Ang Bagong Magandang Balita Biblia

Ang Banal na Kasulatan

2 Macabeo: Komentaryo

Hindi pagpapatuloy ng nauna ang ikalawang libro ng Mga Macabeo.

Kung sa 1 Macabeo ay inilalahad ang kasaysayan ng bayang Judio nang mga kritikal na taong iyon sa karaniwan at balanseng paraan, binibigyang-pansin naman ng 2 Macabeo ang isang serye ng mga pangyayari at pagkaminsa’y mga komentaryo at mga alamat na nagtatampok sa pag-asa at paghihirap ng mga sumasampalatayang pinag-uusig. Ang ikalawang librong ito na di gaanong kapaki-pakinabang para sa mga dalubhasa sa kasaysayan, na di tulad ng una, ay napakaimportante pa rin sa Biblia dahil sa napakayamang pananaw nito tungkol sa paghihirap at kamatayan at pati sa katarungan ng Diyos. Ang librong ito kasama ang mga aklat ni Daniel at ng Karunungan ang unang nagpahayag sa Biblia ng pananampalataya sa muling pagkabuhay ng mga patay.

• 1.1 Puwedeng maging modelo para sa pagbati ng “Manigong Bagong Taon” ang bahaging ito ng unang sulat.
Isinulat ng mga Judiong nasa Palestina ang sulat na ito matapos nilang malupig ang mga umaapi sa kanila. Sa mismong pagdiriwang nila sa Paglilinis sa Templo ng Jerusalem, na nabawi nila mula sa kapangyarihan ng mga kaaway, ibinalita nila ito sa mga pamayanang Judio na nakakalat sa Ehipto.
Maraming sabi-sabi ang binabanggit sa sulat. Binibigyang-pansin natin ang alamat na nagsasabing ang Kaban (na sa totoo’y nasira sa pagbagsak ng Jerusalem sa taong 587) ay nailigtas at itinago. Ipinahahayag lamang nito ang malaking pananampalataya ng sambayanan; walang anuman sa mga ginawa ng Diyos sa panahon ng kanilang mga ninuno ang maaaring mawala.
Pansinin ang 2:3-15. Binibigyang-kabuuan ng bagay na ito na hindi pawang kapani-paniwala ang nabasa natin sa 1 Kro 29:29-30, 2 Kro 9:29, 16:11… Esdras 7:25-26, Ne 8, tungkol sa pagbubuo ng pinakaunang simula ng Biblia na gawaing nabigyang-kaganapan hindi ni Nehemias kundi ni Esdras.

• 4.7 Bigyang-pansin natin ang talatang ito na buhay na buhay na inilalarawan ang pagpasok ng impluwensya ng kulturang Griyego. Dapat ba itong ituring na pagsulong o pangkulturang kolonisasyon? Tingnan ang sinasabi tungkol sa bagay na ito sa 1 Mac 1:41. Dahil mas may pormasyon ang mga pari, sila ang unang nabigla sa kultural at espirituwal na krisis. Sa kasamaang-palad ng mga Judio sa panahon ng krisis, pumasok ang personal na interes at pulitika sa paghirang ng mga pinuno sa relihiyon.

• 6.1 Ang pag-uusig sa relihiyon ayon sa karanasan ng bayan ay nangangahulugan ng:
– di maiiwasang supresyon ng mga kaugalian sa relihiyon;
– pagiging maluwag sa sex na kunwa’y pag-unlad sa kultura;
– karahasan laban sa mga nananatiling tapat sa Diyos;
– pagpapabaya sa mga aba at mga babae sa harap ng kalupitan ng batas at ng mga tao.
Nagpapatuloy ang krisis sa moralidad sa simula ng mga pagsubok na dinaranas ng mabubuti: Paano ito mapahihintulutan ng Diyos?
May sagot na ibinibigay: layunin ng mga pagsubok na ito ang ituwid ang bayan ng Diyos. Alam ng mga Judio na kahit na sa gitna ng pagsubok ay naroon pa rin ang awa ng Diyos.

• 18. Kay ganda ng mga salita ni Eleazar:
– Ayaw niyang itago ang kanyang pananampalataya.
– Mas gusto niya ang dangal kaysa buhay.
– Higit sa lahat ang pitagan niya sa Diyos.
– Ang mamatay dahil sa katapatan sa mga batas ng Diyos ay isang dakilang halimbawa para sa mga kabataaan.
– Naghihirap si Eleazar sa katawan, pero maligaya siyang mamamatay.
Siya ang pinakahuwaran at modelo ng martir para sa atin.

• 7.1 Sa pagkukuwento sa atin ng pagkamartir ng pitong magkakapatid na iyon, na hindi alam ang mga pangalan, pinapamutawi sa kanilang mga labi ng sumulat nito ang pahayag ng pananampalataya nila sa kawalang-kamatayan. Ito ang pinakamahalagang mensahe ng librong ito.
Sa naunang mga dantaon, para sa sambayanan sa kabuuan nito ang mga pangako ng Diyos. Ang tanging inaasahan lamang ng sumasampalataya ay ang pagpapatuloy at kasaganaan ng kanyang lahi.
Naririto ang isang malaking hakbang. Muling mabubuhay ang tao. Hindi lamang ito ang pag-asa na patuloy na mabubuhay ang espiritu o kaluluwa: naniniwala ang sumasampalataya na muli siyang mabubuhay sa buo niyang katauhan para makaharap ang Diyos. Sa pangitain ng mga tuyong buto sa Ezekiel 37, ipinangako ng Diyos na muli niyang bubuhayin ang kanyang bayang patay. Ngayon nama’y bawat tao ang siyang umaasang babangon at titindig, katawan at kaluluwa, para makibahagi sa kaligayahang ipinangako ng Diyos at kanyang ibibigay sa pinakahuling araw.
Kung hindi muling mabubuhay ang mga martir, paano mabibigyang-katuparan ng Diyos ang katarungan?

• 9.1 Kung paano naggagawad ng katarungan ang Diyos. Kaiba kaysa 1 Mac 6 ang pagsasalaysay sa pagkamatay ni Antioko kaya maiisip natin na hindi lahat ay tama sa popular na istoryang ito. Pero hindi nagkakamali ang awtor sa paglalahad sa pagbabagong hatid ng pagkakasakit at paghihirap ng mga nasa kapangyarihan.

Sa mga sandaling iyon, nakikita nila kung ano talaga sila, pati na ang kanilang kayabangan. Nadidiskubre nila ang kaugnayan ng kasalukuyan nilang mga kahihiyan sa mga ipinalasap nila sa iba. Bagamat huli na’y nangangako silang magbabagong-buhay kung bubuhayin sila ng Diyos.
Ipinakikita ng wakas ng tagausig na kung para sa kabilang buhay ang mga tunay na parusa ng Diyos, may mga kasalanan din naman na lubhang kasuklam-suklam kayat sa mundong ito mismo pinarurusahan ang mga ito, upang maging halimbawa para sa iba at konsuwelo sa mga naghihirap at inaapi.

• 12.38 Nadarama ng mga sundalo ni Judas na lumalakas sila sa kanilang pananampalataya nang mapatunayan nilang nararapat lamang mamatay sa digmaan ang kanilang mga kasamahan dahil sa ilang kasalanan. Sa mga lumipas na panahon, halimbawa’y sa panahon ni Josue, magaan sa kalooban ng mga sumasampalataya na tanggapin ang katarungang ito ng Diyos at hindi nila ikinababahala ang mga kapatid nilang may sala (tingnan ang Josue 7).
Ngayon naman, nababalisa ang mga kasamahan ni Judas: hindi na ba natin kapatid ang mga nagkasala? Kabilang din sila sa bayan ng Diyos gaya natin: hindi ba sila makikibahagi sa ating masayang kinabukasan, sa muling pagkabuhay?
Kaya ang pangunguna ni Judas at ang panalangin para sa mga patay. Nadiskubre nila ngayon ang pagkakabuklod at pagkakaisa ng mga miyembro ng bayan ng Diyos, ang mga buhay at mga patay.

• 15.12 Nadidiskubre ng mga sumasampalataya ang pagkakaisang bumubuklod sa nabubuhay at nangamatay na mga miyembro ng bayan ng Diyos. Dito nama’y mga tao ng Diyos ng lumipas na panahon ang lumuluhog para sa mga yumao: si Jeremias na propeta ng nagdaang dantaon, at pati si Onias na Punong-paring pinatay ilang taon pa lang ang nakalilipas.

May 31, 2007 Posted by | 2 Maccabees, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan | Leave a comment

1 Macabeo: Komentaryo

Matapos ang panahon nina Esdras at Nehemias, tatlong dantaong nabuhay sa pinakagilid ng kasaysayan ang probinsya ng mga Judio sa pinakadulong hangganan ng imperyo ng Persia. Itinalaga ng mga mas masigasig ang kanilang sarili sa pagnenegosyo, at iniwan ang kanilang bayan para manirahan sa lahat ng sentrong siyudad sa palibot ng Dagat Mediterraneo. Pero sandantaon pagkatapos ni Nehemias, sa taong 333 bago kay Kristo, nagsimulang maglibot si Alejandrong Dakila sa mga bayan sa Gitnang Silangan, nilulupig ang lahat ng kalabang hukbo at ibinabagsak ang mga hari. At gayong tatlumpung taong gulang siya nang mamatay, ang kanyang mga tagumpay ang nagbukas ng daan para sa kulturang Griyego na may hangaring umunlad, may tiwala sa kakayahan ng tao at mas bukas na diwang nalalampasan ang makasariling nasyonalismo.

Pinaghati-hatian ng mga heneral ni Alejandro ang malawak niyang imperyo. Maunawain ang mga Tolomeong naghahari sa Ehipto at Palestina kaya hindi nila ginulo ang mga Judio nang dahil sa kanilang relihiyon at mga kaugalian. Pero nang malupig ng mga Antioko ng Siria ang mga Ehipsiyo sa taong 197 at maagaw ang Palestina, marahas nilang ipinagpilitan ang kanilang paganong relihiyon sa mga Judio.

Ang malupit na pag-uusig ang siyang naging sanhi ng pag-aalsa ng mga Judio na pinamunuan ng angkan ng mga Macabeo. Kinikilalang isa sa pinakamagaling na mga libro ng matandang kasaysayan ang Unang Aklat ng Mga Macabeo. Isinasalaysay nito sa atin ang mga pangyayari sa digmaan at mga kabayanihan ng limang magkakapatid na Macabeo mula sa taong 170 hanggang 130 bago kay Kristo.

Digmaang Banal, Digmaan ng Pagpapalaya

Ipinakikita sa atin ng libro ng mga Macabeo ang isang bayang naghahangad mabuhay ngunit mas pinahalagahan nila ang pananampalataya kaysa sariling buhay. Kung kailan nakasanayan na ng lahat ang buhay na walang problema, saka naman dumating ang pag-uusig. Marami ang kumbinsido na wala silang anumang magagawa laban sa isang napakalakas na kapangyarihan, at napakahirap makipagsapalaran. Pero nagpapalitaw ang Espiritu ng Diyos ng mga bagong bayani, at salamat sa kanila’t nababawi ng bayan ang dangal nito, at naipaglalaban ang mga karapatang saligan ng pagkatao at ng pagsampalataya.

Nakita ng sambayanang Judio na nag-iisa sila laban sa mga umaapi sa kanila, at hindi sila gaanong natulungan ng mga kakampi nilang Romano. Kaya sa sarili nilang lakas sila umasa, at tinulungan naman sila ng Diyos.

Ang mga pakikidigma ng mga Macabeo ay halimbawa ng mga digmaang banal na puno ng kabayanihan at katatagan, at ng pagsaklolo ng Diyos. Pero ipinakikita rin nito na hindi kayang lutasin ng banal na digmaan ang lahat. Bunga ng pagkasangkot sa mga problemang militar, at mula rito’y sa pamumulitika, ang mga inapo ng mga Macabeo ay agad na naging materyalista hanggang sila’y maging isang partido at mga pinunong walang pananampalataya ni moralidad.

• 1.1 Ang unang talata ay buod ng kasaysayan mula kay Alejandro hanggang kay Antioko Epifanes na hari ng Siria. Pansinin ang bahaging 1:11-15 na nagbibigay-diin sa simula ng krisis pangmoralidad sa Juda.
Dalawang bagay ang mapagkikilanlan sa kabihasnang Griyego ng mga Sirio:
– Ang sining at ang pagdami ng mga estatwa na kahit na gaano kaganda ay ginagamit naman sa paganong pagsamba.
– Ang edukasyong pisikal: mga istadyum, isports, mga languyan. Hubo’t hubad ang mga manlalaro, na isang eskandalo para sa mga Judio. Ipinapaliwanag nito kung bakit kailangang ibalik sa mga nahihiyang makita bilang Judio ang supot ng balat na tinuli sa kanila, sa pamamagitan ng isang operasyon.

• 41. Dalawang aspeto ng krisis ang inilalahad ng kabanatang ito:
1) Krisis pangmoralidad. Isang mas maunlad pero paganong sibilisasyon ang nakakaharap ng mga Judio. Maaari kayang pakibagayan o pakinabangan ang kulturang ito nang hindi tinatalikuran ang pananampalataya?
Pagbabayaran ng mga Judio sa panahong iyon ang pagkakamaling ginawa nila sa paghiwalay sa pag-unlad ng kultura ng mga karatig-bansa nila. Tatlong dantaon nilang binibigyang-diin na sa Diyos mismo galing ang lahat ng batas at mga kaugalian ng Israel, at hindi puwedeng baguhin ang mga ito. Kaya sa pagdating ng makabagong daloy ng panahon, nagkakrisis sa konsiyensya ang mga may pinakabukas na isipan sa kanila: puwede kaya nilang palitan ang mga kaugalian nang hindi nagtataksil sa Diyos? Pero napakahirap maging bukas sa kabihasnang Griyego nang hindi nagiging rebelde sa pananampalataya. Kaya hindi lamang pinalitan ng mga may gustong maging moderno ang istilo ng kanilang pamumuhay kundi tinalikuran din nila ang kanilang relihiyon. Isipin natin ang nangyayari sa ating panahon ngayon sa pagka-diskubre ng mga kabataang nag-aral sa napakakonserbatibong mga eskwela o parokya ang mga rebolusyonaryong agos ng kaisipan na nagbibigay-sigasig sa kanila.
2) At kasunod naman ang organisadong pag-uusig. Gusto ng makapangyarihang mga hari na pag-isahin ang lahat ng grupo sa kanilang imperyo. Sinasabi nilang nakapagwawatak-watak daw ang relihiyon. At isa pa’y mapanganib para sa kanila ang konsiyensya ng mga taong malaya. Kaya nakikipaglaban ang mga hari sa mga naghahangad maglingkod sa Diyos at sumunod sa kanilang konsiyensiya.
Nag-aalala ang bayan:”Hanggang kailan nila matitiis ang pagsabotahe at panloloko sa kanilang mga gawaing panrelihiyon?”
Binabanggit sa 1:54 ang “kasuklam-suklam na diyus-diyusan ng mga mananakop,” na binabanggit din sa Daniel 9:27. Ganito ang tawag nila sa isang altar na pagano na itinayo sa matandang altar ng Templo. Bibigyan ni Jesus ng bagong kahulugan ang ekspresyong ito sa Mc 13:14.

• 2.1 Sa digmaang nasa ilalim ng pamumuno ng angkan ng mga Macabeo o ng mga anak ni Matatias matutuon ang buong libro. Narito ang salaysay sa paghihimagsik ni Matatias, ang paring biglang naging lider ng mga inaapi.
Ako, ang aking mga anak at mga kapatid, mananatili kaming tapat sa Tipan. Kapwa relihiyoso at makabayan ang kanilang dahilan. Ipinakikipagsapalaran ni Matatias ang lahat laban sa diktadura.

Muling ipinakikita ng Diyos ang kanyang kabutihang-loob sa kanyang bayan sa pagpapalitaw niya ng kinakailangang pinuno, isang taong tulad ni Moises na lubos na kakampi sa kanyang bayan gayong napakadali sana para sa kanya na mapalapit sa mga nasa kapangyarihan.

• 29. Dalawang magkasalungat na saloobin ng sumasampalataya ang makikita sa tekstong ito.
Ang ilan ay nagpapasya lamang base sa Batas ng Diyos, o ayon sa interpretasyon sa Batas ng Araw ng Pahinga: bawal ang makipaglaban sa araw na iyon na nakatalaga para sa Diyos. At buong kabayanihan nilang pinababayaan na sila’y patayin.
Ginagamit naman ng iba ang kanilang isip at konsiyensya, at ipinapasyang ipagtanggol ang sarili.
Walang sinumang hinuhusgahan ang libro. Ngunit maliwanag na ipinakikita rito na hindi puwedeng kumilos ang mga sumasampalataya sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa mga libro o sa nakaraan. Lagi tayong mahaharap sa mga bagong sitwasyon na nangangailangan ng bagong repleksyon: “Hindi ang tao ang ginawa para sa Araw ng Pahinga” (Mc 2:27).
Sa berso 42, matutunghayan natin ang tungkol sa mga Asideo. Bago pa nagsimula ang paghihimagsik ni Matatias, may ganito nang kilusan para sa espirituwal na pagbabago na siyang panggagalingan ng mga Pariseo at mga Esenio. Sumama ang mga Asideo sa kanya, pero humiwalay rin nang mapasangkot sa pulitika ang mga anak ni Matatias, ang mga Macabeo.

• 3.1 Pagkamatay ni Matatias, ang kanyang anak na si Judas ang siyang namuno sa paghihimagsik.
Tatlong dantaong sa mga gawaing pansamba lamang nakapokus ang atensyon ng mga sumasampalataya. Mga pari at mga Levita ang lumilitaw na tanging huwaran ng pananampalataya. Ngayon, may pagbabago dala ng mga pangyayari. Agad na nililingon ng bayang Judio ang panahon ng mga Hukom o ni David. Para sa marami sa kanila, ang nakikipaglabang may hawak na sandata at ipinakikipagsapalaran ang buhay para palayain ang kanyang bayan ang siyang huwaran ng sumasampalataya.
Ang brutal na pag-uusig ang naghatid sa kanila hanggang sa ang pag-iwas na lumaban ay mangahulugan ng pagwawaksi sa lahat ng nagpaging-iba sa bayang Judio sa lahat.
Sa harap ng di-pantay na labanan, inilalahad sa atin ang pagpapahayag ng pananampalataya ni Judas: mapagtatagumpay ng Diyos ang iilan laban sa napakarami. Ganito rin ang sinabi ni David nang harapin niya si Goliat (1 S 14:6 at 17:47).

• 10. Maraming beses na binibigyang-diin ng mga libro ng Mga Macabeo na nakipaglaban ang mga Judio, higit sa lahat, para ipagtanggol ang kanilang Banal na Lugar. Ang templong ito ang simbolo ng kabuuan ng Batas, o ng kabuuan ng kanilang relihiyon.
Kailangang ipaglaban ng lahat ang mga bagay na nagbibigay-kabuluhan sa kanilang buhay, na kung hindi natin maiingatan ay mawawalang-saysay ang magkaroon ng magandang kinabukasan. Para sa mga Judio ng panahong iyon, para na ring itinakwil nila ang kanilang pananampalataya sa oras na talikuran nila ang kanilang mga kaugalian at pagsamba, dahil sa kanila lamang ipinagkatiwala ang mga pangako ng Diyos. Gayong ang Templo mismo ay mga bato at kahoy lamang at may ilang mamahaling metal, hindi nila ito maaaring iwan na hindi nawawala ang kanilang dangal bilang mga tao at ang kanilang bokasyon bilang mga sumasampalataya.
Walang gaanong ikinaiba ang mga Macabeo sa mga nangangahas sa ngayon na ipaalala ang mga karapatan ng mga dukha at hingin ang pagkilos ng lahat sa mga kasalukuyang lipunang itinatag sa pang-aapi. Inaaresto sila, tinotortyur, at namamatay para humingi ng pagbabagong pulitikal. Ngunit sa pamamagitan nito, naipagtatanggol nila ang kanilang pananampalataya. Sapagkat kung magwawalang-kibo sila, mawawala ang kanilang dangal bilang tao at kanilang itatakwil ang espiritu ng katarungan at kalayaan (Gal 5:11-12).

• 4.1 Ipinadala nila laban kay Judas ang isang koronel, si Apolonio. Pinatay ni Judas ang koronel. Isang heneral naman ang kanilang ipinadala, si Seron: at natalo rin ni Judas ang heneral. At ngayo’y isang malaking hukbong may dalawang heneral ang ipinadadala ni Antioko laban sa mga Judio. Panalo si Judas sa Emaus.
Kapansin-pansin ang saloobin ni Judas at ang kanyang sinabi: Matapat ang Diyos.
Tatlong dantaong itinuro sa mga Judio na ang kanilang kasaysayan ay isang serye ng kahanga-hangang pamamagitan ng Diyos (tingnan ang mga libro ng Mga Kronika). Labis nilang binibigyang-diin ang pagtulong ng Diyos kayat parang bale-wala ang kabayanihan ng tao. Alam ni Judas na kailangan siyang kumilos na di naghihintay ng milagro o pagbubunyag. Pagkatapos magtagumpay, saka lamang malalaman ng lahat na ang Diyos pala ang nagligtas sa kanila. Isang kasinungalingan ang humingi ng kapayapaan, pagkain at katarungan sa Diyos nang hindi naman inaalis ang mga istruktura ng pang-aapi.

• 36. Bunga ng mga tagumpay ni Judas, pinirmahan ni Antioko Epifanes IV ang isang kasunduan na nagbibigay ng awtonomiya sa probinsya ng mga Judio (Abril ng taong164 bago kay Kristo). Nagtagumpay ang mga Judio at una nilang inasikaso ang paglilinis ng Templo na nilapastangan ng mga pagano (Disyembre ng taong 164).
Alam ng mga Judio na hindi sila katulad ng ibang mga bayan. Ang Diyos mismo ang nagpapasya ng kinabukasan. Sa anumang pagkakataon, ang pinakakailangan lamang ang nilulutas nila habang hinihintay ang isang propeta na magtuturo sa dapat nilang gawin. Ganito ang makikita natin sa bersikulo 46. Pero parang baligtad ang sitwasyon. May mga propeta noon samantalang ayaw naman silang pakinggan ng mga Israelita. At ngayong wala nang mga propeta ay saka nila gustong makarinig ng mensahe. Hindi na nga magkakaroon pa ng mga propeta hanggang kay Juan Bautista.

• 5.1 Mabigat ang loob na tinanggap ng mga heneral na taga-Siria ang kasunduang nilagdaan ng hari. Itinaguyod nila ang pag-uusig laban sa mga Judiong nasa karatig na mga teritoryo, na kung minsa’y napakalalaking grupo. Kayat sinimulan ni Judas na iligtas ang kanyang mga kababayang nasa panganib at ibalik sila sa probinsya ng Judea.

• 55. Patuloy ang digmaan sa mga tagumpay at mga pagkalupig. Binibigyang-diin dito ng Biblia kung bakit nabaligtad ang pangyayari: personal na interes lamang ang hangad ng marami sa mga pinuno.

• 6.1 Inilalahad ng Biblia ang wakas ni Antioko Epifanes bilang halimbawa ng kamatayan ng mga nang-uusig. Ibang salaysay naman ang matutunghayan natin sa 2 Mac 9.

• 32. Muling sinalakay ang Palestina at sa labanan sa Bet-zacarias, napilitang umurong mula sa mga kaaway ang hukbo ni Judas na bale-wala kung ikukumpara sa hukbo ng hari. Pero pagkaraan ng dalawang taon, makikipagkasundo ang hari at pagtitibayin nito ang kalayaang panrelihiyon ng mga Judio.

• 55. Sa kauna-unahang pagkakataon, biglang-biglang tumigil ang labanan, at kinilala ang karapatan ng mga Judio na ipagpatuloy ang kanilang relihiyon (b. 59). Ang pakikipaglaban ng iilang bayani ang naghatid ng unang bungang ito at bumago sa kasaysayan ng bayang Judio.

• 8.1 Iginiit ng mga propeta na dahil ang bayang Judio ang bayan ng Diyos, kailangang sa Diyos sila manalig at huwag maghanap ng tulong sa iba. Kawalan ng pananalig sa Diyos ang makipagtipan sa mga bayang pagano. May ibang pagkaunawa si Judas kayat hangad niyang makipagtipan sa mga Romano.

Sa isang dako, nagkaroon ng malaking pag-asa ang mga Judio dahil sa mga unang tagumpay. Mula pa sa panahon ng pagkatapon, hindi pa kailanman nabawi ng mga Judio ang kanilang awtonomiya, ngunit para kay Judas at sa kanyang mga kasamahan, dumating na ang oras para itayong muli ang dating kaharian nina Solomon at David.
Sa kabilang dako naman, hinahangaan ni Judas ang organisasyon at kapangyarihan ng mga Romano, at naniniwala siyang pabor sa muling pagtatayo ng kaharian ni David ang kanilang proteksyon.
Pero tama nga ang mga propeta: hindi dapat umasa sa mayayaman at makapangyarihan ang mga naghahanap sa Kaharian ng Diyos at sa katarungan. Ang mga Romanong labis na hinahangaan ni Judas ay magiging mga kaaway niya. At pagkalipas ng dalawang dantaon, wawasakin nila ang bansang Judio sa panahon ni Jesus.

• 9.1 Narito ngayon ang madamdaming salaysay ng kamatayan ni Judas. Namatay siya sa ningning ng kanyang pananampalataya at kabayanihan, gaya ng maraming “umaasa sa muling pagtatayo sa Israel” at namatay siya alang-alang sa pag-asang ito.
Makikita nating grasya ng Diyos sa kanya ang maaga niyang pagkamatay. Ang daang kanyang sinimulan dahil sa pananampalataya ay magtatapos para sa kanyang mga inapo sa mga pagsang-ayon at kabulukang madalas na kasama sa kapangyarihang pulitikal.

• 23. Kailangang tumakas pa-disyerto kasama ng kanyang kalahi si Yonatan na siyang hinirang na kahalili ng kanyang kapatid na si Judas. Pinaalis niya ang kanyang kapatid na si Juan taglay ang bagahe para dalhin ito sa isang ligtas na lugar sa kabilang ibayo ng Jordan. At doo’y tinambangan sila. Kaya tumawid si Yonatan sa kabilang ibayo ng Jordan para maghiganti. Sa kanyang pagbabalik, sinundan pala siya ni Bakides at ng hukbo nito, at ngayo’y nakaharang sa daan nila patungo sa ilog. Ngunit nakalampas sila sa mga kaaway at lumangoy patawid.

• 10.15 Sa harap ni Alejandro, si Yonatan ang kinatawan ng mga Judio, pero ano ang kanyang titulo? Hindi na nagkaroon pa ng hari ang mga Judio pagkatapos ng Pagkatapon, at isa pa’y hindi nila kikilalaning hari ang sinumang hindi inapo ni David. Mula sa panahon nina Esdras at Nehemias, ang mga pari na ang namuno sa pamayanang Judio, kaya si Yonatan ay kailangang maging Punong-pari, at upang siya ang maging kinatawan ng kanyang bayan, tatanggapin niya kay Alejandro ang tungkuling ito. Naging sanhi ito ng isang krisis pangmoralidad para sa mga Judio dahil walang puwedeng humirang sa kanyang sarili bilang Punong-pari, kundi ayon sa karapatan ng angkan (tingnan ang Lev 8).
Nagbunga ng paghiwalay ng mas relihiyosong mga Judio ang paghirang na ito kay Yonatan. Marami ang sumalungat sa kanya, kabilang na rito ang mga Asideo (7:13) na magiging partido ng mga Pariseo.

• 59. Lalong nasasangkot si Yonatan sa pulitika, at hindi itinatago ng kabanatang ito ang lahat ng karumihan ng pulitika na karaniwang nagaganap at ginagawa. Kaya napatutunayan ang binigyang-pansin natin hinggil kay Judas (9:1): lumipas na ang panahon ng muling pagtatayo sa kaharian ng Diyos na magiging isang bansa sa piling ng mga bansa.
Misyon ng mga Kristiyano ang lumahok sa pulitika bilang pampaalsa sa masa, sa kabila ng mga tukso at pagkakamaling lagi nilang makakaharap sa maraming taong walang konsiyensya. Ngunit kailangang maging maingat ang Iglesya na huwag magbalik sa dating paghanap ng tagumpay sa pakikipagkasundo sa mga puwersang may kinakampihan. Hindi dapat ipagkamali ang likas na misyon ng Iglesya sa anumang programang pulitikal. At isa pa’y hindi pinaghahati-hati ng Iglesya ang mga tao bilang mabuti at masama, kakampi o kalaban, ayon sa kanilang posisyon sa pakikibaka sa lipunan.

• 12.42 Pagkamatay ni Judas at ng dalawa niyang kapatid, si Yonatan naman ang mamamatay sa digmaan para sa kalayaan. Hahalili sa kanya si Simon na nag-iisa na lamang sa mga magkakapatid.
Ipinagpapatuloy ng libro ang salaysay ng gobyerno ni Simon at ang kanyang mga gawa hanggang sa patayin siya sa taong 134 bago kay Kristo.
Magtatagumpay si Simon sa kanyang mga pakikipagdigma. Alam niya kung paano gamitin para sa sariling kapakinabangan ang kompitensya ng maraming hari na pinaglalabanan ang trono ng kaharian ng Persia. Ang kanyang mga tagumpay at ang kapayapaang nakamit niya ang magpapalamig sa sigasig para sa pananampalataya na siyang naging simula ng digmaan para sa kalayaan. Si Simong tagapagpalaya ay magiging Simong diktador sa katapusan ng isang prosesong napakadalas maulit sa kasaysayan. Tingnan hinggil dito: 14:41-47; 15:23.
Pagkaraan ng sandantaon at kalahati, sa pagdating ni Jesus, ang mga inapo na ni Simon ang magiging mga punong pari. Ang mga ito ang pinakamateryalistang grupo sa mga Judio (ang partido ng mga Saduceo). Isa sa kanila si Caifas na naghatol ng kamatayan kay Jesus.
Bigyang-pansin ang pahapyaw na nabanggit sa 13:41-42 at sa 15:3. Pagkaraan ng apat na dantaon ng kawalang-kalayaan, ang mga Judio ay magiging isang bansa uli.
Ipinaliliwanag ng bago at masayang karanasang ito kung bakit pagkatapos ng sandaan taon at kalahati sa panahon ni Jesus, hindi nila matagalan ang dominasyon ng imperyong Romano.

May 31, 2007 Posted by | 1 Maccabees, Biblia ng Sambayanang Pilipino, Commentary, Old Testament | 1 Comment

Esdras: komentaryo

Mga Kaalamang Pangkasaysayan

Isinalaysay sa atin ng mga libro ni Samuel at ng Mga Hari ang limang dantaong walang lagot na kasaysayan ng Israel, mula kay David hanggang sa Pagkatapon sa Babilonia.

At pagkatapos ay dumating naman ang pitumpung taon ng “Pagkabihag” o Pagkatapon. Hindi naman idineport ang buong bayan. Mas malaking bahagi ng sambayanan na binubuo ng maliliit na magsasaka ang naiwan sa kanilang lupain. Pero wala silang mga pinuno o mga lider espirituwal, wala silang ginawa para ibangon ang kanilang bansa. Nabuhay lamang muli ang bansa dahil sa mga itinapon na umuwing kasama ni Zorobabel pabalik sa kanilang lupain. At pagkaraan ng mahirap na pagsisimula, nareorganisa sila sa ilalim ng pamumuno nina Esdras at Nehemias.

Ang Reporma ng Esdras

Hindi lahat ng Judio ay bumalik sa kanilang lupain. Marami sa kanila ang nangibang-bayan na bago pa ang Pagkatapon at nanatili sila sa mga bayang kanilang tinitirhan: sa Ehipto, Asiria, Persia. Ang iba naman sa mga idineport ay hindi umuwi mula sa Babilonia kung saan nila napagtagumpayan ang miserable nilang kalagayan, at sa pagtutulung-tulong ay nagkaroon sila ng magagandang posisyon. Pero ang mga nagsibalik ay pami-pamilyang dumating at bilang mga grupong organisado. Sila ang lubos na nakapagsaloob sa mensahe ng mga propeta na nag-aanyaya sa kanilang itayong muli ang isang Israel na dinalisay at banal.
Para sa kanila, ito ang unang panganib na makakaharap nila sa pagtira sa sariling bayan sa piling ng mga dayuhan at mga Judiong di gaanong mulat sa kanilang misyon: baka mawalan sila ng sigasig. Kaya mahalaga ang gawa nina Esdras at Nehemias sa pagpapanatili sa pagkakabuklod ng mga Judio sa isa’t isa at hiwalay sa lahat ng iba pa. Tingnan lalo na ang problema ng pag-aasawa ng mga may magkaibang relihiyon (Esdras 9-10; Nehemias 9:2 at 13:10-30).
At naging mahalaga ang gawang pambiblia ni Esdras na siyang nagtipon sa mga libro ng Biblia sa unang pagkakataon, at pagkatapos ay ginawang base ng kanilang relihiyon ang Banal na Aklat. Hanggang sa mga sandaling iyon, ang mga libro ng Biblia na meron na noon ay nasa palasyo lamang o sa mga kamay ng mga pari at sapat na para sa bayan ang dumalo sa tradisyunal na mga seremonya sa Templo. Si Esdras ang nagsimula ng isang bagong paraan ng pagsamba kung saan ang pangkomunidad na pagbasa sa Biblia ang magiging base ng buhay relihiyoso ng mga sambayanan. Ito ang maghahatid sa kanila sa isang pananampalatayang mas matatag at mas responsable. Tingnan ang Nehemias 8. Inaalala sa 2 Mac 2:13-14 ang papel ni Esdras sa pagbubuo ng Biblia.
Ang repormang ito ni Esdras ang nagbigay ng mga sariling katangian sa pamayanang Judio pagkatapos ng Pagkatapon sa Babilonia. Ang bayan ng Diyos ay naging isang bayang banal, o bayang nakatalaga sa Diyos at inihiwalay sa iba pa ng maraming harang ng kanilang Batas. Sila ay nabubuhay lamang para ipagpatuloy ang pagsamba sa Kaisa-isahang Diyos, at dahil wala silang pambansang kalayaan, hawak ng mga pari sa ngalan ng Diyos ang kapwa kapangyarihang sibil at panrelihiyon.

Ang Libro Nina Esdras at Nehemias

Sa simula’y iisa lamang ang dalawang librong ito. Binibigyan tayo ng mga ito ng ilang impormasyon tungkol sa ginawa ng dalawang lalaking iyon. Mapapansin ang sumusunod na mga hakbang sa muling pagtatayo sa pamayanang Judio:
– Nagsimula sa dekreto ni Ciro sa taong 538 ang pagbabalik sa Jerusalem ng maraming grupo ng mga itinapon, at doon muling itinatayo ni Zorobabel ANG TEMPLO. (Tingnan ang Esdras 1:1 hanggang 4:5 at 4:24 hanggang 6:2).
– At sinikap namang hadlangan ng mga kaaway ng mga Judio ang muling pagtatayo sa LUNSOD. (Tingnan ang Esdras 4:7-23).
– Mga taong 458 siguro nang dumating si Esdras para buuin ang pamayanan, sa pagta-tadhana sa Batas ni Moises bilang isang panuntunan. (Tingnan ang Esdras 7 hanggang 10).
– Taong 445, dumating naman si Nehemias galing Persia, at sinimulan niya ang muling pagtatayo ng MGA PADER. At pagkatapos ay labindalawang taon niyang pinamahalaan ang Jerusalem. (Tingnan ang Nehemias 1 hanggang 7).
– At sa katapusan, may pangalawang misyon si Nehemias sa taong 425. (Tingnan ang Nehemias 13).

1.1 Kusang-loob na pinauuwi ni Cirong emperador ng Persia ang mga Judiong ipinatapon sa Babilonia.
Kahit na hindi sumasamba si Ciro sa tunay na Diyos, isa siyang magandang halimbawa ng pagpapahintulot sa ibang relihiyon. At ibinibigay siya ng Biblia bilang isang tagapagpalaya ng mga bayang inapi ng mga nauna sa kanya.
Pansinin natin na ang mga tumatanggap lamang na “maging malaya” ang pauuwiin. Walang anumang pagpapalaya o panlabas na tulong para sa walang pakialam. Ang mga may espiritung pinukaw ng Diyos ang magbabalik.
Para maintindihan ang libro ni Esdras, makabubuti ring malaman na sa kabila ng dekreto ni Ciro, ang Jerusalem ay nasa ilalim pa rin ng pamamahala ng Samaria pagdating sa administrasyon. Kaya magkakaroon ng mga problema, dahil ayaw ng mga nasa mataas na lipunan ng Samaria na sila’y mahigitan ng mga kilalang tao ng Juda na bumabalik sa kanilang bayan pagkatapos ng limampung taon ng pagkatapon.

• 3.1 Ang muling pagtatayo ng Templo ay isang pagkakataon sa mga Judio para muling madiskubre ang kanilang kaibahan at pagkabukod-tangi sa lahat ng bansa, sa pagiging mga lingkod ng Kaisa-isahang Diyos. Nagbigay-daan ito para pagtibayin ang kanilang pagka-Judio sa piling ng mga nasa lupain, dahil tungo sa pagkakaisa ang pagtatrabaho nang sama-sama.
Mapapansin din natin na pagkarating na pagkarating ng mga nagsiuwi, bukas-palad silang naghandog ng mga kailangan para sa pagtatayo ng Templo (2:68). Ngunit dalawampung taon pa ang lilipas at kakailanganin ang pakikialam ng mga Propeta Ageo at Zacarias para maisagawa ang napagkasunduang proyekto sa sigasig ng kanilang pagbabalik.

• 4.1 Sa pagtataguyod ni Propeta Ageo (tingnan ang Ageo 2:10), tinanggihan ng mga Judio ang pagtulong ng mga Samaritano para sa pagtatayo ng Templo. Ayaw nilang haluan ng di-malinis ang relihiyosong gawaing ito. Sa ibang salita’y disidido silang magtayo ng isang pamayanang nasasalig sa pagsasabuhay sa Batas, at hindi nila matatanggap na magkaroon ng karapatan sa Templo ang mga taong wala sa daan ng pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob.
Ganito rin sa ngayon. Kahit na gustung-gusto nating tanggapin ang lahat, ang mga bagay na banal ni ang pamumuno sa mga komunidad ay hindi natin maipauubaya sa mga taong di pa nagbabagong-buhay at nagbabalik-loob. At hindi rin natin matatanggap para sa Iglesya ang mga suportang pampulitika na maglalagay sa panganib sa kalayaan nito.
Ang kasaysayang sinimulan sa 4:1-5 ay ipinagpapatuloy sa mga kabanata 5 at 6. Nanatiling matatag ang mga Judio at tinulungan sila ng Diyos. Nagmagandang-loob sa kanila si Tatenai na Persianong gobernador ng probinsyang Kanluran na nasa ibayo ng Eufrates na sumasakop sa buong Palestina, na nasa Samaria ang kapitolyo.

• 6. Ang sulat na matutunghayan sa 4:6-23 ay tungkol sa sumunod na pakikialam ng mga kinikilalang tao sa Samaria, nang sikaping itayo ng mga Judio ang mga pader ng Jerusalem pagkaraan ng ilang taon.

• 7.1 Halos animnapung taon na ang lumipas mula sa isinasalaysay sa kabanata 6 na Paskuwa ng taong 515 hanggang sa misyon ni Esdras. Maaaring dumating si Esdras sa taong 458. Pero puwede rin namang 427 nang siya’y dumating, pagkatapos ng unang misyon ni Nehemias. Kaya dapat basahin ang mga kabanata 7-10 pagkatapos ng kabanata 6 ni Nehemias.
Nasa Persianong probinsya ng Babilonia si Esdras bilang tagapamahala sa mga usaping panrelihiyon ng mga Judio. Pari siya at kabilang sa mga grupong lubos na nagninilay sa Batas ni Moises, sa ilalim ng impluwensya ni Ezekiel. Tinipon nila ang iba’t ibang teksto, at malamang na sila mismo ang nag-edit sa mga libro ng Biblia na bumubuo sa “Batas” na ibig sabihi’y mula Genesis hanggang Deuteronomio sa bersiyon nito sa kasalukuyan. Naintindihan ng mga paring ito na sinisimulan ng Israel ang isang bagong yugto sa kasaysayan nito. Ang Batas ng Diyos ang dapat na pumatnubay sa mga Judiong bumalik mula sa Pagkatapon. Ang batas na ito, na naghihiwalay sa mga Judio mula sa mga di-Judio, at nagsisilbing batayan ng lahat ng detalye ng buhay ang magiging pundasyon ng isang relihiyosong pamayanan – at pulitikal din pagkatapos – na magbubuklod sa kanila bilang bayang nagkakaisa.
Pagdating ni Esdras sa Jerusalem na may opisyal na misyon, balak niyang itadhana ang Batas ni Moises na inedit sa pinakahuling anyo nito: at muling isinilang ang bayang Judio bilang bayan ng Batas.
Gagawin ng Batas ang bayang Judio bilang bayang mas tumutupad at responsable, lingkod ng Diyos sa lahat ng bagay. Pero narito rin ang panganib na maipagkamali ang tunay na pananampalataya sa mga panlabas na gawain. Ang bayang ang tingin lamang sa paglilingkod sa Diyos ay pagsamba sa Templo at mga gawaing relihiyoso ay maaaring maging walang pakialam sa pinakaimportante sa buhay.

• 8.21 Pansinin ang pahinang ito kung saan inilalahad ang pagkatao at kabaitan ni Esdras na napakaistriktong guro ng Batas.

• 9.1 Isinama ang mga Judio sa mga di nila kapanalig, at nanganganib na mawala ang sarili nilang katangian. Ipinapalagay ni Esdras na magagawa ng pamayanang Judio na maging mas malakas at mas mulat sa naiba nilang katangian kung lalayuan nila ang anumang pakikipamuhay sa iba. Kaya para maiwasan ang impluwensya ng ibang relihiyon, bawal ang pag-aasawa sa mga di-Hebreo.
Bale-wala ito kay Esdras, pero itinataguyod niya rito ang rasismo sa kabila ng mga aral ng mga propeta na noong nakalipas na dantaon ay nagpahayag ng pagpasok ng lahat ng bansa sa bayan ng Diyos. Ang istriktong pagtupad sa mga batas ay isang sanggalang laban sa mga pagano sa simula, pero sa paglipas ng panahon, naging pader ito na maghihiwalay sa mga Judio sa lahat ng iba pang mga bayan.
Naging napakabisa nga ang mga harang na itinayo ni Esdras, at makikita natin ang kalooban ng Diyos dito. Matinding pag-uusig ang tiniis ng sambayanang Judio (tingnan ang Mga Macabeo). At matapos dumating si Kristo, nagkawatak-watak sila at kinailangang mabuhay sa halos dalawampung dantaon sa mga bansang Kristiyano na kadalasa’y umuusig sa kanila o sinisikap na palipatin sila sa pananampalatayang Kristiyano sa anumang paraan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, ang bayang Judio ay nanatiling bukod-tangi sa kasaysayan, salamat, sa isang banda, sa kanilang katapatan sa Batas.
Dapat nating malaman na may makukuha ring aral mula sa lahat ng ito ang mga Kristiyano nga-yon. Kung tayo ang tinatawag na maging pampaalsa sa masa, sa pakikipamuhay na di minamasama ang sinumang may ibang pananampalataya, kailangan din tayong magkaroon ng mga hinihingi ng pagkakataon at mga panlabas na kaugalian na tanggap ng lahat ng sumasali sa pamayanang ito.
Tingnan pa rin ang sinasabi tungkol dito sa Nehemias 13.

May 31, 2007 Posted by | Commentary, Ezra, Old Testament | Leave a comment

Nehemias: komentaryo

• 1.1 Nasa palasyo ni Haring Artaherhes si Nehemias bilang tagapamahala sa mga inumin, isang mataas na posisyon nang panahong iyon na laging natatakot ang mga hari na malason.

May maganda ngang kinabukasan ang taong ito pero iiwan pa rin niya ang lahat para sa paglilingkod sa Diyos.
Ang bokasyon ni Nehemias ay nagmumula:
– sa kanyang malaking pananalig sa mga pangako ng Diyos;
– sa pagkaunawa sa kasaysayan na tanging ang sumasampalataya lamang ang makauunawa: Walang sinumang dapat sisihin ang Israel para sa kanilang mahirap na sitwasyon. Mga kasalanan nila ang sanhi ng kanilang kapahamakan. Kaya hindi nila dapat iasa sa kagandahang-loob ng mga bansang mas malalakas ang muling pagtatayo sa kanilang bansa, kundi sa kanilang pagbabagong buhay at pagbabalik-loob.
Si Nehemias ang halimbawa ng lahat ng nakakakilala sa boses ng Panginoon sa mga pangyayaring nagaganap at hindi na naghihintay pa ng isang espesyal na tawag para kumilos. Walang alinlangan na kung may tiwala siya sa Diyos, tinatawag din ang bawat Kristiyano na madiskubre at magawa ang inaasahan sa kanya ng Diyos para sa kaligtasan ng mundo, tulad ni Nehemias.

• 2.1 Humihingi si Nehemias, at siya’y tumatanggap sapagkat hindi siya nambubuwisit, at nagkapangalan siya at napamahal sa mga tao bunga ng maraming taon ng matapat na paglilingkod. Nangingibabaw ang mahusay niyang pagpapasya at pangunguna, at ang maalab niyang pananalita na nagpapalakas ng loob sa mga nagdududa na nakukumbinsi niya.
Kailangan bang itayo ang mga pader ng Jerusalem? Sa katunaya’y mas binibigyang-pansin ng Biblia kung paano ito naitayo kaysa mismong pagtatayo nito: sa panawagan ni Nehemias para sa pagtutulung-tulong ng lahat, naitayo niya ang espiritu ng pamayanan sa Jerusalem.

• 3.33 Pagkatapos ay nagbunga naman ng inggit at paghihinala ang trabaho ni Nehemias. Hindi ito dapat ipagtaka. Sapat na ang katatagan ng isang taong ito para bigyang-sigla ang lahat. Sa sandaling iyon mismo, ang pagtatayo sa pader ng Jerusalem ang kongkretong tungkulin para magpatuloy sa pagsulong ang Banal na Kasaysayan. Kung nasiraan ng loob ang sambayanang Judio at ipinagpaliban ang pagtatayo, tiyak na mawawala sa kanila ang mga paraan tungo sa kanilang kalayaan at ang kahulugan ng kanilang misyon. Gayundin naman sa kasalukuyan, bagamat mas lumilitaw na espirituwal ang misyon ng Iglesya, ang katapatan natin sa Panginoon ay nakasalalay pa rin sa ating saloobin sa harap ng mga pagyurak at pagtataksil sa katotohanan sa kongkretong mga bagay-bagay sa buhay ng lipunan.

• 5.1 Kalahi tayo ng ating mga kapatid. Paulit-ulit na sinasabi ng mga pinuno na nangangailangan ng sakripisyo ang muling pagtatayo sa bayan. Pero hinihingi ng bayang Judio na ang mga sakripisyo ay talagang pagbaha-bahaginan ng lahat. Kailangang kanselahin ng mga may sapat na pera sa kasalukuyang pangangailangan ang mga utang ng mga walang kahit ano.
At kayo pa ngayon ang bibili sa inyong mga kapatid? Ipinagtatanggol ni Nehemias ang pinakaaba, at tinutuligsa ang kasalanang nagagawa ng mga mayayaman nang hindi nila namamalayan; nadadala sila ng katwiran ng pagkakaroon at ng pagpapautang hanggang ipailalim nila sa pagkaalipin ang kanilang mga kapatid.
Gusto ba ninyong gayahin ang mga kaugalian ng ating mga kaaway? Tama lamang na maghangad ng kalayaan mula sa mapagsamantalang kapitalismo at di-makataong pamahalaan. At sa wakas, ang diwang mapagsamantala sa bawat isa sa atin ang kahuli-hulihang bubunutin.

• 6.1 Ginagamit ni Sanbalat ang lahat ng paraan para papanghinain ang loob ni Nehemias:
3:33 – panunuya at pag-insulto,
4:2 – pagbabanta ng pagsalakay,
6:2 – paninindak,
6:6 – mga akusasyon,
6:14 – pagsusuhol sa mga bulaang propeta.
Hindi mawawalan ng mga taong kakasangkapan sa salita ng Diyos para suportahan ang mga gobyerno o para linlangin ang mga tao.
Bigyang-pansin ang ekspresyon sa 6:13, para takutin ako at dalhin sa pagkakasala. Napakalimit, ang takot ay isang madulas na daan na naghahatid sa pagkakasala.

• 8.1 Pinakatampok sa napakahalagang petsang ito ng Banal na kasaysayan ang unang pampublikong pagbasang ito sa Batas. Hanggang sa panahong iyon, isinasabuhay ng bayang Israel ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagdarasal, pakikilahok sa mga seremonya sa Templo. Mula sa bibig ng mga pari at mga propeta nila tinatanggap ang mga pagpapasya at pangangaral. Wala silang nadamang pangangailangan na magbasa ng Biblia.
May ilang libro na noon ng ating Biblia, pero nakatabi ang mga ito sa Templo o sa palasyo ng hari: hindi nakararating ang mga ito sa bayan ni hindi ang mga ito ang saligan ng kanilang pananampalataya. Subalit ngayon, mga bagong pa-ngangailangan ang lumilitaw at wala na ang mga propeta, na di gaya ng dati. Naiintindihan ni Esdras na sa darating na panahon, ang pamayanang Judio ay uunlad at mabubuo sa pagbasa, pagninilay at interpretasyon sa sagradong libro. Si Esdras mismo ang nagsisikap na tumipon at kumumpleto sa mga sagradong libro at nagsisimula naman ang bagong panahon na ang Biblia ang magiging libro ng lahat at ang batayan ng kanilang pananampalataya.

Ang pangrelihiyon at pangkulturang hakbang na ito ay katulad din ng nangyayari sa Iglesya nitong mga huling taong nagdaan. Nagsisimba ang mga tao, nagdarasal at tinuturuan; pero banyaga para sa kanila ang Biblia. Pero ngayon, lalakas lamang ang pananampalatayang Kristiyano mula sa Salita ng Diyos na binabasa at pinakikinggan sa isang pamayanan. Sa totoo’y huli pa nga tayo: sa simula ng nakaraang apat na siglo, nang magsimula ang mga Protestante, sinimulan na sana ang pagpapanibagong ito.
Ang pagtitipong tinawag ni Esdras ang magsisilbing modelo ng buhay-relihiyoso sa pamayanang Judio. Hindi aalisin ang maringal na pagsamba sa Templo sa Jerusalem, pero mula sa araw na iyon, magkakaroon ng sinagoga ang mga Judio sa bawat siyudad, o isang bahay na mapagtitipunan nila sa Araw ng Pahinga para marinig ang salita ng Diyos at umawit ng mga salmo.

• 9.1 Kailangang iugnay natin ang seremonyang ito ng penitensya sa mga kabanata 9-10 ng Esdras. Tungkol ito sa paghingi ng kapatawaran sa mga kasalanan na naglalayo sa mga tao mula sa Batas ng Diyos at pumipinsala sa lahi ng Israel. Iginigiit dito lalung-lalo na ang kasalanang nasa pag-aasawa sa babaeng galing sa ibang lahi at ibang relihiyon: alam ng Biblia na ang pag-aasawa sa hindi kapanampalataya ay madalas na nauuwi sa paglayo sa sariling pamayanang panrelihiyon. Ganito ang naging kasalanan ni Solomon.
Matapos aminin sa harap ng lahat ang mga pagkakasala ng pamayanan, inaalaala nila ang awa ng Diyos: walang saysay ang malaman ang mga kasalanan, kung hindi naman mapupukaw ang damdamin ng taos-pusong pagsisisi sa pag-alaalang laging nagpapatawad ang Diyos sa kanyang kagandahang-loob. Kasunod naman nito ang buod ng banal na kasaysayan na nagpapakita sa awa ng Diyos sa kanyang bayan.
Sa pagtatapos ng seremonya, maraming pangako ang ginagawa: kailangan ang mga ito bilang tulong sa mga kaloobang di gaanong matatag at bilang panlaban sa pagiging pabaya. Pero hindi ito tungkol lamang sa paggawa ng mga reglamento; ang panganib ay nasa higit na pagpapahalaga sa panlabas na pagtupad kaysa diwa mismo ng Batas na ang layuni’y makabuo ng isang bayang laging handang maglingkod sa Diyos.

• 10.1 Tinipon sa sumusunod na mga kabanata ang iba’t ibang dokumento. Mapapansin sa mga ito ang talatang tumutukoy sa unang misyon ni Nehemias: 12:27-43. Binibigyang-kabuuan nito ang mga kabanata 1-7.

• 13.10 Sa huling kabanatang ito, namamagitan si Nehemias para igalang ang batas na pinagtibay ni Esdras, kaya gumagawa siya ng mga bago at mabibigat na hakbang (tungkol sa Araw ng Pahinga, pagpapadalisay sa lahi at relihiyon, at iba pa).
May malaking kapakinabangang hatid ang saloobing ito: salamat sa kanilang organisasyon at sa pagkakabuklod ng mga Judiong magkakapatid, nakaligtas ang bayan ng Diyos at hindi lumihis sa kanilang pananampalataya.
Ngunit mababanaag din ang mga problemang katitisuran ng Ebanghelyo: pagkapit sa kahapon, pagkapanatiko para sa mga sagradong lugar, pagkaagresibo sa mga di sumasang-ayon. Isang katotohanan na sa sumunod na mga dantaon, mas lumago ang kamalayang panrelihiyon ng mga Judio sa pakikitungo nila sa kulturang Griyego kaysa pagsisikap nila sa pansariling organisasyon.
Kung hangad ng mga pamayanang Kristiyano at gayon din ng Iglesya sa kabuuan nito na maging tapat sa mensahe ng Biblia, kailangan nilang hanapin ang paglago sa pagbubukas at pagharap sa daigdig.

May 31, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Nehemiah | Leave a comment

Nehemiah 5

Kailangang makibahagi ang mayaman sa sakripisyo ng karaniwang tao

1 Nagharap noon ng mga malubhang reklamo ang mga karaniwang tao at ang kanilang mga maybahay laban sa kanilang kapwa Judio.

2 May nagsabi: “Malaki ang aming sambahayan at kailangan namin ang trigo na makakain upang mabuhay.” 3 Sinabi ng iba: “Kailangan naming isangla ang aming mga bukirin, ubasan at bahay kapalit ng butil dahil sa taggutom na ito.” 4 Sinabi pa ng iba: “Nakapangutang na kami ng salapi para sa buwis sa hari. 5 Iisa ang aming lahi, tulad sa aming mga kapatid; tulad ng kanilang mga anak ang aming mga anak. Ngunit kailangan naming ipaalipin ang aming mga anak at pinagsamantalahan na ang ilan sa aming mga dalaga. At wala kaming ibang kalutasan, sapagkat napapunta na sa iba ang aming mga bukirin at ubasan.”

6 Pinasiklab ang aking galit ng mga sumbong at paratang. 7 Kaya nagpasiya akong pagsabihan ang mga maharlika at mga tagapayo, 8 sa pagsasabing: “Bakit wala kayong habag sa inyong mga kapatid?” At tumawag ako ng kapulungan at sinabi ko sa kanila: “Tinubos natin ng salapi ang ating kapwa Judiong mga alipin, ayon sa ating kakayahan. Ngunit ngayo’y kayo ang nagbibili sa inyong kapatid?”

Nanatili silang tahimik. Hindi sila makasagot. 9 At nagpatuloy ako: “Hindi mabuti ang inyong ginagawa. Hindi ba kayo sumusunod sa ating Diyos, at baka kutyain tayo ng ating mga kaaway? 10 Ang aking mga kapatid at lingkod, at maging ako, ay nagpahiram ng salapi at trigo. Ngunit kalimutan na natin ang lahat ng utang nila sa atin, 11 at ibalik agad ninyo sa kanila ang kanilang mga bukirin, ubasan, taniman ng mga olibo, at kalimutan ang kanilang mga utang na salapi, trigo, alak at langis.” 12 Sinagot nila ako: “Ibabalik namin ang mga ito at hindi kami hihingi ng anuman sa kanila. Gagawin namin ang iyong sinabi.”

Sa gayon tinawag ko ang mga pari, at sa harapan ng mga ito, pinasumpa ko sila na tutuparin nila ang kanilang pangako. 13 Pagkatapos, ipinagpag ko ang aking balabal at sinabi ko: “Palayasin nawa ng Diyos sa sariling bahay at mana ang sinumang hindi tutupad sa pangako, at ipagpag nang ganito at maiwan nang walang anuman.” Sumagot ang buong kapulungan: “Amen,” at nagpuri kay Yawe. At tinupad ng mga mamamayan ang kanilang pangako.

14 Itinalaga ako ni Haring Artaherhes na gobernador ng lupain ng Judea sa ikadalawampung taon ng kanyang paghahari. Hanggang sa ikatatlumpu’t dalawang taon, o sa loob ng labindalawang taon, ako at ang aking sambahayan ay hindi humingi ng buwis sa gobernador. 15 Ngunit pinatawan naman ng mga naunang gobernador ang bayan ng apatnapung pirasong pilak araw-araw. Pinatawan din ng kanilang mga lingkod ang bayan. Ngunit hindi ko sila tinularan dahil sa aking paggalang sa Diyos.

16 Tumulong din ako sa paggawa ng pader at hindi ako nakabili ng mga bukirin; at nagtrabaho rin doon ang aking mga tauhan. 17 Sandaa’t limampung lalaki ang nakaupo sa aking hapag, mga Judio at tagapayo, pati ang mga dumating mula sa mga karatig-bansa. 18 Araw-araw inihahanda ang isang toro, anim na piniling tupa at mga manok, at tuwing sampung araw dinadala ang maraming sisidlang alak. Binayaran ko ang lahat ng ito, ngunit kailanman hindi ako sumingil sa bayan sapagkat mabigat na sa kanila ang trabahong iyon.

19 Alalahanin mo ako, O Diyos, at ang lahat ng nagawa ko para sa bayang ito!

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Nehemiah | Leave a comment

Nehemiah 13

1 Nang panahong iyon, binabasa ang Aklat ng Batas ni Moises sa harapan ng bayan at natagpuang nasusulat dito ang: “Kailanma’y hindi papasok sa kapulungan ng Diyos ang mga Amonita at Moabita 2 sapagkat hindi nila sinalubong ng tinapay at tubig ang mga Israelita. Binigyan nila ng salapi si Balaam upang sumpain ang mga Israelita, ngunit pinalitan ng aming Diyos ng pagpapala ang sumpa.” 3 Nang malaman nila ang batas na ito, pinaalis nila sa Israel ang lahat ng may lahing banyaga.

Ikalawang misyon ni Nehemias

4 Bago nangyari ito, may tagapag-alaga ng mga silid sa Bahay ng Diyos, ang paring si Elyasib. At kamag-anak niya si Tobias. 5 Kayat inilaan niya rito ang isang maluwang na silid na dating taguan ng mga handog, kamanyang, kasangkapan, ikasampu ng trigo, alak, langis at anumang iniuukol sa mga Levita, mang-aawit at bantay-pinto, at ang abuloy para sa mga pari.

6 Wala ako sa Jerusalem nang maganap ito, sapagkat sa ikatatlumpu’t dalawang taon ni Artaherhes, na hari ng Babilonia, nagbalik ako sa hari. Pagkatapos, pinayagan na ako ng hari 7 na bumalik sa Jerusalem at pinatalastasan ako ng kasamaang ginawa ni Elyasib sa pagbibigay niya kay Tobias ng isang silid sa loob ng patyo ng Bahay ng Diyos. 8 Nagalit ako dahil dito, at ipinatapon ko sa labas ng silid ang lahat ng kasangkapan ni Tobias 9 at iniutos kong linisin ang mga silid at ibalik ang mga kasangkapan ng Bahay ng Diyos, ang mga handog at ang kamangyang.

Tumutol si Nehemias sa ilang pang-aabuso

• 10 Napag-alaman ko rin na hindi ipinagkaloob sa mga Levita ang mga abuloy. At dahil dito, tumakas at bumalik sa kanilang mga bukirin ang mga Levita at ang mga mang-awit na naglilingkod. 11 Pinagsabihan ko ang mga tagapayo at sinabi ko sa kanila: “Bakit pinabayaan ang Bahay ng Diyos?” At tinipon ko ang mga Levita at ang mga mang-aawit, at pinabalik ko sila sa kanilang tungkulin. 12 Kayat inilipat ng bayan ng Juda sa mga silid-taguan ang ikasampu ng kanilang trigo, alak at langis. 13 Ipinagkatiwala ko ang pamamahala ng silid-taguan sa paring si Selemias, kay Zadok, na tagasulat, kay Pedaya na Levita at kay Hanan, na anak ni Zakur, bilang katulong; kinilala nga silang matapat at sila ang nagbaha-bahagi ng pagkain sa kanilang mga kapatid.

14 Diyos ko, alalahanin mo ako dahil dito! Huwag mong kalilimutan ang mabubuting gawaing naisakatuparan ko para sa Bahay ng aking Diyos at sa paglilingkod doon.

15 Nang panahong iyon, nakatagpo ako ng mga taga-Juda na nagsisigawa sa pisaan ng ubas sa Araw ng Pamamahinga. Ang iba ay kumuha ng mga aning trigo o isinakay sa kanilang mga asno ang alak, ubas, igos at iba pang pasaning gusto nilang dalhin sa Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga. Pinagsabihan ko sila habang ipinagbibili nila ang kanilang ani.

16 Naninirahan sa Jerusalem ang ilang taga-Tiro na nagdala ng isda at bawat uri ng paninda upang ipagbili sa mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. 17 Kaya pinagsabihan ko ang mga pinuno ng Juda at sinabi ko sa kanila: “Nakagawa kayo ng malaking kasalanan sa paglapastangan ninyo sa Araw ng Pamamahinga. 18 Ito ang ginawa ng aming mga ninuno at dahil dito, ibinagsak ng aming Diyos ang kaparusahan sa amin at sa lunsod na ito. Gusto ba ninyong dagdagan ang galit laban sa Israel sa paglapastangan sa kanyang Araw ng Pamamahinga?”

19 Kayat iniutos ko na sa Araw ng Pamamahinga, samantalang lumalatag pa lamang ang dilim ng gabi sa mga pintuan ng Jerusalem, kailangang ipinid ang mga ito at hindi bubuksan kung hindi pa natatapos ang Araw ng Pamamahinga. At inilagay ko ang ilan sa aking mga tauhan sa mga pintuan upang walang maipasok na anumang paninda sa Araw ng Pamamahinga.

20 Minsan o makalawa, ilang mangangalakal na nagbibili ng lahat ng uri ng paninda ang nagpapalipas ng gabi sa labas ng Jerusalem, 21 ngunit binalaan ko sila at sinabi: “Bakit kayo nagpapalipas ng gabi sa malapit sa pader? Gawin ninyong muli ito at ipahuhuli ko kayo.” Mula noon, hindi na sila nagbalik sa Araw ng Pamamahinga. 22 Iniutos ko rin sa mga Levita na linisin ang kanilang sarili at bantayan ang mga pintuan upang gawing banal ang Araw ng Pamamahinga. Dahil dito, alalahanin mo rin ako, aking Diyos, at kahabagan ayon sa iyong awa.

23 Nang panahong iyon, nakita ko rin ang ilang Judio na nag-asawa sa mga babaing Asdodita, Amonita at Moabita, 24 at kalahati ng kanilang mga anak ay nagsasalita ng wika ng Asdodita at hindi alam ang wikang Judio. 25 Pinagsabihan ko sila at isinumpa; pinaggugulpi ko ang ilan sa kanila at pinagsabunutan ko ang buhok ng iba, at pinilit ko silang mangako sa pangalan ng Diyos. Sinabi ko sa kanila: “Huwag ninyong ipakakasal ang inyong mga anak na dalaga sa mga anak na binata nila, o kukunin ang kanilang anak na dalaga para sa inyo o sa inyong mga anak. 26 Hindi ba ito ang pagkakasala ni Solomon, ang hari ng Israel? Walang haring katulad niya sa maraming bansa, inibig siya ng Diyos, at ginawa siya ng Diyos na hari ng buong Israel. Ngunit pinag-kasala rin siya ng mga babaeng banyaga. 27 Gusto ba ninyong masabi na kayo man ay nakagawa rin ng gayon kalubhang krimen at naghimagsik kayo laban sa ating Diyos sa pag-aasawa sa mga babaing banyaga?”

28 Pinalayas ko rin sa aking tabi ang isa sa mga anak ni Yehoyada, na anak ng punong-paring si Elyasib, na manugang ni Sanbalat, ang Horonita. 29 Alalahanin mo, O Diyos, ang mga ito na nilapastangan ang pagkapari at ang iyong tipan sa mga pari at mga Levita.

30 Nilinis ko sila sa lahat ng banyaga. Nag-lagda ako ng mga tuntunin para sa mga pari at mga Levita ayon sa kani-kanilang paglilingkod. 31 Nag-utos din ako tungkol sa pag-aalay ng handog na kahoy sa takdang panahon at ng mga unang bunga.

Alalahanin mo ako, O Diyos, para sa ikabubuti ko!

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Nehemiah | 1 Comment

Nehemiah 12

1 Ito ang mga pari at Levitang nagsibalik, kasama si Zorobabel, na anak ni Sealtiel, at ang punong-paring si Josua:

2 sina Seraya, Yeremias, Esdras, 3 Amarias, Maluk, Hatus, Sekanias, Rehum, Meremot, 4 Ido, Gineton, Abias, 5 Miyamin, Maadias, Bilga, 6 Semaya, Yoarib, Yedaya, 7a Salu, Amok, Helkias at Yedaya.

8 Ang mga Levita: sina Yesua, Binui, Kadmiel, Serebias, Juda, Matanias. Ang huli, kasama ang kanyang mga kamag-anak, ang namamahala sa pag-awit ng mga himno samantalang sina Bakbukias, Uno at ang kanilang mga kamag-anak ay nagsibuo ng panghaliling koro.

7b Ito ang mga puno ng mga pari at ang kanilang mga kamag-anak sa kapanahunan ni Jesua:

10 Si Yesua ang ama ni Yoiakim, na ama ni Elyasib. Naging anak ni Elyasib si Yoiada; 11 si Yoiada ang ama ni Yohanan, at si Yohanan ang ama ni Yadua.

12 Ito ang mga puno ng mga angkan ng pari sa panahon ni Yoiakim na punong-pari: 13 sa angkan ni Seara: Meraya; sa angkan ni Yeremias: Hananias; sa Esdras: Mesullam; sa Amarias: Yehonanan; 14 sa angkan ni Meliku: Yonatan; sa Sebanias: Jose; 15 sa Harim: Adna; sa Meremot: Helkai; 16 sa Ido: Zakarias; sa Gineton: Mesullam; 17 sa Abias: Zicri; sa Miniamin at Moadias: Piltai; 18 sa Bilga: Samua; sa Semaya: Yehonatan; 19 sa Yoiarib: Matenai; sa Yedaya: Uzi; 20 sa Salai: Kalai; sa Amok: Eber; 21 sa Helkias: Hasabias; sa Yedaya: Netanel.

22 Sa panahon ng mga punong-paring sina Eliasib, Yoiada, Yohanan at Yadua, nakatala sa aklat ng Mga Kronika ang mga puno ng mga angkan ng pari hanggang sa paghahari ni Dario, ang Persiano.

23 Nakatala sa Aklat ng mga Kronika ang mga puno ng mga angkang Levita hanggang sa panahon ni Yohanan, anak ni Elyasib.

24 Ang mga puno ng mga Levita: sina Hasabias, Serebaya, Yesua, Binui, Kadmiel; at ang kanilang mga kamag-anak na bumuo ng panghaliling koro sa pag-awit at pagpupuri, ayon sa alituntunin ni David, ang lingkod ng Diyos sa naghahaliling mga pangkat; 25 sina Matanias, Bakbukias, Obadias, Mesullam, Talmon at Akub na mga bantay-pinto at nagtatanod sa mga bodega sa malapit sa mga pintuan.

26 Ito ang mga naglilingkod sa panahon ni Yoiakim, na anak ni Yesua at apo ni Yozadak, at sa panahon ni Nehemias, ang gobernador; at ni Esdras, ang paring tagasulat.

Pagpapasinaya sa pader ng Jerusalem

27 Nang pasinayaan ang pader ng Jerusalem, hinanap ang mga Levita kung saan sila nakatira at pinapunta sa Jerusalem upang ipagdiwang ang pagpapasinaya nang may kasayahan, awitan ng pasasalamat, at mga tugtugin mula sa pompiyang at gitara. 28 Mula sa mga karatig-lugar ng Jerusalem nagtipun-tipon ang mga mang-aawit, mula sa nayon ng Netopat, 29 Betgilgal at mga purok ng Geba at Azmavet sapagkat nakapagtayo ang mga mang-aawit ng mga tirahan sa paligid ng Jerusalem. 30 Nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili, at pagkatapos nilinis nila ang bayan, ang mga pintuan at ang pader.

31 Pagkatapos, inatasan ko ang mga pinuno ng Juda na umakyat sa ibabaw ng pader at bumuo ako ng dalawang malalaking koro. Nagtuloy ang una sa ibabaw ng pader sa dakong timog, patungo sa Pintuan ng Basura; 32 sumunod sa likuran nila si Hosaya at ang kalahati sa mga pinuno ng Juda, 33 gayundin sina Azarias, Esras, Mesullam, 34 Juda, Benjamin, Semaya at Yeremias na mga pari. 35 At saka ang mga manunugtog: sina Zakarias, na anak ni Yonatan; ang kanyang mga ninuno: Semaya, Matanias, Mikaya, Zakur, Asaf; 36 kasama ang kanyang mga kapatid na sina Semaya, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Netanael, Juda at Hanani na dala ang mga instrumento ni David, ang lingkod ng Diyos. Nasa unahan nila si Esdras, ang tagasulat.

37 Sa Pintuan ng Bukal sila umakyat, malapit sa hagdanan ng Lunsod ni David, sa tabi ng pader na tumutunghay sa bahay ni David, hanggang sa Pintuan ng Imbakan ng Tubig sa silangan.

38 Sa kaliwa lumakad ang pangalawang koro: sumunod ako rito na kasama ang kalahati sa mga pinuno ng bayan sa kahabaan ng pader, at dinaanan namin ang Tore ng Hurno hanggang sa Maluwang na Pader, 39 sa ibabaw ng Pintuan ni Efraim, ng Pintuan ng Isda, ng Tore ni Hananel, hanggang sa Pintuan ng Tupa, at tumigil kami sa Pintuan ng mga Tanod.

40 Sa Bahay ng Diyos tumigil ang dalawang koro. Nasa tabi ko ang kalahati sa mga tagapayo 41 at ang mga paring sina Eliakim, 42 Maasias, Mikaya, Elioenai, Zakarias at Hananias, na may mga trumpeta; kasama sina Maasias, Minyamin, Semaya, Eleazar, Uzi, Yehohanan, Malkias, Elam at Ezer. Inusal ng mga mang-aawit ang kanilang mga awitin sa pangunguna ni Yezrias.

43 Maraming handog ang inialay nang araw na iyon at nagsaya ang mga mamamayan sapagkat nagkaloob ang Diyos ng malaking kagalakan sa kanila. Nagsaya rin ang mga babae at bata at narinig hanggang sa malayo ang hiyawan ng kagalakan ng Jerusalem.

44 Nang pagkakataong iyon itinalaga ang mga tagapamahalang susubaybay sa mga bodega na pagtataguan ng mga abuloy, mga unang bunga ng mga punongkahoy at mga ikasampu. Dito iniingatan ang abuloy ng iba-ibang bayan ng lupain, ayon sa hinihingi ng Batas para sa mga pari at Levita. Sapagkat nasiyahan ang bayan ng Juda sa paglilingkod ng mga pari at ng mga Levita.

45 Tinupad nila ang paglilingkod sa kanilang Diyos at ang paglilinis. Sinunod naman ng mga mang-aawit at mga bantay-pinto ang utos ni David at ng kanyang anak, si Solomon. 46 Naging puno nga si Asaf ng mga mang-aawit sa kapanahunan ni David at noon nagkaroon ng pagpupuri at pagpapasalamat sa Diyos.

47 Sa kapanahunan ni Zorobabel at ni Nehemias, nagkaloob araw-araw ang buong Israel ng mga abuloy sa mga mang-aawit at mga bantay-pinto. Nagkaloob din sila sa mga Levita ng mga bagay na banal, at ipinagkaloob ng mga Levita ang nauukol sa mga anak ni Aaron.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Nehemiah | Leave a comment

Nehemiah 11

 1 Nanirahan sa Jerusalem ang mga pinuno ng bayan. Nagpalabunutan ang iba pang mga tao upang ipadala sa Jerusalem ang isa sa bawat sampung tao upang manirahan siya sa Banal na Lunsod, at ang siyam ay maninirahan sa iba-ibang lunsod. 2 Pinuri ng bayan ang mga taong kusang-loob na nanirahan sa Jerusalem.

3 Ito ang mga pinuno na nanirahan sa Jerusalem. Sa mga bayan ng Judea, tumira ang bawat isa sa sariling ari-arian at bayan: ang mga Israelita, ang mga pari at ang mga Levita, ang mga ibinigay at mga anak ng mga utusan ni Solomon.

4 Ito ang tala ng mga taga-Juda at taga-Benjamin na nanirahan sa Jerusalem –

Sa mga taga-Juda: si Ataya, na anak ni Uzias, na apo ni Zakarias; ang kanyang mga ninuno: sina Amarias, Sefatias, Mehalalel, mula sa angkan ni Pares; 5 si Maasias, na anak ni Baruk, na apo ni Kol-hose; ang kanyang mga ninuno sina Hazaya, Adayab, Yoarib at Zakarias, mula sa angkan ni Sela. 6 Kabuuan ng mga inapo ni Pares na naninirahan sa Jerusalem: 468 kalalakihang may sapat na gulang.

7 Narito ang mga taga-Benjamin: si Salu, na anak ni Mesullam, apo ni Yoed; ang kanyang mga ninuno: sina Pedaya, Kolaya, Maasias, Itiel at Yesaias, 8 at ang kanyang mga kamag-anak na may sapat na gulang: 928. 9 Si Yoel, na anak ni Zicri, ang kanilang pinuno; at pangalawang-pinuno ng lunsod si Juda, na anak ni Hasenua.

10 Sa mga pari: si Yedaya, na anak ni Yoakim, na anak ni Seraya; ang kanyang mga ninuno: Helkias, 11 Mesullam, Zadok, Meraiot, Ahitub, ang punong-pari, 12 at ang kanyang mga kamag-anak na naglilingkod sa Templo: 822. Si Adaya, na anak ni Yeroham; ang kanyang mga ninuno: Pelalias, Amzi, Zakarias, Pasur at Malkias, 13 at ang kanyang mga kamag-anak, na mga puno ng sambahayan: 242; at si Amzi, na anak ni Azarel; ang kanyang mga ninuno: Azai, Mesilemot, Imer; 14 at ang kanyang mga kamag-anak na may sapat na gulang: 128. Si Zabdiel, na anak ni Hagadol, ang namamahala sa kanila.

15 Sa mga Levita: si Semaya, na anak ni Hasub; ang kanyang mga ninuno: Azrikam, Hasabias at Buni; 16 Sabetai at Yozabad, ang mga pinunong nananagot sa gawain sa labas ng Bahay ng Diyos; 17 si Matanias, na anak ni Mika at apo ni Zabdi, na anak naman ni Asaf, na nanguna sa mga himno, at sa pananalangin; si Bakbukias, ang pangalawang-pinuno; si Obadias, na anak ni Samua, na apo ni Kalai, na anak naman ni Yedutum. 18 Kabuuan ng mga Levita sa banal na lunsod: 284.

19 Ang mga bantay-pinto: sina Akub at Talmon at ang kanilang mga kamag-anak na nagtatanod sa mga pintuan: 172.

20 At nakakalat sa lahat ng bayan ng Juda ang iba pang mga Israelita, mga pari at Levita, sa kani-kanilang lupang minana, 25 sa nayong nasa kabukiran nila.

21 Naninirahan sa Ofel ang mga ibinigay; namamahala sa kanila sina Ziha at Gizpa. 22 Ang puno ng mga Levita sa Jerusalem ay si Uzi, na anak ni Bani; ang kanyang mga ninuno: Hasabias, Matanias, Mika, na mula sa angkan ni Asaf na isa sa mga mang-aawit sa Bahay ng Diyos; 23 ibinigay ng hari ang isang utos at mga alituntunin tungkol sa mga mang-aawit sa Templo sa bawat araw. 24 Si Petaya, na anak ni Mesezabel, na kabilang sa angkan ni Zera at ng tribu ng Juda, ang kinatawan ng hari sa lahat ng bagay na may kinalaman sa bayan.

25b May mga taga-Juda na nanirahan sa Kiryatarba at sa mga karatig na bayan, sa Dibon at sa mga karatig-bayan, sa Yekabzel at mga karatig-bayan, sa Yesua, Molada, Bet-pelet, 27 Hazar-sual, sa Beerseba at mga nayon nito, 28 sa Ziklag, sa Mekona at mga nayon nito, 29 sa Enrimon, Zora, Yarmut, 30 Zanoa, Adullam, at sa mga nayon nito, sa Lakis at sa karatig-nayon, sa Aseka at sa mga nayon nito. Nanirahan sila mula sa Beerseba hanggang sa Lambak ng Hinom.

31 May mga taga-Benjamin na nanirahan sa Geba, Mikmas, Hai, sa Betel at sa mga nayon nito, 32 sa Anatot, Nob, Ananias, 33 sa Hazor, Rama, Gitaim, 34 Hadid, Zeboim, Neballat, 35 Lod at Ono, at sa Lambak ng mga Panday.

36 At nanirahan sa Benjamin ang ilang Levitang taga-Juda.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Nehemiah | Leave a comment

Nehemiah 10

Mga pangako ng pamayanan

10 • 1 Dahil dito, gumawa kami ng isang nasusulat na pangako na tinatakan ng aming mga pinuno, mga Levita at mga pari.

2 Lumagda si Nehemias, anak ni.Hekalias na anak ni Sedekias; 3 sina Seraya, Azarias, Jeremias, 4 Pasur, Amarias, Malkias, 5 Hatus, Sebanias, Maluk, 6 Harim, Meremot, Obadias, 7 Daniel, Gineton, Baruk, 8 Mesullam, Abias, Miyamin, 9 Maazias, Bilgai, Semaya: ito ang mga pari.

10 At ang mga Levita naman: si Yesua, na anak ni Azenias, si Binui mula sa angkan ni Henadad, si Kadmiel, 11 at ang kanilang mga kamag-anak na sina Sebanias, Hodavias, Kelita, Pelaya, Hanan, 12 Mika, Rehob, Hasabias, 13 Zakur, Serebias, Sebanias, 14 Hodias, Bani at Kenani.

15 Ang mga pinuno ng bayan: sina Paros, Pahatmoab, Elam, Zatu, Bani, 16 Buni, Azgad, Bebai, 17 Adonias, Bigvai, Adin, 18 Ater, Ezekias, Azur, 19 Hodias, Asum, Bezai, 20 Harip, Anatot, Nebai, 21 Magpias, Mesullam, Hesir, 22 Mesezabel, Zadok, Yadua, 23 Pelatias, Hanan, Anaias, 24 Hosea, Hananias, Hasub, 25 Halohes, Pilhas, Sobek, 26 Rehum, Hasabna, Maasias, 27 Ahias, Hanan, Anan, 28 Maluk, Harim at Baana.

29 At ang iba pang mga tao, ang mga pari at ang mga Levita, ang mga bantay-pinto, mga mang-aawit, mga ibinigay at lahat ng humiwalay sa mga lahi ng lupain upang sundin ang Batas ng Diyos, pati ang kanilang mga asawa at ang kanilang mga anak na lalaki at babae na may kakayahan upang maunawaan ito. 30 Sumasama ang mga ito sa kanilang mga kapatid na pinuno na nangako nang may sumpa na mamumuhay ayon sa Batas ng Diyos na itinakda sa pamamagitan ni Moises, ang lingkod ng Diyos, upang sundin at tuparin ang mga alintuntunin ni Yaweng aming Diyos, gayundin ang kanyang mga tuntunin at batas.

31 Ipinasiya naming huwag ipakasal ang aming mga anak na dalaga sa kalalakihan ng lupain, o ang kanilang mga anak na dalaga sa aming mga anak na lalaki. 32 Hindi kami bibili ng anuman sa Araw ng Pamamahinga o sa banal na kapistahan sa mga tao ng lupain na nagdadala ng paninda o pagkain na ititinda sa Araw ng Pamamahinga. Sa ikapitong taon iiwan naming hindi nabubungkal ang mga bukirin, at ipatatawad ang lahat ng utang sa amin.

33 Nangako kaming magbibigay taun-taon ng isang ikatlong bahagi ng isang siklo para sa paglilingkod sa Bahay ni Yawe, 34 sa tinapay para sa walang-katapusang handog, sa handog sa Araw ng Pamamahinga, sa Bagong Buwan, sa mga kapistahan at sa iba pang handog, sa hain para sa kasalanan para patawarin ang Israel at sa lahat ng pangangailangan sa Bahay ng Diyos.

35 Nagkaroon ng palabunutan sa mga pari, Levita at sa lahat ng tao tungkol sa pagdadala ng kahoy na panggatong. Dadalhin ito sa Bahay ni Yawe ng bawat sambahayan taun-taon sa takdang panahon upang sunugin sa altar ni Yaweng aming Diyos, ayon sa nasusulat sa Batas.

36 Dadalhin namin taun-taon ang mga unang ani sa aming bukirin at sa mga punungkahoy sa Bahay ni Yawe, 37 pati ang aming mga panganay na lalaki at ang mga panganay ng aming mga hayop, ayon sa nasusulat sa Batas – ang mga panganay ng aming mga baka at tupa – ilalaan namin ang mga ito sa Bahay ni Yawe, sa mga paring naglilingkod sa Bahay ng aming Diyos. 38 Dadalhin namin sa mga pari sa mga silid sa Bahay ng aming Diyos ang pinakamahusay sa aming mga butil, ang bunga ng bawat punungkahoy, ang alak at langis; at sa mga Levita naman ang ikasampu mula sa mga bukirin. Ang mga Levita na rin ang lilikom ng ikasampung bahagi mula sa mga bayang sakahan.

39 Ang isang pari, na anak ni Aaron, ang sasama sa kanila upang likumin ang ikasampu. At dadalhin ng mga Levita ang ikasampu ng ikasampu sa mga taguang-silid sa Bahay ng Diyos na mga kabang-yamang silid. 40 Doon dadalhin ng mga Israelita at Levita ang mga utang nilang trigo, alak at langis. Naroon ang mga kailangan sa Templo, para sa mga naglilingkod na pari, mga bantay-pinto at mga mang-aawit.

Sa gayon, hindi na namin pababayaan ang Bahay ng aming Diyos.

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Novum Testamentum | Leave a comment

Nehemiah 9

Inamin ng mga Israelita ang kanilang mga kasalanan

• 1 Nagtipun-tipon ang mga Israelita sa ikadalawampu’t apat na araw ng buwan ding iyon upang mag-ayuno. Nagsuot sila ng sako at nagbudbod ng abo sa kanilang ulo. 2 Humiwalay ang lahi ng Israel sa lahat ng banyaga; tumindig sila at inamin ang kanilang mga kasalanan at ang kasalanan ng kanilang mga ninuno.

3 Nanatili silang nakatayo sa kanilang kinaroroonan nang tatlong oras at nagbasa mula sa Aklat ng Batas ni Yaweng kanilang Diyos. Tatlong oras din nilang inamin ang kanilang mga kasalanan at nagpatirapa kay Yaweng kanilang Diyos.

4 Nakatindig sa entablado ng mga Levita sina Jesua, Bani, Kadmiel, Sebanias, Buni, Serebias, Bani at Kenani, at malakas na tumawag kay Yaweng kanilang Diyos. 5 At sinabi ng mga Levitang sina Jesua, Bani, Kadmiel, Hasabnias, Serebias, Hodias, Sebanias at Petalias: “Tumindig tayo at magpuri kay Yawe, ang inyong Diyos, magpakailanman: Purihin ang iyong maluwalhating Pangalan na hindi mahihigitan ng anumang pagpapala at papuri.”

Panalangin ni Esdras

6 Sinabi ni Esdras: “Ikaw lamang, Yawe, ikaw lamang ang lumikha sa langit, sa langit ng mga langit, sa lahat ng bituin, sa lupa at lahat ng naroon, sa dagat at lahat ng naroon. Ikaw ang nagbigay ng buhay sa lahat, at sumasamba sa iyo ang lahat ng nasa langit.

7 Ikaw, Yawe, ang Diyos na humirang kay Abram; Ikaw ang nagpalabas sa kanya sa Ur ng Babilonia, at ibinigay sa kanya ang pangalang Abraham.

8 Natagpuan mong tapat ang kanyang puso at gumawa ka ng Tipan sa kanya upang ibigay sa kanyang mga inapo ang lupain ng mga Kananeo, Heteo, Amorreo, Perezeo, Yebuseo at Gergeseo. At tinupad mo ang iyong salita, sapagkat ikaw ay makatarungan.

9 Nakita mo ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Ehipto at dininig mo ang kanilang panawagan sa Dagat na Pula.

10 Gumawa ka ng mga babala at kababalaghan laban sa Paraon, sa kanyang mga pinuno at sa bayan ng kanyang lupain, sapagkat batid mong naging marahas sila sa amin, at tanyag ka pa rin hanggang sa panahong ito.

11 Hinati mo ang dagat sa harapan ng aming mga ninuno, pinatawid mo sila sa dagat nang hindi nabasa ang kanilang mga paa, at nilunod mo sa kalaliman ang mga humabol sa kanila, tulad ng bato sa malakas na agos.

12 Pinatnubayan mo sila sa pamamagitan ng haliging ulap kung araw, at ng haliging apoy kung gabi upang tanglawan ang landas na dapat nilang tahakin.

13 Bumaba ka sa Bundok Sinai at nakipag-usap sa kanila mula sa langit; pinagkalooban mo sila ng makatarungang tuntunin, mapagkakatiwalaang batas, pinakamabubuting alituntunin at utos.

14 Tinuruan mo silang tupdin ang banal na Araw ng Pamamahinga; pinagkalooban mo sila ng mga atas, alituntunin at ang Batas, sa pamamagitan ni Moises, ang iyong lingkod.

15 Pinadalhan mo sila ng tinapay mula sa langit nang magutom sila; pinabulwak mo ang tubig mula sa bato nang mauhaw sila, at inatasan mo silang pasukin at angkinin ang lupaing ipinangako mong ibibigay sa kanila.

16 Ngunit naging mapagmalaki at matigas ang ulo ng aming mga ninuno at hindi nila pinakinggan ang iyong mga utos.

17 Hindi nila pinakinggan o ginunita ang mga himalang ginawa mo para sa kanila. Pinatigas nila ang kanilang mga puso at ginusto nilang magbalik sa pagkaalipin sa Ehipto. Ngunit ikaw ang Diyos na mapagpatawad, maawain at mapagbigay, hindi madaling magalit at mayaman sa kagandahang-loob, kayat hindi mo sila pinabayaan,

18 maging nang gumawa sila ng binubong guya, at sinabi: ‘Ito ang iyong diyos, Israel, na naglabas sa iyo sa Ehipto.’ At hinamak at nilapastangan kanila.

19 Hindi mo sila tinalikuran sa disyerto, sa gitna ng iyong kabutihan; hindi mo inalis ang haliging ulap kung araw o ang haliging apoy kung gabi, upang tanglawan ang landas na dapat nilang tahakin.

20 Binigyan mo sila ng iyong mabuting espiritu upang maturuan sila; binigyan mo sila ng manna upang may makain, at tubig upang mapawi ang kanilang uhaw.

21 Apatnapung taon mo silang inalagaan sa disyerto at hindi sila kinapos sa anuman; hindi nasira ang kanilang kasuotan o namaga ang kanilang mga paa.

22 Binigyan mo sila ng mga kaharian at bansa; inilaan mo sa kanila ang karatig na lupain. Kinuha nila ang lupain ni Sehon, hari ng Hesbon, at ang lupain ni Og, na hari ng Basan.

23 Pinarami mo ang kanilang lahi, tulad sa mga bituin, at dinala mo sila sa lupaing ipinangako mo sa kanilang mga ninuno.

24 Pinasok at sinakop ng kanilang mga inapo ang lupain, at nilupig ang mga naninirahan sa Kanaan na pinasuko mo sa kanila, kasama ang mga hari at mga labi ng lupain, at pinabayaang gawin nila sa mga iyon ang nais nila.

25 Pinasuko nila ang mga napapaderang lunsod at ang lupaing mataba, sinakop ang mga bahay na puno ng yaman, mga balong bagong-hukay, mga ubasan at taniman ng olibo at mga punungkahoy na hitik sa lahat ng klase ng bunga. Kumain sila, nasiyahan at nagsitaba at namuhay silang maginhawa dahil sa iyong kagandahang loob.

26 Ngunit naging matigas ang kanilang ulo at naghimagsik sila laban sa iyo. Tinalikuran nila ang iyong Batas, pinatay ang mga propeta na isinugo mo upang himukin silang magbalik-loob sa iyo, at labis silang nagkasala laban sa iyo.

27 Ipinaubaya mo sila sa kanilang mga kaaway at nilupig sila. Nanawagan sila sa iyo sa gitna ng kanilang paghihirap, at pinakinggan mo sila mula sa langit, at dahil sa iyong matinding habag, nagsugo ka ng mga tagapaglitas upang palayain sila sa mga nagpapahirap sa kanila.

28 Ngunit nang natatahimik na sila, nagkasala silang muli laban sa iyo, at inihulog mo sila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway na nagpahirap sa kanila. Minsan pa silang tumawag sa iyo at pinakinggan mo sila mula sa langit, at dahil sa iyong kabutihan, paulit-ulit mo silang iniligtas.

29 Pinagsabihan mo silang magbalik sa iyong Batas, ngunit labis ang kanilang kapalaluan, at hindi sila nakinig sa iyong mga utos at alituntunin. Hindi nila ginawa kung ano ang nararapat na gawin ng tao upang mabuhay. Tumalikod sila sa iyo at hindi ka nila pinakinggan dahil sa katigasan ng kanilang ulo.

30 Maraming taon mo silang pinagtiyagaan. Pinagsabihan sila ng iyong espiritu sa pamamagitan ng iyong mga propeta; ngunit hindi sila nakinig.

At saka ipinagkaloob mo sila sa kapangyarihan ng ibang bansa. 31 Ngunit dahil sa iyong kabutihan, hindi mo rin pinahintulutang malipol sila; hindi mo sila pinabayaan, sapagkat ikaw ay Diyos ng kabutihan at awa.

32 At ngayon, aming Diyos na dakila, makapangyarihan at nakatatakot naming Diyos na tapat sa iyong tipan at pag-ibig, isaalang-alang mo ang paghihirap na lumukob sa amin, sa aming mga hari at pinuno, mga pari at propeta, sa aming mga ninuno at sa buong bayan mo sapul pa sa kapanahunan ng mga hari ng Asiria hanggang sa mga araw na ito.

33 Naging makatarungan ka sa lahat ng sumapit sa amin, sapagkat gumawa ka nang buong-tapat, ngunit nagkasala kami.

34 Hindi isinagawa ang iyong Batas ng aming mga hari at pinuno, ng aming mga pari at mga ninuno; hindi nila pinakinggan ang iyong mga utos at ang mga pahayag na ginawa mo sa kanila.

35 Nang nasa kanilang kaharian sila na taglay ang kasaganaang nagmula sa iyo sa mataba at malawak na lupaing inihanda mo para sa kanila, hindi sila naglingkod sa iyo o nagsisi sa kanilang mga kasalanan.

36 At ngayon, mga alipin kami, mga alipin sa lupaing ibinigay mo sa aming mga ninuno para tamasahin ang mga bunga at yaman nito.

37 Ang mga masaganang bunga ng lupain ay nauuwi sa mga haring pinalupig mo sa amin dahil sa aming mga pagkakasala. Ginagawa nila sa amin at sa aming mga hayop ang anumang maibigan nila, at dahil dito’y nabubuhay kami sa gitna ng matinding paghihirap.”

May 30, 2007 Posted by | Biblia ng Sambayanang Pilipino, Lumang Tipan, Nehemiah | Leave a comment