Ang Bagong Magandang Balita Biblia

Ang Banal na Kasulatan

Levitico 1

Mga hain: ang susunuging handog

 

1 Tinawag ni Yawe si Moises, at kina­ usap siya mula sa Toldang Tagpuan: 2 “Kausapin mo ang mga Israelita at sabihin sa kanila: Sa paghahain ninuman sa inyo ng alay na hayop kay Yawe, puwede itong galing sa bakahan o sa kawan.

 

3 Kung sa bakahan galing ang iaalay na susunuging handog, isang barakong walang kapintasan ang ihahain niya, at iaalay niya iyon sa may pintuan ng Toldang Tagpuan para maging kalugud-lugod kay Yawe. 4 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng susunuging handog upang tanggapin ito ni Yawe para sa pagba­bayad-sala. 5 Kaka­tayin ang batang toro sa harap ni Yawe, at iaalay naman ng mga paring anak ni Aaron ang dugo sa pagbubuhos sa buong altar na nasa may pinto ng Toldang Tagpuan. 6 Baba­latan ang susunuging handog at paghihiwa-hiwain. 7 Magsisindi naman ng apoy ang mga paring anak ni Aaron sa altar at lalagyan ng kahoy ang apoy. 8 At ipapa­tong nila sa kahoy na nasa apoy sa altar ang mga piraso, pati na ang ulo at ang taba. 9 Huhugasan muna sa tubig ang mga laman-loob at mga pata, at saka susunuging lahat ng pari sa altar. Ito ang susunuging handog na kalugud-lugod kay Yawe ang amoy.

 

10 Kung galing naman sa kawan ang iaalay na susunuging handog, isang tupa o kam­bing, isang barakong walang kapintasan ang ihahain niya. 11 Kakatayin ito sa harap ni Yawe sa gawing hilaga ng altar, at ibubuhos ng mga pari ang dugo sa buong paligid ng altar. 12 Paghihiwa-hiwain ito, at ilalagay ng pari ang mga ito pati ang ulo at ang taba sa ibabaw ng kahoy sa apoy sa altar. 13 Huhu­gasan muna sa tubig ang mga laman-loob at mga pata, at saka iaalay ng pari ang lahat at susunugin sa altar. Ito ang susunu­ging handog na kalugud-lugod kay Yawe ang amoy.

 

14 Kung galing naman sa mga ibon ang iaalay na susunuging handog kay Yawe, isang batubato o batang kalapati ang iaalay. 15 Dadalhin ito ng pari sa altar, hihilahin ang ulo at susunugin sa altar, at pipigain ang dugo sa tabi ng altar. 16 Aalisin niya ang butse at mga balahibo nito, at ihahagis sa lugar ng abo sa bandang silangan ng altar. 17 Bibi­yakin ito sa may mga pakpak, ng di tuluyang pinaghihiwalay, at saka susunugin ng pari sa altar, sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy. Ito ang susunuging handog na kalugud-lugod kay Yawe ang amoy.

June 5, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Leviticus, Lumang Tipan | | 1 Comment

Exodo 37

  1 Ginawa ni Bezaleel ang Kaban na yari sa akasya na apatnapu’t limang pulgada ang haba, dalawampu’t pitong pulgada ang lapad at dalawampu’t pitong pulgada rin ang taas. Binalot niya ito sa lantay na ginto sa loob at labas at nilagyan ng minoldeng ginto ang paligid nito. Gumawa siya ng apat na gintong pulseras para sa Kaban, at ikinabit sa apat na paa nito: dalawang pulseras sa isang gilid at dalawa pa sa kabila.

 

Gumawa rin siya ng mga pampasang yari sa akasya at binalot ng ginto ang mga ito. Isi­nuot niya ang mga ito sa mga pulseras na nasa mag­kabilang gilid ng Kaban para madala ito.

 

Ginawa rin niyang lantay na ginto ang Lugar ng Pagpapatawad na apatnapu’t limang pulgada ang haba at dalawampu’t pitong pulgada ang lapad. Para sa dalawang dulo ng Lugar ng Pagpapatawad, gumawa siya ng dalawang ke­ru­bim na yari sa pinitpit na ginto, isang kerubim sa isang dulo at isa pa sa kabila, at ikinabit niya ang mga ito sa magkabilang-dulo ng Lugar ng Pag­pa­patawad. Nakabukang pataas ang mga pakpak ng mga kerubim para lukuban ang Lugar ng Pagpapatawad, at magkaharap ang dalawa.

 

10 Ginawa naman niyang yari sa akasya ang mesang apatnapung pulgada ang haba at dalawampung pulgada ang lapad at tatlumpung pulgada ang taas. 11 Binalot niya ito sa lantay na ginto at nilagyan ng mi­noldeng ginto ang paligid nito. 12 Nilagyan niya ito ng panggilid na bi­­nalot sa ginto na tatlong pulgada ang lapad. 13 Gu­mawa siya ng apat na gintong kawit na bi­log at ikinabit ang mga ito sa apat na sulok na kina­lalagyan ng mga paa. 14 Inilagay malapit sa panggilid ang mga bilog na kawit na susuutan ng mga pampasan sa mesa. 15 Ginawa niyang yari sa akasya ang mga pampasan at binalot ang mga ito sa ginto. Pambuhat sa mesa ang mga ito.

 

16 Gumawa rin siya ng mga kagamitang yari sa lantay na ginto para sa mesa: mga plato, ko­pa, banga at mangkok para sa mga alay na alak.

 

17 Ginawa niyang lantay na ginto ang kandelabra. Ginawa niya mula sa iisang piraso ng pinitpit na ginto ang kandelabra: ang patungan at katawan, pati ang mga palamuting bulaklak, mga buko at mga talulot nito. 18 May anim na sanga sa mga gilid nito, tigatlo sa magkabila. 19 May tigatlong palamuting bulaklak na pa­rang bulaklak ng almond na may kasamang buko’t mga talulot ang anim na sanga ng kan­delabra.

 

20 May apat na palamuting bulaklak na pa­rang bulaklak ng almond na may kasa­mang buko’t mga talulot ang pina­ka­katawan ng kan­delabra: 21 isang buko sa ilalim ng dalawang sangang mula sa katawan, at isa pang buko uli sa ilalim ng kasunod na pares, at isa pa sa ilalim ng huling pares, sapagkat may anim na sanga ang kandelabra. 22 Iisang piraso ng mga buko’t mga sanga sa pinakakatawan ng kandelabra dahil yari sa iisang piraso ng pinitpit na lantay na ginto ang buong kandelabra. 23 At gumawa pa si Bezaleel ng mga ilawan, pitong ilawan lahat, at ng mga pang-ipit ng mitsa at mga latang lantay na ginto. 24 Pitumpu’t limang lib­rang lantay na ginto ang nagamit niya sa paggawa ng ilawan at ng lahat ng kagamitan nito.

 

25 Ginawa niyang akasya ang altar ng insenso. Parisukat itong may dalawampung pulgada ang haba at lapad, at apatnapung pulgada naman ang taas. Gawa sa iisang piraso ng kahoy ang altar at mga sungay nito. 26 Binalot sa lantay na ginto ang ibabaw nito, ang mga gilid at mga sungay, at nilagyan ng gintong panggilid ang ibabaw ng altar, ang paligid nito at mga sungay. 27 Ikinabit niya sa magkabilang gilid sa ibaba ng panggilid ang dalawang gintong pulseras na suutan ng mga pampasan. 28 Ginawa niyang yari sa akasya ang mga pam­pasan at binalot sa ginto ang mga ito.

 

29 Siya rin ang gumawa ng sagradong langis ng pagtatalaga, at ng dalisay at mabangong insenso, gaya ng mga nagtitimpla ng pabango.

 

 

June 5, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Exodus, Lumang Tipan | | 1 Comment

Exodo 40

Ang pagtatalaga sa tirahan

 

   1 Sinabi ni Yawe kay Moises: “Sa unang araw ng unang buwan, itatayo mo ang Tirahang Toldang Tagpuan, at ilalagay mo rito ang Kaban ng Tipan, at lalagyan ng tabing. Ipapasok mo rin ang kandelabra at ilalagay ang mga ilawan nito. Ilalagay mo ang gintong altar ng insenso sa harap ng Kaban ng Tipan, at la­lagyan ng tabing ang pasukan ng Tirahan. Ila­lagay mo naman ang altar ng susunuging handog sa harap ng pasukan ng Tirahang Toldang Tagpuan.

 

Ilagay mo ang planggana sa pagitan ng Toldang Tagpuan at ng altar, at punuin ng tu­big. Paligiran mo ng kurtina ang patyo at isabit ang kurtina sa pasukan ng patyo. At kunin mo ang langis ng pagtatalaga at pahiran mo ang Tirahan at lahat ng naririto pati ang mga kasangkapan nito; at magiging sagrado ang mga ito. 10 Pahiran mo ang altar ng susunuging han­dog at lahat ng kasang­kapan nito; ganito mo itatalaga ang altar na magiging napa­kasagrado. 11 Pahiran mo rin ng langis ang planggana at ang patungan nito, at italaga ang mga ito.

 

12 Papuntahin mo si Aaron at ang kanyang mga anak sa may bungad ng Toldang Tag­puan at paliguan sila. 13 At bibihisan mo si Aaron ng sagradong damit at papahiran siya ng langis at itatalaga mo siya para maging aking pari. 14 Pa­la­lapitin mo rin ang kanyang mga anak at bi­bihisan ng mga tunika. 15 Pahi­ran mo sila ng langis gaya ng pagpapahid mo sa kanilang ama, at magi­ging mga pari ko sila. Magpasawalang-hang­gang pagkapari ang pagpapahid sa kanila, sa lahat ng salinlahi.”

 

16 Kaya ginawa nga ni Moises ang lahat ng iniutos ni Yawe. 17 Sa unang araw ng unang buwan sa ikalawang taon, itinayo ang Tirahan. 18 Itinayo ito ni Moises. Inilagay niya ang mga tuntungan, itinayo ang mga tabla, inilagay ang mga pahalang, at itinayo ang mga haligi. 19 Tinakpan pa niya ng tolda ang ibabaw ng Tirahan, at isa pang tolda ang itinakip niya sa ibabaw nito gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises. 20 Kinuha niya ang Pahayag at inilagay sa Ka­ban. Inilagay rin niya sa Kaban ang mga pam­pasan at ang Lugar ng Pagpapatawad. 21 Dinala niya ang Kaban sa Tirahan at inilagay ang kurtina, at tinakpan ang Kaban ng Pahayag, gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises. 22 Sa Tol­dang Tag­puan, sa labas ng kurtina, inilagay niya ang mesa sa gawing hilaga ng Tirahan, 23 at ini­ayos dito ang mga tinapay sa harap ni Yawe, gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises. 24 Inilagay din niya sa Toldang Tagpuan ang kandelabra sa tapat ng mesa, sa gawing timog ng Tirahan, 25 at inilagay ang mga ilawan sa harap ni Yawe, gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises.

 

26 Inilagay naman niya ang gintong altar sa harap ng kurtina sa Toldang Tagpuan, 27 at si­nunog dito ang mabangong insenso gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises. 28 At nilagyan niya ng kurtina ang bungad ng Tirahan. 29 Inilagay niya ang altar ng susunuging han­dog sa harap ng Tirahang Toldang Tagpuan, at sinunog dito ang handog at ang alay na butil, gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises. 30 Sa pagitan ng Toldang Tagpuan at ng altar niya inilagay ang plang­gana at pinuno iyon ng tubig. 31 Doon naghu­hugas ng kamay at paa si Moises, si Aaron at ang kanyang mga anak. 32 Naghuhugas sila tuwing papasok sa Toldang Tagpuan o lalapit kaya sa altar gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises. 33 Ina­yos pa ni Moises ang patyo sa paligid ng Tira­han at ng altar, at nilagyan niya ng kurtina ang pasukan ng patyo. Kaya na­tapos ni Moises ang gawain.

 

Inari ni Yawe ang santuwaryo

 

 34 At nilukuban ng Ulap ang Toldang Tag­puan at pinuno ng Luwalhati ni Yawe ang Tira­han. 35 Hindi makapasok si Moises sa Tol­dang Tagpuan dahil sa Ulap na lumukob dito at sa Luwalhati ni Yaweng pumuspos sa Tirahan.

 

36 Pagtaas ng Ulap mula sa Tirahan, ipinag­papa­tuloy naman ng mga Israelita ang kanilang paglalakbay. 37 At kung hindi tumataas ang Ulap, maghihintay sila sa kanilang kampo at hindi lalabas hanggang pumaitaas ang Ulap. 38 Nilulukuban ng Ulap ang Tirahan pag araw, at sa gabi nama’y may apoy sa Ulap na nakikita ng buong sambayanan ng Israel. Ganito nga sa buo nilang paglalakbay.

 

 

 

 

June 5, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Exodus, Lumang Tipan | | No Comments Yet

Exodo 39

Mula sa telang purpura, asul-pur­pura at pula, at pinong linen nila ginawa ang mga sagradong damit para sa paglilingkod sa banal na lugar. Ginawa nila ang mga sagradong damit ni Aaron sa paglilingkod ayon sa iniutos ni Yawe kay Moises.

 

Ginawa nila ang efod mula sa gintong sinulid, telang purpura, asul-purpura at pula, at hi­na­bing pinong linen. Pinitpit nila nang manipis ang ginto at ginupit sa maliliit na hibla para maihabi sa telang purpura, asul-purpura at pula, at pinong linen, tulad ng ginagawa ng mang­hahabi ng pinong linen. Gumawa sila ng dalawang tirante para sa eskapularyo at pinag­kabit ang dalawang dulo. Ayon sa iniutos ni Yawe kay Moises, ang hinabing sinturon na pa­rang kaisa sa damit-pandibdib ay maingat ding ginawa mula sa gintong sinulid, telang purpura, asul-purpura at pula, at hinabing pinong linen.

 

Tinabas nila ang mga mamahaling batong-hiyas, at inilagay sa mga enggasteng ginto at iniukit sa mga ito ang mga pangalan ng mga anak ng Israel. Gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises, ikinabit nila ang mga batong-hiyas sa mga tirante ng damit-pan­dibdib bilang alaala ng mga anak ng Israel.

 

Tulad ng efod ginawa nilang may magan­dang burda ang eskapularyong gawa rin sa gintong sinulid, telang purpura, asul-purpura at pula, at hinabing pinong linen. Parisukat ito, magkataklob, siyam na pul­gada ang haba at siyam na pulgada rin ang lapad. 10 Nilagyan nila ito ng apat na hanay ng mga batong-hiyas: rubi, topasyo at karbusyo sa unang hanay; 11 esme­ralda, sapiro at brilyante sa pangalawang hanay; 12 opal, rubi at amatista sa pangatlong hanay; 13 berilo, onix at haspe sa pang-apat na hanay. Nakaenggaste ang lahat ng ito sa ginto.

 

14 Labindalawa ang mga bato katumbas ng mga pangalan ng mga anak ng Israel. Nakaukit sa bawat bato ang pangalan ng isa sa labindalawang tribu. 15 Gumawa sila ng mga gintong tanikalang itinirintas para sa eskapularyo. 16 Gu­mawa pa sila ng dalawang maliit na gintong enggaste at dalawang gintong singsing na nakakabit sa mga sulok ng eskapularyo, 17 at itinali naman dito ang dalawang itinirintas na tanikalang ginto. 18 Ikinabit ang dalawang dulo ng tanikalang ginto sa dalawang enggaste, kaya nakakabit din ang mga ito sa mga tirante ng efod sa may harapan. 19 Gumawa sila ng dalawang gintong singsing at ikinabit sa mga sulok sa ibaba ng eskapularyo, sa tupi sa loob, kasu­nod ng efod. 20 Gumawa rin sila ng dalawa pang gintong singsing at ikinabit sa ibaba ng dala­wang tirante sa harap ng efod, sa may tupi, sa ibabaw ng sinturon. 21 Ayon sa iniutos ni Yawe kay Moises, pinagkabit nila ang eskapularyo at ang efod sa pamamagitan ng sintas na asul-purpura na isinuot sa mga singsing para manatili ang damit-pandibdib sa ibabaw ng sinturon at di ito maalis sa efod.

 

22 At gumawa sila ng balabal na asul-purpura para sa efod. 23 Ginawa ang butas sa pag­habi tulad ng kuwelyo ng kamisadentro para hindi ito mapunit. 24 Nilagyan nila ang laylayan nito ng palamuting bilug-bilog na yari sa telang asul-purpura at pula, at hina­bing pinong linen. 25 Gumawa rin sila ng mga kampanilyang yari sa lantay na ginto at inila­gay ang mga ito sa palibot ng laylayan ng balabal ng efod sa pagitan ng mga bilug-bilog. 26 Magkakasalit ang mga kampanilya at mga bilug-bilog sa paligid ng buong lay­layan nito, ayon sa iniutos ni Yawe kay Moises.

 

27 At ginawa rin nila ang mga hinabing pinong lineng tunika para kay Aaron at sa kanyang mga anak, 28 ang turbang pinong linen, ang mga karsonsilyong hinabing pinong linen, 29 at ang mga sinturong hinabing pinong linen at telang purpura, asul-purpura at pula na may magandang burda ayon sa iniutos ni Yawe kay Moises.

 

30 Gumawa rin sila ng manipis na metal, ang sagradong manipis na ginto, at parang tatak na iniukit nila dito ang “Itinalaga kay Yawe”. 31 Itinali nila ito ng isang asul-purpurang laso sa itaas ng turban, gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises.

 

32 At natapos ang lahat ng gawain sa Tirahan, sa Toldang Tagpuan. Sa paggawa nito ti­nupad ng lahat ng anak ni Israel ang lahat ng iniutos ni Yawe kay Moises.

 

33 At dinala nila kay Moises ang lahat ng ito, ang Toldang Tagpuan, at lahat ng kaga­mitan nito: mga kawit, mga tabla, mga paha­lang, mga haligi, mga tuntungan, 34 mga takip na yari sa kinulayang katad ng lalaking kambing, mga takip na yari sa malambot na katad at mga kur­tina, 35 ang Kaban ng Tipan at ang mga haligi nito, at ang Lugar ng Pagpapatawad, 36 ang mesa at mga kaga­mitan nito at ang tinapay ng pagharap kay Yawe, 37 ang kandelabrang yari sa lantay na ginto at ang mga ilawang ikakabit dito at lahat ng kagamitan nito, ang langis para sa ilawan, 38 ang gintong altar, ang langis ng pagtatalaga, ang mabangong insenso, ang kur­tina sa bungad ng tolda, 39 ang altar na tanso pati ang parilyang tanso, ang mga haligi nito at lahat ng kagamitan nito, ang planggana at patungan nito, 40 ang mga kurtina sa patyo, pati na ang mga haligi at tuntungan, at ang kurtina sa pin­tuan ng patyo, ang mga sintas nito, mga tulos at lahat ng kasangkapan ng Tirahang Toldang Tag­puan, 41 ang mga sagradong damit sa pagli­lingkod sa banal na lugar, ang sagradong damit ng paring si Aaron at ng kanyang mga anak para sa paglilingkod. 42 Ginawa ng mga Israelita ang lahat gaya ng iniutos ni Yawe kay Moises.

 

43 Sinuri ni Moises ang lahat ng gawain, at nakita niyang ginawa ang mga ito ayon sa ini­utos sa kanya ni Yawe. At binasbasan ni Moises ang mga Israelita.

June 5, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Exodus, Lumang Tipan | | No Comments Yet

Exodo 38

Kahoy ng akasya ang ginawa ni  Bezaleel na altar ng susunuging handog. Parisukat itong may walong talam­pakan ang haba at lapad, at limang talam­pakan naman ang taas. Nilagyan niya ng mga sungay ang apat na sulok nito at binalot sa tanso ang mga ito. Mula sa iisang piraso lamang ang altar at ang mga sungay. Ginawa niya ang lahat ng kagamitan sa altar: ang mga sahuran ng abo, mga pala, pitsel ng tubig, mga kawit, apuyan at mga kaserola; ginawa niyang yari sa tanso ang lahat ng ito. Gumawa pa siya ng parilyang tansong parang lambat na inilagay niya sa ilalim hang­gang sa gitna ng altar. Gumawa siya ng apat na bilog na suutan ng mga pampasan at ikinabit ang mga ito sa apat na sulok ng parilyang tanso.

 

Ginawa niyang yari sa akasya ang mga pampasan at binalot sa tanso ang mga ito at isinuot sa mga bilog na suutan para buhatin ang altar. Ginawa niyang guwang ang altar na yari sa tabla.

 

Gumawa rin siya ng tansong planggana at patungan mula sa mga tansong salamin ng mga babaeng naglilingkod sa may pintuan ng Toldang Tagpuan.

 

Ginawa rin niya ang patyo. Sa dako ng patyo na nakaharap sa gawing timog ng lupain, naglagay siya ng kurtinang gawa sa hinabing linen na sandaa’t limampung talampakan ang haba. 10 Tanso ang dalawampung haligi nito at dalawampung paa, at pilak naman ang mga kawit at baras nito. 11 May limampu ring kurtina sa gawing hilaga. Tanso rin ang dalawampung haligi nito’t dalawampung paa, at pilak ang mga kawit at baras.

 

12 Sa gawing kanluran nama’y pitumpu’t limang talampakan ang kurtinang ikinabit sa sampung haliging may sampung tuntungan at mga pilak na kawit at baras. 13 Paharap naman sa sikatan ng araw sa silangan ay may pitumpu’t limang talampakang kurtina. 14 Sa isang tabi ng pintuan ay may dala­wampu’t limang talampakang kurtina sa tatlong haliging may tatlong tuntungan. 15 Mayroon ding dalawampu’t limang talam­pakang kurtina sa kabilang tabi, sa tatlong haliging may tatlong tuntungan. 16 Hinabing pinong linen ang lahat ng kurtina sa palibot ng patyo. 17 Tanso ang mga tuntungan ng mga haligi at pilak naman ang mga kawit gaya ng mga baras ng haligi. Pilak ang ulo ng lahat ng haligi sa patyo pati ang mga baras nito.

 

18 Gawa ng mahusay na burdador ang kurtina sa pintuan ng patyo mula sa lanang purpura, asul-purpura at pula, at hinabing pinong linen. Gaya ng mga kurtina sa patyo, tatlumpung talampakan ang haba nito at walong talam­pa­kan ang taas sa kahabaan nito 19 Tanso ang apat na haligi nito at apat na tuntungan. Tulad ng ulo ng mga haligi at ng mga baras, pilak din ang mga kawit ng haligi. 20 Tanso naman ang mga tulos sa Toldang Tagpuan at sa paligid ng patyo.

 

21 Ito ang listahan ng mga metal na ginamit para sa Tirahang Toldang Tagpuan. Gaya ng iniutos ni Moises, inihanda ito ng mga Levita sa ilalim ng pangangasiwa ni Itamar na anak ng paring si Aaron.

 

22 Ginawa ni Bezaleel na anak ni Uring anak ni Hur sa tribu ng Juda ang lahat ng iniutos ni Yawe. 23 Katulong niya si Ohaliab na anak ni Ahisamak sa tribu ng Dan – isang grabador, manghahabi ng pinong linen, burdador ng telang purpura, asul-purpura at pula, at pinong linen.

 

24 Dalawanlibo-sandaa’t siyamnapu’t limang libra sa opisyal na timbangan ang gin­tong na­gamit sa buong gawain sa santu­waryo. (Ito ang gintong itinalaga sa pag­hahandog.) 25 Pitunlibo’t limandaa’t limam­pung libra sa opisyal na timbangan ang naipong pilak nang kunin ang talaan ng sam­­bayanan. 26 Nagbayad ng tigka­ka­la­­­hating siklong pilak ang lahat ng may da­lawampung taong gulang pataas. Umabot sa animnaraa’t tatlong libo’t limandaan ang bilang ng lahat.

 

27 At pitunlibo’t limandaang librang pilak ang nagamit sa paggawa ng sandaang tuntu­ngan ng banal na lugar at ng kurtina, pitumpu sa bawat tuntungan. 28 At sa natitirang limampung librang pilak ay ginawa naman ni Bezaleel ang mga kawit sa haligi, ang ulo sa ibabaw at ang mga baras. 29 Umabot sa limanlibo’t tatlong daa’t sampung libra ang tansong itinalaga sa pag­hahandog, 30 at mula rito niya ginawa ang mga tuntungan sa pin­tuan ng Toldang Tagpuan, ang altar na tanso at ang parilya nitong tanso at ang lahat ng kagamitan nito, 31 ang mga tuntungan sa paligid at pintuan ng patyo, ang lahat ng tulos ng Tirahan at sa paligid ng patyo.

June 5, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Exodus, Lumang Tipan | | No Comments Yet

Exodo 36

   1 Gumawa ayon sa ipinag-utos ni Yawe sina Bezaleel at Oholiab at ang lahat ng mahuhusay na manggagawang binigyan ni Yawe ng kakayahan at pang-unawa para gawin ang mga kailangan sa pagtatayo ng banal na lugar.

 

At tinawag ni Moises sina Bezaleel at Oho­liab at ang lahat ng mahuhusay na manggagawang handang tumulong at binigyan ni Yawe ng kaka­yahan. Tinanggap nila kay Moises ang la­hat ng abuloy na dinala ng mga Israelita para sa pagtatayo ng banal na lugar. Patuloy naman sa pagdadala ng mga alay ang mga tao tuwing umaga. Iniwan ng mga mahuhusay na mang­gagawa ang kanilang ginagawa sa banal na lugar, at pinuntahan si Moises, at sinabi: “Nag­dadala ang mga tao ng sobra sa kakaila­nganin para sa gawaing iniutos sa atin ni Yawe.” At ipinasabi ni Moises sa buong bayan: “Lalaki man o babae, wala nang magdadala pa ng anumang abuloy para sa banal na lugar.” Hu­minto nga ang sambayanan sa pagdadala pa ng mga han­dog; sapat na at sobra pa nga ang natipong materyales para matapos ang lahat ng gawain.

 

Ginawa ng mga pinakamahusay na mang­gagawa ang Tirahan. Ginawa nila ito mula sa sampung tela ng hinabing linen na kulay asul-purpura at pula at may burdang mga kerubim. Iisa ang sukat ng lahat ng tela – apatnapung talampakan ang haba at anim na talampakan naman ang lapad. 10 Tinahi nila’t pinagdugtong ang limang tela, pati na ang lima pa. 11 Nilagyan nila ng sintas na asul-purpura ang gilid ng pinakahuli sa unang lima pati ang huling tela sa ikalawang lima. 12 Nilagyan nila ng limampung sintas ang unang lima, at nilagyan din nila ng katapat na limampung sintas ang huling tela sa ikalawang lima. 13 Gumawa sila ng limampung gintong kawit at pinagkabit ang dalawa para maging isa lamang.

 

14 At gumawa sila ng mga hinabing balahibo ng kambing para gawing toldang takip sa Tirahan; labing-isang piraso ang ginawa nila. 15 Iisa ang sukat ng labing-isang piraso – apatnapu’t tatlong talampakan ang haba at anim na talampakan ang lapad. 16 Pinagdugtong nila ang limang piraso at ginawang isang piraso, at gu­mawa sila ng isa pang piraso sa anim na tira. 17 Kinabitan nila ng limampung sintas ang gilid ng huling piraso sa unang limang pinagdugtong at limampung sintas pa rin sa gilid ng huling piraso sa ikalawa. 18 At gumawa sila ng limampung tansong kawit para pag-isahin ang dalawang piraso at bumuo ng isang takip.

 

19 Gumawa rin sila ng isa pang takip sa Tira­han mula sa kinulayang katad ng lalaking kambing at ng isa pang takip na yari sa malambot na katad sa ibabaw nito. 20 Gawa sa tablang akasya ang pinakadingding ng Tirahan. 21 La­binlimang talampakan ang haba at tatlumpung pulgada ang lapad ng bawat tabla. 22 May mag­katapat na dalawang nakausli sa bawat tabla; at ginawa nilang ganito ang lahat ng tabla ng Banal na Tirahan. 23 Para sa gawing timog ng Tirahan, gumawa sila ng dalawampung tablang 24 may apatnapung pilak na patungan para sa ilalim ng dalawampung tabla: dalawang patu­ngan na katapat ng dalawang nakausli sa unang tabla at ganito rin sa iba pang mga tabla. 25 Para sa kabilang panig sa hilaga, gumawa rin sila ng dalawampung tabla, 26 at apatnapung pilak na patungan, dalawa para sa bawat tabla.

 

27 Para naman sa gawing likod sa kan­luran, gumawa sila ng anim na tabla. 28 At gumawa sila ng dalawang tabla para sa mga panulukan sa likuran ng Tirahan. 29 Pinag­dugtong ang mga tabla sa ilalim at sa ibabaw hanggang sa unang bilog na kawit; ginawa nila ito sa dalawang tab­lang nasa dalawang sulok. 30 Kayat may walong tablang may labing-anim na patungang pilak; dalawang patungan para sa bawat tabla. 31 Gu­mawa pa sila ng mga pahalang na kahoy na akasya; limang pahalang para pagdugtungin ang mga tablang bubuo sa isang tabi ng Tirahan, 32 at lima pa para pagdugtungin naman ang    mga tablang bubuo sa gawing hilaga. 33 Ginawa ni­lang mahaba ang panggitnang pahalang mula sa magkabilang dulo. 34 Bina­lutan nila ng ginto ang mga tabla at nilagyan ng mga gintong bilog na kawit na suutan ng mga pahalang na binalot din sa ginto.

 

35 Gumawa sila ng kurtinang yari sa telang purpura, asul-purpura at pula, at sa hinabing pinong linen na may burdang mga kerubim. 36 Para maisabit ang kurtina, gumawa sila ng apat na haliging akasya na binalutan din ng ginto at nilagyan ng gintong kawit at may apat na patungang pilak. 37 Para sa bungad ng Tirahan, gumawa naman ng kurtinang telang purpura, asul-purpura at pula, at hinabing linen ang mga mahuhusay na burdador. 38 Para maisabit ito, gumawa sila ng limang posteng may kawit; binalutan ng ginto ang ibabaw at mga baras nito, at yari naman sa tanso ang limang patungan nito.

June 5, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Exodus, Lumang Tipan | | No Comments Yet

Exodo 35

Tinipon ni Moises ang buong pamaya­nan ng Israel at sinabi sa kanila: “Ito ang mga ipinagagawa ni Yawe: Anim na araw kayong magtrabaho ngunit banal na araw para sa inyo ang ikapitong araw, araw ng ganap na pa­hinga, na nakatalaga kay Yawe. Papatayin ang sinu­mang magtrabaho sa araw na ito. Huwag mag­sisindi ng apoy sa alinmang bahay ninyo sa araw ng pahinga.”

 

Ang pagtatayo ng santuwaryo

 

Sinabi ni Moises sa buong pamayanan ng Israel: “Ito ang iniutos ni Yawe: Maglaan kayo ng abuloy para kay Yawe mula sa inyong mga ari-arian. Kusang-loob na mag-abuloy kay Yawe: ginto, pilak at tanso, telang asul-purpura at pula, pinong linen, balahibo ng kambing, kinulayang katad ng lalaking kambing at ma­lambot na katad, kahoy ng akasya, langis para sa ilawan, pabango para sa langis ng pagtatalaga at insenso; mamahaling bato’t hiyas na ilalagay sa efod at damit-pandibdib.

 

10 Pumarito ang mga mahuhusay na mang­gagawa sa inyo para gawin ang lahat ng iniuutos ni Yawe: 11 ang Banal na Tirahan, ang mga takip nito, ang mga kawit nito’t mga tabla, 12 ang Kaban at ang mga pampasan dito, ang Lugar ng Pagpapatawad sa takip ng Kaban at ang tabing nito, 13 ang mesa, ang mga pampasan dito at lahat ng gamit nito pati ang mga tinapay na handog, 14 ang kandelabra’t mga gamit nito, ang mga ilawan nito at ang langis para sa ilaw, 15 ang altar ng insenso at ang mga pampasan dito, ang langis ng pagtatalaga, ang maba­ngong insenso, at ang kurtina sa pasukan ng Tirahan, 16 ang altar ng susunuging handog at ang parilyang tanso nito, ang mga pampasan dito at mga ka­gamitan, ang planggana at ang patungan nito, 17 ang mga kurtina sa patyo, ang mga haligi nito, ang mga tuntungan nito’t ang kurtina sa bungad ng patyo; 18 ang mga tulos ng Tirahan at ng patyo, pati ang mga kordon, 19 ang mga damit na ginagamit ng pari sa pag­lilingkod sa banal na lugar, ang mga sagradong damit para sa paring si Aaron at para sa kanyang mga anak para sa kanilang mga tungkulin bilang mga pari.”

 

20 At umalis sa harap ni Moises ang buong pamayanan ng Israel, 21 at pagkatapos ay bu­ma­lik ang lahat ng gustong magbigay, dala ang kanilang abuloy kay Yawe para sa paggawa ng Tirahan, para sa lahat ng gawain dito at para sa mga sagradong damit.

 

22 Dumating ang lahat ng may gustong mag­bigay, mga lalaki’t babae, dala ang mga pin, singsing, pulseras, iba’t ibang bagay na yari sa ginto, mga bagay na ipinangako nila kay Yawe. 23 Dinala rin ng lahat ng meron ang kanilang telang purpura, asul-purpura at pula, pinong linen, balahibo ng kambing, kinulayang katad ng lalaking kambing o malambot na katad. 24 Nag-abuloy din kay Yawe ang lahat ng may pilak at tanso, at dinala ng lahat ng may kahoy ng akasya ang kanilang kahoy na angkop sa anumang bagay na gagawin. 25 Humabi naman ang lahat ng babaeng magaling humabi at inialay nila kay Yawe ang hinabing telang purpura, asul-purpura at pula, at pinong linen. 26 Hu­­ma­bi naman ng balahibo ng kambing ang mga babaeng magaling dito. 27 Nagdala ang mga pinuno ng mamahaling bato at hiyas na ilalagay sa efod at damit-pandibdib, 28 at ng mga pabango at langis para sa ilawan, sa langis ng pagtatalaga at sa mabangong insenso.

 

29 Nagdala ng kanilang handog kay Yawe ang lahat ng lalaki’t babae ng Israel na gustong mag-abuloy para sa lahat ng ipinagagawa ni Yawe kay Moises.

 

Mga kagamitan sa santuwaryo

 

30 Sinabi ni Moises sa sambayanan ng Israel: “Tingnan ninyo, pinili ni Yawe si Bezaleel na anak ni Uring anak ni Hur sa tribu ng Juda. 31 Pinuspos siya ni Yawe ng espiritu ng Diyos at binigyan ng talino, pang-unawa at kakayahan sa lahat ng klase ng gawain: 32 sa sining at paggawa sa ginto at pilak at tanso, 33 sa pagtapyas sa mga batong-hiyas na ilalagay sa enggaste, sa pag-ukit ng kahoy, sa bawat klase ng paggawa. Binigyan pa ni Yawe ng kakaya­hang magturo si Bezaleel 34 at si Oholiab na anak ni Ahisamak sa tribu ng Dan.

 

35 Napuspos sila ng kakayahang gumawa gaya ng grabador, manghahabi ng pinong linen, burdador ng lanang asul-purpura at pula at pinong linen, at gaya ng karaniwang manghahabi; may kakayahan sila para sa lahat ng klase ng gawa at sining.”

June 5, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Exodus, Lumang Tipan | | No Comments Yet

Exodo 34

Sinabi ni Yawe kay Moises: Suminsil ka ng dalawang tapyas na bato tulad ng una, at isusulat ko sa mga tapyas ang mga salitang nasa unang tapyas na binasag mo.

 

Maghanda kang umahon bukas ng umaga sa Bundok Sinai at maghintay sa tuktok ng bundok. Walang sinumang sasama, at wala ring sinuman ang dapat makita sa buong bundok. Maging ang mga tupa at mga baka ay hindi dapat manginain sa malapit sa bundok.”

 

Kaya suminsil si Moises ng dalawang tapyas na bato tulad ng una. At maaga siyang gumi­sing kinabukasan at umahon sa Bundok Sinai tulad ng iniutos ni Yawe, hawak sa kanyang mga kamay ang dalawang tapyas na bato.

 

5 At bumaba si Yawe na nasa ulap, at tumayo roong kasama niya, at ipina­hayag ang kanyang pangalan – Yawe.

 

Dumaan si Yawe sa kanyang harap at sumigaw: “Si Yawe, si Yawe ang Diyos na maawain at mapagpatawad, banayad sa pagkagalit at sagana sa kabutihang-loob at katapatan. 7  Nag­pa­­pa­kita siya ng ka­bu­tihang-loob sa libu-libong salinlahi at pinatatawad ang kasa­maan, paghi­himag­sik at kasala­nan. Ngu­nit hindi niya pina­ba­­bayaang wa­lang kaparusahan ang may­­sala, at pina­rurusahan dahil sa kasa­lanan ng mga magulang pati ang mga anak at ang anak ng mga ito hang­gang sa ikatlo at ikapat na salinlahi.”

 

8 Nagmamadaling yumuko si Moises sa lupa at sumamba. 9 At sinabi niya: “O Panginoon, kung kalugud-lugod nga ako sa iyong paningin, halika’t luma­kad ka­sama namin. At kahit na matigas ang ulo ng bayang ito, pata­warin mo sana ang aming mga kasamaan at pag­kakasala at angkinin kami.”

 

Ang batas ng Tipan

 

 10 Sinabi ni Yawe: “Nakikipagtipan ako sa iyo. Sa harap ng buong sambayanan, gagawa ako ng mga kahanga-hangang bagay na hindi pa nagagawa sa alinmang lupain o bansa upang makita ng buong bayang nakapalibot sa iyo kung gaano kagila-gilalas ang gawa ni Yawe na gagawin ko para sa iyo.

 

11 Sundin mong mabuti ang iniuutos ko sa iyo sa araw na ito. Palalayasin ko sa harap mo ang mga Amorreo, Kananeo, Heteo, Pereceo, Heveo at Yebuseo.

 

12 Pakaingatan mong huwag makipag­tipan sa mga naninirahan sa lupaing pupuntahan mo, at baka maging patibong ito sa iyo. 13 Sa halip ay gibain mo ang kanilang mga altar at durugin ang kanilang mga sag­radong bato at itumba ang mga sagradong poste nila.

 

14 Huwag kang sasamba sa iba pang diyos, sapagkat si Yawe na Seloso ang Pangalan ay Diyos na seloso! 15 Kaya huwag kang maki­ki­pag­tipan sa mga nasa lupain sapagkat ipinag­bibili nila ang kanilang sarili sa kanilang mga diyos at naghahandog sa mga ito. Kung hindi, aanyayahan ka nila at kakanin mo naman ang kanilang mga handog. 16 At ipakakasal mo ang iyong mga anak na lalaki sa kanilang mga anak na dalaga, at aakayin ng mga babaeng iyon ang iyong mga anak na lalaki sa pagbibili ng kani­lang sarili nila sa kanilang mga diyos.

 

– 17 Huwag kang gagawa ng mga diyos na tinunaw na metal.

 

– 18 Ipagdiwang mo ang Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura. Tinapay na walang leba­dura ang kakanin mo sa loob ng pitong araw sa buwan ng Abib, gaya ng iniutos ko, sapagkat sa buwang iyon ka lumabas mula sa Ehipto.

 

– 19 Akin ang lahat ng magbubukas sa sina­pupunan, pati ang lahat ng unang anak na ba­rako ng iyong hayupan, tupa man o baka. 20 Tutubusin mo ng isang kordero ang panganay na asno, at babaliin mo ang leeg nito kung hindi mo ito tutubusin. Tutubusin mo ang lahat ng iyong panganay na lalaki. At walang haharap sa akin nang walang dala.

 

21 Anim na araw kang magtatrabaho, at magpapahinga ka naman sa ikapitong araw. Mag­pahinga ka kahit na sa panahon ng pag-aararo at pag-aani.

 

22 Ipagdiwang mo ang Piyesta ng Sanlinggo sa mga unang bunga ng ani ng trigo at ang Piyesta ng Pamimitas ng Bunga sa pagtatapos ng taon. 23 Tatlong beses isang taon na haharap kay Yaweng Panginoong Diyos ng Israel ang lahat mong kalalakihan. 24 Palalayasin ko sa harap mo ang mga lahing naroon, at palalawakin ko ang iyong mga hangganan. Walang sinumang magnanasa sa iyong lupain sa tatlong beses na pag-ahon mo taun-taon para humarap kay Yaweng iyong Diyos.

 

25 Huwag mong ialay sa akin ang dugo ng isang hayop, kasama ang tinapay na may leba­dura; at huwag magtitira ng kahit ano hanggang kinaumagahan mula sa Piyesta ng Paskuwa.

 

26 Dalhin mo sa Bahay ni Yaweng iyong Diyos ang pinakamaganda sa mga unang ani ng iyong lupa.

 

Huwag mong lulutuin ang batang kam­bing sa gatas ng ina nito.”

 

27 At sinabi ni Yawe kay Moises: “Isulat mo ang mga salitang ito, sapagkat ito ang mga kundisyon ng pakikipagtipan ko sa iyo at sa Israel.”

 

28 Apatnapung araw at apatnapung gabi roon si Moises, kasama si Yawe – hindi kumakain ng tinapay o umiinom ng tubig. Isinulat niya sa mga tapyas ang mga salita ng Pakikipagtipan – ang Sampung Utos.

 

Bumaba si Moises mula sa bundok

 

 29 Nang bumaba si Moises mula sa Bundok Sinai na hawak ang dalawang tapyas, hindi niya namama­layang nag­ni­ningning pala ang kanyang mukha mata­pos makipag-usap kay Yawe.

 

30 Nakita ni Aaron at ng lahat ng Israe­lita na nagniningning ang mukha ni Moises kaya natakot silang lumapit sa kanya. 31 Ngunit tinawag sila ni Moises, at lumapit sina Aaron at lahat ng pinuno ng pamayanan, at kinausap sila ni Moises. 32 At lumapit sa kanya ang lahat ng Is­raelita, at sinabi naman niya sa kanila ang lahat ng ipinag-utos sa kanya ni Yawe sa Bundok Sinai. 33 Pagkapagsalita ni Moises, nilagyan niya ng belo ang kanyang mukha.

 

• 34 Tuwing papasok si Moises para humarap kay Yawe at makipag-usap sa kanya, inaalis niya ang belo hang­gang sa paglabas niya. At pagkalabas niya, sina­sabi naman niya sa mga Israelita ang ini­utos sa kanya ni Yawe. 35 Makikita ng mga ito na nagnining­ning ang kanyang mukha, kayat muli niyang ilalagay ang belo sa kanyang mukha hanggang sa muli niyang pagpasok para makipag-usap kay Yawe.

June 5, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, exodo | | No Comments Yet

Exodo 33

Ang habag ni Yawe sa kanyang bayan

 

   1 Sinabi ni Yawe kay Moises: “Humayo ka! Umalis ka sa lugar na ito, ikaw at ang bayang inilabas mo mula sa lupain ng Ehipto, at umahon ka sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob nang isumpa kong: Ibibigay ko ito sa iyong lahi. Magsusugo ako ng Anghel na mangunguna sa iyo at palalayasin ko ang mga Kananeo, Amorreo, Heteo at mga Pereceo, Heveo at Yebuseo. At dahil kayo’y ba­yang matigas ang ulo, hindi ako aahong kasama ninyo sa lupaing ito na dinadaluyan ng gatas at pulot-pukyutan, at baka puk­sain ko lamang kayo sa daan.”

 

Nang marinig nang sambayanan ang naka­panlulumong mga katagang ito, labis silang nalungkot kaya walang sinuman sa kanila ang nagsuot ng anumang alahas.

 

Sinabi ni Yawe kay Moises: “Sabihin mo sa mga Israelita: Kayo’y bayang matigas ang ulo. Baka mapuksa ko lamang kayo kung sasama ako sa inyo, kahit saglit lamang! Hubarin ninyo ang inyong mga alahas nang malaman ko ang gagawin ko sa inyo.”

 

Hinubad nga ng mga Israelita ang kanilang mga alahas bago sila umalis sa Bundok Horeb.

 

Ang Toldang Tagpuan

 

 7  Kinuha naman ni Moises ang Tol­da at itinayo iyon para sa kanyang sarili sa labas ng kampo, na malayu-layo rito, at tinawag iyong Toldang Tagpuan. Kayat ang sinumang naghahanap kay Yawe ay lumalabas sa kampo patungo sa Toldang Tagpuan. At tuwing pu­punta si Moises sa Tolda, tumatayo ang buong bayan, ang bawat isa, sa pintuan ng kanyang tolda, at sinusundan ng tingin si Moises hang­gang maka­pasok sa Tolda.

 

9 Kapag nakapasok na si Moises sa Tolda, bumababa naman at nananatili sa bungad nito ang haliging ulap habang nakikipag-usap si Yawe kay Moises.

 

10 Kapag nakita ng bayan na nasa bu­ngad na ng Tolda ang haliging ulap, tu­mi­tindig silang lahat at sumasamba ang bawat isa sa pintuan ng kanyang tolda.

 

 11 Harap-harapang nakikipag-usap si Yawe kay Moises, tulad ng paki­kipag-usap ng isa sa kanyang kai­bigan. At saka babalik si Moises sa kampo, pero hindi umaalis sa Tolda ang kanyang binatang ayudanteng si Josue na anak ni Nun.

 

12 At sinabi ni Moises kay Yawe: “Sinasabi mo sa aking pangunahan ko ang bayang ito, pero hindi mo pa ipinaaalam sa akin kung sino ang ipadadala mong kasama ko. Ngunit sinabi mong kilala mo ako sa pangalan at kalugud-lugod ako sa iyong paningin.

 

13 Ngayon, kung talaga ngang kalugud-lugod ako sa iyong paningin, ipakita mo sa akin ang iyong mga daan upang makilala kita at maging kalugud-lugod nga ako sa iyong paningin. Ala­lahanin mo rin na ang bayang ito ang iyong bayan.”

 

14 Sinabi ni Yawe: “Sasamahan ka ng aking Mukha at bibigyan kita ng kapa­hingahan.” 15 Sinabi naman ni Moises: “Kung hindi kami sasamahan ng iyong Mukha, huwag mo na kaming ilabas dito. 16 At paano malalaman ninuman na ako at ang aking bayan ay kalugud-lugod sa iyong paningin kung hindi mo kami sasamahan? Kayat ako at ang iyong ba­yan ay mamumukod sa iba pang mga bansa sa balat ng lupa.”

 

17 At sinabi ni Yawe kay Moises: “Gagawin ko ang sinabi mo sapagkat kalugud-lugod ka sa aking paningin at kilala kita sa pangalan.”

 

Dumaan si Yawe sa harap ni Moises

 

 18 Sinabi ni Moises: “Kung gayo’y ipa­kita mo sa akin ang iyong Luwal­hati.” 19 At sinabi ni Yawe: “Padadaanin ko sa harap mo ang lahat kong kabutihan at ihahayag ko mismo sa harap mo ang aking pa­nga­lan – Yawe. Sapagkat ipinakikita ko ang aking kabutihang-loob sa aking naisin at ang aking awa sa gusto kong kaawaan.”

 

20 At sinabi pa ni Yawe: “Hindi mo ma­ki­kita ang aking mukha dahil wa­lang sinu­mang maaaring makakita sa akin at ma­bu­buhay. 21 At idinugtong niya: “Tingnan mo ang lugar na ito na malapit sa akin. Tatayo ka sa ibabaw ng bato, 22 at pag­daan ng aking Luwalhati, ilalagay kita sa siwang ng bato at tatakpan kita ng aking kamay hang­gang makaraan ako. 23 At saka ko aalisin ang aking kamay at makikita mo ang aking likod, pero hindi mo maaaring makita ang aking mukha.”

June 5, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Exodus, Lumang Tipan | | No Comments Yet

Exodo 32

 

ANG GUYANG TINUNAW NA METAL

 

 1 Nang makita ng sambayanan na napakatagal ni Moises bago bu­maba mula sa bundok, nagtipon sila kay Aaron at sinabi sa kanya: “O ano? Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin. Sapag­kat hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na ito na naglabas sa amin mula sa Ehipto.”

 

2 At sinabi sa kanila ni Aaron: “Hiklasin ninyo ang mga gintong hikaw na suot ng inyong mga maybahay at mga anak, at dalhin sa akin ang mga ito.” 3 Kayat hinu­bad nga ng lahat ang kani­lang mga hikaw, at dinala kay Aaron. 4 Kinuha niya ang mga iniabot sa kanya at sininsil, at gu­mawa siya ng guyang tinunaw na metal.

 

At sinabi nila: “Ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa Ehipto.”

 

5 Nang makita ito ni Aaron, nagtayo siya ng altar sa harap ng guyang metal at saka ipinahayag: “Bukas ay piyesta sa karangalan ni Yawe.”

 

6 Kaya maaga silang gumising kina­bukasan at nag-alay ng mga sinunog na handog at ng mga hain sa mabuting pag­sasamahan. At naupo sila para ku­ma­­in    at uminom, at tumindig para mag­paka­ligaya.

 

Kaya sinabi ni Yawe kay Moises: “Bumaba ka sapagkat nagpakasama ang iyong bayan na inilabas mo mula sa lupain ng Ehipto. 8 Kaydali nilang lumihis mula sa daang iniutos ko sa kanila. Gu­mawa sila ng guyang metal para sa kani­lang sarili, yumuko sa harap nito at nag-alay ng mga handog, at sinabing: Ito ang iyong mga diyos, Israel, na nag­labas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.”

 

At sinabi ni Yawe kay Moises: “Naki­kita kong matigas ang ulo ng bayang ito. 10 Kayat pabayaan mo ngayong tu­pu­kin sila’t ubusin ng aking poot. Ngunit mula sa iyo, gagawa ako ng isang mala­king bansa.”

 

11 Ngunit pinakiusapan ni Moises si Yaweng kanyang Diyos, at sinabi: “O Yawe, puwede bang mag-apoy ang iyong galit sa iyong bayan na inilabas mo mula sa lupain ng Ehipto nang may dakilang ka­pangyarihan at malakas na kamay? 12 Pu­wede bang masabi ng mga mga Ehip­siyong: Inilabas sila ni Yawe upang sila’y mapasama, kaya pinatay niya sila sa kabundukan at nilipol sa balat ng lupa. Talikuran mo ang silakbo ng iyong poot, at huwag maghatid ng kapahama­kan sa iyong bayan. 13 Alalahanin mo ang iyong mga lingkod na sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang pangakong binitiwan mo sa kanila sa ganang sarili mo: Pararamihin ko ang iyong ina­po tulad ng mga bituin sa langit at ibi­bigay ko sa lahi mo ang lahat ng lupaing ito na sinasabi ko at mapapa­sakanila ito mag­pa­kailan­man.” 14 Nagbago nga ng isip ni Yawe tungkol sa ban­tang kapahamakan sa kanyang bayan.

 

15 Nagbalik si Moises at bumaba mula sa bundok, at hawak sa kanyang kamay ang dalawang tapyas ng Kau­­tu­san, mga tapyas na may nakasulat sa magkabilang tabi, sa harap at likod. 16 Ang Diyos ang may gawa sa mga tap­yas na ito, at ang Diyos ang sumulat sa  mga sulat na naka­tatak sa mga tapyas.

 

17 Nang marinig ni Josue ang ingay ng sambayanang nagsisigawan, sinabi niya kay Moises: “May ingay ng digmaan sa kampo.” 18 Ngunit sumagot si Moises: “Hindi awit ng tagumpay o hiyaw ng pag­­kalupig kundi ingay ng kanta­han ang aking naririnig.”

 

19 Nang malapit na si Moises sa kam­po at nakita niya ang guya at ang sayawan, sumiklab ang kanyang galit at inihagis niya ang mga tapyas na bato na nasa kan­yang mga kamay, at nabasag ang mga iyon sa paanan ng bundok. 20 At kinuha niya ang guyang kanilang ginawa, sinunog ito sa apoy, pinulbos at isinaboy sa ibabaw ng tubig na ipina­inom sa mga Israelita.

 

21 Sinabi ni Moises kay Aaron: “Ano ba ang ginawa sa iyo ng bayang ito at di­nal­han mo sila ng napakabigat na kasa­la­nan?”

 

22 Sinabi ni Aaron: “Huwag sanang mag-apoy ang iyong galit, panginoon ko. Kilala mo ang bayang ito at alam mo kung gaano sila kasama. 23 Sinabi nila sa akin: Igawa mo kami ng mga diyos na mangu­nguna sa amin sapagkat hindi namin alam kung ano na ang nang­yari sa Moises na ito na naglabas sa amin mula sa Ehipto. 24 Kaya sinabi ko sa kanila na hu­barin ng bawat isa ang kanyang suot na ginto. Ibinigay nila sa akin ang mga iyon, at inihagis ko naman sa apoy at ang gu­yang ito ang lumabas!”

 

25 Nakita ni Moises na nagwawala ang sambayanan dahil pinabayaan silang mag­wala ni Aaron, at ngayo’y nanga­nga­nib sila sa mga kaaway.

 

26 Kaya tumindig si Moises sa bu­ngad ng kampo at sumigaw: “Lumapit sa akin ang lahat ng para kay Yawe.” At nag­ka­tipon sa kanya ang buong tribu ng Levi.

 

27 At sinabi niya sa kanila: “Ito ang iniuutos ni Yaweng Diyos ng Israel: Isukbit ng bawat isa ang kanyang tabak. Mag­paroo’t parito kayo sa mag­ka­bilang pinto ng kampo at huwag mag-atubiling pa­tayin kahit na sariling kapa­tid, kaibigan at kamag-anak.”

 

28 Ginawa nga ng mga Levita ang ini­utos ni Moises, at mga tatlunlibong lalaki ang namatay nang araw na iyon.

 

29 At sinabi ni Moises: “Mula ngayo’y nakatalaga na kay Yawe ang inyong mga kamay sapagkat bawat isa sa inyo’y laban sa kanyang anak at kapa­tid. Dahil dito, pinagpapala kayo ni Yawe sa araw na ito.”

 

Namagitan si Moises para sa bayan

 

30 Kinabukasan, sinabi naman ni Moises sa sambayanan: “Napakabigat na kasalanan ang ginawa ninyo. Ngunit aakyat ako ngayon kay Yawe; makahingi sana ako ng kapa­tawaran para sa inyong kasalanan.”

 

31 Kaya bumalik si Moises kay Yawe, at sina­bi: “Ah, napakabigat na kasalanan ang ginawa ng bayang ito. Gumawa sila ng diyos na ginto para sa kanilang sarili. 32 Patawarin mo sana ngayon ang kanilang pagka­kasala… at kung hindi naman, burahin mo na ako sa aklat na sinulat mo.”

 

33 Sinabi ni Yawe kay Moises: “Ang sinu­mang nagkasala sa akin ang siya kong buburahin sa aking aklat. 34 Humayo ka ngayon! Manguna ka sa bayan patungo sa lugar na sinabi ko, mangu­nguna sa iyo ang aking Anghel. Ngunit sa araw ng paghu­hukom, papapanagutin ko sila sa ka­nilang kasalanan.” 35 Kaya pinarusahan ni Yawe ang sambayanan sa pamamagitan ng salot da­hil sa guyang ginawa ni Aaron para sa kanila.

June 5, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Exodus, Lumang Tipan | | 1 Comment