pagdiriwang at bagong buwan, hihipan ninyo ang trumpeta habang iniaalay ang mga susunuging handog at mga hain sa mabuting pagsasamahan upang alalahanin kayo ng inyong Diyos. Ako si Yaweng inyong Diyos.”
Ang paglakad ng “hukbo ng Israel”
11 Sa ikadalawampung araw ng ikalawang buwan ng ikalawang taon, tumaas ang ulap mula sa Tirahan ng Pahayag. 12 Kaya grupu-grupong umalis ang mga Israelita mula sa disyerto ng Sinai hanggang lumatag ang ulap sa disyerto ng Paran.
13 Ito ang unang paglakad nila na iniutos ni Yawe kay Moises. 14 Unang lumakad ang bandila ng kampo ng Juda na nakahanay ayon sa kani-kanilang batalyon. Nanguna sa mga taga-Juda si Naasong anak ni Aminadab, 15 si Netanel na anak ni Suar naman sa mga taga-Isacar, 16 at si Eliab na anak ni Helon ang sa mga taga-Zabulon.
17 Nang maibaba na ang Tirahan, lumakad ang mga Gersonita at mga Merarita na may dala sa Tirahan.
18 Kaya lumakad ang bandila ng kampo ng Ruben na nakahanay nang pangkat-pangkat. Pinangunahan ni Elisur na anak ni Sedeur ang mga taga-Ruben, 19 ni Selumiel na anak ni Su-rishaddai ang mga taga-Simeon, 20 at ni Eliasaf na anak ni Deuel ang mga taga-Gad. 21 At lumakad ang mga Kehatita na may pasan sa mga sagradong bagay ng Tirahan, na kaila-ngan munang itayo pagdating nila. 22 Kasunod na lumakad ang bandila ng kampo ng Efraim na grupu-grupong nakahanay. Pinangunahan ni Elisama na anak ni Amihud ang mga taga-Efraim, 23 ni Gamaliel na anak ni Pedasur ang mga taga-Manases, 24 at ni Abidang anak ni Gideoni ang mga taga-Benjamin.
25 Sa likuran ng buong kampo ang bandila ng kampo ng Dan na pangkat-pangkat na nakahanay. Pinangunahan ni Ahiezer na anak ni Amishaddai ang mga taga-Dan, 26 ni Pagiel na anak ni Ocran ang mga taga-Aser, 27 at ni Ahira na anak ni Enan ang mga taga-Neftali.
28 Ito ang hanay sa paglakad ng mga Israelita, ayon sa kani-kanilang mga pangkat sa pag-alis nila.
MGA ALAALA SA DISYERTO: UNANG BAHAGI
• 29 Sinabi ni Moises kay Hobab na anak ni Reuel na Madianitang biyenan ni Moises: “Aalis kami patungo sa lugar na ipinangako ni Yawe na ibibigay sa amin. Sumama ka sa amin at mapapabuti ka, sapagkat nangako si Yawe ng kaligayahan sa Israel.” 30 Sumagot siya: “Hindi ako sasama sa inyo, uuwi na lamang ako sa aking lupa at angkan.” 31 Sumagot naman si Moises: “Huwag mo kaming iwan sapagkat ikaw ang may alam kung saan tayo makapagkakampo sa disyerto, kayat ikaw ang magiging pinakamata namin. 32 Kung sasamahan mo kami, makakahati ka sa pagpapala ni Yawe sa amin at mapapabuti ka.”
33 Lumakad na sila mula sa Bundok ni Yawe para sa tatlong araw na paglalakbay, at nanguna sa kanila sa loob ng tatlong araw ang Kaban ng Pakikipagtipan ni Yawe, sa paghanap ng lugar na kanilang mapagpapahingahan.
34 Nasa ibabaw nila ang ulap ni Yawe kung araw, nang lisanin nila ang kampo.
35 Tuwing aalis ang Kaban ng Pakikipagtipan, sinasabi ni Moises: “Tumindig ka, Yawe, at pangalatin ang iyong mga kaaway; magsitakas nawa sa harap mo ang mga namumuhi sa iyo.” 36 At sinasabi naman niya sa paghimpil niyon: “Bumalik ka, Yawe, sa di mabilang na libu-libo ng Israel.”
Mga Bilang 9
Ang petsa ng pagdiriwang ng Paskuwa
1 Nagsalita si Yawe kay Moises sa disyerto ng Sinai sa unang buwan ng ikalawang taon pagkaalis nila sa lupain ng Ehipto: 2 “Ipagdiwang ng mga Israelita ang Paskuwa sa takdang panahon. 3 Ipagdiriwang ninyo ito sa ikalabing-apat ng buwang ito sa pagtatakipsilim, ayon sa lahat ng tuntunin at mga kaugalian.”
4 Kaya inutusan ni Moises ang mga Israelita na ipagdiwang ang Paskuwa. 5 Ipinagdiwang nila ang Paskuwa sa disyerto ng Sinai sa pagtatakipsilim sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan, gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises.
6 Ngunit may ilang naging di-malinis dahil sa isang patay kaya hindi nila naipagdiwang ang Paskuwa sa araw na iyon. Pinuntahan ng mga ito sina Moises at Aaron nang araw ding iyon, 7 at sinabi nila sa kanya: “Naging di-malinis man kami dahil sa isang patay, e bakit naman kami pagbabawalang mag-alay ng handog kay Yawe sa takdang panahon kasama ng ibang mga Israelita?” 8 Sumagot si Moises sa kanila: “Hintayin ninyong marinig ko ang iuutos ni Yawe tungkol sa inyo.”
9 At nagsalita si Yawe kay Moises: 10 “Sabihin mo sa mga Israelita: Kung may isang di-malinis dahil sa isang bangkay o kung may naglalakbay na malayo sa inyo o sa mga inapo ninyo at gusto niyang ipagdiwang ang Paskuwa ni Yawe, 11 ipagdiwang nila ito sa ikalawang buwan, sa pagtatakipsilim ng ikalabing-apat na araw ng buwang iyon. Kakanin nila ito nang may tinapay na walang lebadura at mapapait na gulay. 12 Wala silang ititira dito para sa umaga at wala silang babaliing buto, kundi susundin ang lahat ng tuntunin ng Paskuwa.
13 Kung mayroon namang malinis at hindi naglalakbay na di magdiwang ng Paskuwa, itatakwil siya ng kanyang mga kamag-anakan. Mananagot sa kanyang kasalanan ang hindi mag-alay ng handog ni Yawe sa takdang panahon.
14 Kung may dayuhang nakikipamayan sa inyo na gustong magdiwang ng Paskuwa ni Yawe, susundin niya ang mga tuntunin at kaugalian ng Paskuwa. Iisa lamang ang batas para sa dayuhan at sa katutubo.”
Ang ulap na tanda ng paggabay ng Diyos
15 Nang itayo ang Tirahan, tinakpan ito ng ulap sa may gawi ng Tolda ng Pahayag, at pag gabi nama’y may lumilitaw na parang apoy sa ibabaw ng Tirahan hanggang umaga. 16 Ganito ang laging nangyayari: sa araw ay tinatakpan ng ulap ang Tirahan at sa gabi nama’y may parang apoy.
17 Pag tumaas ang ulap mula sa Tolda, umaalis naman ang mga Israelita at saan man tumigil iyon, doon nagka-kampo ang mga anak ng Israel. 18 Sa utos ni Yawe, umalis at naglakad ang mga Israelita at sa utos din ni Yawe sila nagkampo. Habang nakalatag ang ulap sa Tirahan, namamalagi naman sila sa kampo.
19 Kapag maraming araw na nananatili ang ulap sa Tirahan, sinusunod ng mga Israelita ang bilin ni Yawe at hindi sila lumalakad. 20 Kung minsan nama’y iilang araw lamang sa Tirahan ang ulap ngunit sa utos ni Yawe’y nagkakampo sila, at sa utos din ni Yawe sila lumalakad.
21 Kung minsan nama’y mula hapon hanggang umaga lamang nananatili ang ulap; kaya sa pagtaas ng ulap kina-umagahan sila umaalis. Minsa’y isang araw at isang gabing nananatili ang ulap, at pag pumaitaas na ito ay saka rin sila umaalis. 22 Kung minsan nama’y dalawang araw o isang buwan o isang taon ang ulap sa Tirahan kayat tumitigil din ang mga Israelita sa kampo at hindi umaalis; at kapag napaitaas na ito ay saka sila naglalakbay.
23 Sa utos ni Yawe sila nagkakampo, at sa utos din ni Yawe sila naglalakbay; sinusunod nila ang inutos ni Yawe kay Moises.
Mga Bilang 8
1 Nagsasalita si Yawe kay Moises: 2 “Sabihin mo kay Aaron: Ihanda mo ang pitong ilawan para tanglawan ng mga ito ang lugar sa harap ng kandelabra.” 3 Gayon nga ang ginawa ni Aaron: inihanda niya ang mga ilawan sa harap ng kandelabra gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises. 4 Ganito ang pagkakagawa sa kandelabra: pinukpok na ginto ang pinakakatawan nito at mga sanga. Ginawa ito ayon sa pangitaing ipinakita ni Yawe kay Moises.
Inialay kay Yawe ang mga Levita
5 Sinabi ni Yawe kay Moises: 6 “Ibukod mo ang mga Levita sa mga Israelita at linisin sila. 7 Ito ang gagawin mo para linisin sila. Wisikan mo sila ng panlinis na tubig na banal; mag-ahit sila sa buong katawan at labhan ang kanilang mga damit at magiging malinis sila.
8 At kukuha sila ng isang toro at pagkaing handog na pinong harinang hinaluan ng langis, at kukuha ka naman ng isa pang toro bilang hain para sa kasalanan. 9 Palalapitin mo ang mga Levita sa harap ng Toldang Tagpuan at titipunin mo ang buong pamayanan ng mga Israelita. 10 Palapitin mo ang mga Levita sa harap ni Yawe at ipapatong naman sa kanila ng mga Israelita ang kanilang mga kamay. 11 Pagkaraa’y iiindayog ni Aaron ang mga Levita para ihandog sila ng mga Israelita kay Yawe, at maglilingkod sila kay Yawe.
12 Ipapatong naman ng mga Levita ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga toro. Iaalay mo ang isa bilang hain para sa kasalanan at ang isa pa bilang susunuging handog sa paghingi ng tawad para sa mga Levita. 13 Iutos mong tumayo ang mga Levita sa harap ni Aaron at ng kanyang mga anak at iindayog mo sila para ihandog kay Yawe. 14 Ganito mo ibubukod ang mga Levita sa ibang mga Israelita at magiging akin sila.
15 Pagkatapos ay makalalapit na ang mga Levita para maglingkod sa Toldang Tagpuan; nilinis mo na nga sila at iniindayog bilang handog kay Yawe.
16 “Naibigay” na sila; ibinigay nga sila sa akin mula sa mga anak ng Israel at kinuha ko silang kapalit ng mga panganay na isisilang sa Israel.
17 Akin nga ang lahat ng panganay sa Israel, maging tao o hayop; itinalaga ko sila sa akin nang hampasin ko ang lahat ng panganay sa lupain ng Ehipto. 18 Ngunit inihalili ko ang mga Levita sa mga panganay ng Israel. 19 Ibinibigay ko ngayon ang mga Levita kay Aaron at sa kanyang mga anak upang gampanan ang paglilingkod ng mga anak ng Israel sa Toldang Tagpuan at para humingi ng tawad para sa mga Israelita para walang datnan ng salot sa Israel sa paglapit nito sa santuwaryo.”
20 Ginawa nga nina Moises at Aaron at ng buong pamayanan ng Israel ang lahat ng iniutos ni Yawe kay Moises tungkol sa mga Levita. 21 Ganito ang ginawa sa kanila ng mga Israelita: pagkabayad-sala ng mga Levita at pagkalaba nila ng kanilang mga damit, iniindayog sila ni Aaron sa harap ni Yawe. At humingi siya ng tawad para sa ikalilinis nila. 22 Pagkatapos ay dumating ang mga Levita para maglingkod sa Toldang Tagpuan sa pamamahala ni Aaron at ng kanyang mga anak. At tinupad ang iniutos ni Yawe kay Moises tungkol sa mga Levita.
23 Nagsalita si Yawe kay Moises: 24 “Tungkol ito sa mga Levita. Mula dalawampu’t limang taong gulang pataas, papasok sa samahan ang Levita para maglingkod sa Toldang Tagpuan. 25 At pagsapit niya nang limampung taong gulang, aalis siya sa samahan at hindi na maglilingkod. 26 Tutulungan niya ang kanyang mga kapatid sa pagtatanod sa Toldang Tagpuan pero hindi na siya magtatrabaho. Ito ang gagawin mo tungkol sa pagtatanod ng mga Levita.”
Mga Bilang 7
Paghahandog ng mga karwahe
1 Nang matapos itayo ni Moises ang Tirahan, pinahiran niya at itinalaga ito pati ang lahat ng kasangkapan nito, ang altar at lahat ng gamit. 2 Nag-alay naman ang mga pinuno ng Israel na mga ulo ng mga sambahayan ng kanilang mga ama-ama. Sila ang mga pinuno ng mga tribu na namahala sa senso. 3 Dinala nila sa harap ni Yawe ang kanilang handog: anim na karitong may takip at labindalawang baka, na tig-isang kariton para sa bawat dalawang pinuno, at tig-isang baka naman mula sa bawat pinuno. Inialay nila ang mga ito sa harap ng Tirahan.
4 At sinabi ni Yawe kay Moises: 5 “Tanggapin mo sa kanila ang mga ’yan para sa paglilingkod sa Toldang Tagpuan at ibigay sa mga Levita ayon sa kani-kanilang mga tungkulin.”
6 Kaya tinanggap ni Moises ang mga kariton at mga baka, at ibinigay sa mga Levita. 7 Ibinigay niya ang dalawang kariton at ang apat na baka sa mga Gersonita ayon sa kanilang mga tungkulin, 8 at ang apat na kariton at walong baka sa mga Merarita ayon sa kanilang mga tungkulin, sa pamamahala ni Itamar na anak ng paring si Aaron. 9 Hindi niya binigyan ang mga Kehatita sapagkat sa kanila nakatoka ang santuwaryo, at sa balikat pinapasan ang lahat.
10 Nag-alay ang mga pinuno sa araw ng pagtatalaga at paghirang sa altar. At dinala nila ang kanilang mga handog sa harap ng altar. 11 Ngunit sinabi ni Yawe kay Moises: “Tig-iisang araw na mag-aalay ng kanilang handog sa pagtatalaga ng altar ang bawat pinuno.”
12 Si Naasong anak ni Aminadab mula sa tribu ng Juda ang nagdala ng kanyang alay sa unang araw. 13 Narito ang alay niya: platong pilak na sandaa’t tatlumpung shekel ang timbang ayon sa shekel ng santuwaryo at plangganang pilak na pitumpung shekel na parehong puno ng pinong harinang hinaluan ng langis bilang pagkaing handog, 14 gintong mangkok na sampung shekel na puno naman ng insenso, 15 tig-isang toro at barakong tupa at isang taong tupa bilang susunuging handog, 16 barakong kambing bilang hain para sa kasalanan, 17 at dalawang baka at tiglilimang barakong tupa at kambing at iisahing taong tupa bilang hain sa mabuting pagsasamahan. Ito ang alay ni Naasong anak ni Aminadab.
18 Si Netanel na anak ni Suar na pinuno ng Isacar naman ang nag-alay sa ikalawang araw. 19 Narito ang dala niyang alay: platong pilak na sandaa’t tatlumpung shekel ang timbang ayon sa shekel ng santuwaryo at plangganang pilak na pitumpung shekel na parehong puno ng pinong harinang hinaluan ng langis bilang pagkaing handog, 20 gintong mangkok na sampung shekel na puno naman ng insenso, 21 tig-isang toro at barakong tupa at isang taong tupa bilang susunuging handog, 22 barakong kambing bilang hain para sa kasalanan, 23 at dalawang baka at tiglilimang barakong tupa at kambing at iisahing taong tupa bilang hain sa mabuting pagsasamahan. Ito ang alay ni Netanel na anak ni Suar.
24 Sa ikatlong araw nama’y si Eliab na anak ni Helon na pinuno ng Zabulon ang nag-alay. 25 Narito ang kanyang alay: platong pilak na sandaa’t tatlumpung shekel ang timbang ayon sa shekel ng santuwaryo at plangganang pilak na pitumpung shekel na parehong puno ng pinong harinang hinaluan ng langis bilang pagkaing handog, 26 gintong mangkok na sampung shekel na puno naman ng insenso, 27 tig-isang toro at barakong tupa at isang taong tupa bilang susunuging handog, 28 barakong kambing bilang hain para sa kasalanan, 29 at dalawang baka at tiglilimang barakong tupa at kambing at iisahing taong tupa bilang hain sa mabuting pagsasamahan. Ito ang alay ni Eliab na anak ni Helon.
30 Sa ikapat na araw ay si Elisur na anak ni Sedeur na pinuno ng Ruben ang nag-alay. 31 Narito ang kanyang alay: platong pilak na sandaa’t tatlumpung shekel ang timbang ayon sa shekel ng santuwaryo at plangganang pilak na pitumpung shekel na parehong puno ng pinong harinang hinaluan ng langis bilang pagkaing handog, 32 gintong mangkok na sampung shekel na puno naman ng insenso, 33 tig-isang toro at barakong tupa at isang taong tupa bilang susunuging handog, 34 barakong kambing bilang hain para sa kasalanan, 35 at dalawang baka at tiglilimang barakong tupa at kambing at iisahing taong tupa bilang hain sa mabuting pagsasamahan. Ito ang alay ni Elisur na anak ni Sedeur.
36 Si Selumiel na anak ni Surishaddai na pinuno ng Simeon naman ang nag-alay sa ikalimang araw. 37 Narito ang kanyang alay: platong pilak na sandaa’t tatlumpung shekel ang timbang ayon sa shekel ng santuwaryo at plangganang pilak na pitumpung shekel na parehong puno ng pinong harinang hinaluan ng langis bilang pagkaing handog, 38 gintong mangkok na sampung shekel na puno naman ng insenso, 39 tig-isang toro at barakong tupa at isang taong tupa bilang susunuging handog, 40 barakong kambing bilang hain para sa kasalanan, 41 at dalawang baka at tiglilimang barakong tupa at kambing at iisahing taong tupa bilang hain sa mabuting pagsasamahan. Ito ang alay ni Selumiel na anak ni Surishaddai.
42 Si Eliasaf na anak ni Deuel na pinuno ng Gad naman ang nag-alay sa ikanim na araw. 43 Narito ang kanyang alay: platong pilak na sandaa’t tatlumpung shekel ang timbang ayon sa shekel ng santuwaryo at plangganang pilak na pitumpung shekel na parehong puno ng pinong harinang hinaluan ng langis bilang pagkaing handog, 44 gintong mangkok na sampung shekel na puno naman ng insenso, 45 tig-isang toro at barakong tupa at isang taong tupa bilang susunuging handog, 46 barakong kambing bilang hain para sa kasalanan, 47 at dalawang baka at tiglilimang barakong tupa at kambing at iisahing taong tupa bilang hain sa mabuting pagsasamahan. Ito ang alay ni Eliasaf na anak ni Deuel.
48 Sa ikapitong araw nama’y si Elisama na anak ni Amihud na pinuno ng Efraim ang nag-alay. 49 Narito ang kanyang alay: platong pilak na sandaa’t tatlumpung shekel ang timbang ayon sa shekel ng santuwaryo at plangganang pilak na pitumpung shekel na parehong puno ng pinong harinang hinaluan ng langis bilang pagkaing handog, 50 gintong mangkok na sampung shekel na puno naman ng insenso, 51 tig-isang toro at barakong tupa at isang taong tupa bilang susunuging handog, 52 barakong kambing bilang hain para sa kasalanan, 53 at dalawang baka at tiglilimang barakong tupa at kambing at iisahing taong tupa bilang hain sa mabuting pagsasamahan. Ito ang alay ni Elisama na anak ni Amihud.
54 Sa ikawalong araw ay si Gamaliel na anak ni Pedasur na pinuno ng Manases ang nag-alay. 55 Ito ang kanyang alay: platong pilak na sandaa’t tatlumpung shekel ang timbang ayon sa shekel ng santuwaryo at plangganang pilak na pitumpung shekel na parehong puno ng pinong harinang hinaluan ng langis bilang pagkaing handog, 56 gintong mangkok na sampung shekel na puno naman ng insenso, 57 tig-isang toro at barakong tupa at isang taong tupa bilang susunuging handog, 58 barakong kambing bilang hain para sa kasalanan, 59 at dalawang baka at tiglilimang barakong tupa at kambing at iisahing taong tupa bilang hain sa mabuting pagsasamahan. Ito ang alay ni Gamaliel na anak ni Pedasur.
60 Nang ikasiyam na araw ang nag-alay ay si Abidan na anak ni Gideoni na pinuno ng Benjamin. 61 Ito ang kanyang alay: platong pilak na sandaa’t tatlumpung shekel ang timbang ayon sa shekel ng santuwaryo at plangganang pilak na pitumpung shekel na parehong puno ng pinong harinang hinaluan ng langis bilang pagkaing handog, 62 gintong mangkok na sampung shekel na puno naman ng insenso, 63 tig-isang toro at barakong tupa at isang taong tupa bilang susunuging handog, 64 barakong kambing bilang hain para sa kasalanan, 65 at dalawang baka at tiglilimang barakong tupa at kambing at iisahing taong tupa bilang hain sa mabuting pagsasamahan. Ito ang alay ni Abidan na anak ni Gideoni.
66 Nang ikasampung araw ang nag-alay ay si Ahiezer na anak ni Amishaddai na pinuno ng Dan. 67 Ito ang kanyang alay: platong pilak na sandaa’t tatlumpung shekel ang timbang ayon sa shekel ng santuwaryo at plangganang pilak na pitumpung shekel na parehong puno ng pinong harinang hinaluan ng langis bilang pagkaing handog, 68 gintong mangkok na sampung shekel na puno naman ng insenso, 69 tig-isang toro at barakong tupa at isang taong tupa bilang susunuging handog, 70 barakong kambing bilang hain para sa kasalanan, 71 at dalawang baka at tiglilimang barakong tupa at kambing at iisahing taong tupa bilang hain sa mabuting pagsasamahan. Ito ang alay ni Ahiezer na anak ni Amishaddai.
72 Nang ikalabing-isang araw ang nag-alay ay si Pagiel na anak ni Ocran na pinuno ng Aser. 73 Ito ang kanyang alay: platong pilak na sandaa’t tatlumpung shekel ang timbang ayon sa shekel ng santuwaryo at plangganang pilak na pitumpung shekel na parehong puno ng pinong harinang hina-luan ng langis bilang pagkaing handog, 74 gintong mangkok na sampung shekel na puno naman ng insenso, 75 tig-isang toro at barakong tupa at isang taong tupa bilang susunuging handog, 76 barakong kambing bilang hain para sa kasalanan, 77 at dalawang baka at tiglilimang barakong tupa at kambing at iisahing taong tupa bilang hain sa mabuting pagsasamahan. Ito ang alay ni Pagiel na anak ni Ocran.
78 Nang ikalabindalawang araw ang nag-alay ay si Ahira na anak ni Enan na pinuno ng Neftali. 79 Ito ang kanyang alay: platong pilak na sandaa’t tatlumpung shekel ang timbang ayon sa shekel ng santuwaryo at plangganang pilak na pitumpung shekel na parehong puno ng pinong harinang hinaluan ng langis bilang pagkaing handog, 80 gintong mangkok na sampung shekel na puno naman ng insenso, 81 tig-isang toro at barakong tupa at isang taong tupa bilang susunuging handog, 82 barakong kambing bilang hain para sa kasalanan, 83 at dalawang baka at tiglilimang barakong tupa at kambing at iisahing taong tupa bilang hain sa mabuting pagsasamahan. Ito ang alay ni Ahira na anak ni Enan.
84 Ito ang nangyari sa pagtatalaga at paghirang ng altar. Nagbigay ang mga pinuno ng Israel ng labindalawang platong pilak, labindalawang plangganang pilak at labindalawang mangkok na ginto. 85 Sandaa’t tatlumpung shekel ang timbang ng bawat platong pilak at pitumpung shekel naman ang bawat plangganang pilak. Kabuuang pilak ng mga ito: dalawanlibo’t apatnaraang shekel ayon sa shekel ng santuwaryo. 86 Mangkok na ginto na puno ng insenso: labindalawa – tig-sampung shekel ang timbang ng bawat isa ayon sa shekel ng santuwaryo. Kabuuang ginto ng mga mangkok: sandaa’t dalawampung shekel.
87 Kabuuan ng mga hayop na susunuging handog: tig-labindalawang toro, barakong tupa, at tupang iisahing taon pati na ang mga pagkaing handog. Labindalawang barakong kambing bilang hain para sa kasalanan. 88 Kabuuan ng mga hayop para sa hain sa mabuting pagsasamahan: dalawampu’t apat na baka, tig-animnapung barakong tupa at kambing at iisahing taong tupa.
Ganito itinalaga ang altar pagkahirang dito. 89 Nang pumasok si Moises sa Toldang Tagpuan para makipag-usap sa Kanya, narinig niya ang tinig na nagsasalita mula sa ibabaw ng Lugar ng Pagpapatawad na nasa itaas ng Kaban ng Pahayag, sa pagitan ng dalawang kerubim, at nakipag-usap siya sa Kanya…






