Ang Bagong Magandang Balita Biblia

Ang Banal na Kasulatan

Daniel 8

Isa pang pangitain tungkol kay Haring Antioko

 

Sa ikatlong taon ng paghahari ni Belsasar, nagkaroon akong si Daniel ng isa pang pangitain. 2 Nakita ko ang aking sarili sa Susa, nakukutaang lunsod sa probinsya ng Elam; nakatayo ako sa pam­pang ng ilog Ulai.

 

Tumingala ako at nakita ko ang isang lala­king tupa na nakaharap sa ilog. Mayroon itong dalawang mahahabang sungay ngunit mas ma­haba ang ikalawang sungay kaysa una. 4 Na­kita ko ang lala­king tupa na nanu­nuwag pakan­luran, pahilaga at patimog, at walang hayop na ma­kalaban ni makatakas dito. Ginawa nito ang lahat ng ma­ibigan, at ito’y naging makapang­yarihan.

 

5 Habang nag-iisip ako, isang lalaking kambing ang dumating mula sa kanluran; para itong lumilipad at hindi sumasayad sa lupa. Ito ay may isang malaking sungay sa pagitan ng mga mata. 6 Buong bagsik na tumakbo ito pa­la­pit sa lala­king tupang may dalawang sungay. 7 Nakita ko kung paano nito sinalakay ang lala­king tupa at binali ang dalawang su­ngay. Walang nagawa ang tupa; nabuwal ito at hindi nasak­lolohan ng sinu­man.

 

Naging napakamakapangyarihan ang lalaking kambing ngunit nabali ang malaking sungay nito at sumibol sa kinaroroonan niyon ang apat na malalaking sungay na naka­harap sa apat na hangin ng langit, 9 Nag­­supling mula sa isa sa mga ito ang isang munting sungay na lumaki nang lumaki pagawi sa timog at sila­ngan at sa Magandang Lupain.

 

10 Lumaki rin iyong pagawi sa hukbo ng la­ngit, at inihagis niyon sa lupa ang isang ba­hagi ng mga bituin at dinurog ng mga paa. 11 Nagpa­lalo iyon sa harap ng Pinuno ng hukbo, inalis ang pang-araw-araw na handog, winasak ang tem­plo 12 at ang hukbo. Sa lugar ng pang-araw-araw na handog inilagay niya ang Kasuk­lam-suklam at inihagis sa lupa ang Katoto­hanan. Anumang ginagawa niya ay nagta­ta­gum­pay.

 

13 Narinig kong may dalawang banal na nag-uusap, at nagtanong ang isa: “Kailan magaganap ang pangitain? Papaano ang pang-araw-araw na paghahandog, ang Kasuklam-suklam na mangwawasak, ang niyurakang santuwaryo at hukbo?” 14 Ang sagot: “Hanggang sa maka­raan ang dala­wang libo at tatlong daang gabi at umaga, at saka muling itatayo ang templo.”

 

15 Habang nakatingin akong si Daniel sa pangi­tain at sinisikap unawain iyon, bigla kong nakita sa aking harapan ang isang kamukha ng tao, 16 at narinig kong sumigaw sa kanya ang isang tinig mula sa ilog Ulai: “Gabriel, ipali­wanag mo sa taong ito ang pangitain.”

 

17 Lumapit siya sa akin. Natakot ako at nag­patirapa. Sabi niya: “Anak ng tao, unawain mo ito: ang pangitai’y tungkol sa wakas ng pa­na­hon.” 18 Samantalang nagsa­salita siya, nawalan ako ng malay at nalug­mok na padapa. Itinayo niya ako 19 at sinabi: “Ihahayag ko sa iyo ang mangyayari kapag ibinuhos na ang poot, pag­kat nakatakda na ang wakas.

 

20 Ang nakita mong lalaking tupa, na may dalawang sungay ay ang mga hari ng Media at Persia. 21 Ang mabalahibong lalaking kambing ay ang hari ng Gresya; ang malaking sungay sa pagitan ng mga mata niyon ay ang una sa ka­ni­lang mga hari; nabali ang sungay; 22 at ang apat na sungay na sumibol sa kinaroroonan niyon ay ang apat na kahariang babangon mu­la sa bansang ito, gayunma’y hindi ito mapapantayan ng mga iyon.

 

23 Sa pagwawakas ng kanilang pamamahala, kapag naganap na ang bilang ng kanilang mga kasalanan, isang hari ang lilitaw, palalo at tuso. 24 Lalago ang kanyang kapangyarihan, kung kaya magbabalak siya ng mga bagay na di pa naririnig ng una. Magtatagumpay ang anu­mang isagawa niya. Lilipulin niya ang mala­lakas at wawa­sakin maging ang bayan ng mga banal. 25 Magsasagawa siya ng mga pandaraya at pani­niwalaan ng marami. Marami siyang pupuksain habang matiwasay sila. Lalabanan niya kahit ang Prinsipe ng mga prin­sipe, ngunit malulupig siya nang hindi mamamagitan ang kamay ng tao.

 

26 Totoo nga ang sinasalaysay ng pangi­tain tungkol sa mga umaga at gabi ngunit ingatan mo ang lihim na ito, pagkat sa mala­yong hina­harap lang ito matutupad.”

 

27 Nawalan ng malay akong si Daniel at ilang araw na naratay. Gumaling ako at nag­balik sa gawain sa palasyo. Ngunit iningatan ko ang lihim tungkol sa pangitaing hindi ko naunawaan.

June 3, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Daniel, Lumang Tipan | | 1 Comment

Daniel 7

Pangitain tungkol sa apat na kaharian

 

7      1 Sa unang taon ng paghahari ni Belsasar ng Babilonia, nagkaroon ng panaginip at mga pangitain si Daniel sa kanyang pagtulog. Pagkagising, isinulat niya ang panaginip, na ganito ang pagkakasalaysay:

 

Sinabi ni Daniel: Nakita ko sa pangitain ang isang malaking dagat na binabayo ng apat na hangin ng langit. 3 Apat na magka­kaiba at ma­lalaking halimaw ang umahon mula sa dagat.

 

4 Ang una ay tulad ng leon na may pakpak ng agila. Habang nakatingin ako, tinanggal ang pakpak niyon. Iniangat iyon sa lupa, parang ta­ong tumayo sa dalawang paa, at pinagkalooban ng puso ng tao. 5 Ang ika­lawang hayop ay tulad ng oso; nakatayo iyon sa dalawang huli­hang paa at may tangay na tatlong tadyang. Pinagsabihan iyon: “Huma­yo ka at lumamon ng maraming karne.” 6 Nakita ko ang isa pang halimaw na parang leopardo at may apat na pakpak sa likod; may apat na ulo iyon at pinag­kalooban ng kapangyarihan.

 

Nagpatuloy ang aking mga pangitain, at nakita ko ang ikapat na halimaw. Nakata­takot ito at napakalakas. Lahat ng sakmalin nito’y niluluray ng malalaking bakal na ngipin, at dinu­durog ng paa ang anumang malabi. Naiiba ito sa nangaunang halimaw; mayroon itong sampung sungay. 8 Nakita kong nabunot ang tatlo sa mga sungay nang sumibol ang isa pang munting sungay. Tulad ng sa tao ang mga ma­ta nito at bibig na nagsasalita ng mga kapala­luan.

 

Ang anak ng tao

 

 Habang ako’y nagmamasid, may mga luklukang inilagay, at naupo ang Isang Matandang-matanda. Simputi ng niyebe ang kanyang damit, simbusilak ng maputing lana ang kanyang buhok. Mga liyab ng apoy ang kanyang luklukang may mga gulong na naglalagab­lab. 10 Isang ilog na apoy ang bumukal at umagos sa kanyang harapan. Libu-libo ang naglilingkod sa kanya at di-mabilang ang nangakatayo sa kanyang harapan.

 

Nagsiupo ang mga kabilang sa huku­man at binuksan ang mga aklat. 11 At habang ginugunita ko ang mapa­lalong pananalita ng Sungay na may mata at bibig na parang sa tao, pinatay ang hayop na ito sa harap ko at ini­hagis sa apoy ang bangkay. 12 Inalisan ng ka­pangyarihan ang iba pang mga halimaw, bagamat pinahintulutan pa silang mabuhay nang kaunting pana­hon hang­gang sa takdang oras.

 

13 Nagpatuloy ang pangitain. Isang tulad ng anak ng tao ang nakita kong sakay ng ulap. Lumapit siya sa Matandang-ma­tanda, 14 at siya’y pinagkalo­oban ng ka­pang­yarihan, karangalan at kaharian. Pi­naglingkuran siya ng lahat ng tao sa bawat bayan, bansa at wika. Walang hanggan ang kanyang kapang­­­yarihan at hindi kailan­man lilipas; hindi kailanman mawawasak ang kanyang kaharian.

 

15 Lubhang naligalig akong si Daniel dahil sa malaking takot sa mga pangitain. 16 Nilapitan ko ang isa sa mga nakatayo roon at hiniling na sabihin sa akin ang kahulugan ng lahat. Pinag­bigyan niya ako. Aniya:  17 “Ang apat na hayop ay apat na haring sisipot sa lupa. 18 Ngunit ang mga banal ng Kataas-taasan ang tatanggap ng kaharian at mag-aangkin niyon magpa­kailan­man.”

 

19 Ninais kong mabatid ang kahulugan ng ikapat na halimaw, na naiiba sa nangauna, lub­­­hang nakatatakot, may bakal na ngipin at tan­song kuko, nananakmal at lumu­lu­ray, dumu­du­rog sa anumang nalabi. 20 Ninais ko ring ma­batid ang tungkol sa sampung sungay na ang tatlo’y nabunot nang sumibol ang isa pang su­ngay, gayundin ang tungkol sa mun­ting su­ngay na itong may mga mata at bibig na nagsa­salita ng kapalaluan at waring higit pa kaysa iba pang mga sungay.

 

21 Nakita ko nga ang sungay na ito na nakiki­digma sa mga banal at nagwawagi, 22 hang­gang sa pagdating ng Matandang-matanda na binig­yang-katarungan ang mga banal ng Kataas-taasan, at sumapit ang panahon na tinang­gap ng mga banal ang kaharian.

 

23 At ipinaliwanag sa akin:

 

 “Ang ikapat na hayop ay ang lilitaw na ikapat na kaharian sa lupa, naiiba kaysa lahat ng nangaunang kaharian. Sasakmalin niyon ang lupa, dudurugin at wawasakin. 24 Ang sampung sungay naman ay sampung hari na lilitaw mula sa kahariang ito. Isa pa ang lilitaw na kasunod nila at tatlong hari ang itutumba nito. 25 Lala­pastanganin ng haring ito ang Kataas-taasan at uusigin ang mga banal. Sisikapin niyang ba­guhin ang mga kapistahan at batas. Ibibigay sa kanyang kapangyarihan ang mga banal sa isang panahon, dalawang panahon at kala­ha­ting panahon.

 

26 Ngunit darating ang paghuhukom, aalisin sa kanya ang paghahari at siya’y lilipuling lubos. 27 At ibibigay sa mga banal ng Kataas-taasan ang paghahari, pama­mahala at pamu­muno sa lahat ng kaharian sa daigdig. Walang hanggan ang kanyang kaharian. Maglilingkod at ma­papailalim sa kanya ang lahat ng kaha­rian.

 

28 Dito magwawakas ang salaysay. Labis na nabagabag, namutla akong si Daniel at ki­nim­kim ko sa aking puso ang mga bagay na ito.

June 3, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Daniel, Lumang Tipan | | No Comments Yet

Daniel 6

 1 At naging hari si Dario na Medo sa gulang na animnapu’t dalawa.

 

Inihagis si Daniel sa kulungan ng mga leon

 

2 Humirang si Dario ng sandaan at dalawampung kinatawan para sa lahat ng mga pro­binsya ng kanyang kaharian. Ipinailalim sila sa tatlong administrador, na ang isa ay si Daniel. Ito ay upang matiyak na walang ka­pin­salaang sasapit sa hari. 3 Dahil sa pambihirang espiritung nana­nahan sa kanya, nahigtan ni Daniel ang lahat ng iba pang mga administrador at kinatawan, kung kaya binalak ng hari na pagkalooban siya ng ka­pang­yarihan sa buong kaha­rian. 4 Ikina­inggit ito ng mga administrador at kina­tawan, at pi­nag­sikapan nilang makahanap ng isang dahilan upang maipahamak si Daniel kaug­nay ng pag­tupad niya sa kan­yang mga gawaing opisyal. Ngunit dahil sa matapat at hindi pabaya sa gawain si Daniel, wala silang makitang pag­ka­kasala na maipaparatang sa kanya. 5 Sa wakas, ipi­nasya ng kanyang mga kaaway: “Wala ta­yong maipaparatang kay Da­niel liban sa isang bagay na may kinala­man sa batas ng kanyang Diyos.”

 

6 Kaya nga magkakasamang nakipagkita sa hari ang mga administrador at kinatawan at sinabi: “Mabuhay ka magpakailanman, Haring Dario. 7 Ang mga administrador ng kaha­­rian, mga prepekto, kinatawan, taga­payo at gobernador ay nagkaisang humiling na magkaroon ng isang kautusang nagba­bawal sa sinu­mang manalangin o humiling sa alinmang diyos o tao sa loob ng tatlum­pung araw, liban sa iyo, ma­hal na hari, at ihahagis ang susuway rito sa kulu­ngan ng mga leon. 8 Ipasulat mo ang kautusang ito at lagdaan kaagad, upang huwag nang mabago o mapawalang-bisa pa, alinsunod sa mga batas ng mga Medo at Persa.” 9 Ipinasulat ni Ha­ring Dario ang pagbabawal at nilagdaan upang maging batas.

 

10 Nang mabalitaan ni Daniel na napa­hayag na ang bagong batas, umuwi siya ng bahay. Sa kanyang kuwarto sa itaas, may mga bintanang nakabukas nang paharap sa Jerusalem, at tat­long beses na nagdasal isang araw, nagpasalamat sa kanyang Diyos. Ito ang lagi na niyang ginagawa. 11 Naki­ta ng nagmamanmang mga tao ang pananalangin at paghingi ng tulong ni Daniel sa Diyos. 12 Kaya nagtungo sila sa hari at ipinaaalaala rito ang tungkol sa bagong batas. “Mahal na hari, hindi po ba’t may bagong ka­utusang nagbabawal sa sinumang dumalangin at humiling sa alinmang diyos o tao liban sa iyo, at ihahagis sa kulungan ng mga leon ang sumu­way rito?”

 

Tumugon ang hari: “Totoo, at dapat ipa­tupad ang kautusan nang walang pagbabago alinsunod sa mga batas na Medo-Persa.” 13 At sinabi nila: “Hindi nakikinig sa iyo at sa kautusan mo ang Judiong si Daniel. Duma­da­langin siya sa ibang diyos liban sa iyo tatlong beses isang araw.”

 

14 Labis na nalungkot ang hari sa narinig at ipinasya niyang iligtas si Daniel. Ginawa niya ang lahat ng paraan hanggang sa paglubog ng araw upang mailigtas si Daniel.

 

15 Ngunit nagpatuloy ang mga tao ng paglapit sa kanya at nagpumilit: “Alalahanin mo, mahal na hari, na sa ilalim ng mga batas na Medo-Persa, hindi mababago ang alinmang ka­utusan o pagbabawal na nilagdaan ng hari.”

 

16 Walang nagawa ang hari kundi ipa­sundo si Daniel at ipatapon sa kulungan ng mga leon. Sinabi ng hari kay Daniel: “Nawa’y iligtas ka ng Diyos na matapat mong pinagli­lingkuran.”

 

17 Nilagyan ng panarang bato ang kulu­ngan, at tinatakan iyon ng hari sa pama­magitan ng kanyang pantatak na sinsing, at gayundin ng kanyang mga maharlika, upang manatiling wa­lang pagbabago ang katayuan ni Daniel. 18 Pag­katapos, nagbalik sa palasyo ang hari. Mag­da­mag siyang hindi natulog, tumangging ku­main at ayaw paaliw. 19 Maagang-maaga siyang nagba­ngon kina­uma­gahan at nagmamadaling nagtu­ngo sa kulu­ngan ng mga leon. 20 Nang ma­lapit na siya, buong pagkabahala siyang tuma­wag: “Daniel, lingkod ng Diyos na buhay, iniligtas ka ba ng Diyos na matapat mong pinag­li­lingkuran?”

 

21 Tumugon si Daniel: “Mabuhay ka mag­pa­kailanman, mahal na hari! 22 Nagpa­dala ng kanyang anghel ang aking Diyos na nagtikom sa bibig ng mga leon kaya hindi nila ako si­naktan. Ginawa iyon ng Diyos pagkat alam niyang wala akong kasalanan. Wala rin akong pagkakasala sa iyo, mahal na hari.”

 

23 Tuwang-tuwa ang hari at iniutos niyang alisin si Daniel sa kulungan ng mga leon. Wa­lang sugat na nakita kay Daniel pagkat nanalig siya sa kanyang Diyos. 24 Sa utos ng hari, ini­hagis sa kulungan ng mga leon ang mga ta­ong nagparatang kay Daniel, kasama ng ka­nilang asawa’t mga anak. Kaagad silang sinu­god ng mga leon at pinaggutay-gutay.

 

25 Sumulat si Haring Darius sa mga nasa­kop niyang bansa, bayan at wika: “Kapaya­paan ang sumainyo! 26 Ipinag-uutos ko sa mga tao ng la­hat ng mga kahariang nasa­sakop ko na sam­bahin nila at katakutan ang Diyos ni Daniel.

 

“Siya nga ang Diyos na buhay at nana­natili magpakailanman.

 

Hindi mawawasak ang kanyang kaharian;

 

hindi magwawakas ang kanyang paghahari.

 

27 Nagliligtas siya, gumagawa ng mga kaba­­­balaghan

 

sa langit at lupa.

 

At iniligtas niya si Daniel sa mga leon.”

 

28 Nagtamasa ng kasaganaan si Daniel noong naghari si Dario at ang Persang si Ciro.

June 3, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Daniel, Lumang Tipan | | No Comments Yet

Daniel 5

Ang piging ni Belsasar

 

 1 Naghandog ng piging si Haring Belsasar para sa kanyang mga maharlika. Sanlibo sa mga iyon ang nagsidalo, at uminom siya ng alak sa piling nila. Dahil sa pagkalango, ipinakuha niya ang mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam ng kanyang amang si Nabucodonosor sa templo ng Jerusalem at ginawang inuman ng mga maharlika at ng kanyang mga asawa at babaeng mang-aawit. 3 Dinala nga ang mga ka­gamitang ginto at pilak na sinam­sam sa tem­plo ng Diyos; doon nagsiinom ng alak ang mga maharlika, ang hari at ang kan­yang mga asawa at babaeng mang-aawit. 4 Habang naglalasingan sila, pinu­puri na­man nila ang mga diyus-diyusang yari sa ginto at pilak, tanso at bakal, ka­hoy at bato.

 

5 Biglang may lumitaw na mga daliri ng tao sa tapat ng patungan ng lampara at sumulat sa pader. At tumingin ang hari. Namutla siya at nangatog ang kanyang tuhod sa laki ng takot.

 

7 Pasigaw niyang tinawag ang kanyang mga mangkukulam at mga mang­hu­hu­lang Kaldeo. Sabi niya sa mga pan­tas ng Babilonia: “Daramtan ng pur­pura, pagsu­su­utin ng gintong kuwintas, at magiging pangatlong pi­na­kama­taas na tagapa­ma­hala ng aking kaha­rian ang sinumang ma­kababasa ng sulat na ito at makapag­sa­sabi ng kahulugan nito.”

 

Dumating ang lahat ng pantas, ngu­nit walang nakabasa ng sulat sa pader o na­kapagsabi ng kahulugan niyon.  9 Takot na takot si Haring Belsasar at lalo siyang na­mutla. Natakot din at na­lito ang kan­yang mga maharlika.

 

10 Pagkarinig sa nababagabag na tinig ng hari at mga maharlika, pumasok ang reyna sa bulwagan ng piging at nagsabi: “Mabuhay ang hari magpakailanman! Huwag kang matakot at mamutla. 11 May isang taong may espiritu ng Banal na Diyos sa iyong kaharian. Kilala siya na may kakayahang manghula at sa pagkakaroon ng makadiyos na karu­nungan noong nabu­buhay pa ang iyong ama. Kaya hinirang siya ng iyong amang Haring Nabucodonosor bilang puno ng mga mahiko, mangkukulam at mang­huhula. 12 Ito’y si Daniel na pinangalanan ng hari na Beltesazar. Napatunayan siyang ma­runong at may talino’t kakayahan para mag­bigay-kahulugan sa panaginip, makapag­pali­wanag ng mga bugtong at makalutas ng mahi­hirap na problema. Kaya ipatawag mo siya at sasabihin niya ang kahulugan ng sulat na iyan.”

 

13 Ipinatawag nga si Daniel at sinabi ng hari: “Ikaw ba si Daniel, isa sa mga bihag na dinala ng aking ama mula sa Juda? 14 Naba­litaan kong taglay mo ang espiritu ng mga diyos at mayroon kang pambihirang pang-unawa at karu­nungan. 15 May mga pantas at mang-kukulam na dinala rito, pero hindi sila nakabasa at naka­pagsabi ng kahulugan ng sulat na ito. 16 Maru­nong ka raw magbigay-kahulugan sa panagi­nip at naka­lu­lutas ka ng mga problema. Kung mababasa mo ang sulat na ito at masasabi ang kahulugan, daramtan ka ng purpura, pagsu­suutin ng gin­tong kuwintas, at hihiranging pa­ngatlo sa ranggo sa aking kaharian.”

 

17 Tumugon si Daniel: “Sa iyo na ang iyong mga handog, o ibigay mo iyon sa iba. Gayunma’y babasahin ko at sasabi-hin ang kahulugan ng nakasulat na iyan. 18 Pinag­kalooban ng Kataas-taa­sang Di­yos ang iyong amang si Nabucodonosor ng kaharian, kapang­yarihan, kaluwal­hatian at kadakilaan. 19 Dahil diya’y kinatakutan siya ng lahat ng ban­sa ng iba’t ibang wika. Hawak niya ang buhay at kamatayan ng sinuman. Naitataas niya at na­iba­bagsak ang sinu­mang kanyang ma­gustuhan. 20 Ngunit nang maging pa­lalo siya at matigas ang ulo, inalisan siya ng kapangyarihan at kaluwal­hatian. 21 Inihi­walay siya sa mga tao at nawalan ng bait na tulad ng isang hayop. Namuhay siyang kasama ng maiilap na asno at kumain ng damo na gaya ng baka, at ang kanyang ka­tawa’y nabasa ng hamog ng langit, hang­gang sa kilanlin niya ang Kataas-taasang Diyos na naghahari sa kaha­rian ng mga tao at humihirang ng nais niyang pamahalain sa mga iyon. 22 Ngu­nit ikaw na kanyang anak, Belsasar, bagamat alam mo ang lahat ng ito, ay hindi nag­pa­kum­baba. 23 Nilapastangan mo ang Pangi­noon ng langit. Ipinakuha mo ang mga kagamitan sa kanyang templo at nilagyan ng alak na ininuman mo kasama ng iyong mga maharlika at mga asawa at babae. Pinuri mo ang mga diyus-diyusang yari sa pilak at ginto, tanso at bakal at bato, na hindi nakaririnig ni nakakakita o naka­uuna­wa; ngunit hindi mo niluwalhati ang Diyos na siyang may hawak sa buhay mo at sa lahat ng iyong kaya­manan. 24 Kaya ipinadala niya ang kamay na sumulat. 25 Ganito ang nakasulat: MENE MENE, TEKEL, PARSIN. At ito naman ang kahulugan: 26 MENE, bilang na ng Diyos ang mga araw ng paghahari mo at tinapos niya ito; 27 TEKEL, tinimbang ka ngunit kulang; 28 PARSIN, hinati ang ka­harian mo at ibi­nigay sa mga Medo at Persa.”

 

29 Sa utos ni Belsasar, dinamtan ng purpura si Daniel, binigyan ng kuwin­tas na ginto, at ipinahayag na pangat­long pi­na­ka­mataas na tagapamahala ng kaharian. 30 Ngunit nang gabing iyon, ang haring Kal­deo na si Belsasar ay pinatay.

June 3, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Daniel, Lumang Tipan | | No Comments Yet

Daniel 3

Ang ginintuang rebulto
1 Nagpatayo si Haring Nabucodonosor ng isang ginintuang rebulto, na may taas na tatlumpung metro at luwang na tatlong metro, sa kapatagan ng Dura sa lalawigan ng Babilonia. 2 Pagkatapos, ipinatawag niya ang kanyang mga kinatawan, prepekto, gobernador, tagapayo, ingat-yaman, hukom, mahistrado at lahat ng iba pang pinuno ng lalawigan upang dumalo sa pagpapasinaya sa rebulto. 3 Kaya nagtipon ang mga kinatawan, prepekto, gobernador, tagapayo, ingat-yaman, hukom, mahistrado, at lahat ng iba pang pinuno ng lalawigan para sa konsagrasyon ng rebultong ipinatayo ng Haring Nabucodonosor. 4 Doon ipinahayag ng isang tagapagbalita: “Pakinggan ninyong mga taga iba’t ibang bansa, bayan at wika ang ipinag-uutos sa inyo 5 na magpatirapa at sumamba sa ginintuang rebulto sa sandaling marinig ninyo ang tugtog ng trumpeta, plawta, sitara, lira, arpa, karamilyo, at ng iba pang instrumentong pangmusika. 6 Ang sinumang hindi gumawa nito ay kaagad ihahagis sa isang nagliliyab na pugon.” 7 Sa ganitong kautusan, nagpatirapa at sumamba sa rebultong ipinatayo ni Haring Nabucodonosor ang lahat ng mamamayan ng iba’t ibang bansa, bayan at wika na nakarinig sa tugtog ng trumpeta, plawta, sitara, lira, arpa, karamilyo, at iba pang mga instrumento.
Paratang at pagbibigay-sala sa mga Judio
• 8 Noon nakipagkita sa hari ang mga manghuhulang Kaldeo at nagharap ng paratang laban sa mga Judio. 9 At sabi nila kay Haring Nabucodonosor: “Mabuhay magpakailanman ang hari! 10 Ipinag-utos ng mahal na hari na sa sandaling marinig ang tugtog ng trumpeta, plawta, sitara, lira, arpa, karamilyo at iba pang mga instrumento, magpapatirapa at sasamba ang lahat sa ginintuang rebulto, 11 at ihahagis sa isang nagliliyab na pugon ang sinumang hindi gumawa nito. 12 May ilang Judio na nagpapawalang-kabuluhan sa iyong utos. Sila ang mga hinirang mong administrador ng Babilonia: sina Shadrak, Mesak at Abednego. Ayaw nilang maglingkod at sumamba sa ginintuang rebultong ipinatayo mo.”
13 Galit na galit si Nabucodonosor at ipinatawag niya sina Shadrak, Mesak at Abednego, na madaling iniharap sa hari. 14 Tinanong sila ni Haring Nabucodonosor: “Shadrak, Mesak at Abednego, totoo bang hindi ninyo pinaglilingkuran ang aking mga diyos at hindi sinasamba ang ginintuang rebultong ipinatayo ko? 15 Kung maririnig ninyo ngayon ang tunog ng trumpeta, plawta, sitara, lira, arpa, karamilyo at iba pang mga instrumento, magpapatirapa ba kayo at sasamba sa rebultong ipinagawa ko? Kung hindi, alam na ninyo ang parusa: kaagad kayong ihahagis sa nagbabagang pugon. At sinong diyos ang makapagliligtas sa inyo sa aking mga kamay?”
16 Tumugon sina Shadrak, Mesak at Abednego: “Hindi po namin kailangang sagutin ang hari tungkol sa bagay na ito. 17 Kapag iniutos ninyong ihagis kami sa pugon, maililigtas kami ng Diyos na aming pinaglilingkuran. 18 Ngunit kahit hindi niya gawin iyon, malaman mo nawa, mahal na hari, na hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos, ni sasamba sa ginintuang rebultong ipinatayo mo.”
19 Namula sa galit ang mukha ni Nabucodonosor habang nakatingin siya kina Shadrak, Mesak at Abednego. Iniutos niyang painitin nang makapitong ibayo ang pugon. 20 Inatasan niya ang pinakamalakas niyang bantay na igapos sina Shadrak, Mesak at Abednego at ihagis sa nagbabagang pugon. 21 Kaagad silang ginapos at inihagis sa pugon nang hindi na hinubdan ng gora, sandalyas at damit, yamang napakahigpit ng utos ng hari. 22 Lubhang malagablab ang apoy sa pugon kaya nasunog ang mga lalaking nagsipaghagis kina Shadrak, Mesak at Abednego. 23 At bumagsak sa naglalagablab na apoy ang tatlong mahigpit na nagagapos. 24 Lumakad sila sa gitna ng apoy, umaawit sa Diyos at nagpupuri sa Panginoon. 25 Tumayo si Azarias sa gitna ng apoy at malakas na nanalangin:
26 Pinagpala ka at marapat purihin,
Panginoong Diyos ng aming mga ninuno!
Luwalhatiin magpakailanman ang pangalan mo!
27 Makatarungan ang lahat ng ginawa mo,
walang pagkakamali ang pagkilos mo
matuwid ang mga daan mo;
at makatotohanan ang mga hatol mo.
• 28 Tunay na makatwiran ang inihatol mong parusa sa amin at sa Jerusalem, ang Banal na Lunsod ng aming mga ninuno. Gumawa ka nang ayon sa katotohanan at katarungan bilang parusa sa aming mga kasalanan.
29 Sapagkat nagkasala kami sa pagtalikod sa iyo. Labis kaming nagkasala sa lahat ng bagay at hindi kami nakinig sa mga utos mo. 30 Sinuway namin ang mga iyon at hindi tinupad ang lahat ng iniutos mo para sa aming ikabubuti. 31 Sang-ayon sa iyong makatwirang hatol ang lahat ng kapahamakang ipinadala mo sa amin.
32 Ibinigay mo kami sa aming mga kaaway na tampalasan at pinakapusakal sa lahat ng masama, sa isang haring walang katwiran at pinakamasama sa buong daigdig. 33 At ngayo’y ni hindi kami makapagbuka ng bibig; kahihiya’t kadustaan ang tinamo ng mga naglilingkod at sumasamba sa iyo.
34 Huwag mo kaming pabayaan magpakailanman. Huwag mong itakwil ang iyong tipan alang-alang sa iyong Pangalan. 35 Huwag mong ilayo sa amin ang iyong habag, alang-alang kay Abraham na iyong kaibigan, kay Isaac na iyong lingkod, kay Israel na iyong banal, 36 na pinangakuan mong pararamihin ang kanilang lipi na gaya ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.
37 Masdan mo, Panginoon, kung paano kami naging pinakamaliit sa lahat ng bansa sa daigdig at naaba dahil sa aming mga pagkakasala. 38 Sa oras na ito, wala na kaming hari, propeta, o pinuno man. Hindi na kami makapag-aalay sa iyo ng susunuging handog, sakripisyo, hain, o insenso. Wala na kaming lugar na pag-aalayan sa iyo ng mga unang-bunga ng aming mga pananim upang magtamo kami ng iyong pagpapala. 39 Gayunman, kapag iniharap namin sa iyo ang aming sariling taglay ang nagsisising kaluluwa at mapagpakumbabang espiritu, maging karapat-dapat nawa kami sa iyo, higit kaysa pag-aalay ng mga lalaking tupa at baka bilang susunuging handog at libu-libong pinatabang tupa.
40 Sa aming sakripisyong ito ngayon, magtamo nawa kami ng iyong pagpapala yamang batid naming hindi nabibigo kailanman ang nananalig sa iyo. 41 Buong puso ka naming pinaglilingkuran, pinagpipitaganan ka namin, at hinahanap namin ang iyong mukha. 42 Huwag mo kaming pabayaan sa pagkaalipusta; tangkilikin sa iyong awa at kabutihan. 43 Palayain mo kami ayon sa iyong kababalaghan at bigyan ng luwalhati ng iyong Pangalan, Panginoon.
44 Malito nawa ang lumalapastangan sa iyong mga lingkod, mapahiya nawa sila at mawalan ng kapangyarihan. Durugin mo ang kanilang lakas, 45 at nang malaman nilang tanging ikaw ang Diyos at Panginoong maluwalhati sa sangkalupaan.”
46 Walang humpay sa paggagatong ng langis, alkitran, estopa at mga sanga ng kahoy ang mga alipin ng hari na naghagis sa kanila sa pugon, 47 kaya naging malagablab ang apoy na lumampas pa ng dalawampu’t limang metro, 48 at natupok tuloy ang mga Kaldeong nakatayo sa paligid ng pugon.
49 Ngunit lumusong sa pugon ang anghel ng Panginoon sa tabi nina Azarias; itinaboy niya ang apoy palabas sa pugon 50 at humihip sa gitna ng pugon ang isang malamig na simoy tulad ng sa hangin at hamog, kayat hindi man lamang sila nalapitan ng apoy ni nasaktan o nagambala nito. 51 Dahil dito’y sabay-sabay silang nagsiawit ng papuri at pagpapala sa Diyos sa loob ng pugon at nagsabing:
52 “Pinagpala ka Panginoong Diyos ng aming mga ninuno, purihin ka at parangalan magpakailanman.
Pinagpala ang iyong banal at maluwalhating Pangalan, inaawitan at pinararangalan magpakailanman.
53 Pinagpala ka sa templo ng iyong banal na Kaluwalhatian, inaawitan at pinupuri magpakailanman.
54 Pinagpala ka sa trono ng iyong kaharian, inaawitan at niluluwalhati magpakailanman.
55 Pinagpala ka na nakatatarok sa mga kalaliman, at nakaluklok sa piling ng mga kerubin, pinupuri at pinararangalan magpakailanman.
56 Pinagpala ka sa kalawakan ng langit, pinupuri at niluluwalhati magpakailanman.
57 Lahat ng ginawa ng Panginoon, pagpalain ninyo siya, purihin at parangalan magpakailanman.
58 Mga anghel ng Panginoon, pagpalain siya, purihin at luwalhatiin magpakailanman.
59 Sangkalangitan, pagpalain ang Panginoon, purihin at parangalan magpakailanman.
60 Lahat ng tubig na nasa itaas, pagpalain ang Panginoon, purihin at parangalan magpakailanman.
61 Lahat ng kapangyarihan ng Panginoon, pagpalain ang Panginoon, purihin at parangalan magpakailanman.
62 Araw at buwan, purihin at parangalan siya magpakailanman. 63 Mga bituin sa langit, purihin at parangalan siya magpakailanman.
64 Ulan at hamog, purihin at parangalan siya magpakailanman. 65 Lahat ng hangin, purihin at parangalan siya magpakailanman.
66 Apoy at init, purihin at parangalan siya magpakailanman. 67 Lamig at init, purihin at parangalan siya magpakailanman.
68 Hamog at yelo, purihin at parangalan siya magpakailanman. 69 Yelo at lamig, purihin at parangalan siya magpakailanman.
70 Yelo at niyebe, purihin at parangalan siya magpakailanman. 71 Mga araw at mga gabi, purihin at parangalan siya magpakailanman.
72 Liwanag at dilim, purihin at parangalan siya magpakailanman. 73 Kidlat at ulap, purihin at parangalan siya magpakailanman.
74 Purihin at parangalan ng lupa ang Panginoon magpakailanman. 75 Mga bundok at burol, purihin at parangalan siya magpakailanman. 76 Lahat ng sumisibol sa lupa, purihin at parangalan siya magpakailanman.
77 Mga bukal ng tubig, purihin at parangalan siya magpakailanman. 78 Mga dagat at ilog, purihin at parangalan siya magpakailanman.
79 Mga balyena at isda, purihin at parangalan siya magpakailanman. 80 Lahat ng ibon sa himpapawid, purihin at parangalan siya magpakailanman. 81 Mga hayop na mailap at maamo, purihin at parangalan siya magpakailanman.
82 Mga anak ng tao, purihin at parangalan siya magpakailanman. 83 Israel, purihin at parangalan siya magpakailanman.
84 Mga pari ng Panginoon, purihin at parangalan siya magpakailanman. 85 Mga lingkod ng Panginoon, purihin at parangalan siya magpakailanman.
86 Mga espiritu at kaluluwa ng matuwid, purihin at parangalan siya magpakailanman. 87 Mga taong banal at may pusong mapagpakumbaba, purihin at parangalan siya magpakailanman.
88 Ananias, Azarias, Misael, pagpalain ang Panginoon, purihin at parangalan siya magpakailanman. 89 Pagkat hinango niya tayo sa libingan, iniligtas sa kamatayan, sinagip sa nagliliyab na pugon at ipinag-adya sa apoy.
90 Pasalamatan ang Panginoon, sapagkat siya’y mabuti at walang hanggan ang kanyang habag.
90 Lahat ng nagsisisamba sa Panginoon, pagpalain ang Diyos ng mga diyos, purihin at kilanlin siya pagkat walang hanggan ang kanyang awa.”
91 Sa laki ng pagkamangha, biglang napatindig si Haring Nabucodonosor at nagtanong sa kanyang mga tagapayo: “Hindi ba’t tatlong lalaking nakagapos ang inihagis natin sa apoy?” Tumugon sila: “Totoo nga po.” 92 Sinabi ng hari: “Pero apat ang nakikita kong malayang naglalakad sa gitna ng apoy at hindi sila naaano. At mukhang anak ng mga diyos ang ikaapat.”
93 Lumapit si Nabucodonosor sa bunganga ng nagbabagang pugon at nagsalita: “Shadrak, Mesak at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos, halikayo.” Lumabas ang tatlo mula sa apoy.
94 Nagsilapit ang mga pinuno, prepekto, gobernador at tagapayo ng hari. Nakita nilang walang nalikhang pinsala ang apoy sa katawan ng tatlo. Hindi man lamang nasunog ang kanilang buhok, walang sunog na bahagi ng pantalon, at walang amoy ng usok.
95 Napabulalas si Nabucodonosor: “Pagpalain ang Diyos nina Shadrak, Mesak at Abednego. Nagpadala siya ng isang anghel upang iligtas ang kanyang mga lingkod na sumuway sa utos ng hari dahil sa pagtitiwala sa kanya at nagnais na isugba sa apoy ang kanilang katawan sa halip na sumamba sa ibang diyos liban sa kanilang Diyos. 96 Dahil dito, iniuutos ko na tadtarin ng taga at wasakin ang bahay ng sinuman sa lahat ng lipi at bansa na lumapastangan sa Diyos nina Shadrak, Mesak at Abednego sapagkat wala nang iba pang diyos na makapagliligtas na tulad nito.”
97 At itinaas ng hari sa tungkulin sina Shadrak, Mesak at Abednego sa lalawigan ng Babilonia.
Ang panaginip at ang pagkabaliw ni Nabucodonosor
98 Si Haring Nabucodonosor sa lahat ng taga saanmang bayan, bansa at wika sa lupa! Kapayapaan. 99 Ikinalulugod kong ipabatid sa inyo ang lahat ng tanda at kababalaghang ginawa sa akin ng Kataas-taasang Diyos.
100 Kaydakila ng kanyang mga tanda,
lubhang makapangyarihan ang kanyang mga himala!
Walang hanggan ang kanyang kaharian.
Sa lahat ng salinlahi ang kanyang kapangyarihan.

June 3, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Daniel, Lumang Tipan | | No Comments Yet

Daniel 2

Ang panaginip ni Nabucodonosor
2 • 1 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Nabucodonosor, nagkaroon siya ng isang panaginip na labis na nakabagabag sa kanya kaya hindi siya nakakatulog. 2 Nagpatawag ang hari ng mga mahiko, mangkukulam, astrologo at manghuhulang Kaldeo upang bigyang-kahulugan ang kanyang panaginip. Nang magsirating sila at humarap sa kanya 3 sinabi ng hari: “Nagkaroon ako ng kakila-kilabot na panaginip at gusto kong malaman ang kahulugan niyon.”
4 Sumagot ang mga Kaldeo: “Mabuhay magpakailanman ang hari! Sabihin sa iyong mga lingkod ang panaginip, at ibibigay namin ang kahulugan nito.”
5 Ngunit sinabi ng hari: “Kailangang sabihin ninyo sa akin kung ano ang aking napanaginipan at bigyan din ninyo ito ng kahulugan. Iyan ang aking pasya. Kapag hindi nagawa iyan, ipatatadtad ko kayo ng taga at sisirain ang inyong mga bahay. 6 Pero kung masasabi ninyo sa akin ang panaginip ko at ang kahulugan niyon, bibigyan ko kayo ng mga regalo at gagantimpalaan ng malaking karangalan.”
7 Nagpumilit sila: “Kailangang sabihin sa amin ng hari ang kanyang panaginip at saka namin sasabihin ang kahulugan nito.”
8 Sabi ng hari: “Gusto lamang ninyong pahabain ang panahon, pagkat alam na ninyo ang gagawin ko sa inyo. 9 Kapag hindi ninyo nasabi ang panaginip ko, alam na ninyo ang parusa sa inyo. Nagkakaisa kayo sa pagnanais na dayain ako. Magbibigay kayo ng maling interpretasyon sa pag-asang magbabago ang panahon. Pero kung mahuhulaan ninyo ang aking panaginip, makatitiyak akong may kakayahan din kayong makaalam sa kahulugan niyon.”
10 “Wala pong tao sa lupa na makagagawa ng hinihiling ng inyong kamahalan,” wika ng mga Kaldeo. “Wala pang hari, gaano man kadakila, ang humiling ng ganyang bagay sa sinumang mahiko, mangkukulam o manghuhula. 11Napakahirap ng hinihiling ng hari. Walang makapagsasabi niyon sa kanya liban sa mga diyos na hindi naman nabubuhay sa piling ng mga tao.”
12 Labis itong ikinagalit ng hari kaya iniutos niyang pagpapatayin ang lahat ng pantas sa Babilonia. 13 Matapos niyang ilagda ang kautusan sa pagpapatay sa mga pantas, hinanap din si Daniel at ang kanyang mga kasama upang patayin. 14 Ngunit maingat na kinausap ni Daniel si Ariok, ang pinuno ng mga bantay na inutusang pumatay sa mga pantas. 15 “Bakit kaya nagbigay ng gayong marahas na kautusan ang hari?” tanong ni Daniel. At nagpaliwanag si Ariok. 16 Nagpunta naman si Daniel sa hari at humiling na bigyan muna siya ng panahong mapag-aralan ang panaginip ng hari.
17 Umuwi si Daniel at binalitaan sina Ananias, Misael, at Azarias. 18 Hiniling niya sa mga itong manalangin sa Diyos tungkol sa hiwagang ito upang huwag silang malipol na kasama ng mga pantas ng Babilonia. 19 Isang gabi, nagkaroon ng pangitain si Daniel at nahayag sa kanya ang hiwaga ng panaginip. Nagpuri siya sa Diyos:
20 Purihin ang pangalan ng Diyos magpakailanman,
sapagkat kanya ang karunungan at kapangyarihan.
21 Binabago niya ang mga panahon,
Itinatayo niya’t ibinabagsak ang mga hari,
binibigyan ng karunungan ang matalino
at ng kaalaman ang may pang-unawa.
22 Inihahayag niya ang malalim at nakatago;
alam niya ang nasa kadiliman,
pagkat taglay niya ang liwanag.
23 Pinasasalamatan kita’t pinupuri, Diyos ng aking mga ninuno.
Pinagkalooban mo ako ng karunungan at kapangyarihan;
ipinakita mo sa akin ang aming hiniling -
ipinabatid mo sa amin ang panaginip ng hari.
24 Nagtungo pagkatapos si Daniel kay Ariok, ang punong-bantay na pinamahala ng hari sa pagpapapatay sa mga pantas ng Babilonia. Sabi ni Daniel: “Huwag mo munang ipapatay ang mga pantas. Dalhin mo ako sa hari at sasabihin ko sa kanya ang kahulugan. 25 Nagmamadaling sinamahan ni Ariok si Daniel sa hari, at sinabi niya: “Narito ang isang lalaking kabilang sa mga bihag mula sa Juda. Maipapahayag raw niya ang kahulugan sa hari.”
26 Tinanong ng hari si Daniel, na pinangalanang Beltesazar: “Masasabi mo ba kung ano ang napanaginip ko at ang kahulugan niyon?”
Ang interpretasyon ni Daniel sa panaginip
• 27 Sumagot si Daniel: “Walang pantas, mangkukulam, mahiko o manghuhulang makapagpapahayag ng misteryo ng hari. 28 Ngunit may isang Diyos sa langit na naghahayag ng mga hiwaga, at ipinakita niya sa Haring Nabucodonosor ang mangyayari sa hinaharap. Sasabihin ko ang panaginip at mga pangitaing dumalaw sa iyo.
29 “Sa pagkakahiga mo, mahal na hari, natuon ang kaisipan mo sa hinaharap, at ipinakita sa iyo ng naghahayag ng mga hiwaga kung ano ang mangyayari. 30 Inihayag sa akin ang misteryong ito hindi dahil sa higit akong matalino kaysa iba, kundi upang malaman mo ang kahulugan niyon at maunawaan ang gumugulo sa iyong isipan.
31 Nakakita ka ng isang rebulto sa iyong pangitain, napakalaki, napakaningning, at nakapangingilabot pagmasdan. 32 Lantay na ginto ang ulo niyon, pilak ang dibdib at mga bisig, tanso ang tiyan at mga hita, 33 bakal ang mga binti, may bahaging bakal at may bahaging luwad ang mga paa. 34 Samantalang nakatingin ka, isang malaking batong natibag sa bundok – hindi ng kamay ng tao – ang bumagsak sa bakal at luwad na paa ng rebulto. 35 Biglang nadurog ang mga bahaging bakal, luwad, tanso, pilak at ginto – simpino ng ipa sa lugasan kung tag-araw. Tinangay ito ng hangin, at walang natira. Ngunit ang batong bumagsak sa rebulto ay naging isang malaking bundok na pumuno sa buong lupa.
36 Iyan ang panaginip. Ngayon, ang kahulugan. 37 Ikaw, O hari, ang hari ng mga hari. Pinagkalooban ka ng Diyos sa langit ng kaharian, lakas, kapangyarihan at kaluwalhatian. 38 Ibinigay niya sa iyong kamay ang sangkatauhan, ang mga hayop sa parang at mga ibon sa himpapawid upang pamahalaan mong lahat. Ikaw ang ulong ginto.
39 Susunod sa kaharian mo ang isang kahariang mas mahina kaysa iyo. Pagkatapos, isang ikatlong kahariang tanso ang sasakop sa buong daigdig. 40 Susunod ang ikapat na kahariang sintigas ng bakal – at katulad ng bakal na dumudurog, dudurugin din ng kahariang iyon ang lahat ng iba. 41 Ang mga paa at mga daliri nito na luwad ang isang bahagi at bakal ang isa pang bahagi’y 42 nangangahulgan ng pagkakahati ng kaharian; gayunman, makikibahagi iyon sa tibay ng bakal, at sa hina ng luwad. 43 Magiging haluan din ang lahi ng mga pinuno ngunit hindi mananatiling nagkakaisa, tulad ng bakal at luwad na di maaaring pag-isahin.
44 Sa panahon ng mga haring ito, magtatayo ang Diyos ng isang kahariang hindi kailanman mawawasak ni masasakop ng ibang bayan. Dudurugin niyon at wawakasan ang lahat ng kaharian. At mananatili iyon magpakailanman. 45 Ito ang kahulugan ng iyong pangitain tungkol sa isang batong tinibag sa bundok, hindi ng kamay ng tao, na dumurog sa rebulto at sa mga bahagi niyong yari sa bakal, tanso, luwad, pilak at ginto. Ipinakita ng dakilang Diyos sa hari kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Totoo ang panaginip at maaasahan ang kahulugan niyon.”
46 Nagpatirapa si Haring Nabucodonosor sa harapan ni Daniel at iniutos na alayan siya ng regalo at insenso. 47 Sinabi ng hari kay Daniel: “Tunay na Diyos ng mga diyos ang Diyos mo. Panginoon ng mga panginoon at tagapaghayag ng mga hiwaga. Iyan ang dahilan kaya nabigyan mo ng kahulugan ang hiwagang ito.”
48 Binigyan ng hari si Daniel ng isang mataas na tungkulin at pinagkalooban din ng mga regalo. Hinirang siyang gobernador ng buong lalawigan ng Babilonia at tagapamahala ng lahat ng pantas doon. 49 Ngunit hiniling ni Daniel, na hirangin sina Shadrak, Mesak at Abednego na mga administrador ng lalawigang Babilonia, samantalang namalagi naman sa korte ng hari si Daniel.

June 3, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Daniel, Lumang Tipan | | No Comments Yet