Daniel 4
1 Panatag ako, si Nabucodonosor, sa aking bahay, at nananahimik sa aking palasyo nang dalawin ng isang panaginip na nakatatakot. 2 Labis akong nabagabag sa mga pangitaing nagdaan sa aking isip, 3 kaya ipinatawag ko ang lahat ng pantas ng Babilonia upang ipaliwanag nila ang kahulugan ng aking panaginip.
4 Dumating ang mga mangkukulam, astrologo at manghuhulang Kaldeo at isinalaysay ko sa kanila ang aking panaginip ngunit hindi sila nakapagbigay-kahulugan nito. 5 Dumating din si Daniel, na pinangalanang panibago ng Beltesazar alinsunod sa pangalan ng aking diyos, yamang nananahan sa kanya ang espiritu ng Diyos na Banal. Isinalaysay ko sa kanya ang aking panaginip nang ganito: 6 Beltesazar, puno ng mga pantas, alam kong taglay mo ang espiritu ng Diyos na Banal at walang lihim na mahirap sa iyo. Ito ang aking panaginip at ikaw naman ang magbibigay ng kahulugan.
7 Habang ako’y nasa kama, nanaginip ako ng ganito. May isang punungkahoy sa gitna ng mundo, at napakataas niyon. 8 Lumaki iyon nang lumaki at nakaabot sa langit at ang mga sanga niyon ay makikita sa mga dulo ng lupa. 9 Magaganda ang dahon, namumunga nang masagana at pinagkukunan ng pagkain ng lahat. Sa lilim niyon nanganganlong ang mga hayop sa parang, sa mga sanga niyon nagpupugad ang mga ibon, at doon kumukuha ng pagkain ang lahat ng nilalang.
10 Habang pinagmamasdan ko ang pangitain, isang Banal na Tagapagbantay ang nanaog mula sa langit. 11 Sumigaw siya nang malakas: Putulin ang puno at ang mga sanga nito; alisin ang mga dahon at itapon ang mga bunga. Magsilayas sa lilim nito ang mga hayop gayundin ang mga ibon. 12 Ngunit iwan sa lupa ang tuod at ang mga ugat na nagagapos ng mga bakal at tanso sa mga damo sa parang. Matigmak nawa ito ng hamog ng langit at manginain ng damo kasama ng mga hayop. 13 Mapalitan nawa ng puso ng hayop ang kanyang pusong tao sa loob ng pitong panahon.
14 Ito ang hatol na ibinigay ng mga Tagapagbantay, ang pasya ng mga Banal, upang mabatid ng lahat ng nabubuhay na naghahari ang Kataas-taasan sa kaharian ng tao at humirang ng nais niyang pamahalain sa mga iyon; nagtataas nga siya sa pinakamapagpakumbabang tao.
15 Ito ang napanaginip ko, akong Haring Nabucodonosor. Ikaw, Beltesazar, ipaliwanag mo ito sa akin, yamang wala isa man sa mga pantas ng aking kaharian ang makapagsabi ng kahulugan nito. Ngunit kaya mo ito pagkat nasa iyo ang espiritu ng Diyos na Banal.”
16 Sandaling natigilan si Daniel, na tinaguriang Beltesazar. “Bakit mukha kang nabagabag?” tanong ng hari. “Ano ba ang kahulugan ng aking panaginip?” Tumugon si Beltesazar, “Panginoon, nawa’y sa mga kaaway mo ang panaginip na ito at ukol sa mga kalaban mo!”
17 “Ang nakita mong punungkahoy na nakaabot sa langit sa taas at laki at namasdan sa buong lupa, 18 may magagandang dahon at masaganang bunga na naging pagkain ng marami, ginawang silungan ng mga hayop at pinagpugaran ng mga ibon – 19 ikaw ang punungkahoy na iyon, mahal na hari, pagkat lumago ang kapangyarihan mo at nakaabot sa langit, nakarating ang kaharian mo sa mga dulo ng lupa.
20 Tungkol naman sa nakita ng hari: isang Banal na Tagapagbantay na nanaog mula sa langit at nagsabing putulin ang puno ngunit iwan ang tuod at mga ugat na nagagapos ng mga bakal at tanso sa mga damo sa parang, na natigmakan ng hamog at nagdanas ng kalagayan ng hayop sa loob ng pitong panahon – 21 iyan ang ipaliliwanag ko ngayon.
Nangangahulugan iyan ng pasya ng Kataas-taasan tungkol sa haring aking panginoon. 22 Ihihiwalay ka sa mga tao at maninirahang kapiling ng mga hayop sa parang. Kakain ka ng damo na gaya ng baka at babasain ng hamog ng langit. Pitong panahon ang lilipas sa iyo hanggang sa kilanlin mong naghahari ang Kataas-taasan sa kaharian ng mga tao at humirang ng nais niyang pamahalain sa mga iyon.
23 Ang utos na iwan ang tuod at mga ugat ay nangangahulugang mababawi mo ang iyong kaharian sa sandaling kilanling nagbubuhat sa langit ang lahat mong kapangyarihan. 24 Tanggapin nawa ng hari ang aking payo: pawiin mo ang iyong mga pagkakasala sa paggawa ng mabuti at ang iyong mga pagkakamali sa pagpapakita ng awa sa dukha. Baka lumawig ang iyong kasaganaan sa ganitong paraan.”
25 Naganap sa Haring Nabucodonosor ang lahat ng ito. 26 Makaraan ang labindalawang buwan, samantalang naglalakad ang hari sa taluktok ng kanyang palasyo sa Babilonia, 27 sinabi niya: “Hindi ba’t ito ang dakilang Babilonia na itinayo ko sa aking kapangyarihan para sa aking luwalhati at upang dito ako manirahan?”
28 Kasasalita lamang ng hari nang marinig ang isang tinig mula sa langit: “Haring Nabucodonosor, sinasabi ko sa iyo: tapos na ang iyong paghahari. 29 Ihihiwalay ka sa mga tao at maninirahang kasama ng mga hayop sa parang. Kakain ka ng damo na gaya ng baka sa loob ng pitong panahon hanggang sa kilanlin mo na ang Kataas-taasan ang nagkakaloob ng kapangyarihan sa taong kanyang minamarapat.”
30 Natupad kaagad ang mga salitang ito. Inihiwalay sa mga tao si Nabucodonosor, kumain siya ng damo na gaya ng baka, nabasa ng hamog ang kanyang katawan, hanggang sa humaba ang kanyang buhok na tulad ng balahibo ng agila at ang kanyang mga kuko na gaya ng sa ibon.
31 Sa pagtatapos ng panahong ito, tumingala sa langit akong si Nabucodonosor at nanumbalik ang aking bait. Nagpuri ako sa Kataas-taasan: Pagpalain at luwalhatiin ang nabubuhay magpakailanman. Walang hanggan ang kanyang kapangyarihan, at mananatili ang kanyang kaharian sa lahat ng salinlahi. 32 Sa harap niya, lumilitaw na walang kabuluhan ang lahat ng naninirahan sa lupa. Ginagawa niya ang gusto niya sa hukbo ng langit at sa mga naninirahan sa lupa. Walang makapipigil sa kanya o makahihingi ng pagsusulit ng kanyang ginawa.
33 Nanauli nga ang aking bait. Nabawi ko ang aking trono, at muli akong namahala para sa ikaluluwalhati ng aking kaharian. Tinanggap ako ng aking mga tagapayo at mga maharlika, ibinalik sa aking trono at pinagkalooban ng higit pang kapangyarihan.
34 Kaya ngayon, nagpupuri at lumuluwalhati akong si Nabucodonosor sa Hari ng Langit. Sapagkat totoo ang kanyang mga gawa, matuwid ang kanyang mga daan, at alam niya kung paano aabahin ang nagsisilakad sa kapalaluan.






