Pinalayas ang mga babaeng banyaga
1 Samantalang nananalangin si Esdras, nagpapatirapa at umiiyak, at inaamin ito sa harap ng Bahay ng Diyos, nakapaligid sa kanya ang napakaraming Israelita – mga lalaki, mga babae at mga bata. At buong-kapaitan ding nanangis ang mga iyon.
2 Noon nagsalita si Secanias na anak ni Yehiel na isa sa mga inapo ni Elam, at sinabi niya kay Esdras: “Nagtaksil kami sa aming Diyos; nag-asawa kami sa mga babaeng banyaga mula sa mga bayan ng lupaing ito, ngunit may pag-asa pa ang Israel. 3 Makikipagtipan kami sa aming Diyos na palayasin ang mga babaeng ito at ang kanilang mga anak, ayon sa pahayag ng aking panginoon at ng lahat ng gumagalang sa utos ng aming Diyos. Matupad nawa ang Batas. 4 Sige, ikaw ang bahala at kaisa mo kami. Lakasan mo ang iyong loob, at mag-utos ka.”
5 Kaya tumindig si Esdras at pinasumpa ang mga pinuno ng mga pari, ng mga Levita at ng buong Israel na gagawin nila ang kanilang sinabi; at nanumpa nga sila. 6 Pagkatapos ay umalis si Esdras sa lugar na kinaroroonan niya sa tapat ng Bahay ng Diyos at nagpunta sa kuwarto ni Yehohanang anak ni Eliasib. Ngunit hindi siya kumain ng tinapay o uminom ng tubig doon, sapagkat labis siyang nagdaramdam sa pagkakasala ng mga bumalik mula sa pagkatapon. 7 Ipinahayag sa buong Juda at Jerusalem na kailangang magtipon sa Jerusalem ang lahat ng bumalik mula sa pagkatapon, 8 at kung may hindi makararating sa loob ng tatlong araw, iilitin ang lahat niyang ari-arian at ihihiwalay na siya sa pagtitipon ng mga bumalik mula sa pagkatapon, ayon sa pasya ng mga pinuno at matatanda.
9 Sa loob ng tatlong araw, nagtipon sa Jerusalem ang lahat ng taga-Juda at taga-Benjamin. Ikadalawampung araw noon ng ikasiyam na buwan at nasa bukas na patyo ng Bahay ng Diyos ang buong bayan. Nanginginig sila dahil sa bagay na ito at dahil umuulan.
10 Tumindig ang paring si Esdras, at sinabi: “Naghimagsik kayo sa pag-aasawa sa mga babaeng banyaga kayat dinagdagan ninyo ang kasalanan ng Israel. 11 Aminin ninyo ngayon ang inyong pagkakasala sa harap ni Yaweng Diyos ng inyong mga ninuno at gawin ang kanyang kalooban; humiwalay kayo sa mga bayan ng lupaing ito at sa mga babaeng banyaga.” 12 Malakas na sumagot ang buong pagtitipon: “Oo, gagawin namin ang iyong sinabi. 13 Ngunit napakarami ang mga tao at tag-ulan ngayon; hindi tayo makapananatili sa labas. At saka hindi mapagpapasyahan ang bagay na ito sa loob ng isa o dalawang araw lamang dahil marami kaming nakagawa ng pagkakasalang ito. 14 Ang mga pinuno namin ang puwedeng kumatawan para sa buong pamayanan. Sa takdang araw ay mararating nilang kasama ng mga matatanda at mga hukom ng bawat lunsod ang mga nasa aming mga lunsod na nag-asawa ng mga babaeng banyaga. Kaya lalayo sa atin ang galit ng ating Diyos dahil sa bagay na ito.”
15 Tinutulan ito nina Yonatang anak ni Asael, at Yazeyang anak ni Tikva, pati ng mga Levitang sina Mesulam at Sabetai. 16 Ngunit ginawa ng mga nagbalik mula sa pagkatapon ang napagpasyahan. Pumili ang paring si Esdras ng mga lalaking pinuno ng sambahayan para sa bawat sambahayan, at personal na itinalaga ang bawat isa sa kanila. At sa unang araw ng ikasampung buwan, nagtipon sila para pagpasyahan ang bagay na ito.
17 Sa unang araw ng unang buwan, natapos nilang harapin ang lahat ng usapin ng mga nag-asawa ng babaeng banyaga.
18 Sa mga pari, ang mga sumusunod ay natagpuang nag-asawa ng babaeng banyaga: sa angkan ni Josue na anak ni Yozadak, at sa kanyang mga kapatid: Maaseias, Eliezer, Yarib at Gedalias. 19 Nangako silang palalayasin ang kanilang mga asawa, at nag-alay ang bawat isa ng isang barakong tupa bilang hain para sa kasalanan;
20 sa angkan ni Imer: Hanani at Zebadias;
21 sa angkan ni Harim: Maaseias, Elias, Semaya, Yehiel at Uzzias;
22 sa angkan ni Pasur: Elioenai, Maaseias, Ismael, Netanel, Yozabad at Elasa.
23 Sa mga Levita: Yozabad, Simei, Kelaya o Kelita, Petahias, Juda at Eliezer.
24 Sa mga mang-aawit ng Templo: Eliasib at Zakkur. Sa mga bantay-pinto: Sallum, Telem at Uri.
25 Sa mga Israelita: sa angkan ni Paros: Ramias, Izias, Malkias, Mihamin, Eleazar, Malkias at Benaya; 26 sa angkan ni Elam: Matanias, Zacarias, Yehiel, Abdi, Yeremot at Elias; 27 sa angkan ni Zattu: Elioenai, Eliasib, Matanias, Yeremot, Zabad at Aziza; 28 sa angkan ni Bebai: Yehohanan, Hananias, Zabbai at Atlai; 29 sa angkan ni Bigvai: Mesulam, Maluk, Yedaya, Yasub, Seal at Yeremot; 30 sa angkan ni Pahat-Moab: Adna, Kelal, Benaya, Maaseias, Matanias, Bezalel, Binnui at Manases; 31 sa angkan ni Harim: Eliezer, Isiya, Malkias, Semaya, Simeon, 32 Benjamin, Maluk at Semarias; 33 sa angkan ni Hasum: Mattenai, Mattatta, Zabad, Elipelet, Yeremai, Manases at Simei; 34 sa angkan ni Bani: Maadai, Amram, Uel, 35 Benaya, Bedeias, Keluhi, 36 Wanias, Meremot, Eliasab, 37 Mattanias, Mattenai at Yaasai; 38 sa angkan ni Binnui: Simei, 39 Selemias, Natan at Adaya; 40 sa angkan ni Zakkai: Sasai, Sarai, 41 Azarel, Selemias, Semarias, 42 Salum, Amarias at Jose; 43 sa angkan ni Nebo; Yeiel, Mattitias, Zabad, Zebina, Yaddai, Yoel at Benaya.
44 Nag-asawa ang lahat ng ito ng mga babaeng banyaga, at pinalayas nila ang mga ito pati kanilang mga anak.
June 1, 2007
Posted by
Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. |
Biblia ng Sambayanang Pilipino, Ezra, Lumang Tipan |
|
No Comments Yet
Tungkol sa mga nag-asawa ng mga babaeng banyaga
1 Nang matapos ang lahat ng ito, nilapitan ako ng mga pinuno, at sinabi nila: “Hindi pa lumalayo ang bayan ng Israel, ang mga pari at ang mga Levita sa mga tagarito. At tinularan pa nila ang mga kasuklam-suklam na gawi ng mga Kananeo, Heteo, Perezeo, Yebuseo, Amonita, Moabita, Ehipsiyo at Amorreo. 2 Sapagkat kumuha sila ng mga babae sa mga iyon para sa kanila at sa kanilang mga anak na lalaki, at inihalo ang kanilang banal na lahi sa mga tagarito sa lupaing ito. Mga pinuno pa at mga opisyal ang siyang pasimuno sa paggawa ng kasalanang ito.”
3 Nang marinig ko ito, winarak ko ang aking damit at ang aking balabal, sinabunutan ko ang aking ulo at hinila ang aking balbas, at naupo akong nagdadalamhati. 4 Pinaligiran ako ng lahat ng nakaalaala sa mga salita ng Diyos ng Israel, natatakot sila dahil sa kasalanang ito na ginawa ng mga lalaking bumalik mula sa pagkatapon. Nanatili akong nakaupo at lupaypay hanggang sa oras ng panghapong handog. 5 At sa oras ng panghapong handog, tumindig ako mula sa aking panlulupaypay, warak ang damit at balabal; lumuhod ako at iniunat ang aking kamay kay Yaweng aking Diyos.
6 Sinabi ko: “Diyos ko! Nahihiya ako at nalilito. Diyos ko, hindi ako makatingala sa iyo sapagkat lampas na sa aming ulo ang aming mga pagkakasala, at abot na sa langit ang aming mga utang.
7 Mula sa panahon ng aming mga ninuno hanggang ngayo’y baon na kami sa kasalanan. Dahil sa aming mga krimen, ipinaubaya kami sa kamay ng mga haring banyaga, pati na ang aming mga hari at mga pari. Sumailalim kami sa tabak, pagkabihag, pagnanakaw at pagkabilad sa kahihiyan hanggang sa panahong ito. 8 Subalit nagdalang-habag sa amin si Yaweng aming Diyos nitong mga huling araw. Nagtira siya sa amin ng isang labi at pinatira niya kami sa isang dako sa kanyang Banal na Lugar para bigyan ng ginhawa at buhay kahit na mga alipin kami. 9 Mga alipin nga kami pero hindi kami pinabayaan ng Diyos sa gitna ng aming pagkaalipin. Iniunat niya sa amin ang kanyang mahabaging kamay sa harap ng mga hari ng Persia upang bigyan kami ng buhay. Naitayong muli ang Bahay ng aming Diyos, naayos ang mga guho nito at mayroon na kaming pader sa Jerusalem at sa Juda.
10 Ngunit ngayon, aming Diyos, ano ang aming masasabi? Tinalikuran nga namin ngayon ang iyong mga utos. 11 Ipinasabi mo sa amin sa pamamagitan ng iyong mga propeta: Ang lupaing inyong pupuntahan para angkinin ay dinungisan ng mga karumihan ng mga bansang naroon; pinuno nila iyon ng kasuklam-suklam nilang mga gawa at karumihan. 12 Kaya huwag ninyong ibigay bilang asawa ang inyong mga anak na dalaga sa kanilang mga anak na lalaki o kunin ang kanilang mga anak na dalaga para sa inyong mga anak na lalaki. Huwag kayong gagawa para sa kanilang ikasasagana at ikabubuti. Maging malakas kayo: kumain ng pinakamainam na bunga ng lupa, at iwan iyon bilang pamana sa inyong mga anak magpakailanman.
13 Pagkatapos ng lahat ng dumating sa amin dahil sa aming mga kasamaan at ng aming pagkakasala, pinatawad mo, aming Diyos, ang aming kasamaan at pinanatili ang ilang nalalabing narito.
14 Paano namin muling mahahamak ang iyong mga utos at makikipag-asawa sa kasuklam-suklam na mga bayang ito? Hindi ka ba magagalit sa amin at lilipulin kami na hindi mag-iiwan ng malalabi?
15 Makatarungan ka, Yaweng Diyos ng Israel! Natitira kami ngayon bilang maliit na labi. Narito kami sa iyong harapan, taglay ang aming pagkakasala, at hindi kami makapananatili sa iyong harapan.”
June 1, 2007
Posted by
Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. |
Biblia ng Sambayanang Pilipino, Ezra, Lumang Tipan |
|
No Comments Yet
Ang mga kasamahan ni Esdras
1 Ito ang mga pinuno ng mga sambahayang kasama kong umalis sa Babilonia sa paghahari ni Haring Artaherhes. Narito rin ang kanilang mga angkan -
2 Sa angkan ni Pinhas: si Gersom; sa angkan ni Itamar: si Daniel; sa angkan ni David: si Hatus sa mga apo ni Secanias; 3 sa angkan ni Paros: si Zacarias, at 150 kalalakihan; 4 sa angkan ni Pahat-Moab: si Eliyonai na anak ni Zerahias, at 200 kalalakihan; 5 sa angkan ni Zattu: si Secanias na anak ni Yahaziel, at 300 kalalakihan; 6 sa angkan ni Adin: si Ebed na anak ni Yonatan, at 50 kalalakihan; 7 sa angkan ni Elam: si Yesaias na anak ni Atalia, at 70 kalalakihan; 8 sa angkan ni Sefatias: si Zebadias na anak ni Mikael, at 80 kalalakihan; 9 sa angkan ni Yoab: si Obadia na anak ni Yahiel, at 218 kalalakihan; 10 sa angkan ni Bani: si Selomit na anak ni Yosipias, at 160 kalalakihan; 11 sa angkan ni Bebai: si Zacarias na anak ni Bebai, at 28 kalalakihan; 12 sa angkan ni Azgad: si Yohanang anak ni Hakkatan, at 110 kalalakihan; 13 sa angkan ni Adoniham: mga kabataang lalaki na ang mga pangalan ay Elipelet, Yeiel at Semayas, at 60 kalalakihan; 14 sa angkan ni Bigvai: si Utai na anak ni Zaccur at 70 kalalakihan.
15 Tinipon ko sila sa tabi ng ilog na umaagos pa-Ahava, at tatlong araw kaming tumigil doon. At pagkatapos kong isa-isahin ang mga taong ito, wala akong nakitang mula sa tribu ng Levi. 16 Kaya ipinatawag ko ang mga pinuno – sina Eliezer, Ariel, Semaya, Elnatan, Yarib, Zacarias at Mesulam, at ang mga tagasulat na sina Yoyarib at Elnatan. 17 Pinapunta ko sila kay Iddo na pinunong nasa Kasipya; sinabi ko sa kanila ang sasabihin nila kay Iddo at sa kanyang mga kapatid na mga naibigay sa Kasipya para padalhan kami ng mga tagapaglingkod sa Bahay ng ating Diyos.
18 Sumaamin ang mabuting kamay ng Diyos, kaya naipadala sa amin si Serebias na isang matalinong lalaki na anak ni Mahli na anak naman ni Levi na anak ni Israel, at kasama niya ang labingwalong lalaki na mga anak at mga kapatid niya; 19 si Hasabias na kasama ni Yesaias, mula sa mga anak ni Merari at ang kanilang mga kapatid at anak na lalaki, dalawampung lahat; 20 at sa mga naibigay na itinalaga ni David at ng mga pinuno para tumulong sa mga Levita: 222 kalalakihan, na nakasulat na lahat ang mga pangalan.
• 21 Doon sa pampang ng Ilog Ahava, nagdeklara ako ng isang pag-aayuno para magpakumbaba sa harap ng ating Diyos at ipagdasal sa kanya ang isang maluwalhating paglalakbay para sa atin at ating mga anak at sa lahat nating ari-arian. 22 Nahiya na akong humingi sa hari ng mga sundalo at mangangabayo para pangalagaan kami laban sa kaaway sa daan; at sinabi namin sa hari: “Tinutulungan ng kamay ng aming Diyos ang lahat ng naghahanap sa kanya; ngunit abot ng kanyang kapangyarihan at galit ang lahat ng nagtataksil sa kanya.” 23 Kaya nag-ayuno kami at tumawag sa aming Diyos para dito, at dininig naman niya kami.
24 Pumili ako ng labindalawang pinuno sa mga pari, bukod pa kina Serebias at Hasabias at sa sampu nilang kapatid na lalaki. 25 Sa kanilang harapan ko tinimbang ang pilak at ginto at ang mga kagamitang inihandog ng hari, ng kanyang mga tagapayo at mga opisyal, at ng lahat ng Israelitang naroon para sa Bahay ng ating Diyos. 26 At ipinagkatiwala ko sa kanila ang 650 baretang pilak, mga kagamitang pilak na katumbas ng 100 bareta, 100 baretang ginto, 27 dalawampung mangkok na ginto na katumbas ng 1,000 darik, at dalawang kagamitang makinang na tanso na singhalaga ng ginto. 28 At sinabi ko sa kanila: “Nakatalaga kayo kay Yawe, at banal na bagay rin ang mga kagamitang ito; ang pilak na iyan at ang gintong ito ay kusang-loob na handog kay Yaweng Diyos ng ating mga ninuno. 29 Ingatan ninyo ang mga ito hanggang matimbang ang mga ito sa mga silid ng Bahay ni Yawe sa Jerusalem sa harap ng mga pinuno ng mga pari at mga Levita at mga angkan ng Israel.”
30 At tinanggap ng mga pari at mga Levita ang lahat ng tinimbang namin: ang pilak at ginto at mga kagamitan para dalhin sa Bahay ng ating Diyos sa Jerusalem.
31 Sa ikalabindalawang araw ng unang buwan, umalis kami sa Ilog Ahava para magpunta sa Jerusalem. Sumaamin ang kamay ng aming Diyos at iniligtas kami sa mga kaaway at sa lahat ng pananambang sa paglalakbay. 32 Dumating kami sa Jerusalem at tatlong araw kaming nagpahinga roon. 33 Sa ikapat na araw, tinimbang namin sa Bahay ng aming Diyos ang pilak, ginto at mga kagamitan, at ipinagkatiwala ang lahat ng iyon sa paring si Meremot na anak ni Urias, at kay Eleazar na anak ni Pinhas, kasama ang mga Levitang si Yosabad na anak ni Jesua, at si Noadias na anak ni Binnui. 34 Matapos bilangin at timbangin ang lahat, inilista ang kabuuang timbang.
35 Nag-alay ng mga sinunog na handog sa Diyos ng Israel ang mga Judiong nagbalik mula sa pagkatapon: labindalawang batang toro para sa buong Israel, siyamnapu’t anim na barakong tupa, pitumpu’t pitong kordero, at bilang hain para sa kasalanan, labindalawang barakong kambing. Sinunog na handog ang lahat ng ito para kay Yawe. 36 Pagkatapos ay inihatid ang mga dekreto ng hari sa kanyang mga gobernador at mga opisyal sa kabilang ibayo ng Ilog, at tumulong naman ang mga ito sa bayan at sa Bahay ng Diyos.
June 1, 2007
Posted by
Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. |
Biblia ng Sambayanang Pilipino, Ezra, Lumang Tipan |
|
1 Comment
Dumating si Esdras sa Jerusalem
1 Pagkatapos nito, sa paghahari ni Artaherhes na hari ng Persia, dumating si Esdras na anak ni Seraya, na inapo ni Azarias, ni Helkias, 2 ni Salum, ni Zadok, ni Ahitub, 3 ni Amarias, ni Azarias, ni Merayot, 4 ni Zeraya, ni Uzzi, ni Bukki, 5 ni Abisua, ni Pinhas, ni Eleazar at ni Aarong punong-pari.
6 Ang Esdras na ito ay isang tagasulat na dalubhasa sa Batas na ibinigay kay Moises ni Yaweng Diyos ng Israel. Umahon siya mula sa Babilonia at sumasakanya ang kamay ni Yaweng kanyang Diyos, kaya ibinigay sa kanya ng hari ang lahat niyang hiningi. 7 Umahon din sa Jerusalem sa ikapitong taon ni Haring Artaherhes ang maraming Israelita, pari, Levita, mang-aawit, bantay-pinto at naibigay.
8 Dumating si Esdras sa Jerusalem sa ikalimang buwan ng ikapitong taon ng hari. 9 Itinakda niya sa unang araw ng unang buwan ang pag-alis sa Babilonia at dumating naman sa Jerusalem sa unang araw ng ikalimang buwan, sapagkat sumasakanya ang mabuting kamay ng kanyang Diyos. 10 Itinalaga nga ni Esdras ang kanyang sarili sa pagkatuto ng Batas ni Yawe upang maipatupad at maituro ang batas at mga tuntunin sa Israel.
11 Narito ang kopya ng liham na ibinigay ni Haring Artaherhes kay Esdras na pari at tagasulat, na dalubhasa sa mga utos ni Yawe at sa kanyang mga batas para sa Israel:
12 “Mula kay Artaherhes na hari ng mga hari, para kay Esdras na pari at tagasulat, dalubhasa sa Batas ng Diyos ng langit…
13 Iniutos kong makaaalis na kasama mo ang lahat ng Israelita, mga pari at mga Levita, na nasa aking kaharian, na gustong pumunta sa Jerusalem. 14 Isinusugo ka ng hari at ng kanyang pitong tagapayo para magsiyasat kung paano sinusunod sa Juda at Jerusalem ang Batas ng Diyos na nasa iyong mga kamay. 15 Dalhin mo roon ang ginto at pilak na inihahandog ng hari at ng kanyang pitong tagapayo sa Diyos ng Israel, na nasa Jerusalem ang Bahay. 16 Dalhin mo rin ang lahat ng pilak at ginto na matitipon mo sa Babilonia na mga kusang-loob na handog ng bayan at ng mga pari para sa Bahay ng Diyos sa Jerusalem.
17 Kaya tiyakin mong bumili ng mga batang toro, barakong tupa, kordero at lahat ng handog na pagkain at inumin na ipaaalay mo sa altar ng Bahay ng Diyos sa Jerusalem. 18 Gagamitin mo naman ang nalabing pilak at ginto para sa anumang mabuti sa palagay mo at ng iyong mga kasamahan ayon sa kalooban ng inyong Diyos.
19 Ilalagay mo rin sa harap ng Diyos sa Jerusalem ang mga kagamitang ibinigay sa iyo para sa paglilingkod sa Bahay ng iyong Diyos. 20 Kunin mo mula sa kabang-yaman ng hari ang lahat ng kakailanganin para sa iba pang gastos na kailangan mong gawin para sa Bahay ng Diyos.
21 Akong si Haring Artaherhes ang nag-uutos sa lahat ng ingat-yaman sa lupain sa kabilang ibayo ng Ilog na gawin ang lahat ng hihingin sa kanila ni Esdras na pari at tagasulat ng Batas ng Diyos ng langit, 22 hanggang sandaang baretang pilak, sandaang sako ng trigo, sandaang takal ng alak at sandaang takal ng langis, at lahat ng asin na kailangan niya. 23 Sundin nang buong ingat para sa Bahay ng Diyos ng langit ang lahat ng iniuutos ng Diyos ng langit para hindi bagsakan ng galit ang kaharian, ang hari at ang kanyang mga anak.
24 Ipinagbibigay-alam din namin na hindi hihingan ng mga buwis, kontribusyon o iba pang kabayaran ang mga pari, mga Levita, mga mang-aawit, mga bantay-pinto, mga naibigay at mga utusan sa Bahay na ito ng Diyos.
25 At ikaw naman, Esdras, ayon sa karunungan ng iyong Diyos na sumasaiyo, humirang ka ng mga hukom at tagapamahala na maggagawad ng katarungan sa buong bayan sa kabilang ibayo ng Ilog, sa lahat ng nakaaalam sa Batas ng iyong Diyos; at ituro mo ito sa mga hindi nakaaalam.
26 Buong-bigat na parurusahan ng kamatayan, pagkatapon, multa o pagkapiit ang sinumang hindi tutupad sa Batas ng iyong Diyos at sa Batas ng hari.”
27 Purihin si Yaweng Diyos ng aming mga ninuno, na pumukaw sa damdamin ng Hari para igalang ang Bahay ni Yawe sa Jerusalem. 28 Siya ang gumawa sa aking maging kalugud-lugod sa hari, sa kanyang mga tagapayo at sa lahat ng matataas niyang opisyal. Lumakas ang aking loob sapagkat sumasaakin ang kamay ng aking Diyos, at tinipon ko ang mga pinuno ng Israel para umalis na kasama ko.
June 1, 2007
Posted by
Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. |
Biblia ng Sambayanang Pilipino, Ezra, Lumang Tipan |
|
No Comments Yet
Sinang-ayunan ni Dario ang pagtatayo ng Templo
1 Iniutos ni Haring Dario na magsiyasat sa bahay ng Kabang-yaman sa Babilonia, na pinagtataguan ng mga libro. 2 At sa Ecbatana na isang napapaderang lunsod sa probinsya ng Media, may natagpuang isang rolyong ganito ang nakasulat:
3 “Sa unang taon ng kanyang paghahari, nagpalabas si Haring Ciro ng isang dekreto tungkol sa Bahay ng Diyos sa Jerusalem: Itayong muli ang Bahay na may tatlumpung metro ang taas at tatlumpung metro ang lapad para makapag-alay roon ng mga sinunog na handog. Ilagay ang mga pundasyon. 4 Magkakaroon ng tatlong patong ng tinapyas na bato at isang hanay ng kahoy ang Bahay. Sagot ng palasyo ang lahat ng gastos. 5 At isasauli rin ang mga kagamitang ginto at pilak na inilabas ni Nabucodonosor sa templo ng Jerusalem at dinala sa Babilonia. Ilalagay ang mga ito sa kani-kanilang lugar sa Bahay ng Diyos, sa templo ng Jerusalem.
6 Kayat huwag kayong makialam: Tatnai na gobernador ng probinsya sa kabilang ibayo ng Ilog, Setar-Boznai at mga tagapayong taga-Persia sa kabilang ibayo ng Ilog. 7 Pabayaan ninyo ang paggawa sa Bahay na ito; itatayo ng gobernador ng mga Judio at ng kanilang mga matatanda ang Bahay ng Diyos sa dating lugar.
8 Ito naman ang iniuutos kong gagawin ninyo sa mga matatanda ng mga Judio sa muling pagtatayo sa Bahay ng Diyos: mula sa mga buwis sa probinsya sa kabilang ibayo ng Ilog na laan para sa hari, bayaran ninyo nang buo at maagap ang mga gastos. 9 At walang lagot na ibigay sa kanila araw-araw ang anumang kailangan para sa sinunog na handog sa Diyos ng langit: mga batang toro, barakong tupa, kordero, trigo, asin, alak at langis, ayon sa maaaring hingin ng mga pari sa Jerusalem. 10 Kaya mag-aalay sila ng mga sinunog na handog na may kasiya-siyang amoy sa Diyos ng langit, at ipananalangin ang buhay ng hari at ng kanyang mga anak. 11 Iniuutos ko rin ang sumusunod: kung may sasalungat sa kautusang ito, hilahin ang isang biga sa kanyang bahay at doon siya bitayin at gibain ang kanyang bahay bilang parusa sa kanyang paghihimagsik. 12 At ibagsak nawa ng Diyos na siyang nagpatira sa kanyang Pangalan doon ang lahat ng rebelde, hari o bayan, na tututol dito at magtatangkang wasakin ang Bahay na iyon ng Diyos sa Jerusalem. Akong si Dario ang nagbibigay ng kautusang ito. Ipatupad ito agad.”
13 Kumilos nang ayon sa utos ni Haring Dario si Tatnai na gobernador ng lupain sa kabila ng Ilog, si Setar-Boznai at ang mga tagapayo. 14 At mahusay namang ipinagpatuloy ng mga matatanda ng mga Judio ang kanilang pagtatayo, ayon sa sinabi ng mga propetang si Ageo at si Zacarias na anak ni Iddo. Itinayo nila at tinapos ang gawain ayon sa utos ng Diyos ng Israel at ng mga dekreto nina Ciro at Dario. 15 Natapos ang Bahay sa ikatlong araw ng buwan ng Adar sa ikanim na taon ng paghahari ni Dario.
16 Masayang ipinagdiwang ng mga Israelita, mga pari at mga Levita at ng lahat ng nagbalik mula sa pagkatapon ang pagtatalaga sa Bahay ng Diyos. 17 At para sa pagtatalaga sa Bahay, nag-alay sila ng sandaang toro, dalawandaang barakong tupa at apatnaraang kordero, at ng labindalawang kambing bilang hain para sa kasalanan ng buong Israel ayon sa bilang ng mga tribu ng Israel.
18 Pagkatapos ay itinalaga nila ang mga pari ayon sa kanilang pangkat, at ang mga Levita ayon sa kanilang grupo para sa paglilingkod sa Bahay ng Diyos sa Jerusalem, gaya ng nasusulat sa Aklat ni Moises.
19 Sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan, ipinagdiwang ng mga nagbalik mula sa pagkatapon ang Paskuwa. 20 Magkakasamang nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili. Kaya kinatay nila ang korderong pampaskuwa para sa lahat ng nagbalik mula sa pagkatapon, para sa mga kapwa-pari at para sa kanilang sarili.
21 Kumain ng Paskuwa ang mga Israelitang nagbalik mula sa pagkatapon, pati ang mga humiwalay sa mga karumihan ng mga tagaroon at sumama sa kanila para hanapin si Yaweng Diyos ng Israel. 22 Masaya nilang ipinagdiwang ang Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura sa loob ng pitong araw; pinaligaya nga sila ni Yawe nang loobin nitong magmagandang-loob sa kanila ang hari ng Asiria at payagan silang ipagpatuloy ang muling pagtatayo sa Bahay ng Diyos ng Israel.
June 1, 2007
Posted by
Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. |
Biblia ng Sambayanang Pilipino, Ezra, Lumang Tipan |
|
No Comments Yet
Itinuloy ang pagtatayo ng Templo
1 Nagsalita sa ngalan ng Diyos ng Israel na sumusubaybay sa kanila ang mga propetang si Ageo at si Zacarias na anak ni Iddo sa mga Judiong nasa Juda at Jerusalem. 2 Noon sinimulan nina Zorobabel na anak ni Sealtiel at Josueng anak ni Yosadak na itayong muli ang Bahay ng Diyos sa Jerusalem. At tinulungan sila ng mga propeta ng Diyos. 3 At dumating si Tatnai na gobernador ng probinsya sa kabilang ibayo ng Ilog at si Setar-Boznai, kasama ang kanilang mga tagapayo at nagsabi: “Sino ang nag-utos sa inyo na itayong muli ang Bahay na ito at ang mga pader nito?” 4 At itinanong din nila: “Sinu-sino ang mga lalaking gumagawa ng gusaling ito?”
5 Ngunit nakatuon sa matatanda ng mga Judio ang mata ng Diyos kayat hindi sila pinatigil sa paggawa hanggang maiulat ito kay Haring Dario at matanggap ang kanyang liham tungkol dito.
6 Ito ang kopya ng liham na ipinadala kay Haring Dario nina Tatnai na gobernador ng probinsya sa kabilang ibayo ng Ilog at Setar-Boznai at ng kanilang mga tagapayo na mga taga-Persiang nasa kabilang ibayo ng Ilog:
7 “Kay Haring Dario, Kumusta.
8 Dapat malaman ng hari na nagpunta kami sa Bahay ng Dakilang Diyos sa probinsya ng Judea. Itinatayo ito sa mga tinapyas na bato at inilalagay naman ang mga troso sa mga pader; mahusay ang paggawa at mabilis na sumusulong. 9 Tinanong namin ang mga matatanda: ‘Sino ang nag-utos sa inyo na itayo ang Bahay na ito at tapusin ang santuwaryo?’ 10 Tinanong din namin ang kanilang pangalan para isulat at ipagbigay-alam sa inyo ang mga pangalan ng kanilang mga matatanda.
11 Ganito ang kanilang sagot: ‘Kami ang mga lingkod ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang Bahay na itinayo marami nang taon ang nakalilipas. Isang makapangyarihang hari ng Israel ang nagtayo nito at nagpatapos. 12 Ngunit ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng langit, kaya ipinaubaya niya sila sa mga kamay ni Nabucodonosor na Kaldeong hari ng Babilonia. Winasak niya ang Bahay na ito at ipinadeport ang sambayanan sa Babilonia.
13 Subalit sa unang taon ng paghahari ni Cirong hari ng Babilonia, nagpalabas ng dekreto ang hari para itayong muli ang Bahay na ito ng Diyos. 14 Ipinagkatiwala ni Ciro kay Sesbasar na hinirang niyang gobernador ang mga kagamitang ginto at pilak sa Bahay ng Diyos, na kinuha ni Nabucodonosor sa templo ng Jerusalem at inilagay sa templo ng Babilonia. 15 At sinabi niya kay Sesbasar: ‘Kunin mo ang mga kagamitang ito at dalhin sa templo ng Jerusalem at itayong muli ang Bahay ng Diyos sa dating lugar.’ 16 Kaya pumunta roon si Sesbasar at inilagay ang mga pundasyon ng Bahay ng Diyos sa Jerusalem. At mula noon hanggang ngayo’y itinatayo na iyon pero hindi pa rin natatapos.
17 Kung mamarapatin ng hari, magsaliksik sana sa bahay ng Kabang-yaman ng hari sa Babilonia upang patunayan kung nagpalabas nga ng dekreto si Haring Ciro para ipatayong muli ang Bahay na ito ng Diyos sa Jerusalem. At ipadala sana sa amin ng hari ang kanyang pasya hinggil sa bagay na ito.”
June 1, 2007
Posted by
Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. |
Biblia ng Sambayanang Pilipino, Ezra, Lumang Tipan |
|
No Comments Yet
Natigil ang mga patrabaho
1 Nabalitaan ng mga kaaway ng Juda at Benjamin na itinatayo ng mga nagbalik mula sa pagkatapon ang santuwaryo ni Yaweng Diyos ng Israel. 2 Kaya pinuntahan nila sina Zorobabel, Josue at ang mga pinuno ng mga angkan, at sinabi sa kanila: “Gusto namin kayong tulungan sa muling pagtatayo dahil tumatawag din kami sa inyong Diyos at nag-aalay sa kanya ng mga sinunog na handog mula sa panahon ni Esar Haddon na hari ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.”
3 Sumagot sina Zorobabel, Josue at ang mga pinuno ng mga angkang Israelita: “Hindi kayo makapagtatayong kasama namin, kundi kami lamang ang magtatayo ng Bahay para kay Yaweng Diyos ng Israel. Ito nga ang iniutos ni Cirong hari ng Persia.”
4 Kaya sinimulan ng mga tagaroon na papanghinain ang loob ng sambayanan ng Juda at tinakot ang mga iyon para hindi maitayo ang Bahay. 5 Inupahan nila ang ilang tagapayo ng hari para hadlangan ang proyekto sa buong panahon ni Cirong hari ng Persia hanggang sa paghahari ni Dariong hari ng Persia.
Salaysay na wala namang kaugnayan
• 6 Sa simula ng paghahari ni Herhes, isinulat nila ang isang sakdal laban sa mga taga-Juda at Jerusalem. 7 Gayundin naman sa panahon ni Artaherhes na hari ng Persia, sinulatan nina Bislam, Midredates, Tabeel at lahat nitong mga kabig si Artaherhes. Sa Arameo nasusulat ang liham at saka isinalin.
8 Sumulat sina Rehum na gobernador at Simsay na sekretaryo kay Haring Artaherhes laban sa Jerusalem. Narito ang liham:
9 “Mula kay Rehum na gobernador at kay Simsay na sekretaryo at sa iba pa nilang kasamahan na mga hukom, mga opisyal at lahat ng pinuno sa Persia, at ang mga taga-Erek Babilonia, at Susa o mga Elamita, 10 at mula sa iba pang mga bansang ipinadeport ng dakilang si Asurbanipal at pinatira sa mga lunsod ng Samaria at sa iba pang dako ng probinsya sa kabilang ibayo ng Ilog…”
11 Ito ang kopya ng liham na ipinadala kay Haring Artaherhes:
“Bumabati ang inyong mga lingkod na nasa kabilang ibayo ng Ilog.
12 Dapat malaman ng hari na nasa Jerusalem na ang mga Judiong umahon sa amin mula sa inyo ay muling itinatayo ang mapaghimagsik at masamang lunsod na ito. Itinatayo nilang muli ang mga pader at inaayos ang mga pundasyon. 13 Dapat malaman ng hari, na sa oras na maitayong muli ang lunsod na ito at matapos ang mga pader, hindi na sila magbabayad ng mga buwis o anumang kontribusyon, at sa dakong huli’y makasasama ito sa mga hari. 14 Ang palasyo ang nagpapakain sa amin at ayaw naming mabale-wala ang hari, kaya ipinaaalam namin ito sa hari 15 para suriin ang mga libro ng mga pangyayari sa inyong mga ninuno. Sa librong ‘yon ninyo makikita na mapaghimagsik ang lunsod na ito. Panggulo ito sa mga hari at mga probinsya, at siyang pasimuno ng mga paghihimagsik mula pa noong unang panahon. At ito ang dahilan kung bakit nawasak ang lunsod. 16 Ipinaalam namin sa hari na kapag muling naitayo ang lunsod na ito at naibalik sa dati ang mga pader, wala nang lupaing maiiwan sa inyo sa kabilang ibayo ng Ilog.”
17At ito naman ang sagot na ipinadala ng hari:
“Kay Rehum na gobernardor, kay Simsay na sekretaryo at sa lahat nilang kasamahang nasa Samaria o sa kabilang ibayo ng Ilog: Kumusta.
18 Binasa sa akin ang bawat salita ng liham na ipinadala ninyo sa amin. 19 Nag-utos na ako para imbestigahan ang mga bagay-bagay, at napag-alamang mula pa noong unang panaho’y naghimagsik na ang lunsod na ito laban sa mga hari, at siyang pasimuno sa paghihimagsik at pag-aalsa.
20 Nagkaroon ng mga makapangyarihang hari ang Jerusalem, at naging panginoon sa buong lupain sa kabilang ibayo ng Ilog, at binayaran sila ng mga buwis.
21 Kaya iutos ninyong itigil ng mga ito ang paggawa; huwag itayong muli ang lunsod nang wala akong pahintulot. 22 Huwag ninyong bale-walain ang bagay na ito, at baka lalong mapinsala ang kaharian.”
23 Pagkabasa nina Rehum na gobernador, Simsay na sekretaryo at ng kanilang mga kasamahan sa liham na ito ni Haring Artaherhes, agad nilang pinuntahan ang mga Judio sa Jerusalem at pinatigil sila sa paggamit ng lakas at dahas.
24 Kaya natigil ang patrabaho sa Bahay ng Diyos sa Jerusalem, at nahinto hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Dariong hari ng Persia.
June 1, 2007
Posted by
Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. |
Biblia ng Sambayanang Pilipino, Ezra, Lumang Tipan |
|
No Comments Yet
Muling pagtatayo ng altar
1 Nasa kanila nang mga lunsod ang mga Israelita nang sumapit ang ikapitong buwan. Noon nagtipon ang sambayanan sa Jerusalem.
2 Sinimulan nina Josueng anak ni Yozadak at ng mga kasamang pari, at ni Zorobabel na anak ni Sealtiel kasama ang kanyang mga kapatid, na muling itayo ang altar ng Diyos ng Israel para makapag-alay roon ng mga susunuging handog, ayon sa nasusulat sa Batas ni Moises na lingkod ng Diyos.
3 Itinayo nila ang altar sa dating lugar sa kabila ng kanilang takot sa mga tagaroon, at nag-alay sila roon kay Yawe ng mga sinunog na handog, at ng pang-umaga at panggabing sinunog na handog. 4 Ipinagdiwang nila ang Piyesta ng mga Kubol ayon sa nasusulat, at nag-alay ng mga sinunog na handog araw-araw ayon sa pang-araw-araw na kaugalian. 5 At pagkatapos ay inialay nila ang sinunog na handog para sa Araw ng Pahinga, para sa bagong buwan at para sa mga Piyesta kay Yawe, bukod pa sa pang-araw-araw na sinunog na handog na kusang-loob na inihahandog kay Yawe.
6 Nagsimula silang mag-alay ng mga sinunog na handog sa unang araw ng ikapitong buwan nang hindi pa nailalagay ang pundasyon ng Bahay ni Yawe.
7 Binigyan nila ng pera ang mga tagatabas ng bato, ang mga kantero at mga karpintero. Binigyan din nila ng pagkain, alak at langis ang mga taga-Sidon at Tiro para itawid-dagat ang kahoy na sedro mula sa Lebanon at dalhin sa Yapo, batay sa pahintulot ni Cirong hari ng Persia. 8 Sa ikalawang buwan ng ikalawang taon, pagkarating nila sa Bahay ng Diyos sa Jerusalem, ang paggawa ay sinimulan na nina Zorobabel na anak ni Sealtiel at Josueng anak ni Yozadak at ng iba pa nilang mga kapatid, ng mga pari, ng mga Levita at lahat ng nagbalik sa Jerusalem mula sa pagkatapon. Hinirang nila ang mga Levitang may dalawampung taong gulang pataas para pamahalaan ang patrabaho sa Bahay ni Yawe.
9 Nagkaisa sina Josue at ang kanyang mga anak at mga kapatid, si Kadmiel at ang kanyang mga anak, at ang mga anak ni Hodabya na pamahalaan ang mga manggagawa sa Bahay ng Diyos.
10 Nang maitayo ng mga manggagawa ang pundasyon ng templo ni Yawe, tumayo naman ang mga pari na nakadamit ng linen at may trumpeta. Naroon din ang mga Levitang anak ni Asaf, na may dala namang pompiyang. At inawit nila kay Yawe ang mga salmo ni David na hari ng Israel.
11 Naghalinhinan sila sa pag-awit at pagpupuri kay Yawe: “Sapagkat mabuti siya, sapagkat walang hanggan ang kanyang pag-ibig sa Israel.”
Malakas na sumigaw ang bayan sa pagpupuri kay Yawe dahil inilagay na ang pundasyon ng Bahay ni Yawe. 12 Umiyak ang karamihan sa mga pari, mga Levita at iba pang matatandang pinuno ng mga sambahayan na nakakita sa unang Bahay, at nanaghoy sila samantalang inilalagay ang pundasyon.
Ngunit sumigaw naman sa galak ang iba, 13 at hindi malaman ng bayan kung alin ang sigaw ng kagalakan sa sigaw ng panaghoy, sapagkat napakalakas ng sigawan ng sambayanan at narinig ang ingay sa malayo.
June 1, 2007
Posted by
Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. |
Biblia ng Sambayanang Pilipino, Ezra, Lumang Tipan |
|
No Comments Yet
Ang mga bumalik kasama ni Zorobabel
2 1 Ito ang mga taga-Juda na nagbalik mula sa pagkabihag; ito ang mga ipinatapon sa Babilonia ni Nabucodonosor na hari ng Babilonia, na nagbalik sa kani-kanilang mga bayan sa Jerusalem at Juda. 2 Dumating sila na kasama sina Zorobabel, Yesua, Nehemias, Seraya, Reelaya, Nahamani, Mordekai, Bilsan, Mispar, Bigvai, Rehum at Baana.
Lista ng mga lalaki ng bayan ng Israel: 3 sa angkan ni Paros, 2,172; 4 ni Sefatias, 372; 5 ni Arah, 775; 6 ni Pahat-Moab, sa mga anak nina Yesua at Yoab, 2,812; 7 ni Elam, 1,254; 8 ni Zatu, 945; 9 ni Zakai, 760; 10 ni Bani, 642; 11 ni Bebai, 623; 12 ni Azgad, 1,222; 13 ni Ado nikam, 666; 14 ni Bigvai, 2,056; 15 ni Adin, 454; 16 ni Ater, ni Ezekias, 98; 17 ni Besai, 323; 18 ni Yora, 112; 19 ni Hasum, 223; 20 ni Gibar, 95; 21 ang mga taga-Betlehem, 123; 22 mga taga-Netofa, 56; 23 mga taga-Anatot, 128; 24 mga taga-Bet-Asmavet, 42; 25 mga taga-Kiryat-Yearim, Kefira at Beerot, 743; 26 mga taga-Rama at Geba, 621; 27 mga taga-Mikmas, 122; 28 mga taga-Betel at Ai, 223; 29 mga taga-Nebo, 52; 30 mga taga-Magbis, 156; 31 mga taga-Elam, 1,254; 32 mga taga-Harim, 320; 33 mga taga-Lod, Hadid at Ono, 725; 34 mga taga-Jerico, 345; 35mga taga-Senaa, 3,630.
36 Mga pari: sa angkan ni Yedaya o angkan ni Yesua, 973; 37 ni Imer, 1,052; 38 ni Pasur, 1,247; 39 ni Harim, 1,017.
40 Mga Levita: mga angkan nina Yesua, Kadmiel, at Hodavias, 74.
41 Mga manunugtog sa Templo: sa angkan ni Azaf, 128.
42 Mga bantay-pinto: sa mga angkan nina Sallum, Ater, Talmon, Akub, Hatita at Sobai, 139.
43 Mga ibinigay sa templo: sa mga angkan nina Ziha, Hazufa, Tabaot, 44 Keros, Siaha, Padon, 45 Lebana, Hagaba, Akub, 46 Hagab, Salmai, Hanan, 47 Gidel, Gahar, Reaya, 48 Rezin, Nekoda, Gazam, 49 Uza, Pasea, Besai, 50 Asna, Meunim, Nefusim, 51 Bakbuk, Hakufa, Harhur, 52 Bazlut, Mehida, Harsa, 53 Barkos, Sisera, Tema, 54 Nezia at Hatifa;
55 Sa mga angkan ng mga lingkod ni Solomon: sa mga angkan ni Sotai, Hasoferet, Peruda, 56 Yaala, Darkon, Gidel, 57 Sefatias, Hatil, Pokere-Hazzebaim at Ami. 58 Kabuuan ng mga ibinigay at mga anak ng mga lingkod ni Solomon: 392.
59 Narito ang mga galing sa Tel-Mela, Tel-Harsa, Kerub, Adon at Imer, na di makapagpatunay kung Israelita nga ang pinagmulan nilang angkan at sambahayan: 60 sa mga angkan nina Delaya, Tobias at Nekoda: 652. 61 At sa mga pari naman: ang mga inapo nina Hobaya, Hakoz at Barzilai na nakapag-asawa ng isa sa mga anak ni Barzilai na taga-Galaad, at dito isinunod ang pangalan. 62 Pinaalis sa pagkapari ang mga ito na naghanap sa aklat ng kanilang pinagmulan, pero wala namang nakita. 63 Pinagbawalan sila ng gobernador na kumain ng mga sagradong pagkain hanggang hindi nakakatagpo ng isang pari para sumangguni sa Urim at Tumim.
64 Umabot sa 42,360 ang buong kalipunan, 65 at hindi pa kabilang ang kanilang mga alipin at alilang-babae na umabot naman sa 7,337, at ang 200 mang-aawit na lalaki at babae.
66 Mga kabayo nila, 736; mga asnong-kabayo, 245; 67 mga kamelyo, 435; mga asno, 6,720.
68 Kusang-loob na nag-alay ang ilan sa mga pinuno ng mga angkan pagdating nila sa Bahay ni Yawe sa Jerusalem. Ito ang mga handog nila para muling itayo ang Bahay ng Diyos sa dating lugar: 69 61,000 drakmang ginto, 5,000 minang pilak at 100 damit ng pari; nagbigay sila sa kabang-yaman para sa patrabahong ito ayon sa kanilang kakayahan.
70 Nanirahan sa Jerusalem ang mga pari, mga Levita at isang bahagi ng bayan. Sa kani-kanilang bayan naman nanirahan ang mga bantay-pinto, mga mang-aawit sa Templo, mga katulong at ang iba pang mga Israelita.
June 1, 2007
Posted by
Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. |
Biblia ng Sambayanang Pilipino, Ezra, Lumang Tipan |
|
No Comments Yet
Binigyang-kalayaan ni Ciro ang mga Judiong nagbalik sa Jerusalem
1 • 1 Sa unang taon ni Ciro na hari ng Persia para matupad ang salitang sinabi ni Yawe sa pamamagitan ni Jeremias, pinukaw niya ang espiritu ni Ciro na hari ng Persia para ideklara sa buo niyang kaharian at isulat: 2 “Ito ang sinasabi ni Ciro, hari ng Persia:
Ibinigay sa akin ni Yaweng Diyos ng kalangitan ang lahat ng kaharian sa lupa. Inatasan niya ako na magtayo ng isang bahay sa Jerusalem sa lupain ng Juda. 3 Sa sinumang kabilang sa kanyang bayan, sumakanya nawa ang kanyang Diyos! Umahon siya sa Jerusalem sa tulong ng kanyang Diyos at itayo roon ang Bahay ni Yaweng Diyos ng Israel, ang Diyos na nasa Jerusalem. 4 At sa lahat ng lugar na tinitirhan ng mga nalabi sa bayan ni Yawe, tutulungan sila ng mga tagaroon sa pagbibigay ng pilak, ginto at mga kagamitan at mga hayop, bukod pa sa mga kusang-loob na handog para sa Bahay ng Diyos sa Jerusalem.”
5 Kayat tumindig ang mga ama ng mga angkan ng Juda at Benjamin, ang mga pari at mga Levita – lahat ng tao na ang espiritu’y pinukaw ng Diyos – at nagpasyang umahon para itayo ang Bahay ni Yawe sa Jerusalem. 6 Binigyan sila ng lahat nilang kapitbahay ng lahat ng uri ng tulong: ginto, pilak, mga kagamitan at mga hayop at mga mamahaling bagay, bukod pa sa mga kusang-loob na handog.
7 Ipinalabas din ni Haring Ciro ang lahat ng kagamitan ng Bahay ni Yawe na dinala ni Nabucodonosor mula sa Jerusalem at inilagay sa bahay ng kanyang mga diyos. 8 Ibinigay ni Cirong hari ng Persia ang mga iyon sa mga kamay ni Mitridates na tesorero, na siyang bumilang niyon kay Sesbasar na pinuno ng Juda.
9 Narito ang lista: sisidlang ginto para sa handog, 30; kopang pilak, 1,029; 10 iba pang kopang ginto, 30; kopang pilak, 410; ibang kagamitan, 1,000.
11 Kabuuan ng mga kagamitang ginto at pilak: 5,400. Dinala ni Sesbasar ang lahat ng ito nang pabalikin sa Jerusalem ang mga itinapon sa Babilonia.
June 1, 2007
Posted by
Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. |
Biblia ng Sambayanang Pilipino, Ezra, Lumang Tipan |
|
1 Comment