Hindi pagpapatuloy ng nauna ang ikalawang libro ng Mga Macabeo.
Kung sa 1 Macabeo ay inilalahad ang kasaysayan ng bayang Judio nang mga kritikal na taong iyon sa karaniwan at balanseng paraan, binibigyang-pansin naman ng 2 Macabeo ang isang serye ng mga pangyayari at pagkaminsa’y mga komentaryo at mga alamat na nagtatampok sa pag-asa at paghihirap ng mga sumasampalatayang pinag-uusig. Ang ikalawang librong ito na di gaanong kapaki-pakinabang para sa mga dalubhasa sa kasaysayan, na di tulad ng una, ay napakaimportante pa rin sa Biblia dahil sa napakayamang pananaw nito tungkol sa paghihirap at kamatayan at pati sa katarungan ng Diyos. Ang librong ito kasama ang mga aklat ni Daniel at ng Karunungan ang unang nagpahayag sa Biblia ng pananampalataya sa muling pagkabuhay ng mga patay.
• 1.1 Puwedeng maging modelo para sa pagbati ng “Manigong Bagong Taon” ang bahaging ito ng unang sulat.
Isinulat ng mga Judiong nasa Palestina ang sulat na ito matapos nilang malupig ang mga umaapi sa kanila. Sa mismong pagdiriwang nila sa Paglilinis sa Templo ng Jerusalem, na nabawi nila mula sa kapangyarihan ng mga kaaway, ibinalita nila ito sa mga pamayanang Judio na nakakalat sa Ehipto.
Maraming sabi-sabi ang binabanggit sa sulat. Binibigyang-pansin natin ang alamat na nagsasabing ang Kaban (na sa totoo’y nasira sa pagbagsak ng Jerusalem sa taong 587) ay nailigtas at itinago. Ipinahahayag lamang nito ang malaking pananampalataya ng sambayanan; walang anuman sa mga ginawa ng Diyos sa panahon ng kanilang mga ninuno ang maaaring mawala.
Pansinin ang 2:3-15. Binibigyang-kabuuan ng bagay na ito na hindi pawang kapani-paniwala ang nabasa natin sa 1 Kro 29:29-30, 2 Kro 9:29, 16:11… Esdras 7:25-26, Ne 8, tungkol sa pagbubuo ng pinakaunang simula ng Biblia na gawaing nabigyang-kaganapan hindi ni Nehemias kundi ni Esdras.
• 4.7 Bigyang-pansin natin ang talatang ito na buhay na buhay na inilalarawan ang pagpasok ng impluwensya ng kulturang Griyego. Dapat ba itong ituring na pagsulong o pangkulturang kolonisasyon? Tingnan ang sinasabi tungkol sa bagay na ito sa 1 Mac 1:41. Dahil mas may pormasyon ang mga pari, sila ang unang nabigla sa kultural at espirituwal na krisis. Sa kasamaang-palad ng mga Judio sa panahon ng krisis, pumasok ang personal na interes at pulitika sa paghirang ng mga pinuno sa relihiyon.
• 6.1 Ang pag-uusig sa relihiyon ayon sa karanasan ng bayan ay nangangahulugan ng:
- di maiiwasang supresyon ng mga kaugalian sa relihiyon;
- pagiging maluwag sa sex na kunwa’y pag-unlad sa kultura;
- karahasan laban sa mga nananatiling tapat sa Diyos;
- pagpapabaya sa mga aba at mga babae sa harap ng kalupitan ng batas at ng mga tao.
Nagpapatuloy ang krisis sa moralidad sa simula ng mga pagsubok na dinaranas ng mabubuti: Paano ito mapahihintulutan ng Diyos?
May sagot na ibinibigay: layunin ng mga pagsubok na ito ang ituwid ang bayan ng Diyos. Alam ng mga Judio na kahit na sa gitna ng pagsubok ay naroon pa rin ang awa ng Diyos.
• 18. Kay ganda ng mga salita ni Eleazar:
- Ayaw niyang itago ang kanyang pananampalataya.
- Mas gusto niya ang dangal kaysa buhay.
- Higit sa lahat ang pitagan niya sa Diyos.
- Ang mamatay dahil sa katapatan sa mga batas ng Diyos ay isang dakilang halimbawa para sa mga kabataaan.
- Naghihirap si Eleazar sa katawan, pero maligaya siyang mamamatay.
Siya ang pinakahuwaran at modelo ng martir para sa atin.
• 7.1 Sa pagkukuwento sa atin ng pagkamartir ng pitong magkakapatid na iyon, na hindi alam ang mga pangalan, pinapamutawi sa kanilang mga labi ng sumulat nito ang pahayag ng pananampalataya nila sa kawalang-kamatayan. Ito ang pinakamahalagang mensahe ng librong ito.
Sa naunang mga dantaon, para sa sambayanan sa kabuuan nito ang mga pangako ng Diyos. Ang tanging inaasahan lamang ng sumasampalataya ay ang pagpapatuloy at kasaganaan ng kanyang lahi.
Naririto ang isang malaking hakbang. Muling mabubuhay ang tao. Hindi lamang ito ang pag-asa na patuloy na mabubuhay ang espiritu o kaluluwa: naniniwala ang sumasampalataya na muli siyang mabubuhay sa buo niyang katauhan para makaharap ang Diyos. Sa pangitain ng mga tuyong buto sa Ezekiel 37, ipinangako ng Diyos na muli niyang bubuhayin ang kanyang bayang patay. Ngayon nama’y bawat tao ang siyang umaasang babangon at titindig, katawan at kaluluwa, para makibahagi sa kaligayahang ipinangako ng Diyos at kanyang ibibigay sa pinakahuling araw.
Kung hindi muling mabubuhay ang mga martir, paano mabibigyang-katuparan ng Diyos ang katarungan?
• 9.1 Kung paano naggagawad ng katarungan ang Diyos. Kaiba kaysa 1 Mac 6 ang pagsasalaysay sa pagkamatay ni Antioko kaya maiisip natin na hindi lahat ay tama sa popular na istoryang ito. Pero hindi nagkakamali ang awtor sa paglalahad sa pagbabagong hatid ng pagkakasakit at paghihirap ng mga nasa kapangyarihan.
Sa mga sandaling iyon, nakikita nila kung ano talaga sila, pati na ang kanilang kayabangan. Nadidiskubre nila ang kaugnayan ng kasalukuyan nilang mga kahihiyan sa mga ipinalasap nila sa iba. Bagamat huli na’y nangangako silang magbabagong-buhay kung bubuhayin sila ng Diyos.
Ipinakikita ng wakas ng tagausig na kung para sa kabilang buhay ang mga tunay na parusa ng Diyos, may mga kasalanan din naman na lubhang kasuklam-suklam kayat sa mundong ito mismo pinarurusahan ang mga ito, upang maging halimbawa para sa iba at konsuwelo sa mga naghihirap at inaapi.
• 12.38 Nadarama ng mga sundalo ni Judas na lumalakas sila sa kanilang pananampalataya nang mapatunayan nilang nararapat lamang mamatay sa digmaan ang kanilang mga kasamahan dahil sa ilang kasalanan. Sa mga lumipas na panahon, halimbawa’y sa panahon ni Josue, magaan sa kalooban ng mga sumasampalataya na tanggapin ang katarungang ito ng Diyos at hindi nila ikinababahala ang mga kapatid nilang may sala (tingnan ang Josue 7).
Ngayon naman, nababalisa ang mga kasamahan ni Judas: hindi na ba natin kapatid ang mga nagkasala? Kabilang din sila sa bayan ng Diyos gaya natin: hindi ba sila makikibahagi sa ating masayang kinabukasan, sa muling pagkabuhay?
Kaya ang pangunguna ni Judas at ang panalangin para sa mga patay. Nadiskubre nila ngayon ang pagkakabuklod at pagkakaisa ng mga miyembro ng bayan ng Diyos, ang mga buhay at mga patay.
• 15.12 Nadidiskubre ng mga sumasampalataya ang pagkakaisang bumubuklod sa nabubuhay at nangamatay na mga miyembro ng bayan ng Diyos. Dito nama’y mga tao ng Diyos ng lumipas na panahon ang lumuluhog para sa mga yumao: si Jeremias na propeta ng nagdaang dantaon, at pati si Onias na Punong-paring pinatay ilang taon pa lang ang nakalilipas.
May 31, 2007
Posted by
Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. |
2 Maccabees, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan |
|
No Comments Yet
• 1.1 Nasa palasyo ni Haring Artaherhes si Nehemias bilang tagapamahala sa mga inumin, isang mataas na posisyon nang panahong iyon na laging natatakot ang mga hari na malason.
May maganda ngang kinabukasan ang taong ito pero iiwan pa rin niya ang lahat para sa paglilingkod sa Diyos.
Ang bokasyon ni Nehemias ay nagmumula:
- sa kanyang malaking pananalig sa mga pangako ng Diyos;
- sa pagkaunawa sa kasaysayan na tanging ang sumasampalataya lamang ang makauunawa: Walang sinumang dapat sisihin ang Israel para sa kanilang mahirap na sitwasyon. Mga kasalanan nila ang sanhi ng kanilang kapahamakan. Kaya hindi nila dapat iasa sa kagandahang-loob ng mga bansang mas malalakas ang muling pagtatayo sa kanilang bansa, kundi sa kanilang pagbabagong buhay at pagbabalik-loob.
Si Nehemias ang halimbawa ng lahat ng nakakakilala sa boses ng Panginoon sa mga pangyayaring nagaganap at hindi na naghihintay pa ng isang espesyal na tawag para kumilos. Walang alinlangan na kung may tiwala siya sa Diyos, tinatawag din ang bawat Kristiyano na madiskubre at magawa ang inaasahan sa kanya ng Diyos para sa kaligtasan ng mundo, tulad ni Nehemias.
• 2.1 Humihingi si Nehemias, at siya’y tumatanggap sapagkat hindi siya nambubuwisit, at nagkapangalan siya at napamahal sa mga tao bunga ng maraming taon ng matapat na paglilingkod. Nangingibabaw ang mahusay niyang pagpapasya at pangunguna, at ang maalab niyang pananalita na nagpapalakas ng loob sa mga nagdududa na nakukumbinsi niya.
Kailangan bang itayo ang mga pader ng Jerusalem? Sa katunaya’y mas binibigyang-pansin ng Biblia kung paano ito naitayo kaysa mismong pagtatayo nito: sa panawagan ni Nehemias para sa pagtutulung-tulong ng lahat, naitayo niya ang espiritu ng pamayanan sa Jerusalem.
• 3.33 Pagkatapos ay nagbunga naman ng inggit at paghihinala ang trabaho ni Nehemias. Hindi ito dapat ipagtaka. Sapat na ang katatagan ng isang taong ito para bigyang-sigla ang lahat. Sa sandaling iyon mismo, ang pagtatayo sa pader ng Jerusalem ang kongkretong tungkulin para magpatuloy sa pagsulong ang Banal na Kasaysayan. Kung nasiraan ng loob ang sambayanang Judio at ipinagpaliban ang pagtatayo, tiyak na mawawala sa kanila ang mga paraan tungo sa kanilang kalayaan at ang kahulugan ng kanilang misyon. Gayundin naman sa kasalukuyan, bagamat mas lumilitaw na espirituwal ang misyon ng Iglesya, ang katapatan natin sa Panginoon ay nakasalalay pa rin sa ating saloobin sa harap ng mga pagyurak at pagtataksil sa katotohanan sa kongkretong mga bagay-bagay sa buhay ng lipunan.
• 5.1 Kalahi tayo ng ating mga kapatid. Paulit-ulit na sinasabi ng mga pinuno na nangangailangan ng sakripisyo ang muling pagtatayo sa bayan. Pero hinihingi ng bayang Judio na ang mga sakripisyo ay talagang pagbaha-bahaginan ng lahat. Kailangang kanselahin ng mga may sapat na pera sa kasalukuyang pangangailangan ang mga utang ng mga walang kahit ano.
At kayo pa ngayon ang bibili sa inyong mga kapatid? Ipinagtatanggol ni Nehemias ang pinakaaba, at tinutuligsa ang kasalanang nagagawa ng mga mayayaman nang hindi nila namamalayan; nadadala sila ng katwiran ng pagkakaroon at ng pagpapautang hanggang ipailalim nila sa pagkaalipin ang kanilang mga kapatid.
Gusto ba ninyong gayahin ang mga kaugalian ng ating mga kaaway? Tama lamang na maghangad ng kalayaan mula sa mapagsamantalang kapitalismo at di-makataong pamahalaan. At sa wakas, ang diwang mapagsamantala sa bawat isa sa atin ang kahuli-hulihang bubunutin.
• 6.1 Ginagamit ni Sanbalat ang lahat ng paraan para papanghinain ang loob ni Nehemias:
3:33 – panunuya at pag-insulto,
4:2 – pagbabanta ng pagsalakay,
6:2 – paninindak,
6:6 – mga akusasyon,
6:14 – pagsusuhol sa mga bulaang propeta.
Hindi mawawalan ng mga taong kakasangkapan sa salita ng Diyos para suportahan ang mga gobyerno o para linlangin ang mga tao.
Bigyang-pansin ang ekspresyon sa 6:13, para takutin ako at dalhin sa pagkakasala. Napakalimit, ang takot ay isang madulas na daan na naghahatid sa pagkakasala.
• 8.1 Pinakatampok sa napakahalagang petsang ito ng Banal na kasaysayan ang unang pampublikong pagbasang ito sa Batas. Hanggang sa panahong iyon, isinasabuhay ng bayang Israel ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagdarasal, pakikilahok sa mga seremonya sa Templo. Mula sa bibig ng mga pari at mga propeta nila tinatanggap ang mga pagpapasya at pangangaral. Wala silang nadamang pangangailangan na magbasa ng Biblia.
May ilang libro na noon ng ating Biblia, pero nakatabi ang mga ito sa Templo o sa palasyo ng hari: hindi nakararating ang mga ito sa bayan ni hindi ang mga ito ang saligan ng kanilang pananampalataya. Subalit ngayon, mga bagong pa-ngangailangan ang lumilitaw at wala na ang mga propeta, na di gaya ng dati. Naiintindihan ni Esdras na sa darating na panahon, ang pamayanang Judio ay uunlad at mabubuo sa pagbasa, pagninilay at interpretasyon sa sagradong libro. Si Esdras mismo ang nagsisikap na tumipon at kumumpleto sa mga sagradong libro at nagsisimula naman ang bagong panahon na ang Biblia ang magiging libro ng lahat at ang batayan ng kanilang pananampalataya.
Ang pangrelihiyon at pangkulturang hakbang na ito ay katulad din ng nangyayari sa Iglesya nitong mga huling taong nagdaan. Nagsisimba ang mga tao, nagdarasal at tinuturuan; pero banyaga para sa kanila ang Biblia. Pero ngayon, lalakas lamang ang pananampalatayang Kristiyano mula sa Salita ng Diyos na binabasa at pinakikinggan sa isang pamayanan. Sa totoo’y huli pa nga tayo: sa simula ng nakaraang apat na siglo, nang magsimula ang mga Protestante, sinimulan na sana ang pagpapanibagong ito.
Ang pagtitipong tinawag ni Esdras ang magsisilbing modelo ng buhay-relihiyoso sa pamayanang Judio. Hindi aalisin ang maringal na pagsamba sa Templo sa Jerusalem, pero mula sa araw na iyon, magkakaroon ng sinagoga ang mga Judio sa bawat siyudad, o isang bahay na mapagtitipunan nila sa Araw ng Pahinga para marinig ang salita ng Diyos at umawit ng mga salmo.
• 9.1 Kailangang iugnay natin ang seremonyang ito ng penitensya sa mga kabanata 9-10 ng Esdras. Tungkol ito sa paghingi ng kapatawaran sa mga kasalanan na naglalayo sa mga tao mula sa Batas ng Diyos at pumipinsala sa lahi ng Israel. Iginigiit dito lalung-lalo na ang kasalanang nasa pag-aasawa sa babaeng galing sa ibang lahi at ibang relihiyon: alam ng Biblia na ang pag-aasawa sa hindi kapanampalataya ay madalas na nauuwi sa paglayo sa sariling pamayanang panrelihiyon. Ganito ang naging kasalanan ni Solomon.
Matapos aminin sa harap ng lahat ang mga pagkakasala ng pamayanan, inaalaala nila ang awa ng Diyos: walang saysay ang malaman ang mga kasalanan, kung hindi naman mapupukaw ang damdamin ng taos-pusong pagsisisi sa pag-alaalang laging nagpapatawad ang Diyos sa kanyang kagandahang-loob. Kasunod naman nito ang buod ng banal na kasaysayan na nagpapakita sa awa ng Diyos sa kanyang bayan.
Sa pagtatapos ng seremonya, maraming pangako ang ginagawa: kailangan ang mga ito bilang tulong sa mga kaloobang di gaanong matatag at bilang panlaban sa pagiging pabaya. Pero hindi ito tungkol lamang sa paggawa ng mga reglamento; ang panganib ay nasa higit na pagpapahalaga sa panlabas na pagtupad kaysa diwa mismo ng Batas na ang layuni’y makabuo ng isang bayang laging handang maglingkod sa Diyos.
• 10.1 Tinipon sa sumusunod na mga kabanata ang iba’t ibang dokumento. Mapapansin sa mga ito ang talatang tumutukoy sa unang misyon ni Nehemias: 12:27-43. Binibigyang-kabuuan nito ang mga kabanata 1-7.
• 13.10 Sa huling kabanatang ito, namamagitan si Nehemias para igalang ang batas na pinagtibay ni Esdras, kaya gumagawa siya ng mga bago at mabibigat na hakbang (tungkol sa Araw ng Pahinga, pagpapadalisay sa lahi at relihiyon, at iba pa).
May malaking kapakinabangang hatid ang saloobing ito: salamat sa kanilang organisasyon at sa pagkakabuklod ng mga Judiong magkakapatid, nakaligtas ang bayan ng Diyos at hindi lumihis sa kanilang pananampalataya.
Ngunit mababanaag din ang mga problemang katitisuran ng Ebanghelyo: pagkapit sa kahapon, pagkapanatiko para sa mga sagradong lugar, pagkaagresibo sa mga di sumasang-ayon. Isang katotohanan na sa sumunod na mga dantaon, mas lumago ang kamalayang panrelihiyon ng mga Judio sa pakikitungo nila sa kulturang Griyego kaysa pagsisikap nila sa pansariling organisasyon.
Kung hangad ng mga pamayanang Kristiyano at gayon din ng Iglesya sa kabuuan nito na maging tapat sa mensahe ng Biblia, kailangan nilang hanapin ang paglago sa pagbubukas at pagharap sa daigdig.
May 31, 2007
Posted by
Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. |
Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Nehemiah |
|
No Comments Yet
1 Macabeo: Komentaryo
Matapos ang panahon nina Esdras at Nehemias, tatlong dantaong nabuhay sa pinakagilid ng kasaysayan ang probinsya ng mga Judio sa pinakadulong hangganan ng imperyo ng Persia. Itinalaga ng mga mas masigasig ang kanilang sarili sa pagnenegosyo, at iniwan ang kanilang bayan para manirahan sa lahat ng sentrong siyudad sa palibot ng Dagat Mediterraneo. Pero sandantaon pagkatapos ni Nehemias, sa taong 333 bago kay Kristo, nagsimulang maglibot si Alejandrong Dakila sa mga bayan sa Gitnang Silangan, nilulupig ang lahat ng kalabang hukbo at ibinabagsak ang mga hari. At gayong tatlumpung taong gulang siya nang mamatay, ang kanyang mga tagumpay ang nagbukas ng daan para sa kulturang Griyego na may hangaring umunlad, may tiwala sa kakayahan ng tao at mas bukas na diwang nalalampasan ang makasariling nasyonalismo.
Pinaghati-hatian ng mga heneral ni Alejandro ang malawak niyang imperyo. Maunawain ang mga Tolomeong naghahari sa Ehipto at Palestina kaya hindi nila ginulo ang mga Judio nang dahil sa kanilang relihiyon at mga kaugalian. Pero nang malupig ng mga Antioko ng Siria ang mga Ehipsiyo sa taong 197 at maagaw ang Palestina, marahas nilang ipinagpilitan ang kanilang paganong relihiyon sa mga Judio.
Ang malupit na pag-uusig ang siyang naging sanhi ng pag-aalsa ng mga Judio na pinamunuan ng angkan ng mga Macabeo. Kinikilalang isa sa pinakamagaling na mga libro ng matandang kasaysayan ang Unang Aklat ng Mga Macabeo. Isinasalaysay nito sa atin ang mga pangyayari sa digmaan at mga kabayanihan ng limang magkakapatid na Macabeo mula sa taong 170 hanggang 130 bago kay Kristo.
Digmaang Banal, Digmaan ng Pagpapalaya
Ipinakikita sa atin ng libro ng mga Macabeo ang isang bayang naghahangad mabuhay ngunit mas pinahalagahan nila ang pananampalataya kaysa sariling buhay. Kung kailan nakasanayan na ng lahat ang buhay na walang problema, saka naman dumating ang pag-uusig. Marami ang kumbinsido na wala silang anumang magagawa laban sa isang napakalakas na kapangyarihan, at napakahirap makipagsapalaran. Pero nagpapalitaw ang Espiritu ng Diyos ng mga bagong bayani, at salamat sa kanila’t nababawi ng bayan ang dangal nito, at naipaglalaban ang mga karapatang saligan ng pagkatao at ng pagsampalataya.
Nakita ng sambayanang Judio na nag-iisa sila laban sa mga umaapi sa kanila, at hindi sila gaanong natulungan ng mga kakampi nilang Romano. Kaya sa sarili nilang lakas sila umasa, at tinulungan naman sila ng Diyos.
Ang mga pakikidigma ng mga Macabeo ay halimbawa ng mga digmaang banal na puno ng kabayanihan at katatagan, at ng pagsaklolo ng Diyos. Pero ipinakikita rin nito na hindi kayang lutasin ng banal na digmaan ang lahat. Bunga ng pagkasangkot sa mga problemang militar, at mula rito’y sa pamumulitika, ang mga inapo ng mga Macabeo ay agad na naging materyalista hanggang sila’y maging isang partido at mga pinunong walang pananampalataya ni moralidad.
• 1.1 Ang unang talata ay buod ng kasaysayan mula kay Alejandro hanggang kay Antioko Epifanes na hari ng Siria. Pansinin ang bahaging 1:11-15 na nagbibigay-diin sa simula ng krisis pangmoralidad sa Juda.
Dalawang bagay ang mapagkikilanlan sa kabihasnang Griyego ng mga Sirio:
- Ang sining at ang pagdami ng mga estatwa na kahit na gaano kaganda ay ginagamit naman sa paganong pagsamba.
- Ang edukasyong pisikal: mga istadyum, isports, mga languyan. Hubo’t hubad ang mga manlalaro, na isang eskandalo para sa mga Judio. Ipinapaliwanag nito kung bakit kailangang ibalik sa mga nahihiyang makita bilang Judio ang supot ng balat na tinuli sa kanila, sa pamamagitan ng isang operasyon.
• 41. Dalawang aspeto ng krisis ang inilalahad ng kabanatang ito:
1) Krisis pangmoralidad. Isang mas maunlad pero paganong sibilisasyon ang nakakaharap ng mga Judio. Maaari kayang pakibagayan o pakinabangan ang kulturang ito nang hindi tinatalikuran ang pananampalataya?
Pagbabayaran ng mga Judio sa panahong iyon ang pagkakamaling ginawa nila sa paghiwalay sa pag-unlad ng kultura ng mga karatig-bansa nila. Tatlong dantaon nilang binibigyang-diin na sa Diyos mismo galing ang lahat ng batas at mga kaugalian ng Israel, at hindi puwedeng baguhin ang mga ito. Kaya sa pagdating ng makabagong daloy ng panahon, nagkakrisis sa konsiyensya ang mga may pinakabukas na isipan sa kanila: puwede kaya nilang palitan ang mga kaugalian nang hindi nagtataksil sa Diyos? Pero napakahirap maging bukas sa kabihasnang Griyego nang hindi nagiging rebelde sa pananampalataya. Kaya hindi lamang pinalitan ng mga may gustong maging moderno ang istilo ng kanilang pamumuhay kundi tinalikuran din nila ang kanilang relihiyon. Isipin natin ang nangyayari sa ating panahon ngayon sa pagka-diskubre ng mga kabataang nag-aral sa napakakonserbatibong mga eskwela o parokya ang mga rebolusyonaryong agos ng kaisipan na nagbibigay-sigasig sa kanila.
2) At kasunod naman ang organisadong pag-uusig. Gusto ng makapangyarihang mga hari na pag-isahin ang lahat ng grupo sa kanilang imperyo. Sinasabi nilang nakapagwawatak-watak daw ang relihiyon. At isa pa’y mapanganib para sa kanila ang konsiyensya ng mga taong malaya. Kaya nakikipaglaban ang mga hari sa mga naghahangad maglingkod sa Diyos at sumunod sa kanilang konsiyensiya.
Nag-aalala ang bayan:”Hanggang kailan nila matitiis ang pagsabotahe at panloloko sa kanilang mga gawaing panrelihiyon?”
Binabanggit sa 1:54 ang “kasuklam-suklam na diyus-diyusan ng mga mananakop,” na binabanggit din sa Daniel 9:27. Ganito ang tawag nila sa isang altar na pagano na itinayo sa matandang altar ng Templo. Bibigyan ni Jesus ng bagong kahulugan ang ekspresyong ito sa Mc 13:14.
• 2.1 Sa digmaang nasa ilalim ng pamumuno ng angkan ng mga Macabeo o ng mga anak ni Matatias matutuon ang buong libro. Narito ang salaysay sa paghihimagsik ni Matatias, ang paring biglang naging lider ng mga inaapi.
Ako, ang aking mga anak at mga kapatid, mananatili kaming tapat sa Tipan. Kapwa relihiyoso at makabayan ang kanilang dahilan. Ipinakikipagsapalaran ni Matatias ang lahat laban sa diktadura.
Muling ipinakikita ng Diyos ang kanyang kabutihang-loob sa kanyang bayan sa pagpapalitaw niya ng kinakailangang pinuno, isang taong tulad ni Moises na lubos na kakampi sa kanyang bayan gayong napakadali sana para sa kanya na mapalapit sa mga nasa kapangyarihan.
• 29. Dalawang magkasalungat na saloobin ng sumasampalataya ang makikita sa tekstong ito.
Ang ilan ay nagpapasya lamang base sa Batas ng Diyos, o ayon sa interpretasyon sa Batas ng Araw ng Pahinga: bawal ang makipaglaban sa araw na iyon na nakatalaga para sa Diyos. At buong kabayanihan nilang pinababayaan na sila’y patayin.
Ginagamit naman ng iba ang kanilang isip at konsiyensya, at ipinapasyang ipagtanggol ang sarili.
Walang sinumang hinuhusgahan ang libro. Ngunit maliwanag na ipinakikita rito na hindi puwedeng kumilos ang mga sumasampalataya sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa mga libro o sa nakaraan. Lagi tayong mahaharap sa mga bagong sitwasyon na nangangailangan ng bagong repleksyon: “Hindi ang tao ang ginawa para sa Araw ng Pahinga” (Mc 2:27).
Sa berso 42, matutunghayan natin ang tungkol sa mga Asideo. Bago pa nagsimula ang paghihimagsik ni Matatias, may ganito nang kilusan para sa espirituwal na pagbabago na siyang panggagalingan ng mga Pariseo at mga Esenio. Sumama ang mga Asideo sa kanya, pero humiwalay rin nang mapasangkot sa pulitika ang mga anak ni Matatias, ang mga Macabeo.
• 3.1 Pagkamatay ni Matatias, ang kanyang anak na si Judas ang siyang namuno sa paghihimagsik.
Tatlong dantaong sa mga gawaing pansamba lamang nakapokus ang atensyon ng mga sumasampalataya. Mga pari at mga Levita ang lumilitaw na tanging huwaran ng pananampalataya. Ngayon, may pagbabago dala ng mga pangyayari. Agad na nililingon ng bayang Judio ang panahon ng mga Hukom o ni David. Para sa marami sa kanila, ang nakikipaglabang may hawak na sandata at ipinakikipagsapalaran ang buhay para palayain ang kanyang bayan ang siyang huwaran ng sumasampalataya.
Ang brutal na pag-uusig ang naghatid sa kanila hanggang sa ang pag-iwas na lumaban ay mangahulugan ng pagwawaksi sa lahat ng nagpaging-iba sa bayang Judio sa lahat.
Sa harap ng di-pantay na labanan, inilalahad sa atin ang pagpapahayag ng pananampalataya ni Judas: mapagtatagumpay ng Diyos ang iilan laban sa napakarami. Ganito rin ang sinabi ni David nang harapin niya si Goliat (1 S 14:6 at 17:47).
• 10. Maraming beses na binibigyang-diin ng mga libro ng Mga Macabeo na nakipaglaban ang mga Judio, higit sa lahat, para ipagtanggol ang kanilang Banal na Lugar. Ang templong ito ang simbolo ng kabuuan ng Batas, o ng kabuuan ng kanilang relihiyon.
Kailangang ipaglaban ng lahat ang mga bagay na nagbibigay-kabuluhan sa kanilang buhay, na kung hindi natin maiingatan ay mawawalang-saysay ang magkaroon ng magandang kinabukasan. Para sa mga Judio ng panahong iyon, para na ring itinakwil nila ang kanilang pananampalataya sa oras na talikuran nila ang kanilang mga kaugalian at pagsamba, dahil sa kanila lamang ipinagkatiwala ang mga pangako ng Diyos. Gayong ang Templo mismo ay mga bato at kahoy lamang at may ilang mamahaling metal, hindi nila ito maaaring iwan na hindi nawawala ang kanilang dangal bilang mga tao at ang kanilang bokasyon bilang mga sumasampalataya.
Walang gaanong ikinaiba ang mga Macabeo sa mga nangangahas sa ngayon na ipaalala ang mga karapatan ng mga dukha at hingin ang pagkilos ng lahat sa mga kasalukuyang lipunang itinatag sa pang-aapi. Inaaresto sila, tinotortyur, at namamatay para humingi ng pagbabagong pulitikal. Ngunit sa pamamagitan nito, naipagtatanggol nila ang kanilang pananampalataya. Sapagkat kung magwawalang-kibo sila, mawawala ang kanilang dangal bilang tao at kanilang itatakwil ang espiritu ng katarungan at kalayaan (Gal 5:11-12).
• 4.1 Ipinadala nila laban kay Judas ang isang koronel, si Apolonio. Pinatay ni Judas ang koronel. Isang heneral naman ang kanilang ipinadala, si Seron: at natalo rin ni Judas ang heneral. At ngayo’y isang malaking hukbong may dalawang heneral ang ipinadadala ni Antioko laban sa mga Judio. Panalo si Judas sa Emaus.
Kapansin-pansin ang saloobin ni Judas at ang kanyang sinabi: Matapat ang Diyos.
Tatlong dantaong itinuro sa mga Judio na ang kanilang kasaysayan ay isang serye ng kahanga-hangang pamamagitan ng Diyos (tingnan ang mga libro ng Mga Kronika). Labis nilang binibigyang-diin ang pagtulong ng Diyos kayat parang bale-wala ang kabayanihan ng tao. Alam ni Judas na kailangan siyang kumilos na di naghihintay ng milagro o pagbubunyag. Pagkatapos magtagumpay, saka lamang malalaman ng lahat na ang Diyos pala ang nagligtas sa kanila. Isang kasinungalingan ang humingi ng kapayapaan, pagkain at katarungan sa Diyos nang hindi naman inaalis ang mga istruktura ng pang-aapi.
• 36. Bunga ng mga tagumpay ni Judas, pinirmahan ni Antioko Epifanes IV ang isang kasunduan na nagbibigay ng awtonomiya sa probinsya ng mga Judio (Abril ng taong164 bago kay Kristo). Nagtagumpay ang mga Judio at una nilang inasikaso ang paglilinis ng Templo na nilapastangan ng mga pagano (Disyembre ng taong 164).
Alam ng mga Judio na hindi sila katulad ng ibang mga bayan. Ang Diyos mismo ang nagpapasya ng kinabukasan. Sa anumang pagkakataon, ang pinakakailangan lamang ang nilulutas nila habang hinihintay ang isang propeta na magtuturo sa dapat nilang gawin. Ganito ang makikita natin sa bersikulo 46. Pero parang baligtad ang sitwasyon. May mga propeta noon samantalang ayaw naman silang pakinggan ng mga Israelita. At ngayong wala nang mga propeta ay saka nila gustong makarinig ng mensahe. Hindi na nga magkakaroon pa ng mga propeta hanggang kay Juan Bautista.
• 5.1 Mabigat ang loob na tinanggap ng mga heneral na taga-Siria ang kasunduang nilagdaan ng hari. Itinaguyod nila ang pag-uusig laban sa mga Judiong nasa karatig na mga teritoryo, na kung minsa’y napakalalaking grupo. Kayat sinimulan ni Judas na iligtas ang kanyang mga kababayang nasa panganib at ibalik sila sa probinsya ng Judea.
• 55. Patuloy ang digmaan sa mga tagumpay at mga pagkalupig. Binibigyang-diin dito ng Biblia kung bakit nabaligtad ang pangyayari: personal na interes lamang ang hangad ng marami sa mga pinuno.
• 6.1 Inilalahad ng Biblia ang wakas ni Antioko Epifanes bilang halimbawa ng kamatayan ng mga nang-uusig. Ibang salaysay naman ang matutunghayan natin sa 2 Mac 9.
• 32. Muling sinalakay ang Palestina at sa labanan sa Bet-zacarias, napilitang umurong mula sa mga kaaway ang hukbo ni Judas na bale-wala kung ikukumpara sa hukbo ng hari. Pero pagkaraan ng dalawang taon, makikipagkasundo ang hari at pagtitibayin nito ang kalayaang panrelihiyon ng mga Judio.
• 55. Sa kauna-unahang pagkakataon, biglang-biglang tumigil ang labanan, at kinilala ang karapatan ng mga Judio na ipagpatuloy ang kanilang relihiyon (b. 59). Ang pakikipaglaban ng iilang bayani ang naghatid ng unang bungang ito at bumago sa kasaysayan ng bayang Judio.
• 8.1 Iginiit ng mga propeta na dahil ang bayang Judio ang bayan ng Diyos, kailangang sa Diyos sila manalig at huwag maghanap ng tulong sa iba. Kawalan ng pananalig sa Diyos ang makipagtipan sa mga bayang pagano. May ibang pagkaunawa si Judas kayat hangad niyang makipagtipan sa mga Romano.
Sa isang dako, nagkaroon ng malaking pag-asa ang mga Judio dahil sa mga unang tagumpay. Mula pa sa panahon ng pagkatapon, hindi pa kailanman nabawi ng mga Judio ang kanilang awtonomiya, ngunit para kay Judas at sa kanyang mga kasamahan, dumating na ang oras para itayong muli ang dating kaharian nina Solomon at David.
Sa kabilang dako naman, hinahangaan ni Judas ang organisasyon at kapangyarihan ng mga Romano, at naniniwala siyang pabor sa muling pagtatayo ng kaharian ni David ang kanilang proteksyon.
Pero tama nga ang mga propeta: hindi dapat umasa sa mayayaman at makapangyarihan ang mga naghahanap sa Kaharian ng Diyos at sa katarungan. Ang mga Romanong labis na hinahangaan ni Judas ay magiging mga kaaway niya. At pagkalipas ng dalawang dantaon, wawasakin nila ang bansang Judio sa panahon ni Jesus.
• 9.1 Narito ngayon ang madamdaming salaysay ng kamatayan ni Judas. Namatay siya sa ningning ng kanyang pananampalataya at kabayanihan, gaya ng maraming “umaasa sa muling pagtatayo sa Israel” at namatay siya alang-alang sa pag-asang ito.
Makikita nating grasya ng Diyos sa kanya ang maaga niyang pagkamatay. Ang daang kanyang sinimulan dahil sa pananampalataya ay magtatapos para sa kanyang mga inapo sa mga pagsang-ayon at kabulukang madalas na kasama sa kapangyarihang pulitikal.
• 23. Kailangang tumakas pa-disyerto kasama ng kanyang kalahi si Yonatan na siyang hinirang na kahalili ng kanyang kapatid na si Judas. Pinaalis niya ang kanyang kapatid na si Juan taglay ang bagahe para dalhin ito sa isang ligtas na lugar sa kabilang ibayo ng Jordan. At doo’y tinambangan sila. Kaya tumawid si Yonatan sa kabilang ibayo ng Jordan para maghiganti. Sa kanyang pagbabalik, sinundan pala siya ni Bakides at ng hukbo nito, at ngayo’y nakaharang sa daan nila patungo sa ilog. Ngunit nakalampas sila sa mga kaaway at lumangoy patawid.
• 10.15 Sa harap ni Alejandro, si Yonatan ang kinatawan ng mga Judio, pero ano ang kanyang titulo? Hindi na nagkaroon pa ng hari ang mga Judio pagkatapos ng Pagkatapon, at isa pa’y hindi nila kikilalaning hari ang sinumang hindi inapo ni David. Mula sa panahon nina Esdras at Nehemias, ang mga pari na ang namuno sa pamayanang Judio, kaya si Yonatan ay kailangang maging Punong-pari, at upang siya ang maging kinatawan ng kanyang bayan, tatanggapin niya kay Alejandro ang tungkuling ito. Naging sanhi ito ng isang krisis pangmoralidad para sa mga Judio dahil walang puwedeng humirang sa kanyang sarili bilang Punong-pari, kundi ayon sa karapatan ng angkan (tingnan ang Lev 8).
Nagbunga ng paghiwalay ng mas relihiyosong mga Judio ang paghirang na ito kay Yonatan. Marami ang sumalungat sa kanya, kabilang na rito ang mga Asideo (7:13) na magiging partido ng mga Pariseo.
• 59. Lalong nasasangkot si Yonatan sa pulitika, at hindi itinatago ng kabanatang ito ang lahat ng karumihan ng pulitika na karaniwang nagaganap at ginagawa. Kaya napatutunayan ang binigyang-pansin natin hinggil kay Judas (9:1): lumipas na ang panahon ng muling pagtatayo sa kaharian ng Diyos na magiging isang bansa sa piling ng mga bansa.
Misyon ng mga Kristiyano ang lumahok sa pulitika bilang pampaalsa sa masa, sa kabila ng mga tukso at pagkakamaling lagi nilang makakaharap sa maraming taong walang konsiyensya. Ngunit kailangang maging maingat ang Iglesya na huwag magbalik sa dating paghanap ng tagumpay sa pakikipagkasundo sa mga puwersang may kinakampihan. Hindi dapat ipagkamali ang likas na misyon ng Iglesya sa anumang programang pulitikal. At isa pa’y hindi pinaghahati-hati ng Iglesya ang mga tao bilang mabuti at masama, kakampi o kalaban, ayon sa kanilang posisyon sa pakikibaka sa lipunan.
• 12.42 Pagkamatay ni Judas at ng dalawa niyang kapatid, si Yonatan naman ang mamamatay sa digmaan para sa kalayaan. Hahalili sa kanya si Simon na nag-iisa na lamang sa mga magkakapatid.
Ipinagpapatuloy ng libro ang salaysay ng gobyerno ni Simon at ang kanyang mga gawa hanggang sa patayin siya sa taong 134 bago kay Kristo.
Magtatagumpay si Simon sa kanyang mga pakikipagdigma. Alam niya kung paano gamitin para sa sariling kapakinabangan ang kompitensya ng maraming hari na pinaglalabanan ang trono ng kaharian ng Persia. Ang kanyang mga tagumpay at ang kapayapaang nakamit niya ang magpapalamig sa sigasig para sa pananampalataya na siyang naging simula ng digmaan para sa kalayaan. Si Simong tagapagpalaya ay magiging Simong diktador sa katapusan ng isang prosesong napakadalas maulit sa kasaysayan. Tingnan hinggil dito: 14:41-47; 15:23.
Pagkaraan ng sandantaon at kalahati, sa pagdating ni Jesus, ang mga inapo na ni Simon ang magiging mga punong pari. Ang mga ito ang pinakamateryalistang grupo sa mga Judio (ang partido ng mga Saduceo). Isa sa kanila si Caifas na naghatol ng kamatayan kay Jesus.
Bigyang-pansin ang pahapyaw na nabanggit sa 13:41-42 at sa 15:3. Pagkaraan ng apat na dantaon ng kawalang-kalayaan, ang mga Judio ay magiging isang bansa uli.
Ipinaliliwanag ng bago at masayang karanasang ito kung bakit pagkatapos ng sandaan taon at kalahati sa panahon ni Jesus, hindi nila matagalan ang dominasyon ng imperyong Romano.
May 31, 2007 Posted by Rev. Fr. Jessie Somosierra, Jr. | 1 Maccabees, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Old Testament | | 1 Comment