Ang Bagong Magandang Balita Biblia

Ang Banal na Kasulatan

Nehemiah 3

Sinimulan nilang itayo ang pader

1 Ang punong-paring si Eliasib at ang kanyang mga kapatid na pari ang nagpasimulang magtayo sa Pintuan ng mga Tupa. Itinayo nila iyon, nilagyan ng mga pinto at nagpatuloy hanggang sa Tore ni Hananel. 2 Gumawa sa kanilang panig ang mga taga-Jerico, at kasunod nila si Zakur, na anak ni Imri. 3 Itinayo ang Pintuan ng Isda ng mga taga-Senaa. Nilagyan nila ito ng hamba, pinto, kandado at harang.

4 Kasunod nila si Meremot, na anak ni Urias, na anak naman ni Hakkos; at kasunod nila si Mesullam, na anak ni Berekias, na anak naman ni Mesezabel; at kasunod nilang gumawa si Zadoc, na anak ni Baana. 5 Kasunod nilang gumawa ang mga taga-Tekoa, ngunit hindi bumalikat ang mga maharlika sa kanila sa paglilingkod sa kanilang Panginoon.

6 Isinaayos ang Matandang Pintuan ni Yoiada, na anak ni Pasea, at ni Mesullam, na anak ni Besodias. Sila ang nagtayo ng pinto at naglagay ng kandado at harang.

7 Sumunod sa kanila si Melatias ng Gibeon at si Yadan ng Meronot, kasama ang mga taga-Gabaon at Mizpa, sa tabi ng bahay ng gobernador ng probinsiya. 8 Kasunod nilang gumawa si Uziel, na isang platero. Kasunod si Hananias, manlilikha ng pabango: tinibayan nila ang Jerusalem hanggang sa Malapad na Pader. 9 Kasunod nilang gumawa si Repaias, na anak ni Hur, ang tagapamahala ng kalahati sa purok ng Jerusalem. 10 Kasunod nila si Jedaias, na anak ni Harumap, sa tapat ng sarili niyang bahay; at sumunod sa kanyang gumawa si Hatus, na anak ni Hasabnias. 11 Ang sumunod na bahagi hanggang sa Tore ng mga Hurno ay isinaayos ni Malkias, na anak ni Harim; at ni Hasub, na anak ni Pahatmoab. 12 Kasunod nila si Sallum, na anak ni Halohes, tagapamahala ng kalahati sa purok ng Jerusalem. Siya at ang kanyang mga anak na dalaga. 13 Si Hanun, at ang mga taga-Zanoa, ang nagsaayos ng Pintuan ng Lambak; naibalik nila iyon sa dati, ginawa ang hamba at inilagay ang mga pinto, kandado at harang, at isinaayos din nila ang sanlibu’t limandaang talampakang pader hanggang sa Pintuan ng Basura. 14 Si Malkias, na anak ni Rekab, tagapamahala ng purok ng Bethakerim, ang nagsaayos sa Pintuan ng Basura, kasama ang kanyang mga anak: nilagyan nila iyon ng mga pinto, kandado at harang.

15 Si Sallum, na anak ni Kol-hoza, tagapamahala ng purok ng Mizpa, ang gumawa ng Pintuan ng Bukal; itinayo niya iyon, nilagyan ng bubong, nilagyan ng mga pinto, kandado at harang. Itinayo rin niyang muli ang pader ng Imbakan ng Tubig, na katabi ng halamanan ng hari, hanggang sa hagdang patungo sa Kuta ni David. 16 Kasunod niyang gumawa si Nehemias, na anak ni Azbuk, tagapamahala ng kalahati sa purok ng Bet-sur, na ginawa hanggang sa dakong katapat ng mga libingan ni David, hanggang sa tangke ng tubig at sa Bahay ng mga Bayani. 17 Kasunod niya sa paggawa ang mga Levita: si Rehum, na anak ni Bani, at kasunod niya si Hasabias, tagapamahala ng kalahati sa purok ng Keila. 18 Kasunod nila ang kanilang mga kapatid: sina Binui, na anak ni Henadad, tagapamahala ng kalahati sa purok ng Ceila; 19 kasunod niya si Ezer, na anak ni Jesua, na hari ng Mizpa, sa tapat ng dalisdis patungo sa taguan ng sandata, sa may panulukan.

20 Kasunod si Baruk, na anak ni Zabai, na gumawa mula sa taguan ng sandata hanggang sa may pintuan ng bahay ni Eliasib, ang punong-pari. 21 Kasunod niya si Meremot, na anak ni Urias, na anak naman ni Hakkos, ang gumawa mula sa pintuan ng bahay ni Eliasib hanggang sa kabilang dulo. 22 Kasunod niyang nagsigawa ang mga paring naninirahan doon. 23 Kasunod nilang nagsigawa sina Benjamin at Hasub, sa katapat ng kanilang sariling bahay. Kasunod nila si Azarias, na anak ni Maasias, na gumawa sa katabi ng sariling bahay. 24 Kasunod niyang gumawa si Binui, na anak ni Henadad, mula sa bahay ni Azarias hanggang sa panulukan. 25 Kasunod niyang gumawa si Palal, na anak ni Uzai, sa katapat na panulukan ng tore sa itaas na nakausli sa palasyo ng hari sa malapit sa patyo ng bilangguan. Kasunod niya si Pedaya, na anak ni Paros, na gumawa 26 hanggang sa Pintuang Tubig, na pa-silangan sa katapat ng toreng nakausli. 27 Kasunod niya ay nagsigawa ang kalalakihan ng Tekoa sa katapat ng malaking tore hanggang sa pader ng Ofel.

28 Mula sa Pintuan ng mga Kabayo gumawa ang mga pari, bawat isa katapat ng kanyang sariling bahay. 29 Kasunod nilang gumawa si Zadok, na anak ni Imer, sa katapat ng sariling bahay at si Semaya, na anak ni Sekanias, na bantay sa Pintuan sa Silangan. 30 Kasunod nila si Hananias, na anak ni Selemias, at si Hanun na anak ni Zalaf. At sumunod si Mesulam na anak ni Berekias na gumawa sa katapat ng tinitirahan niya. 31 Kasunod niya si Malkias na platero hanggang sa tirahan ng mga ibinigay at ng mga mangangalakal, sa katapat ng Pintuan ng Bantay hanggang sa silid sa itaas ng Panulukan, 32 gumawa ang mga platero at mangangalakal mula sa Panulukan hanggang sa Pintuan ng mga Tupa.

Sinubukang pahinain ang loob ni Nehemias ng kanyang mga kaaway

• 33 Nagalit si Sanbalat nang mabalitaan niyang muli naming itinatayo ang pader. Tinuya niya ang mga Judio 34 at sinabi niya sa harapan ng kanyang mga kapatid at ng mga pinuno ng Samaria: “Ano ang magagawa ng mga kahabag-habag na Judio? Tatapusin ba nila ang pagsasaayos at ang pagdiriwang sa iisang araw? Magbibigay-buhay ba sila sa mga sunog na bato mula sa mga guho?”

35 At nagsabi si Tobias na Amonita na katabi niya: “Magtayo man sila, mawawasak din ang batong-pader nila ng kahit anumang asong-gubat.”

36 Pakinggan ninyo kami, O Diyos, sapagkat hinahamak kami! Bumagsak nawa sa kanilang mga ulo ang kanilang paghamak; dustain sila sa lupaing pagtatapunan sa kanila! 37 Huwag mong patawarin ang kanilang pang-aalipusta; o huwag pawiin ang kasalanan nila sa iyong harapan, sapagkat inalipusta nila ang mga gumawa.

38 Buong-pusong nagsigawa ang bayan at natapos namin ang kalahati sa taas ng pader.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Nehemiah | 1 Comment

Nehemiah 2

Iniwan ni Nehemias ang lahat upang magtungo sa Jerusalem

• 1 Sa buwan ng Nisan, sa ikadalawampung taon ni Haring Artaherhes, tinupad ko ang aking tungkulin at ibinigay ang alak sa hari. Hindi pa ako naging malungkot na tulad niyon sa harapan ng hari. 2 Sa gayon sinabi sa akin ng hari: “Bakit ka nalulungkot? Hindi ka naman mukhang may sakit. May bumabagabag ba sa iyo?”

Labis akong naligalig. 3 At sinabi ko: “Mabuhay sana magpakailanman ang hari! Paano akong hindi malulungkot samantalang naguguho ang lunsod na kinalilibingan ng aking mga ninuno at sunog ang mga pinto?” 4 Sinabi sa akin ng hari: “Kung gayon, ano ang gusto mo?” Humingi ako ng tulong sa langit 5 at sinabi ko sa hari: “Kung mamabutihin ng hari at kung nasisiyahan siya sa kanyang lingkod, ipadala mo nga ako sa lupain ng Juda, sa lunsod na kinalilibingan ng aking mga ninuno, upang itayo kong muli iyon.”

6 Nakaupo ang reyna sa tabi ng hari, at tinanong ako ng hari: “Gaano katagal kang mawawala? Kailan ka babalik?” Sinabi ko sa kanya ang petsa at pinahintulutan niya akong umalis. 7 At sinabi ko sa hari: “Kung mamabutihin ng hari, bigyan sana ako ng mga sulat para sa mga gobernador ng probinsiya sa kabilang ibayo ng Ilog upang makapaglakbay ako sa Judea. 8 Bigyan ako ng isa pang sulat para kay Asaf, ang engkargado ng kagubatan ng hari, upang tanggapin ang kahoy ukol sa mga pinto ng kuta na malapit sa templo, gayon din sa mga pader ng lunsod at sa bahay na titirahan ko.”

Sumaakin ang mabuting kamay ng aking Diyos, kayat ipinagkaloob sa akin ng hari ang lahat. 9 Dumating ako sa mga gobernador sa kabilang ibayo ng Ilog, at ibinigay ko sa kanila ang mga liham ng hari. Iniutos na ng hari na samahan ako ng mga opisyal at ng mangangabayo. 10 Ngunit sa Jerusalem, nalaman nina Sanbalat na Horonita at Tobias na Ammonita ang aking pagdating, at hindi nakasiya sa kanila na may dumating na tutulong sa mga Israelita.

11 Dumating ako sa Jerusalem at nanatili roon ng tatlong araw. 12 Pagkatapos, bumangon ako nang hatinggabi, kasama ang ilang tao, nang wala akong pinagsasabihang sinuman kung ano ang balak ipagawa sa akin ng aking Diyos sa Jerusalem.

Kasama ang tanging kabayo na sinakyan ko, 13 lumakad ako sa kalaliman ng gabi patungo sa Pintuan ng Basura, at siniyasat ko ang nasirang pader ng Jerusalem at ang sinunog na mga pintuan.

14 Nagtuloy ako sa Pintuan ng Bukal at sa Imbakan ng Tubig ng Hari, ngunit walang maraanan ang aking kabayo. 15 Kayat umakyat ako, sa dilim ng gabi, sa gilid ng bangin upang siyasatin ko ang pader at nagbalik pagkatapos, sa pagdaraan sa Pintuan ng Lambak, at umuwi na.

16 Hindi alam ng mga tagapayo kung saan ako nanggaling at kung ano ang aking ginawa. Wala pa akong napagsasabihang Judiong opisyal o pari o matatanda o tagapamahala.

17 Noon ko sinabi sa kanila: “Nakita na ninyo ang abang kalagayan natin dahil sa nawasak ang Jerusalem at sunog ang mga pintuan. Halikayo, itayo nating muli ang mga pader ng Jerusalem. Huwag na tayong maging kahiya-hiya.” 18 At nag-ulat ako sa kanila na sumasaakin ang mabuting kamay ng Diyos at kung ano ang sinabi sa akin ng hari. Sinabi nila: “Humayo at magtayo!” At tinatagan ang sarili para sa mabuting layuning iyon.

19 Nabalitaan ito nina Sanbalat na Horonita, Tobias na Amonita at Gesem na Arabe, at pinagtawanan kami at sinabi: “Ano ang ginagawa ninyo? Naghihimagsik kayo laban sa hari!” 20 Sumagot ako sa kanila: “Papagtatagumpayin kami ng Diyos ng langit samantalang gumagawa at nagtatayo kaming kanyang mga lingkod. At kayo ay walang karapatan o mana o kinalaman sa Jerusalem.”

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Nehemiah | 1 Comment

Nehemiah 1

Paano tinawag si Nehemias

 

1      1 Ito ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hekalias. Sa buwan ng Kisleu, sa ikadalawampung taon ni Ha­-ring Artaherhes, nasa kuta ako ng Susan nang dumating mula sa Juda si Ha­nani, ang isa sa aking kapatid na lalaki, kasama ang ilang kalalakihan.

 

 Inusisa ko sila tungkol sa Jerusalem at sa mga nalabing Judio na nagbalik mula sa pagkatapon.

 

3 Sinagot nila ako: “Nasa gitna ng matinding pagdarahop at kahihiyan ang mga nalabing Judio na nagbalik sa pro­binsya mula sa pagkatapon. Nasira ang pader ng Jerusalem at sinunog ang mga pinto niyon.”

 

4 Nang marinig ko ang mga salitang iyon, naupo ako at umiyak. Nagdalam­hati ako nang ilang araw, ngunit nag-ayuno at nanalangin sa harapan ng Diyos ng langit. 5 At sinabi ko: “O Yawe, Diyos ng langit, nakakatakot ka at daki­la. Matapat ka sa iyong tipan at kabutihang-loob sa mga nagmamahal sa iyo at tumatalima sa iyong mga kautu­san. Makinig nawa ang iyong mga tainga at mabuksan ang mga mata upang mapakinggan ang pana­la­ngin ng iyong alipin!

 

Narito ako ngayon sa iyong harapan araw at gabi, dahil sa iyong mga lingkod, ang mga anak ng Israel. Ikinu­kum­pisal ko sa iyo ang mga kasalanan ng Israel. Nag­kasala nga kami laban sa iyo. Ako man at ang sambahayan ng aking ama ay nag­kasala rin. 7 Nag­taksil kami sa iyo at hindi tumupad sa iyong mga kautusan, batas at tagubilin na iti­nakda mo sa iyong lingkod na si Moises.

 

8 Ngunit alalahanin mo ang sinabi mo kay Moises: ‘Kapag gagawa kayo ng masama, ikakalat ko kayo sa iba-ibang bansa. 9 Ngunit kapag bumalik kayo sa akin upang tuparin at isagawa ang aking mga utos, titipunin ko kayo. Kahit nasa dulo kayo ng daigdig, paba­balikin kayo sa lupain na pinili ko upang inyong tirahan.’

 

10 Mga lingkod at bayan mo sila, na ini­ligtas ng iyong dakilang kapangya­rihan at malakas na kamay. 11 Dinggin mo ang aking dalangin at ang dalangin ng iyong mga lingkod na hangad na igalang ang iyong Pangalan. Papagta­gumpayin mo ako ngayon upang tang­gapin ako ng hari.”

 

Ako noon ang namamahala sa inumin ng hari.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Nehemiah | 1 Comment

1 Mga Hari: Komentaryo

Ang panahon ng Mga Hari ang ikatlong yugto sa kasaysayan ng Israel. Kasunod ito ng panahon ng Mga Patriyarka (si Abram sa taong 1750 bago dumating si Kristo) at ng panahon ng Exodo at Pananakop (si Moises sa taong 1250 bago kay Kristo).

Nakuha ni David ang Jerusalem mga taong 1000 bago kay Kristo. Mahahati naman ang kaharian ni David at ng kanyang anak na si Solomon pagkamatay ni Solomon sa taong 932 bago kay Kristo. At pagkaraan ng dalawang dantaon, mawawala bilang bansa ang hilagang bahagi na tinatawag na kaharian ng Israel. Mananatili naman ang bahaging timog na tinatawag na kaharian ng Juda hanggang sa taong 587, ang taon ng pagkawasak ng Jerusalem at ng Templo pati na ng Pagkatapon sa Babilonia.

Apat na dantaon ito sa kabuuan. At ang apat na dantaong ito ng Mga Hari ang pinakaimportante sa banal na kasaysayan. Sapagkat ito humigit-kumulang ang panahon nang palitawin ng Diyos ang mga propeta mula sa bayang iyon.

Sa apat na dantaong ito nasulat ang malaking bahagi ng Biblia. Hindi lamang ang mga dakilang propeta ang nag-iwan ng kanilang mga gawa: Isaias, Jeremias… kundi ang mga pangkat ng mga propeta na di masyadong mahalaga ang silang sumulat sa malaking bahagi ng kasaysayan ng Israel: ang mas maraming bahagi sa mga pahina ng Genesis at ng Exodo, ang mga libro ng Deuteronomio, Josue, Mga Hukom, Samuel at Mga Hari.

Kaya masasabi nating ang panahon ng Mga Hari ang pinakaimportante sa banal na kasaysayan, at ito ang panahong alam natin nang may higit na katiyakan.

Magiging pagbagsak at kabulukan nga lamang ng Kaharian ng Israel ang apat na dantaong ito kung ang kasaganaan lamang at kapangyarihan nito ang pagtutuunan natin ng pansin. Pero sa apat na dantaong ito lumago ang pananampalataya ng Israel na nahaharap sa lahat ng klase ng tukso, pag-uusig at kahirapan, hanggang marating ang kadakilaan at kaliwanagan sa mga dakilang propeta na tanging si Kristo lamang ang mas makapagsusulong.

Ang Aklat ng Mga Hari
Sa simula’y iisang aklat lamang ang dalawang libro ng Mga Hari. Bunga ng pagninilay ng mga propeta ang librong ito na binuo at tinipon sa panahon ng Pagkatapon sa Babilonia.
Isa itong kasaysayang panrelihiyon kaya naman kusang di isinasama ang mga bagay-bagay na maaaring importante para sa iba: halos wala itong sinasabi tungkol sa mahalagang paghahari nina Omri at Yeroboam II sa Samaria. Laging di maganda ang paghuhusga nito sa mga hari ng Israel (Kaharian ng Samaria), at isinisisi sa kanila ang pagkakahati ng matandang Kaharian ni David. Ilang hari lamang ng Juda ang pinupuri nito dahil sa kanilang katapatan kay Yawe.
Tatlong bahagi ang mapapansin:
- ang karilagan ng paghahari ni Solomon at ng Templo;
- ang kasaysayan ng dalawang kaharian ng Israel at Juda matapos mahati;
- matapos maglaho ang kaharian ng Israel, nagpapatuloy ang kasaysayan ng Juda hanggang sa pagkawasak nito sa taong 587.
Bumubuo ng isang hiwalay na bahagi ang mga kabanata tungkol kina Elias at Eliseo: 1 Hari kab. 17-19 at 2 Hari kab. 2 hanggang 8

• 2.1 Isinasalaysay ng unang dalawang kabanata ang paghalili kay Haring David.
Sa pagwawakas ng kanyang buhay, dalawang anak na niya ang naghahangad ng kapangyarihan (tingnan 2 S 3:2), kaya hinihirang niya ang asawa na ang anak ay tagapagmana ng trono. Kaya itinatalaga si Betsabe na inang-reyna at ang kanyang anak namang si Solomon ang maghaharing kahalili ng kanyang amang si David. Mula sa araw na ito, mababatid ng aklat ng Mga Hari ang kahalagahan ng dinastiya ni David sa kasaysayan ng pagliligtas kaya babanggitin nito sa bawat paghahari ang asawang itatalagang inang-reyna na ang anak ay aakyat sa trono sa Jerusalem (hindi ito gagawin para sa hari ng Israel sa rebeldeng kaharian). At pagdating ni Jesus na tunay na inapo ni David, sasabihin naman sa atin kung sino ang babaeng hinirang sa lahat, ang inang itinalaga ng Diyos sa kanyang kataas-taasang kapangyarihan, na magsilang sa Anak at Tagapagmana (Lc 1:31; 1:42; Heb 1:2).
Tuparin mo ang mga utos ni Yaweng iyong Diyos. Ito ang karunungan ng mga propeta: mananagana ang hari at ang kanyang bayan kung tinutupad nila ang mga batas na ito.
Yoab… Semei… (5 at 8) Pinatawad na sila ni David, pero bakit hinihingi niya ngayon kay Solomon na patayin sila? Wala itong kinalaman sa pagkakaroon ng sama ng loob ni David kundi sa paniniwala niya sa pamahiin tulad ng mga tao ng kanyang panahon. Para sa kanila, ang sumpang binigkas ni Semei (2 S 16:6) o ng sino pa man ay nananatiling nakabitin sa ere at maaaring biglang bumagsak na lamang sa mga inapo ni David. Ang pagliligpit kay Semei ang pinakamabisang paraan upang sa kanya mismo bumagsak ang sumpa at maligtas ang mga inapo ni David. Gayundin naman, ang dugong pinadanak ni Yoab (2 S 3:28) ay sumisigaw sa langit at mas mabuting iligpit siya upang sa kanya ibunton ang katarungan ng Diyos at hindi sa mga anak ni David.
Si Solomon ang magiging halimbawa ng taong pinagkalooban ng Diyos ng lahat ng puwede nitong naisin. Isang malakas na bayan ang iniwan ni David dahil sa kanyang mga tagumpay. Maayos ang ekonomiya at buhay ang sambayanan. Wawaldasin namang lahat ni Solomong Kahanga-hanga. At pagdating sa bagay na ito, siya ang pinakasalamin ng kanyang bayan: abut-abot sa kanya ang pagpapala ng Diyos, “nagpakabusog siya, nagpatabang gaya ng toro at pagkatapos nama’y tinalikuran at itinakwil ang kanyang Diyos” (Dt 32:15).

• 3.1 Ipinakikita ng librong ito si Solomon sa tatlong gawain nito na nagpatanyag sa kanya bilang hari:
- ang kanyang karunungan, kab. 3-5;
- ang kanyang mga pagpapatayo, kab. 6-8;
- ang kanyang mga pinagkakaabalahan, kab. 9-10.
Nagtatapos ang salaysay sa kab. 11 sa hatol ng Diyos sa kahariang ito: handa na ang pagkakahati at pagbaligtad ng mga pangyayari.
Alam na natin na kabilang sa mga asawa ni Solomon ang anak ng Paraon: patunay ng katanyagan ng maliit na bansa ng Israel dahil hindi ibinibigay na asawa nang basta na lamang kung kanino ang mga anak ng Paraon.
Sinasabing pumupunta pa rin siya sa mga Altar sa Burol para sumamba. Nang sumunod na mga dantaon, mahigpit itong ipinagbawal nang ang Templo ng Jerusalem ang naging tanging kalugud-lugod kay Yawe. Nang mga sandali namang iyon, wala pang panuntunan kayat pumupunta si Solomon sa Gibeon kung saan naroon ang isang napakatandang santuwaryo. Siya mismo ang nag-aalay ng mga hayop na handog, na magiging pribilehiyo ng mga pari sa tribu ng Levi.

• 4. Tanyag na tanyag ang “panaginip” ni Solomon. Talinhaga lang marahil ng sumulat ang panaginip na ito para maipaliwanag sa atin ang mga saloobin ni Solomon nang magsimula siyang maghari.
Hingin mo ang gusto mo. Ito ang handog ng Diyos sa batang Solomon na kanyang mahal. Ito ang handog ng Diyos sa sinumang kabataang nahaharap sa kanyang mga responsabilidad sa unang pagkakataon. Hindi isang kapalarang ipapataw sa kanya ang kanyang buhay, kundi sa paano’t paano ma’y ibibigay sa kanya ng Diyos ang kanyang hinahangad. “Ano ang hinahanap ninyo?” (Juan 1:38).
Ipinakita mo kay David na aking ama ang dakilang pag-ibig. Hindi nagsimula sa wala ang batang hari. Utang niya ang lahat sa kanyang mga ninuno, at galing naman sa Diyos ang lahat ng ipinagkakautang niya sa kanyang mga ninuno. Alam ni Solomon na nakipagsumpaan si Yawe kay David magpakailanman: “Hindi ko kailanman tatanggihan ang iyong mga anak.”
Pagkalooban mo ako ng pusong maunawain para pamunuan ang iyong bayan. Mahalaga kay Solomon na maisagawa niya ang kanyang mga responsabilidad. At ayaw niyang sirain ang pag-asa ng kanyang bayan.
Ngunit ibang mga anyo ng “karunungan” ang nasa isip ni Solomon, mga paraang lubos na pinahahalagahan nang panahong iyon:
- ang iorganisa ang kanyang buhay para mabuhay siya nang matagal. Huwag magkaproblema ni mabalisa, manatiling malayo sa mga sakripisyong hinihingi ng isang maharlikang pamumuhay;
- ang mga yaman, kasiyahan sa buhay, ang maglibang, maging komportable, “maggudtaym”;
- ang pagkamatay ng mga kaaway, ibig sabihi’y ang matagumpay na kapangyarihan, ang kasiyahan ng personal na kayabangan.
Binibigyan kita ngayon ng isang pusong marunong; at ibinibigay ko rin sa iyo ang hindi mo hiningi. Ito rin ang aral ni Jesus sa Mateo 6:33.

• 16. Pinatototohanan dito ng kilalang-kilalang kaalaman ni Solomon sa paghatol ang karunungang tinanggap niya para sa kapakanan ng kanyang bayan.
Tingnan nating mabuti ang pagkilos ni Solomon. Puwede sana niyang paalisin ang dalawang babae: “Wala namang gana ang mga taong ito. Sila ang umareglo sa kanilang mga problema.” Hindi tiningnan ni Solomon na babaeng bayaran ang dalawang ito, kundi hinanap niya kung sino talaga ang ina. Kaya umisip siya ng solusyon na hindi itinatadhana ng batas.
Ipinakikita ng kanyang pamamaraan na hindi maigagawad ang katarungan sa pamamagitan lamang ng mga tekstong tungkol sa batas. Ang mga responsable ang kailangang tumingin sa tao nang may parehong pang-unawa na ginagawa ng Diyos sa pagsaliksik sa kaibuturan ng puso ng lahat.

• 5.1 Matalino sa paghuhukom, matalino sa pamumuno sa kanyang nasasakupan, matalino sa paggawa ng mga kasabihan, salawikain at salmo. Sa kanya galing ang pinakaunang maliit na simula ng aklat ng Mga Kasabihan. At pagkatapos ay palalabasin naman ng sumulat ng Aklat ng Karunungan na gawa ito ni Solomon. Kaya sa Biblia, si Solomon ang lumilitaw na sumulat ng Eclesiastes, Awit ng mga Awit, Karunungan gayong iba ang talagang sumulat ng mga ito.
Tinipon ni Solomon sa kanyang palasyo ang mga manunulat na silang susulat at bubuo sa mga tradisyon ng Israel na hanggang sa mga sandaling iyo’y kalat-kalat o pabukambibig lamang na isinasalin. Sa panahong ito nila isinulat ang pinakamatatandang libro ng Biblia (tingnan ang Introduksyon sa Genesis).

• 6.1 Ang Bahay ni Yawe o Templo ng Jerusalem ang unang pagpapatayo ni Solomon. Mabibilang ito sa mga kahanga-hangang bagay sa matandang daigdig.
Ang tolda ng Kaban sa disyerto ang naging sentro ng isang pagsambang meron ang mga tribung pagala-gala. Ngunit mula ngayo’y magiging sentro ng isang panlunsod at di palipat-lipat na kultura ang Templo na medyo kahawig ng mga templo ng mga Kananeo. Gaya sa pagsamba ng mga Kananeo ang mga pag-aalay at mga piyestang ipinagdiriwang doon. Sinisimulan ng Israel ang isang bagong yugto ng kanyang kultura at iniaayon din sa bago nitong sitwasyon ang pagsamba.
Hindi nangangailangan ng templo ang Diyos kundi ang mga tao (tingnan 2 S 7:7).
- Naroon ang tapat na pagnanais na parangalan si Yawe sa pagbibigay sa kanya ng isang bahay na pinakamaganda sa lahat. Kaya sa Biblia, ang Templo ang laging tinatawag na Bahay ni Yawe.
- Sa kabilang parte naman, gustong ipahayag ng bayan ang kanilang tagumpay at makapagmamalaki sila sa pagkakaroon ng isang templo na maaaring makipagpaligsahan sa mga templo ng ibang mga bayan.
- Naroon din ang hangaring magkaroon ng isang bagay na maganda bilang isang nakikitang larawan ng luwalhati ng Diyos na di-nakikita. Para sa mga Israelita, ang Templo ng Jerusalem ang pinakapatungan ng dinakikitang Templo na pinanahanan ni Yawe sa kanyang Luwalhati. Siya ang nagbawal sa kanilang ilarawan siya sa anyo ng kanyang mga nilalang. Ngunit madedekorasyunan kahit ang Bahay man lang ng ginto at mamahaling kahoy.
- At naroon din ang pagkabahalang makapiling ang Diyos para pangalagaan nito ang kanyang bayan. Kasabay ng pagsasabi ni Yawe na wala siyang ibang templo kundi ang buong sanlibutan (8:27), gusto rin naman niyang makapiling ang kanyang bayan (Dt 12:5). Kayat nasa Jerusalem si Yawe sa “kanyang banal na tahanan” (Jer 25:30) para ipagtanggol ang kanyang bayan (Is 31:5).
Tulad ni Solomon sa bagay na ito ang mga hari at makapangyarihan ng nagdaang mga dantaon: gusto nilang palamutian ang mga simbahan sa ginto at pilak. Iniisip nilang kailangang maging mas maganda pa ang Bahay ng Diyos kaya sarili nilang mga tahanan. Igalang natin ang kanilang debosyon. Pero nauunawaan natin ngayon na mga magkakaibang kriterya ang namamahala sa siyudad ng Diyos at ng mga tao. Hindi laging nakakatulong sa atin ang kayamanan ng mga templo para madiskubre ang pinakadakila sa Diyos.

• 14. Walang ibang laman ang Kabanal-banalang Lugar na pinakasagradong bahagi ng Templo kundi ang Kabang may mga tinapyas na bato kung saan pinagtibay ang pakikipagtipan ng bayan kay Yawe. Nasa harap ng silid na ito ang Banal na Lugar na kinalalagyan ng mga may sinding sagradong kandila at siyang pinagsusunugan ng insenso. Naroroon din ang labindalawang tinapay na iniaalay linggu-linggo (tingnan 1 S 21:5). Binubuo pa ang bahay ng pasukang bulwagan at sa buong paligid nama’y may malawak at maaliwalas na mga patyo na matatayuan ng mga tao sa kanilang pagdarasal.

Pangkaraniwan na sa maraming matatandang relihiyon ang ayos na ito ng iba’t ibang kuwarto patungo sa pinakasagradong lugar. Ipinapaliwanag nito na hindi makalalapit ang tao sa Diyos nang walang kinakailangang paghahanda. Kahit na nasa piling ng kanyang bayan si Yawe, hinding-hindi pa rin maaabot ang kanyang misteryo.
Nasasalamin sa ayos na ito kung ano ang nasa kaloob-looban mismo ng tao na tunay na Templo ng Diyos. May isang natatangi at napakapersonal na lugar sa loob natin kung saan naroon ang Diyos (tingnan Jn 14:23). Sa pagsasabi sa atin ni Jesus na “makipagtagpo sa Ama nang lihim” (Mt 6:6), hindi ito nangangahulugan ng pagdarasal lamang sa isang hiwalay na lugar kundi ang hanapin sa loob natin ang Kabanal-banalang Lugar kung saan ipinadarama ng Espiritu ang kanyang sarili.

• 7.1 Itatayo ni Solomon ang kanyang palasyo sa bundok ng Templo, katabi ng Bahay ng Diyos. Maaaring bale-wala sa atin ang paglipat na ito ng tirahan ng hari sa bundok ng Templo mula sa lungsod sa ibaba. Pero nakatago sa likod nito ang isang bagong pagkaunawa sa kapangyarihan na inihahatid ni Solomon sa Israel. Si David na kanyang ama, ang haring “malapit sa kalooban ng Diyos”, ay nagtayo ng kanyang palasyo sa piling ng kanyang bayan (2 S 5:9) at nang magtayo siya ng altar para kay Yawe, itinayo niya iyon sa burol na nakatunghay sa bayan sa hilaga. Pero iniwan ni Solomon ang palasyo ng kanyang ama at itinayo ang kanyang marangyang tirahan sa burol na ito katabi ng Templo. Makahulugan ang asal na ito. Mula ngayon, sa banal na bundok titira ang Diyos at ang hari, at sa ibaba naman ang mga tao. At mariing binalaan ni Samuel si Saul na unang hari, na kapwa saklaw ng mga hinihingi ng Batas ang hari at ang mga tao (2 S 12:14-15).
Pero nagbingi-bingihan si Solomon; gaya ng napakaraming prinsipe at diktador, hangad niyang ipantay ang kanyang kapangyarihan sa walang-takdang kapangyarihan ng Diyos. Inilalayo niya ang kanyang sarili sa mga tao at inilalagay ang sarili sa tabi ng Diyos. Ang paglihis na ito sa kahulugan ng kapangyarihan ay babatikusin ng mga propeta (Jer 22:13-19), at ipakikita ni Jesus sa kanyang halimbawa na lahat ng kapangyarihan ay isang paglilingkod (Mc 10:41-45).

• 8.2 Sa araw ng pagpapasinaya sa Templo, ipinadarama ng Diyos ang kanyang presensya sa pamamagitan ng ulap. Sa Exodo, ito ang nakikitang tanda ng presensya ni Yawe sa Jerusalem.

Sa paglipas ng panahon, maraming di-gaanong disenteng bagay ang nangyari sa mga patyo ng Templo. Nagtayo pa sila ng mga altar sa mga diyus-diyusan at nagkaroon ng sagradong prostitusyon ayon sa kaugalian ng mga pagano (tingnan 2 Mga Hari 23:4-7). Ngunit hindi sinasabing iniwan ni Yawe ang kanyang Santuwaryo kung saan siya nanatili bunga ng katapatan niya sa kanyang Tipan.
Nang nalalapit na ang wakas ng Jerusalem, saka lamang nagkaroon ng pangitain si Propeta Ezekiel tungkol sa pag-alis ng ulap mula sa Templo: ang ibig sabihin nito’y mamumuhay na si Yawe sa piling ng kanyang mga tapat na idineport sa Babilonia (Ez 9:3).
Sa dakong huli naman, sa Pagbubunyag 15:8, makikita ni Apostol Juan ang ulap na ito sa makalangit na Templo matapos makita ito kay Jesus sa kanyang pagbabagong-anyo.

• 22. Tinupad ni Yawe ang salitang kanyang binitiwan (20 at 25).
May dalawang pangako ang Diyos kay David. Sinasabi sa una na ang anak nito ang magtatayo ng templo; sa pangalawa nama’y nasasaad na sa kanyang mga inapo mananatili ang trono ng Israel.
Mahalaga na bigyang-pansin kung paanong hangad ng Diyos, ang Diyos na di-nakikita at siyang Maykapal sa sanlibutan, na mapasaisang tiyak na lugar – ang Jerusalem – at makapiling ng partikular na mga tao – ang mga inapo ni David. Ang Iglesya ngayon ang siyang pagpapatunay ng nakikitang sentrong ito. Panlahat ang Kaharian ng Diyos. Ngunit nakikipag-ugnay ang Iglesya kay Kristo sa maayos at malinaw na pagkakasunud-sunod ng mga tao: ang mga obispo at ang papa.
Ang panalanging ito ni Solomon, na kinatha marahil ng isang propeta sa panahon ng mga hari, ay nagbibigay-diin kapwa sa kahalagahan at limitasyon ng Templo. Doon nananahan ang “Pangalan” ng Diyos, doon diringgin ng Diyos ang mga panalangin ng kanyang bayan (8:30-53). Gayunpaman, ang Templong ito na gawa ng mga kamay ng tao “ay hindi mailalaman ang Diyos at ang kanyang Luwalhati,” at lalong hindi ang makalupang tahanang ito.
Ang pananaw na ito tungkol sa Templo ay laging babanggitin sa aral ng mga propeta. Gaano man kadakila, ang Templo ay hindi magiging isang “anting-anting” para sa Israel. Ito ang tanda at alaala ng presensiya ng banal na Diyos.
Dahil dito, masesentro sa Templo ang buong teolohiya ng Israel. Sa Diyos ang lupa at langit, pero sa lupang ito, isang bansa ang inaangkin niya sa isang natatanging paraan – ito ang Lupa ng Pangako. Sa Lupang Pangakong ito, kanya ang lahat ng bayan, pero isa sa kanila ang pinakamamahal. At nasa lungsod na ito, sa puso ng lungsod na ito, ang banal na bundok na kinatatayuan ng tahanan ni Yawe.
Kaya sa Templo umiikot ang buong sanlibutan. At madaling maunawaan kung bakit ang pagkawasak nito nang taong 587 ay isang di-maisip na pagsubok para sa pananampalataya ng Israel: nang mawala ang Templo ng Jerusalem, nawala ang sentro ng sanlibutan.
Kung ang sanlibutan ay antas-antas na nakasentro at natipon sa Templo, sa Bagong Tipan naman, si Kristo – ang Bagong Templo – ang pinagmumulan ng paglaganap ng kaligtasan: “Kayo ang magiging mga saksi ko, sa Judea at sa Samaria hanggang sa dulo ng daigdig.”

• 30. Matapos humiling para sa kanyang mga inapo, nakikiusap naman si Solomon para sa bayan. Bigyang-diin natin ang ilang mga bagay.
Pawalang-sala ang matuwid. Ayon sa isang kaugalian nang panahong iyon ang unang kahilingan (tingnan Blg 5:11). Sa oras na di mapagtibay ang katotohanan sa anumang krimen, kailangang manumpa ang nasasakdal na wala siyang kasalanan, at tinatanggap niya ang lahat ng parusa ng Diyos kung nagsinungaling siya sa kanyang pagsumpa. Kumbinsido ang mga tao na laging nakikialam ang Diyos at di niya pababayaang walang parusa ang sinungaling.
Kung walang ulan sapagkat nagkasala sila sa iyo… Ang panalangin ay para sa mga taong makasalanan at alam ang kanilang pagkamakasalanan. May takot sila sa Diyos na nagpaparusa pero naniniwala silang nagpapatawad ang Diyos. Naniniwala silang hindi makukuha ang Diyos sa mga panalangin at mga seremonya kundi sa pagsisisi.

Matakot sila sa iyo (40). Sa Biblia, nangangahulugan ng pagsasaalang-alang at paggalang sa Diyos ang matakot sa Diyos. Pero totoo rin naman nang panahong iyon na hindi pa alam ang ganap na pagsamba “sa espiritu at sa katotohanan” (Jn 4:23) at takot ang mga tao sa Diyos at sa kanyang mga parusa.
Mababalitaan ng mga dayuhan ang iyong nakaunat na bisig. Isinulat ang panalanging ito pagkalipas ng mga dantaon nang magsimula ang pagmimisyon ng mga Judio na nakaakit sa maraming pagano sa kanilang pananampalataya sa iisang Diyos.

• 10.1 Nagsimulang magnegosyo si Solomon. Bumili siya ng mga barko ng Tarsis para sa matagalang paglalayag at papaghahanapin niya ang mga ito ng ginto at pabango sa mga baybayin ng Africa. Nagbebenta siya ng mga karwahe ng Ehipto sa mga Heteo sa hilaga, at ng mga kabayong Heteo naman sa mga Ehipsiyo. Umabot hanggang sa reyna ng Seba sa timog ng Arabia ang katanyagan ng kanyang yaman at karunungan.
Sa totoo’y isang napakaliit na bayan ang Israel sa gitna ng dalawang malaking imperyo ng Ehipto at Babilonia. Nagkataon namang mapayapa at parang natutulog ang mga imperyong ito sa panahon nina David at Solomon. Naging sapat na ito para maisip ng mga Israelita na sila ang pangunahing bansa sa daigdig, at makita si Solomon bilang pinakadakilang hari sa lahat ng panahon.
Dumating ang reyna ng Seba para subukin sa mabibigat na katanungan si Solomon. Hindi aspektong komersiyal ng pagdalaw na ito ang binibigyan ng pangunahing lugar ng Biblia. Lilitaw lamang ang tungkol sa bagay na ito sa dakong huli ng barter o palitang sinasabi sa mga bersikulo 10 at 13.
Nagiging makasaysayang tagpo ang pakikipagkita ni Solomon sa reyna ng Seba:
- Nakikita ng pantas na si Solomon at ng kanyang bayan ang mga kayamanan at naiibang produkto ng ibang mga bansa. “Mas malaki pala ang mundo kaysa akala natin!” Kaya naman dapat silang magkaroon ng mas malawak na pananaw sa relihiyon bunga nito. Hindi lamang Diyos ng isang maliit na bansa si Yawe kundi panginoon ng napakalawak na sanlibutan.
- Mayamang babae ang reyna ng Seba pero hindi pa rin siya nasisiyahan. Walang binabanggit tungkol sa kanyang asawa. Naakit siya ng makalangit na karunungan na nakikita sa haring “Mahal ni Yawe” (2 S 12:29). Aalalahanin ni Jesus ang pagbisitang ito sa Mateo 12:42.

• 23. Nang panahong iyo’y kamangha-mangha na para sa mga Israelita ang yaman ni Solomon at ang dami ng mga karwahe at mga kabayong bumubuo ng kanyang hukbo. Pagkalipas ng ilang dantaon, mapagninilayan nilang napakakaunti ng naging silbi ng kapangyarihang ito sa napakalaking naging kabayaran ng bansa. Ang pulitika ng pagpapasikat at ng naglalakihang patrabaho ay nangangailangan ng pagpapataw ng sapilitang pagpapatrabaho sa bayan. Isa ito sa mga dahilan ng pagkahati ng kaharian pagkamatay ni Solomon. Kaya naman hindi na nila inalala nang may pagmamalaki ang karangyaan ng kanyang paghahari at mas pinahalagahan ang katarungan.
Kahit na hangad nga ng mananampalatayang sumagana ang kanyang bansa, hindi siya nagpapasilaw sa mga pangarap ng mayabang na kadakilaan. Hindi tumitigil ang Iglesya sa paglalantad at pagtuligsa sa kasalanang napapaloob sa mga gastos ng militar o mga gastos para lamang tumanyag. Alam ng bawat isa na ang kabuuang badyet pangmilitar ng mundo ay makasasapat na para sa industriyalisasyon ng lahat ng bansa.

• 11.1 Hindi na naiiskandalo ang Biblia sa pagkakaroon ni Solomon ng maraming asawa. Nang panahong iyon, patunay sa yaman ng lalaki ang maraming asawa. Pinagsasabihan siya ng Biblia dahil sa mga asawa niyang pagano. Pinarami niya ang mga asawang dayuhan at nakipagtipan din siya sa mga bayan ng mga iyon, na di nakakakilala sa Diyos, at tinularan niya sila sa kanilang materyalismo.
Pinapupurol ng luho ang karunungan. Ipinagmamalaki ni Solomon ang kanyang pagkalalaki nang di namamalayang inuutus-utusan lamang siya ng kanyang mga asawa. Kasamang dumating ng mga dayuhang babae ang kanilang mga pari at paganong kulto na magbubulid sa Israel sa pagsamba sa diyus-diyusan at materyalismo. Maging ang puso ni Solomon ay tatalikod sa Diyos.
Inakala ng bayan na kailangang mapalibutan ng luho at parangal ang haring pinagpapala ni Yawe. Ngunit paglipas ng mga panahon, aalalahanin ng mga propeta na nagpapamanhid sa puso ng isang pinuno ang kapangyarihan, kayamanan at luho (Dt 17:14). May parehong karanasan ang lahat ng bayan sa kabuuan ng kasaysayan. Gayundin naman sa Iglesya, inakala ng mga mananampalataya sa loob ng mga dantaon na angkop lamang na magmukhang maharlika ang kanilang mga obispo at papa. At pinagbabayaran naman natin hanggang ngayon ang mga bunga ng kanilang mga pagkakamali.
Hindi mo tinupad ang aking Tipan. Ang pag-oorganisa sa kanyang buhay at sa kanyang bansa nang hindi hinahanap ang kalooban ng Diyos ang talagang kasalanan ni Solomon. Nabuhay siyang gaya ng ibang mga hari at sariling ambisyon ang isinakatuparan. At inakala niyang sapat na ang humingi ng pagpapala kay Yawe.

• 26. Naghimagsik din sa hari si Yeroboam. Sa mga huling taon ni Solomon, marami sa kanyang mga kalaban ang naghimagsik. Narito ngayon ang lalaking aagaw sa malaking bahagi ng lupain mula sa anak ni Solomon at ganap na hahati sa sambayanan.
Sa tula tungkol sa Tore ng Babel (Gen 11), inilalahad ang pagkakawatak-watak ng mga bayan bilang pinakabunga at parusa sa mayabang na pamumulitika. Ganito rin ang makikita sa Kaharian ng Israel.
Ibibigay ko sa iyo ang sampung tribu. Bale labindalawang tribu ang Israel. Sa totoo’y puwede nating sabihing dalawa. Nasa timog ang Juda at ang karatig nitong Simeon na di gaanong malaki. Nasa hilaga naman ang Israel na namumuno sa iba pang siyam na di gaanong mahalaga. Mula pa man nang pag-isahin ni David ang mga ito, ginising na una ni Absalom at ng iba pang sumunod sa kanya ang pagnanais sa autonomiya ng hilaga. Ang diktadura ni Solomon na naging napakabigat sa mga tribu sa hilaga ang naghanda sa paghihiwalay.
Sinasabi ni Propeta Ahias na hahatiin ni Yawe ang kaharian para parusahan si Solomon. Isang paraan ito ng pagsasalita. Ang bawat tao mismo ang naghahanda ng kanyang kaparusahan. Sa mga pagkakamali mismo at mga kasalanan ng hari tuwirang nagmumula ang pagkakahati.

• 12.1 Nagkatotoo pagkamatay ni Solomon ang ipinahayag ni Propeta Ahias: nahati ang kaharian. Binibigyang-diin ng sumulat ang pananagutan at kahangalan ni Rehoboam. Hindi pinakinggan ng hari ang bayan. Maging si Solomon na nabuhay nang hiwalay sa kanila sa kanyang karangyaan ay hindi rin nakinig sa kanila.
Ngunit sa paghiwalay ng mga taga-Israel, nawala sa kanila ang pakinabang ng mga pangakong binitiwan ng Diyos kay David na di naman niya binawi sa mga inapo nito kahit na nagkamali at nagkasala ang mga ito. Magkakaroon sa kaharian sa hilaga (o kaharian ng Israel) ng panahon na lilitaw ang mga dakilang propeta: sina Elias, Osias. Pero hindi magkakaroon ng matagalang paghawak sa kapangyarihan, at maraming mangangamkam ang magiging hari, pero hindi mapananatili ang paghahari sa kanilang mga inapo. Waring tinatrato ng Diyos ang bawat isa sa kanila ayon sa kani-kaniyang kabutihan. Samantala’y wala namang pagkaputol ang pagkakahali-halili sa Juda ng mga haring inapo ni David, mabuti man o masama, sa loob ng apat na dantaon: ang kanilang kasaysayan ay pinatatakbo at sinasaklaw ng pangako ng Diyos.
Sinasabi ni San Pablo na mga larawan ng nangyayari kay Jesus at sa kanyang Iglesya ang mga pangyayari sa Matandang Tipan (Heb 9). Makikita rito ang larawan ng paghihiwalay na humati sa iisang Iglesyang itinatag ni Kristo.
Sa ikalabinlimang dantaon, parang isang imperyo ang Iglesya at mas pinagkakaabalahan nito ang mga kapakanang pantao kaysa mapakumbabang paglilingkod sa Diyos. Inakala ng kanyang mga lider noon na mapararangalan nila si Kristo sa naggagandahan nilang mga templo. At para matustusan ang mga iyon, pinatawan nila ng mga buwis ang mga sumasampalataya at binale-wala ang mga hangarin ng mga ito at mga pangangailangang panrelihiyon. Naghimagsik ang mga ito sa ngalan ng isang ebanghelyong mas isinasabuhay at ito ang naging simula ng Protestantismo. Ngunit ang malaman ang lahat ng mabuti sa mga protestante at mga pentekostal ay hindi hadlang para makita na matapos silang humiwalay sa mga kahalili ng mga apostol ay nahaharap sila sa isang serye ng mga pagkakahati-hati at sa paghahanap sa pagkakaisa ng pananampalataya na hindi naman makamit-kamit. Marami nang krisis na pinagdaanan ang Iglesya Katolika na siya ang may pananagutan. Gayunpaman, waring tinatrato siya ng Diyos ayon sa mga pangako nito at hindi sa kabutihan niya, para mailagay siyang muli sa tamang landas. Kailangan siyempreng makilala ng iglesya ang mga aspetongito ng kanyang mga istruktura at kasalukuyang asal na napakalayo sa diwa ng Ebanghelyo, habang isinasaisip niyang makaaasa siya sa pangako ni Kristo. Ang Iglesya ang sentro, ang lugar ng pakikipag-isa, kung saan ang lahat, balang araw, ay muling magkakaisa (tingnan Ez 16:52-59 at Slm 87).

• 26. Pinagbubuklod ang labindalawang tribu ng iisang relihiyon. Ngunit nakikita ni Yeroboam na magiging mahina ang kanyang kapangyarihan habang patuloy sa pag-akyat sa Jerusalem ang mga Israelita para doon mag-alay ng kanilang mga handog. Pinagtitibay niya ang paghihiwalay na pulitikal sa pamamagitan ng isang sisma o paghihiwalay na panrelihiyon.
Nagtayo siya ng maraming santuwaryo sa kanyang kaharian. Lumikha siya ng mga paring itinatalaga ng hari (sa kabila ng itinatadhana ng Batas na dapat silang magmula sa tribu ng Levi at maging mga inapo ni Aaron). Gumawa siya ng mga guyang metal para ilarawan si Yawe gayong ipinagbabawal na isalarawan ang Diyos na di-nakikita, at ibinaba niya ito at ipinantay sa mga hayop.
Sa pagsasalaysay sa mga ginawa ng mga hari ng Israel o ng hilaga, laging inuulit ng Biblia: “Nagpatuloy sila sa pagkakasala ni Yeroboam.” Kayat binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng pananatiling kaisa sa sentrong itinatag ng Diyos sa Jerusalem. Hindi sapat na isiping “Pareho namang Diyos ang pinaglilingkuran namin” o kaya’y “Ayon sa aming paraan kami naglilingkod.”
Si Yeroboam ang halimbawa ng iba pang mga gobyernong nagsikap magtayo ng mga pambansang iglesya nitong dakong huli: sa England sa panahon ng Repormasyon, sa France pagkatapos ng Rebolusyon, sa China at sa mga bansang sosyalista pagkatapos ng rebolusyong komunista. Maraming Katoliko ang pinag-usig at namatay dahil sa pananatiling tapat sa iisang Iglesya na kailangang maging Katoliko o panlahat.

• 13.1 Mas mahalaga ang pagsunod kaysa mga sakripisyo (1 S 15:22). Ganito ang salita ni Yawe sa pagtatakwil niya kay Saul sa kahawig na pangyayari.
Binibigyang-diin ng tekstong ito ang iba’t ibang aspekto ng pagsunod na lubos na ikinalulugod ng Diyos.
Naging matatag dapat ang propeta, yamang alam niyang hindi binabago ng Diyos ang kanyang mga utos.

• 14.1 Ibinabalita ng mga salita ni Ahias ang unang kudeta sa kasaysayan ng Israel. Magkakaroon pa ng mas marami at sa bawat pagkakatao’y lilipulin ang mga kamag-anak at mga anak na lalaki ng naibagsak mula sa kapangyarihan. Pagkatapos ng kabanatang ito, patuloy ang kasaysayan ng dalawang kaharian sa loob ng unang limampung taon nila.

• 16.29 Higit pa ang ginawa ni Ahab para galitin si Yawe kaysa lahat ng naunang hari. Mula sa tekstong ito at sa sumusunod na anim na kabanata, wala nang ibang isasalaysay kundi ang paghahari ni Ahab sa Israel. Sapagkat ito ang mismong sandali ng pagliligtas sa pananampalataya ng Israel ng pinakadakila sa mga propeta, si Elias at ng kanyang kahaliling si Eliseo.
Pinakasalan niya si Izebel na anak ng hari ng mga Sidonio. Isang matanda at masaganang bayan ang Tiro at Sidon. Nakatira sila sa mga pantalan sa hilaga ng Palestina, at tinatawag din silang Fenicia. Naging kakampi ni David ang kanilang haring si Hiram pero mula sa kanilang mga siyudad ay nakarating sa Israel ang mga impluwensiyang pagano. Mga taon ng kasaganaan at katanyagang militar ang hatid ng paghahari ni Ahab sa Israel, subalit umabot din sa sukdulan ang krisis ng pananampalataya.
Dahil sa kanyang mga tagumpay, nagawang isanib ni David sa kanyang kaharian ang maraming grupo ng mga Kananeo. Ipinagpatuloy nila ang mga kaugalian nilang pagano na nagparumi sa pananampalataya ng Israel. Kitang-kitang nabawasan ang alab ng pananampalataya. Sa matinding pagpasok ng impluwensya ng mga taga-Tiro na karelihiyon ng mga Kananeo, biglang naging maliwanag na nalupig nito ang pananampalataya kay Yawe. Nagpadala ang mga Israelita sa mga pagsamba kay Baal at kay Astarte.
Ang mga baal ay mga diyos na panginoon ng buhay at ng sex, ng ulan at ng mga panahon (tingnan ang Introduksyon sa Mga Hukom). Sa paniwalang ang mga ito ang may hawak sa pagiging mabunga, gumagawa ng mga panata sa kanila ang mga tao na makikipagtalik sila sa mga babaeng bayaran na nakatalaga sa kanila. Dahil dito kaya nangahulugan ang salitang prostitusyon sa Biblia ng kahalayan at ng pagtalikod kay Yawe para ipagbili ang sarili sa ibang mga diyos. Hindi naman lahat ay masama sa napakaluwag na relihiyong ito: hindi ito nagkamali sa pagdiriwang ng buhay. Ngunit pinanatili nito ang mga tao sa antas ng katutubong mga gawi lamang.
Ginagamit ni Izebel ang kanyang kapangyarihan para sa isang madugong pag-uusig. Ang mga propeta ni Yawe ang unang ipinapatay. Sila ang samahan ng mga propeta na nabanggit na natin sa 1 S 19:18 at 2 H 2:19. Laban sa kanila ang mga komunidad ng mga propeta ni Baal.
Isinakripisyo ni Hiel si Segub na kanyang bunsong anak. Dahil sa impluwensiya ng mga pagsambang pagano, lumalaganap ang kaugalian ng pagsasakripisyo sa mga bata.

• 17.1 Lumilitaw rito si Elias; ang pangalan niya ang mananatiling pinakadakila sa mga propeta. Sa pagbabagong-anyo ni Jesus (Mc 9:2), makakatabi niya si Elias.
May sagisag ang pangalan ni Elias: Eli-ya na ibig sabihi’y Yaweng-aking-Diyos. Taga-Tisbe siya, sa kabilang ibayo ng Jordan. Nanatiling tapat sa pananampalataya nito ang pobreng rehiyong iyon na napakalayo sa mga bagong impluwensya.
Sa harap ng apostasiya na ibig sabihi’y kataksilan ng buong bayan, mag-isa siyang tumitindig. Nadarama niyang responsable siya para sa simulain ng kanyang Diyos at kumikilos siya na di naghihintay na magsimula ang iba.
Di magkakahamog o uulan. Alam ni Elias, ang taong may pananampalataya, na galing sa Diyos ang kanyang mga salita at magkakatotoo ang mga ito. Tingnan ang tungkol dito sa Jaime 5:17 kung saan inilalahad si Elias bilang modelo ng pananampalataya.
Di magkakahamog o uulan sa mga taong ito. Isang pangyayaring pangkalikasan siyempre ang tagtuyo. Bagamat hindi tuwirang gumagawa ang Diyos sa bawat pagkakataon, siya mismo ang nag-sasaayos sa mga pangyayari. Ang pananampalataya ng isang humihingi ay isang puwersa tulad ng mga batas pisikal ng sanlibutan. At kung hinihiling natin sa Diyos ang imposible, taglay ang pananalig na gusto niya mismo itong ibigay sa atin, marami siyang paraan upang mapapangyari ito.
May mga baal ang sambayanan bilang mga diyos ng ulan at ng kalikasan. Ipakikita sa kanila ng dumarating na tagtuyo na si Yaweng Diyos ng mga hukbo ay Diyos din ng sangkinapal.
Sinisimulan ni Elias ang kanyang misyon bilang propeta sa pag-atake sa pinakamalubhang kaguluhan: ang hindi ilagay ang Diyos nang higit sa lahat.

• 7. Pumunta ka sa Sarepta. Salot sa lahat ang tagtuyo, pati na kay Elias na siyang humiling ng tandang ito sa Diyos. Pero para sa sumasampalataya, ang pinakasalot din ang pagkakataon para madama niyang hindi siya pinababayaan ng Amang nasa langit.
Inutusan ko na ang biyuda roon para bigyan ka ng pagkain. Tatanggapin ng propeta ang kanyang pagkain. Ngunit makakatagpo rin siya ng ginhawa mula sa Diyos sa pagkakilala sa babaeng mananampalatayang iyon. May maibibigay sa dakilang propeta ang pobreng biyuda, at isang grasya ito para sa dalawa.
Dalhan mo ako ng kaunting tubig ang unang hakbang. Dalhan mo na rin ako ng kapirasong tinapay. Sinusubok ni Elias ang kanyang pananampalataya: “Igawa mo muna ako ng maliit na tinapay,” at binigyan nga siya ng biyuda. Ang biyudang ito ay katulad ng biyudang pupurihin ni Jesus sa Mc 12:41.
Hindi mauubos ang harina. Ginagantimpalaan ng Diyos ang pananampalataya ng taong ipinakikipagsapalaran ang lahat ng meron siya.

• 17. Ito ang unang pagkabuhay na muli na natutunghayan natin sa Biblia.
Karaniwa’y pinamamahalaan ng Diyos ang mundo at ang kanyang Iglesya sa pamamagitan ng natural na proseso ng mga bagay-bagay sa bisa ng mga batas ng kalikasan na siya rin mismo ang nagtatag. Ngunit inirereserba rin niya sa kanyang sarili na pag minsa’y lampasan ang mga batas na ito: naging alak ang tubig, dumami ang tinapay.
Ba’t mo naman ako ginanito, O tao ng Diyos? Sapat na ang pagkamatay ng kaisa-isang anak para panaigan ang pobreng babae ng walang-batayang takot na nadarama ng mga taong ang tingin sa Diyos ay isang tagapagparatang na nag-eespiya sa mga tao para maparusahan ang mga ito. Naniniwala siyang ang pagtigil ng propeta sa kanyang tahanan ang umakit sa tingin ni Yawe at pinarurusahan siya nito sa kapighatiang ito.
Tatlong beses niyang dinapaan ang bata. Sa kilos na ito ng propeta na nagbibigay ng buhay sa pamamagitan ng sarili niyang hininga, sino ang di makakakilala kay Kristo na dumarating para ibuklod nang buong-higpit ang sarili sa sangkatauhan upang ibigay rito ang puwersa ng kanyang muling pagkabuhay?
Dininig ni Yawe ang tinig ni Elias. Si Elias ang taong pinili para baligtarin ang isang sitwasyon ng kawalang-pag-asa at sirain ang mga inaakala ng tao. Ipinahihintulot ni Yawe na buhayin niya ang anak ng biyuda, at di magtatagal at loloobin naman nitong buhayin niya ang pananampalataya ng bayan sa bundok ng Karmel.

• 18.17 Ang pag-aalay sa Bundok Karmel ang isa sa mga dakilang pagpapahayag ng Diyos sa Matandang Tipan. Si Yawe mismo ang nangunguna para gisingin ang isang bayang walang pakialam.
Baal o Yawe. Hindi malinaw sa bayan ang pagkakaiba ng dalawa. Itinuturing nila ang mga ito bilang dalawang kapangyarihan o may natatanging kalooban na may magkaibang kakayahan pero parehong kapaki-pakinabang. Si Yawe ang Diyos ng lahi, matatag na tulong sa labanan. Si Baal naman ay isang diyos sa kapakanan ng magsasaka: sa pamamagitan ng mga handog at mga piyesta, humihingi sila sa kanya ng ulan.
Hanggang kailan kayo magpapasayaw-sayaw nang isang paa sa magkabilang daan? Inoobliga ni Elias ang mga Israelita na talagang magpasya. Di dapat magkaroon ng dalawang panginoon ang mananampalataya:
- ang Diyos o ang pera (Mt 6:24),
- para o laban kay Kristo (Mt 12:30),
- aktibong miyembro ng Iglesya o matamlay na miron na isusuka ng Diyos balang araw (Pag 3:6).
Ang diyos na tutugon sa pamamagitan ng apoy ang siyang tunay na Diyos. Ito ang magiging palatandaan. Ang apoy na sumisira, dumadalisay, nagpapabago; ang apoy na nagpapahintulot na maitalaga sa Diyos ang hayop na susunuging-handog. Kailangan din ng Israel na mabago “ng apoy”. At ihahayag naman ni Jesus na bibinyagan tayo o dadalisayin at babaguhin “ng apoy at ng Espiritu Santo” (tingnan Lc 3:16).
Tumawag sila kay Baal ngunit walang sumagot. Para sa ating nakabasa sa mga paglibak ni Elias kay Baal, kumbinsido kaya tayong sinasagot nga ng Diyos at pinakikinggan ang ating panalangin? Walang obligasyon ang Diyos na pagbigyan ang lahat ng gusto natin pero tayo ang may obligasyong humiling sa kanya sa paraan at pagtitiyaga na patutunayan niyang kapiling natin siya.
Ikaw ang magpapabalik-loob sa kanila. Walang ibang layunin ang apoy, ang milagro, ang ulan: Mahal ni Yawe ang Israel at gusto niyang gisinging muli ang kanilang pagmamahalan. Ayaw niya itong takutin o iwang namamangha kundi maipadiskubre niya sa mga taong iyon na buhay ang Diyos at pinagkakaabalahan niyang hanapin sila.
Tagumpay ni Yawe ang tagumpay sa Karmel. Tagumpay rin ito ni Elias. Kailangan ng Diyos ang mga propeta at nagliligtas siya sa pamamagitan ng mga ito. Nabibigla tayo sa kasunod na masaker, pero nabuhay si Elias sa isang marahas na daigdig. At sa daigdig na iyon, ang kamatayan ang ordinaryong kapalaran ng mga natalo at ayon sa kanyang panahon ang takbo ng kanyang pag-iisip.
Itinuturo pa rin sa atin ng brutal na masaker na ito na ang pagkawala ng buhay ay hindi kasinggrabe ng pagkasira ng sarili sa paglilingkod sa mga huwad na pagpapahalaga, habang niloloko ang sarili at kapwa.

• 19.1 Natakot si Elias at tumakas para iligtas ang kanyang buhay. Kaya nga hindi mahimalang nalulutas ng himala ang mga problema ng pananampalataya. Magiging matagal at mahirap na trabaho ang pagbabalik-loob ng bayan.
Makikita natin sa mapa kung paanong nilakbay ni Elias ang dalawang kaharian ng Israel at ng Juda mula hilaga pa-timog. Dalawandaa’t limampung kilometro ang layo ng Karmel sa Berseba na pinakahuling bayan bago ang disyertong nasa timog ng Juda.
Napakahaba pa ng lalakbayin mo. Hanggang sa may bukana lamang ng disyerto ang pinupuntahan ni Elias para makaligtas pero dinadala siya ng Diyos sa mas malayo. Isang mahiwagang tinapay ang ibinibigay sa kanya na nagpapaalaala sa manna ng mga Hebreo sa disyerto at ng tinapay sa eukaristiya na ibibigay ni Jesus para sa ating espirituwal na paglalakbay (Jn 6:8).
Apatnapung araw at apatnapung gabi siyang naglakad (tingnan Ex 24:18). Pumupunta si Elias para makipagtagpo kay Yawe. Pupunta rin si Jesus sa disyerto bilang isang kinakailangang patunay, at kailangan din nating “pumunta sa disyerto” sa ilang mga pagkakataon. O kaya’y ang Diyos mismo ang puwersahang naglalagay sa atin sa disyerto. (Tingnan din Os 2:16.) Inihahayag ng mag-isang paglalakbay ni Elias ang lakbaying kailangang gawin ng mga naghahanap sa Diyos. Gaano man natin kailangan ang suporta ng asawa, mga kasamahan, ng Iglesya, sa sarili pa ring paglalakbay nagpapatuloy ang bawat isa. At tinatawag ng Diyos ang bawat isa na personal niyang hanapin ang pakikipagtagpong ito sa kanya.

• 10. At dumating sa Horeb si Elias: ito ang isa pang tawag sa Sinai kung saan nagpakilala si Yawe kay Moises apat na dantaon na ang nakalilipas.
Lumabas ka’t hintayin si Yawe. Para sa kanya na nag-aalab sa selosong pag-ibig sa Diyos, nagpapakita ang Diyos ng kabaitang higit pa sa puwedeng isipin ng tao. Kaya mas nagpapakilala si Yawe sa banayad na ihip ng hangin kaysa bagyo o lindol.
Ano ang ginagawa mo rito, Elias? Tinatanong muna ng Diyos ang propeta at inoobligang madiskubre ang kaibuturan ng kanyang puso. Pero walang anumang na kay Elias liban sa selosong pag-ibig kay Yawe. Inihahayag naman ni Yawe ang kanyang mga planong walang pagkakamali.
Hazael, Yehu, Eliseo. Sinasabi ni Yawe kay Elias ang hinaharap ng Israel kasama ng mapait na katotohanan nito: nakatakdang maglaho ang Kahariang nagsimula sa luwalhati nina David at Solomon. Ito ang magiging bunga ng pagsuway ng bayan.
- Si Hazael na hari ng Siria ang kaaway na hari na lulupig at hihiya sa Israel.
- Pupuksain naman ni Yehu ang angkan ni Ahab at lilipulin ang lahat ng sumasamba kay Baal.
- Ihahayag ni Eliseo ang mga salita ng pagbabanta ni Yawe.
Ngunit hindi ganap na maglalaho ang Israel sapagkat may Labing inirereserba ang Diyos, na sinasabi sa matalinhagang paraan sa 7,000 lalaki na hindi lumuhod sa harap ni Baal.
Nililinaw ng pagbubunyag na ito ang misyon ng mga propeta sa Biblia. Ang karamihan sa kanila at ang pinakadakila sa mga ito ay nabuhay sa loob ng tatlong dantaon ng Israel mula sa luwalhati ni Solomon hanggang sa pagkabihag sa Pagkatapon:
- sinikap nilang pigilan ang kataksilan ng hinirang na bayan na pabulusok sa kanilang pagkawasak;
- nanawagan sila sa pagbabalik-loob, mula sa puso;
- itinuro nila ang kahanga-hangang kinabukasang inilaan ng Diyos sa “Labi” ng Israel matapos mawasak ang materyal na kaharian nila sa lupain ng Palestina.

• 19. Pagdaan ni Elias sa tabi ni Eliseo, ipinatong nito sa kanya ang kanyang balabal. Tinatawag niya ito gaya ng gagawing pagtawag ni Jesus sa kanyang mga apostol: “Sumunod kayo sa akin.” Naiintindihan marahil ni Elias ang sagot na “Yayakapin ko muna ang aking mga magulang” bilang pagdadalawang-isip o pagkabalam ni Eliseo para iwan ang lahat-lahat kaya naman sumagot siya ng “Umuwi ka kung gusto mo, wala naman itong halaga.” Pero gusto lamang makapagpaalam nang maayos ni Eliseo sa kanyang mga kamag-anak. Tingnan Lc 9:61. Mula ngayo’y magiging alagad na ni Elias si Eliseo at kanyang kahalili sa Israel.

• 21.1 Iniingatan ni Nabot ang kanyang ubasan bilang paggalang sa pamana ng kanyang mga ninuno kaysa pansariling kaluwagan.

Ideklara ninyo ang araw ng pag-aayuno (b. 9). Tiyak na sinasamantala ni Izebel ang isang sakuna ng panahong iyon, tagtuyo o salot. Kailangang tawagin ng Matatanda ng lunsod ang lahat ng tao para sa isang solemneng pag-aayuno at pagtitipon. Doon nila hahanapin “kung sino ang nagdala ng parusang ito ng Diyos.” Si Nabot ang dapat lumabas na may sala, kayat maipapapatay siya ni Izebel nang ayon sa batas.
Pumatay ka’t pagkatapos ay nangamkam. Magkasinsama lamang ang krimen ni Ahab at ang ginawang pagpatay ni David kay Urias para makuha ang asawa nito (2 S 12). Pinupuntahan ni Elias si Ahab gaya ng ginawang pagpunta ni Natan para pagsabihan si David. At inilalahad din naman ang pagsisisi ni Ahab. Ngunit tanging kay David lamang nangako ang Diyos na kailanma’y hindi “mapapalis” ang kanyang angkan.

• 22.1 Ordinaryo na ang digmaan nang mga panahong iyon. Walang bayang puwedeng mabuhay kung hindi patuloy na makikipaglaban sa iba. Mga palatandaan lamang ng buhay ang lumaban, pumatay at mapatay (tingnan 2 S 11:1).
Sa isang pagkakataon ay nagkakaisa ang mga hari ng Juda at Israel. Magkaibang-magkaiba ang sinasabi ng salaysay tungkol sa dalawa.

• 5. Hindi dapat ipagkamali ang Mikeas na ito sa isa pang propetang si Mikeas naman ng Morasti (tingnan Mikeas 1:1). Nakaupo sa may pintuan ng siyudad ang mga hari. Sa mga bayang iyon, ang pasukan ng siyudad ang kadalasa’y siya ring pintuan ng pader na nakapalibot sa bayan. Ito ang lugar na pinagtitipunan ng mga tao, gaya ng plasa sa ngayon. Doon din humahatol ang mga hukuman at dinidinig ang mga usapin. Doon nauupo nang kung ilang oras ang Matatanda sa kanilang pag-uusap.
Dalawang bagay ang gustong ituro ng tekstong ito:
- Walang pagkakamaling nagkakatotoo ang salita ng Diyos na nagbibigay-hatol sa angkan ni Ahab. Ang mga kasinungalingan ng mga propeta, ang estratehiya ng hari at ang mga pangyayaring di inaasahan – nagtutulung-tulong ang mga ito para magkatotoo ang ipinahayag: mamamatay si Ahab at hihimurin ng mga aso ang kanyang dugo.
- Ang paglalaban ng mga tunay at mga bulaang propeta.
Karaniwan nang miyembro ng mga pagsasama-sama ang mga propeta. Sinasagot nila ang mga sumasangguni sa kanila tungkol sa hinaharap at pinasisigla nila ang relihiyon ng sambayanan. Mahirap ang kanilang propesyon. Sapagkat kailangang sagutin ng nanghuhula ang itinatanong sa kanya, at magandang sagot lagi ang dapat niyang ibigay sa kanyang kliyente. Subalit ang Espiritu ni Yawe lamang ang tanging makakadiskubre sa hinaharap nang may katiyakan. Nangungusap siya kung kailan niya nais at madalas ay ‘yong ayaw nating marinig ang kanyang sinasabi. Kaya naman maraming propeta ang hindi nagsasalita sa ngalan ng Diyos.
Ang ipasasabi lamang sa akin ni Yawe ang sasabihin ko. Katangian ng tunay na propeta ang maharap sa mga laban sa kanya.
Nakita ko si Yawe (b. 19). Maliwanag na sinasabi ng pangitain ni Mikeas na hindi dapat manalig ang sinuman sa mga pangarap at imahinasyon ng kanyang espiritu. Ni hindi rin siya dapat maniwala nang basta na lamang sa mga nagpapanggap na inspirado raw sila ng espiritu, gaya ng mga pulitiko, mga manunulat, mga negosyante at lahat ng nangangakong paliligayahin tayo.

• 39. Nagbibigay-daan ang balitang ito tungkol kay Ahab para isipin nating namatay siya nang gayon na lamang. Mapapansin na ang lahat ng naunang salaysay ay tungkol sa hari ng Israel at minsan lamang binanggit si Ahab sa 22:20. Tiyak na si Yoram na anak ni Ahab (2 H 9:14-26) ang tinutukoy ng salaysay na ito sa simula. At sa kanya natupad ang propesiya ni Elias sa 1 H 21:21.

May 30, 2007 Posted by | 1 Mga Hari, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Lumang Tipan | Leave a comment

2 Mga Hari: Komentaryo

Patuloy na tinitingnan ng ikalawang Aklat ng Mga Hari ang palalang pagkabulok ng dalawang kaharian sa hilaga at sa timog, ang Israel at ang Juda.

Ngunit magiging pagkakamali kung iisiping sumagana ang bansa sa simula dahil nagkaroon sila ng mga haring mabuti at matuwid na sina David at Solomon. At pagkatapos ay mga masamang hari naman ang sumira ng lahat. O kaya’y mas makasalanan ang bayang Judio na winasak ng mga Kaldeo sa mga kapanahon ni David.

Kung babasahin natin ito nang mabuti, maiintindihan nating hindi parehong mahigpit ang paghuhusga ng sumulat ng libro sa mga nagtatag ng kaharian at sa mga kahalili nila. Mas mahina nga kaya kay Solomon si Yeroboam II na muling nagtayo ng isang masagana at malayang Israel at naghatid ng apatnapung taong kapayapaan? Mas mahina nga kaya ang kanyang pananampalataya? Gayunpama’y nasisiyahan ang unang Aklat ng Mga Hari sa paglalarawan sa luho at kadakilaan ni Solomon, na pawang mga materyal na bagay lamang. Samantalang iisang talata lamang ang inilalaan ng ikalawang Aklat ng Mga Hari para kay Yeroboam II na para bang ang pagkakaroon ng templong iba kaysa nasa Jerusalem ang mula sa simula’y isa nang paghatol sa lahat niyang mga gawa.

Kailangang makita natin dito ang paraan ng pagtuturo ng Diyos. Sa simula’y pinasisigla niya ang kanyang bayan na puwedeng makamit ang kasaganaan at kalayaan. At dahil ang mga taong ito ay nasa sandali ng kanilang kasaysayan na kailangang isagawa ang pagkakamit na ito, hindi ipinakikita sa kanila ng Diyos ang lahat ng negatibong aspekto ng kanilang ginagawa. Hindi niya binibigyang-diin ang mga depekto ni Solomon o ang kawalang-saysay ng kanyang luho. Ngunit pagkatapos ay inaanyayahan naman ng Diyos ang kanyang bayan na magmasid nang may mapanuring diwa. At sa paglalaho ng mataas na pangarap ng kaharian ni Solomon, tinuturuan sila ng Diyos na hangarin nilang kamtin ang mas tumatagal at mas mahalaga – ang Paghahari ng Katarungan.

• 2.1 Ang wakas ni Elias ay huling patotoo sa Diyos na buhay na nagbibigay-buhay sa tao.
Para bang nabubuhay sa kaitaasan si Elias na propetang nag-iisa, at malayo sa kabulukan ng tao. Kaya hindi siya hinahayaang mamatay ng Diyos gaya ng iba. Tulad ni Moises, na ang kinalalagyan ng kanyang libingan ay hindi malaman (Dt 34:6), si Elias din, sa isang partikular na paraan, ay waring nakatatakas sa kamatayan. Ang dalawang haliging ito ng Matandang Tipan, sina Moises at Elias, ay makakasama ni Jesus sa kanyang pagbabagong-anyo. Walang anuman, kahit na kamatayan, ang makalulupig sa nag-alab sa selosong pag-ibig kay Yaweng kanyang Diyos at nakipaglaban nang para lamang sa kanya.
Umakyat si Elias sa langit sa isang ipuipo. Sa pagsasabi ng libro na dinala sa langit si Elias, hindi rito iginigiit ang larawan ng “pag-akyat” (gayundin naman para sa Pag-akyat ni Jesus). Naniniwala ang mga tao nang panahong iyon na nasa kaitaasan ang Diyos. At dahil nakikipag-usap ang Diyos sa mga tao ng bawat dantaon ayon sa kanilang mga kaisipan, gusto niyang maglaho sa paningin ng tao si Elias, na para bang dinadala sa langit.
Ama ko! Ang karwahe ng Israel at mga mangangabayo nito. Ipinapaliwanag ng nakaraan ng Israel ang sigaw na ito ni Eliseo. Sa harap ng kanilang mga kalabang Kananeo na may mga karwaheng pandigma at mga kabayo, kay Yawe nanalig ang mga Israelita na mahinang nasasandatahan. Siya ang tanging lakas ng kanyang bayan at siya ang naging mga karwahe at mangangabayo para sa kanila. Nakikita ni Eliseo na naglalaho ang naging buhay na sagisag ng presensiya at lakas ng Diyos sa piling ng Israel.
Ang mahiwagang paglalaho ni Elias ang magpapasigla sa mga Judio na asahan ang matagumpay na pagdating ni Yawe para simulan ang ganap at panghabampanahong kaharian. Nabuo sa mga Judio ang matibay na paniwalang babalik si Elias sa panahon ding iyon at ihahanda ang pagdating ni Yawe (tingnan Sir 48:1 at Mal 3:32). Tingnan naman ang tungkol sa salita ni Jesus (Mc 9:12).
Iniiwan tayo ng Biblia na nangangapa tungkol sa sinapit ni Elias. Sa ganitong paraan, inihahanda nito ang pagpapahayag sa Muling Pagkabuhay ni Jesus at sa pananampalataya ng Iglesya sa Pag-aakyat kay Mariang kanyang ina.

• 19. Sa lahat ng tauhan sa Biblia, si Eliseo ang lumilitaw na taong binigyan ng kaloob na gumawa ng mga milagro. Ngunit hindi dahil dito kaya siya itinuturing na mas dakila kaysa iba. Nabuhay siya sa piling ng “mga anak ng mga propeta,” na ibig sabihi’y samahan ng mga propeta. Sila’y mga lalaking dukha at medyo panatiko ang pananampalataya. Nabubuhay sila sa mga relihiyosong komunidad kasama ang kani-kanilang mga asawa’t mga anak. Tutulungan nila si Eliseo sa misyon nito (tingnan 1 S 19:18).
Tinatanggap ni Eliseo ang espiritu ni Elias at ipinagpapatuloy ang kanyang misyon. Isinasalaysay sa sumusunod na mga kabanata ang marami niyang himala. Maaaring pinahaba na ang ilan o kaya’y binago ng tradisyon para magbigay ng aral (halimbawa’y ang tungkol sa apatnapu’t dalawang bata).

• 4.1 Sinisimulan dito ang isang serye ng mga milagro ni Eliseo.
Sa lahat ng propeta ng Israel, si Eliseo ang siyang pinakamalapit sa mga dukha at isinasaisantabi ng kanyang panahon. Sa kanilang piling at alang-alang sa kanila ginagawa niya ang karamihan sa kanyang mga himala. Tiyak na ito ang dahilan kung bakit sa pagsasalin sa atin ng mga salaysay na ito ay nananatili pa rin ang linamnam at kulay ng pagkakalahad nito ng mga unang saksi – ang mga dukha at isinasaisantabi. Bagamat mas kabilang sa mga alamat kaysa kasaysayan ang mga tekstong ito, ipinahihiwatig pa rin ng mga ito kung paanong nakikilala ng mga simpleng tao ang kapangyarihang ibinigay ng Diyos sa kanyang propeta para tulungan sila at konsuweluhin.

• 8. Pinag-iisa rito ang lahat ng elemento sa trahedya ng tao: pag-asa, masayang buhay, kamatayan, namimighating puso ng ina na hindi matanggap ang pagkamatay ng anak ng kanyang sinapupunan, ang walang-pag-asang pagtawag niya sa tao ng Diyos.
Kailangang pagnilayang mabuti ang napakamadamdaming pagbuhay na ginagawa ni Eliseo: bibig sa bibig, mata sa mata, kamay sa kamay para ibahagi ang kanyang init at panumbalikin ang buhay. Isa itong natatangi at naiibang konkretong larawan ng isinasagawa ni Kristo sa atin nang “muli niya tayong buhayin” at puspusin niya tayo ng buhay sa madiing hipo niya. Tulad ng sinasabi ni San Patricio na puspos ng sigasig sa kanyang mga pagmimisyon: “Si Kristo sa harap ko, si Kristo sa likod ko; si Kristo sa aking kaliwa, si Kristo sa aking kanan; si Kristo sa akin, si Kristo sa itaas ko.”

• 42. Kailangang ikumpara ang pagpaparaming ito ng tinapay sa dalawang pagpaparaming ginawa ni Jesus. Maraming pagkakahawig ang mga ito sa isa’t isa pero may magkaibang mga kahulugan (ting-nan lalo na ang Jn 6).

• 5.1 May espesyal na lugar sa mga himala ni Eliseo ang pagpapagaling kay Naaman. Madali nating nadidiskubre rito ang isang pagpapaunang paglalarawan ng binyag na lumilinis sa atin mula sa kasalanan.
Tanyag na heneral nga si Naaman pero wala siyang magawa laban sa ketong. Gusto niyang mabago, at iwan ang may sakit niyang balat. At isang pag-asa ang inihahandog sa kanya: sa Israel nagaganap ang gayong mga himala.
Sinabi ng dalagita sa kanyang senyora. Nagsisimula ang lahat sa salita ng isang dalagitang utusan ni Naaman. Gayundin naman, maraming pagkakataon ang sinumang mananampalataya sa kasalukuyang panahon para magsalita o gumawa ng maliit na bagay na magbubunga ng malaking kabutihan at para paharapin sa “Israel” na Iglesya ang naghahanap ng lunas. Hindi sa gawa lamang ng mga dakilang apostol naipahahayag at napalalaganap ang Mabuting Balita.
Tutukuyin ni Jesus sa Ebanghelyo (Lc 4:27) ang pagpapagaling ng dayuhang ito kaysa lahat ng ketongin sa Israel bilang patunay na may malasakit ang Diyos para sa lahat at hindi lamang para sa kanyang mga mananampalataya ayon sa opisyal na tawag sa mga ito.
Nagsugo naman si Eliseo. Sa harap ng propeta, ang heneral ay walang ipinag-iba sa sinumang tao. Walang anumang pribilehiyo para sa kanya, ni espesyal na pakikiharap sa personal na pagkonsulta. Dahil hindi siya bumaba mula sa kanyang karwahe, hindi rin mangunguna si Eliseo sa pagsalubong sa kanya.
Magpunta ka at maligo. Kung anong “madyik” ang inaasahan ni Naaman: mga kilos o mga salitang puno ng makalangit na kapangyarihan. Subalit ang paggaling niya ay magmumula sa simpleng pagdampi ng tubig na umaagos sa lupa ng Diyos. Isang napakaliit na bansa ang Israel pero may mga natatagong yaman ito ng Panginoon.
Kung mahirap na bagay ang ipinagawa sa inyo ng propeta, di ba’t gagawin ninyo ‘yon? Mga kababalaghan ang hinihintay ng mga tao. Simpleng pagsunod naman sa isang salita ang kanyang hinihingi. Ganito rin ang gagawin ni Jesus (Jn 4:46). Hindi ang paggawa ng mahihirap na bagay ang importante, kundi kung ano ang hinihingi ng Diyos. Kadalasa’y dumadaplis lamang tayo sa kanyang Kaharian sapagkat gusto nating gumawa ng mga matinding pagsisikap sa halip na gawin ang mga simpleng bagay na kanyang hinihingi.
Libre ang pagpapagaling. Walang silbi ang di-kapani-paniwalang kayamanang dala ni Naaman. Si Yawe ang siyang nagbibigay, at hindi siya naniningil, at ni hindi niya gustong bayaran natin siya. Lamang ay kapag nadiskubre natin ang kanyang awa, kailangan nating suklian ng kapwa pag-ibig ang pag-ibig.
Sa pagpunta ng aking hari sa templo ng kanyang diyos na Rimmon, kasama niya ako. Alam na ngayon ni Naaman na walang ibang Diyos kundi ang Diyos ng Israel. Pero hindi siya makaaalis sa mundong kanyang kinalalagyan kung saan ibang mga diyos ang pinararangalan. Ipinapakita ng sagot ni Eliseo ang pag-unawa ng Diyos sa harap ng sitwasyong ito.
Ang ganito ring pag-unawa sa mga taong may mabuting kalooban na may ibang mga relihiyon ang ipinahahayag sa ilang teksto ng Genesis at Exodo. Ang mga ito ay mismong sinulat ng mga propeta ng mga grupo ring iyon na nakapaligid kay Eliseo: tingnan Gen 20:1-7 at Ex 18:1-20.
Nalalarawan kay Naaman ang taong may mabuting kalooban na nahawahan ng sakit na walang lunas na walang iba kundi ang kasalanan. At lumalapit siya sa Iglesya para hilingin ang kanyang paggaling. Siya ang taong galing sa malayo at lumalapit sa Iglesya sapagkat nadidiskubre niyang may natatagong bukal ng buhay pala rito. Hindi gumagawa sa ganang sarili ang tubig ng binyag. Galing ang bisa nito sa pagiging pinakadaan nito para makapasok tayo sa bayan ni Kristo, ang Iglesya.

• 6.8 Binibigyang-diin natin ang salaysay na ito na parang pinagaganda ng mga alamat at naglalahad ng pakikisangkot ni Eliseo sa buhay ng bansa. Tinanggap ni Eliseo ang misyong palitan ang hari ng Israel na siyang may kagagawan sa kataksilang panrelihiyon ng kanyang bayan pati na ang hari ng Aram. Di magtatagal at papatayin sina Yoram at Benhadad na binabanggit dito.
Ang mga propeta ng Israel ay mga mensahero at enkargado ng Diyos para sa kaligtasan ng Israel. At ang kaligtasang ito ay hindi lamang pagpunta ng ating mga kaluluwa sa langit gaya ng paniwala ng marami sa atin. Nangangahulugan ito na kailangang maghatid sa pagiging mas mulat at responsable ang buong buhay ng isang sambayanan. Hindi lalago at mamumunga ang bayang Israel (at gayon din ang ating mga sambayanan) nang walang mahabang karanasan ng karahasan, kawalang-katarungan at kasinungalingan, at ng mga lunas para malampasan ang mga ito.
Bigyan sila ng tinapay at tubig (b. 22). Aksyon ng isang propeta: daigin ang masama sa pamamagitan ng kabutihan.
Buksan mo ang kanyang mga mata… Bulagin mo sila… (16, 18, 20) Inilalahad ng mga salitang ito ang pagkakaiba ng mga nakakakita sa sitwasyon ayon sa pagkakita ng Diyos at ng mga nawawala sa sarili nilang karunungan. Gaanong panahon ang inaaksaya natin at ilang beses tayong nagiging paralisado sa sariling mga takot natin sa halip na magpasyang makipagsapalaran at magpatuloy taglay ang pananalig na hindi mabibigo ang Diyos!
Parusahan nawa ako ng Diyos kung nasa mga balikat pa rin ni Eliseo ang kanyang ulo (31). Ipinaliliwanag ng mga salitang ito ng hari na pinapag-alab ni Eliseo ang pakikipaglaban sa mga Arameo gayong hindi ito pangahasang gawin ng mga pinuno. Kung ang mga propeta sa kanilang panahon ay nagpatotoo sa katarungan ng Diyos at hindi natakot na akuin ang responsibilidad sa mga pambansang suliranin, bakit mawawala sa buhay-pulitikal ang mga Kristiyano na siyang mga propeta ng Diyos sa kasalukuyan?

• 9.1 Habang patuloy na naghahari sa Juda 0ang mga inapo ni David, sunud-sunod naman ang mga kudeta sa Israel. Si Eliseo ang nag-utos na pahiran ng langis o italaga si Yehu.

• 30. Hanggang magaling na militar lamang si Yehu. At parang hindi siya nagtagumpay sa kanyang mga pakikipagdigma at nawala sa kanya ang probinsya sa silangan ng Jordan na lupain ng Galaad.
Pero tapat siya sa pananampalataya (tingnan 10:22) at sa paglilingkod kay Yawe. At siya ang inaasahang susugpo sa lahat ng impluwensya ng mga relihiyong banyagang pinapasok ni Izebel. At ito nga ang kanyang ginawa.
Namatay si Izebel na siyang magiging pinakahalimbawa ng babaeng di-makadiyos at pumapatay sa mga lingkod ng Diyos (tingnan Pag 2:20).

• 11.1 Anak nina Ahab at Izebel si Atalia. Nang ma-matay ang kanyang anak na si Ocozias na hari ng Juda, binalak niyang agawin ang kapangyarihan sa pagpatay sa lahat ng kanyang apo. Kung magkakagayo’y mangangahulugan ng katapusan ng lahi ni David ang tagumpay ni Atalia, at bigo ang mga pangako ni Yawe. Subalit mahimalang nakatakas si Yoas sa kamatayan. Makalipas ang anim na taon, bumuo ng isang pakana ang pinuno ng mga pari sa tulong ng “sambayanan sa lupain” o ng mga taong malaya na may lahat ng karapatan bilang mamamayan (14, 18, 19…). Ang mga ito ang nanatiling tapat sa angkan ni David.

Maraming beses na ipinakikita ng kasaysayan kung paanong ang sambayanan ang siyang nagliligtas sa pananampalataya sakaling bigo ang mga nasa kapangyarihan. Kaya sa ikaapat na dantaon pagkarating ni Kristo, tinanggap ng maraming obispong naimpluwensiyahan ng emperador Romano ang mga pagkakamali ni Arius na tumatangging Diyos si Kristo. Sa isang iglesyang ang awtoridad ay galing sa itaas ngunit sa katunaya’y ang emperador ang pumili ng mga obispo, waring walang pag-asa ang sitwasyon sa kabila ng ilang dakilang obispo gaya nina San Hilario at San Atanacio. Ang pagtutol naman ng sambayanang Kristiyano ang nagbigay-katiyakan sa tagumpay ng pananampalataya.
Ibinalik din naman ng pinuno ng mga pari ang batang hari sa trono at sinikap na bigyan ng tamang direksyon. Isang kasunduan ang pinagtibay na nangangako ang sambayanan at ang hari na magiging tapat sa Tipan ni Yawe.

• 12.1 Isinasalaysay ng sumusunod na anim na kabanata ang buhay ng mga kaharian ng Israel at Juda mula kay Yoas hanggang sa pagkawasak ng kaharian ng Israel (na kaharian sa hilaga) noong 721 bago dumating si Kristo. Tumagal ito nang mahigit sa sandaang taon.
Nagkaroon ng apat na hari lamang ang Jerusalem na kabisera ng Juda. Naghari ng tig-apatnapung taon ang unang dalawa.
Maraming pagkatalo naman sa simula ang naranasan ng mga anak ni Yehu sa Israel. Ang kanyang apo sa tuhod, si Yeroboam II, ang magkakamit ng panahon ng kasaganaan sa kanyang mga tagumpay. Samantala’y patuloy sa pananakop ang makapangyarihang mga hari ng Asur sa lahat ng dako. Di magtatagal at manganganib ang Israel sa kanilang mga hukbo at kapangyarihan.

• 14.23 Ang talatang ito lamang ang inilalaan ng Biblia para sa paghahari ni Yeroboam II na hari ng Israel (783-743) gayong siya ang nagpanumbalik ng kadakilaan at kasaganaan ng kaharian.
Pinakahuling pagmamagandang-loob lamang ng Diyos para sa hinamak na sambayanan niya ang nakikita ng awtor sa mga tagumpay ni Yeroboam II.
Ang kasaganaan namang iyon ang nagbigay-daan sa pagsasamantala sa sambayanan. Ito ang panahon ng pamamahayag nina Propeta Oseas at Amos sa kawalang-paniwala ng lahat na magiging maikli ang naturang kasaganaan sapagkat hindi ito nasasalig sa katarungan. Pagkamatay ni Yeroboam, palapit na sa wakas nito ang kaharian ng Samaria.
Sa kabilang dako nama’y patuloy ang pagkakahiwa-hiwalay sa relihiyon. Malayo ang mga Israelitang nasa hilaga mula sa sentro ng relihiyon sa Jerusalem, at hindi magagawang mapanatili ang kanilang pananampalataya sa harap ng mga kaugaliang pagano.

• 15.8 Inilalarawan dito ang pagbagsak ng kaharian sa hilaga. Nabihag ang Samaria sa taong 721 bago kay Kristo. Idineport sa kabilang hangganan ng imperyo ng mga Asirio ang mga tagaroon, at ipinalit naman sa kabilang lugar ang mga taga-malayong probinsyang iyon para ihalo sa mga tagabukid. Ganito ang kaugalian ng mga mananakop na Asirio: alisan ng lugar at paghalu-haluin ang mga tao para mahadlangan ang pag-aalsa.
Mula sa sandaling ito, ang mga Samaritano o mga Israelitang tagahilaga ay magiging isang bayan na ng mga mestiso sa lahi at sa relihiyon. Kayat hinding-hindi sila ituturing ng mga Israelitang taga-Juda bilang mga kapantay nila. Pagkaraan ng pitong dantaon, sa panahon ni Jesus, ang mga Samaritano ang magiging mga karatig-bayang dapat iwasan sapagkat mas maraming pagdududa sa isa’t isa kaysa mga ala-ala.
Kaya naglalaho ang pinakaimportante sa mga kahariang nagmula kina David at Solomon dalawang dantaon mula nang mamatay si Solomon. Isang pag-asa ang maiiwan sa mga Judio: sa pagdating ng Mesiyas, muli niyang pag-iisahin ang Juda at Israel at tatawagin niya ang lahat ng nagkalat sa mga bansa (tingnan Ez 37:15).

• 17.7 Naglaho ang kaharian ng Israel nang malupig ng mga Asirio ang Samaria. Napakaliit at nakabukod ito para labanan ang makapangyarihang karatig-bansa. Gayunpaman, ipinadidiskubre sa atin ng Biblia ang mas malalim na sanhi ng kapahamakang ito: nagtaksil sila kay Yaweng kanilang Diyos.
Pinaglingkuran nila ang kasuklam-suklam nilang mga diyus-diyusan.
Gayong imahen ang unang kahulugan ng diyus-diyusan, ang mga imahen ni Kristo at ng kanyang mga lingkod ay hindi diyus-diyusan gaya ng akala ng mga may makitid na pag-iisip. Ang diyus-diyusan ay anumang iniidolo natin at ipinapalit sa iisang Diyos sa ating puso at buhay. Siya ang Diyos na buhay na nagbibigay-buhay sa lahat ng naglilingkod sa kanya.
Naghahatid naman ng pagkakasakit at kalituhan ang mga diyus-diyusan sa lipunang naglilingkod sa mga ito. Maging ang mga ito’y mga kasangkapan, mga sangkap ng maluhong buhay, mga diyus-diyusang laman at dugo, tuwing pipiliin natin sila, lagi nating nadaramang malungkot tayo at di-malinis.
Subalit may iba pang kahulugan ang pagsasadiyus-diyusan ng Israel. Ang mga diyus-diyusan ang sagisag at instrumento ng banyagang kulturang walang kinalaman sa kanila. Kasama ng mga diyus-diyusan ang mga Kananeo at mga Asirio, inimporta rin nila ang pagsamba sa sex, kasakiman at karahasan. Kinalimutan nila ang mga problema ng kanilang lipunan at nawala ang pagkauhaw sa katarungan na kanilang mana.
Ganito rin ngayon ang pagkaalipin ng mga tao sa mga diyus-diyusan ng konsumerismo… Buong mga pamilya ang nangangayupapa sa harap ng TV, mga “deboto” sa panonood ng mga komersiyal ng kasakiman, mga kung anu-anong palabas at ng kung anumang plano para sa kanila ng isang konsumeristang lipunan. Kayat nawawalang-kakayahan sila na paunlarin ang kanilang buhay sa tunay nilang kalagayan. At nagiging magandang pangarap na lamang ang pagtatayo ng bansa sa katarungan.
Sumunod sila sa mga diyus-diyusang walang-saysay at sila mismo’y nawalang-kabuluhan din (15). Sasabihin din ni Jeremias: “Naglingkod sila sa mga banyagang diyos kayat ipadadala ko silang alipin sa mga lupaing banyaga” (Jer 16:13). Tingnan din ang Mga Hukom 3:7 at Rom 1:24. Kaya sa pagwawalang-halaga sa Diyos nagmumula ang pagkabulok ng tao. At isang mapang-aliping lipunan ang inihahanda ng sinumang naglilingkod sa sarili niyang mga pagnanasa at hangarin.

• 24. Dumaranas ng mga paghihirap ang mga dayuhang dinala sa Samaria. Nagbubunga ito ng kabalisahan sa relihiyon sa kanila: “Galit kaya sa atin ang diyos ng lupaing ito dahil hindi tayo nag-aalay sa kanya ng mga handog?”
Sa harap ng reaksyong ito ng mga taong relihiyoso pero sinauna ang kultura, binibigyang-diin ng sumulat ang mga hinihingi ng pananampalataya:
- hindi sapat ang parangalan si Yawe kasama ng ibang mga diyos. Siya lamang ang kaisa-isahan, at hinihingi niyang wasakin ng tao ang lahat ng diyos na inimbento nito;
- hindi sapat ang mag-alay ng mga handog kay Yawe: ang pagtupad sa kanyang kalooban ang kailangan.

• 18.1 Nagsisimula ang huling bahagi ng mga aklat ng Mga Hari: ang kasaysayan ng nag-iisang kaharian ng Juda. Pinasisigla ng pagbagsak ng Samaria at paglalaho ng kaharian sa hilaga ang pagpapanibago sa relihiyon sa timog.
Ginawa ni Ezekias ang tama sa paningin ni Yawe. Ito ang panahong kakampi ni Haring Ezekias (716-687 bago kay Kristo) si Propeta Isaias. Kung hindi man siya nagkaroon ng kahit na kaunti ng pananampalataya ni David, itinalaga niya ang sarili sa pagtataguyod sa katapatan kay Yawe.
Siya ang nag-alis ng mga altar sa burol. Mapapansin natin dito ang pagsisikap ng mga hari ng Juda para di magkaroon ng iba pang lugar ng pagsamba liban sa Templo ng Jerusalem. Nagpupunta ang mga tao sa maraming santuwaryo sa mga probi-probinsya para mag-alay ng kanilang mga handog kay Yawe na karaniwa’y nahahaluan ng maraming kaugaliang pagano. Sa pagtatampok sa monopolyo ng Templo ng Jerusalem kung saan pinangangalagaan ng mga pari at mga Levitang may pinag-aralan ang kadalisayan ng pananampalataya, pinapaboran ni Ezekias ang reporma sa relihiyon.
Tungkol naman sa tansong ahas na sinira ni Ezekias, tingnan ang Blg 21:4.
Totoo rin na maraming pari at Levitang tumakas sa hilaga ang dumating sa timog sa mga huling araw ng Samaria. Nagawa ng ilan sa kanila na panatilihin ang pananampalataya kay Yawe at ang pagkakaisa ng relihiyon. Dala nila ang mga sagradong libro at maraming matatandang tradisyon tungkol kay Moises at sa nakaraan ng Israel. Magiging napakahalaga ng pangyayaring ito para sa pagsulat sa Biblia at sa reporma ni Yosias sa susunod na dantaon (2 H 22).
Sa taong 701 bago kay Kristo, kinubkob ni Senakerib ang Jerusalem at kinailangang magbayad nang malaki si Ezekias para palayuin ito.
Mula sa 18:17 hanggang sa wakas ng kabanata 19, matutunghayan natin ang mahimalang pagpapalaya sa Jerusalem. Sa totoo’y may dalawang salaysay na maaaring nagsasaad ng dalawang magkasunod na pagpapalaya sa dalawang pagsalakay ng mga Asirio.

• 13. Taong 701, pinapunta ng hari ng Asur ang kanyang mga heneral mula sa Lakis para pasukuin si Ezekias. Pero kailangang bumalik siya sa kanyang lupain at hindi niya natupad ang kanyang mga banta. Isinasalaysay ito sa 18:17-19 at nagtatapos naman sa 19:36-37.
Taong 690, bagong pakikisangkot na isinasalaysay sa 19:10-35. Sa pagkakataong iyon, “lumabas ang Anghel ni Yawe at pinatay ang sandaa’t walumpu’t limang libong sundalo sa kampo ng mga Asirio”. Isinasalaysay ni Herodoto na kilalang paganong manunulat ng kasaysayan ang biglang pagkalipol ng hukbong ito dahil sa isang epidemya. Isang napakanatural na pangyayari! Subalit sa mismong panahong pabagsak na ang Banal na Siyudad at parang mabibigo ang mga pangako ng Diyos, may ilang mga dagang nagkakalat ng nakamamatay na virus. Hindi nagkakamali ang awtor ng Biblia sa pagkakita niya rito ng isang pagpapahayag ng Diyos. Lumaya ang Jerusalem gaya ng ibinalita ni Isaias.
Halos inuulit lamang sa aklat ni Isaias kab. 36 at 37 ang dalawang kabanatang ito. Kaya naman ang salaysay ng unang pagpapalaya ang binibigyang-pansin natin dito. At sa Isaias 37 naman binibigyang-diin ang ikalawang pagpapalaya.
Makipagkasundo kayo sa akin at sumuko (b. 31). Nagmumungkahi ng kapayapaan ang hari ng Asiria sa kundisyong ipadedeport ang mga taga-Jerusalem. Nangangahulugan ito para sa mga Judio ng pagkawala ng kanilang pambansa at panrelihiyong buhay sa pangangalat nila sa ibang mga bayan. Nangangahulugan din ito na wala nang kapangyarihan ang mga inapo ni David at ayon sa kaisipan ng panahong iyon, nalupig na rin si Yawe ng mga diyos ng mga mananakop. At dahil sa mga dahilang ito kaya kikilos si Yawe.
Inaanyayahan tayo ng mga pangyayaring ito na maniwala sa pagsaklolo ng Diyos. Kapag nangako siyang kikilos, hindi siya magkukulang sa kanyang pangako kung hindi tayo magsasawang umasa sa kanya. Laban sa lahat ng inaasahan ng tao, hindi pa rin nagagalaw ang Jerusalem. Ito ang larawan ng pinunong gustong ibagsak ng mga tao dahil sa kanyang katapatan at nananatili naman siyang matatag. Ito ang estudyanteng may isang salita kahit na pagtawanan ng kanyang mga kabarkada ang kanyang pananampalataya. Ito ang mga kabataang nananatiling malinis sa isang kulturang walang moralidad. Ito ang Iglesya na nangaunti na sa iilang mananampalataya at parang nalupig na ng mga puwersang pulitikal subalit lagi pa ring nagtatagumpay.

• 21.1 Patuloy ang malungkot na karanasan ng bayan ng Diyos. Pagkatapos ni Ezekias at ng kanyang mga reporma, kabaligtaran naman ang naging saloobin ng kanyang anak na si Manases. Isa siyang haring walang pananampalataya na bukod sa lantarang pagtataguyod sa pagsamba sa mga diyus-diyusan ay pinag-uusig pa ang mga tapat kay Yawe gaya ng ginawa ni Izebel sa Israel isang dantaon na ang nakalilipas. Sa tulong ng kanyang gobyernong di-makadiyos at puno ng mga krimen, nagtagumpay si Manases na sirain ang pag-asang iniatang ng mga reporma ni Ezekias sa mga inapo ni David.
Mas masahol pa ang ginawa nila kaysa mga bansa. Mas madaling nalilihis ng landas ang mananampalatayang hindi nananatiling tapat kaysa isa nang masama.
Apatnapu’t limang taon ng pagtahimik o pagtatago ng mga tapat at mga propeta ang kanyang paghahari. Labis-labis ang pagtataksil sa Tipan ni Yawe kayat pagkamatay ni Manases, siya ang pinapanagot ng mga propeta sa pagbagsak ng Jerusalem.

• 22.1 Sinundan ni Yosias ang mga yapak ng kanyang amang si David. Sa mga huling araw ng kaharian ng Juda, isang haring “tulad ni David” ang magtatalaga ng kanyang sarili sa pagpapanibagong-sigla sa pananampalataya at pakikipagtipan ni Yawe at sa muling pananakop sa lupain ng mga ninuno.
Pagkamatay ng mga haring umusig sa kanila, dahan-dahang nagigising ang mga tapat. Sa taong 622 bago dumating si Kristo, niyanig ang kaharian ng di-sinasadyang pagkadiskubre sa “Batas”.
Natagpuan ko ang Aklat ng Batas sa Bahay ni Yawe. Sa panahon ng mga naunang kaharian, nalimutan na o itinago ang mga sagradong aklat. Siguradong ang nadiskubre ay ang importanteng bahagi ng Genesis, Exodo at Deuteronomio. Ang huling aklat na ito ay dala ng mga Levita at mga paring dumating mula sa hilaga nang bumagsak ang Samaria. Binibigyang-diin nito ang katapatan sa Tipan ni Yawe, inihahayag nang walang pag-aatubili na buhay o kamatayan ito para sa bayan ng Diyos.
Mapapansin ang bigat ng banal na salita.Mula noo’y pag-uukulang-pansin ni Yosias (na dalawampu’t anim na taon lamang) nang higit sa lahat ang paghubog ng kanyang buhay at ng kanyang bayan ayon sa mga hinihingi ng Batas. Maliwanag para sa kanya na ang proteksyon lamang ni Yawe ang tanging makapagliligtas sa kanyang bayan sa harap ng malalaking bansa. Binibigyang-idea tayo ng paglalarawan sa lahat ng dapat wasakin tungkol sa alon ng paganismo na lumunod sa lahat sa panahon ni Manases.

• 23.15 Sinasamantala ni Yosias ang pagkabulok ng imperyo ng Asiria. Katatapos pa lamang niyang sakupin ang isang bahagi ng lupain ng Israel sa hilaga na sandantaon nang probinsya ng Asiria. Doon ma’y wawasakin din niya ang lahat ng santuwaryo; diyus-diyusan at mga kaugaliang labag sa mga hinihingi ni Yawe.
Ilang taong naniwala ang mga propeta na hindi na magkakatotoo ang malimit na pagbabanta ni Yawe na naghahayag ng ganap na pagkawasak ng Israel. May nakita pa nga sila sa ginagawang pagbawi na balita ng maliligayang araw kung kailan muling pag-iisahin ng Mesiyas ang Juda at Israel bilang iisang bayang may iisang tipan (Jer 31:31).

• 28. Namatay si Yosias na haring repormador na biktima ng isang pagkakamaling pampulitika. Ilang dantaon nang naiipit ang Israel ng Ehipto at Asiria o Asur. Ang Asiria ang pinakabrutal at pinakamalupit na bansa noon. Nang simulang wasakin ng Babilonia sa mga taong iyon ang kapangyarihan ng Asiria, nabahala ang Paraon sa paglakas ng bagong “malaking kapangyarihang” ito. Kaya gusto niyang tulungan ang Asiria na nanghihina na at kalimutan na ang matagal na nilang paglalaban.
Hindi ito pinayagan ni Yosias: inaasam ng kamalayang Judio ang pagkawasak ng “malupit na bansa” (tingnan ang mga propesiya ni Nahum). Paano mapahihintulutan ng Diyos ang pagkamatay ni Yosias na haring banal at repormador? Malaking eskandalo ito sa kamalayang Judio kaya minabuti ng sumulat ng librong ito na tumahimik na lamang. Pagkaraan ng mahabampanahon, sisikaping ipaliwanag ang malungkot na wakas ni Yosias sa pamamagitan ng isang pagkakamaling nagawa niya (2 Kro 35:21). Medyo binibigyang-inspirasyon din ng kanyang pagkamatay ang dakilang propesiya ni Zacarias (12:10) at ang pangalan ng Megiddo na naging sagisag na ng isang sumpa sa Biblia (Pag 16:16).

• 24.8 Nagaganap sa dalawang yugto ang pagkawasak sa kaharian ng Juda:
- 598 bago kay Kristo. Kamamatay pa lamang ni Yoakim. Sa siyudad na nakukubkob, sumuko ang kanyang anak na si Yoakin. Unang pagkatapon sa Babilonia ng mga elite ng lupain. Pinilit ng mga Kaldeo (ang mga taga-Babilonia) si Sedekias na maging hari.
- 587. Naghimagsik si Sedekias laban sa mga Kaldeo. Dumating naman ang mga ito para wasakin ang Jerusalem pati na ang Templo nito. Ikalawang pagkatapon sa Babilonia.
Sinasabi ng Biblia na hindi sana nangyari ang pagkawasak na ito pati na ang nangyari sa Samaria, dahil matapat ang Diyos sa kanyang pakikipagtipan, kung hindi naipon nang naipon ang mga pagkakasala at mga paghihimagsik. Hanggang sa pinakahuling sandali, maililigtas pa sana ang lahat kung nakinig lamang si Haring Sedekias sa mga babala ni Propeta Jeremias (Jer 38).
Subalit salungat sa anumang inaasahan ninuman, muling isisilang ang bansang Judio mula sa mga abo nito, animnapung taon pagkawasak nito. Ipinapakita sa atin ng kasaysayan ang mga malalaking imperyong mga Heteo, Asirio at Kaldeo; ganap na naglaho ang mga ito. Tanging mga estatwa na lamang nila ang makikita sa mga museo, at saka lamang nahukay ang kanilang mga talaan pagkaraan ng tatlumpung dantaon ng ganap na pagkalimot. Subalit babalik sa kanilang lupain ang bayan ng Juda. Matapos dalisayin ng pagsubok at pasiglahin ng mga propeta, magbabalik sila sa paghanap ng isang Bagong Pakikipagtipang mas tapat at mas panloob sa kanilang Diyos. Babalik sila mula sa pagkatapon sa paggabay ni Zorobabel na inapo ni Haring Yoakin at ninuno ni Jesus.

May 30, 2007 Posted by | 2 Mga Hari, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan | Leave a comment

2 Samuel: Komentaryo

Dalawang bahagi ng iisang libro ang mga aklat ni Samuel, kayat para rin sa ikalawang aklat ang sinabi sa Introduksyon sa una.

Isinasalaysay sa atin sa ikalawang bahaging ito ang mga gawa ni Haring David. Walang kasaysayang nasulat na kasintapat nito noong mga unang panahon. Kasaysayang sinulat ng isang tao ng Diyos, at alam niya kung paano madidiskubre ang tunay na kadakilaan ni David. Kaya ang katangi-tangi kay Haring David ay mapapansin sa isang serye ng maliliit na bagay na para sigurong walang halaga o kaya’y kahangalan pa nga para sa kanyang mga kapanahon (tingnan ang tungkol sa pagkakaiba nina David at Yoab, ang may nagagawa at ang “mabisa”). Ngunit hindi nakalampas ang mga ito sa nagsalaysay ng kanyang buhay. Kayat naintindihan ng Israel na kung nagkaroon nga sila ng ibang magagaling na mga hari, si David lamang ang nakapaglahad sa kanila ng isang larawan bilang pagpapauna sa tunay na Hari, si Kristo.

Para madaling maintindihan ang sumusunod na mga pangyayari, alalahanin nating bago pa man dumating si David ay itinuring na ng tribu ng Juda na nanirahan sa timog ng Palestina, na sila’y iba sa mga tribu ng Israel na nasa mas hilagang bahagi. Mas maraming kakampi si Saul sa hilaga samantalang taga-Betlehem naman si David, sa tribu ng Juda.

• 1.1 Ipinakikita ng unang reaksyon ni David pagkabalita nito sa pagkamatay ni Saul ang maganda niyang mga katangian. Mula sa sandaling iyon, isusulong niya ang pambansang pagkakaisa at sisikaping pagbuklurin sa kanya ang mga kakampi at mga kaaway ni Saul.
Mga bundok ng Gilboa. Kilala na si David bilang magaling na makata (tingnan 1 S 16:18). Ipinapalagay na siya ang may gawa ng tulang ito na isa sa mga pinakamatandang tula sa Biblia.

• 2.1 Parang pinapanghihina ng pagkamatay ni Saul ang babago pa lamang at mahinang pagkakaisa ng labindalawang tribu.

Kinikilalang hari si David ng mga taga-Juda na mga katribu niya. Nananatili namang tapat sa anak ni Saul ang hilaga. Mula sa simula’y inisip na ni David na pag-isahin ang lahat. At para mangyari ang layunin niyang ito, kinuha niya ang simpatya ng mga kampi kay Saul at pinupuri niya ang mga tagahilaga sa paglilibing nila kay Saul.
Ayon sa kaugalian ng panahong iyon, depende sa kahalagahan ng hari ang dami ng kanyang mga asawa. Dadalawa pa lamang ang asawa ni David pero bago siya magpa-Jerusalem, magiging anim na ang mga ito (3:2-5).

• 3.1 Ang mga anak ni David ang magiging sanhi ng matindi niyang pagdurusa. Ang pagkakaroon niya ng maraming asawa ang maghahatid ng pag-aaway ng mga kapatid para sa paghalili sa trono: sa katunayan, sa sulsol ng kanya-kanyang ina, sisikapin ng bawat panganay na palitan si David. Dahil dito, tatlo sa kanyang mga anak: sina Amnon, Absalom at Adoniah, ang mamamatay sa paghabol sa kapangyarihan, bago ipaubaya ang trono kay Solomon na hindi pa ipinanganganak nang naghahari si David sa Hebron (tingnan din ang 1 H 2:1).

• 14. Kung minsa’y sinasabi ng Biblia na pumapasok ang Diyos sa maraming pagkakataon para gabayan si David at papagtagumpayin. Pero hindi nito inaalis ang katotohanang matalino at may kakayahan si David, at kaya niyang pamunuan ang buong Israel. Walang kaibahan ang pagkilos ng Diyos nang panahong iyon sa ngayon. Ang tao ang siyang laging sumusulat ng kasaysayan, may madilim at may maliwanag.
Hangad ng bagong hari na pag-isahin ang bansa para magkaroon ng isang malakas na bayan. Inilalahad sa atin ng salaysay na ito ang isang pansamantalang pagkakaisa na mabibigo dahil sa makitid at mapaghiganting kalooban ng mga pinunong militar.
Binibigyang-diin ng salaysay ang tatlong baitang ng saradong pag-iisip sa isang pulitiko:
- naniniwala siyang ang kanyang mga kapartido ang mabuti, at ang mga nasa kalabang partido ang masama;

- at pagkatapos ay ituturing niyang masasamang intensyon sa bahagi ng kalabang partido ang lahat ng ginagawa nito;
- at sa katapusa’y ililigpit niya ang mga ito sa anumang paraan.

• 5.1 Dakilang araw ito para kay David at sa Israel Kinilala siyang hari ng mga tagahilaga, at nagkaroon ng pagkakaisa sa buong lupain. Inihihiwalay ng distrito ng Jerusalem na nasa kamay ng mga Kananeo ang mga tribung nasa hilaga sa mga nasa timog. Sinakop ni David ang Jerusalem na naging kabisera ng nagkakaisang kahariang ito.
Pangwakas na yugto ito. Ginagawa ng Diyos ang Jerusalem na nakikitang sentro ng kanyang pagsama sa kanyang bayan.
Mula noon, sa Jerusalem na malalagay ang Kaisa-isahang templo ng Diyos; at silang mga naghahari sa Jerusalem ang magiging mga tunay na hari ng bayan ng Diyos. Ang Jerusalem ang magiging larawan ng Iglesya. Malalaman ng mga Kristiyano na pagkalipas ng Jerusalem ng Palestina, may ibang Jerusalem na ipinangako sa kanila ang Diyos, ang makalangit na Jerusalem (tingnan Pag 20 at 21).
Ang Jerusalem ang larawan ng langit at pati na ng Iglesya sa lupa. Malimit na tinatawag itong “Sion” sa Biblia dahil ito ang pangalan ng pinakamatandang bahagi ng Jerusalem. Tinatawag din itong “siyudad ni David.”
Sa Biblia, ang pagkakaisa ng hilaga at timog na bahagi ng kaharian ay isang malinaw na tanda ng pamumuhay nila sa grasya ng Diyos. Nauuwi sa pagkakawatak-watak ng mga tao ang lahat ng kataksilan sa Diyos, at kasalanan sa Diyos ang lahat ng pagkakawatak-watak ng mga tao. Ito ang dahilan ng pagsisikap ng mga nananampalataya sa lahat ng bagay na nagtataguyod sa pagkakaisa at pagtutulungan.

• 6.1 Napakaimportante para sa mga Israelita ang Kaban. Naroon ang Batas na tinanggap ni Moises sa Diyos sa Bundok Sinai. At isa pa’y naniniwala ang mga Israelita na nasa ibabaw ng Kaban ang Diyos, at ang gintong takip niyon ang tuntungan ng kanyang mga paa. Gusto rin ng Diyos na ipaunawa sa kanila na kapiling siya ng kanyang bayan, bilang kaibigan ngunit may kalakip na mga pananagutan.
Pero kanino nga ba ang Kaban? Para ito sa labindalawang tribu at hindi para sa isa lamang sa kanila. Kaya nagkaroon ito ng iba’t ibang santuwaryo: Silo, Gilgal, Betel, ayon sa hinihingi ng pagkakataon. At ano naman ang balak ni David sa pagdadala nito sa Jerusalem na kanyang bagong kabisera? Isa kaya itong maneobrang pampulitika para patatagin ang kanyang kapangyarihan sa buong Israel? Siyempre naman. Pero higit pa rito, isa rin itong gawang panrelihiyon sa panahong hindi pa alam ang paghihiwalay ng kapangyarihang pulitikal at panrelihiyon.
Hanggang noo’y ang Israel sa kabuuan nito ang hinirang ni Yawe, ang panganay na anak ng Diyos. Ngunit wala isa mang Israelita ang ipinapalagay na marapat sa espesyal na aten-syon ng Diyos ng kanilang bayan. At alam na ngayon ni David na siya ang hinirang ng Diyos, ang “anak ng Diyos,” ayon sa salita ni Propeta Natan para sa kanyang mga inapo. Kaya naman iginigiit ni David ang karapatang malagay nang mas malapit sa kanya ang Kaban. Gusto niyang ilagay ang presensyang ito ng Diyos sa isang templo na magiging pinakakapilya ng kanyang pamilya. Pero wala na ang templong ito.
Mahal nga ng Diyos ang lahat ng tao pero si David ang unang nakadama nito at makikita natin ito sa napakasimple niyang relasyon sa Diyos. Paglipas ng mga panahon, mauunawaan ng mga propeta na ang mga pangakong binitiwan ng Diyos kay David ay para sa ating lahat pala na naniniwala kay Kristong bugtong na Anak ng Diyos.
Sa Israel, ang mga kalalakihan lamang ng tribu ng Levi ang may karapatang maglingkod kay Yawe at lumapit sa mga sagradong bagay dahil sa natatangi nilang pagkakatalaga kay Yawe. Pinatuloy ni Obed-Edom at ng kanyang mga anak ang Kaban sa kanilang tahanan. Pero hindi nila puwedeng hipuin ang Kaban nang hindi naaapektuhan ng matinding lakas na nagmumula sa Diyos na Banal. Sinasabi ng Biblia na “pinarusahan” si Uzza. Ngunit ang salitang ito ay ayon sa kaisipan ng mga taong iyon na ipinagkakamali ang kasalanan sa di sinasadyang pagkakamali.
Isang tandang naaayon sa kaisipan ng panahong iyon ang pagkamatay ni Uzza, para ipaliwanag na dakila sa lahat ang Diyos at tunay rin siyang nasa piling ng kanyang bayan sa natatanging paraan.
Ipinadala ni David ang Kaban sa bahay ni Obed-Edom. Bakit sa bahay ng isang dayuhan ito dinala? Dahil ba sa hindi papananagutin ni Yawe ang di-Israelitang ito? O dahil ba sa mas mabuti nang isang dayuhan na ang manganib na dumanas ng poot ni Yawe? Ngunit kung pagpapala ang hatid ng Kaban sa nagpapatuloy rito, sa tabi ng hari ang natural na lugar nito!
Ibang larawan ang nadidiskubre ng Ebanghelyo ni Lucas sa salaysay na ito. Tulad ng Kaban at sa mas kahanga-hanga pang paraan, dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ang Diyos mismo sa loob ng siyam na buwan. At nang magkatawang-tao siya, pinagtibay niya ang ganap at walang-hanggang Tipan sa lahat ng bayan sa mundo. Kaya may ilang nagbigay kay Maria ng pamagat na “Kaban ng Tipan”. Ang tekstong ito ang nasa harap mismo ni Lucas nang isinasalaysay niya ang pagdalaw ng Mahal na Birhen kay Isabel. (Bigyang-pansin lalo na ang mga bersikulo 9 at 11, at ihambing sa Lucas 1:39-45 at 56-64).

• 14. Ilarawan natin sa isip ang paglilipat ng Kaban. Isa itong malaking prusisyon ng libu-libong tao, nagkakantahan, nagsasayawan at nagtutugtugan sa pangunguna mismo ng hari. Di-mabilang na handog ang iniaalay. Masayang-masaya ang lahat sapagkat nasa kanyang bayan ang Panginoon. Ito ang matagumpay na pagpasok ng Kaban ng Tipan sa dapat nitong kalagyan sa kabisera ng lupain.
Sumasayaw si David… sa harap ni Yawe. Naiintindihang mabuti ni David ang kanyang ginagawa. Alam niya na kahit na ang lahat-lahat man ay kaunti pa rin para ipagpasalamat sa Diyos. At wala siyang pakialam sa maaaring isipin ng iba tungkol sa kanya basta’t maipakita lamang niya ang kanyang tuwa sa Panginoon kaya kumakanta siya at sumasayaw.
Nakutya kay David si Micol sa kanyang puso. Walang naiintindihan si Micol na anak ni Saul. Mas pinoproblema niya ang “maaaring sabihin ng tao” kaysa pagpupuri sa Diyos.
Sa bahaging ito, isang dakilang hari ang nagtuturo sa atin ng tunay na kadakilaan. At ipinaaalaala niya sa atin ang mga halimbawa ng buhay sa araw-araw: ang kabataang nakapagtapos ng pag-aaral pero nananatili pa rin sa kanilang baryo, at kasinsimple pa rin ng dati; isang Kristiyano na hindi ikinahihiya ang kanyang pananampalataya at isinasabuhay ito, may nakakakita man o wala.

• 7.1 Nakatira ako sa bahay na sedro pero nasa tolda lamang ang Kaban ni Yawe. Iniisip ni David na kung may palasyo ang hari, bakit di dapat magkaroon ang Diyos? Pero iba ang iniisip ng Diyos na pinakadakila sa lahat at ipinaaalam niya ito sa pamamagitan ng kanyang propetang si Natan.
Nang unang panahon, hindi mapapayagang walang sariling templo at palasyo ang kapitolyong lungsod. Hindi maipaghihiwalay ang pagsasama ng Diyos at ng hari para matiyak ang maayos na kalagayan ng bansa. Pero ang kuro-kurong ito na may malalim na kaugnayan sa relihiyon (tingnan ang paliwanag sa Dt 4:1) ay tututulan ng Ebanghelyo.
Ang Diyos ang magtatayo ng bahay para kay David. Ang bahay sa Biblia ay nangangahulugan ng sambahayan, ang mga tao at mga bagay na pag-aari ng isa. Ang “bahay” ni David ay ang kanyang pamilya, ang kanyang mga tauhan, ang kanyang bayan.
Magtatakda ako ng lugar para sa aking bayang Israel. Pinipili ng Diyos ang sandaling ito sa isang pinakamahalagang hakbang sa pagbubuo ng kanyang bayan. Isang bayang may labindalawang tribu ang Israel mula pa sa panahon ni Moises. Ngayon, magiging organisadong bansa ito sa sarili nilang lupa, may isa at matatag at pangkalahatang pamunuan: ang mga haring inapo ni David.
Patatanyagin ko ang iyong pangalan tulad sa mga dakilang tao. Sinasamahan ni Yawe si David sa lahat niyang gawain. Ngayon nama’y magagamit siya ng Diyos at ang kanyang mga gawa para magtayo ng isang permanenteng bagay para sa kaligtasan ng mga tao.
Ganito rin ang nangyari kay Abraham (Gen 17:7).
Mangyayari rin ito kay Pedro (Mt 16:18).
Mula ngayo’y ang kaharian ni David ang magiging Kaharian ng Diyos. Bibigyang-kapangyarihan ko ang iyong supling na kasunod mo (tingnan Lc 1:32).
Si Solomong anak at kahalili ni David ang unang tinutukoy ng pangako ng Diyos, pero pati na ang mga darating na kasunod niya. Parang nasira ang pangako nang mawasak ang kaharian ni David pagkaraan ng apat na dantaon. Ngunit si Jesus na isa sa kanyang mga inapo ang sa dakong huli’y siyang lubos na magsasakatuparan sa ipinahayag ni Natan. Maraming beses sa Ebanghelyo na tatawaging anak ni David si Jesus (Mc 12:35).
Magiging hari rin si Jesus, kahit na hindi gaya ng mga pinuno ng mundong ito. Ganap niyang isasakatuparan ang mga balangkas sa katauhan ni David:
- ang pastol na magbubuklod sa mga tupang nakakalat,
- ang mananakop na nagbibigay sa kanyang bayan ng kapayapaang kanyang sinakop;
- ang kinatawan ng Diyos sa piling ng mga tao.
May dalawang tampok na aral ang paraan ng pangunguna ng Diyos kay David at ng pagsagot niya:
- Tulad sa kaso ni David, kadalasa’y may gustong ialay ang mga tao sa Diyos. Sa totoo’y hindi natin siya kailanman mauunahan; ibinibigay na niya ang kanyang mga pagpapala bago pa man tayo makapagsimulang maglingkod sa kanya.
- Sa kabilang dako naman, hindi ang templong itinatayo natin para sa kanya ang pinahahalagahan niya kundi ang espirituwal na templong gusto niyang itayo sa mga tao mismo, isang proyektong magkakatotoo lamang pagkaraan ng maraming dantaon, sa pamamagitan ng kanyang Iglesya.

• 8.1 May pagmamalaking isinasalaysay ng kabanatang ito ang mga tagumpay ni David. Ang mga digmaang iyon ang mismong dahilan ng pagkabuo ng kaharian ni David. Isa itong yugtong kinakailangan sa mahabang paghahanda sa Kaharian ng Diyos. Aalalahanin ng mga Israelita si David bilang matagumpay na haring mandirigma, habang hinihintay nila ang Mesiyas na anak ni David bilang hari ng kapayapaan na siyang lulupig sa lahat ng kaaway (tingnan Isaias 9:5 at Mikeas 5:1-4).
Nang panahong iyon, napakalakas ng mga katutubong gawi ng tao kayat hindi nagdalawang-isip ang simple at maawaing si David sa pagpatay sa kanyang mga bihag. Pinupuri siya ng Biblia sa pagliligtas ng ilan sa mga ito.
Hindi pinapalitan ng pananampalataya ang kultura. At bawat isa sa atin, gaano man tayo katapat sa pananampalataya ay umaasa pa rin sa mga ideang pangmoralidad ng ating kapaligiran. Alam nating sa loob ng mga dantaon ng Kristiyanismo ay hindi naisip ng mga mananampalataya at ng mga santong handang mag-alay ng kanilang buhay para sa isang kapatid na maysakit na magsalita laban sa mga pang-aabusong para sa ati’y hindi natin matitiis.

• 15. Si Abraham man o si Moises ay walang mga sekretaryo o mga ministro: walang opisina ang mga pagala-galang ito, ni wala silang asnong may dala ng mga libro at mga rekord. Binubuo ni David ang unang panimulang grupo ng mga opisyal sa kaharian at kay Solomon lamang magsisimula ang sagradong panitikan.
Mga pari ang mga anak ni David. Sa panahong iyon, dalawang dantaon pagkaraan ni Moises, hindi pa reserbado para sa mga Levita ang pagkapari. Si Solomon mismo ang mag-aalay ng mga handog at siyang gagawa ng pagtatalaga ng Templo (1 H 8:64).

• 11.1 Inihahatid tayo ng “kasalanan” ni David sa pagninilay sa kahinaan at kasamaang kayang gawin ng mga kaibigan mismo ng Diyos.
Mapapansin natin ang mga kapintasan ni David sa iba’t ibang pagkakataon: mapusok siya at mapanlinlang. Pero ang lahat dito (kabanata 11) ay nagbibigay-daan para maging mas kasuklam-suklam ang kanyang krimen:
- Isang dayuhan si Urias na dumating para maglingkod sa hari.
- Mahigpit na sinusunod ni Urias ang mga panrelihiyong batas tungkol sa digmaan (umiiwas siya sa pakikipagsex) at ang pakikisama niya sa kanyang mga kasamahan, samantalang nagpapadala naman si David sa kanyang pagnanasa, siya na malayo sa lahat ng panganib.
- Pataksil na pinapatay ni David si Urias matapos niya itong sabihang dalhin kay Yoab ang sulat.
Bakit pinangangahasan ng isang librong naglalayong itala ang alaala ng huwarang hari na deretsahang isalaysay ang pangyayaring ito. Wala itong pinagtatakpang anuman pagdating sa kung paano naging mas kasuklam-suklam ang krimen ni David at kaawa-awa naman ang kanyang biktima. Hinding-hindi ito magagawa ng manunulat ng kasaysayan ng ibang bayan.
Subalit hindi isinulat ang Biblia para luwalhatiin ang hari o ang mga tao. Ito’y “pagbubunyag ng Diyos” sa pinakamalinaw na kahulugan ng kataga. Sa pagninilay sa Salita ng Diyos, natututunan ng isang tao na makilala ang Diyos pati na rin ang kanyang sarili sa liwanag ng Diyos: lahat tayo’y makasalanang nangangailangan ng Tagapagligtas na ipinadadala sa atin ng Diyos.

• 12.1 Si David ang magiging modelo ng nagsisising makasalanan.
Bakit mo binale-wala si Yawe? Ano ang ginawa ni David para piliin siya ng Diyos? Ang lahat sa buhay niya ay gawa ng pag-ibig ni Yawe. Pumili ang Diyos ng isang simpleng pastol para gawing hari. At sa maliit na bansa pa niya pinili ang “haring” ito para ilagay sa kanyang mga kamay ang walang-hanggang Kaharian. Walang maidadahilan si David.
Ginawa mo ang ayaw ko. Madaling nalilimutan ni David na ayaw ni Yawe ng mga panlabas na seremonya kundi ang kadalisayan ng puso at ang katarungan sa kapwa.
Pinatay mo si Urias… at inangkin ang kanyang asawa. Inilalabas ng Diyos sa liwanag ang pinagtatakpan ni David sa lahat at sa sarili niyang konsiyensya.
Ang saloobin ni David: inaamin niya ang kanyang kasalanan nang may kababaang-loob at tinatanggap ang mga bunga ng kanyang pagkakasala. Sa Biblia, sinasabing siya ang may gawa ng Salmo 51 na madamdaming panalangin ng makasalanang nagsisisi.
Ang saloobin naman ng Diyos:
- Pinatawad na ni Yawe ang iyong kasalanan. Nananatiling matapat ang Diyos at tuloy pa rin ang kanyang mga pangako sa mga inapo ni David. Higit pa rito’y si Solomong anak ni David kay Batseba ang siyang makikinabang sa mga nabanggit na pangako: padadaanin ng Diyos ang kanyang grasya sa dinaanan mismo ng kasalanan.
- Sa sarili mong sambahaya’y lilitaw ang kapahamakan. Sa pagpapatawad ng Diyos, hindi niya binubura ang mga bunga ng krimen.

• 15. Nagkasakit at namatay ang batang bunga ng pagmamahalan nina David at Batseba. Nauunawaan ng hari na isa pa itong tanda para maintindihan niya ang bigat ng kanyang kasalanan. Pero hindi mapaghiganti o nagtatanim ng sama ng loob ang Diyos. Hindi katulad ng ating puso ang kanyang puso. “Hindi siya madaling magalit at walang makadadaig sa kanya sa kabutihang-loob.”
May iba pang bata na ipinanganak ng babaeng ito na asawa na niya ngayon, ang magiging Haring Solomon na siyang pinili ng Diyos para humalili kay David. Mabigat man ang kanyang kasalanan, hindi pa rin pinabayaan ng Diyos si David.

• 13.1 Parang pag-uulit ng kasalanan ni David sa sarili niyang angkan ang krimen ni Amnon at ang kanyang asasinasyon – bagay na lubhang nakasugat sa kanyang damdamin.

Pangkaraniwan lamang ang ganitong mga pangyayari kahit saan sa mga unang panahon. Pagsamba at pag-aalay ng mga handog ang itinatakda ng ibang mga relihiyon nang panahong iyon; babahagya lamang silang nangungusap, kung hindi man talagang walang sinasabi tungkol sa pagkamatuwid sa moralidad. Ngunit mula sa simula ng Biblia, matuwid na pag-uugali at katarungan ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ang mga tao ng Biblia ay hindi laging mas magaling sa mga nasa ibang bayang di nakakakilala sa Diyos, pero mas alam nila kung ano ang kasalanan.

• 15.10 Gusto ng Diyos na magkaroon ang mga Israelita sa mga dantaon bago dumating si Kristo ng paglalarawan sa kanya sa katauhan ni David na unang hari nila. Ang maliligaya’t maluwalhating araw ng batang pinuno na mahal ng lahat ay nasundan ng malulungkot na araw ng matandang hari. Sa mga taong iyon marahil mas malinaw na nakikita ang pagkakahawig ni Haring David kay Kristo.
Hindi na hihiwalay ang tabak sa iyong sambahayan. Inihayag ni Natan ang bungang ito ng kanyang pakikiapid. Ngunit tanging ang mapagkumbabang katapatan lamang ni David ang lumilitaw sa pagsubok. At tinatanggap niya nang walang anumang reklamo ang kalooban ni Yawe.
Nagugulat tayo kung paano nasikmura ni David ang pagmumura ni Semei. Gaano pa kaya sa mga tao nang panahong iyon na walang nauunawaan kundi paghihiganti. Alam ni David na hindi siya kailanman pababayaan ng Diyos. Ang kasalukuyan niyang kasawiampalad ay parang isang paanyaya ni Yawe na magtiwala pa nang higit. Ayaw niyang magtanggol sa sarili o maghiganti para maakit niya ang awa ni Yawe.
Sa mga kabanata 15-17, ang nangyari kay David ay pinakapagpapauna, ang larawan ng Mesiyas sa kanyang pagpapakasakit at muling pagkabuhay hanggang sa mga detalye mismo:
15:12, isang traydor sa sanggunian ni David… ang nagbigti, 17:23.
15:23, ang iyakan, ang Ilog Kidron.
15:30, ang Bundok ng mga Olibo.
15:32, ang maliit na grupo ng mga tapat na nasa tuktok ng bundok.
16:9, gusto ng heneral na ipagtanggol sa tabak ang kanyang hari; pinagbawalan siya ni David.
16:13, ang mga insulto, ang maikling pagtakas na nagtatapos sa pagkamatay ng rebelde, 18:15.

• 18.6 Mahirap paiksiin ang buhay at napakagandang salaysay na ito.
Walang kaduda-duda na ipinaaalaala sa atin ng eksena ang talinhaga ng Waldas na Anak. Kahit na umalis ang anak sa bahay ng kanyang ama at nagdala sa kanya ng maraming pinsala, hindi pa rin nawalan ng pag-asa ang ama. At dahil sa labis niyang pagmamahal kaya nasa may pintuan siya ng siyudad sa paghihintay ng balita, gaya ng Ama sa talinhaga na siyang unang nakakita sa kanyang anak na bumabalik.
Tama si Yoab mula sa pananaw ng pulitika, pero mas malapit si David sa paraan ng pagtingin ng Diyos.

• 19.40 Hindi talagang nalulutas ng tagumpay ni David ang problemang pagkakaisa ng mga tribu. Sinamantala lamang ni Absalom ang naroon nang pagkakawatak-watak at lalo pa itong pinalala. Sumama ang loob ng mga taga-Juda laban sa Israel, gayong marami rin sa kanilang tribu ang tumulong kay Absalom. Kaya hinadlangan nila na makapaghari si David sa lahat at lalo namang pinalaki ng kanilang tagumpay ang “punit” sa pagkakaisang babago pa lamang na natatamo.
Kapag tayo mismo ang nasusunog sa alitan, wala na waring mas maganda pang solusyon kundi ang ihiwalay ang mga kumakalaban sa atin o sa ating partido. Ngunit kung mula sa labas natin tinitingnan ang mga bagay-bagay, kaagad nating hinuhusgahan ang mga magwawalay sa iba. Ibinubunyag ng Biblia na ang tao ay makasalanan: laging may tensiyon sa pagitan ng ating pagkauhaw sa pagkakaisa at sa pangangailangang magparusa sa nagkasala (1 Cor 5) o wari’y nagkasala. Lagi tayong maging mapagkumbaba kapwa pag nagpapasya tayong magwalay o nagtataguyod sa pagkakaisa at kapayapaan.

• 21.1 Ipinakikita sa atin ng kabanatang ito ang pinakadi-makataong maling paghuhusgang panrelihiyon nang panahong iyon.

Sumangguni si David kay Yawe… Sinabi ni Yawe… Natunghayan na natin ang kaugaliang ito ng pagtatanong sa Diyos sa paggamit ng Urim at Tummim, na ibig sabihi’y pagpapalabunutan. Maaaring pumayag si Yawe sa maraming pagkakataon na patnubayan sa ganitong paraan ang mga naniwalang binigyang-kapangyarihan ito ng Diyos. Napatutunayan natin dito na makapaghahatid sa mas masahol na paglihis ang mga pamamaraan ng mahika na ginagamit para hanapin ang sagot ng Diyos: ang mga responsable sa taggutom ay ang mga inapo ni Saul dahil pinatay niya ang mga taga-Gibeon.
May kapahamakang nangyayari at sinasabi ng mga tao na parusa ito ng Diyos. At kung parusa ito ng Diyos, kailangang hanapin ang may kasalanan. Malamang na ganito rin ang paniwala mismo ni David: lamang ay ginagamit niya ang kanyang kapangyarihan para iligtas ang anak ng kanyang kaibigang si Yonatan.
Hindi natin masasabing naglaho na ngang tuluyan ang ganitong kaisipan. Kung may masamang nangyayari sa lipunan o sa isang samahan, marami ang naghahanap kung sino ang kanilang isasakripisyo bago tingnan kung sila mismo ang may kinalaman sa pagkakamali.

• 22.1 Halos katulad na katulad ng Salmo 18 ang “Awit” na ito ni David.

• 23.8 Sa pagtatalaga ng kabanatang ito sa alaala ng mga “magiting” ni David (tingnan din ang paliwanag sa 1 S 22), ibinibigay sa kanila ng Biblia ang nararapat. Isinabuhay ng mga lalaking ito ang kanilang pananampalataya at tinupad ang kanilang misyon sa pakikipaglaban at pagpatay sa kanilang mga kaaway na sa tingin natin ngayo’y parang napakalayo sa sinasabi ng Ebanghelyo. Ngunit alam natin na dahil sa kanila, sa kanilang lakas at katapangan kaya naging hari si David. Nakikita muli rito na hindi sinasawata ng pananampalataya ang tunay na kalagayang pantao, ni ang panahong kinakailangan para sa ebolusyon ng pamantayan ng moralidad. Mga dantaon ang kinailangan para gawing ganap ang pagkatuto ng bayan ng Diyos, pero kung kailangang tumagal ito nang mga dantaon, kailangan munang manatili itong buhay.

• 24.1 Malaki ang inilago ng kaharian. Lumawak ang nasasakupan nito, dumami ang mga hayop at hukbo. Malaking bayan ang Israel at natukso si David na malaman kung ilang tao me-ron ang buo niyang lupain kaya nagpasenso siya.
Hindi masama ang senso sa ganang sarili nito. Ang masama ay ang paniwalang nakasisiguro ka na dahil sa pagkakaroon ng maraming tao o sundalo, o kaya’y ang pagiging buhos na buhos ang isip sa dami, sa bilang, at nakakalimutan na ang importante na walang iba kundi ang uri. Nakakalimutan ni David na tagapamahala lamang siya at kinatawan ng Diyos sa Israel: hindi kanya ang mga tupa. Sa lahat ng antas ng lipunan, gusto ng mga taong bilangin ang kanilang mga hayop o kaya’y ilista ang kanilang mga nagawa, gayong sa totoo’y ang Diyos ang may-ari ng lahat ng atin.
Inilalahad dito ng sumulat ang salot bilang gawa ng Diyos para parusahan ang hari. Sa ganito’y kaisa siya sa mga paniwala ng mga tao ng kanyang panahon. Napakadali noong tanggapin na gawa nga iyon ni Yawe para patayin ang mga Israelita kahit na wala silang kinalaman sa kasalanan ng kanilang hari. Para sa ati’y mas tama sigurong sabihin na gumawa ang Diyos sa pagsusugo kay Propeta Gad ilang araw bago nagsimula ang salot, isang salot siyempre na hindi naman himala. Kaya sa paggamit ng isang lengguwaheng maiintindihan ni David, gusto niyang bigyan ng leksiyon si David at ng isang tanda ng bigat ng kanyang kasalanan.
Tingnan ang sinasabi tungkol sa panlahatang kaparusahan sa Josue 7 at ang tungkol sa Anghel ni Yawe sa Genesis 16.

May 30, 2007 Posted by | 2 Samuel, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Lumang Tipan | Leave a comment

1 Samuel: Komentaryo

Ang Aklat ni Samuel na ngayo’y nahahati sa dalawa ang simula ng ikatlong bahagi ng banal na kasaysayan pagkatapos ng Genesis at Exodo. Dito inilalahad sa atin ANG GAWA NG DIYOS SA PUSO NG MGA TAO at ang paraan ng pakikipagtulungan nila sa paghahari ng Diyos.

Dito buong kasimplehang isinasalaysay sa atin ang mga halimbawa at mga pagkakamali ni DAVID: ang buhay niya, na kasingkaraniwan ng sa sinuman sa atin, ay waring may taglay na hiwaga. Pero sa dakong huli’y makikita nating ang Diyos pala ay nasa lahat ng nangyari sa kanya at sa kanya’y nagtayo ang Diyos sa mga Israelita ng isang bagay na di mapapawi.

Mahalaga ang librong ito hindi dahil sa mahahalagang pangyayari ng kasaysayang nakapaloob dito. Mas binibigyang-pansin ng Biblia ang PERSONAL NA KASAYSAYAN ni David kaysa kanyang mga tagumpay. Ang unang haring ito ng Israel ang modelo ng isang sumasampalataya dahil sa kabila ng kanyang malakas na personalidad at di pangkaraniwang talino, nagpapatnubay pa rin siya at NAGPAINSPIRASYON SA DIYOS, at pinakaimportante sa kanya ang maglingkod sa Diyos sa lahat ng bagay.

Sa librong ito’y para bang NAGTATAGO ANG DIYOS. Walang anumang pagbubunyag o mariringal na pagpapakita ng Diyos. Isang salita lamang kay Propeta Natan na magbibigay-direksyon sa hinaharap: ang paghahari ni David sa Jerusalem at sa Palestina ay mauuwi sa Kaharian ng Diyos sa sanlibutan. Si Kristo Jesus ang magiging ANAK NI DAVID.

Dalawang tao ang nauuna kay David:

- si SAMUEL, ang pinakahuli sa mga Hukom at isa ring propeta. Ito ang panahon na watak-watak ang mga Israelita at nadarama nilang kailangan nila ng isang permanenteng pamunuan: “Gusto naming magka-hari gaya ng meron ang ibang mga bansa,” sa halip na umasa lamang sa mga inspirado ng Espiritu, sa mga “hukom” na laging naroon kapag kinakailangan sila ng bayan.

- si SAUL, ang pinakaunang hari na pinili ng Diyos, pero tinanggihan naman pagkatapos.

- Sa simula ng libro, hindi pa ang Israel ang may-ari sa lupain ng Kanaan, pero naging magbubukid na sa permanenteng lugar ang mga tribu mula sa dati nilang pagpapagala-gala bilang mga pastol. Namayan sila sa kabundukan, at kadalasa’y wala silang magawa sa pagsalakay ng mga Pilisteong nakatira sa matabang kapatagan ng dalampasigan sa mga siyudad ng Gat, Gaza, Asdod, Askalon at Ekron.

• 1.1 Nagsisimula ang lahat sa isang simpleng mag-asawa na isinasabuhay ang dula ng kanilang buhay-mag-anak sa isang nayon sa kabundukan.

Mas mababa ang katayuan ng babae, at palaging magiging ganito sa Israel. Kasinghalaga lamang siya ng mga anak na isisilang niya. Ang bilang ng asawa ng isang lalaki ay batay sa kanyang kakayahang magtustos. Mahal ni Elkana si Ana, pero gaya ng pagmamahal niya sa kanyang mga anak.

Sa mga pamilya mismong ito na wala nang pag-asang magkaanak gusto ng Diyos na pumili ng kanyang mga lingkod. Ang Diyos ang nagbibigay-buhay sa mga patay at ng pag-asa sa mga walang pag-asa. Tingnan ang mga katulad na pangyayari sa kapanganakan ni Isaac at ni Juan Bautista (Lucas 1:5). Mababasa natin sa libro ni Isaias ang tula na nagsisimula sa ganitong mga salita: “Sumigaw sa galak, ikaw na dating baog.” (Is 54:1).
Ipinapakita sa atin ng salaysay na ito ang buhay-relihiyoso nang panahong iyon. Nasa Silo ang toldang kinalalagyan ng Kaban. Wala pang templo noon, kaya dinadala ng mga namamanata ang mga hayop na kanilang ihahandog. Ang ama ng tahanan ang namumuno bilang pari ng pamilya sa pag-aalay ng mga hayop na handog. Mula lamang sa panahon ni David saka magiging tanging karapatan ng mga pari ng tribu ng Levi ang maging mga tagapamagitan ni Yawe at ng kanyang bayan.
Lumilitaw rin dito ang mas mababang kalagayan ng mga babae. Mahal ni Elkana si Ana gaya ng pagmamahal niya sa kanyang mga anak; pero hangga’t ang mga lalaki ay puwedeng magkaroon ng maraming asawa, hindi magkakaroon ng mag-asawa ayon sa niloloob ng Diyos (tingnan ang Gen 2:24).

• 2.1 Sa kanyang awit ng pasasalamat, inaako ni Ana ang pagiging tagapagsalita ng lahat ng hamak sa kanyang bayan at sa daigdig.
Si Yawe ang Diyos na nagliligtas sa mga pinabayaan. Tinatanggihan niya ang mga nananalig sa kanilang bisig, sa kanilang pana, sa pagkaing tiyak na nakalaan para sa kanilang tahanan, ibig sabihi’y sa kanilang sarili at sa meron sila. Ipinamamalas niya ang kanyang luwalhati sa pagbaligtad sa pagkakaiba ng mga tao (tulad sa talinhaga ng mayaman at ni Lazaro, Lucas 16:25). Si Yawe ang nagdadala sa libingan at bumubuhay.
Maihahambing din ang awit na ito sa Awit ni Maria (Lucas 1:45). May propetikong pananaw ang awit ni Ana. At tulad ni Ana, kailangan din nating ipagmalaki ang ating Diyos, higit pa sa mga materyal na pag-unlad ng ating lipunan na naghahatid ng ligaya sa mayayaman at malalakas.
Sinasabi ng tekstong ito na mali ang mga naghahangad ng pag-unlad ng lipunan at sariling kapakanan, na ang tanging layunin lamang ay matiyak ang kinabukasan ng kanilang mga pamilya. Ang nasa panig ng mahihina ang siyang maliligtas. Samantalang ikinahihiya ng iba ang kanilang pagkahamak, pagiging trabahador o magbubukid, o ang paurong na kalagayan ng kanilang bayan, alam naman ng sumasampalataya na ang mga dukha at mga nagugutom ay tumutulong sa pagliligtas sa daigdig. Sapagkat kung saan salat sa lahat ng bagay, doon mas madaling madiskubre ang tunay na halaga ng tao, at maunawaan na wala nang daigdig na karapat-dapat sa tao liban sa daigdig na may pagkain at dangal para sa lahat.

• 3.1 Deretsahan at personal na tinatawag ng Diyos si Samuel. Ang pagtugon ng batang Samuel ang siyang naghahanda sa kanya para sa mas dakilang mga bagay.
Sa kabila ng edad at tungkulin nito, mapapansin ang pagpapahalaga ni Eli kay Samuel. Alam niya na wala sa edad ang kahustuhan sa buhay-espirituwal. Tinatanggap niya ang mga paninising pinararating ng Diyos sa pamamagitan ng batang ito.
Binibigyang-diin din ng Biblia ang pananagutan ng mga hindi dumidisiplina sa kanilang mga anak. Itinuturo sa Israel na tungkulin ng mga ama ang turuan at disiplinahin, kahit na parusahan, ang kanilang mga anak, sa halip na kun-sintihin ang mga ito. Hindi dapat magkulang ang mga magulang sa kanilang responsabilidad na maging mga tagapagturo nang dahil lamang sa maling dahilan na kapag naging mahigpit sila sa kanilang mga anak ay mawawala ang pagmamahal ng mga ito sa kanila. Habang di pa ganap na mulat ang konsiyensya ng bata, ang hinaharap na kalayaan ng isang kabataan at ng may husto nang gulang ay naihahanda sa pamamagitan ng disiplina ng isang “Batas”: tingnan ang Sir 30 at Gal 4, at ang paliwanag sa Mga Hukom 8:22.
Ang pagtawag kay Samuel ay tulong sa atin para alalahanin na bawat isa sa atin ay may bokasyon, na ibig sabihi’y tinatawag ng Diyos ang bawat isa at inilalaan sa pagganap ng isang gawaing para lamang sa kanya at di mapapalitan. Sa kasalukuyang panahon, napakarami sa atin ang bale mga tagagawa lamang at di gaanong pinahahalagahan. At dahil wala silang anumang tungkulin o responsabilidad na kanilang naipagmamalaki, tama lamang na makadama sila ng kabiguan. Hindi nila nararamdamang “tinatawag” o kinakailangan para sa kung anong dakilang gawain. Kaya wala sa kanila ang isa sa pinakaimportanteng puwersa na magbubunsod sa kanila na itayo ang kanilang kinabukasan. Para magkaroon ng direksyon ang buhay, kailangang itanong ng bawat isa sa kanyang sarili: Ano ba ang gusto ng Diyos sa akin?

• 4.1 Sa pakikipagdigma nila sa mga Pilisteo, hangad ng mga Israelita ang proteksyon ni Yawe. Hinanap nila ang Kaban, sa pag-aakalang sa pamamagitan nito’y obligado si Yawe na papagtagumpayin sila. At sapagkat kalimita’y pinagdududahan ng tao ang kanyang Diyos, nagtitiwala siya sa kanyang mga anting-anting.
Pero hindi mahalaga sa Diyos ang Kaban, at wala rin siya sa paninilbihan sa isang bayang iresponsable. Sa halip ay gusto niya silang turuan: pagbabayarin niya sila sa kanilang kataksilan. Kaya hindi sila tinutugon ng Diyos, at nawala ang Kaban.

• 7.2 Nauulit dito ang parehong karanasan ng Mga Hukom. Kinukumbinsi ni Samuel ang Israel na magbalik kay Yawe. At pinapagtagumpay naman sila ni Yawe na tapat sa kanyang Pakikipagtipan.

• 8.1 Nagkaroon ng malalim na pagbabago sa pamumuhay ng mga sinaunang lagalag na nakatira ngayon sa mga nayon at bayan gaya ng iba. Hindi na akma ang mga dating istrukturang panlipunan na bagay lamang sa pamumuhay sa disyerto; malimit itong masaksihan sa mga kasaysayan ng mga bansa, gayundin sa iglesya. Palaging nagbabago ang sangkatauhan na ibinubunsod ng mga pangyayari at ebolusyong teknikal; lumilitaw ang mga pagkakaiba ng mga kaisipan, at nabubunyag kung gaano kaalangan ang mga sinaunang istruktura sa mga bagong kalagayan.
Bukod dito, kinakailangan ang mga institusyon sa buhay ng mga komunidad para bigyan ng direksyon at kaayusan ang laging magulong buhay na ito; kung walang permanenteng institusyon, babaling ang lipunan sa anarkiya. Kung may palagiang tensiyon sa pagitan ng buhay at ng institusyon, mas nakikita ito kapag may krisis ang lipunan. Samantalang iniisip ng mga konserbatibo na ang muling pagtatatag ng kaayusan ay isang pagbabalik sa nakaraan, naghahanap naman ang mga nagtataguyod ng pagbabago, ng mga sariwang istruktura para tugunan ang pangkasalukuyang kalagayan, at madali nilang kinalilimutan ang aral ng kahapon.
Sa Mga Kabanata 8-12 ng 1 Samuel, ipinakikita sa atin ang ganitong krisis at ang mga salungatang ibinubunga nito. Nakikita ng mga tao na nagmumula ang kanilang kahinaan sa hidwaan at anarkiya. Hindi sapat ang panandaliang awtoridad ng “Mga Hukom”; kinakailangang magkaisa ang labindalawang tribu sa ilalim ng isang hari.
Si Samuel ay tagapagtanggol ng nakaraan, at ang kanyang mga babala ay ibinubunsod ng personal na kawalang-tiwala. Hindi siya naniniwalang mas mabuti ang mas makapangyarihan at mas sentralisadong gobyerno. Sa halip, naging makatotohanan siya at tinutuligsa niya ang walang-takdang kapangyarihan.
Pinagsasabihan ni Samuel ang bayan dahil sa kanilang kawalang-tiwala kay Yawe. Nahaharap sila sa panganib ng mga Pilisteo, at mas mapapanatag ang kanilang kalooban kung maipapasa sa iba, sa isang makapangyarihang lider, ang pag-iisip, ang pagkasi ng Diyos, ang pagpapasya para sa kanila: takot silang gumawa ng sariling pagkilos. Pero kung iaasa na lamang ng isang tao ang lahat sa mga namumuno sa bansa o sa iglesya, mauuwi ito sa pagbagsak o pagdanas ng paniniil na pulitikal.
Para kay Samuel, ang hari ang pinakakinatawan ng Diyos at lingkod ng bayan. Pero ang nangyayari’y sariling mga ambisyon nito ang kanyang paglilingkuran at siya pa ang mang-aapi sa bansa. Noon pa mang panahong iyon, may sapat nang kaalaman ang mga diktador sa pagpopropaganda para kumbinsihin ang bayan na kailangang-kailangan sila (Lc 22:25).

• 9.1 Nasa 10:17 ang karugtong ng kabanata 8. Dito nagsisimula ang salaysay sa bokasyon ni Saul.
Lumabas si Saul para hanapin ang mga asno ng kanyang ama, at may nakasalubong siya sa daan na hindi niya inaasahan.

• 11. Tulad ng iba pang mga Israelita, pinuntahan ni Saul si Samuel. Para sa kanila, si propeta Samuel ay isang manghuhula, at pumupunta sila sa kanya para ihanap ng solusyon ang kanilang mga problemang pangkabuhayan. Hindi ito kaiba sa atin ngayon. Sa loob ng mga dantaon, ang mga nagpaunlad man sa siyensiya ng mga bituin ay tumanggap din ng mga pagsangguni tungkol sa hinaharap. At ang mga horoskop ang pinakahanapbuhay nila. At pagkatapos ay iniwan naman ng siyensiya ang pamahiing ito. Gayundin sa matandang kasaysayan ng Israel, halos walang pagkakaiba ang propeta sa manghuhula, sa astrologo at sa iba pang nagsasabing nalalaman nila ang hindi maaaring malaman ng ordinaryong tao; kinokonsulta sila ng mga tao tungkol sa kanilang mga problema tulad ng ginawa ni Saul. Pero malapit nang makita ng propetismo sa Israel ang tamang daan: ang propeta ang tatawag sa mga tao sa pagbaling sa Diyos. Nang sulatin ang kabanatang ito, yari na ang teksto at nililiwanag ng talata 9 na “propeta” na ang tawag ngayon sa dating tinatawag ng mga tao na “manghuhula.”

Itinalaga ni Samuel si Saul sa pagpapahid sa kanya ng langis (tingnan ang paliwanag sa Lev 8).

• 10.17 Ito ang tamang karugtong ng kabanata 8; ito ang isa pang salaysay ng paghirang kay Saul. Hindi sinasalungat ng kabanatang ito ang nauna, dahil lihim na itinalaga ni Samuel si Saul.
Inilalahad sa atin ng Biblia ang parehong pangyayaring ikinukuwento ng dalawang taong may magkasalungat na paniwala. Nakikita ng una na mabuti at ayon sa plano ng Diyos ang magkaroon ng mga hari (kab. 9-10). Nakikita naman dito ng ikalawa (1 S 8 at 10:17-19) ang isang mapanganib na pagbabago na hinahayaan lamang ng Diyos.
Nagtatago siya sa mga kagamitan. Dito nagsisimula ang kasamaampalad ni Saul na hari kahit na labag sa kanyang kalooban. Humingi ang mga Israelita ng isang hari dahil sa panlabas na panganib (ang mga Pilisteo), pero sa mismong kaloob-looban nila’y isinusuka naman nila ang anumang pamumuno. At naramdaman mismo ni Saul na hindi siya para mamuno. Sa kabila ng kanyang kagitingan gaya ng ipinakikita sa kabanata 11, hindi niya isusuong sa panganib ang kanyang sarili. Makulit siyang tao, nakatali sa mga idea ng kanyang panahon (tingnan ang kab. 25). Bagamat simpleng tao si Saul, wala sa kanya ang kababaang-loob na gusto ng Diyos, na nagbubunsod ng pagsisimula ng mga bago at dakilang bagay na hindi natatakot na baka siya mabigo.
Sumigaw ang buong bayan: Mabuhay ang Hari! Marami na tayong nasaksihang pagtitipong kasinsigla nito at wala rin namang magandang ibinubunga. Tulad ng nangyayari sa maraming pinuno, kinabukasa’y natagpuan ni Saul na nag-iisa siya sa gitna ng isang bayang nag-aakalang nalutas na nila ang lahat dahil nakapag-eleksyon na sila.

• 11.1 Ipinagpapatuloy dito ang salaysay na naputol sa 10:16. Handa nang tumanggap ng kapayapaan ang mga taga-Yabes. Umiiyak ang Israel at tumataghoy, pero si Saul ang siyang nagpapasya na hindi mahahayaan ang sitwasyong ito. Inoobliga ng kanyang kagitingan na kumilos ang Diyos.
Sino ang nagsabing hindi maghahari sa amin si Saul? Walang pulitikang walang mga partido. Mula pa sa simula’y may mga kakampi at mga kalaban si Saul. Ngunit mas kailangan niyang isaalang-alang ang pagkakakanya-kanya ng mga tribu ng Israel lalo na ang kompitensya ng mga tribu ng Efraim at Benjamin sa hilaga at ng tribu ng Juda sa timog. Para naman sa mga taga-Yabes, tatanawin nila itong malaking utang na loob sa kanilang tagapagligtas at magiging tapat sila sa kanya kahit na patay na siya (tingnan 1 S 31:11).
Mabuting tao si Saul at mapagbigay, at ayaw niyang paghigantihan ang kanyang mga kaaway. Ngunit sa oras na maging pinakamakapangyarihan ang isang pinuno, napakadali niyang inilalayo ang sarili sa iba, at nagiging mayabang o pesimista. Hindi makikinig si Saul sa Diyos at sa kanyang mga kamag-anak, at mabubulagan siya sa kanyang pagseselos kay David.

• 12.1 Mahirap para kay Samuel ang tumabi para bigyan ng lugar si Saul, gaya ng para sa maraming tagapagtatag o may katungkulan, na hindi maibigay-bigay sa ibang mga nakababata o mas mahusay, ang pagpapatuloy at pagpapaunlad ng gawaing kanilang nilikha.

Sa pagkakataong ito ipinaaalala ni Samuel sa mga Israelita na walang awtoridad na di nasasaklaw ng batas ng Diyos, lalo na kung tungkulin nitong igawad ang batas. “At sumunod sana kayo at ang inyong haring namumuno sa inyo kay Yawe…” Para kay Samuel, kailangang tuparin ng hari, gayundin ng mga sakop niya, ang mga kundisyon ng Tipan, nang buong-katapatan; sa kasamaang-palad, di magtatagal at iisipin ng mga hari ng Israel na hindi na sila saklaw ng pagiging tapat. Pagkaupong-pagkaupo ni Solomon sa trono, agad niyang iniwan ang palasyong ipinatayo ng kanyang amang si David sa mababang lugar ng lunsod sa piling ng mga bahay ng mga tao para ilagay ang kanyang sarili sa tabi ng Templo ni Yawe. Mula noon, nasa ibaba na ang mga ordinaryong tao, at ang Diyos at ang hari nama’y nasa banal na bundok. Masagisag! Pagdating ni Jesus, papaksain niya ang aral ni Samuel at ng mga propeta: “Dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay…” Maging sa iglesya, ang bagong Israel, kikilos ang ilang may katungkulan na parang mga panginoon ng iglesya sa maling akala na pareho ang katungkulan at pag-abuso sa kapangyarihan.

• 13.1 Wala sa isip ni Saul na iwan ang Gibea na kanyang bayan at magtayo ng isang kapitolyo ng bagong estado ng Israel. Pero dahan-dahan siyang bumuo ng isang permanenteng hukbo (tingnan 14:52) sa halip na umasa lamang sa mga nagboboluntaryong lalaban sa tuwing nasa panganib ang bayan. Maraming taon siyang walang humpay na nakipaglaban para maitaboy ang sumasalakay na mga Pilisteo.

• 5. Hindi lamang minsan kundi maraming beses (tingnan din ang kab. 15) na nagdadalawang-isip si Saul sa katapatan sa Diyos at kay Samuel, o kung gagawin niya ang mas makatuwiran sa palagay niya. At sa katapusa’y mas ginusto niyang kumilos ayon sa sarili niyang paniwala.
Itatatag sana ni Yawe ang iyong paghahari sa buong Israel. Mas mabigat ang hinihingi ni Yawe sa magiging unang hari ng kanyang bayan at sa gusto niyang pangakuan ng walang hanggang pakikipagtipan. Para matanggap kay Yawe ang mga pangakong higit pa sa pangkaraniwang takbo at kahihinatnan ng buhay, kailangang magpakita si Saul ng ganap na katapatan, kahit na parang naaantala o nagkakamali ang Diyos. Sa ganito sinubok si Abraham. Ang mamuno sa ibang tao at lalo na ang magbigay-direksyon sa patutunguhan ng bansa ay pakikibahagi na rin sa kapangyarihan ng Diyos. Walang makaaabot sa ganitong mga responsabilidad kung hindi niya kayang sumunod sa Diyos nang higit kaysa iba at makinig sa kanya.
Gayunpaman, punahin natin na ang mga talata 7-15 ay idinagdag sa naunang teksto. Malamang na gawa ang mga ito ng mga pari na nag-edit sa mas matatandang teksto pagbalik nila mula sa pagkabihag. Pinalalabas nila na si Samuel ang mabuti, ang tagapagsalita ng Diyos. Maaari nating basahin ang pangyayaring ito ayon sa kanilang panukala, pero maaari rin nating pagtakhan ang paraan ni Samuel ng pag-angkin sa mga karapatan ng Diyos. Anong karapatan niya para hindi tuparin ang kanyang salita at dumating sa takdang panahon? At paano niya mahuhusgahan si Saul kung kumikilos ito ayon sa kanyang konsiyensiya? Pinaniniwalaan ng Kristiyanong tradisyon na dapat nating sundin palagi ang ating konsiyensiya kung nagawa na natin ang lahat na maaaring gawin para magkaroon ng maliwanag na konsiyensiya, kahit na lumabag tayo sa mataas na awtoridad o mga sagradong batas sa paggawa nito. Masasabi nating si Samuel ang sumira kay Saul nang hindi natin itinatatwa ang mga dakila at mabubuting katangian ni Samuel.

• 14.1 Tinutulungan tayo ng kabanata 14 para maunawaan ang sitwasyon ng mga Israelita. Sinakop nila ang kabundukan, pero ang kapatagan naman ay nasa kamay ng mga Pilisteong mas organisado at mas armado.
Ipinapakita ng panunumpa ni Saul ang napakaprimitibong antas ng kaalamang panrelihiyon sa panahong iyon, tulad sa kaso ni Yefte (Mga Hukom 11:30):
- panunumpang may banta ng kamatayan;
- pagpapahalaga sa krimen ng sinumang “kumakain ng karne sa ibabaw ng dugo” (tingnan ang bersikulo 33; hindi ito kapareho ng “pagkain ng karne na may dugo” na nasa Lev 17:8);
- ang kaugalian ng pagpapalabunutan para makuha ang “sagot ni Yawe.”

• 16.1 Hanggang kailan mo ipagluluksa si Saul? Kung minsa’y nananatili na lamang tayo sa iisang lugar, walang pagbabago, inaasam-asam ang kahapon, gayong itinutulak tayong pasulong ng mga pangyayari sa buhay para magbago ang mga plano at inaasahan.
Nagpa-Betlehem si Samuel para makaharap ang hinirang ng Diyos. Ang Betlehem o Belen ang siyudad ng angkan ni David. Doon ipanganganak si Jesus, makalipas ang sampung dantaon.
Pinapastol ni David na anak ni Jese ang kawan nang ipahanap siya. Pastol siya ng mga tupa bago siya naging hari. Sa Biblia, ang pastol at hindi ang mahalagang tao ang larawan ng ganap at tunay na hari. Inaasikaso niya ang mga tao at pinagsisilbihan sila gaya ng pastol sa kanyang mga tupa. Magpapakilala si Jesus na Hari at Tagapagligtas bilang Mabuting Pastol, na siyang pinapangarap ng mga propeta (tingnan ang Ez 34 at Jn 10).
Nakakakita ang tao sa kanyang mata pero ang puso ang nakikita ni Yawe. Hindi pa makikita sa nagbibinatang si David ang pagkakaroon ng sariling pagpapasya, talino at kagitingan na ipapamalas niya bilang militar na pinuno at pulitiko. Ngunit kilala ng Diyos ang kanyang hinirang. Para ihatid sa kaganapan ang kanyang gawa, hindi pinipili ng Diyos ang mga magaling sa pagpapakitang-tao. (Tingnan ang 1 Cor 1:28.)
Sa anumang grupo, kailangang madiskubre ang tunay na halaga ng bawat isa at huwag magpaimpluwensya sa mga panlabas na anyo. Napakahalaga para sa mga pamayanang Kristiyano na ang mga responsable ay marunong “tumingin sa puso” ng kanilang mga kapatid, ang mga tahimik man at ang mga nagpapakita ng lubos na sigasig. Kayat hindi sila matatagalan sa paghanap ng mga taong kinakailangan para magbigay-buhay sa komunidad at bale-walain ang mga ambisyoso.

• 14. Sa kabanatang ito at sa kab. 17, pinagsama ang magkaibang tradisyon tungkol sa promosyon ni David: 16:1-13, 14-23; 17:17-58. Ano ang tunay na nangyari at ano naman ang alamat lamang sa bawat teksto?
Ipinadala ni Yawe ang isang masamang espiritu (14). Isa itong matandang paraan para sabihing pinahintulutan ng Diyos na medyo masiraan ng ulo si Saul.

• 17.4 Sa loob ng mga dantaon naging paborito na ng mga Israelita ang pakikipaglaban ni David at hanggang ngayo’y gustung-gusto pa rin natin ito. Kaya hindi tayo dapat magtaka na binuo ng mga editor sa paglalagay ng maraming detalye ang pakikipaglaban ni David sa “Pilisteo” na pagtagal-tagal ay tatawaging “Goliat”.
Inspirado ng Diyos ang mga bumuo at nag-edit ng mga librong ito. Naintindihan nila na ang laban ni David kay Goliat ay sumasagisag sa laban ng mabuti sa masama.
Tabak, sibat at tulos ang dala mo, pero hinaharap kita sa ngalan ni Yawe. Sa daigdig ang tagumpay ay hindi mapapasakamay ng malakas o ng lubos na nasasandatahan. Iniinsulto nila ang Diyos, higit sa lahat, sa kanilang kayabangan at pagtitiwala sa sarili. At hindi sila magtatagal kung iinsultuhin nila ang bayan ng Diyos at ang mga hamak.
Ang tagumpay ay mapapasamahihinang nananalig sa tulong ng Diyos. Ang panalo ay isang kabataang kumakatawan para sa mga nananatiling bata sa puso at may malinis na konsiyensya.
May ilang nakikiusap kay David na ipagsanggalang ang sarili sa paggamit ng kalasag at sandata ni Saul. Nauunawaan ni David na kung gagamit siya ng mga sandatang gaya ng sa Pilisteo na hindi naman niya alam gamitin, siya ang matatalo nito.
Sa dakong huli’y ang Pilisteo ang namatay na biktima ng kanyang mga sandata.
Madaling maihahambing ang laban ni David sa laban ng Iglesya. Iniiwan nito ang kalasag ni Saul sa paghahanap ng mas kaunting organisasyon, mas kaunting pag-aalala sa pananalapi para sa kanyang mga gawa at mga gusali, kapag pinalalaya niya ang kanyang sarili sa tulong mula sa pulitika. Sa oras na talikuran ng Iglesya ang lahat ng proteksyong ito, siya ay nagiging mas malaya at mas bata. At gaya ni David, makikipaglaban siyang nananalig “sa ngalan ni Yaweng Diyos ng mga hukbo ng Israel.”

• 18.1 Minahal ni Yonatan si David. Inilalarawan sa atin ng Biblia ang matalik at matapat na pagiging magkaibigan ng dalawa bilang regalo ng Diyos, higit pa sa pakikipagtunggali kay Saul. Ibinigay niya kay David ang kanyang suot na kapa, tabak, pana at sinturon… pagkanatural, prangka at pagmamahal na di makasarili.
Kahit na hindi na bata sina David at Yonatan kundi mga binata na, magagamit pa rin natin ang mga salitang ito ng isang makata: “Alalahanin mong ang kakila-kilabot na daigdig na ito ay nagpapatuloy lamang dahil sa matamis na pagsasabwatan, laging naglalaban, laging sumisibol na muli, ng mga makata at mga bata. Huwag na huwag maging mahalagang tao! May pakana ang mga kilalang tao laban sa kamusmusan, at sapat na ang basahin ang Ebanghelyo para malaman ito. Sinabi ng Diyos: Maging tulad ng mga bata. At inuulit-ulit naman ng mga naging mahalaga para pagtaksilan ang kamusmusan: Tularan ninyo kami.
Pagkatapos ng kanyang tagumpay, tumanyag si David sa kaharian. Pero agad naman siyang kinainggitan ni Saul.
Kinatakutan ni Saul si David. Inilalahad sa atin ng sumusunod na mga kabanata na habang tumatanyag si David sa mga tao, sinisira naman ng selos at inggit ang isip ni Saul. Sinasabi sa atin ng libro na si Saul ang maysala dahil lumayo siya sa daan ng pagsunod sa Diyos. Pero ang kasalanan niya ay kapareho ng kasalanan ng nakaraming pinuno at gayon din ang parusa sa kanya: naging bilanggo siya ng kanyang tungkulin na hindi niya kaya ni alam kung paano iiwan. May kutob siyang tao ng Diyos si David, pero hindi niya maibabahagi ang kapangyarihan sa binatang ito at walang ibang paraan kundi ang “ipaligpit” ito.

• 19.1 Ikinukuwento sa atin ng mga kabanata 19-25 ang buhay ni David na takas. Magiging lider siya ng isang grupo ng mga taong di kanais-nais at mabubuhay na kasama nila sa mga liblib na lugar ng bansa.
Hindi isang “santo” si David ayon sa maaari nating isipin ngayon. Kaibigan siya ng Diyos gaya ng pagiging kaibigan ng iba sa isang lipunang di gaanong sibilisado. Sa kabila ng kanyang mga kapintasan, siya pa rin ang nagsisilbing halimbawa ng maaaring gawin ng Diyos sa isang taong nagpapagabay sa kanya.
Binibigyang-diin ng Biblia ang kahanga-hangang kaluluwa ni David at ang kanyang kabutihang-loob sa pamumuhay kasama ng mga tulisan at sa lahat ng ipinakakahulugan nito. Nabuhay si David na mulat sa kanyang misyon, hinaharap niya ang mga panganib nang walang pagkabahala at pinatutunayan niyang siya ang guro ng kanyang mga mandirigma at isa siyang taong may pananaw at kutob gaya ng mga propeta.
Kung may gustong pagkatiwalaan ng isang dakilang misyon ang Diyos, pansamantala niya itong inilalayo sa karaniwan nitong kapaligiran. Kayat tulad ni Moises pumupunta rin si David sa disyerto.

• 18. Isinasabuhay ng Israel ang kanyang pananampalataya sa pag-awit, pagsasayaw at pagdiriwang ng alaala ng mga kahanga-hangang gawa ni Yawe. Kaya kailangan nila ang mga pangkat na ito ng mga propeta. Nababanggit sila rito sa kauna-unahang pagkakataon sa Biblia: sa sariling gawa ay nawawala sa sarili ang mga lalaking ito. At nang panahong iyon, itinuturing itong gawa ng Espiritu ni Yawe na siyang sanhi ng pagkawala sa sarili ng tao. Sa kanilang simula, walang gaanong kaibahan ang mga propeta ng Israel sa “mga propeta” ng iba pang mga karatig-bayang pagano. Sa bandang huli, gagamitin sa Biblia ang tawag na propeta para sa ibang mga taong katangi-tangi, mga tinawag ng Diyos para sa isang natatanging misyon. At tilamsik na lamang ng relihiyosong pagkawala sa sarili ang maiiwan sa kanila.
Magandang ihambing ang mga kilos na ito ng mga propeta sa iba pang makikita sa simula ng Iglesya (tingnan Mga Gawa 21) at basahin ang sinasabi ni Pablo tungkol sa mga pagpapahayag ng Espiritu sa 1 Cor 12-14. Hinding-hindi lamang gawa ng Espiritu ng Diyos ang pagpapahayag ng Espiritu kundi depende rin ito nang malaki sa kakayahan ng taong ginagamit ng Espiritu para kumilos, gaya ng kung paanong nagkakakulay ang liwanag ng araw ayon sa kulay ng kristal na pinaglalagusan nito. Sa mga grupo ng mga taong simple at walang gaanong pinag-aralan, kumilos (at kumikilos pa rin) ang Espiritu ng Diyos sa pagpukaw sa mga katangiang pang-ekstasi na mapapansin din sa ibang relihiyon na hindi naman Kristiyano. Pero para sa kanila ang mga bagay na ito ang nagpapalakas sa kanila sa kanilang pananampalataya.

• 20.12 Narito ang salaysay tungkol sa pagiging magkaibigan nina David at Yonatan. Ipinapakita ng Biblia (2 S 20:7) na kailanma’y hindi nilimot ni David ang kanilang kasunduan ni Yonatan.

• 21.1 Kumakatawan sa labindalawang tribu ng Israel ang Mga Tinapay ng Presensya. Iniaalay ang mga ito tuwing Araw ng Pahinga at nananatili sa ibabaw ng altar sa loob ng sanlinggo. Nalalarawan dito ang katapatan ng bayan kay Yawe. Para sa mga pari ang mga ito, at sila lamang ang makakakain nito (Lev 24:5-9).
Ginagamit ni Jesus ang tekstong ito bilang halimbawa nang manguha ng makakain ang kanyang mga alagad sa paraang di ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga (tingnan Marco 2:13). Gusto tayong palayain ni Jesus mula sa pagkaalipin sa “sagrado” sapagkat ang tao ang siyang pinakasagrado sa lahat.
Higit pa kaysa mga tinapay lamang ang pangyayaring ito. Para sa Diyos, hindi kasinghalaga ng bawat taong tumutupad nang mabuti sa kanyang misyon ang paggalang sa sagradong tinapay. Kailangang makita ng mga sumasampalataya na sagrado na ang kanilang mga gawain sa araw-araw nang dahil lamang sa sila’y mga anak ng Diyos at tahanan ng Espiritu Santo. Ang paglalaba ng ina sa kanyang tahanan, ang trabaho sa pabrika, ang pangangatawang pabutihin ang lagay ng komunidad – pinauunlad ng mga ito at ng lahat nating gawa ang gawa ng Maykapal tulad ng ipinaaalaala ng Konsilyo Vaticano. (Tingnan 1 P 2:9.)

• 11. Kailangang magkunwaring loko si David. Ipinapakita ng Biblia na hiniya muna ang hinirang na ito ni Yawe bago siya lumuklok sa kanyang trono. Sa ganito’y mahiwagang ipinagpapauna ang mga kahihiyang sinapit ni Kristo. Minahal niya tayo hanggang sa pagkabaliw, nang magpakababa siya sa pagiging lingkod hanggang sa nakahihiya at masakit na kamatayan sa krus (tingnan Fil 2:7-9).

• 22.1 Hindi itinatago ng kabanata 22:2 na nagigipit o may mga utang o mga hinanakit ang mga sumama kay David. Hindi gawa ng taong pawang mga santo ang mga digmaang naging daan para mabuhay at umunlad ang bayan ng Diyos. Ganito rin ang nangyayari sa mga pakikibakang nagaganap saan mang lugar sa daigdig alang-alang sa katarungan. Makasisiguro tayo na hindi mawawalan ng mga nakadududang mga bagay o mga katiwalian kahit na sa pinakamagagandang simulain. Mapalad kayo kung may napakalalim na pagkaunawa sa kanilang misyon ang inyong mga lider gaya ni David, at tunay na nakadarama ng pagkakabuklod sa kanilang bayan.
Tinatalakay rito ang mga pagkonsulta kay Yawe sa paggamit ng efod na isang bagay na ginagamit sa pagpapalabunutan. Isa itong matandang kaugalian, at karaniwan na sa mga pari ng Israel. Ngunit naglaho ang kaugaliang ito nang tumigil sa panghuhula ang mga propeta (tingnan kab. 9).

• 24.1 Ekspresyon ng pananampalataya ni David ang respeto niya sa “pinahiran” o hinirang ng Panginoon (dahil pinahiran ni Samuel si Saul).
Alam ng taong tinuruan ng Biblia na nakikibahagi sa Diyos ang mga pinuno ng bayan pagdating sa mga obligasyon at kapangyarihang lampas sa kakayahan at karapatan ng tao. Ang tungkulin nating magbigay-puna o palitan ang masama o mahinang mga pinuno kailanma’y di dapat maging sagabal sa paggalang sa kanilang pagkatao at sa mabigat na responsabilidad na ipinagkatiwala ng Diyos sa kanilang mga kamay. (Rom 13:1)

Ipagtanggol nawa ni Yawe ang aking usapin. Hindi ito reklamong may sama ng loob ng isang di makapangahas ipagtanggol ang sarili kundi katiyakan ng isang nakikipaglaban para sa inaakala niyang matuwid. Ngunit kinikilala rin niya na ang Diyos lamang ang panginoon ng kasaysayan. Sa ilang mga pangyayari, mas ginugusto niyang huwag ipaglaban ang kanyang mga karapatan bilang paraan ng pagpapakita ng ganap niyang tiwala sa Diyos. Ito ang sinasabi ni Jesus sa Mateo 5:38-42.

• 25.1 Pinaghahambing ng pangyayaring nababasa natin dito ang dalawang tao at dalawang takbo ng isip: walang ikinalamang sa iba ang taong may mga ari-arian. Gusto nitong sabihin na kailangang ibahagi ang kayamanan.
Binibigyang-diin ang papel ng babae. Naitataboy ng kanyang karunungan ang kapahamakang gawa ng mga lalaki. Sa kababaang-loob ni David, nakita niya na napapasubo siya sa karahasan at kawalang-katarungan dahil sa pagiging mapusok niya.

• 26.1 Malamang na ang pangyayaring isinalaysay na sa kabanata 24 ang siya ring tinatalakay rito. Dalawang magkaibang salaysay ang mga ito na nagsasaad ng iisang saloobin ni David sa harap ni Saul.

• 28.1 Saanma’y hindi lumilitaw si Saul na napakalapit sa atin at taung-tao. Habang nakikipaglaro si David sa mga panganib nang hindi nawawalan ng kapanatagan, taglay ang pananalig kay Yawe at mahal ng lahat, mag-isa namang pinapasan ni Saul ang bigat ng kanyang kabalisahan. Wala na si Samuel na kaaway niya na puwede sana niyang kausapin at di sang-ayunan. Hindi na rin nagsasalita ang Diyos para kay Saul. Kaya naiwang nag-iisa ang tao sa harap ng isang mundong laban sa kanya at pinahihirapan ng kanyang mga pag-aalinlangan at kabalisahan.
Gustong pilitin ni Saul na magbigay ng magandang sagot ang Diyos. Ngunit sentensya ng kamatayan ang ibinibigay sa kanya ni Samuel. At payapa siyang umalis dahil hindi naman takot sa kamatayan ang nagpapabigat ng kanyang kalooban kundi ang pangungulila na bahagi na niya habang nasa poder siya. Naging pangkaraniwang tao na lamang gaya ng iba ang lalaking “matangkad mula balikat hanggang ulo sa lahat ng tao.” At sa tulong ng isang babaeng pobre siya umaasa, isang makasalanan sa harap ng batas ng Diyos pero puno ng pang-unawa.

• 30.1 Isa ito sa mga pangyayaring iyon na parang lubos na napuksa na si David.
Ngunit nakatagpo ng lakas si David kay Yaweng kanyang Diyos. Hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa kahit na nasa kailalim-ilaliman siya.
Patas lamang ang kaparte ng nakipaglaban at ng naiwan sa mga gamit. Itinataguyod ni David ang pagkakabuklod ng mga mandirigma: babahaginan ang lahat, sa halip na bayaran ang bawat isa ayon sa bunga ng kanyang mga pagsisikap. Hindi niya tinatanggap ang pagkakabukod na madalas nating ginagawa sa mga naglilingkod at “sa mga di naglilingkod.” Ang konseptong ito ng panlipunang pagkakabuklod ang siya ring nagbibigay-buhay sa lahat ng batas sa Deuteronomio.
Si David ang nagiging kaluluwa at tagapagbigay-buhay ng grupo. Makikita rito kung paano siya mamumuno kapag naging hari na siya at tagapagturo ng kanyang bayan.

May 30, 2007 Posted by | 1 Samuel, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Leviticus | 1 Comment

Mga Hukom: komentaryo

Isang aklat ng magagandang kuwento ang Mga Hukom para sa atin: sina Debora, Gideon, Samson, Delila, si Yefte at ang kanyang anak na babae, at huwag nating kalimutan sa huling bahagi ang babaeng pinagputol-putol, ang paring bumawi sa pamamagitan ng mga diyus-diyusan ng kanyang tagapagtaguyod. Ang mga salaysay na ito na ipinasa bilang mga popular na kuwento ay nagsisilbing isinalarawang kasaysayan ng isang panahon na bagamat mahalaga ay hindi tanyag. Paano nanirahan bilang mga simpleng magsasaka ang mga lagalag na Hebreong pumasok sa Palestina pagkamatay ni Moises? At paano nila naingatan ang kanilang pagkakakilanlan bilang bayang hinirang ng Diyos?

Talagang kaakit-akit ang mayayamang kapatagan ng lupain ng Kanaan; gayundin ang relihiyon nito – malapit sa kalikasan at panatag na tinatanggap ang kalayaang sekswal. Madaling nakibagay ang mga dayuhan sa kanilang bagong kapaligiran sa lupain. Anong nangyayari sa di-nakikipagkompromisong relihiyon ng di-nakikitang Diyos? Panahon ito ng kadiliman kahit paano tingnan, na maipapalagay na ang apoy ng Bundok Sinai ay tuluyang namatay.

Ang mga Tagapagpalaya
Ang nagliligtas sa kinabukasan ng mga tribu ng Israel, una sa lahat, ay ang pananalakay ng marami sa kanila (nasa isip natin ang tribu ng Efraim na ang mga kabayanihan nito ay isinasalaysay sa aklat ni Josue); ang isa pang dahilan ay ang panganib na malimit nilang hinaharap sa kamay ng mga mandarambong at iba pang mga lagalag mula sa disyerto na gustong umagaw sa kanilang puwesto. Nananatili silang tapat kay Yawe, sa pagdanas nila sa maraming pagkakataon ng kanyang pagliligtas.
Sa kanilang mga kahirapan, ang mga Israelitang di-organisado at nahahati sa magkakaribal na kampo, ay nagkakasama-sama sa pamumuno ng mga hukom ng mga tribu o ng mga lumilitaw na mga pinunong-likas ng bayan, mga simpleng magbubukid kung minsan pero may kakayahang umani ng malalaking tagumpay (tingnan ang mga kabanata 4 at 5).
Tinawag nilang Sofetim ang mga taong ito, salitang nangangahulugan ng pinuno at hukom. Kaya nakagawian nang tawaging Mga Hukom ang mga pinunong ito na kailanma’y hindi naupo sa hukuman. Pero dapat sigurong intindihin ang salitang “hukom” sa ibang kahulugan: ang mga taong ito ang naging mga instrumento ng katarungan ng Diyos.
Hindi mga santo ang mga Hukom sa kahulugang ibinibigay natin sa salitang santo. Pero kinilala sila ng Israel bilang mga tagapagligtas na bigay sa kanila ni Yawe sa kanyang awa. Hindi nga napakarelihiyosong gawain ang patayin ang pinuno ng mga kaaway o ang ilang Pilisteo. Ngunit kung isasaalang-alang natin ang kapanahunang ginagalawan ng mga taong ito, nagpamalas sila ng tapang at pananampalataya sa gitna ng kaduwagan ng lahat. Sa pagtatagumpay nila sa pagwawalang-bahala ng kanilang mga kapatid, naihanda nila ang isang bagong yugto sa kanilang kasaysayan.

Mga baga sa ilalim ng abo
Sa pagbasa sa aklat na ito, hindi tayo magkakaroon ng mataas na idea ng antas na moral at panrelihiyon ng Israel sa panahong ito na ang mga tradisyunal na balangkas ng pamilya at tribung lagalag ay nawawalan ng halaga. Gayunpaman, nagsimula na ang isang malalim na pagbabago. Dalawang salita ang pumapasok sa bokabularyong panrelihiyon: pamana at santuwaryo.
Pamana: may lupa na ngayon ang lagalag. Kailangan niyang makita ito bilang regalo ng Diyos, sakahin ito, at ipasa sa kanyang mga anak. Ang buong relihiyon niya’y nakakawing sa lupang ibinigay ng Diyos sa kanya at iingatan niya ito sa sukat ng kanyang katapatan.
Santuwaryo: Nadidiskubre ng mga Israelitang hindi nagkaroon ng Templo sa disyerto, ang mga lugar ng pagsamba ng mga Kananeo. Sila rin ay unti-unting nagsama-sama sa pagsamba at papapanatilihing buhay naman ng mga Levita at pari ang mga sagradong tradisyon at aral ni Moises. Para sa atin na nabubuhay sa panahon na gumuguho ang lahat ng balangkas ng moralidad at relihiyon na isinabuhay ng ating mga magulang, talagang kaakit-akit ang halimbawang ito ng panahon na lahat ay muling madidiskubre. Posibleng sa likod ng nananagumpay na materyalismo, maraming bagay ang sumusuloy, naghahanda ng panibagong pagsilang ng kristiyanismo na mas may kamalayan sa sarili sa isang lipunang edukado, pandaigdig, napagdaanan na ang industriya.

• 1.1 Ang unang kabanata ay nagbibigay ng kaunting liwanag tungkol sa pananakop. Hindi ito matagumpay gaya ng lumilitaw sa libro ni Josue, kundi dahan-dahan at mahirap. Hindi sinunod ng mga Israelita ang utos na puksain ang mga pagano, at sa ganito’y naingatan sana nila ang kanilang pananampalataya sa kaisa-isahang Diyos. Ukol dito, kalimutan na natin ang ating makabagong pananaw tungkol sa pagrespeto sa ibang bansa. Sa daigdig ng Israel, kailangan ng karahasan para mabuhay, at bukod dito, ang buong kinabukasan ng pagbubunyag ng Diyos sa mundo ay nasa mga kamay ng mga sinaunang lagalag na patuloy na binabantaan ng pagkawasak sa isang paganong kapaligiran.
Paghambingin ang mga bersikulo 8 at 21: hindi talaga tiyak ang mga ito.

• 2.1 Umahon pa-Betel ang “Anghel ni Yawe” mula sa Gilgal na unang santuwaryo ng mga Israelita sa Palestina, sa tabi ng Jordan. Alam natin na ang ekspresyong “Anghel ni Yawe” ay isang paraan ng pagtukoy kay Yawe mismo, dahil alam ng sumulat na hindi makikita ang Diyos kundi isang paglalarawan lamang sa kanya.
Nasa hindi pagwasak sa kultura at relihiyon ng mga Kananeo ang kasalanan. Isipin natin ang mga simulang ito: ang tunay na pananampalataya ay nasa iilang tribu lamang na walang pinuno ni organisasyon, at napapaligiran ng mas mayaman pero paganong kabihasnan. Itinuturo sa atin ng kasaysayan na sa sandaling magbago ng pamumuhay ang isang bayan, nagbabago rin ang relihiyon nito.
Sapat nang makita ang nangyayari ngayon sa malaking bahagi ng sangkatauhan na nagiging pansiyudad at industriyalisado ang dati nilang pambukid at tradisyunal na kabihasnan. Naroon ang tukso ng pagsamba sa mga diyus-diyusan. Kaakit-akit ang relihiyon ng mga magsasakang Kananeo sa pagdaraos nito ng mga puwersa ng buhay at pagkapalaanak. Nagtipon-tipon sila para sa mga pista sa bukid sa mga sagradong gubat at doon nagsagawa ng sagradong prostitusyon para makahingi ng ulan at masaganang ani sa kanilang mga diyos na mga Baal. Nahirapan ang mga Israelitang hindi sanay sa gayong mga kalayaan na huwag sumali sa mga pagdiriwang na ito ng mga paganong kasalamuha nila.
Ito ang dahilan ng paninindigan ng sumulat: dapat wasakin ang lahat ng paganong kulturang ito: tingnan ang tungkol sa paksang ito na nakasisindak sa atin ngayon, sa paliwanag ng Josue 6.

• 11. Nagsisimula ang isa pang introduksyon sa Aklat ng Mga Hukom, kung saan matapos alalahanin ang kamatayan ni Josue ay ibinibigay naman ang mga tunay na sanhi ng mga magaganap na pangyayari. (Tingnan ang Jos 24:31.)
Ang unang sanhi ng kapahamakan ng Israel nang hindi nila magawang alisin ang mga Kananeo ay ang kataksilan nila kay Yawe. Sasabihin ng buong Biblia na para sa atin din, ang unang sanhi ng kapahamakan ng ating lipunan ay ang kataksilan natin sa Diyos, bagamat hindi ito masasabi nang hindi pinagtatawanan maging ng mga mananampalataya.
Ang manunulat na nagsama-sama ng mga kuwentong ito sa iisang aklat ay nakakita ng humahabing sangkap na nagbibigay-liwanag sa mga pagkaantala ng pananakop at sa mga yugto ng paglaya. Pinansin niya itong pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari:
- tinalikdan ng mga Israelita si Yawe at sumamba sila sa mga diyus-diyusan;
- dahil dito, ipinaubaya sila ni Yawe sa kamay ng kanilang mga kaaway;
- inamin ng mga Israelita ang kanilang mga pagkakamali at tinawag si Yawe;
- at saka nagpalitaw si Yawe ng isang tagapagligtas.
Pero sa oras na makamit ang tagumpay at magkaroon ng kapayapaan, muling tatalikdan ng bayan ang kanilang misyon. Sa mundong ito ngayon, walang pangwakas na paglaya.
Inilalahad sa atin ng tekstong ito ang aral mula sa buong libro at ang natunghayan na natin sa Dt 4:1-31.
Laging kumikilos ang Diyos bilang tagapagturo. Dahil napakaprimitibo pang bayan ang Israel at walang naiintindihan liban sa kanilang nakikita at nadarama, inakay ng Diyos ang kanyang bayan sa pamamagitan ng mga materyal na gantimpala at parusa.
Tinalikuran nila si Yawe para maglingkod kay Baal. Baal (o Panginoon) ang anumang diyos na Kananeo, lalo na ang nagpapaulan. Mga diyosa naman ang mga Astarte, na mga diyosa ng lupa at ng pagiging palaanak.
Kaya nagpalitaw si Yawe ng mga tagapagpalaya. Tinawag na “mga hukom” ang mga pinuno o lider na pansamantalang nasa kapangyarihan. Dahil nang panahong iyon, pareho ang ibig sabihin ng maghukom sa bayan at mamuno rito (tingnan ang Introduksyon). Sa pagsasaling ito, malimit nating gagamitin ang salitang pinuno dahil sa mas eksakto ang sinasabi nito tungkol sa kung ano talaga ang “mga hukom” na iyon.
Inilalahad naman sa kabanata 3 ang tatlo sa Mga Hukom na ito.

• 3.7 Nilimot nila si Yawe at pinaglingkuran ang mga Baal… at ipinaubaya sila ni Yawe sa mga kamay ng hari ng Aram. Laging pinaglalaruan ng Biblia ang salitang ito: ang naglilingkod sa huwad na diyos sa sarili niyang kalooban ay magiging alipin laban sa sarili niyang kalooban. Ihambing sa 1 S 7:3.
Nakay Otoniel ang espiritu ni Yawe. Tingnan ang paliwanag sa 11:1.
Habang nakikipaglaban sina Otoniel at Ehud sa mga Edomita, Moabita at Amorita, mga mandarambong mula sa kabilang ibayo ng Jordan, hinarap ni Samgar ang mga Pilisteo. Dumating mula sa dagat ang mga ito sa dalampasigan ng Palestina kasabay ng mga Israelita na galing naman sa disyerto. Bayang may mas magaling na kabihasnan, mas nasasandatahan at organisado, sinakop ng mga Pilisteo ang “Limang Departamento” na ibig sabihi’y ang limang siyudad ng Gat, Asdod, Askalon, Ekron at Gaza kasama ang kanilang mga karatig na teritoryo.
Sila ang nakapangyayari sa mayamang kapatagang nasa hangganan ng Dagat Mediterraneo, at paulit-ulit na nililigalig ng kanilang mga sundalo ang mga Israelitang namamayan sa kabundukan. Si Haring David lamang ang ganap na makalulupig sa kanila, at tanging pangalan lamang nila ang natitira sa kanila: Palestina, na siyang pangalan ng lupain ng Israel na galing sa Pilisteo o Palesteo.

• 4.1 Si Yabin na hari ng Kanaan, sa totoo’y hari ng kapatagan sa hilagang Kanaan, na tinatawag na Jezrael. Doon nagkaroon ng malaking tagumpay sa panahon ng Mga Hukom.
Si Debora na isang babae ang Hukom ng Israel, na ibig sabihi’y naggagawad ng katarungan sa ngalan ni Yawe. Isang natatanging kaso ito sa isang bayang nasa kalalakihan ang lahat ng responsabilidad sa lipunan at relihiyon. Ipinatawag niya si Barak mula sa hilaga. Pero ayaw nitong umalis na mag-isa; nais niya ang kooperasyon ng mga tribu ng Efraim at Benjamin kung saan nakatira si Debora.

Si Barak ay magiging “teknisyan” lamang ng tagumpay at wala nang iba, dahil hindi sapat ang salita ng Diyos para ilaan niya nang lubos ang kanyang sarili. At mas pinahalagahan ng Biblia si Debora na nagbigay-inspirasyon sa pag-aalsa.

• 5.1 Ang “Awit ni Debora” ay isa sa mga pinakamatandang bahagi ng panitikang Hebreo. Ginawa ito pagkatapos ng mga pangyayari: isa itong awit ng parangal kay Yaweng manlulupig. Binibigyang-pansin ng tulang ito ang pagkakanya-kanya ng mga tribu: tatatlo lamang sa kanila ang nagkaisa para harapin ang mga Kananeo.

• 6.11 Tungkol naman kay Gideon at sa kanyang anak na si Abimelek ang mga kabanata 6-9. Ang una ay tinawag ni Yawe at kumilos bilang “Hukom.”
Sa dalawa niyang pakikipaglaban, pinagtibay niya ang kalayaan ng kanyang bayan. Sumunod naman sa kanya si Abimelek na ginamit ang pangalan ng kanyang ama para sa hangarin niyang maging hari.
Napakita kay Gideon sa anyong tao ang Anghel ni Yawe. Ipinaaalaala sa atin ng Ebanghelyo ni Lucas ang talatang ito: Lucas 1:26-38.
Dumarating si Yawe para magpalitaw ng isang tagapagligtas kung saan at kung kailan wala nang pag-asa. Naniniwala si Gideon kay Yawe pero kulang siya ng pananalig: tiyak ngang kaya ng Diyos ang lahat noong araw, pero hindi siya nakikita ni Gideon na kumikilos sa kasalukuyan.
6:15. Matatagpuan natin ang saloobing ito ni Gideon na malimit na inuulit sa Biblia. Ang misyong ipinagkakatiwala sa atin ng Diyos ay laging lampas sa ating kakayahan bilang mga tao (Ex 3:11; Jer 1:6).
Nagbibigay-pag-asa si Yawe sa pagbibigay niya ng tungkuling dapat gampanan. Hindi niya ipinangangakong siya ang gagawa para sa atin, kundi inaanyayahan niya tayong kumilos: Sa iyong kagitingan, ililigtas mo ang Israel sa mga Madianita. Kaya umaasa si Yawe sa taong kanyang pinipili. At saka nadidiskubre ng talubatang magsasakang si Gideon ang kanyang sarili sa pagtawag na ito at alam na niyang isasakatuparan niya nito.
Ganap na pinagsasama ng talata 25-31 ang misyon ng pagpapalaya na ipinagkatiwala kay Gideon at ang pampublikong pagpapahayag niya ng kanyang pananampalataya kay Yawe: sa ganito’y naging marapat siyang pangakuan ng Diyos.
Payag si Gideon na italaga ang kanyang sarili, pero gusto niyang matiyak kung si Yawe nga ang nagsasalita. Kaya humingi siya ng isang tanda na ibinigay naman sa kanya ni Yawe. Hindi katulad si Gideon ng iba na humihingi ng mga tanda para lamang magkaroon ng panahon dahil nagdududa sila o ayaw nilang makumbinsi (tingnan ang Mc 8:11 at Lc 1:18).

• 7.4 Napakarami ng kasama mo. Tulong sa atin ang salitang ito ni Yawe para pag-isipan at paniwalaan na ang maliit na minorya ng mga taong mulat at nakikibaka ang naghahanda at nagsasagawa ng mga tunay na rebolusyon.

• 8.22 Kailangang bumuo ng isang bansa ang mga Israelita, at maghahatid ang yugtong ito ng malaking pag-unlad pagkatapos ng kaguluhan ng mga tribung watak-watak at kanya-kanya. Sa kauna-unahang pagkakataon sa Biblia, mahihiwatigan natin sa 8:22-31 ang pagnanais na magkaroon ng hari.
Sobra sigurong panloloko ang ginawa ng mga pinuno sa mga nag-edit ng librong ito sa huling dantaon ng mga hari ng Jerusalem kayat pinangarap nila ang lumipas na panahon nang wala pa silang mga hari ni tagapamahala. Naisip nila na bilang bayan ng Diyos, hindi kailangan ng Israel na magkaroon ng mga permanenteng pinuno gaya ng ibang mga bayan. At mas naging mabuti siguro kung nabuhay na lamang sila sa araw-araw, sa pananalig kay Yawe na magpapalitaw ng isang tagapagpalaya kung kailan kinakailangan.
Kaya binibigyang-pansin ng Aklat ng Mga Hukom ang pagtanggi ni Gideon na maging hari: Si Yawe ang dapat na maging hari ninyo. Sa kasamaampalad, humingi naman si Gideon ng ginto sa halip na kapangyarihan, at sa ganito sinira ng bayani ang lahat ng ginawa niya para sa kanyang bayan.
Malaking kabiguan ang lahat ng tagapagligtas na ito: sina Gideon, Barak, Yefte, Samson… at dito’y wala silang gaanong ipinag-iba sa marami sa mga kasalukuyang naghahangad palayain ang mga inaapi. Anong aral ngayon ang mapupulot natin sa mapapait na mga karanasang ito na inilalahad ng Banal na Aklat? Na walang silbi ang pagkilos sa pulitika kaya mabuti pang panalangin at katesismo na lamang ang pag-ukulan natin ng pansin? Ipauubaya na lang ba natin sa iba ang pakikibaka para sa katarungan? Pero nakasulat ang katarungan sa bawat pahina ng Biblia.
Sa katunayan, pag pinag-uusapan ang pulitika, kapangyarihan ang pinag-uusapan. At pinasasama ng kapangyarihan ang mga tao na ang konsiyensya ay hindi matatag ang pagkahubog. Maliit ang maaasahan sa pulitika kung hindi maagang nahubog ang konsiyensya sa malusog na pamilya kung saan nadidiskubre ng bata ang pag-ibig at katapatan ng kanyang mga magulang (dalawang katangiang hindi kailanman pinaghihiwalay sa Biblia), at hindi nahubog ang mga magulang na handang gamitin ang kanilang awtoridad para pigilan ang kanyang mga kapritso.
Kaya nga darating ang panahon na bibigyan ng Diyos ng pangunahing kahalagahan ang paghubog ng pagkatao sa pamilya para sa mga mananampalataya: ang panahon ng mga aklat ng Karunungan at ng pagtupad sa Batas.

• 9.8 Isang matandang pabula ang isiningit sa 9:8-15 at inilagay sa bibig ni Yotam sa mahigpit na pagpuna sa kapangyarihan ng mga hari. Maliwanag ang aral: ang mga pinakawalang silbi ang pumapayag maghari.

• 10.1 May kanya-kanyang mga problema ang bawat tribu. Nagkaroon ng mga tagapagligtas sa iba’t ibang lugar, na pagkatapos ng isang tagumpay ay pinarangalan bilang mga “Hukom” sa buong buhay nila: si Gideong taga-Manases, si Tolang taga-Isacar; si Yair na taga-Galaad.

Isinasalaysay mula 10:6 hanggang 12:7 ang istorya ni Yefte. Binibigyang-diin sa introduksyon, 10:6-18, ang kahalagahan ng mga pangyayaring ito.
Mapapansin ang walang-sawang pag-ibig ni Yawe na laging nagpapatawad. Sa pagdami ng mga kasalanan, sinasabi ni Yawe: “Hindi ko na kayo ililigtas uli”; ngunit katulad ng dati, hindi matitiis ng Diyos ang paghihirap ng Israel. Kung inirereklamo natin ang pagsasawalang-kibo ng Diyos sa harap ng kasalukuyang pang-aapi at kawalang-katarungan, ito’y sapagkat hindi natin makita na kapwa nakikibahagi sa responsabilidad at sa kasalanan ang mang-aapi at ang inaapi.

• 11.1 Isa sa mga mas kontrobersyal na tagapagligtas sa Biblia si Yefte. Puno siya ng sama ng loob sa kanyang mga kapatid na humamak sa kanya. Walang buting dulot sa bayan ng Israel ang pakikidigma niya sa tribu ng Efraim. At sa dakong huli, ang kanyang panatang isakripisyo ang sinuman sa kanyang pamilya ay naaayon sa kaugalian ng mga paganong Kananeo na bale-wala kung isakripisyo ang kanilang mga anak. Ngunit mababasa pa rin natin: Nakay Yefte ang Espiritu ni Yawe.
Nang panahong iyon, ang lakas ni Yawe na higit sa lakas ng tao ang ibig sabihin ng Espiritu na siyang nagbubunsod sa tao sa paggawa ng kabayanihan. Hindi lamang sa mga relihiyosong seremonya o sa mga taong relihiyoso, sa mga propeta o mga pari kumikilos ang Espiritu ni Yawe. Kumikilos ito sa “pagbabago sa mukha ng sangkalupaan” (Salmo 104) sa pamamagitan ng mga taong biniyayaan ng lakas at kapangyarihan para sa mga makasaysayang gawain na magsusulong sa Kaharian ng Diyos. Kung minsa’y itinuturing natin kahit mali na parang mga santo ang mga tagapagpalaya sa ating panahon, gayong hindi naman nila laging isinasabuhay ang pananampalataya o kinikilala si Kristo. Mas magiging wasto sana kung sa mga “hukom” natin sila ikukumpara, na sa kabila ng kanilang mga limitasyon ay pinaglingkuran pa rin ang mga plano ng Diyos, “sa pagbubunsod ng Espiritu ni Yawe.”

• 29. Isinasalaysay ng Biblia nang walang anumang paliwanag ang panata ni Yefte. Nakikita natin dito ang pagkakamaling pagsisisihan ng isang bayani.

• 13.1 Narito ang apat na kabanata sa mga “istorya” tungkol kay Samson. Isa lamang siyang tagabukid na may medyo ekstraordinaryong lakas na nakipaglaban sa mga Pilisteo para sa sariling kapakanan. Alamat na lamang ang marami niyang kabayanihan.
Sinasabing himala ang pagsilang ni Samson. Ipinanganak siya ng mag-asawang baog, ayon sa gawi ng Diyos na nakita na natin sa anak ni Abraham (Gen 18) at siya ring ilalahad pagdating kay Samuel (1 S 1), at pati kay Juan Bautista (Lc 1:5).

Kailangang maging Nazireo ang bata, ibig sabihi’y nakatalaga sa Diyos ayon sa napakatandang seremonya sa Biblia (Blg 6:1). Ang pagtatalagang ito sa Diyos ang magiging bukal ng kanyang lakas.

• 16.4 Matapos ipakilala si Samson bilang “superman” na laging nananalo sa mga Pilisteo, ipinapakita naman ngayon ng istorya na natalo siya ng isang babae.
Sinabi ni Samson kay Delila ang kanyang pagkakatalaga sa Diyos bilang Nazireo. Sa kanya’y may parteng nakareserba kay Yawe na siyang bukal ng kanyang di-pangkaraniwang lakas.
Kahinaan ng mga bayani. Ipinagkatiwala ni Samson ang kanyang sarili, kaluluwa’t katawan sa isang babaeng hindi naman nagmamahal sa kanya.
Mababasa natin sa iba pang lugar sa Biblia: “Mabuting sarilinin na lamang ang lihim ng Hari” at “Huwag mong ihagis ang iyong mga perlas sa mga baboy kung hindi’y tatapakan lamang nila ang mga iyon at hihigan.”

• 17.1 Nagtatapos ang Aklat ng Mga Hukom sa dalawang karaniwang istorya tungkol sa buhay ng Israel nang panahong iyon. Matapos purihin ng sumulat ang nagdaang panahon na hindi kinakailangan ang mga hari (tingnan ang 8:22), kinikilala naman niya ang mga kasamaang hatid ng pagkakagulo.

Sa mga kabanata 17-18, dahil sa kawalan ng namumuno sa relihiyon, ginagawa ng mga pari ang kanilang maibigan. Alalahanin natin na nang panahong iyon, ang mga lalaki ng tribu ng Levi ang nakatalaga sa paglilingkod kay Yawe (tingnan ang Blg 3).
Isa sa mga lugar sa Biblia ang 18:27 na nagbibigay-pansin sa ipinapakitang kawalang-pakialam sa harap ng matinding masaker. Hindi pa alam ng mga Israelita noon ang pagpapahalaga sa buhay ng tao, maging kaaway man nila o kasamahan. Bale-wala ang sinuman, ang kabuuan lamang bilang bayan ang mahalaga. Para lamang pagsunog ng isang gubat ang pagpuksa sa isang bayang banyaga.

• 19.1 Katulad na katulad ang krimeng ito sa nasa Gen 19. Mahalaga rin para dito ang sinasabi sa paliwanag doon tungkol sa sagot ng may-ari ng bahay. Ang mga bersikulo 24-25 at 27-28 ay kakila-kilabot na patotoo sa daan-daang dantaon nang pagtingin ng mga lalaki sa mga babae: ganap na iresponsabilidad at paghamak.
Hangga’t walang namumuno sa lahat o isang haring “maghuhukom,” nadarama ng bawat pamilya at bawat tribu na obligado silang ipagtanggol at ipaghiganti ang kanilang mga kalahi. Wala nang iba pang paraan para ipagtanggol ang sinuman sa isang bayang walang namumuno. Sa ganitong sitwasyon, ang isang krimen ay maaaring mauwi sa pagdidigmaan ng mga tribu, gaya ng nangyari sa halimbawang isinasalaysay rito. Lubos na binibigyang-diin ng salaysay ang digmaan at pagkawasak ng Benjamin (hindi natin kailangang paniwalaan talaga ang mga bilang).
Isang aral lamang ang gustong ibigay sa atin dito: sa kabila ng lahat ng kasalanan at pagkakamali ng Benjamin, hindi ito maglalaho ni isa man sa labindalawang tribu na pamana ni Yawe. Sa kabila ng mga pagsubok na sila rin ang may gawa, lagi pa ring may ililigtas na malalabi.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, judges, Lumang Tipan | Leave a comment

Josue: Komentaryo

Natapos sa Bundok Nebo ang misyon ni Moises. Tulad ng nakita natin sa Aklat ng Deuteronomio, tinawag ng Diyos si Moises para “hanguin ang bayan” mula sa pang-aalipin ng Ehipto patungo sa pintuan ng Lupang Pangako. Naroon na ang bayan sa harapan ng lupaing ito at si Josue na ngayon, ang unang Jesus – pareho ang Josue at Jesus sa Hebreo – ang siyang mamumuno sa bayan pagpasok sa lupa ng mga pangako.

Bayang Dayo
Masasabi ba nating isang bayan sila? Sa katunayan, hindi sila hihigit pa sa ilang angkan na pinamumunuan ni Moises patawid sa disyerto, na tiyak na nadagdagan ng mga bagong grupo na nakatagpo nila sa Kades-Barnea na isang banal na lugar. Bagamat kakaunti, dala naman ng mga lagalag na ito ang gayong kahalagang karanasang relihiyoso na magiging pamanang espiritwal nilang lahat, pati na ng mga tribung hindi umalis sa Palestina na makakatagpo nila. Sa harap ng mga Kananeong nakatira sa mga bayan at nagsasaka sa nakapaligid na lupain, unti-unting nakita ng mga lagalag na ito kung ano sila. Sila ang mga takas sa Ehipto na ginawan ng Yawe-Diyos ng mga kahanga-hangang bagay. Sila ang bayang lagalag na pinagbunyagan niya ng kanyang sarili sa Bundok Sinai. Sa kanila siya gumawa ng tipan kasabay ng kanyang mga pangako. Mula sa panahong iyon, sila ang kanyang bayang hinirang; at siya ang kanilang Diyos. Sa panahong ito ni Josue at ng Mga Hukom talagang mabubuo ang bayang Israel.
Bagamat sagana sila sa mga biyaya ni Yawe, hindi maaaring hindi hangaan ng mga lagalag na ito ang mga Kananeong pinakikipamayanan nila. Hindi mapag-aalinlanganan na ang panahong ito ng ikalawang sanlibong taon bago dumating si Jesukristo, ang pinakatanyag na bahagi ng kasaysayan ng Palestina kung kultura ang pag-uusapan. Mukhang kawawa ang mga lagalag kung ihahambing sa mga Kananeong may mga bayan na may muog, mga templo at palasyo na may mga dingding na mamahaling kahoy at nadedekorasyonan ng garing. Gayundin ang kaibhan kung relihiyon ang pag-uusapan: maraming pagdiriwang, kapistahan at seremonya ang mga Kananeo sa mga bayan, na nakikita ng mga tribu na wala ni isang templo man lang.
Ipinakikita sa atin ng mga aklat ni Josue at ng Mga Hukom, pati na ni Samuel at ng Mga Hari, kung paano pinabayaan ng mga Israelita na maimpluwensyahan sila nang gayon na lamang. Naakit sila ng maringal na sibilisasyong ito kaya tinalikdan nila ang kanilang mga kaugalian at pananampalataya at ginaya ang mga seremonya ng pagsamba ng lupain.
Ang Katunayan ng Pananakop
Isang bayang naaakit ng kultura ng mga Kananeo, mga pinunong nagpupunyagi at nananawagang manatili sa katapatan – ganito ang palagiang pagtatalo na inilalahad ng mga teksto ng Biblia ng panahong ito. Waring ipinakikita ng Aklat ni Josue ang isang masistemang pananakop ng lupain, na pinamumunuan ni Josue bilang ulo ng mga angkan; pero hindi talaga ganito ang pangyayari.
Magkaibang-magkaiba ang mga taga-bayan at ang mga lagalag, at dahil kapwa nila kailangang tumira sa iisang lupain, hindi naiwasan ang mga labanan: kung minsan, ang mga Kananeo ang mas malakas, at kung minsan nama’y ang mga lagalag. Pero unti-unting naipasailalim ng mga tribu sa kanilang batas ang mga dati nang naninirahan sa lupain, at sa panahon ni Saul, ang mga dating lagalag na mga mamamayan na ng lupain ngayon, ang siyang maghahari. Patatatagin ang sitwasyong ito ni David at, pagkatapos, ni Solomon.
Ang aktibong minorya ang siyang gumagawa ng kasaysayan; pag binabanggit natin ang Iglesya at ang epekto nito sa mundo, kalimita’y isang minorya ng mga mananampalataya ang tinutukoy natin. Maraming dantaon pagkatapos ni Josue, pinagsama-sama ng mga propeta ang mga tradisyon at kasulatan tungkol sa “pananakop”, at hindi sila nagkunwaring ang ibinibigay nila sa atin ay isang eksaktong salaysay at kumpletong kasaysayan. Huwag tayong palinlang sa matagumpay na tono ng mga salaysay na ito na nagsasaad na nagkamit si Josue at ang buong Israel ng di-kapani-paniwalang mga tagumpay. Ang isinasalaysay ng Aklat ni Josue ay maliliit na pangyayari na bumubuo ng isang dakilang kasaysayan.

• 1.1 Si Josueng anak ni Nun ang tinutukoy rito. Siya ang kahalili ni Moises (Dt 34:9). Isinasalaysay rito ang pagsakop sa Lupang Pangako na parang si Josue mismo ang namuno sa lahat. Sa ganito’y iginuguhit ang larawan ng isang Tagapagligtas (Yaweng-nagliligtas ang ibig sabihin ng “Josue” gaya ng “Jesus”) na maghahatid sa Bayan ng Diyos sa kanilang Lupa at Pahinga. Lumilitaw si Josue sa Biblia bilang pagpapaunang larawan ni Jesus, tulad ng ipinapaliwanag sa atin sa Sulat sa mga Hebreo (4:8).
Sa tuwing mababasa nating “Sinabi ni Yawe kay Josue,” hindi natin ito dapat intindihin nang literal. Gusto lamang nitong sabihin na sa gayong pangunguna, isinakatuparan ni Josue ang plano ni Yawe. Tulad ng lahat ng propetang makikita pagkatapos sa Israel, nakikita si Josue rito bilang “lingkod ni Yawe” na araw at gabing nagninilay sa kanyang salita (Slm 1:2). At ang unang larawang biblikal na papasok sa isip ng unang Kristiyanong pamayanan pag pinag-uusapan si Jesus ay ‘yung sa “banal na lingkod ng Diyos” (Gawa 3:13; 3:26; 4:27; 4:30).
Ibibigay ko sa inyo ang buong teritoryong masasakop ninyo. Sa ganito itinuturo sa atin kung paano tayo dapat maghintay sa mga biyaya ng Diyos. Hindi siya ang gumagawa para sa atin, kundi tinitiyak niyang gagawin natin ang kinakailangan. Ang Lupang ibinibigay ni Yawe sa mga Israelita ay mapapasakanila sa oras na masakop nila ito.
Kung minsa’y mga relihiyosong tao pa ang kilala sa kawalan ng pakialam sa kasalukuyang mga problema ng tao at hindi nagtatalaga ng sarili sa gawang pagtataguyod ng pambalanang kabutihan. Totoo nga na walang sinasabi ang Ebanghelyo tungkol sa mga pananakop dito sa lupa, pero ipinapakita ng Biblia na maiintindihan lamang ang Biblia ng isang bayang nakipaglaban para masakop ang kanilang lupain at ang sarili nilang kaibahan at katangian upang pagkatapos ay makalikha ng sarili nilang kultura. Alam ng Iglesya mula sa karanasan na hindi maihihiwalay ang ebanghelisasyon sa pag-unlad ng tao.

• 2.1 Isang babaeng bayaran ang tumanggap sa mga espiya ni Josue, at pinangakuan naman siya ng mga ito na ililigtas siya at ang buo niyang sambahayan. Wasak na ang malalaking pader ng Jerico, sandantaon na ang nakalilipas, at hindi na ito inayos pa ng mga bagong tumira roon. Mailalarawan natin sa isip na sama-sama ang lahat ng taong iyon sa iisang bahay na itinayo mula sa mga guho mismo ng dating pader.
Matalinhaga ang maliit na pangyayaring ito. Pinapamutawi ng awtor sa bibig ni Rahab ang pahayag ng pananampalataya kay Yaweng Diyos na buhay at siyang magbibigay sa bayang Hebreo ng lupain. Dahil sa pananampalatayang ito, maliligtas si Rahab.
Kinikilala siya ng tradisyong Judio bilang ninuno ni Haring David, at binabanggit siya ng Ebanghelyo sa talaangkanan ni Jesus (Mateo 1:5).

• 3.1 Ang Jordan ay hindi permanenteng hangganan ng Israel: depende sa mga tagumpay o pagkatalo nito, sinakop ng Israel ang lupain sa silangan ng Jordan o nawala sa kanya ‘yung nasa kanluran. Gayunpaman, laging kinikilala ang Jordan bilang hangganan ng Lupang Pangako ng bayan ng Diyos. Kaya ang mga tribu ng Ruben at Gad, na naninirahan na sa silangan ng ilog, ay pinilit ni Moises, at ni Josue pagkatapos, na tumawid sa ilog kasama ng kanilang mga kapatid: sa ganitong kundisyon lamang sila kikilalaning mga tunay na tagapagmana ng Lupang Pangako. Ito ang dahilan kung bakit naging napakahalaga ang pagtawid sa Jordan sa pamumuno ni Josue sa mga tradisyong Judio at Kristiyano.
Sa pagtawid na ito, tulad ng sa Dagat ng Mga Tambo, tanging Diyos lamang ang may pangunahing papel. Sabay sa paglusong sa ilog ng mga tagapagdala ng Kaban na pinagpapahingahan ng Luwalhati ni Yawe, tumigil ang pagdaloy ng tubig. At pagkaahon nila sa ilog, muling dumaloy ang tubig.
Ang Diyos na nagpapahinga sa Kaban, ang nagbubukas at nagsasara ng pinto ng Lupang Pangako (Pag 3:7). Gayundin lulusong sa tubig ng Jordan si Jesus – ang bagong Kaban ng Tipan, na pinananahanan ng kapunuan ng pagka-Diyos (Col 2:9) – para buksan ang pinto ng Lupang Pangako. Ang pagtawid na ito, kasama ng sa Dagat ng Mga Tambo, ay ang binyag ng bayan ng Diyos. Sa pagbasa sa salaysay na ito, nauunawaan natin na hindi kasaysayang militar ng paglupig ni Josue ang aklat na ito; pangliturhiyang aklat ito, nakikita nating gumagawa ang Diyos: nagbibigay siya o bumabawi ng kanyang mga biyaya ayon sa katapatan o kataksilan ng kanyang bayan. Sa katapusan ng aklat, inaanyayahan ang kanyang bayan na gumawa ng maseremonyang pagpapahayag ng pananampalataya (Jos 24). Tuwing aanyayahan tayo ng iglesya, tulad ni Josue, sa panibagong pagpapahayag ng pananampalataya, sa binyag man o sa bisperas ng paskuwa, nakikisali tayo sa isang matagal nang naitatag na tradisyong Kristiyano.
Hindi gumalaw ang tubig, at naging parang pader, malayo sa lugar na iyon. Noong 1267, nagkaroon ng ganitong pagguho ng lupa sa lambak ng Jordan, sa lugar na mas mataas kaysa sa Jerico na nag-iwang tuyo sa ilog sa loob ng ilang oras hanggang matangay ng agos ng ilog ang harang. Maaaring isang katulad na pangyayari ang naging sanhi para makapasok sa Lupang Pangako si Josue at ang kanyang bayan nang tuyo ang paa pagkatawid sa ilog. Ang milagro ay nasa mismong oras ng pangyayari; na nang mga sandaling iyon ay umaasa naman si Josue at ang bayan na bigyan sila ni Yawe ng daan. Para matupad ang isang di kapani-paniwalang pangako, mga natural na pangyayari ang ginamit ng Diyos.
Ano ang ibig sabihin ng mga batong ito para sa inyo? Ano ang ibig sabihin ng ganitong monumento, ng ganitong piyesta? Sa tuwina’y sinasagot ito sa pagsasalaysay ng kung anong pangyayari na sinaklolohan ni Yawe ang kanyang bayan. Sa ganito ring mga tanong itinuro ang pananampalataya sa Israel; walang gaanong alam sa relihiyon ang Israel pero ipinaaalaala sa kanila ng bawat lugar sa kanilang lupain na ang Diyos ang tagapagligtas ng kanyang bayan.
Nagkampo si Josue sa Gilgal. Mula roon inorganisa niya ang kanyang mga pagsalakay at makikita natin na bumabalik siya sa Gilgal pagkatapos ng bawat panalo, bago makapagsama-samang muli ang mga puwersang Kananeo.
Madaling makita na pinagsama-sama rito ang iba’t ibang salaysay na hindi naman magkakatugma. Sa kampo ba nila inilagay ang labindalawang bato (4:3) o sa ilalim ng Jordan nila inilagay ang mga ito (4:9)? Hindi ito dapat problemahin. Pinakamalamang na naroon na ang mga batong iyon bago pa man dumating si Josue at ang mga Israelita. Ito ang santuwaryo sa isang lugar para sa pagsamba ng mga pagano, na napakalapit sa Gilgal. Pero pagkatapos ng pananakop, gusto ng mga pari na bigyan ng kahulugang relihiyoso ang mga ito ayon sa kanilang pananampalataya, tulad ng nakita na natin sa Ex 12:15.

• 5.1 Sa una nilang pinagkampuhan ipinagdiwang ng mga tauhan ni Josue ang una nilang selebrasyong relihiyoso. Kasunod nito ang pagtutuli (tingnan ang Gen 17:10). Sa Israel, ito ang tanda ng pagpasok sa relihiyosong pamayanan. Para igiit ang obligasyong ito, sinasabi sa libro na tinuli ang lahat ng lalaki sa pagpasok nila sa Lupang Banal.

Mula sa araw na iyon, bunga na ng lupa ang kanilang kinain (11). Tingnan sa Ex 16 ang mga paliwanag hinggil sa manna at sa mga alamat nito.
Sa pangyayaring ito nagsisimula ang isang bagong panahon. Hanggang sa panahong iyon, para sa isang bayang pagala-gala ang relihiyon ng mga Israelita. Nag-uumpisa ngayon ang matinding krisis na tatagal hanggang sa panahon ni Haring David, habang patuloy na nagsisikap ang mga Israelita na bumagay sa bago nilang sitwasyon bilang mga magsasaka at mga tagasiyudad at dahan-dahang bumubuo ng isang klase ng relihiyong bagay sa bagong sitwasyong ito. Pero meron pang ipinahihiwatig ang teksto: tapos na ang panahon ng paglalakbay, ng pagmamartsa patungo sa Lupang Pangako; pumasok na sa lupain ang bayan. Hindi na pumapatak ang manna na pagkain sa paglalakbay at nabubusog ang bayan sa bunga ng lupain. Gayundin sa katapusan ng panahon pag nakarating na ang buong sangkatauhan sa Ama at sa kanyang kaharian, hindi na bibigyan ng Iglesya ng tinapay para sa paglalakbay ang mga tao; ang mapapasakanila ay ang walang-hanggang presensiya ng Diyos.

• 6.1 Sa pagkaagaw sa Jerico nagsimula ang pananakop. Ginawang anatema ang Jerico, ibig sabihi’y ibinukod para sa Diyos. Walang anumang kinuha ang bayan, kundi ibinigay sa kabang-yaman ni Yawe ang mga bagay at pinagpapatay ang lahat ng may buhay sa halip na angkinin ang mga hayop at gawing alipin ang mga tao. Ang salitang anatema ay mangangahulugan din ng sinumang nagtataglay sa sumpa ng Diyos (tingnan ang Rom 9:3). Ganito ang ginagawa sa ilang bayan: sa pagkakataong ito, sa pagpuksa sa anumang bagay na Kananeo, naililigtas ng Israel ang sarili na makibagay sa kultura at materyalistang relihiyon ng mga Kananeo.
Kung minsa’y naiiskandalo ang nakababasa nito ngayon: Paano maiuutos ng Diyos ang gayong digmaan? At paano kaya naisip ni Josue na bigyang-lugod ang Diyos sa pag-uutos na patayin ang lahat, pati na ang mga sanggol?
Kailangang alalahanin natin kung kailan nangyari ang nasabing pananakop at kung kailan nasulat ang aklat.
Naganap ang pananakop sa ika-13 dantaon bago kay Kristo. Mahirap para sa atin na talagang maunawaan ang pag-iisip nila nang panahong iyon. Sa Kanaan, sinusunog nila ang mga sanggol bilang mga hain sa mga diyos ng mga pagano, sa Asiria nama’y binabalatan nang buhay ang mga bihag. Sinakop ng Israel sa dahas ang Palestina tulad ng alinmang pagala-galang bayan sa daigdig. Sinisimulan ng Diyos ang pagtuturo sa kanyang bayan; bilang simula, hindi niya maaaring asahan na sila ay naturuan na. Isang hakbang lamang ang mga madugong pagkapanalo tungo sa pambansang kamalayan. Sa ganitong diwa, hindi natin mababale-wala sa ngalan ng kapayapaan ang mga bayani ng lumipas na mga digmaan.
Sa kabilang dako naman, ang librong ito ay isinulat sa ika-7 dantaon bago kay Kristo, sa maliit na kaharian ng Juda, na napaliligiran ng malalakas na karatig-bayan, at pinagsisikapan nitong mabuhay nang mapayapa sa gitna nila. Kaya pinalawak ang salaysay tungkol sa mga nagdaang panalo at mga masaker (paghambingin ang 2 S 12:31 na sinulat ng mga buhay na nang maganap ang mga pangyayari at ang 1 Kro 20:3 na isinulat pagkalipas ng apat na dantaon). Gusto ng sumulat nito na ipakita sa kanyang mga kasamahan na hindi sila dapat matakot dahil sumasakanila ang Diyos. Sa pag-iisip at pagpapalaki sa pagmasaker sa mga Kananeo ng lumipas na panahon, gusto niyang sabihin sa kanyang mga kababayan na huwag tanggapin ang anumang kaugalian ng mga pagano, ingatan ang banal na binhi ng pananampalataya ng Israel. Sa madugong mga halimbawang ito, isang aral ang ibinibigay sa atin ng Kasulatan: ang Bayan ng Diyos ang may pag-asang bukod-tangi sa mundo. Walang anumang sakripisyo na magiging napakalaki para pangalagaan itong buo. Pero hindi natin dapat tularan ang pagkapanatiko ng sinaunang mga panahong iyon.
Kaya kapag sinasabing: Iniutos ni Yawe kay Josue ang anatema, hindi natin dapat isipin na isa itong espesyal na pamamagitan ng Diyos (tingnan ang paliwanag sa Gen 16). Ibig lamang sabihin ng mga salitang ito na sa pagpapasya ng anatema ayon sa pag-iisip ng panahong iyon, naingatan ni Josue ang pananampalataya ng Israel mula sa pagkakaroon ng ibang diyos na mas taliwas sa plano ng Diyos. Pero ginawa nila ito bilang mga taong hindi pa alam ang halaga ng buhay ng tao.
Mahirap malaman kung ano ang totoo sa istoryang ito: tingnan ang paliwanag sa Josue 2:1.

• 7.1 Ginawang “anatema” ang lahat ng masasamsam, na ibig sabihi’y itinalaga sa Diyos. Ke sinunog o itinabi sa kabang-yaman ng Santuwaryo, inialay ang mga ito kay Yawe. Ang Diyos ang pinagnakawan ni Akan, at ayon sa pagsasalita at pag-iisip ng panahong iyon, ang ninakaw ay nagiging sumpa na kumakapit sa kanya at sa kanyang pamilya. Pinapagninilay siguro tayo ng pangyayaring ito sa kabigatan ng ating mga pangako kapag ipinasya nating italaga sa Diyos ang ating panahon o pagkatao.

• 8.30 Ano ang ibig sabihin ng pakikipagtipang ito na ipinagdiwang sa Sikem? Maaaring inilalahad ng Biblia ang matandang kasaysayan ng Israel na parang kathang-isip sa pagsasabi nito na magkakasama sa Ehipto ang labindalawang tribu, na sama-sama rin silang umalis doon kasama ni Moises at kasama niyang nakarating sa Lupang Pangako. Malamang na ang buong Exodo ay kasaysayan ng isang mas maliit na grupo na nakalaya dahil kay Moises at sila mismo sa buhay nila ang nagkaroon ng napakahalagang karanasan sa Diyos na Tagapagligtas.

At saka nila nakita sa oasis ng Kades ang iba pang grupong Hebreo (tingnan ang paliwanag sa mapa ng Exodo) na galing din sa Ehipto at tumanggap sa kanilang pananampalataya.
Pagkaraan nito, nang mamayan sila sa Palestina, bumuo sila ng alyansa sa iba pang tribung kalahi nila na nasa gitna na ng mga Kananeo. Noon nagsimula ang pagiging bayan ng Labindalawang Tribu ng Israel. Sa mga ito’y nakapangyayari ang mga tribu ng Efraim at Manases, pero sa paglipas ng panahon ay umunlad sa timog ang tribu ni Juda na nabuo mula sa iba’t ibang grupo lalo na ng mga Kalebita (Hkm 1:12 at Blg 13:30) at mga Kenita (Hkm 1:16).
Sa Pakikipagtipan sa Sikem marahil inako ng lahat ang pananampalataya at mga utos na tinanggap nila kay Moises.

• 10.1 Sapat nang problema ang inihatid ng araw ng Gibeon sa mga umiintindi nang literal sa lahat ng mabasa nila sa Biblia.

Iniisip ng ilan na huminto ngang talaga ang araw sa langit. Pero nang sumunod na mga panahon, nang malaman ng mga tao na ang lupa pala ang umiinog sa palibot ng araw, inisip naman nilang ang lupa ay huminto sa pag-ikot nito. Pero hindi rin natin matatanggap ang paliwanag na ito: sapagkat sa sandaling huminto ang mundo sa pag-inog, mawawasak ang lahat dahil dito. Kaya nga kailangang bigyang-diin natin na ginagamit dito ng Biblia ang isang aklat ng tula, ang “Aklat ng Matuwid”, at nagsasalita ang mga makata sa kanilang imahinasyon at hindi bilang mga manunulat ng kasaysayan o mga siyentipiko. Kaya maaaring gusto nilang sabihin na mahalaga ang maghapong iyon.

• 11.1 Sa kabanata 11, inilalarawan ang pananakop ni Josue sa hilagang Palestina. Nabihag niya roon ang Hasor na matatawag na malaking siyudad sa 40,000 mamamayan nito. Lumilitaw na parang nasakop niya ang buong lupain. Ngunit inilalahad sa kabanata 13-19 na kailangang sakupin ng bawat tribu ang bahagi nito sa lupain sa isang serye ng kanya-kanyang operasyon.

• 13.1 Binabahagi ni Josue ang Lupang Pangako sa labindalawang tribu.
Iba’t ibang grupo ang sama-samang umalis, gaya ng nabasa natin sa Ex 12:38. At sumama naman sa kanila ang iba sa Palestina (tingnan ang Josue 8:33). Hindi sila magkakalahi ni isang grupong buung-buo; at tiyak na hindi pa organisadong bansa ang Israel. Pero binubuo na sila ng labindalawang tribung hindi magkakasinlakas. Dalawa ang nakapangyari: ang Efraim sa hilaga at ang Juda sa timog.
Sa mga nomad na ito, sinasabi ng mga lalaki sa bawat tribu na lahat sila’y inapo ng nagtatag ng tribu, na isang tanyag na lalaki noong araw, na pangalan nito ang kanilang taglay. Dahil itinuturing ng mga Israelita na mga inapo sila ni Jacob-Israel, ipinalagay ng bawat isa sa labindalawang tribu na galing sila sa isa sa mga anak ng kanilang ninunong si Jacob, kung kanino nila tinanggap ang kanilang pangalan.
Sa katunaya’y labintatlo talaga ang labindalawang tribu. Sapat nang paghambingin ang lista ng mga anak ni Jacob sa Gen 35:23 at ang labindalawang tribung nakalista sa librong ito. Nagkakatugma ang listahan sa mga sumusunod: Ruben, Simeon, Juda, Isacar, Zabulon, Dan, Neftali, Gad, Aser at Benjamin. Pero bumubuo ng dalawang tribu ang “mga anak ni Jose”: Efraim at Manases (Josue 16:4). Kaya kasama ang tribu ng Levi, umaabot ng labintatlo ang lahat. Pero ang huling tribung ito ay binubuo ng mga pamilyang nakatalaga sa mga gawaing panrelihiyon ayon sa tradisyon. Wala silang sariling teritoryo (Josue 21:10), nang sa gayo’y maging labindalawa uli ang bilang ng mga tribu sa paghahati ni Josue sa lupain.
Ginawa ang paghahati sa pagpapalabunutan: sa ganito’y naituturo na regalo ng Diyos ang Lupang Pangako (parehong paglalarawan ang ginagamit ng Salmo 16). Tinanggap ng bawat tribu ang kaparteng hindi nila pinili at ngayo’y dapat nilang sakupin para mapasakanila. Para sa atin din ang halimbawang ito. Tinanggap ng bawat isa sa atin mula sa Diyos ang kanyang kaparte sa buhay. Kailangan nating tanggapin kung anuman ito, tulad ng pagtanggap ng mga tribu sa kanilang “parte sa mana”. Pero pagkatapos nito’y kailangan naman nating sakupin o marating ang ating kapalaran nang may lakas ng loob at pananalig sa Diyos tulad nila.
• 22.1 May kalabuan ang kalagayan ng mga tribung naninirahan sa silangan ng Jordan: nasa labas sila ng Lupang Pangako na ang Jordan ang hangganan (tingnan ang paliwanag sa Jos 3). Pinatutunayan ng Kabanata 22 ang makatwirang pahayag ng mga tribung nasa kabilang ibayo ng Jordan, na kabilang sila sa bayang Israel at pinatutunayan sa atin ang katwiran ng pagkakaroon ng mga altar sa lalawigan nang mga panahong iyon. Nang panahon na lamang ni Josias, sa katapusan ng ikapitong dantaon bago kay Kristo, itinakdang gawin ang lahat ng seremonyang panrelihiyon sa altar ng Jerusalem.

• 24.1 Sa pagkakataong mawawala na si Josue, matatag na ang presensya ng Israel sa kabundukan at kapatagan ng Palestina. Naipasok nila ang kanilang sarili sa mapayapang paraan o pananakop. Isa pa’y alam nila ang kanilang kahihinatnan bilang isang bayan.
Nagsama-sama ang labindalawang tribu sa Sikem sa Gitnang Palestina, na kinaroroonan ng mga tribu ni Josue, mas malakas at mas maingat na iniingatan ang alaala ni Moises. Dito inuulit ang Pagtitipang ipinagdiwang ni Moises (tingnan ang Ex 24 at mga huling kabanata ng Deuteronomio).
Matapos alalahanin ang mga pagkilos ni Yawe para sa Israel, inaanyayahan ni Josue ang pagtitipon na piliin si Yawe at tanggihan ang mga banyagang diyos. Isinusulat ngayon ang Batas ng Pakikipagtipan.
Ang alaala ng Pakikipagtipan sa Sikem ang magpapanatiling-buhay sa mithiin ng pagkakaisa at katapatan kay Yawe sa sumunod na panahon ng karimlan pagkamatay ni Josue, o sa panahon ng mga Hukom.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Joshua, Lumang Tipan | 1 Comment

Deteronomio: Komentaryo

Pangalawang Batas ang ibig sabihin ng Deuteronomio. Ganito ang itinawag dito dahil sa pagkakalagay nito sa ating Biblia pagkatapos ng kabuuan ng mga batas na nasa mga aklat ng Levitico at Mga Bilang. Subalit unang isinulat ang Deuteronomio kaysa mga ito. Para pag-isahin ang mga utos at mga kaugalian ang unang layunin nito at para ibigay sa Israel ang Batas na katatagpuan nito ng buhay.
At nang inedit ang Deuteronomio, sa ika-7 dantaon bago dumating si Kristo, higit sa limandaang taon na ang lumipas mula nang makipagtagpo si Moises sa Diyos. Nasakop na ang lupain ng Kanaan, naitatag na ang Kaharian nina David at Solomon at pagkatapos ay nahati. Bumagsak na ang mas malaki at mas masaganang probinsya sa hilaga na tinatawag na Kaharian ng Israel. At gayon ding kapalaran ang nagbabanta nang mga taong iyon sa Kaharian ng Juda na probinsya sa timog.
Noon ipinagbigay-alam ang Batas na ito ni Yawe. Inilantad nito sa kanyang bayan ang dahilan ng kanilang mga pagkatalo at iniaalok ang isang pagkakataon para maligtas. Matagal na itong nalimutan sa Templo sa panahon ng pag-uusig ni Manases. Ngunit ang pagkatuklas dito sa taong 622 (2 H 22) ang siyang pinakaugat ng reporma ni Yosias.Si Moises at ang Deuteronomio
Tinanggap ng bayan ng Israel at ng kanilang mga pastol ang Deuteronomio bilang salita ng Diyos at aral ni Moises, pero ang mga pari at ang mga propeta naman ang sumulat nito. Binuod nila sa mga pahinang ito ang kanilang karanasan sa kabuuan ng kanilang kasaysayan.
Tulad sa iba pang mga libro sa Biblia, inilagay sa bibig ni Moises ng mga sumulat ng Deuteronomio ang mga diskursong gusto nila mismong sabihin sa kanilang bayan. Gawa-gawa lamang ang pagsasalaysay nila na bago mamatay ay nakinikinita na ni Moises ang masaklap na kapalarang naghihintay sa kanyang bayan. Sinasabi nilang sa kanya galing ang mga babala at mga batas na pupuwede pang magligtas sa Israel. Sa totoo’y ginagamit ng Deuteronomio ang pangangaral ng mga propeta tungkol sa katarungan at pag-ibig: ito ang kauna-unahang pagsisikap na ginawa sa daigdig para bumuo ng isang lipunang may pagkakaisa’t pagkakapatiran.

 

 

Ang Pag-ibig ng Diyos at ang Lupang Pangako
Iniutos ni Moises na sakupin ang lupain ng Kanaan. Sinasabi ng Deuteronomio na dahil regalo ng Diyos ang lupang ito, kailangang sundin ng Israel ang Batas para manatili ito sa kanilang pag-aari.
Tanging paglilingkod lamang kay Yawe ang mga salita ni Moises. Inilalahad naman ngayon ng Deuteronomio ang mga dakilang batas ng pag-ibig ng Diyos.
Ang Diyos ang unang nagmamahal. Hindi basta-basta na lamang ibinibigay ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa lahat, kundi minamahal niya sa natatanging paraan ang mga pinili niyang maglingkod sa kanya (Dt 7:6-8). At nasa mga ekstraordinaryong pagkilos ng Diyos para sa Israel nang ilabas niya ito mula sa Ehipto (Dt 4:32-40) ang magpapatunay sa pagkapili sa Israel.
Kailangang tumugon ang Israel sa Diyos nang may pag-ibig sa puso (na siyang wala sa sampung utos). Tingnan Dt 6:1-9.
Kailangang manatiling nagkakaisa ang mga Israelita, marunong magmahal at magpatawad sa isa’t isa (Dt 15). At kailangan silang magkaisa na ang iisang Templo ng Jerusalem ang pinakasentro (Dt 12).
Ang pagmamahal sa Diyos ay pagmamahal sa kanya sa katapatan (Dt 13).
• 1.6 May kanyang mga batas ang bawat bansa. Bunga ito ng mahabang karanasan ng bayan at ng pagninilay ng mga pinuno nito. Sa ganito ring paraan nabuo ang mga batas ng Israel. Ngunit kaiba sa ano pa mang bansa ang karanasan ng Israel.
Kaya isang mahabang diskurso ang inilalagay sa bibig ni Moises ng mga sumulat ng Deuteronomio bilang introduksyon sa mga batas ng Israel. Dito ipinaaalaala sa Israel ang panimulang karanasang iyon. Hindi inuulit ng mga unang kabanatang ito ang tungkol sa mismong pag-alis sa Ehipto kundi ang tungkol sa mga pangyayari sa disyerto lalo na ang nangyari sa Kades na oasis sa timog ng Palestina kung saan “apatnapung taong” tumigil ang mga Israelita.
Inaalaala ng unang kabanata ang pagkakaroon ng mga hukom. Dahil si Moises ang unang mambabatas ng kanyang bayan, lagi nang ang kanyang awtoridad ang siyang tutukuyin ng mga dumating na kasunod niya. Ginugunita rin nito ang paghihimagsik sa Kades: mula pa sa simula ng kanilang kasaysaya’y napatunayan na ng Israel kung gaano kabigat ang kabayaran ng pagsalungat sa magaling na tagubilin ng kanyang Diyos.
Isinasalaysay naman ng ikalawa’t ikatlong kabanata ang pagdating sa Lupang Pangako. Si Yawe ang siyang naghatid sa kanila sa kanilang lupa at kailangan nila siyang pakinggan kung gusto nilang patuloy na mabuhay nang malaya sa kanilang lupain.

 

 

• 4.1 Isang aral ang inilalahad ni Moises mula sa mga lumipas na karanasan, at para hikayatin tayong sumunod sa Batas ng Diyos, inaanyayahan niya tayong imulat ang ating mga mata: Kayong naging matapat kay Yaweng inyong Diyos ay buhay pa ring lahat ngayon, samantalang nangamatay na ang iba. Sa piling ng maraming “patay” na nababalisa at naglalaban-laban sa ating daigdig, buhay pa rin ang may pananampalataya. At isa pa’y Anong bansa ang may napakadakila at makatarungang mga tuntunin at mga batas tulad ng Batas na ito?
Subalit may mga pagkakataon sa ating buhay na abut-abot ang mga tukso, at pakiwari nati’y makakatagpo tayo ng kaligayahan kung iiwan natin ang utos ng Diyos. Ngunit nasa batas ng Diyos ang kaligayahan at hindi ito nangangailangan ng ating pagsang-ayon: huwag mong dagdagan ni bawasan.
Anong bansa ang napakadakila at may mga diyos na napakalapit sa kanila tulad ni Yawe? Mga huwad na kaibigan at bunga ng ating imahinasyon ang mga diyos. Nilalaro natin ang mga ito at sinisikap na mahulog sa atin ang kanilang loob para magkatotoo ang ating mga plano. Subalit sumasaatin ang Diyos sa kabuuan ng kanyang misteryo, lubos na sumasaatin ngunit hindi natin abot. Gayong hindi natin siya nakikita, nakikilala natin siya nang buong katiyakan. At sa tuwing lumalapit siya sa atin, iniiwan niya tayong may kapanatagan.
Iginigiit ng Biblia na totoo at talagang nangyari ang mga naturang pakikisangkot ng Diyos sa kasaysayan ng tao: Huwag mong kalilimutan ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata (9). Totoo ngang pagkalipas pa ng mga dantaon saka isinulat ang istorya ni Moises at marami nang pangyayari sa paglalakbay ng mga Israelita sa disyerto ang naging mga alamat. Subalit hindi mabubuo ang mga alamat tungkol sa manna, sa ulap at sa pagtawid sa dagat kung hindi naranasan ng pamayanan ng Israel ang Kalinga ng Diyos at ang malakas niyang kamay sa mga pagkakataong iyon. Sa bawat araw na lumipas, nakita ng Israel ang Diyos bilang isang ama na umaakay sa kanyang anak (Dt 1:31).
RELIHIYON AT PANANAMPALATAYA
Laging lumilitaw ang dalawang salitang ito pag pinag-uusapan ang ating relasyon sa Diyos. Kaya kailangan nating malaman ang ibig sabihin ng “relihiyon” at “pananampalataya”.
“Relihiyoso” ang mga tao noong unang panahon tulad ng marami ngayon: naniniwala sila na likha ng Diyos-na-Maykapal ang daigdig na tinitirahan nila. Kaya nakakatagpo tayo sa lahat ng matatandang relihiyon, gayundin sa mga unang pahina ng Biblia, ng mga salaysay ng paglikha, na nagbibigay-liwanag sa simula ng daigdig at ng sangkatauhan. Yamang ang Maykapal ang may-akda ng paglikha, siya lamang ang makapagbibigay ng mga tuntunin para sa maayos na pag-andar nito: mangyari pa, kasama sa mga salaysay ng bawat relihiyon ang mga utos tungkol sa moralidad. Ang Diyos ng relihiyon (o mga diyos sapagkat laganap ang politeismo) ay pinaglilingkuran ng kaparian na nagpapasalamat sa kanya sa ngalan ng mga tao para sa mga biyaya niya sa mga ito at sumasamo na muli niyang gawin ito sa papasok na taon. Kaya binubuo ang mga kapistahang panrelihiyon unang-una ng pasasalamat at mga unang bunga, tulad ng nakikita natin sa mga teksto tungkol sa mga ritwal na Matandang Tipan.
Likas na konserbatibo ang relihiyon, sapagkat tinitiyak nito ang mabuting kaayusan ng daigdig; wala itong “pag-asa”: wala tayong inaasahang bago, kundi maibigay ng bukas, tulad ngayon, ang ating kinakailangan sa mundong ito.
Sa pagbubukas ng Biblia, sa ating “pagpapahayag ng pananampalataya”, napapansin nating tayo man ay relihiyoso; di ba’t sinasabi natin: “sumasampalataya ako sa Diyos amang Makapangyarihan-sa-lahat, na Maylalang ng langit at lupa”? Pero ang relihiyong ito na ating ipinahahayag ay lubusan nang napalitan ang anyo bunga ng pananampalataya: Ang Diyos na Maykapal ang naghayag ng kanyang sarili sa bayang Israel na pinili mula sa kawalang-hanggan para maging kanyang “saksi sa piling ng mga bansa.” Sa loob ng mga dantaon, inihayag ng diyos ang kanyang sarili sa kasaysayan ng Israel: inaakay niya ang kanyang bayan tulad ng pag-akay ng ama sa kanyang anak (Dt 1:31), patungo sa isang kapunuang hindi kayang maisip ni malirip (Ef 1:15-23; 3:14-21; Col 1:9-14; 1:26-27).
Ipinakikilala ng Diyos kung sino talaga siya; pinapupunta niya tayo sa isang pakikipag-isa ng walang-hanggang pakikipagmahalan sa kanya (Jn 17:21). Kaya nga ang pag-asa, kahit sa kahulugan man lamang ni Pablo (Rom 8:24-25), ay nasa pinakapuso ng ating pananampalataya; at kung pumapailanlang palagi ang ating pasasalamat patungo sa Diyos para sa mga biyaya niya sa atin, lalo itong pumapailanlang, sa antas na di-mapapantayan, patungo sa Amang ito na naghanda sa atin upang matanggap natin ang ating bahagi sa mana ng mga banal na nasa kanyang kaharian ng kaliwanagan, patungo sa kanya “na nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng dilim, at inilipat sa kaharian ng kanyang pinakamamahal na Anak” (Col 1:12-13).

 

 

• 10. Ginugunita ni Moises ang karanasan sa Sinai (na tinatawag ding Bundok Horeb) sapagkat sa karanasan nakaugat ang pananampalataya. Sa pagsisikap ni Pablong patatagin sa kanilang pananampalataya ang mga Kristiyanong natutuksong lumihis ng landas, ipapaalaala niya sa kanila ang kahanga-hangang karanasan nila sa pagpasok sa Iglesya (Gal 3:1; Heb 12:18).
Walang nakitang anyo, boses lamang ang narinig ninyo (12). Pansinin ang pagkakaiba ng pagkakita at ng pagkarinig. Narito ang tamang pagkakaiba ng huwad na pagsamba at tunay na pananampalataya.
Sa mga huwad na relihiyon, ang tao ang lumilikha ng kanyang mga diyos (mga diyos na sinauna o makabago tulad halimbawa ng isang lider o isang ideolohiya) na ayon sa sarili niyang paraan ng pagkakita (o pagtingin) at pag-intindi sa kahulugan ng buhay. Ang tao ang siyang nagpipinta ng kanyang mga diyos at umiimbento ng kanyang katotohanan ayon sa sarili niyang pag-iisip na nakatuon lamang sa nakikita, may dagliang bisa at puwedeng pakinabangan at gamitin.
Subalit ang tunay na pananampalataya ay nakaugat sa narinig na salita: tingnan Rom 10:14-17. Mapapalad ang mga naniniwala gayong hindi nakakita! Naniniwala tayo sa katotohanang isinasalin sa atin ng Iglesyang bayan ng Diyos. Para sa Kristiyano, walang kuwenta ang anumang “pagbubunyag” o “mensahe mula sa Diyos” na tinatanggap ninuman, kung hindi ito lubos na katugma at nakasalalay, unang-una, sa Salita ng Diyos, pati na rin sa iglesya na siyang pinili ng Diyos para maging saksi at tagapanagot ng kanyang salita (Gawa 10:41).
Huwag kayong gagawa ng diyus-diyusan o rebultong korteng lalaki o babae (16). Naritong muli ang pagbabawal na gumawa ng anumang larawan ng Diyos. Tingnan ang paliwanag sa Ex 20:4. Maging larawan pa man ito ng anumang nilikhang puwersa (gaya ng araw) o litrato ng kung sinong lider o sagisag ng anumang grupo (ng inang-bayan, partido…), walang anumang bagay na nilikha na maituturing na Diyos. Hindi rin ipinahihintulot na ilarawan ang Diyos dahil siya ay Banal, na ibig sabihi’y hindi siya katulad ng anumang puwedeng isipin o ilarawan ng tao sa kanyang imahinasyon.
Huwag kang paengganyong yukuan ang mga ito para sambahin. Wala siyempreng nagsasalita ngayon tungkol sa pagsamba sa isang tao o bagay. Subalit ang pagsamba ay kapareho rin ng pagsusuko ng sarili sa anuman o kaninuman. Marami ang naglilingkod sa mga pulitikal na diyos o sa diyos ng konsumerismo.

 

 

• 25. Ipinapaalaala sa atin ng mga linyang ito ang talinhaga ng waldas na anak (Lc 15).
Dahil ang Israel ang bayang pinili ng Diyos, may mas mabigat itong responsabilidad. Regalo ni Yawe ang kanilang lupa at mawawala ito sa kanila sa paglayo nila sa kanya. Kayat nabuhay ang Israel alinsunod sa panuntunan ng Unang Tipan sa Sinai. Mga materyal na regalo, kasaganaan, mga lupa at kapanatagan ang kanilang inaasahan sa Diyos. At walang ibang parusang ipinakita sa kanila si Yawe kundi ang pagkatapon sa bandang huli: ang pag-alis nila sa magandang lupaing iyon.
Ngunit naroon din naman ang pangako: Ngunit hahanapin mo roon si Yaweng iyong Diyos.

 

 

• 32. Kailanma’y walang kakila-kilabot na ginawa (34). Tingnan ang paliwanag sa 4:9.
Marami ang nag-aakala na “paniniwala sa Diyos” ang siyang importante sa Biblia. Malaking pagkalito ang hatid ng pananalitang ito. Ang pananampalataya sa Biblia ay hindi paniniwalang buhay at may Diyos, o makapangyarihan ang Diyos o puwede tayong tulungan ng Diyos. Sa halip, ang importante sa Biblia ay ang pagkapili ng Diyos sa Israel para sa isang natatanging misyon sa mundo at ang Diyos ang kaisa-isahang Diyos at kaiba sa lahat ng bayan ang Israel.

 

 

• 41. Dito nagsisimula ang pangalawang “Diskurso ni Moises.”
Muling inilalahad ng talata 5:1-22 ang Sampung Utos sa paraang katulad na katulad sa Exodo 20:2.
Binibigyang-diin naman sa talata 5:23-31 ang kalooban ng Diyos na makatagpo ng isang taong pupuwedeng humarap sa kanya sa ngalan ng lahat. Nasa pagiging tagapamagitan o kinatawan ng Israel ang karangalan ni Moises.
5:29. Layunin ng Batas ng Diyos na paligayahin tayo. Dito nahahayag ang pag-ibig ng Diyos bilang ama.

 

 

• 6.1 Makinig ka, Israel! Si Yaweng Diyos natin ay Isang-Yawe. Ang mga bersikulong ito ang Kredo ng mga Judio, na kinaugalian na nilang dasalin araw-araw. Ang tekstong ito ang tinutukoy ni Jesus nang tanungin nila siya tungkol sa pinakaimportanteng utos. Tingnan ang Marco 12:28 at ang paliwanag tungkol dito.
Mahalin mo si Yawe nang buo mong puso. Nang mga unang panahong iyon, hindi ganap na di-makasarili ang pag-ibig kay Yawe. Alam ng Israel na sa pagsagot nito sa pag-ibig ng Diyos na pumili sa kanya ay nasa tamang landas sila at gagantimpalaan siya ng Diyos ng kapayapaan at materyal na kasaganaan.
Isapuso mo ang mga salitang ito: ituon sa mga ito ang iyong isip para maging maayos ang iyong pag-iisip at mahusgahan ang lahat alinsunod sa mga pamantayang ito.
Ulit-ulitin mo ang mga ito sa iyong mga anak: dahil alam mong pananagutan mo ang kanilang pananampalataya.
Itatak mo ang mga ito sa iyong kamay, o ang mga ito ang umakay sa iyong mga kilos.
Maging paalalang lagi sa pagitan ng iyong mga mata, para hindi mo maalala ang mga ito kung kailan huli na at wala nang ibang magagawa kundi taghuyan ang iyong mga pagkakamali.
Iukit mo ang mga ito sa mga pintuan ng iyong siyudad, o ang mga ito ang pamahalain sa buhay pang-ekonomiya at panlipunan.
Si Yawe ay Diyos na seloso: tingnan Ex 20:5. Maraming nabibigla sa pananalitang ito. Pero meron ba namang tunay na pag-ibig na walang partikular na klase ng pagseselos, hindi ‘yung laging takot sa kataksilan ng minamahal? Ipinahihiwatig nitong pananalitang “Diyos na seloso” sa dahop at sinaunang wika, ang pangunahing katangian ng Diyos – napakahiwaga. Hindi lamang siya Pag-ibig, gaya ng gustong sabihin ng marami, Mangingibig pa siya. Hindi sapat na sabihing mahal tayong lahat ng Diyos sa pananaw ng kabutihang panlahat: pinipili niya kung sinong mamahalin niya at ang bawat isa ang lahat sa kanya.
Sinasabi na sa atin ng pananalitang ito kung ano ang sanhi ng pagkamangha ni Pablo pag nagsalita siya ng tungkol sa predestinasyon, o ang pag-ibig ng Diyos na pumili sa atin bago pa man nalikha ang mundo (Rom 8:31-39; Ef 1:1). Pag sinabing seloso ang Diyos, ang ibig sabihin nito’y hindi niya matatalikuran ang pakikipagmahalan at katapatan na inaasahan niya sa kanyang mga minamahal. Ipakikita ng Israel ang selos na ito ng Diyos sa mga katakot-takot na pagsubok na ipinadadala niya sa kanyang bayan: ang pinakamapait na pagsubok na titiisin natin sa buhay na ito ay bale-wala kung ihahambing sa nililikha ng Diyos sa atin.
Kapag nakakain ka na, huwag mong kalilimutan si Yawe. Waring nalimutan na ito ng buong modernong sibilisasyon. Pakiramdam ng tao’y siya ang panginoon ng siyensiya, ng teknolohiya at ng mundo. At mas grabe pa kaysa rito ang pagpapatangay niya sa hangaring kontrolin ang sanlibutan at sarili naman niya mismo ang mawala.

 

 

• 20. Ipinagdiriwang taun-taon ng mga Israelita ang Paskuwa. Kaya isinagawa ng bawat pamilya ang mga seremonya ng piyestang ito sa isang salu-salong panrelihiyon. Kapag nagkakatipon na sila sa hapag, isa sa mga bata ang magtatanong sa ama: “Itay, ano po ba itong gagawin natin?” At isinasagot naman ng ama: “Dating nasa Ehipto ang ating mga ninuno bilang mga alipin ni Paraon…” Matutunghayan natin sa sumusunod na mga linya ang kredong ito, ang pagpapahayag na ito ng pananampalataya ng Israel. Hindi sapat para sa Israelita ang basta “maniwalang may Diyos”, kundi kailangan niyang alalahanin ang mga pagpapala ng Diyos sa lumipas na panahon para magpasalamat sa kanya.
Gayundin naman laging nililingon ng Kristiyano ang nakaraan para kilalanin ang mga kagandahang-loob sa kanya ng Ama, at pati na sa buong sangkatauhan. Ang misa ang pinakapuso ng panalangin sa Iglesya. At dito tayo nagpapasalamat sa Diyos para sa kaligtasang hatid sa daigdig ng kamatayan at pagkabuhay ni Kristo.
Ang mga materyal na pangako sa Israel ay larawan ng mga pangako ng Diyos sa kanyang Iglesya. Hindi na mga ani at mga tupa ang kanyang inaasam kundi ang pagdami ng mga sumasampalataya at ang paglago ng mga katangian ni Kristo sa kanila.
Inilalahad ng talata 8:1-6 ang kahulugan ng paglalakbay sa disyerto. Panahon iyon ng pagsubok. Naging dukha ang Israel subalit hindi nagkulang ang tulong ng Diyos.
Pinakain ka niya ng manna upang ipakita sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa lahat ng namumutawi sa bibig ni Yawe mabubuhay ang tao. Ang mannang tinanggap nila ay sagisag lamang ng isa pang pagkaing kailangan ng tao at nagmumula sa bibig ng Diyos: ang kanyang salita (tingnan ang paliwanag sa Ex 16:16).

 

 

• 9.6 Ang Israel ay isang bayang matigas ang ulo. Ganito natin isinasalin ang pananalitang “bayang matigas ang batok”, o mahirap akayin. Panunumbat lang kaya ito? Mula sa simula’y isa nang bayang may kasarinlan ang Israel at lubhang ipinaglalaban ang kanyang kalayaan. Hindi nila kailanman sinamba ang kanilang mga pinuno kundi lagi nang nakikipagtalo at nakikipag-away sa lahat, kahit na sa Diyos. Ang talinhaga ng waldas na anak ay tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit mahal na mahal ng Diyos ang bayang ito at kung bakit hanggang ngayo’y ito pa rin ang “panganay na anak” ng Diyos sa lahat ng bansa sa lupa.

 

 

• 10.12 Inilalahad dito ang dalawang utos na pinag-isa naman ni Jesus.
Mahalin mo ang Diyos at paglingkuran siya nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa. Pag-ibig na sagot sa pag-ibig ng Diyos: “Sapagkat ibinuklod ni Yawe ang kanyang sarili sa iyong mga magulang. Minahal niya sila, at pagkatapos ay kayo naman ang minahal niya.” Pansinin ang pagkakasunud-sunod na ito: ang Diyos ang unang nagmamahal at pumipili, at saka natin sinasagot ang kanyang pag-ibig at sinisikap itong ipahayag sa ating pagsunod. Una ang awa ng Diyos, at gaya ng ipaaalaala sa atin ni Pablo, walang sinumang makapagmamagaling ng kanyang mga kabutihan at karapatan sa harap ng Diyos (Rom 3:20).
Dalisayin ang inyong mga puso. Mas tumpak na sinasabi ng tekstong ito: isagawa ang “pagtutuli” ng puso (tingnan Genesis 17).
Ang biyuda, ang ulila, ang dayuhan. Pagmamahal sa mga nangangailangan ang sagot sa pag-ibig ng Diyos. Nang panahong iyon, sila mismo ang mga taong naghihikahos sa isang lipunang wala pang malinaw na panlipunang hanay ng mga tao. Subalit sa daigdig natin ngayo’y may buong mga hanay at mga bayan ang nasa sitwasyon ng biyuda, ulila at dayuhan ng mga panahong iyon.
Sa kasalukuyang panahon, ang pagmamahal na ito sa mga nangangailangan ay madalas na nangangahulugan ng pagtatalaga ng sarili sa mga mas mababang hanay sa lipunan. Ang Diyos ang maggagawad sa kanila ng katarungan. Kung hindi natin alam kung paano kusang makakamit ang katarungang ito sa pamamagitan ng mga paraang itinuturo ng Ebanghelyo, ang Diyos ang siyang maggagawad ng katarungan sa mas radikal na paraan.

 

 

• 11.1 “Sinasabi ko sa inyo na nakasaksi sa mga himala: tandaan ninyo.” Inuulit ang parehong mga aral. Patuloy na magiging panatag ang Israel sa lupain nito kung hindi kalilimutan ng mga darating na salinlahi ang ginawa ni Yawe para sa kanilang mga ninuno. Kaya ang mga nakasaksi sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ay may obligasyong ituro ang mga iyon sa kanilang mga anak.
Hindi isang doktrina ang pananampalataya kundi ang pagdiskubre sa Diyos na kumikilos, sa Diyos na tagapagpalaya. Nakikita natin siya sa ating buhay, sa buhay ng pamayanang Kristiyano na bumabago sa mga nakikipag-ugnayan dito.
Sa anumang dantaon, ang paraan ng mga magulang para hubugin at turuan sa pananampalataya ang kanilang mga anak ay ang pagbabahagi sa mga ito ng mga personal na karanasan nila sa relihiyon at pagpapakita kung paano nila natagpuan ang Diyos na buhay. Isinasalin o ipinapasa ang pananampalataya sa isa’t isa.

 

 

• 26. Ang Pakikipagtipang ipinagdiwang ni Josue (Josue 8:30) ang ipinahihiwatig dito.

 

 

• 12.1 Nagsisimula sa kabanata 12 ang mga batas na dapat umiral sa Israel para maging tunay na bayan ito ng Diyos.
Ang una ay ang pagwasak sa mga sagradong lugar ng mga pagano. Sa gitna ng mga puno sa tuktok ng mga burol itinayo ang mga lugar na ito. Isang poste ang nakalagay roon sa gitna ng nakatayong mga bato.
Ang pangalawang kautusan ay ang di pagkakaroon ng ibang templo liban sa nasa Jerusalem. Dahil sa mga abusong bunga ng pagdami ng mga lugar ng pagsamba, nagawa ng mga paring Judio na magkaroon ng pagkakaisa sa relihiyon sa paligid ng Templo sa Jerusalem. Ang pag-isa ng kulto ay bahagi ng malaking proyekto ni Haring Yosias: ang muling pag-isahin ang matandang kaharian sa hilaga ng kaharian ng Juda (1 K 23:8-9).
Bakit iisang Templo lamang ang gusto ng Diyos? Waring dahil din sa parehong mga dahilan kung bakit sa isang angkan lamang ng mga hari na pamilya ni David niya gustong gawin ang kanyang mga pangako. Dahil ito sa kailangang maging tanda ng pagkakaisa sa mundo, una, ang Israel, at pagkatapos ay ang Iglesya. Kung totoo mang puwedeng kausapin ng tao ang Diyos sa bawat sandali at sa anumang paraang iniaatas ng kanyang pananampalataya, kailangan naman niyang igalang ang kalooban ng Diyos na iisang bayan lamang ang maglilingkod sa kanya sa Iisang Bahay niya na kanyang Iglesya.

 

 

• 13. Pinagtitibay ng talata 12:13-19 ang pagkakaiba ng pagkatay sa mga hayop para ialay ang mga ito bilang handog na sa Templo sa Jerusalem lamang ipinahihintulot, at ng pagkatay sa mga ito para karnihin na magagawa saan mang lugar.
Mula 12:29 hanggang 13:19. Panibagong babala laban sa panganib ng pagsamba sa mga diyus-diyusan. Kayat mapapawi mo ang kasamaan sa iyong piling (13:6). Aalalahanin ni Pablo ang mga salitang ito sa 1 Cor 5:13 sa pagsasabi niya sa pamayanang Kristiyano na palayasin ang nagbibigay ng masasamang halimbawa at ayaw magbagong-buhay. Tulad ng sinasabi tungkol sa Josue 6, ang utos na itong patayin ang mga pasimuno ng pagsamba sa mga diyus-diyusan ay mula sa katiyakang pinakamahalaga sa buong mundo ang pananampalataya ng Israel. Hindi mapapayagan ng bayang pinili ng Diyos na mahawahan ng pagkakamali ng sangkatauhan ang kanilang pananampalataya para sa anumang halaga o dahilan.

 

 

• 13.1 May ilang propetang makagagawa ng mga tanda at kababalaghan: kung ito ay para lumayo kay Yawe, isa siyang manloloko. Gusto ba ng Diyos na magpalit tayo ng relihiyon para pumunta sa inaakala nating may mga milagro?
Binibigyang-diin ng teksto na ang Salita ng Diyos at ang kanyang mga utos ang siya lamang batayan ng ating pananampalataya: sumasampalatay tayo hindi dahil nakakita tayo ng mga tanda at kababalaghan (Jn 4:46) kundi dahil nagsalita ang Diyos.

 

 

• 14.3 Isa pang listahan ng mga hayop na “malinis” at “di-malinis” (tingnan Lev 11).

 

 

• 22. Tinatalakay sa 14:22-29 ang tungkol sa mga ikapu o ikasampung bahagi ng mga aning iniaalay sa Diyos. Ginagawa ng Deuteronomio ang pag-aalay bilang isang pundasyon ng buhay ng mananampalataya. Binibigyang-diin naman sa ibang bahagi ng Biblia na “mahabag ang matuwid, magbigay at magpahiram; at sa dakong huli’y mapapasakanya ang lupa” samantalang “nanghihiram naman ang di-makadiyos at di nagbabayad, at sa dakong huli’y pinalalayas sa lupa” (Slm 37). Hindi waldas ang marunong magbigay: kuntento siya sa kung anong meron siya at hindi kinukulang samantalang walang anumang makasasapat kailanman sa ayaw magbigay at hinding-hindi siya nasisiyahan (Kas 11:24). Tingnan din ang 2 Cor 9:6.
Pareho rin ang diwang nilalaman ng kabanata 15 tungkol sa taon ng pahinga o sabbat (tingnan Lev 25:1).

 

 

• 15.7 Nahihirapan ang sumulat ng libro sa pagkakitang may mga dukha sa lupang iniregalo ng Diyos sa kanyang mga anak. Di ba’t ibinigay ng Diyos sa lahat ang kanilang kinakailangan? Pero may mga pobre pa rin kayat hinihingi niya sa sumasampalataya na tulungan ang mga itong makalaya sa di-makataong kalagayan. Hindi ito nangangahulugan ng pagbibigay sa kanila ng isang platong kanin at ulam para sa araw na ito kundi pagpapahiram sa kanila ng kinakailangan nila para makapagsimulang muli, para linangin ang lupa ng kanilang mga ninuno at makapaghanapbuhay nang may dangal. Alam ng mga Israelita na kinakansela tuwing ikapitong taon ang lahat ng utang. Gayunpama’y nagpapahiram pa rin sila.

 

 

• 16.1 Katulad ng nasasaad sa Lev 23 ang sinasabi rito tungkol sa mga piyesta. Pansinin ang pagbibigay-diin sa obligasyong ipagdiwang ang piyestang ito “sa lugar na pinili ni Yawe”, ibig sabihi’y sa Jerusalem. Kaya naman nagpupunta sa Jerusalem ang mga Judio, kahit man lang para sa pagdiriwang ng Paskuwa. Susundin mismo ni Jesus ang Batas na ito na umoobliga sa lahat ng lalaki mula dose anyos pataas (tingnan Lucas 2:41). Mababasa natin sa iba’t ibang bahagi ng Ebanghelyo: “Umahon si Jesus sa Jerusalem para sa Piyesta” (Juan 2:13; 5:1).

 

 

• 17.14 Tinatalakay dito ang tatlong kinikilalang awtoridad ng mga Judio: mga hari, mga pari at mga propeta.
17:14-20. Nakikipagnegosyo sa Ehipto ang mga hari. Bilang kapalit ng mga kabayong gusto nilang kunin, nagpadala sila ng mga kabataang Israelita para maglingkod sa hukbo ni Paraon.
Walang kaparte o mana ang Levita sa piling ng kanyang mga kapatid. Tungkol sa mga pari sa tribu ng Levi, tingnan ang paliwanag sa Blg 3 at 4.

 

 

• 18.9 Itinatakwil ng tekstong ito ang mga salamangkero at mga manghuhula, at saka pinupuri ang mga tunay na propeta.
Sa salita ng Diyos nabubuhay ang bayan ng Diyos, ngunit hindi lamang sa matatagpuang nakasulat sa isang libro, kundi sa sinasabi ngayon ng Diyos sa pamamagitan ng mga taong tinatawag nating mga propeta. May mga taong tumatanggap ng espesyal na kaloob ng Espiritu para maging gabay sa mga tao at mga bansa tungo sa mga tunay na mithiing ipinapanukala sa atin ng Diyos.
Hindi dapat magkaroon sa piling mo ng mga manghuhula. Laging natutukso ang mga tao na talusin ang hiwaga ng kanilang hinaharap: maraming manghuhula at huwad na propeta na tumugon, gayundin ang mga awtor ng mga horoskopyo ngayon, sa pagnanasang ito na agawin ang mga sikreto mula sa isang Diyos na hindi natin pinagkakatiwalaan. Pero hindi ito ang papel na ginagampanan ng mga propeta ng Israel: ang kanilang misyon ay ang ipahayag nang buong-tapang ang hinihingi ng Diyos ngayon.
Isang propeta ang palilitawin ko mula sa kanila. Tinutukoy ng “propetang” ito ang buong serye ng mga propetang patuloy na mangungusap sa Israel, gaya ng inilalahad sa katapusan ng talata (20-22). Subalit isang propetang higit pa sa lahat ang hinihintay ng Israel para sa darating na panahon, ang propetang ito ang mamumuno sa buong bayan tulad ng ginawa ni Moises. Nang lumitaw si Juan Bautista, may ilang nagtanong: “Ikaw ba ang Propeta?” (Juan 1:21), at naunawaan na ng mga Kristiyano na si Kristo “ang Propeta” (tingnan Mga Gawa 3:22).

 

 

• 19.1 Napakalakas ang diwa ng pagkakaisa ng pamilya at paghihiganti ng mga Israelita. Kapag nakamatay ang sinuman, kahit na di sinasadya, kailangang patayin din ng pamilya ng napatay ang pumatay.
Makikita natin dito kung paano kumikilos ang Diyos para turuan at hubugin ang kanyang bayan. Hindi niya maaatake nang harapan ang isang mentalidad na malalim ang pagkakaugat. Sa pagtatalaga ng mga siyudad na matatakbuhan para sa nakapatay nang di sinasadya, unang nalilimitahan ang karapatang ilagay sa sariling mga kamay ang batas, na mawawala naman sa paglipas ng panahon.
15: “Hindi sapat ang isang saksi laban kaninuman.” Inaalaala ang prinsipyong ito sa iba’t ibang bahagi ng Bagong Tipan, halimbawa’y sa paghahatol kay Jesus.

 

 

• 24.5 Matutunghayan natin dito ang isang serye ng mga batas na nagtataguyod ng mas makataong relasyon. Ito ang layunin ng pangangaral ng mga propeta: na sa piling ng mga tao sa lahat ng aspekto ng buhay sa lipunan ay makalikha ng diwa ng pagtutulungan at kabutihang-loob na katulad ng mahabaging kalooban mismo ng Diyos.
Binuo ang lahat ng ito para sa isang bayan ng mga magsasaka na may sinaunang ekonomiya kayat kakailanganing iakma ito sa ating lipunang mas organisado. May katapat na iba pang mga aspekto ng tunay na makataong lehislasyon ang bawat isa sa mga kautusang ito, sa gayon ding kaayusan:
- Tulungan ang mga bagong kasal.
- Seguridad sa trabaho.
- Pakikipaglaban sa prostitusyon at sa pagsasamantala sa mga nangingibang-bayan.
- ang pagtatadhana ng pinakamababang bayad para sa mga inalis sa trabaho at sa mga pamilya ng mga welgista.
- Makatarungang pagpapasuweldo.
- Pagsugpo sa mga parusa at sa mga hakbang ng kolektibong paniniil.
Agad namang isinusunod ang pagkalinga sa mga nangangailangan. Hindi makakanya ninuman nang buung-buo ang lahat niyang kinikita. May tungkulin tayong sumunod sa mga batas ng pagkakaisang panlipunan at matapat na bayaran ang itinatadhana ng mga ito. At ngayon, hindi na natin maaaring ikulong sa isang planong pambansa ang ating pagkakaisa: dapat makibahagi ang mas mayayamang bansa sa iba na malimit wasakin ng kanilang sariling pag-unlad at ng malayang palitan na kanilang ipiniliit sa mga ito.

 

 

• 26.1 Isang Arameo ang aking ama. Parang pagpapahayag ng pananampalataya ng Israelita ang talatang ito. Alam niya na pinili siya sa mga paganong Arameo at matapos siyang palayain ni Yawe ay binigyan siya nito ng kasaganaang tinatamasa niya. Gayundin naman ang iba’t ibang balangkas ng “sumasampalataya” na ginagamit ngayon ng Iglesya. Inilalagay ng mga ito sa pinakasentro ang mapagpalayang gawa ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo, na isinasakatuparan nila para sa ating kabutihan.

 

 

• 27.1 Nasa mga kabanata 27-28 ang wakas ng “diskurso ni Moises”, na nasa mga kabanata 5-11.
Pansinin ang seremonya ng pagpapanibago ng Tipan sa 27:4-36. Naganap ito sa Sikem sa panahon ni Josue (Josue 8:32). Nangako ang buong bayan na susundin nila ang sampung utos na nalalahad naman dito bilang labindalawang sumpa.
Alam natin na sa totoo’y sa mga huling panahon ng kaharian ng Juda isinulat ang “diskursong ito ni Moises”. Noo’y sapat nang paggunita sa kasaysayan ang makita ang maraming kasawiampalad na nangyari dahil sa hindi pamumuhay ayon sa hinihingi ni Yawe. Hindi marami ang mga pagpapala at hindi rin naman nanatili nang matagal. Sa halip ay nagkakatotoo ang napakalupit na mga sitwasyong inilalarawan sa kabanatang ito.
Kung pakikinggan mo si Yawe, itatampok ka niya sa lahat ng bansa. Marami ang mga paanyayang sumunod sa Diyos sa aklat na ito. Kumbinsido ang awtor na masusunod ng mga tao ang lahat ng ito at magkakaroong-kaligayahan. Subalit negatibo ang kongklusyon. Sa katunaya’y hindi nakinig ang Israel at susuway hanggang mapahamak. Nang sulatin ang mga pahinang ito, mas pesimista pa si Propeta Jeremias sa pagsasabing wala nang bisa ang unang Tipan pati ang mga pangako nito ng materyal na kaligayahan. Sinabi niyang singhirap ng pagpapalit ng kulay ng kanyang balat para sa tao ang makalaya siya mula sa kasalanan (Jer 13:23).

 

 

Kaya napakabuti ng batas na ito pero hindi ito masusunod ng Israel hangga’t hindi binibigyan ng Diyos ng bagong puso at espiritu ang mga sumasampalataya (tingnan Jer 31:31).

 

 

• 28.1 Malimit nating ipinapakiusap na basbasan o “binyagan” ng pari ang ating bahay, opisina, bangka, sasakyan o anumang bagong makinarya. Iba’t ibang kahulugan ang nakapaloob sa salitang “basbasan” o bendisyon, na ibig sabihi’y magsabi ng mabuti:
- magsabi ng pasasalamat sa Diyos na siyang pinagmumulan ng lahat;
- sabihin ang mabuting palagay ng Diyos sa pagkakaroon ng ganito o gayon, o anumang pag-unlad; sabihin ang lahat ng bungang maaaring matamo sa gayong bahay, o sa makinang ito, atbp… para sa makatao at espiritwal na pag-unlad ng isang tao o grupo;
- hilingin sa Panginoon na magamit sana natin ang mga bagay ayon sa kanyang kalooban, dahil iyon lamang ang tanging paraan para matamo natin ang tanang kabutihang maaasahan sa mga ito.
Itatampok ka ni Yawe… Pasasaganain ka ni Yawe… Bubuksan sa iyo ni Yawe… Magkakatotoo siyempre ang lahat ng ito sa wastong paggamit natin sa mga bagay: hindi tayo naghihintay ng mga milagro. Pero alam nga natin na maaaring magmula ang mga kahanga-hangang bagay sa pinakamahina mang mga instrumento.

 

 

• 29.1 Ang bagong diskursong ito ay sinulat pagkabalik mula sa Pagkatapon, nang simulan ng mga Judio ang muling pagtatayo ng kanilang bansa taglay ang determinasyong mula noo’y magiging tapat na sila sa batas ni Yawe.

 

 

• 30.6 Hindi napakahirap para sa iyo ang utos na ito (11): ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang pinakanatural na daan para sa taong tapat at walang pagkukunwari. Napakalapit ng salitang ito sa iyo para maisabuhay mo (30:14); subalit hindi pa rin ito maisasabuhay ng tao hangga’t hindi niya natatanggap ang “pagtutuli ng puso”. Dadalisayin ni Yawe ang iyong puso (6), o “tutuliin” sa wikang Hebreo na ibig sabihi’y gagawin niyang wagas at banal. Tingnan Ez 36:26-27.
Kakaunting pahina ng Biblia ang lubos na nagbibigay-diin at sa napakamapanghikayat na paraan sa pag-ibig ni Yawe, pag-ibig na seloso na bunga ng kanyang hangaring paligayahin ang tao. Dadalisayin ni Yaweng iyong Diyos ang iyong puso para mahalin mo si Yawe at nang mabuhay ka. Muling malulugod si Yawe na magmagandang-loob sa iyo.

 

 

• 15. Tanyag na tanyag ang talatang ito tungkol sa dalawang landas. Ipinaaalaala nito sa atin ang kahalagahan ng malaya nating mga pasya at ang pagrespeto ng Diyos sa kalayaan ng tao (tingnan din Sir 15:11).
Sa kabuuan ng Deuteronomio, katapatan sa Diyos ang siyang ipinahahayag kasama ang pag-alaala sa kanyang mga pangako at mga gantimpala dito sa lupa. Hindi tayo dapat magulat. Nang mga unang panahong iyon, hindi pa naiintindihan ng bayan ng Diyos ang kabilang-buhay ni ang tunay na gantimpalang para sa bawat isa sa atin na mabuhay at magkaroong-kasiyahan na makita ang Diyos sa kabila pa ng kamatayan. Sa buhay na ito at sa patutunguhan ng kanilang bansa lamang sila nakatuon. Mas mahalaga ito sa kanilang paningin kaysa buhay na patutunguhan ng bawat tao. Para sa kanila, sa lupa at sa panahong ito dapat mapatunayan ang katarungan ng Diyos.
At walang bukid o bahay namang ipangangako ang Ebanghelyo, liban sa patalinhagang paraan nito (Mc 10:28). Hindi na mababanggit ang kasaganaan liban sa pinakahuling araw kung kailan muling lilikhain ng Diyos ang mundo (Gawa 3:21 at Pag 21:3).

 

 

• 31.1 Iba’t ibang alaala tungkol kay Moises ang nilalaman ng mga huling kabanata.
Ang awit sa kabanata 32 ay awit ng walang maliw na pag-ibig ni Yawe na gumagabay sa buong kasaysayan ng Israel.
- Pinipili ni Yawe ang Israel (7-9).
- Pinapatnubayan niya ito sa disyerto tungo sa Lupang Pangako (10-14).
- Nasisiyahan nang lubos, itinatakwil ng Israel ang Diyos at ibinibigay ang sarili sa mga diyus-diyusan (15-18).
- Naging kalaban ng Israel si Yawe (22-30).
- Sa habag ni Yawe kailangang umasa ang bayang napahiya at itinapon, sapagkat sa bandang huli’y siya ang magpapalaya sa kanya at papagtatagumpayin sila sa masasama (31-43).
Nilagyan niya ng mga hangganan ang mga bayan ayon sa bilang ng mga anak ng Diyos. Ang mga anghel ang tinutukoy na mga anak ng Diyos dito. Sila ang namamahala sa mga bansa, pero tanging kay Yawe lamang ang Israel.
Tulad ng agila, larawan ng Diyos na tinitingnan ang kanyang bayan: walang makaaagaw sa kanila mula sa kanyang proteksyon.
Binubuod ng bersikulo 15 ang mapaghimagsik na saloobin ng Israel.
Tumaba si Jeshurun at sumikad. Matapos tanggapin ang lahat mula sa kanyang ama, iniisip ng wal-das na anak na sa paghihimagsik siya mas magiging malaya.

 

 

• 33.1 Katulad ng mga pagbabasbas ni Jacob sa Gen 49 ang mga bendisyon ni Moises. Patulang pagpapahayag ito sa hinaharap na kapalaran ng labindalawang tribu, pero mas huli itong sinulat, maaaring sa maikling panahon bago ang nagkabi- hag.

 

 

• 34.1 Nagtatapos ang libro sa pagkamatay ni Moises. May magandang sinasabi ang wakas na ito ng pinuno at tagapagtatag ng Israel sa kanyang pag-iisa. Nang ipagkatiwala ng Diyos kay Moises ang kanyang mga lihim at nang ibigay niya rito ang mismong kapangyarihan niya, waring ibinukod na siya ng Diyos sa kanyang mga kapatid. Kailangang pasaning mag-isa ni Moises sa harap ng Diyos ang responsabilidad at pananagutan sa Israel hanggang sa siya mismo ang ituring na Israel.
Wala nang lumitaw pang propetang tulad ni Moises (10). Sa pagbubunyag ng kaisa-isahang Diyos kay Moises at sa paghirang sa Israel sa ilalim ng kanyang pangangalaga nakasalalay tanang pananampalataya natin. Pero hindi ito nangangahulugang tapos na ang pagbubunyag ng Diyos o tumigas nang parang semento ang relihiyon pagkatapos ng panahon ni Moises. Wala na ngang lumitaw pa, pero isang propetang tulad niya (18:18) ang patuloy na hinihintay. Nangangahulugan ito na ang pananampalataya ay hindi hanggang katapatan na lamang sa isang libro, kahit na ang Matandang Tipan pa ang librong ito. Nagpatuloy ang bayan ng Diyos sa pagdiskubre sa mga daan ng Diyos, at kinailangang makita kay Jesus ng kanyang mga kapanahon ang hinihintay na Propeta. Tayo naman, nakaugat din ang ating pananampalataya sa pananampalataya ng Iglesya at kaisa ng Iglesya’y lagi nating nadidiskubre ang aral ng Espiritu.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Deuteronomy, Lumang Tipan | 1 Comment

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.