Ang Bagong Magandang Balita Biblia

Ang Banal na Kasulatan

1 Mga Hari: Komentaryo

Ang panahon ng Mga Hari ang ikatlong yugto sa kasaysayan ng Israel. Kasunod ito ng panahon ng Mga Patriyarka (si Abram sa taong 1750 bago dumating si Kristo) at ng panahon ng Exodo at Pananakop (si Moises sa taong 1250 bago kay Kristo).

Nakuha ni David ang Jerusalem mga taong 1000 bago kay Kristo. Mahahati naman ang kaharian ni David at ng kanyang anak na si Solomon pagkamatay ni Solomon sa taong 932 bago kay Kristo. At pagkaraan ng dalawang dantaon, mawawala bilang bansa ang hilagang bahagi na tinatawag na kaharian ng Israel. Mananatili naman ang bahaging timog na tinatawag na kaharian ng Juda hanggang sa taong 587, ang taon ng pagkawasak ng Jerusalem at ng Templo pati na ng Pagkatapon sa Babilonia.

Apat na dantaon ito sa kabuuan. At ang apat na dantaong ito ng Mga Hari ang pinakaimportante sa banal na kasaysayan. Sapagkat ito humigit-kumulang ang panahon nang palitawin ng Diyos ang mga propeta mula sa bayang iyon.

Sa apat na dantaong ito nasulat ang malaking bahagi ng Biblia. Hindi lamang ang mga dakilang propeta ang nag-iwan ng kanilang mga gawa: Isaias, Jeremias… kundi ang mga pangkat ng mga propeta na di masyadong mahalaga ang silang sumulat sa malaking bahagi ng kasaysayan ng Israel: ang mas maraming bahagi sa mga pahina ng Genesis at ng Exodo, ang mga libro ng Deuteronomio, Josue, Mga Hukom, Samuel at Mga Hari.

Kaya masasabi nating ang panahon ng Mga Hari ang pinakaimportante sa banal na kasaysayan, at ito ang panahong alam natin nang may higit na katiyakan.

Magiging pagbagsak at kabulukan nga lamang ng Kaharian ng Israel ang apat na dantaong ito kung ang kasaganaan lamang at kapangyarihan nito ang pagtutuunan natin ng pansin. Pero sa apat na dantaong ito lumago ang pananampalataya ng Israel na nahaharap sa lahat ng klase ng tukso, pag-uusig at kahirapan, hanggang marating ang kadakilaan at kaliwanagan sa mga dakilang propeta na tanging si Kristo lamang ang mas makapagsusulong.

Ang Aklat ng Mga Hari
Sa simula’y iisang aklat lamang ang dalawang libro ng Mga Hari. Bunga ng pagninilay ng mga propeta ang librong ito na binuo at tinipon sa panahon ng Pagkatapon sa Babilonia.
Isa itong kasaysayang panrelihiyon kaya naman kusang di isinasama ang mga bagay-bagay na maaaring importante para sa iba: halos wala itong sinasabi tungkol sa mahalagang paghahari nina Omri at Yeroboam II sa Samaria. Laging di maganda ang paghuhusga nito sa mga hari ng Israel (Kaharian ng Samaria), at isinisisi sa kanila ang pagkakahati ng matandang Kaharian ni David. Ilang hari lamang ng Juda ang pinupuri nito dahil sa kanilang katapatan kay Yawe.
Tatlong bahagi ang mapapansin:
– ang karilagan ng paghahari ni Solomon at ng Templo;
– ang kasaysayan ng dalawang kaharian ng Israel at Juda matapos mahati;
– matapos maglaho ang kaharian ng Israel, nagpapatuloy ang kasaysayan ng Juda hanggang sa pagkawasak nito sa taong 587.
Bumubuo ng isang hiwalay na bahagi ang mga kabanata tungkol kina Elias at Eliseo: 1 Hari kab. 17-19 at 2 Hari kab. 2 hanggang 8

• 2.1 Isinasalaysay ng unang dalawang kabanata ang paghalili kay Haring David.
Sa pagwawakas ng kanyang buhay, dalawang anak na niya ang naghahangad ng kapangyarihan (tingnan 2 S 3:2), kaya hinihirang niya ang asawa na ang anak ay tagapagmana ng trono. Kaya itinatalaga si Betsabe na inang-reyna at ang kanyang anak namang si Solomon ang maghaharing kahalili ng kanyang amang si David. Mula sa araw na ito, mababatid ng aklat ng Mga Hari ang kahalagahan ng dinastiya ni David sa kasaysayan ng pagliligtas kaya babanggitin nito sa bawat paghahari ang asawang itatalagang inang-reyna na ang anak ay aakyat sa trono sa Jerusalem (hindi ito gagawin para sa hari ng Israel sa rebeldeng kaharian). At pagdating ni Jesus na tunay na inapo ni David, sasabihin naman sa atin kung sino ang babaeng hinirang sa lahat, ang inang itinalaga ng Diyos sa kanyang kataas-taasang kapangyarihan, na magsilang sa Anak at Tagapagmana (Lc 1:31; 1:42; Heb 1:2).
Tuparin mo ang mga utos ni Yaweng iyong Diyos. Ito ang karunungan ng mga propeta: mananagana ang hari at ang kanyang bayan kung tinutupad nila ang mga batas na ito.
Yoab… Semei… (5 at 8) Pinatawad na sila ni David, pero bakit hinihingi niya ngayon kay Solomon na patayin sila? Wala itong kinalaman sa pagkakaroon ng sama ng loob ni David kundi sa paniniwala niya sa pamahiin tulad ng mga tao ng kanyang panahon. Para sa kanila, ang sumpang binigkas ni Semei (2 S 16:6) o ng sino pa man ay nananatiling nakabitin sa ere at maaaring biglang bumagsak na lamang sa mga inapo ni David. Ang pagliligpit kay Semei ang pinakamabisang paraan upang sa kanya mismo bumagsak ang sumpa at maligtas ang mga inapo ni David. Gayundin naman, ang dugong pinadanak ni Yoab (2 S 3:28) ay sumisigaw sa langit at mas mabuting iligpit siya upang sa kanya ibunton ang katarungan ng Diyos at hindi sa mga anak ni David.
Si Solomon ang magiging halimbawa ng taong pinagkalooban ng Diyos ng lahat ng puwede nitong naisin. Isang malakas na bayan ang iniwan ni David dahil sa kanyang mga tagumpay. Maayos ang ekonomiya at buhay ang sambayanan. Wawaldasin namang lahat ni Solomong Kahanga-hanga. At pagdating sa bagay na ito, siya ang pinakasalamin ng kanyang bayan: abut-abot sa kanya ang pagpapala ng Diyos, “nagpakabusog siya, nagpatabang gaya ng toro at pagkatapos nama’y tinalikuran at itinakwil ang kanyang Diyos” (Dt 32:15).

• 3.1 Ipinakikita ng librong ito si Solomon sa tatlong gawain nito na nagpatanyag sa kanya bilang hari:
– ang kanyang karunungan, kab. 3-5;
– ang kanyang mga pagpapatayo, kab. 6-8;
– ang kanyang mga pinagkakaabalahan, kab. 9-10.
Nagtatapos ang salaysay sa kab. 11 sa hatol ng Diyos sa kahariang ito: handa na ang pagkakahati at pagbaligtad ng mga pangyayari.
Alam na natin na kabilang sa mga asawa ni Solomon ang anak ng Paraon: patunay ng katanyagan ng maliit na bansa ng Israel dahil hindi ibinibigay na asawa nang basta na lamang kung kanino ang mga anak ng Paraon.
Sinasabing pumupunta pa rin siya sa mga Altar sa Burol para sumamba. Nang sumunod na mga dantaon, mahigpit itong ipinagbawal nang ang Templo ng Jerusalem ang naging tanging kalugud-lugod kay Yawe. Nang mga sandali namang iyon, wala pang panuntunan kayat pumupunta si Solomon sa Gibeon kung saan naroon ang isang napakatandang santuwaryo. Siya mismo ang nag-aalay ng mga hayop na handog, na magiging pribilehiyo ng mga pari sa tribu ng Levi.

• 4. Tanyag na tanyag ang “panaginip” ni Solomon. Talinhaga lang marahil ng sumulat ang panaginip na ito para maipaliwanag sa atin ang mga saloobin ni Solomon nang magsimula siyang maghari.
Hingin mo ang gusto mo. Ito ang handog ng Diyos sa batang Solomon na kanyang mahal. Ito ang handog ng Diyos sa sinumang kabataang nahaharap sa kanyang mga responsabilidad sa unang pagkakataon. Hindi isang kapalarang ipapataw sa kanya ang kanyang buhay, kundi sa paano’t paano ma’y ibibigay sa kanya ng Diyos ang kanyang hinahangad. “Ano ang hinahanap ninyo?” (Juan 1:38).
Ipinakita mo kay David na aking ama ang dakilang pag-ibig. Hindi nagsimula sa wala ang batang hari. Utang niya ang lahat sa kanyang mga ninuno, at galing naman sa Diyos ang lahat ng ipinagkakautang niya sa kanyang mga ninuno. Alam ni Solomon na nakipagsumpaan si Yawe kay David magpakailanman: “Hindi ko kailanman tatanggihan ang iyong mga anak.”
Pagkalooban mo ako ng pusong maunawain para pamunuan ang iyong bayan. Mahalaga kay Solomon na maisagawa niya ang kanyang mga responsabilidad. At ayaw niyang sirain ang pag-asa ng kanyang bayan.
Ngunit ibang mga anyo ng “karunungan” ang nasa isip ni Solomon, mga paraang lubos na pinahahalagahan nang panahong iyon:
– ang iorganisa ang kanyang buhay para mabuhay siya nang matagal. Huwag magkaproblema ni mabalisa, manatiling malayo sa mga sakripisyong hinihingi ng isang maharlikang pamumuhay;
– ang mga yaman, kasiyahan sa buhay, ang maglibang, maging komportable, “maggudtaym”;
– ang pagkamatay ng mga kaaway, ibig sabihi’y ang matagumpay na kapangyarihan, ang kasiyahan ng personal na kayabangan.
Binibigyan kita ngayon ng isang pusong marunong; at ibinibigay ko rin sa iyo ang hindi mo hiningi. Ito rin ang aral ni Jesus sa Mateo 6:33.

• 16. Pinatototohanan dito ng kilalang-kilalang kaalaman ni Solomon sa paghatol ang karunungang tinanggap niya para sa kapakanan ng kanyang bayan.
Tingnan nating mabuti ang pagkilos ni Solomon. Puwede sana niyang paalisin ang dalawang babae: “Wala namang gana ang mga taong ito. Sila ang umareglo sa kanilang mga problema.” Hindi tiningnan ni Solomon na babaeng bayaran ang dalawang ito, kundi hinanap niya kung sino talaga ang ina. Kaya umisip siya ng solusyon na hindi itinatadhana ng batas.
Ipinakikita ng kanyang pamamaraan na hindi maigagawad ang katarungan sa pamamagitan lamang ng mga tekstong tungkol sa batas. Ang mga responsable ang kailangang tumingin sa tao nang may parehong pang-unawa na ginagawa ng Diyos sa pagsaliksik sa kaibuturan ng puso ng lahat.

• 5.1 Matalino sa paghuhukom, matalino sa pamumuno sa kanyang nasasakupan, matalino sa paggawa ng mga kasabihan, salawikain at salmo. Sa kanya galing ang pinakaunang maliit na simula ng aklat ng Mga Kasabihan. At pagkatapos ay palalabasin naman ng sumulat ng Aklat ng Karunungan na gawa ito ni Solomon. Kaya sa Biblia, si Solomon ang lumilitaw na sumulat ng Eclesiastes, Awit ng mga Awit, Karunungan gayong iba ang talagang sumulat ng mga ito.
Tinipon ni Solomon sa kanyang palasyo ang mga manunulat na silang susulat at bubuo sa mga tradisyon ng Israel na hanggang sa mga sandaling iyo’y kalat-kalat o pabukambibig lamang na isinasalin. Sa panahong ito nila isinulat ang pinakamatatandang libro ng Biblia (tingnan ang Introduksyon sa Genesis).

• 6.1 Ang Bahay ni Yawe o Templo ng Jerusalem ang unang pagpapatayo ni Solomon. Mabibilang ito sa mga kahanga-hangang bagay sa matandang daigdig.
Ang tolda ng Kaban sa disyerto ang naging sentro ng isang pagsambang meron ang mga tribung pagala-gala. Ngunit mula ngayo’y magiging sentro ng isang panlunsod at di palipat-lipat na kultura ang Templo na medyo kahawig ng mga templo ng mga Kananeo. Gaya sa pagsamba ng mga Kananeo ang mga pag-aalay at mga piyestang ipinagdiriwang doon. Sinisimulan ng Israel ang isang bagong yugto ng kanyang kultura at iniaayon din sa bago nitong sitwasyon ang pagsamba.
Hindi nangangailangan ng templo ang Diyos kundi ang mga tao (tingnan 2 S 7:7).
– Naroon ang tapat na pagnanais na parangalan si Yawe sa pagbibigay sa kanya ng isang bahay na pinakamaganda sa lahat. Kaya sa Biblia, ang Templo ang laging tinatawag na Bahay ni Yawe.
– Sa kabilang parte naman, gustong ipahayag ng bayan ang kanilang tagumpay at makapagmamalaki sila sa pagkakaroon ng isang templo na maaaring makipagpaligsahan sa mga templo ng ibang mga bayan.
– Naroon din ang hangaring magkaroon ng isang bagay na maganda bilang isang nakikitang larawan ng luwalhati ng Diyos na di-nakikita. Para sa mga Israelita, ang Templo ng Jerusalem ang pinakapatungan ng dinakikitang Templo na pinanahanan ni Yawe sa kanyang Luwalhati. Siya ang nagbawal sa kanilang ilarawan siya sa anyo ng kanyang mga nilalang. Ngunit madedekorasyunan kahit ang Bahay man lang ng ginto at mamahaling kahoy.
– At naroon din ang pagkabahalang makapiling ang Diyos para pangalagaan nito ang kanyang bayan. Kasabay ng pagsasabi ni Yawe na wala siyang ibang templo kundi ang buong sanlibutan (8:27), gusto rin naman niyang makapiling ang kanyang bayan (Dt 12:5). Kayat nasa Jerusalem si Yawe sa “kanyang banal na tahanan” (Jer 25:30) para ipagtanggol ang kanyang bayan (Is 31:5).
Tulad ni Solomon sa bagay na ito ang mga hari at makapangyarihan ng nagdaang mga dantaon: gusto nilang palamutian ang mga simbahan sa ginto at pilak. Iniisip nilang kailangang maging mas maganda pa ang Bahay ng Diyos kaya sarili nilang mga tahanan. Igalang natin ang kanilang debosyon. Pero nauunawaan natin ngayon na mga magkakaibang kriterya ang namamahala sa siyudad ng Diyos at ng mga tao. Hindi laging nakakatulong sa atin ang kayamanan ng mga templo para madiskubre ang pinakadakila sa Diyos.

• 14. Walang ibang laman ang Kabanal-banalang Lugar na pinakasagradong bahagi ng Templo kundi ang Kabang may mga tinapyas na bato kung saan pinagtibay ang pakikipagtipan ng bayan kay Yawe. Nasa harap ng silid na ito ang Banal na Lugar na kinalalagyan ng mga may sinding sagradong kandila at siyang pinagsusunugan ng insenso. Naroroon din ang labindalawang tinapay na iniaalay linggu-linggo (tingnan 1 S 21:5). Binubuo pa ang bahay ng pasukang bulwagan at sa buong paligid nama’y may malawak at maaliwalas na mga patyo na matatayuan ng mga tao sa kanilang pagdarasal.

Pangkaraniwan na sa maraming matatandang relihiyon ang ayos na ito ng iba’t ibang kuwarto patungo sa pinakasagradong lugar. Ipinapaliwanag nito na hindi makalalapit ang tao sa Diyos nang walang kinakailangang paghahanda. Kahit na nasa piling ng kanyang bayan si Yawe, hinding-hindi pa rin maaabot ang kanyang misteryo.
Nasasalamin sa ayos na ito kung ano ang nasa kaloob-looban mismo ng tao na tunay na Templo ng Diyos. May isang natatangi at napakapersonal na lugar sa loob natin kung saan naroon ang Diyos (tingnan Jn 14:23). Sa pagsasabi sa atin ni Jesus na “makipagtagpo sa Ama nang lihim” (Mt 6:6), hindi ito nangangahulugan ng pagdarasal lamang sa isang hiwalay na lugar kundi ang hanapin sa loob natin ang Kabanal-banalang Lugar kung saan ipinadarama ng Espiritu ang kanyang sarili.

• 7.1 Itatayo ni Solomon ang kanyang palasyo sa bundok ng Templo, katabi ng Bahay ng Diyos. Maaaring bale-wala sa atin ang paglipat na ito ng tirahan ng hari sa bundok ng Templo mula sa lungsod sa ibaba. Pero nakatago sa likod nito ang isang bagong pagkaunawa sa kapangyarihan na inihahatid ni Solomon sa Israel. Si David na kanyang ama, ang haring “malapit sa kalooban ng Diyos”, ay nagtayo ng kanyang palasyo sa piling ng kanyang bayan (2 S 5:9) at nang magtayo siya ng altar para kay Yawe, itinayo niya iyon sa burol na nakatunghay sa bayan sa hilaga. Pero iniwan ni Solomon ang palasyo ng kanyang ama at itinayo ang kanyang marangyang tirahan sa burol na ito katabi ng Templo. Makahulugan ang asal na ito. Mula ngayon, sa banal na bundok titira ang Diyos at ang hari, at sa ibaba naman ang mga tao. At mariing binalaan ni Samuel si Saul na unang hari, na kapwa saklaw ng mga hinihingi ng Batas ang hari at ang mga tao (2 S 12:14-15).
Pero nagbingi-bingihan si Solomon; gaya ng napakaraming prinsipe at diktador, hangad niyang ipantay ang kanyang kapangyarihan sa walang-takdang kapangyarihan ng Diyos. Inilalayo niya ang kanyang sarili sa mga tao at inilalagay ang sarili sa tabi ng Diyos. Ang paglihis na ito sa kahulugan ng kapangyarihan ay babatikusin ng mga propeta (Jer 22:13-19), at ipakikita ni Jesus sa kanyang halimbawa na lahat ng kapangyarihan ay isang paglilingkod (Mc 10:41-45).

• 8.2 Sa araw ng pagpapasinaya sa Templo, ipinadarama ng Diyos ang kanyang presensya sa pamamagitan ng ulap. Sa Exodo, ito ang nakikitang tanda ng presensya ni Yawe sa Jerusalem.

Sa paglipas ng panahon, maraming di-gaanong disenteng bagay ang nangyari sa mga patyo ng Templo. Nagtayo pa sila ng mga altar sa mga diyus-diyusan at nagkaroon ng sagradong prostitusyon ayon sa kaugalian ng mga pagano (tingnan 2 Mga Hari 23:4-7). Ngunit hindi sinasabing iniwan ni Yawe ang kanyang Santuwaryo kung saan siya nanatili bunga ng katapatan niya sa kanyang Tipan.
Nang nalalapit na ang wakas ng Jerusalem, saka lamang nagkaroon ng pangitain si Propeta Ezekiel tungkol sa pag-alis ng ulap mula sa Templo: ang ibig sabihin nito’y mamumuhay na si Yawe sa piling ng kanyang mga tapat na idineport sa Babilonia (Ez 9:3).
Sa dakong huli naman, sa Pagbubunyag 15:8, makikita ni Apostol Juan ang ulap na ito sa makalangit na Templo matapos makita ito kay Jesus sa kanyang pagbabagong-anyo.

• 22. Tinupad ni Yawe ang salitang kanyang binitiwan (20 at 25).
May dalawang pangako ang Diyos kay David. Sinasabi sa una na ang anak nito ang magtatayo ng templo; sa pangalawa nama’y nasasaad na sa kanyang mga inapo mananatili ang trono ng Israel.
Mahalaga na bigyang-pansin kung paanong hangad ng Diyos, ang Diyos na di-nakikita at siyang Maykapal sa sanlibutan, na mapasaisang tiyak na lugar – ang Jerusalem – at makapiling ng partikular na mga tao – ang mga inapo ni David. Ang Iglesya ngayon ang siyang pagpapatunay ng nakikitang sentrong ito. Panlahat ang Kaharian ng Diyos. Ngunit nakikipag-ugnay ang Iglesya kay Kristo sa maayos at malinaw na pagkakasunud-sunod ng mga tao: ang mga obispo at ang papa.
Ang panalanging ito ni Solomon, na kinatha marahil ng isang propeta sa panahon ng mga hari, ay nagbibigay-diin kapwa sa kahalagahan at limitasyon ng Templo. Doon nananahan ang “Pangalan” ng Diyos, doon diringgin ng Diyos ang mga panalangin ng kanyang bayan (8:30-53). Gayunpaman, ang Templong ito na gawa ng mga kamay ng tao “ay hindi mailalaman ang Diyos at ang kanyang Luwalhati,” at lalong hindi ang makalupang tahanang ito.
Ang pananaw na ito tungkol sa Templo ay laging babanggitin sa aral ng mga propeta. Gaano man kadakila, ang Templo ay hindi magiging isang “anting-anting” para sa Israel. Ito ang tanda at alaala ng presensiya ng banal na Diyos.
Dahil dito, masesentro sa Templo ang buong teolohiya ng Israel. Sa Diyos ang lupa at langit, pero sa lupang ito, isang bansa ang inaangkin niya sa isang natatanging paraan – ito ang Lupa ng Pangako. Sa Lupang Pangakong ito, kanya ang lahat ng bayan, pero isa sa kanila ang pinakamamahal. At nasa lungsod na ito, sa puso ng lungsod na ito, ang banal na bundok na kinatatayuan ng tahanan ni Yawe.
Kaya sa Templo umiikot ang buong sanlibutan. At madaling maunawaan kung bakit ang pagkawasak nito nang taong 587 ay isang di-maisip na pagsubok para sa pananampalataya ng Israel: nang mawala ang Templo ng Jerusalem, nawala ang sentro ng sanlibutan.
Kung ang sanlibutan ay antas-antas na nakasentro at natipon sa Templo, sa Bagong Tipan naman, si Kristo – ang Bagong Templo – ang pinagmumulan ng paglaganap ng kaligtasan: “Kayo ang magiging mga saksi ko, sa Judea at sa Samaria hanggang sa dulo ng daigdig.”

• 30. Matapos humiling para sa kanyang mga inapo, nakikiusap naman si Solomon para sa bayan. Bigyang-diin natin ang ilang mga bagay.
Pawalang-sala ang matuwid. Ayon sa isang kaugalian nang panahong iyon ang unang kahilingan (tingnan Blg 5:11). Sa oras na di mapagtibay ang katotohanan sa anumang krimen, kailangang manumpa ang nasasakdal na wala siyang kasalanan, at tinatanggap niya ang lahat ng parusa ng Diyos kung nagsinungaling siya sa kanyang pagsumpa. Kumbinsido ang mga tao na laging nakikialam ang Diyos at di niya pababayaang walang parusa ang sinungaling.
Kung walang ulan sapagkat nagkasala sila sa iyo… Ang panalangin ay para sa mga taong makasalanan at alam ang kanilang pagkamakasalanan. May takot sila sa Diyos na nagpaparusa pero naniniwala silang nagpapatawad ang Diyos. Naniniwala silang hindi makukuha ang Diyos sa mga panalangin at mga seremonya kundi sa pagsisisi.

Matakot sila sa iyo (40). Sa Biblia, nangangahulugan ng pagsasaalang-alang at paggalang sa Diyos ang matakot sa Diyos. Pero totoo rin naman nang panahong iyon na hindi pa alam ang ganap na pagsamba “sa espiritu at sa katotohanan” (Jn 4:23) at takot ang mga tao sa Diyos at sa kanyang mga parusa.
Mababalitaan ng mga dayuhan ang iyong nakaunat na bisig. Isinulat ang panalanging ito pagkalipas ng mga dantaon nang magsimula ang pagmimisyon ng mga Judio na nakaakit sa maraming pagano sa kanilang pananampalataya sa iisang Diyos.

• 10.1 Nagsimulang magnegosyo si Solomon. Bumili siya ng mga barko ng Tarsis para sa matagalang paglalayag at papaghahanapin niya ang mga ito ng ginto at pabango sa mga baybayin ng Africa. Nagbebenta siya ng mga karwahe ng Ehipto sa mga Heteo sa hilaga, at ng mga kabayong Heteo naman sa mga Ehipsiyo. Umabot hanggang sa reyna ng Seba sa timog ng Arabia ang katanyagan ng kanyang yaman at karunungan.
Sa totoo’y isang napakaliit na bayan ang Israel sa gitna ng dalawang malaking imperyo ng Ehipto at Babilonia. Nagkataon namang mapayapa at parang natutulog ang mga imperyong ito sa panahon nina David at Solomon. Naging sapat na ito para maisip ng mga Israelita na sila ang pangunahing bansa sa daigdig, at makita si Solomon bilang pinakadakilang hari sa lahat ng panahon.
Dumating ang reyna ng Seba para subukin sa mabibigat na katanungan si Solomon. Hindi aspektong komersiyal ng pagdalaw na ito ang binibigyan ng pangunahing lugar ng Biblia. Lilitaw lamang ang tungkol sa bagay na ito sa dakong huli ng barter o palitang sinasabi sa mga bersikulo 10 at 13.
Nagiging makasaysayang tagpo ang pakikipagkita ni Solomon sa reyna ng Seba:
– Nakikita ng pantas na si Solomon at ng kanyang bayan ang mga kayamanan at naiibang produkto ng ibang mga bansa. “Mas malaki pala ang mundo kaysa akala natin!” Kaya naman dapat silang magkaroon ng mas malawak na pananaw sa relihiyon bunga nito. Hindi lamang Diyos ng isang maliit na bansa si Yawe kundi panginoon ng napakalawak na sanlibutan.
– Mayamang babae ang reyna ng Seba pero hindi pa rin siya nasisiyahan. Walang binabanggit tungkol sa kanyang asawa. Naakit siya ng makalangit na karunungan na nakikita sa haring “Mahal ni Yawe” (2 S 12:29). Aalalahanin ni Jesus ang pagbisitang ito sa Mateo 12:42.

• 23. Nang panahong iyo’y kamangha-mangha na para sa mga Israelita ang yaman ni Solomon at ang dami ng mga karwahe at mga kabayong bumubuo ng kanyang hukbo. Pagkalipas ng ilang dantaon, mapagninilayan nilang napakakaunti ng naging silbi ng kapangyarihang ito sa napakalaking naging kabayaran ng bansa. Ang pulitika ng pagpapasikat at ng naglalakihang patrabaho ay nangangailangan ng pagpapataw ng sapilitang pagpapatrabaho sa bayan. Isa ito sa mga dahilan ng pagkahati ng kaharian pagkamatay ni Solomon. Kaya naman hindi na nila inalala nang may pagmamalaki ang karangyaan ng kanyang paghahari at mas pinahalagahan ang katarungan.
Kahit na hangad nga ng mananampalatayang sumagana ang kanyang bansa, hindi siya nagpapasilaw sa mga pangarap ng mayabang na kadakilaan. Hindi tumitigil ang Iglesya sa paglalantad at pagtuligsa sa kasalanang napapaloob sa mga gastos ng militar o mga gastos para lamang tumanyag. Alam ng bawat isa na ang kabuuang badyet pangmilitar ng mundo ay makasasapat na para sa industriyalisasyon ng lahat ng bansa.

• 11.1 Hindi na naiiskandalo ang Biblia sa pagkakaroon ni Solomon ng maraming asawa. Nang panahong iyon, patunay sa yaman ng lalaki ang maraming asawa. Pinagsasabihan siya ng Biblia dahil sa mga asawa niyang pagano. Pinarami niya ang mga asawang dayuhan at nakipagtipan din siya sa mga bayan ng mga iyon, na di nakakakilala sa Diyos, at tinularan niya sila sa kanilang materyalismo.
Pinapupurol ng luho ang karunungan. Ipinagmamalaki ni Solomon ang kanyang pagkalalaki nang di namamalayang inuutus-utusan lamang siya ng kanyang mga asawa. Kasamang dumating ng mga dayuhang babae ang kanilang mga pari at paganong kulto na magbubulid sa Israel sa pagsamba sa diyus-diyusan at materyalismo. Maging ang puso ni Solomon ay tatalikod sa Diyos.
Inakala ng bayan na kailangang mapalibutan ng luho at parangal ang haring pinagpapala ni Yawe. Ngunit paglipas ng mga panahon, aalalahanin ng mga propeta na nagpapamanhid sa puso ng isang pinuno ang kapangyarihan, kayamanan at luho (Dt 17:14). May parehong karanasan ang lahat ng bayan sa kabuuan ng kasaysayan. Gayundin naman sa Iglesya, inakala ng mga mananampalataya sa loob ng mga dantaon na angkop lamang na magmukhang maharlika ang kanilang mga obispo at papa. At pinagbabayaran naman natin hanggang ngayon ang mga bunga ng kanilang mga pagkakamali.
Hindi mo tinupad ang aking Tipan. Ang pag-oorganisa sa kanyang buhay at sa kanyang bansa nang hindi hinahanap ang kalooban ng Diyos ang talagang kasalanan ni Solomon. Nabuhay siyang gaya ng ibang mga hari at sariling ambisyon ang isinakatuparan. At inakala niyang sapat na ang humingi ng pagpapala kay Yawe.

• 26. Naghimagsik din sa hari si Yeroboam. Sa mga huling taon ni Solomon, marami sa kanyang mga kalaban ang naghimagsik. Narito ngayon ang lalaking aagaw sa malaking bahagi ng lupain mula sa anak ni Solomon at ganap na hahati sa sambayanan.
Sa tula tungkol sa Tore ng Babel (Gen 11), inilalahad ang pagkakawatak-watak ng mga bayan bilang pinakabunga at parusa sa mayabang na pamumulitika. Ganito rin ang makikita sa Kaharian ng Israel.
Ibibigay ko sa iyo ang sampung tribu. Bale labindalawang tribu ang Israel. Sa totoo’y puwede nating sabihing dalawa. Nasa timog ang Juda at ang karatig nitong Simeon na di gaanong malaki. Nasa hilaga naman ang Israel na namumuno sa iba pang siyam na di gaanong mahalaga. Mula pa man nang pag-isahin ni David ang mga ito, ginising na una ni Absalom at ng iba pang sumunod sa kanya ang pagnanais sa autonomiya ng hilaga. Ang diktadura ni Solomon na naging napakabigat sa mga tribu sa hilaga ang naghanda sa paghihiwalay.
Sinasabi ni Propeta Ahias na hahatiin ni Yawe ang kaharian para parusahan si Solomon. Isang paraan ito ng pagsasalita. Ang bawat tao mismo ang naghahanda ng kanyang kaparusahan. Sa mga pagkakamali mismo at mga kasalanan ng hari tuwirang nagmumula ang pagkakahati.

• 12.1 Nagkatotoo pagkamatay ni Solomon ang ipinahayag ni Propeta Ahias: nahati ang kaharian. Binibigyang-diin ng sumulat ang pananagutan at kahangalan ni Rehoboam. Hindi pinakinggan ng hari ang bayan. Maging si Solomon na nabuhay nang hiwalay sa kanila sa kanyang karangyaan ay hindi rin nakinig sa kanila.
Ngunit sa paghiwalay ng mga taga-Israel, nawala sa kanila ang pakinabang ng mga pangakong binitiwan ng Diyos kay David na di naman niya binawi sa mga inapo nito kahit na nagkamali at nagkasala ang mga ito. Magkakaroon sa kaharian sa hilaga (o kaharian ng Israel) ng panahon na lilitaw ang mga dakilang propeta: sina Elias, Osias. Pero hindi magkakaroon ng matagalang paghawak sa kapangyarihan, at maraming mangangamkam ang magiging hari, pero hindi mapananatili ang paghahari sa kanilang mga inapo. Waring tinatrato ng Diyos ang bawat isa sa kanila ayon sa kani-kaniyang kabutihan. Samantala’y wala namang pagkaputol ang pagkakahali-halili sa Juda ng mga haring inapo ni David, mabuti man o masama, sa loob ng apat na dantaon: ang kanilang kasaysayan ay pinatatakbo at sinasaklaw ng pangako ng Diyos.
Sinasabi ni San Pablo na mga larawan ng nangyayari kay Jesus at sa kanyang Iglesya ang mga pangyayari sa Matandang Tipan (Heb 9). Makikita rito ang larawan ng paghihiwalay na humati sa iisang Iglesyang itinatag ni Kristo.
Sa ikalabinlimang dantaon, parang isang imperyo ang Iglesya at mas pinagkakaabalahan nito ang mga kapakanang pantao kaysa mapakumbabang paglilingkod sa Diyos. Inakala ng kanyang mga lider noon na mapararangalan nila si Kristo sa naggagandahan nilang mga templo. At para matustusan ang mga iyon, pinatawan nila ng mga buwis ang mga sumasampalataya at binale-wala ang mga hangarin ng mga ito at mga pangangailangang panrelihiyon. Naghimagsik ang mga ito sa ngalan ng isang ebanghelyong mas isinasabuhay at ito ang naging simula ng Protestantismo. Ngunit ang malaman ang lahat ng mabuti sa mga protestante at mga pentekostal ay hindi hadlang para makita na matapos silang humiwalay sa mga kahalili ng mga apostol ay nahaharap sila sa isang serye ng mga pagkakahati-hati at sa paghahanap sa pagkakaisa ng pananampalataya na hindi naman makamit-kamit. Marami nang krisis na pinagdaanan ang Iglesya Katolika na siya ang may pananagutan. Gayunpaman, waring tinatrato siya ng Diyos ayon sa mga pangako nito at hindi sa kabutihan niya, para mailagay siyang muli sa tamang landas. Kailangan siyempreng makilala ng iglesya ang mga aspetongito ng kanyang mga istruktura at kasalukuyang asal na napakalayo sa diwa ng Ebanghelyo, habang isinasaisip niyang makaaasa siya sa pangako ni Kristo. Ang Iglesya ang sentro, ang lugar ng pakikipag-isa, kung saan ang lahat, balang araw, ay muling magkakaisa (tingnan Ez 16:52-59 at Slm 87).

• 26. Pinagbubuklod ang labindalawang tribu ng iisang relihiyon. Ngunit nakikita ni Yeroboam na magiging mahina ang kanyang kapangyarihan habang patuloy sa pag-akyat sa Jerusalem ang mga Israelita para doon mag-alay ng kanilang mga handog. Pinagtitibay niya ang paghihiwalay na pulitikal sa pamamagitan ng isang sisma o paghihiwalay na panrelihiyon.
Nagtayo siya ng maraming santuwaryo sa kanyang kaharian. Lumikha siya ng mga paring itinatalaga ng hari (sa kabila ng itinatadhana ng Batas na dapat silang magmula sa tribu ng Levi at maging mga inapo ni Aaron). Gumawa siya ng mga guyang metal para ilarawan si Yawe gayong ipinagbabawal na isalarawan ang Diyos na di-nakikita, at ibinaba niya ito at ipinantay sa mga hayop.
Sa pagsasalaysay sa mga ginawa ng mga hari ng Israel o ng hilaga, laging inuulit ng Biblia: “Nagpatuloy sila sa pagkakasala ni Yeroboam.” Kayat binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng pananatiling kaisa sa sentrong itinatag ng Diyos sa Jerusalem. Hindi sapat na isiping “Pareho namang Diyos ang pinaglilingkuran namin” o kaya’y “Ayon sa aming paraan kami naglilingkod.”
Si Yeroboam ang halimbawa ng iba pang mga gobyernong nagsikap magtayo ng mga pambansang iglesya nitong dakong huli: sa England sa panahon ng Repormasyon, sa France pagkatapos ng Rebolusyon, sa China at sa mga bansang sosyalista pagkatapos ng rebolusyong komunista. Maraming Katoliko ang pinag-usig at namatay dahil sa pananatiling tapat sa iisang Iglesya na kailangang maging Katoliko o panlahat.

• 13.1 Mas mahalaga ang pagsunod kaysa mga sakripisyo (1 S 15:22). Ganito ang salita ni Yawe sa pagtatakwil niya kay Saul sa kahawig na pangyayari.
Binibigyang-diin ng tekstong ito ang iba’t ibang aspekto ng pagsunod na lubos na ikinalulugod ng Diyos.
Naging matatag dapat ang propeta, yamang alam niyang hindi binabago ng Diyos ang kanyang mga utos.

• 14.1 Ibinabalita ng mga salita ni Ahias ang unang kudeta sa kasaysayan ng Israel. Magkakaroon pa ng mas marami at sa bawat pagkakatao’y lilipulin ang mga kamag-anak at mga anak na lalaki ng naibagsak mula sa kapangyarihan. Pagkatapos ng kabanatang ito, patuloy ang kasaysayan ng dalawang kaharian sa loob ng unang limampung taon nila.

• 16.29 Higit pa ang ginawa ni Ahab para galitin si Yawe kaysa lahat ng naunang hari. Mula sa tekstong ito at sa sumusunod na anim na kabanata, wala nang ibang isasalaysay kundi ang paghahari ni Ahab sa Israel. Sapagkat ito ang mismong sandali ng pagliligtas sa pananampalataya ng Israel ng pinakadakila sa mga propeta, si Elias at ng kanyang kahaliling si Eliseo.
Pinakasalan niya si Izebel na anak ng hari ng mga Sidonio. Isang matanda at masaganang bayan ang Tiro at Sidon. Nakatira sila sa mga pantalan sa hilaga ng Palestina, at tinatawag din silang Fenicia. Naging kakampi ni David ang kanilang haring si Hiram pero mula sa kanilang mga siyudad ay nakarating sa Israel ang mga impluwensiyang pagano. Mga taon ng kasaganaan at katanyagang militar ang hatid ng paghahari ni Ahab sa Israel, subalit umabot din sa sukdulan ang krisis ng pananampalataya.
Dahil sa kanyang mga tagumpay, nagawang isanib ni David sa kanyang kaharian ang maraming grupo ng mga Kananeo. Ipinagpatuloy nila ang mga kaugalian nilang pagano na nagparumi sa pananampalataya ng Israel. Kitang-kitang nabawasan ang alab ng pananampalataya. Sa matinding pagpasok ng impluwensya ng mga taga-Tiro na karelihiyon ng mga Kananeo, biglang naging maliwanag na nalupig nito ang pananampalataya kay Yawe. Nagpadala ang mga Israelita sa mga pagsamba kay Baal at kay Astarte.
Ang mga baal ay mga diyos na panginoon ng buhay at ng sex, ng ulan at ng mga panahon (tingnan ang Introduksyon sa Mga Hukom). Sa paniwalang ang mga ito ang may hawak sa pagiging mabunga, gumagawa ng mga panata sa kanila ang mga tao na makikipagtalik sila sa mga babaeng bayaran na nakatalaga sa kanila. Dahil dito kaya nangahulugan ang salitang prostitusyon sa Biblia ng kahalayan at ng pagtalikod kay Yawe para ipagbili ang sarili sa ibang mga diyos. Hindi naman lahat ay masama sa napakaluwag na relihiyong ito: hindi ito nagkamali sa pagdiriwang ng buhay. Ngunit pinanatili nito ang mga tao sa antas ng katutubong mga gawi lamang.
Ginagamit ni Izebel ang kanyang kapangyarihan para sa isang madugong pag-uusig. Ang mga propeta ni Yawe ang unang ipinapatay. Sila ang samahan ng mga propeta na nabanggit na natin sa 1 S 19:18 at 2 H 2:19. Laban sa kanila ang mga komunidad ng mga propeta ni Baal.
Isinakripisyo ni Hiel si Segub na kanyang bunsong anak. Dahil sa impluwensiya ng mga pagsambang pagano, lumalaganap ang kaugalian ng pagsasakripisyo sa mga bata.

• 17.1 Lumilitaw rito si Elias; ang pangalan niya ang mananatiling pinakadakila sa mga propeta. Sa pagbabagong-anyo ni Jesus (Mc 9:2), makakatabi niya si Elias.
May sagisag ang pangalan ni Elias: Eli-ya na ibig sabihi’y Yaweng-aking-Diyos. Taga-Tisbe siya, sa kabilang ibayo ng Jordan. Nanatiling tapat sa pananampalataya nito ang pobreng rehiyong iyon na napakalayo sa mga bagong impluwensya.
Sa harap ng apostasiya na ibig sabihi’y kataksilan ng buong bayan, mag-isa siyang tumitindig. Nadarama niyang responsable siya para sa simulain ng kanyang Diyos at kumikilos siya na di naghihintay na magsimula ang iba.
Di magkakahamog o uulan. Alam ni Elias, ang taong may pananampalataya, na galing sa Diyos ang kanyang mga salita at magkakatotoo ang mga ito. Tingnan ang tungkol dito sa Jaime 5:17 kung saan inilalahad si Elias bilang modelo ng pananampalataya.
Di magkakahamog o uulan sa mga taong ito. Isang pangyayaring pangkalikasan siyempre ang tagtuyo. Bagamat hindi tuwirang gumagawa ang Diyos sa bawat pagkakataon, siya mismo ang nag-sasaayos sa mga pangyayari. Ang pananampalataya ng isang humihingi ay isang puwersa tulad ng mga batas pisikal ng sanlibutan. At kung hinihiling natin sa Diyos ang imposible, taglay ang pananalig na gusto niya mismo itong ibigay sa atin, marami siyang paraan upang mapapangyari ito.
May mga baal ang sambayanan bilang mga diyos ng ulan at ng kalikasan. Ipakikita sa kanila ng dumarating na tagtuyo na si Yaweng Diyos ng mga hukbo ay Diyos din ng sangkinapal.
Sinisimulan ni Elias ang kanyang misyon bilang propeta sa pag-atake sa pinakamalubhang kaguluhan: ang hindi ilagay ang Diyos nang higit sa lahat.

• 7. Pumunta ka sa Sarepta. Salot sa lahat ang tagtuyo, pati na kay Elias na siyang humiling ng tandang ito sa Diyos. Pero para sa sumasampalataya, ang pinakasalot din ang pagkakataon para madama niyang hindi siya pinababayaan ng Amang nasa langit.
Inutusan ko na ang biyuda roon para bigyan ka ng pagkain. Tatanggapin ng propeta ang kanyang pagkain. Ngunit makakatagpo rin siya ng ginhawa mula sa Diyos sa pagkakilala sa babaeng mananampalatayang iyon. May maibibigay sa dakilang propeta ang pobreng biyuda, at isang grasya ito para sa dalawa.
Dalhan mo ako ng kaunting tubig ang unang hakbang. Dalhan mo na rin ako ng kapirasong tinapay. Sinusubok ni Elias ang kanyang pananampalataya: “Igawa mo muna ako ng maliit na tinapay,” at binigyan nga siya ng biyuda. Ang biyudang ito ay katulad ng biyudang pupurihin ni Jesus sa Mc 12:41.
Hindi mauubos ang harina. Ginagantimpalaan ng Diyos ang pananampalataya ng taong ipinakikipagsapalaran ang lahat ng meron siya.

• 17. Ito ang unang pagkabuhay na muli na natutunghayan natin sa Biblia.
Karaniwa’y pinamamahalaan ng Diyos ang mundo at ang kanyang Iglesya sa pamamagitan ng natural na proseso ng mga bagay-bagay sa bisa ng mga batas ng kalikasan na siya rin mismo ang nagtatag. Ngunit inirereserba rin niya sa kanyang sarili na pag minsa’y lampasan ang mga batas na ito: naging alak ang tubig, dumami ang tinapay.
Ba’t mo naman ako ginanito, O tao ng Diyos? Sapat na ang pagkamatay ng kaisa-isang anak para panaigan ang pobreng babae ng walang-batayang takot na nadarama ng mga taong ang tingin sa Diyos ay isang tagapagparatang na nag-eespiya sa mga tao para maparusahan ang mga ito. Naniniwala siyang ang pagtigil ng propeta sa kanyang tahanan ang umakit sa tingin ni Yawe at pinarurusahan siya nito sa kapighatiang ito.
Tatlong beses niyang dinapaan ang bata. Sa kilos na ito ng propeta na nagbibigay ng buhay sa pamamagitan ng sarili niyang hininga, sino ang di makakakilala kay Kristo na dumarating para ibuklod nang buong-higpit ang sarili sa sangkatauhan upang ibigay rito ang puwersa ng kanyang muling pagkabuhay?
Dininig ni Yawe ang tinig ni Elias. Si Elias ang taong pinili para baligtarin ang isang sitwasyon ng kawalang-pag-asa at sirain ang mga inaakala ng tao. Ipinahihintulot ni Yawe na buhayin niya ang anak ng biyuda, at di magtatagal at loloobin naman nitong buhayin niya ang pananampalataya ng bayan sa bundok ng Karmel.

• 18.17 Ang pag-aalay sa Bundok Karmel ang isa sa mga dakilang pagpapahayag ng Diyos sa Matandang Tipan. Si Yawe mismo ang nangunguna para gisingin ang isang bayang walang pakialam.
Baal o Yawe. Hindi malinaw sa bayan ang pagkakaiba ng dalawa. Itinuturing nila ang mga ito bilang dalawang kapangyarihan o may natatanging kalooban na may magkaibang kakayahan pero parehong kapaki-pakinabang. Si Yawe ang Diyos ng lahi, matatag na tulong sa labanan. Si Baal naman ay isang diyos sa kapakanan ng magsasaka: sa pamamagitan ng mga handog at mga piyesta, humihingi sila sa kanya ng ulan.
Hanggang kailan kayo magpapasayaw-sayaw nang isang paa sa magkabilang daan? Inoobliga ni Elias ang mga Israelita na talagang magpasya. Di dapat magkaroon ng dalawang panginoon ang mananampalataya:
– ang Diyos o ang pera (Mt 6:24),
– para o laban kay Kristo (Mt 12:30),
– aktibong miyembro ng Iglesya o matamlay na miron na isusuka ng Diyos balang araw (Pag 3:6).
Ang diyos na tutugon sa pamamagitan ng apoy ang siyang tunay na Diyos. Ito ang magiging palatandaan. Ang apoy na sumisira, dumadalisay, nagpapabago; ang apoy na nagpapahintulot na maitalaga sa Diyos ang hayop na susunuging-handog. Kailangan din ng Israel na mabago “ng apoy”. At ihahayag naman ni Jesus na bibinyagan tayo o dadalisayin at babaguhin “ng apoy at ng Espiritu Santo” (tingnan Lc 3:16).
Tumawag sila kay Baal ngunit walang sumagot. Para sa ating nakabasa sa mga paglibak ni Elias kay Baal, kumbinsido kaya tayong sinasagot nga ng Diyos at pinakikinggan ang ating panalangin? Walang obligasyon ang Diyos na pagbigyan ang lahat ng gusto natin pero tayo ang may obligasyong humiling sa kanya sa paraan at pagtitiyaga na patutunayan niyang kapiling natin siya.
Ikaw ang magpapabalik-loob sa kanila. Walang ibang layunin ang apoy, ang milagro, ang ulan: Mahal ni Yawe ang Israel at gusto niyang gisinging muli ang kanilang pagmamahalan. Ayaw niya itong takutin o iwang namamangha kundi maipadiskubre niya sa mga taong iyon na buhay ang Diyos at pinagkakaabalahan niyang hanapin sila.
Tagumpay ni Yawe ang tagumpay sa Karmel. Tagumpay rin ito ni Elias. Kailangan ng Diyos ang mga propeta at nagliligtas siya sa pamamagitan ng mga ito. Nabibigla tayo sa kasunod na masaker, pero nabuhay si Elias sa isang marahas na daigdig. At sa daigdig na iyon, ang kamatayan ang ordinaryong kapalaran ng mga natalo at ayon sa kanyang panahon ang takbo ng kanyang pag-iisip.
Itinuturo pa rin sa atin ng brutal na masaker na ito na ang pagkawala ng buhay ay hindi kasinggrabe ng pagkasira ng sarili sa paglilingkod sa mga huwad na pagpapahalaga, habang niloloko ang sarili at kapwa.

• 19.1 Natakot si Elias at tumakas para iligtas ang kanyang buhay. Kaya nga hindi mahimalang nalulutas ng himala ang mga problema ng pananampalataya. Magiging matagal at mahirap na trabaho ang pagbabalik-loob ng bayan.
Makikita natin sa mapa kung paanong nilakbay ni Elias ang dalawang kaharian ng Israel at ng Juda mula hilaga pa-timog. Dalawandaa’t limampung kilometro ang layo ng Karmel sa Berseba na pinakahuling bayan bago ang disyertong nasa timog ng Juda.
Napakahaba pa ng lalakbayin mo. Hanggang sa may bukana lamang ng disyerto ang pinupuntahan ni Elias para makaligtas pero dinadala siya ng Diyos sa mas malayo. Isang mahiwagang tinapay ang ibinibigay sa kanya na nagpapaalaala sa manna ng mga Hebreo sa disyerto at ng tinapay sa eukaristiya na ibibigay ni Jesus para sa ating espirituwal na paglalakbay (Jn 6:8).
Apatnapung araw at apatnapung gabi siyang naglakad (tingnan Ex 24:18). Pumupunta si Elias para makipagtagpo kay Yawe. Pupunta rin si Jesus sa disyerto bilang isang kinakailangang patunay, at kailangan din nating “pumunta sa disyerto” sa ilang mga pagkakataon. O kaya’y ang Diyos mismo ang puwersahang naglalagay sa atin sa disyerto. (Tingnan din Os 2:16.) Inihahayag ng mag-isang paglalakbay ni Elias ang lakbaying kailangang gawin ng mga naghahanap sa Diyos. Gaano man natin kailangan ang suporta ng asawa, mga kasamahan, ng Iglesya, sa sarili pa ring paglalakbay nagpapatuloy ang bawat isa. At tinatawag ng Diyos ang bawat isa na personal niyang hanapin ang pakikipagtagpong ito sa kanya.

• 10. At dumating sa Horeb si Elias: ito ang isa pang tawag sa Sinai kung saan nagpakilala si Yawe kay Moises apat na dantaon na ang nakalilipas.
Lumabas ka’t hintayin si Yawe. Para sa kanya na nag-aalab sa selosong pag-ibig sa Diyos, nagpapakita ang Diyos ng kabaitang higit pa sa puwedeng isipin ng tao. Kaya mas nagpapakilala si Yawe sa banayad na ihip ng hangin kaysa bagyo o lindol.
Ano ang ginagawa mo rito, Elias? Tinatanong muna ng Diyos ang propeta at inoobligang madiskubre ang kaibuturan ng kanyang puso. Pero walang anumang na kay Elias liban sa selosong pag-ibig kay Yawe. Inihahayag naman ni Yawe ang kanyang mga planong walang pagkakamali.
Hazael, Yehu, Eliseo. Sinasabi ni Yawe kay Elias ang hinaharap ng Israel kasama ng mapait na katotohanan nito: nakatakdang maglaho ang Kahariang nagsimula sa luwalhati nina David at Solomon. Ito ang magiging bunga ng pagsuway ng bayan.
– Si Hazael na hari ng Siria ang kaaway na hari na lulupig at hihiya sa Israel.
– Pupuksain naman ni Yehu ang angkan ni Ahab at lilipulin ang lahat ng sumasamba kay Baal.
– Ihahayag ni Eliseo ang mga salita ng pagbabanta ni Yawe.
Ngunit hindi ganap na maglalaho ang Israel sapagkat may Labing inirereserba ang Diyos, na sinasabi sa matalinhagang paraan sa 7,000 lalaki na hindi lumuhod sa harap ni Baal.
Nililinaw ng pagbubunyag na ito ang misyon ng mga propeta sa Biblia. Ang karamihan sa kanila at ang pinakadakila sa mga ito ay nabuhay sa loob ng tatlong dantaon ng Israel mula sa luwalhati ni Solomon hanggang sa pagkabihag sa Pagkatapon:
– sinikap nilang pigilan ang kataksilan ng hinirang na bayan na pabulusok sa kanilang pagkawasak;
– nanawagan sila sa pagbabalik-loob, mula sa puso;
– itinuro nila ang kahanga-hangang kinabukasang inilaan ng Diyos sa “Labi” ng Israel matapos mawasak ang materyal na kaharian nila sa lupain ng Palestina.

• 19. Pagdaan ni Elias sa tabi ni Eliseo, ipinatong nito sa kanya ang kanyang balabal. Tinatawag niya ito gaya ng gagawing pagtawag ni Jesus sa kanyang mga apostol: “Sumunod kayo sa akin.” Naiintindihan marahil ni Elias ang sagot na “Yayakapin ko muna ang aking mga magulang” bilang pagdadalawang-isip o pagkabalam ni Eliseo para iwan ang lahat-lahat kaya naman sumagot siya ng “Umuwi ka kung gusto mo, wala naman itong halaga.” Pero gusto lamang makapagpaalam nang maayos ni Eliseo sa kanyang mga kamag-anak. Tingnan Lc 9:61. Mula ngayo’y magiging alagad na ni Elias si Eliseo at kanyang kahalili sa Israel.

• 21.1 Iniingatan ni Nabot ang kanyang ubasan bilang paggalang sa pamana ng kanyang mga ninuno kaysa pansariling kaluwagan.

Ideklara ninyo ang araw ng pag-aayuno (b. 9). Tiyak na sinasamantala ni Izebel ang isang sakuna ng panahong iyon, tagtuyo o salot. Kailangang tawagin ng Matatanda ng lunsod ang lahat ng tao para sa isang solemneng pag-aayuno at pagtitipon. Doon nila hahanapin “kung sino ang nagdala ng parusang ito ng Diyos.” Si Nabot ang dapat lumabas na may sala, kayat maipapapatay siya ni Izebel nang ayon sa batas.
Pumatay ka’t pagkatapos ay nangamkam. Magkasinsama lamang ang krimen ni Ahab at ang ginawang pagpatay ni David kay Urias para makuha ang asawa nito (2 S 12). Pinupuntahan ni Elias si Ahab gaya ng ginawang pagpunta ni Natan para pagsabihan si David. At inilalahad din naman ang pagsisisi ni Ahab. Ngunit tanging kay David lamang nangako ang Diyos na kailanma’y hindi “mapapalis” ang kanyang angkan.

• 22.1 Ordinaryo na ang digmaan nang mga panahong iyon. Walang bayang puwedeng mabuhay kung hindi patuloy na makikipaglaban sa iba. Mga palatandaan lamang ng buhay ang lumaban, pumatay at mapatay (tingnan 2 S 11:1).
Sa isang pagkakataon ay nagkakaisa ang mga hari ng Juda at Israel. Magkaibang-magkaiba ang sinasabi ng salaysay tungkol sa dalawa.

• 5. Hindi dapat ipagkamali ang Mikeas na ito sa isa pang propetang si Mikeas naman ng Morasti (tingnan Mikeas 1:1). Nakaupo sa may pintuan ng siyudad ang mga hari. Sa mga bayang iyon, ang pasukan ng siyudad ang kadalasa’y siya ring pintuan ng pader na nakapalibot sa bayan. Ito ang lugar na pinagtitipunan ng mga tao, gaya ng plasa sa ngayon. Doon din humahatol ang mga hukuman at dinidinig ang mga usapin. Doon nauupo nang kung ilang oras ang Matatanda sa kanilang pag-uusap.
Dalawang bagay ang gustong ituro ng tekstong ito:
– Walang pagkakamaling nagkakatotoo ang salita ng Diyos na nagbibigay-hatol sa angkan ni Ahab. Ang mga kasinungalingan ng mga propeta, ang estratehiya ng hari at ang mga pangyayaring di inaasahan – nagtutulung-tulong ang mga ito para magkatotoo ang ipinahayag: mamamatay si Ahab at hihimurin ng mga aso ang kanyang dugo.
– Ang paglalaban ng mga tunay at mga bulaang propeta.
Karaniwan nang miyembro ng mga pagsasama-sama ang mga propeta. Sinasagot nila ang mga sumasangguni sa kanila tungkol sa hinaharap at pinasisigla nila ang relihiyon ng sambayanan. Mahirap ang kanilang propesyon. Sapagkat kailangang sagutin ng nanghuhula ang itinatanong sa kanya, at magandang sagot lagi ang dapat niyang ibigay sa kanyang kliyente. Subalit ang Espiritu ni Yawe lamang ang tanging makakadiskubre sa hinaharap nang may katiyakan. Nangungusap siya kung kailan niya nais at madalas ay ‘yong ayaw nating marinig ang kanyang sinasabi. Kaya naman maraming propeta ang hindi nagsasalita sa ngalan ng Diyos.
Ang ipasasabi lamang sa akin ni Yawe ang sasabihin ko. Katangian ng tunay na propeta ang maharap sa mga laban sa kanya.
Nakita ko si Yawe (b. 19). Maliwanag na sinasabi ng pangitain ni Mikeas na hindi dapat manalig ang sinuman sa mga pangarap at imahinasyon ng kanyang espiritu. Ni hindi rin siya dapat maniwala nang basta na lamang sa mga nagpapanggap na inspirado raw sila ng espiritu, gaya ng mga pulitiko, mga manunulat, mga negosyante at lahat ng nangangakong paliligayahin tayo.

• 39. Nagbibigay-daan ang balitang ito tungkol kay Ahab para isipin nating namatay siya nang gayon na lamang. Mapapansin na ang lahat ng naunang salaysay ay tungkol sa hari ng Israel at minsan lamang binanggit si Ahab sa 22:20. Tiyak na si Yoram na anak ni Ahab (2 H 9:14-26) ang tinutukoy ng salaysay na ito sa simula. At sa kanya natupad ang propesiya ni Elias sa 1 H 21:21.

May 30, 2007 - Posted by | 1 Mga Hari, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Lumang Tipan

No comments yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: