Levitico 26
1 “Huwag kayong gagawa ng mga diyus- diyusan para sa inyong sarili o magtatayo ng mga estatwa o sagradong haligi o inukit na bato sa inyong lupain upang yumuko sa harap ng mga ito, sapagkat ako si Yaweng Diyos ninyo.
2 Ipangilin ninyo ang aking mga Araw ng Pahinga at igalang ang aking santuwaryo. Ako si Yawe.
Mga pangako ng Diyos
• 3 Kung lalakad kayo ayon sa aking mga kaugalian at susundin ang aking mga utos, at isasabuhay ang mga ito, 4 bibigyan ko kayo ng ulan sa panahon nito at magbubunga ang lupa at ang mga punungkahoy sa bukid; 5 tatagal hanggang sa pamimitas ang panahon ng paggiik, at ang pamimitas hanggang paghahasik. Kakain kayo hanggang gusto ninyo, at mabubuhay nang matiwasay sa inyong lupain.
6 Bibigyan ko ng kapayapaan ang inyong lupain, at mahihiga kayo nang walang pinangangambahan. Papawiin ko sa lupain ang mababangis na mga hayop at di ko padadaanin ang tabak sa inyong lupain. 7 Hahabulin ninyo ang inyong mga kaaway at mabubuwal sila sa harap ng inyong tabak; 8 lima sa inyo ang tutugis sa sandaan sa kanila, at sandaan naman sa inyo sa sampung libo sa kanila, at mabubuwal sila sa inyong tabak sa harap ninyo.
9 Haharap ako sa inyo at gagawin kayong mabunga, at pararamihin ko kayo at pagtitibayin ko ang aking tipan sa inyo. 10 Kinakain pa ninyo ang dating ani ay kailangang ilabas na ninyo ang nakaimbak upang may paglagyan sa bago.
11 Ilalagay ko ang aking Tirahan sa piling ninyo at hindi ako magsasawa sa inyo. 12 Lalakad ako sa inyong piling; ako ang magiging Diyos ninyo at kayo naman ang magiging bayan ko. 13 Ako si Yaweng Diyos ninyo na naglabas sa inyo mula sa Ehipto upang hindi na nila maging alipin. Winasak ko na ang halang ng inyong mga pamatok upang makalakad kayo nang tuwid.
Mga sumpa
14 Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin at hindi tutuparin ang lahat ng utos na ito, 15 kung pagsasawaan ninyo ang aking mga kaugalian, at kasusuklaman ang aking mga kautusan, at tatangging isagawa ang lahat kong utos, at sisirain ang aking pakikipagtipan, 16 ito naman ang aking gagawin: padadalhan ko kayo ng sindak, tuberkulosis at lagnat na magpapalabo sa inyong mga mata at sasaid sa inyong buhay. Walang mangyayari sa inyong paghahasik sapagkat kakanin ito ng inyong mga kaaway.
17 Haharapin ko kayo hanggang malupig kayo ng inyong mga kalaban. Ang mga namumuhi sa inyo ang maghahari sa inyo, at tatakas kayo bagamat walang tumutugis sa inyo.
18 Kung pagkatapos ng lahat ng ito ay hindi pa rin kayo makikinig sa akin, makapitong beses ko pa kayong parurusahan sa inyong mga kasalanan. 19 Wawasakin ko ang inyong kapangyarihan at kayabangan; gagawin kong parang bakal ang langit at parang tanso ang lupa para sa inyo. 20 Mawawalang-kabuluhan ang inyong pagpapagal; hindi magbubunga ang inyong lupa pati ang inyong mga punungkahoy. 21 Kung lalabanan ninyo ako at hindi makikinig, makapitong ulit pa ang salot na ipadadala ko sa inyo para sa mga pagkakasala ninyo. 22 Pakakawalan ko ang mababangis na hayop, at lalapain nila ang inyong mga anak; pupuksain ko ang inyong mga hayupan at pauuntiin ko ang inyong bilang hanggang matiwangwang pati ang inyong mga lansangan.
23 Kung sa kabila ng lahat ng ito ay hindi pa rin kayo nagsisi at mananatili sa paglaban sa akin, 24 ako mismo ang lalaban sa inyo at makapitong ulit ko kayong parurusahan dahil sa inyong mga kasalanan. 25 Dadalhin ko ang tabak laban sa inyo bilang paghihiganti ng aking tipan sa inyo; at pag nagkatipun-tipon kayo sa inyong mga lunsod, padadalhan ko kayo ng salot at ibibigay ko kayo sa mga kamay ng inyong mga kaaway. 26 Kapag ginawa kong kulang ang inyong tinapay, sampung babae ang magluluto ng inyong tinapay sa iisang hurno at irarasyon nila ang tinapay ayon sa timbang, kakain kayo ngunit hindi mabubusog.
27 Kung sa kabila ng lahat ng ito ay hindi pa rin kayo makikinig sa akin at patuloy na lalaban, 28 lalabanan ko kayo sa aking poot, at ako mismo ang magpaparusa sa inyo nang makapitong ulit sa inyong mga pagkakasala. 29 Kakanin ninyo ang laman ng inyong mga anak. 30 Wawasakin ko ang inyong mga altar sa burol, at gigibain ang inyong mga altar ng insenso, itatambak ko ang inyong mga bangkay sa ibabaw ng mga walang buhay ninyong diyus-diyusan, at kasusuklaman ko kayo.
31 Wawasakin ko ang inyong mga lunsod, at gagawing tiwangwang ang inyong mga santuwaryo, at hindi na ako masisiyahan sa masarap na amoy ng inyong mga handog. 32 Sasalantain ko ang lupain kayat manggigilalas ang inyong mga kaaway na nakatira roon. 33 Ikakalat ko kayo sa mga bansa, at bubunutin ko ang aking tabak sa inyong likuran, at matitiwangwang ang inyong lupa at maiiwang guho ang inyong mga lunsod. 34 At tatamasahin ng lupa ang kanyang mga taon ng sabbat hangga’t ito’y nakatiwangwang, samantalang kayo’y nasa lupain ng inyong mga kaaway; 35 makapagpapahinga ang lupa at tatamasahin ang sabbat nito. Hangga’t tiwangwang ang lupa, makapagpapahinga ito, na hindi nito naipagpahinga sa inyong mga sabbat noong kayo’y nakatira rito.
36 Papanghihinain ko naman ang loob ng mga matitira sa inyo sa lupain ng kanilang mga kaaway. Magsisitakbo sila sa ingay lamang ng isang dahong hinihipan ng hangin. 37 Magsisitakas silang parang hinahabol ng taga, at mabubuwal gayong wala namang humahabol sa kanila. Magkakabanggaan silang tila hinahabol ng taga, gayong wala namang humahabol, at hindi kayo makatatayo sa harap ng inyong mga kaaway. 38 Pupuksain ko kayo sa piling ng mga bansa, at lalamunin ng lupain ng inyong mga kaaway.
39 Mabubulok dahil sa kanilang mga kasamaan ang malalabi sa inyo sa lupain ng inyong mga kaaway, at dahil din sa kasalanan ng kanilang mga ninuno, magkakasama silang mabubulok. 40 At aaminin nila ang kanilang mga kasalanan pati ang kasalanan ng kanilang mga ninuno. Kikilalanin nila na ang kanilang mga kataksilan at paglaban sa akin 41 ang dahilan ng paglaban ko sa kanila kaya dinala ko sila sa lupain ng kanilang mga kaaway, at matututong magpakababa ang kanilang pusong natural na mapaghimagsik, at tatanggapin nila ang kaparusahan sa kanilang kasalanan. 42 At aalalahanin ko ang aking pakikipagtipan kay Jacob at ang aking pakikipagtipan kay Isaac at ang aking pakikipagtipan kay Abraham, at aalalahanin ko ang lupain.
43 Sapagkat iiwan nila ang lupain at tatamasahin niyon ang kanyang mga sabbat hangga’t nakatiwangwang at wala sila, habang pinagbabayaran nila ang kanilang pagkakasala sapagkat itinakwil nila ang aking mga pasya at nagsawa na sa aking mga kaugalian.
44 Gayunman, kapag naroon sila sa lupain ng kanilang mga kaaway, hindi ko itatakwil o pagsasawaan hanggang mapuksa sila at masira ang pakikipagtipan ko sa kanila, sapagkat ako si Yaweng Diyos nila. 45 Alang-alang sa kanila, aalalahanin ko ang pakikipagtipan sa kanilang mga ninuno na inilabas ko mula sa Ehipto sa paningin ng mga bansa, upang maging Diyos nila. Ako si Yawe.
46 Ito ang mga kaugalian, mga kautusan at mga batas ng pakikipagtipan ni Yawe sa mga anak ng Israel sa pamamagitan ni Moises sa Bundok Sinai.
Levitico 25
Taon ng Pahinga at Magandang Pahayag
• 1 Kinausap ni Yawe si Moises sa Bundok Sinai: 2 “Kausapin mo ang mga Israelita, at sabihin sa kanila: Pagpasok ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, magpapahinga ang lupa para kay Yawe tuwing ikapitong taon. 3 Sa loob ng anim na taon, maghahasik ka sa iyong bukirin, puputulan ang iyong ubasan at aanihin ang bunga; 4 ngunit sa ikapitong taon, o taon ng pahinga o sabbat kay Yawe, magpapahinga ang lupa. Huwag kang maghahasik sa iyong bukirin, o puputulan ang iyong ubasan; 5 huwag mong kukunin ang kusang sumibol pagkaani o pipitasin ang bunga ng iyong ubasang hindi inalagaan.
Ito ang magiging taon ng pahinga para sa lupa, 6 ngunit magsisilbing pagkain mo at ng iyong mga alipin, ng iyong upahang trabahador at ng dayuhang nakikipanirahan sa iyo ang anumang ibunga niyon. 7 Ang bunga niyon ang magbibigay rin ng pagkain sa iyong hayupan pati na sa mababangis na hayop sa iyong lupain.
8 Pagkatapos ng pitong sabbat ng mga taon, pitong tigpipitong taon o pitong linggo ng mga taon, kayat apatnapu’t siyam na taong lahat, 9 sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, patutunugin ang trumpeta sa lahat ng lugar. Sa Araw na ito ng Pagbabayad-sala, patutunugin ang trumpeta sa buong lupain. 10 Pabanalin ang ikalimampung taon at ipahayag ang pagpapalaya sa buong lupain para sa lahat ng naririto. Ito ang magiging Taon ng Magandang Pahayag para sa inyo sapagkat mababawi ng bawat isa ang kanyang ari-arian at uuwi sa kanya-kanyang angkan. 11 Sa ikalimampung taong ito, ang inyong Taon ng Magandang Pahayag, huwag kang maghahasik o mangunguha ng kusang sumibol pagkaani o mamimitas ng bunga sa ubasang hindi inalagaan, 12 sapagkat magiging banal para sa inyo ang taong ito ng Magandang Pahayag, at kakanin mo ang kusang ibubunga ng bukiring hindi binungkal.
13 Sa taong ito ng Magandang Pahayag, mababawi ng bawat isa sa inyo ang kanyang ari-arian. 14 Sa pagtitinda mo o pagbili ng anuman sa iyong kapwa, huwag kayong manlamang sa isa’t isa. 15 Bibili ka sa iyong kababayan ayon sa bilang ng mga taong lumipas pagkatapos ng Magandang Pahayag, at pagbibilhan ka naman niya batay naman sa bilang ng mga taong nalalabi bago mag-ani. 16 Kung marami ang mga taon, tataasan mo ang presyo; at kung kakaunti naman ang mga taon, bababaan mo ang presyo, sapagkat ang bilang ng ani ang talagang ipinagbibili niya sa iyo.
17 Kaya huwag kayong manlamang sa isa’t isa, kundi magkaroong-pitagan sa iyong Diyos, sapagkat ako si Yaweng Diyos mo. 18 Gawin ninyo ang aking mga kaugalian at sundin ang aking mga pasya, at mabubuhay kayo nang matiwasay sa lupain. 19 At ipagkakaloob ng lupa ang mga bunga nito, at kakain kayo hanggang mabusog, at mabubuhay nang panatag.
20 Ngunit kung itatanong mo – Ano ang aming kakanin sa ikapitong taon kung hindi kami maghahasik o mag-aani? – 21 ipadadala ko sa inyo ang aking pagpapala sa ikanim na taon, at ito’y magbubunga nang sapat para sa tatlong taon. 22 Kaya sa ikawalong taon, ang matitira sa dating ani ang magbibigay sa inyo ng panghasik at pagkain hanggang sumapit ang anihan sa ikasiyam na taon.
23 Hindi maipagbibili nang panghabampanahon ang lupa sapagkat ang lupa ay akin, at kayo ay mga dayuhan at panauhin ko lamang.
24 Maaaring tubusin ang lupa sa buong lupaing sakop ninyo. 25 Kung maghirap ang iyong kababayan at ipinagbili niya ang kanyang ari-arian, tutubusin ng pinakamalapit niyang kamag-anak ang ipinagbili niya.
26 Kung wala naman siyang kamag-anak na tutubos nito para sa kanya, kundi siya mismo ang magkaroon ng sapat na pantubos, 27 kukuwentahin niya ang halaga para sa mga taon mula nang ipagbili niya iyon, at babayaran sa kanyang pinagbilhan ang halagang para sa nalalabi pang mga taon, at sa gayon niya mababawi ang kanyang ari-arian. 28 Ngunit kung hindi naman siya magkaroon ng sapat na pantubos, mananatili ang ipinagbiling ari-arian sa nakabili hanggang sa Taon ng Magandang Pahayag kung kailan isasauli iyon sa dating may-ari.
29 Sa ganito ring paraan, kung may magbenta ng bahay na nasa napapaderang lunsod, may karapatan siyang tubusin iyon sa loob ng isang taon mula sa araw ng pagbibilihan. 30 Kung hindi iyon matubos sa loob ng isang taon, ang bahay sa napapaderang lunsod ay magiging ari-arian na ng bumili at ng kanyang mga inapo sa habampanahon, at hindi ito isasauli sa Taon ng Magandang Pahayag. 31 Ang mga bahay sa mga kanayunang hindi napapaderan ay ipinalalagay na mga bukirin, kaya maaaring tubusin ang mga ito, at isasauli sa Taon ng Magandang Pahayag.
32 Sa mga lunsod naman ng mga Levita, may palagian silang karapatang tubusin ang mga bahay na kanilang ari-arian. 33 Ang bahay na ipinagbili na nasa kanilang lunsod ay ibabalik sa panahon ng Magandang Pahayag, sapagkat ang mga bahay sa mga lunsod ng mga Levita ay mga ari-arian nila sa piling ng mga Israelita. 34 Hindi rin maipagbibili ang bukirin na nasa kanilang mga lunsod: ari-arian nila ang mga iyon sa habampanahon.
Paano magpapahiram sa kapwa
• 35 Kung maghirap ang iyong kababayan at hindi na niya maharap ang sitwasyon, tulungan mo siya tulad ng pagtulong mo sa dayuhan at panauhin upang mabuhay siya nang dahil sa iyo. 36 Huwag mo siyang pagtutubuan, kundi magkaroon ka ng pitagan sa iyong Diyos upang patuloy na mabuhay sa piling mo ang iyong kababayan. 37 Huwag mo siyang pagtutubuan kapag pinahiram mo siya ng pilak o pagkain. 38 Ako si Yaweng Diyos ninyo na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto upang ibigay sa inyo ang lupain ng mga Kanaan, at maging Diyos ninyo.
39 Kung maghirap ang iyong kapwa at ipagbili ang sarili sa iyo, huwag mo siyang pagtatrabahuhin bilang alipin, 40 ngunit ituring mo siya bilang upahang trabahador o dayuhan, at magtatrabaho siya sa iyo hanggang sa Taon ng Magandang Pahayag.
41 Saka siya aalis, kasama ang kanyang mga anak, at uuwi sa sariling angkan at sa ari-arian ng kanyang mga ninuno. 42 Sapagkat mga katulong ko sila na inilabas ko mula sa lupain ng Ehipto at hindi sila dapat ipagbili bilang mga alipin.
43 Huwag mo siyang pagmalupitan, kundi magkaroon ka ng pitagan sa iyong Diyos.
44 Tungkol naman sa mga aliping lalaki at babae, sa mga bansang nakapaligid sa inyo ninyo sila bibilhin. 45 Makabibili rin kayo mula sa mga dayuhang nakikipamayan sa inyo o mula sa kanilang mga kaanak na ipinanganak sa inyong lupain – maaaring maging ari-arian ninyo ang mga ito. 46 At maipamamana ninyo sila sa inyong mga anak, at magagawa silang alipin habambuhay. Ngunit hindi ninyo dapat pagmalupitan ang inyong mga kapwa-Israelita.
47 Kapag ang isang dayuhan o pansamantalang nakikipamayan ay yumaman, at isa sa iyong kababayan ay maghirap at kailangang ipagbili ang sarili sa dayuhang nakikipamayan sa inyo o sa kaanak ng dayuhan, 48 may karapatan pa rin siyang matubos. Maaari siyang tubusin ng isa sa kanyang mga kapatid, 49 o ng kanyang tiyo o anak ng kanyang tiyo o isang malapit na kamag-anak. 50 Kung yumaman siya, siya mismo ang tutubos sa kanyang sarili. Tutuusin niya at ng nakabili sa kanya ang bilang ng taon mula sa taon ng pagkakabili sa kanya hanggang sa Taon ng Magandang Pahayag, at ibabatay ang halaga sa suweldo ng arawang trabahador para sa gayong bilang ng mga taon.
51 Kung marami pang taon ang nalalabi, babayaran niya ang nalalabi pang panahon batay sa halagang ibinayad para sa kanya. 52 Kung ilang taon na lamang ang nalalabi para sa Taon ng Magandang Pahayag, kukuwentahin niya ang halaga at babayaran ito batay sa nalalabi. 53 Ituturing siyang katulong na inuupahan taun-taon, at tiyakin mong hindi siya pagmamalupitan ng kanyang amo.
54 Kung hindi siya matutubos sa alinman sa mga paraang ito, palalayain siya at ang kanyang mga anak sa Taon ng Magandang Pahayag. 55 Sapagkat mga katulong ko ang mga anak ng Israel; sila ang aking mga katulong na inilabas ko mula sa lupain ng Ehipto. Ako si Yaweng Diyos ninyo.”
Levitico 24
1 Nagsalita si Yawe kay Moises: 2 “Iutos mo sa mga Israelita na magdala sa iyo ng purong langis ng dinurog na mga olibo para sa ilawan upang laging may ningas ang mga ilaw. 3 Sa Toldang Tagpuan ito ihahanda ni Aaron sa labas ng kurtinang nasa harap ng Pahayag upang laging magningas sa harap ni Yawe mula hapon hanggang umaga. Panghabampanahong kautusan ito sa inyong mga salinlahi. 4 Ihahanda niya ang mga ilawan sa kandelabrang lantay na ginto upang laging magningas sa harap ni Yawe.
5 Kukuha ka ng pinong harina at magluluto ng labindalawang tinapay na tigalwang ikapu ng efa. 6 Iaayos mo ang mga ito sa dalawang hanay, anim sa bawat hanay, sa lantay na gintong mesa sa harap ni Yawe. 7 Lalagyan mo ng purong insenso ang bawat hanay bilang pag-alaala, isang handog na pinadaan sa apoy kay Yawe.
8 Tuwing Araw ng Pahinga ilalagay ang mga tinapay na iyon sa harap ni Yawe sa ngalan ng mga Israelita magpakailanman; ito’y isang walang hanggang tipan. 9 Para kay Aaron at sa kanyang mga anak ang mga iyon, at kakanin nila ang mga iyon sa isang banal na lugar, dahil kabanal-banalan ngang pagkain ang mga iyon kaysa ibang mga handog na pinadaan sa apoy kay Yawe. Panghabampanahong kautusan ito.”
Paglapastangan o pag-insulto sa Diyos
10 May anak ng isang inang Israelita at amang Ehipsiyo. 11 Ininsulto at sinumpa ng nasabing anak ng Israelita (na Selomit ang pangalan at anak na babae ni Dibri sa tribu ng Dan) ang Pangalan. Kaya dinala siya kay Moises 12 at ipinabilanggo hanggang maipahayag ang pasya ni Yawe.
13 At sinabi ni Yawe kay Moises: 14 “Ilabas mo ng kampo ang nanlait at pagkapatong sa kanya ng mga kamay ng lahat ng nakarinig sa kanya, batuhin siya ng buong pamayanan. 15 At saka mo sabihin sa mga Israelita: Mananagot sa kanyang kasalanan ang sinumang sumumpa sa kanyang Diyos. 16 Papatayin ang sinumang uminsulto sa Ngalan ni Yawe. Babatuhin siya ng buong pamayanan; papatayin ang sinumang uminsulto, dayuhan man o katutubo.
Ang batas ng pagganti
• 17 Papatayin ang taong nakamatay.
18 Papalitan ng pumatay ang hayop na kanyang pinatay – buhay kapalit ng buhay. 19 Kung may manakit sa kanyang kapwa, sasaktan din ito gaya ng kanyang ginawa. 20 Bali sa bali, mata sa mata, ngipin sa ngipin! Ang ginawa niya sa iba ay gagawin din sa kanya. 21 Papalitan ng pumatay ang hayop na kanyang pinatay pero papatayin ang makamatay ng tao.
22 Iisa lamang ang paghatol ninyo sa dayuhan at katutubo. Ako si Yaweng inyong Diyos.”
23 Matapos itong sabihin ni Moises sa mga Israelita, inilabas nila ng kampo ang taong nang-insulto at binato siya; kaya tinupad nila ang iniutos ni Yawe kay Moises.
Levitico 23
Mga taunang piyesta
• 1 Sinabi ni Yawe kay Moises: 2 “Magsalita ka sa mga anak ng Israel, at sabihin sa kanila: Tatawag kayo ng mga banal na pagtitipon sa mga takdang piyesta ni Yawe. Narito ang aking mga piyesta –
3 Pagkatapos ng anim na araw na trabaho, Araw ng ganap na Pahinga ang ikapitong araw, araw ng banal na pagtitipon, at hindi kayo gagawa ng anumang trabaho: ito ay araw ng pahinga kay Yawe sa lahat ng inyong bahay.
4 At ito naman ang mga takdang piyesta ni Yawe sa pagpapahayag ninyo ng mga banal na pagtitipon sa takdang panahon:
5 Sa pagtatakipsilim sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan – ang Paskuwa ni Yawe. 6 At sa ikalabinlimang araw naman ng buwang iyon ang Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura sa karangalan ni Yawe. Tinapay na walang lebadura ang kakanin ninyo sa loob ng pitong araw.
7 Magkakaroon ng banal na pagtitipon sa unang araw at walang sinumang magtatrabaho. 8 Mag-aalay kayo ng sinunog na handog kay Yawe sa loob ng pitong araw, at magkakaroon kayo ng banal na pagtitipon sa ikapitong araw at walang sinumang magtatrabaho.”
Pag-aalay sa unang uhay
• 9 Kinausap ni Yawe si Moises, at sinabi: 10 “Kausapin mo ang mga anak ng Israel, at sabihin sa kanila: Pagpasok ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo at ginagapas na ang ani nito, dadalhin ninyo sa pari ang isang bigkis, ang mga unang bunga ng inyong ani, 11 at paindayog niyang ihahandog iyon sa harap ni Yawe upang maging kalugud-lugod kayo; ihahandog iyon ng pari kinabukasan ng Araw ng Pahinga.
12 Sa araw na ihandog ninyo ang bigkis ng ani, mag-aalay kayo ng korderong walang kapintasan at isinilang nang taong iyon bilang sinunog na handog kay Yawe.
13 At kasama nito ang handog na butil na dalawang ikapung takal ng pinong harina na may halong langis – handog na pinaraan sa apoy para kay Yawe, at masarap ang amoy – at handog na inumin na isang litrong alak. 14 Huwag kayong kakain ng tinapay o butil na sinangag man o bagong ani hanggang sa araw na madala ninyo ang alay sa inyong Diyos. Ito ay kautusang panghabampanahon para sa lahat ng salinlahi sa buong bayan ninyo.
Ang Pentekostes
15 Bibilang kayo ng pitong sanlinggo matapos ang Araw ng Pahinga nang magdala kayo ng mga uhay na inihandog na paindayog. 16 At sa susunod na araw pagkaraan ng ikapitong sanlinggo, sa ikalimampung araw, mag-aalay kayo kay Yawe ng bagong pagkaing handog. 17 Magdadala kayo mula sa inyong mga tirahan ng dalawang tinapay na gawa sa tigalwang ikapu ng efa na pinong harina at nilutong may lebadura para ihandog na paindayog. Unang bunga para kay Yawe ang mga ito. 18 Bukod sa tinapay, mag-aalay rin kayo ng pitong batang tupang walang kapintasan na tig-isang taong gulang, isang toro, at dalawang barakong tupa. At iaalay ang mga ito bilang susunuging handog na may kasamang butil na handog at mga inuming handog. At ito’y magiging handog na pinadaan sa apoy, amoy na kalugud-lugod kay Yawe.
19 Mag-aalay rin kayo ng isang barakong kambing bilang hain para sa kasalanan, at ng dalawang tupang tig-isang taong gulang bilang hain sa mabuting pagsasamahan. 20 Iiindayog ng pari sa harap ni Yawe ang mga ito pati ang tinapay at ang dalawang batang tupa. Magiging banal kay Yawe ang mga ito, at mapapasapari. 21 Idedeklara ninyo sa araw ding iyon ang isang pagtitipon at magkakaroon kayo ng isang banal na kapulungan. Huwag kayong gagawa ng anumang trabaho ng manggagawa. Ito’y magiging isang palagiang kaugalian sa inyo sa lahat ng salinlahi saanman kayo manirahan.
22 Sa paggapas ng ani sa inyong lupain, huwag ninyong sairin hanggang sa pinakagilid ng bukid, ni pulutin ang mga nalaglag na trigo. Iwan mo sa dukha at sa dayuhan ang mga ito. Ako si Yaweng inyong Diyos.”
23 Nagsalita si Yawe kay Moises: 24 “Sabihin mo sa mga Israelita: Sa unang araw ng ikapitong buwan, ipagdiriwang ninyo ang Dakilang Araw ng Pahinga sa tunog ng trumpeta at banal na kapulungan. 25 Huwag kayong gagawa ng anumang trabaho ng manggagawa. At mag-aalay kayo kay Yawe ng isang handog na pinadaan sa apoy.”
26 Nagsalita si Yawe kay Moises: 27 “Sa ikasampung araw naman ng buwang ito ninyo ipagdiriwang ang Pagpapatawad. Magkakaroon kayo ng banal na pagtitipon, magsasakripisyo kayo at mag-aalay kay Yawe ng isang handog na pinadaan sa apoy. 28 Huwag kayong gagawa ng anumang trabaho ng manggagawa sa araw na ito sapagkat ito’y Araw ng Pagpapatawad upang humingi ng tawad sa harap ni Yaweng inyong Diyos.
29 Aalisin sa kanyang angkan ang sinumang di magsakripisyo sa araw na ito, 30 at lilipulin ko sa kanyang bayan ang sinumang gumawa sa araw na iyon. 31 Huwag kayong gagawa ng anumang trabaho, isa itong kautusang panghabampanahon sa inyong mga salinlahi saanman kayo manahan. 32 Magiging isang Dakilang Araw ng Pahinga ito sa inyo; magsasakripisyo kayo mula sa hapon ng ikasiyam na araw ng buwan hanggang sa susunod na hapon, at magpapahinga sa pahingang ito.”
33 Nagsalita si Yawe kay Moises: 34 “Sabihin mo sa mga Israelita: Sa ikalabinlimang araw ng buwang ito, pitong araw ninyong ipagdiriwang kay Yawe ang Piyesta ng mga Kubol. 35 Magkakaroon kayo ng banal na pagtitipon sa unang araw, at huwag kayong gagawa ng anumang trabaho ng manggagawa. 36 Pitong araw kayong mag-aalay ng handog na pinadaan sa apoy kay Yawe, at sa ikawalong araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon at mag-aalay ng handog na pinadaan sa apoy kay Yawe. May pagtitipon kayo, kaya huwag kayong gagawa ng anumang trabaho ng manggagawa.
37 Ito nga ang mga piyesta ni Yawe na ipagdiriwang ninyo sa mga banal na pagtitipon para mag-alay kay Yawe ng handog na pinadaan sa apoy, ng susunuging handog at handog na butil, ng hain, at mga inuming handog, gaya ng nababagay sa bawat araw.
38 Bukod pa ang mga iyon sa mga Araw ng Pahinga ni Yawe, sa inyong mga kaloob, mga panata, mga kusang-loob na handog na inaalay ninyo kay Yawe.
39 Sa ikalabinlimang araw naman ng ikapitong buwan, sa pag-iipon ng mga bunga ng bukid, pitong araw ninyong ipagdiriwang ang piyesta ni Yawe. Magiging Dakilang Araw ng Pahinga ang una at ikawalong araw. 40 Mangunguha kayo sa unang araw ng mga bunga ng limon, ng mga palma, ng mga sanga ng malalagong punungkahoy at ng mga tibig sa labi ng batis, at pitong araw kayong magagalak sa harap ni Yaweng inyong Diyos. 41 Pitong araw ninyong ipagdiriwang taun-taon ang piyestang ito kay Yawe. Panghabampanahong kautusan ito. Ipagdiriwang ninyo ito sa ikapitong buwan ng taon. 42 Sa mga kubol kayo maninirahan sa loob ng pitong araw. Sa mga kubol maninirahan ang lahat ng taga-Israel 43 para malaman ng inyong mga inapo na matapos kong ilabas mula sa lupain ng Ehipto ang mga Israelita ay pinatira ko sila sa mga kubol. Ako si Yaweng inyong Diyos.”
44 Kaya itinuro ni Moises sa mga anak ng Israel ang mga piyesta ni Yawe.
Levitico 22
1 Nagsalita si Yawe kay Moises: 2 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak ang tungkol sa pangingilag sa mga banal na handog na itinalaga sa akin ng mga Israelita upang di nila malapastangan ang aking banal na Pangalan. Ako si Yawe.
3 Sabihin mo sa kanila: Aalisin sa harap ko ang sinuman sa inyong inapo sa mga susunod na salinlahi na di-malinis na lumalapit sa mga banal na handog na itinalaga kay Yawe ng mga Israelita. Ako si Yawe.
4 Hindi makakakain ng mga banal na handog na ito ang sinumang may ketong o may tulong inapo ni Aaron hanggang hindi siya nalilinis. Gayundin naman ang sinumang humipo sa taong naging di-malinis dahil sa paghipo sa isang bangkay, o dahil nilabasan 5 o humipo sa alinmang kinapal na gumagapang o nagawang di-malinis ng taong di-malinis dahil sa kahit anumang dahilan. 6 Ang sinumang humipo sa mga bagay na iyon ay magiging di-malinis hanggang hapon at hindi maaaring kumain ng mga bagay na banal hanggang hindi siya naliligo. 7 Magiging malinis siya paglubog ng araw at makakakain ng mga banal na handog na kanyang pagkain.
8 Hindi siya kakain ng anumang hayop na namatay o nilapa, at maging di-malinis dahil dito. Ako si Yawe.
9 Tutuparin nila ang aking mga tuntunin at huwag silang magkasala sa bagay na ito, at baka mamatay sila sa kanilang paglapastangan. Ako si Yaweng nagpapabanal sa kanila.
10 Hindi makakakain ng bagay na banal ang tagalabas; hindi makakakain ang nakikituloy sa pari, o ang utusan niya. 11 Ngunit makakakain ang aliping binili ng pari o ipinanganak sa kanyang bahay: makakakain sila ng kanyang pagkain.
12 Hindi naman makakakain sa mga banal na handog ang anak na dalaga ng pari na nag-asawa sa di-pari. 13 Subalit kung bumalik ang anak na babae ng pari sa bahay ng kanyang ama dahil nabiyuda o hiniwalayan at walang anak, makakakain siya ng pagkain ng kanyang ama gaya noong kabataan niya. Pero wala pa ring tagalabas na makakakain. 14 Kung may di-sinasadyang nakakain ng banal na handog, ibibigay niya sa pari ang banal na handog na may dagdag na ikalimang bahagi ng halaga. 15 Huwag nilang lapastanganin ang mga banal na bagay na abuloy ng mga Israelita kay Yawe, 16 at huwag pabayaang magkasala ang mga ito sa pagkain ng banal na handog sapagkat sila ang parurusahan. Ako si Yawe na siyang nagpapabanal ng mga bagay na iyon.”
17 Sinabi ni Yawe kay Moises: 18 “Magsalita ka kay Aaron at sa kanyang mga anak at sa lahat ng Israelita, at sabihin sa kanila: Kung may panata o kusang-loob na handog kay Yawe ang sinuman sa sambahayan ng Israel o sa mga dayuhan sa Israel, at gusto niyang ialay ang handog bilang susunuging handog, 19 walang kapintasang lalaking baka, tupa o kambing lamang ang magiging kalugud-lugod. 20 Huwag kayong mag-aalay ng isang may kapintasan; hindi nga ito tatanggapin mula sa inyo.
21 Kung may panata o isang kusang-loob na handog ang isang tao at gusto niyang maghandog kay Yawe ng hain sa mabuting pagsasamahan mula sa bakahan o sa kawan, ang walang kapintasan at walang bahid na hayop lamang ang magiging kalugud-lugod. 22 Huwag ninyong ialay kay Yawe ang bulag o pilay o may hiwa o sugat o galis o kurikong. Huwag ninyong ilagay sa altar ang mga ito bilang handog na pinadaan sa apoy kay Yawe. 23 Maiaalay mo bilang kusang-loob na handog ang baka o tupa na may labis o kulang na bahagi sa katawan ngunit hindi iyon matatanggap bilang pagtupad sa panata. 24 Huwag ninyong ialay kay Yawe ang hayop na nabugbog o nadurog o naalis o naputol ang mga itlog. Huwag ninyo itong gawin sa inyong lupain. 25 Huwag ninyong tatanggapin mula sa dayuhan ang paghahandog ng gayong mga hayop bilang pagkain ng inyong Diyos. Kapintasan nga ang kakulangan ng bahagi sa katawan ng mga ito at hindi na magiging kalugud-lugod mula sa inyo.”
26 Sinabi ni Yawe kay Moises: 27 “Kapag may ipinanganak na baka o tupa o kambing, pitong araw itong mapapasakanyang-ina, at mula lamang sa ikawalong araw saka ito matatanggap bilang handog na pinadaan sa apoy kay Yawe. 28 Hindi parehong kakatayin sa iisang araw ang mag-inang baka o tupa.
29 Sa pag-aalay ninyo kay Yawe ng hain ng pasasalamat, pag-ingatan ninyong maging kalugud-lugod kayo; 30 kanin ninyo ito sa araw na iyon; wala kayong ititira dito para sa susunod na araw. Ako si Yawe. 31 Kaya tuparin ninyo at isabuhay ang aking mga utos. Ako si Yawe.
32 Huwag ninyong lapastanganin ang aking banal na Pangalan, at kikilalanin akong banal sa mga anak ng Israel. Ako nga si Yaweng nagpapabanal sa inyo 33 at naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto upang maging Diyos ninyo. Ako si Yawe.
Levitico 21
1 Sinabi ni Yawe kay Moises: “Magsalita ka sa mga paring anak ni Aaron at sabihin sa kanila: Huwag ninyong gawing di-malinis ang sarili sa bangkay ng inyong mga kababayan, 2 maliban sa malapit na kamag-anak: sa ina o ama, sa anak na lalaki o babae, o kapatid na lalaki. 3 Puwede rin kayong maging di-malinis nang dahil sa kapatid na babae na dalaga at walang asawa, at sa inyo umaasa. 4 Hindi dapat maging di-malinis ang pari dahil sa kamag-anakan ng kanyang asawa, at dungisan ang kanyang sarili.
5 Hindi ipaaahit ng pari ang kanyang ulo, ni gugupitin ang dulo ng kanyang balbas, o susugatan ang katawan. 6 Magiging banal sila sa kanilang Diyos, at hindi lalapastanganin ang pangalan ng kanilang Diyos; sila nga ang nag-aalay ng susunuging handog kay Yawe na pagkain ng kanilang Diyos kaya magiging banal sila.
7 Hindi sila mag-aasawa ng babaeng bayaran o ginahasa o hiniwalayan ng asawa; sapagkat banal na siya sa kanyang Diyos. 8 Ituring mo siyang banal sapagkat siya ang nag-aalay ng pagkain ng iyong Diyos. Ituring mo siyang banal dahil banal ako, si Yaweng nagpapabanal sa inyo.
9 Kung anak na dalaga ng pari ang maging babaeng bayaran at lapastanganin ang sarili, nilapastangan din ang kanyang ama, kaya susunugin siya.
10 Pagkasuot sa katangi-tanging mga damit, ang pinakadakila sa mga pari, na ang ulo ay binuhusan ng langis na pamahid, hindi niya ilulugay ang buhok o pupunitin ang kanyang damit. 11 Hindi siya lalapit sa anumang bangkay at maging di-malinis kahit na dahil sa kanyang ama o ina. 12 Hindi siya lalabas ng santuwaryo ng kanyang Diyos at lalapastanganin iyon, sapagkat nasa kanya ang langis na pamahid ng kanyang Diyos na nagbukod sa kanya. Ako si Yawe.
13 Birheng babae ang dapat na maging asawa niya. 14 Hindi isang biyuda o babaeng hiniwalayan o ginahasa o babaeng bayaran kundi isang birheng mula sa sariling angkan. 15 Huwag niyang lapastanganin ang kanyang lahi sa gitna ng kanyang sambayanan sapagkat akong si Yawe ang nagpapabanal sa kanya.”
16 Nagsalita si Yawe kay Moses: 17 “Sabihin mo kay Aaron: Walang sinuman sa iyong mga inapong may kapansanan sa alinmang salinlahing darating ang makapaglilingkod. Hindi siya lalapit para mag-alay ng pagkain ng kanyang Diyos. 18 Walang sinumang may kapansanan ang makalalapit: bulag o pilay o may kulang sa katawan o may bahaging masama ang anyo 19 o may bali sa paa o kamay, 20 o kuba o unano o may pilak sa mata, o may eksema o buni o nadurog na itlog.
21 Hindi maiaalay ng sinumang may kapansanang inapo ni Aarong pari ang susunuging handog. Huwag lalapit para mag-alay ng pagkain ng kanyang Diyos ang may kapansanan. 22 Makakakain siya ng mga banal o kabanal-banalang bagay na pagkain ng kanyang Diyos. 23 Ngunit hindi siya makapapasok sa kurtina at lalapit sa altar dahil sa kanyang kapansanan. Huwag niyang lapastanganin ang aking mga santuwaryo, sapagkat akong si Yawe ang siyang nagpapabanal sa mga iyon.”
24 Kaya kinausap ni Moises si Aaron at ang mga anak nito at ang lahat ng Israelita.
Levitico 20
Ilang batas sa pagpaparusa
• 1 Sinabi ni Yawe kay Moises: 2 “Sabihin mo sa mga Israelita: Kung may Israelita o dayuhang naninirahan sa Israel na magbigay ng kanyang anak sa Molek, siya’y papatayin. Babatuhin siya ng mga taumbayan. 3 Haharapin ko rin ang taong iyon at aalisin ko siya sa kanyang bayan dahil sa pagbibigay niya ng kanyang supling sa Molek; dinungisan niya ang aking santuwaryo at nilapastangan ang aking banal na Pangalan.
4 Kahit na pagtakpan siya ng mga taumbayan at ayaw nilang makita ang pagbibigay niya ng kanyang supling sa Molek, at hindi nila siya patayin, 5 ako ang haharap sa kanya at sa buo niyang sambahayan. Aalisin ko siya sa kanyang bayan pati ang lahat ng sumunod sa kanya at nagbili ng sarili sa pagsunod sa Molek. 6 Kung may lalapit sa mga espiritista at mga manghuhula at magbibili ng sarili kasama nila, haharapin ko siya at aalisin sa kanyang bayan.
7 Magpakabanal kayo at maging banal sapagkat ako si Yaweng inyong Diyos. 8 Tuparin ninyo ang aking mga kautusan at isabuhay sapagkat akong si Yawe ang nagpapabanal sa inyo.
9 Patayin ang sinumang manumpa sa kanyang ama o ina; dahil sa pagsumpa niya sa kanyang ama o ina, siya ang mananagot sa kanyang kamatayan. 10 Kung may lalaking makiapid sa asawa ng kanyang kapwa, papatayin ang nakiapid pati ang babaeng nakiapid. 11 Kung may sumiping sa asawa ng kanyang ama, inilantad niya ang kahubaran ng kanyang ama; papatayin ang sumiping pati ang babae, sila ang mananagot sa kanilang kamatayan. 12 Kung may alaking sumiping sa kanyang manugang na babae, papatayin silang dalawa; nakagawa sila ng karumal-dumal na pagkakasala kaya sila ang mananagot sa kanilang kamatayan.
13 Kung may lalaking sumiping sa kapwa lalaki gaya ng pagsiping sa babae, nakagawa silang dalawa ng kasuklam-suklam na bagay; papatayin sila at sila ang mananagot sa kanilang kamatayan. 14 Kung may lalaking kumuha sa isang babae at sa ina nito, ito ay kabuktutan. Susunugin siya kasama nila at wala nang kabuktutan sa piling ninyo.
15 Kung may lalaking makipagtalik sa isang hayop, papatayin siya pati ang hayop. 16 Kung may babaeng lumapit sa isang hayop para makipagtalik, papatayin siya pati ang hayop. Papatayin sila at sila lamang ang mananagot sa kanilang kamatayan.
17 Kung may lalaking kumuha sa kanyang kapatid na babae na anak ng kanyang ama o ina, at ilantad niya ang kahubaran nito at nito ang kahubaran niya, ito ay kabuktutan. Hindi na sila mabubuhay sa kanilang bayan. Mananagot sa sariling kamatayan ang naglantad sa kahubaran ng kanyang kapatid na babae.
18 Kung may lalaking sumiping sa isang babaeng may regla, inilantad niya ang bukal ng dugo nito sa paglalantad niya sa kahubaran nito, pati na ng babae. Kaya aalisin sila sa kanilang bayan. 19 Huwag mong ilantad ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ina o ama; gaya ito ng paglalantad sa kahubaran ng mga ito; kapwa ninyo pananagutan ang inyong kasalanan. 20 Kung may lalaking sumiping sa kanyang tiya, inilantad nito ang kahubaran ng kanyang tiyo. Mananagot sila sa kanilang kasalanan; mamamatay silang walang anak. 21 May karumal-dumal na kasalanan ang kumuha sa asawa ng kanyang kapatid na lalaki; inilantad niya ang kahubaran ng kapatid na lalaki; hindi sila magkakaanak.
22 Tuparin ninyo ang lahat ng aking batas at kautusan at isabuhay, at baka kayo isuka ng lupaing pagdadalhan ko sa inyo upang doon manahan. 23 Kaya huwag kayong mamuhay ayon sa mga pag-uugali ng bansang itinataboy ko sa harap ninyo sapagkat ginawa nila ang lahat ng ito at nasuklam ako sa kanila. 24 Kaya sinabi ko sa inyo: Mapapasainyo ang kanilang lupaing ibinibigay ko sa inyo bilang pamana, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot-pukyutan.
Ako si Yaweng inyong Diyos ang siyang nagbukod sa inyo sa ibang mga bansa, 25 kaya dapat din ninyong ibukod ang mga hayop na malinis sa mga di-malinis, at ang mga ibong malinis sa di-malinis, at huwag madungisan ng alinmang hayop o ibon o ng anumang gumagapang na kinapal sa lupa sapagkat ibinukod ko kayo sa mga ito. 26 Maging banal kayo sa akin sapagkat banal ako, si Yawe, at ibinukod ko kayo sa ibang mga bansa upang maging akin.
27 Patayin ang sinumang lalaki o babaeng espiritista o manghuhula. Babatuhin ang mga ito at sila ang mananagot sa kanilang kamatayan.”
Levitico 19
1 Kinausap ni Yawe si Moises, at sinabi: 2 “Magsalita ka sa buong pamayanan ng mga anak ng Israel at sabihin sa kanila – Magpakabanal kayo sapagkat akong si Yaweng Diyos ninyo ay banal.
3 Dapat igalang ng bawat isa sa inyo ang kanyang ina at ama; at igalang ninyo ang aking mga araw ng pahinga; ako si Yaweng Diyos ninyo.
4 Huwag kayong dudulog sa mga diyus-diyusan o igagawa ang inyong sarili ng mga diyos na tinunaw na metal; ako si Yaweng Diyos ninyo.
5 Kapag nag-aalay kayo kay Yawe ng handog sa mabuting pagsasamahan, ialay ninyo ito upang maging kalugud-lugod kayo. 6 Kakanin iyon sa araw na inialay ninyo o sa susunod na araw. At kailangang sunugin ang anumang matitira sa ikatlong araw. 7 Kung kakainin iyon sa ikatlong araw, iyon ay di-malinis at hindi na kalugud-lugod. 8 Pagbabayaran ng sinumang kumain niyon ang kanyang kasalanan, sapagkat nilapastangan niya ang isang bagay na banal kay Yawe at hindi na mabubuhay ang taong ito sa kanyang bayan.
Pagpapakatao sa araw-araw
• 9 Sa paggapas mo ng ani sa iyong lupain, huwag mong gagapasin hanggang sa pinakadulo ng iyong bukirin o simutin pa ang mga pinaggapasan. 10 Huwag mong sisimutin ang naiwang bunga sa iyong ubasan ni pupulutin ang mga nalaglag na ubas; pabayaan mo na ang mga iyon sa mga dukha at sa mga dayuhan. Ako si Yaweng Diyos mo.
11 Huwag kayong magnanakaw o magsisinungaling o manlilinlang sa isa’t isa.
12 Huwag kayong manunumpa nang walang katotohanan sa aking Pangalan, kalapastanganan iyon sa pangalan ng iyong Diyos; ako si Yawe.
13 Huwag mong aapihin ang iyong kapwa o pagnanakawan iyon. Hindi maiiwan sa iyo hanggang sa susunod na araw ang suweldo ng arawang trabahador.
14 Huwag mong alimurahin ang bingi o lagyan ng katitisuran ang daan ng bulag, kundi magkaroong-pitagan sa inyong Diyos; ako si Yawe.
15 Huwag mong baluktutin ang katarungan; huwag mong kikilingan ang dukha o yuyukuan ang malakas, maging makatarungan ka sa paghatol sa iyong kapwa.
16 Huwag mong siraan ang iyong kababayan, at huwag hangarin ang kamatayan ng iyong kapwa; ako si Yawe. 17 Huwag kang magtanim ng galit sa iyong puso laban sa iyong kapatid; tahasan mo siyang pangaralan upang hindi makihati sa kanyang kasalanan.
18 Huwag kayong maghiganti o magtanim ng sama ng loob sa inyong kababayan, kundi mahalin ninyo ang inyong kapwa tulad ng inyong sarili; ako si Yawe.
• 19 Sundin ninyo ang aking mga kaugalian. Huwag mong palalahian ang iyong mga hayop sa hindi nito kauri. Huwag mong hahasikan ang iyong bukid ng dalawang klase ng binhi, at huwag magsusuot ng damit na yari sa dalawang magkaibang tela.
20 Kung makipagtalik ang isang lalaki sa isang aliping babaeng katipan ng ibang lalaki, at hindi pa ito natutubos o nabibigyang-kalayaan, magkakaroon ng kaparusahan. Ngunit hindi sila papatayin, sapagkat hindi pa malaya ang babae, 21 subalit magdadala ang lalaki ng isang barakong tupa sa pintuan ng Toldang Tagpuan bilang hain para sa utang kay Yawe para sa kanya. 22 Isasagawa ng pari sa harap ni Yawe ang pagbabayad-sala para sa kanya sa barakong tupang hain para sa utang, at patatawarin ang nagawa niyang kasalanan.
23 Kapag nakapasok na kayo sa lupain at nakapagtanim na ng lahat ng uri ng punong nagbubunga, ituring ninyong di-malinis ang mga bunga sa loob ng tatlong taon, at hindi dapat kainin. 24 Sa ikapat na taon, magiging banal ang lahat ng bunga, isang handog ng papuri kay Yawe. 25 Ngunit sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang bunga, upang dumami ang bunga nito para sa inyo. Ako si Yaweng Diyos ninyo.
26 Huwag kayong kakain ng anuman sa ibabaw ng dugo, at huwag manghuhula o gagawa ng astrolohiya. 27 Huwag kayong magpapagupit nang gupit-bao, o kortehan ang inyong balbas. 28 Huwag ninyong hihiwaan ang inyong katawan para sa mga patay o tatatuan ang inyong sarili. Ako si Yawe.
29 Huwag mong lapastanganin ang iyong anak na babae sa pagtutulak sa kanya na maging babaeng bayaran, kung hindi’y magpapabayad din sa iba ang lupain at mapupuno ng kasamaan. 30 Ipangilin ninyo ang aking mga Araw ng Pahinga, at igalang ang aking Santuwaryo. Ako si Yawe.
31 Huwag kayong sasangguni sa mga midyum o espiritista sapagkat madudungisan nila kayo. Ako si Yaweng Diyos ninyo.
32 Tumayo ka sa harap ng matatanda, at igalang sila; pagpipitagan ito sa iyong Diyos. Ako si Yawe.
33 Sa pakikipamayan sa iyo ng isang dayuhan sa iyong lupain, huwag mo siyang aapihin. 34 Ituring ninyo siyang isa sa mga katutubong kasama ninyo. Mahalin mo siya tulad ng iyong sarili sapagkat kayo ay naging dayuhan din sa lupain ng Ehipto. Ako si Yaweng Diyos mo.
35 Huwag kayong magkakamali sa paghatol o sa pagsukat o pagtimbang o pagtakal. 36 Gumamit kayo ng mga timbangang husto sa timbang, panukat na husto sa sukat at takalang husto sa takal. Ako si Yaweng Diyos ninyo na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto.
37 Sundin ninyo ang lahat ng aking pasya at lahat ng aking kaugalian, at isabuhay ang mga ito. Ako si Yawe.”
Levitico 18
Ang “batas ng kabanalan”
• 1 Kinausap ni Yawe si Moises, at sinabi: 2 “Kausapin mo ang mga anak ng Israel at sabihin sa kanila – Ako si Yaweng Diyos ninyo. 3 Huwag ninyong gagawin ang ginagawa sa lupain ng Ehipto na pinanirahan ninyo, at huwag ding gagawin ang ginagawa sa lupain ng Kanaan na pagdadalhan ko sa inyo; huwag kayong makikiisa sa kanilang mga kaugalian. 4 Ang aking mga pasya ang inyong gagawin at ang aking mga kaugalian ang inyong tutuparin. Ako si Yawe. 5 Sundin ninyo ang aking mga kaugalian at mga pasya, sapagkat sinumang sumunod ay makasusumpong ng buhay. Ako si Yawe.
6 Walang sinuman sa inyo ang makikipagtalik sa kanyang kamag-anak. Ako si Yawe. 7 Huwag makikipagtalik sa iyong ama o ina, siya ay iyong ina, huwag makikipagtalik sa kanya. 8 Huwag makikipagtalik sa asawa ng iyong ama. Igalang mo ang iyong ama. 9 Huwag makikipagtalik sa iyong kapatid na babae, maging siya ay anak ng iyong ama o ina, o ipinanganak sa iyong bahay o saanman. 10 Huwag makikipagtalik sa iyong apong babae, kasiraang-puri mo iyon. 11 Huwag kang makikipagtalik sa babaeng kapatid mo sa ama, kapatid mo rin siya.
12 Huwag makikipagtalik sa iyong tiya, maging siya ay kapatid ng iyong ama 13 o kapatid ng iyong ina. 14 Huwag makikipagtalik sa asawa ng iyong tiyo, tiya mo rin siya. 15 Huwag makikipagtalik sa iyong manugang na babae 16 o sa iyong hipag.
17 Huwag makikipagtalik sa isang babae at sa kanyang anak na babae o sa kanyang apong babae; magkakamag-anak sila, kalapastanganan ang gayon.
18 Habang buhay pa ang iyong maybahay, huwag mong kukuning asawa ang kanyang kapatid na babae para maging kaagaw niya.
19 Huwag makikipagtalik sa isang babaeng may regla.
20 Huwag makikipagtalik sa maybahay ng iyong kapwa, at dungisan ang iyong sarili sa kanya.
21 Huwag ibigay ang sinuman sa iyong mga anak para isakripisyo kay Molek, at huwag lapastanganin ang pangalan ng iyong Diyos. Ako si Yawe.
22 Huwag kang sisiping sa kapwa-lalaki, gaya ng pagsiping sa isang babae; kasuklam-suklam ito. 23 Huwag makikipagtalik sa hayop; kasumpa-sumpa ito.
24 Huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa alinman sa ganitong gawi sapagkat ganito dinungisan ng mga bansang itinataboy ko sa harap ninyo ang kanilang sarili. 25 Nadungisan kahit ang lupain kaya dumating ako para singilin ito, at isinuka nito ang mga nakatira rito.
26 Sundin ninyo ang aking mga kaugalian at mga pasya, at huwag gagawin ang alinman sa mga kasuklam-suklam na bagay na ito, maging ang mga katutubo o mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 27 Alalahanin ninyo ang mga taong gumawa ng lahat ng ito, silang mga nauna sa inyo sa mga lupaing ito na nadungisan. 28 Kung dudungisan ninyo ang lupain, isusuka rin kayo nito tulad ng ginawa nito sa mga bansang nauna sa inyo. 29 Sinumang gumawa ng alinman sa mga kasuklam-suklam na bagay na ito ay hindi na mabubuhay sa kanyang bayan. 30 Sundin ninyo ang aking mga kautusan, at huwag makiisa sa alinman sa mga kasuklam-suklam na kaugaliang ginawa ng mga nauna sa inyo, upang hindi ninyo madungisan ang inyong sarili sa kanila. Ako si Yaweng Diyos ninyo.
Levitci 17
Ang Batas ng kabanalan
• 1 Sinabi ni Yawe kay Moises: 2 “Magsalita ka kay Aaron, sa kanyang mga anak at sa sambayanan ng Israel, at sabihin mo sa kanila: Ito ang iniutos ni Yawe. 3 Sinumang taga-Israel na pumatay ng toro o tupa o kambing maging sa loob ng kampo o sa labas nito, 4 na hindi muna iyon dinadala sa may pintuan ng Toldang Tagpuan para ialay kay Yawe sa harap ng Tirahan ni Yawe ay mananagot sa dugo, nagpadanak siya ng dugo kayat itatakwil sa kanyang bayan. 5 Kaya dadalhin ng mga Israelita sa pari ang mga iaalay nila sa parang; dadalhin nila ang mga iyon kay Yawe sa may pintuan ng Toldang Tagpuan at ihahandog kay Yawe bilang hain sa mabuting pagsasamahan.
6 Ibubuhos ng pari ang dugo sa altar ni Yawe sa may pintuan ng Toldang Tagpuan at susunugin ang taba bilang amoy na kalugud-lugod kay Yawe. 7 Hindi na nila iaalay ang kanilang mga hain sa mga diyos na kambing at ipagbibili ang sarili sa mga iyon. Mananatili magpakailanman ang kautusang ito sa kanila at sa kanilang mga inapo.
Huwag kakain ng dugo
8 Sabihin mo rin sa kanila: Kung may taga-Israel o dayuhang nasa piling nila na mag-alay ng susunuging handog o ng hain 9 at hindi niya iyon dinala sa may pintuan ng Toldang Tagpuan para ialay kay Yawe, hindi na siya mabubuhay sa kanyang bayan.
10 At kung may Israelita o dayuhang naninirahan sa piling nila na kumain ng dugo, haharapin ko ang kumain ng dugo at aalisin siya sa kanyang bayan. 11 Nasa dugo nga ang sigla ng kinapal, kaya ko ito ipinalalagay sa inyo sa altar para matubos ang inyong mga buhay; tinutubos ng dugo ang tao. 12 Kaya sinabi ko sa mga Israelita: Walang sinuman sa inyong kakain ng dugo, pati ang dayuhang nasa piling ninyo.
13 Kung may Israelita o dayuhang nasa piling ninyo na makahuli ng hayop o ng ibong makakain, ibubuhos niya ang dugo niyon at tatabunan ng lupa. 14 Nasa dugo nga ang sigla ng kinapal, kaya sinabi ko sa mga Israelita: Huwag kayong kakain ng dugo ng anumang kinapal sapagkat nasa dugo ang sigla ng tanang kinapal at aalisin ko ang sinumang kumain nito.
15 Kung may katutubo o dayuhang kumain ng hayop na namatay o nilapa, siya ay magiging di-malinis hanggang hapon at kailangan niyang labhan ang kanyang mga damit at maligo, at saka siya magiging malinis. 16 Kung hindi niya lalabhan ang kanyang mga damit at maliligo, tataglayin niya ang kasalanan.”






